Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 4

Missing Bodies
Written by: XenontheReaper
- - -

Matapos ang information dissemination kanina ay tumigil muna kami sa saglit para maghanda sa 'ming lunch.
Ayon sa kanila'y magbe-break muna kami dahil sa nakakabaliw na't nakakatuyo na ng utak ang ginawa namin kanina.

Napagpasiyahan naming magtulungan sa paghahanda't pagluluto kesa sa bumili, gusto raw nilang magsaya't mag-bonding kahit saglit lang. Wala namang masaya sa pagluluto pero para sa kanila'y malaking bagay na 'to sa 'ming grupo na palaging busy sa pagta-track at paghahanap ng kriminal.

Abalang-abala ako sa paghahanda ng buko juice namin kasama sina Charice at Kezel; si Kezel ang tagabiyak o tagabalat ng buko, ako 'yong tagabuhos ng juice at taga-tanggal ng laman ng buko para ihalo. At si Charice nama'y tagahalo't tagatimpla ng aming juice.

Sa kabilang dako nama'y nandoon ang pangkat ng kalalakihang nag-iihaw ng buong manok; sina Wreen, Jimmy, Ivan at Marcus. At sina Bella at Emily ay nagsasaing naman ng kanin.

Napalingon ako kay Kezel nang bigla itong magsalita. "Okay na 'yong timpla niya," komento niya matapos tikman 'yong hinanda naming juice, "tara dalhin na natin ito roon."

"Kayo na magdala, ako na ang bahalang maglinis dito." Sabi ko't hinayaan silang buhatin 'yong jug para dalhin sa mesa.

Ako nama'y itinuon na ang sarili sa pagpulot ng ilang balat ng buko. Pinagpatong-patong ko ito sa 'king kaliwang kamay at dinala sa likod ng campsite na at itinapon ito sa hukay naming ginawa. Matapos itong matapon ay bumalik kaagad ako.

Saktong pagbalik ko'y kakatapos lang din ng mga kalalakihan sa pag-iihaw. Nakalatag na rin sa mesa namin ang ilang dahon ng saging na mistulang ginawang pinggan. Batid kong magpi-pyesta kami sa pananghaliang ito.

"Ang bango naman!" Sigaw kong pagpuri sa kanila nang maamoy ang napakabangong amoy no'ng inihaw nilang manok.

Kahit na medyo nangingitim ang ilang parte ng balat nito dulot ng apoy ay napakasarap pa rin. Lalo na no'ng binuksan na nila't pinatambad ang masarap nitong laman sa loob.

"Halika na Eurie, kain na tayo." Hindi na ako nag-atubili pa't agad silang dinaluhan.

Hindi maitatangging tuwang-tuwa nga ang lahat sa aming munting salo-salo. Sa likod ng problemang kinakaharap ay nagawa namin itong kalimutan kahit saglit lang at bigyan ng pagkakataon ang sarili na magsaya saglit.

Hindi halata ang aming mga edad sa pinaggagawa namin. Ito 'yong pagkakataon na para bang bumalik kami ulit sa pagiging bata dahil sa bangayan, sigawan, tawanan namin habang kumakain. Hindi rin nawawala 'yong subuan na palaging pinagkakatuwaan ng grupo tuwing may ganitong uri ng salo-salo.

"Sir Roy, subuan mo na si Ma'am Ria!" Request ni Emily.

"Sige na!"

Nagkatitigan at ngumiti lang sina Ma'am at Sir sa isa't-isa tsaka na sinubuan si Sir ang asawa nito. Ang buong akala ko'y matatapos na ang lahat ng 'subuan' sa grupo nang biglang sumigaw si Marcus.
"Hoy Wreen subuan mo na si Eurie!" Sigaw ni Marcus na kanina pa walang humpay sa pagtawa na nasundan ng hiyawan.

Pinagdilatan ko si Marcus pero mas lalong naghiyawan ang lahat na may halong palakpakan. Saglit kaming nagkatingan at binigyan ko siya ng reaksyong 'ayoko', siya nama'y walang nagawa kung hindi ang maghintay sa maaaring hatol.

"Itigil n'yo na 'yan," biglang sabat ni Lucas sa usapan, "ikakasal na 'yang si Wreen."

Biglang naestatwa ang lahat dala ng pagkagulat at napako lamang ang tingin kay Wreen na nakayuko lang, maliban nga kay Lucas na patuloy lamang sa pagkain. Lahat ng mga mata namin ay nagtatanong at humihingi ng kumpirmasyon sa nakakapigil-hiningang rebelasyon mula kay Wreen.

Ano 'to? Totoo ba?!

"So-sorry guys dahil sa hindi ko agad sinabi sa inyo." Paghingi niya ng paumanhin. "To-totoo 'yon, ik-ikakasal na ako."

Fvck!

Matapos maipahayag ni Wreen ang huling salita niya'y nagkagulo ang lahat at dinumog siya ng yakap at pinaulanan ng congrats, maliban nga lang sa 'min ni Lucas. Wala kasi akong imik at naiwang nakatayo sa pwesto ko.

Ang bilis naman.

Gusto kong matuwa, gusto kong pumatay. Halos hindi ko mawari kung ano itong totoong nararamdaman ko sa mga oras na 'to dahil sa nagkahalo-halo na ang lahat ng emosyon ko.

Natutuwa ako, bilang isang kaibigan ay ikinagagalak kong marinig na nandiyan na 'yong taong para sa kaniya talaga at mabibigkis na sila't 'di na magkakahiwalay pa. Ngunit, 'di ko kayang alisin 'yong galit sa 'king katawan dulot ng katotohanang ang bilis lang talaga.

No'ng nakaraang buwan ang saya-saya pa naming dalawa bilang magkasintahan, bigla nga lang nagkagulo dulot ng pangangaliwa niya't ginawa pang kalaguyo ang kaibigan ko. 'Yon pa lang ay ang hirap nang lunukin, sobrang-sobra na 'yong sakit niyang isinampal sa 'kin.

At kung minamalas nga nama'y karagdagan na naman.

Ni hindi pa nag-iisang buwan magmula no'ng nagkahiwalay kami at lalong hindi pa naghihilom 'yong sugat kong iniinda, may pa-bonus pa siya ngayon at isang punyal na balita na naman ang itinarak niya sa dibdib ko.

Hindi ko na kaya pa.

Habang nagkakatuwaan pa sila para kay Wreen ay nagpaalam ako saglit kay Lucas para gumamit ng C.R., alam kong hindi siya tanga para 'di malaman ang nararamdaman ko kaya hinayaan niya lang akong iwan muna saglit sila para pagaanin ang loob ko.

Pagkatalikod ko pa lang sa kanila'y butil na ng luha agad ang tumakas sa mga mata ko at nasundan pa ito't nasundan pa.

Imbes na C.R. magtungo ay lumabas ako ng campsite na walang nakakaalam, pati ako'y walang kamalay-malay dahil sa hinahayaan ko na lang ang aking sariling mapunta kung saan.

Para akong patay na isda na sumasabay lamang sa agos ng tubig.

Bakit ang sakit?

Alam kong wala akong karapatang umakto ng ganito pero hindi ko talaga kayang isantabi 'yong sakit na nadarama. Ayoko rin namang maipagplastikan sa kanila't hahalo ako ro'n, tatawa at sasabihing natutuwa ako para sa kasal niya.

Ang sakit lang talaga na malaman mong ikakasal na siya. Para bang sa sitwasyon namin ay 'di man lang siya naawa sa 'kin. Una, niloko niya ako, ngayon na naman may pasabog pa siya. Wasak na wasak na ako.

Hindi ko alam kung bakit nahulog ang loob ko sa taong 'yon noon, dahil kung alam ko lang talaga na gano'n ang ugali niya at ito ang kahihinatnan ay sana pinigilan ko na ang sarili ko no'n na mahulog sa kaniya.

Napaupo ako sa isang ugat nakausli at isinandal ang sarili sa katawan ng puno. Sa pagpikit ko'y bumaha lahat ng alaala namin at bumuhos uli ang luha ko.

Paano na lang kaya kung 'di ko siya binitawan? Paano na lang kaya kung ipinaglaban ko ang aking karapatan?

Maaari sigurong magkasama pa kami ngayon. Hindi siguro kami magkakahiwalay at masaya siguro kami na lumulutas ng mistery---

"Sino 'yan?!" Napatayo ako bigla nang may marinig na kaluskos mula kung saan.

Maingat kong kinuha ang aking radyo't pati na rin ang aking baril na nakasukbit sa 'king holster. Nakakatawa pero ang sagwa no'ng nagsesenti ka tapos bigla na lang magbabago 'yong emosyon mo. Bigla na lang kasi akong tumapang. Pinahid ko ang ilang luha sa 'king pisngi't masusing pinag-aralan ang paligid.

Maaaring ito na nga.

Kung hindi ito mabangis na hayop o mangangaso malamang ito na ang halimaw na nasa likod ng pagkawala ng ilang tao rito.

Kung saan-saan ko na lang itinututok ang baril, alisto sa pagkakataong bigla na lang siyang lilitaw at susunggaban ako.

Gusto kong tumawag ng tulong pero ayokong sirain ang saya nila ro'n at baka na rin hayop lang nga ito't may masabi pa silang mali sa 'kin dala ng pagkakaabala ko sa kanila.

Muling natahimik at nawala ang kaluskos. Nagbilang ako ng sampu at napagtanto kong may tao nga.

May iba akong kasama.

Dahil kung hayop lang 'yan, magpapatuloy ang kaluskos lalo na't inosenti lamang siya't walang kaalam-alam, pero tumigil ito. Ibig sabihin, alam niyang natunugan ko ang presensya niya at ngayo'y nag-iingat din siya't nagtatago.

"Kung sino ka man, hinahamon kitang lumabas diyan at harapin ako," hindi ko alam kung saan ko nahugot ang aking lakas-loob at nagawa kong sabihin 'yon, "harapin mo ko kung matapang ka----AHH!"

Nadapa ako't napaluhod nang biglang makadama ng hapdi sa sariling balikat. Walang tigil ako sa pagdaing lalo na nang madiskubrehang may malaking hiwa ang aking kanang balikat--- napunit ang manggas ng damit ko't grabe ang pagdurugo nito.

Muling kumaluskos kaya pinagbababaril ang direksyon ng pinagmulan ng kung anong dumaplis sa 'kin at kung saang direksyon ko narinig ang kaluskos.

Wala na akong pakialam pa kung may matatamaang iba basta't makaganti lang ako. Para bang naibunton ko ang lahat sa kung sino mang may gawa no'n ang galit na nadarama ko.

At ang sarap sa pakiramdam.

Natigil na ako sa pagbabaril nang biglang nag-static ang radyo ko. "Eurie nasaan ka?! Anong nangyari!?" Rinig kong tawag sa 'kin ni Lucas, bakas ang takot at paglabahal sa boses niya.
"Hindi ko alam kung nasaan ako." Sagot ko't maingat pa rin sa pagbabantay ng maaaring atake sa paligid. "Okay lang ako, over."

"GPS Eurie, over." Request niya.
"Copy." At ini-on ko ang aking GPS na nakadikit sa 'king batok. Lahat kami'y may ganito para madali lang i-track sa panahong ganito.

"Hintayin mo kami, over"

"Copy."

...

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro