Chapter 12
Matagal akong nanatili sa loob ng kwarto. Kung hindi pa ako kukulitin ni Manang Yeta na kumain na ng tanghalian ay hindi pa ako mapipilitang bumaba sa dining area. Ngunit bago iyon ay sinubukan ko munang takpan ng makeup ang matinding pamumugto ng aking mga mata pero napabuga na lang ako ng marahas na hangin nang mapagtantong kahit anong pagtago ay mahahalata pa rin ito.
“Ano ka ba namang bata ka? Hindi nyo na nga kinain ang niluto ko kagabi, hindi ka rin nag-almusal tapos ngayon hindi ka pa rin kakain?” panenermon niya habang inilalatag sa harapan ko ang napakaraming ulam.
Siya na rin ang nagsandok ng kanin at talagang pinuno pa niya ang aking pinggan. Hinawakan ko ang braso niya para pagilan.
“Manang, tama na po. Kaunti lang po ang kakainin ko. Busog pa po ako,” pagsisinungaling ko, dahilan para umingos siya at panlisikan ako ng tingin.
“Ija, paano ka mabubusog kung kagabi ka pa hindi kumakain? Hindi mo mabibilog ang ulo ko, Chantria. Anong akala mo sa ’kin, pinanganak kahapon?”
Natutop ko ang aking bibig at napalunok nang matindi sa takot. Pinandilatan niya ako ng mga mata at muling nagpatuloy sa pag-aasikaso sa akin. Hindi pa rin siya natigil sa panenermon.
“Kumain kang mabuti. Ayaw kong mapagalitan na naman ako ng asawa mo dahil nalipasan ka na naman ng gutom. Siguro’y iniisip n’on na pinapabayaan kita,” litanya niya habang nagsasalin naman ng juice sa baso.
Salubong ang kilay kong nagtaas ng tingin kay Manang Yeta, naguguluhan at nagtataka sa huling sinabi niya. “P-Po? Tumawag si Aziel sa inyo?”
Sumulyap siya saglit sa akin bago tumango. “Oo, galit na galit nga sa akin noong sinabi kong hindi ka pa lumalabas ng kwarto at hindi ka pa rin kumakain. Ang sabi pa’y huwag ko raw sasabihin sa iyo na kinumusta ka niya sa akin. . .” Tumigil siya sa pagsasalita at nakapamewang na hinarap ako. “Chantria, aminin mo nga, nag-away ba kayong mag-asawa?”
Kung alam mo lang, Manang Yeta.
Akmang ibubuka ko pa lamang ang aking bibig para sumagot nang maunahan niya ulit ako at bantaan. “Huwag na huwag mong itatanggi. Ayan pa ang namumugto mong mga mata bilang ebidensya.”
Natawa ako sa paghihisterikal niya. Tumayo ako at marahang lumapit sa kaniya. Hinawakan ko ang kaniyang parehong kamay para patigilin siya sa panenermon. Baka mamaya’y atakihin pa siya ng highblood at maging kasalanan ko pa. Kung ano ang ikinalamig ng ulo niya kahapon ay siya namang ikinainit nito ngayon.
“Manang Yeta, kumalma ka. Okay lang po kami ni Aziel.” Nagawa ko pang ngumiti nang malawak at natural sa kaniya kumbisihin siya. “Nagkaroon lang po kami ng kaunting pagtatalo at hindi pagkakasunduan. Pareho lang po kaming nagpapalamig ng ulo pero hayaan nyo po’t pag-uwi na pag-uwi ni Aziel ay mag-uusap na ulit kaming dalawa,” pangungumbisi ko pa.
“G-Gan’on ba?” Dahan-dahan siyang tumango. Naniningkit ang mga mata niya sa akin at naroon pa rin ang pagdududa. “Ang batang iyon! Hindi dapat siya umaalis nang may pagtatalo pa kayong dalawa. Dapat ayusin muna ninyo iyon. Mas mahalaga ang pagsasama nyong mag-asawa kaysa sa trabaho.” Umiling-iling siya na tila ba dismayado sa mga pinaggagawa namin sa buhay.
“Hayaan mo’t pagsasabihan ko rin iyang si Aziel. Baka mamaya’y masiyado nang abala sa trabaho at napapabayaan ka na rin. Hindi tama iyon.”
Napapikit ako nang suklayin niya ang aking buhok gamit kaniyang mga daliri. Tipid akong tumango at hindi na dinugtungan pa ang sinasabi niya.
Sa totoo lamang ay malaya naman akong sabihin kay Manang Yeta ang totoong estado ng pagsasama namin ni Aziel. Hindi na siya iba sa mga Navarro at parang anak na rin kung ituring niya ang asawa ko.
Pero sa tuwing naiisip kong gawin iyon ay ako na rin ang pumipigil sa aking sarili. Hindi ko maatim at makayang sirain ang pangalan at reputasyon ni Aziel. Perpekto siyang anak, kapatid at tao sa paningin ng iba. Ayos na siguro iyon kahit na para sa akin ay hindi siya nagiging mabuting asawa.
Pagkatapos kumain ay nagpasya akong libangin ang sarili sa pagdidilig ng mga halaman sa garden. Si Manang Yeta naman ay naglalaba ng mga damit. Ngayon ko lang napansin ang tatlong lalaking nakatayo lamang sa may bukana ng pinto.
Seryosong-seryoso ang kanilang mukha at hindi man lang kumikibo. Sila siguro iyong sinasabi ni Aziel na mga bodyguard?
Nakaitim na polo sila na ang manggas ay hanggang braso lang. Mayroon iyong bulsa sa may kaliwang dibdib at sa kanan naman ay ang parang name plate nila. Lumapit ako sa kanila at nakangiting naglahad ng kamay. Inuna ko iyong kalbo na pandak.
“Hi, I’m Chantria. Ikinagagalak kong makilala kayo.”
Lumingon siya sa ibang kasamahan na parang bang nanghihingi ng permiso. Umiling naman ang pangalawang lalaki, dahilan para mabitin lamang sa ere ang aking palad.
“Kami po ang ABC, Ma’am. Ako po si Bogart at iyong dalawang kasama ko naman po sina Alberto at Carding. Ikinagagalak din po naming makilala kayo, Mrs. Navarro,” seryosong tugon ng isa, nanatili ang kanilang titig diretso sa puting pader.
Unti-unting nawala ang ngisi sa aking labi at napapahiyang ibinaba ang kamay. Bakit hindi sila tumitingin sa akin? Para lang silang mga robot. Hindi ba sila nahihirapan?
“P-Puwede po kayong umupo. Mahirap po ang ganiyang nakatayo lang kayo.” Pagmamagandang loob ko pa pero wala akong nakuha ni isang sagot.
Sinubukan kong sundutin ang tagiliran nilang lahat para siguraduhin kung totoong tao ba talaga sila. Humagikhik ako nang hindi pa rin sila gumagalaw. Umangat muli ang kamay ko para pingutin ang tainga nila pero wala pa rin akong nakuhang reaksyon.
Gan’on ba talaga kahirap ang trabaho nila o marahil ay inutusan din sila ni Aziel na huwag akong pansinin?
Ipinilig ko ang aking ulo sa naisip. Bakit naman niya gagawin iyon, Chantria? Sa tingin mo ba’y natatakot si Aziel na mayroong tumitingin sa iyong iba? Ang assuming naman!
Umalis na lang ako roon at tumambay sa veranda para doon magbasa at pag-aralan ang pasikot-sikot sa aming mga negosyo at maging sa kompanya.
Sa sobrang pagkalibang ay hindi ko namalayan na nag-aagaw na pala ang dilim at liwanag sa kalangitan. Ang kaninang tirik na tirik na araw ay napalitan na ng napakaraming bituin at bilog na buwan. Bahagya kong niyakap ang sarili nang humampas at manuot ang malamig na simoy ng hangin na humahampas sa akin.
Niligpit ko ang mga papel, libro at laptop. Nagpasya na akong bumalik sa loob ng bahay pero hindi pa man tuluyang nakakaisang hakbang ay napalingon ako sa gate nang buksan iyon ng dalawang bodyguard. Kumunot ang aking noo habang pinapanood ang pagpasok ng isang hindi pamilyar na itim na BMW. Bumusina iyon bilang pasasalamat siguro.
“Sino ’yan, Manang Yeta? Kilala mo po?” kinakabahan kong tanong nang lumabas ang ginang at nagmamadaling sinalubong ang bagong dating.
“Ay, Chantria! Nariyan na pala ang anak ko! Magpapasundo sana ako pero katatawag lang ni Aziel na kung puwede ay huwag muna akong umuwi at samahan kita rito habang wala siya.”
Nilingon ko siya at inilingan bilang hindi pagsang-ayon sa sinabi niya. “Manang, hindi na po. Kaya ko na po ang sarili ko. At saka isa pa, narito na pala ang anak nyo. Sayang naman kung–”
“Hay naku, Chantria! Ayos lang naman na rito muna ako. Aalis din naman kasi iyang si Louie pagkahatid sa akin dahil susunod iyan kay Aziel sa Baguio. Kaya tama na rin na habang wala sila ay tayo na lang muna ang magkasama,” paliwanag niya habang pareho naming inaabangan ang pagbaba sa kotse ng kaniyang anak. “At tiyak na magagalit din sa akin si Aziel kapag hindi ko sinunod ang bilan niya at hinayaan kitang mag-isa rito. . .” dagdag pa niya.
“I don’t think so,” pabulong kong tugon na batid kong hindi niya naintindihan. Nagsulubong kasi ang kaniyang kilay at balak pa sanang mang-usisa kung hindi lang namin narinig ang papalapit na yabag.
“Halika, Ija. Ipapakilala kita sa anak ko!” Hindi na ako nakatanggi pa nang hilahin niya ang aking kamay at igiya palapit sa lalaki.
Nagtama ang paningin namin ng kaniyang anak. Pasimple ko siyang pinasadahan ng tingin mula ulo hanggang pa.
“Chantria, ito nga pala ang anak kong si Louie. Jiel Louie Almendras,” ngiting-ngiting ani Manang Yeta. Kasunod naman niyang binalingan ang anak. “Louie, ito naman si Chantria Saavedra Navarro. Ang asawa ng matalik mong kaibigan.”
Halos masilaw ako sa tamis ng ngiti ni Louie at kulang na nga lang ay mabura ang kaniyang singkit na mga mata dahil doon. Bahagya siyang yumuko bilang pagbibigay galang bago ilahad ang kamay sa akin.
“Great to finally meet you, Chantria. I’ve been hearing a lot about you.” Magaan at mahinahon ang kaniyang boses, salungat sa kung ano mang tikas at laki ng kaniyang katawan.
“I hope it’s all good and positive. By the way, nice meeting you too, Louie.” Tinanggap ko ang nakalahad niyang palad.
Ako na rin ang unang kumalas nang mapagtantong parang wala siyang balak na ako’y bitawan.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro