Kabanata Walo [3]
Nang humandusay sa sahig si Clifford at dumadaing sa sakit ng kaniyang limang bagsak o hampas ay dali-dali niyang hinagis sa tabi ang tubo at saka mabilis na tumakbo palabas ng silid, tinalunan niya lang ang pilit na bumabangong katawan nito at saka binaybay ang kaliwang bahagi. Kahit nakapaa lang ay tinahak niya ang kahabaan ng pasilyo na napakalamig para sa kaniyang paa, paika-ika man at bahagyang nakakaramdam ng hilo at hindi siya tumigil at mas binilisan pa ang takbo patungo sa dulo kung saan nag-aabang ang elevator. Labis mang nagtataka kung saan napunta ang kaniyang ina ay naisip niyang hindi na ito importante pa, hangga't wala ito sa loob kaniyang silid at wala rin siya roon ay magiging ligtas silang dalawa, ang kailangan niya lang ay humingi ng saklolo upang madakip ang lalakeng nagtatangka na naman sa kaniyang buhay.
"Tulong!" buong-lakas niyang sigaw na umalingawngaw sa pasilyo kasabay ng paghampas ng mga nadaraanang mga pinto, umaasang may magbubukas nito at tutulong sa kaniya, "Tulong!" sigaw niya at sandaling nilingon ang kaniyang pinagmulan.
At laking-gimbal niya nang lumabas doon si Clifford na hindi na suot-suot pa ang unipormeng pangdoktor: duguan ito at napahagulhol na lang siya nang masindak sa bitbit ng kanang kamay nito ang napugot na ulo ng kaniyang ina. Para siyang masisiraan na ng bait sa kakaiyak habang patuloy pa rin sa pagtakbo at panay sa paglingon, mula sa kaliwang kamay ng lalake ay hawak-hawak naman nito ang sulo na nababalot ng naglalagablab ang apoy. Hanggang sa biglang tumakbo ang lalake at matulin na sinusugod siya, kung kaya't mas binilisan pa niya ang malalaking hakbang upang mas pahabain ang distansyang mayroon sila. Ang bawat silid na nalalagpasan nito ay agad-agad na namamatay ang liwanag nang sunod-sunod na sumasabog ang mga bumbilya, animo'y hinahabol ng kadiliman ang lalake na nagbibigay ng kulay kahel na liwanag sa paligid.
Ilang saglit pa ay humahangos niyang narating ang elevator, walang-tigil naman niyang pinipindot ang buton nito sa labis na pangamba habang panay sa paglingon upang tantiyahin ang layong agwat nila ni Clifford. Saktong tumunog naman kaagad ito at bumukas para sa kaniya, kung kaya't dali-dali siyang kumilos at halos gapangin na ang sahig sa labis na pagkataranta. Nang makapasok siya ay malakas niyang pinindot lang ng buton na may nakasulat na numero uno, at napasandal na lang siya sa metal na dingding ng elevator habang pinapanood ang dahan-dahan nitong pagsara kalakip ang papalapit na lalakeng duguan sa gitna. Sa kabutihang-palad ay agad naman itong sumara bago pa nakapasok o naiharang ng lalake ang sariling katawan, sa kaligtasan niya ay malakas na lang siyang napabuga ng hangin at saka padausdos na napaupo sa sahig.
Marahas naman siyang napasabunot ng sariling mahabang buhok at saka isinigaw ang galit na namumuo sa kaniyang kaloob-looban, kalaunan ay niyakap na lang niya ang sariling mga binti habang pilit pinapakalma ang kaniyang panginginig at pusong napakalakas ng kabog. Walang-tigil pa rin ang kaniyang pag-iyak at pagtawag sa pangalan ng sariling ina nang paslangin ito ng lalake ngumangawa na siya sa tindi ng sakit at bigat ng damdamin at parang masisiraan na ng bait. Gulong-gulo na ang kaniyang isipan at hindi niya lubos matanggap ang mabilis na pangyayari.
"Eurie!"
At malakas siyang napadaing nang biglaang nahampas ang kaniyang ulo sa metal na dingding ng elevator matapos siyang mawalan ng balanse, huli na nang sa bilis ng pangyayari ay hindi niya napaghandaan ang mabilis na pag-atake sa kaniya. Sa pagdilat ng kaniyang mga mata ay para siyang tinamaan ng kidlat nang makita si Wreen na nakadagan at nakapatong sa kaniya, kitang-kita niya ang nakakakilabot at madungis na mukha nito kalakip ang kadenang nakakonekta pa rin sa metal na nakapulupot sa kaniyang leeg. Sa lapit ng distansya nila ay nasisinghot kaagad niya ang nakakasulasok na amoy ng katawan nito na umaalingasaw at nanunuot sa kaniyang ilong at lalamunan. Umupo ito sa kaniyang tiyan at pilit na pinipigilan ang kaniyang mga kamay na malikot, at dahil naman sa bigat nito ay nahihirapan siyang huminga at magsalita, kung kaya't buong-lakas siyang nagpumiglas at nanlaban upang alisin ito sa ibabaw, ngunit sinusuklian naman siya ng lalake ng marahas na atake kasabay ang pagsalag sa kaniyang sampal at suntok.
Hanggang sa isang hindi inaasahang atake nito ang nagpatigil sa kaniya, malakas siya nitong sinapak sa mukha at hilong-hilo naman siyang bumagsak sa malamig na sahig ng elevator na hanggang ngayon ay hindi pa rin bumubukas. Ramdam niya ang kirot sa gitna ng kaniyang mga mata na sandaling naghatid ng kadiliman sa kaniyang paningin, mabuti na lang at hindi siya nawalan ng malay at nagawa pang gisingin ang diwa. Ngunit bago pa man siya nakabawi ay namalayan na lang niya ang mabibigat na palad ng lalakeng kaliwa't kanan siyang sinasampal sa mukha, kasabay ng pagkalansing ng kadenang naririnig niya ay damang-dama naman niya ang malulutong na sampal na iginagawad nito na yumayanig sa kaniyang sistema.
Sa kaniyang biglaang panghihina ay hindi na siya nakapanlaban pa at humandusay na lang sa sahig, kahit gusto niyang manlaban at ipagtanggol ang sarili ay tinatanggihan naman siya ng sariling katawan. Wala siyang magawa kung hindi ang tanggapin at damhin ang walang-tigil na malalakas na sampal nito na hindi na niya mabilang kung ilan, hanggang sa kalaunan namanhid na lang ang kaniyang magkabilang pisngi sa labis na hapding nanunuot sa kaniyang laman.
"Eurie!"
At sa lakas ng sigaw nitong pagtawag ng pangalan niya na sa harap mismo ng kaniyang mukha ay para siyang nahulog sa malalim na bangin at hinihila ng grabidad; naramdaman kaagad niya ang bigat sa sariling leeg na sumasakal at nagpapahirap sa kaniya sa paghinga; at tuluyan na ring nangibabaw ang kirot mula sa kaniyang iba't ibang bahagi ng katawan na para bang binugbog siya ng ilang daang tao. Mariiin siyang napapikit upang indahin ang tindi ng sampal ni Wreen na walang humpay na ipinapatama sa kaniya, kasabay naman nito ay walang-tigil din ang pag-agos ng kaniyang mga luha na tanging nagagawa na lang niya ngayong hinang-hina na siya.
Hanggang sa kalaunan ay biglang gumaan ang kaniyang sikmurang nanhahapdi nang umalis ang lalake sa kaniyang ibabaw at gumapang papalayo, humahangos at humihikbi siyang humandusay sa malamig na sahig habang pilit na iniinda ang 'di mawaring sakit. Sinubukan niyang magmakaawa rito upang tulungan siya, ngunit purong daing na lang ang namumutawi sa bibig niya, nakapikit pa rin siya habang tinitiis ang sakit na lumulukob sa kaniyang katawan at namilipit sa sariling hinihigaan, at habang binibingi ang kaniyang tainga ng matinis na tunog na hatid ng mga sampal sa kanina ay nagulat siya sa lakas ng boses ni Wreen na sumigaw ng direkta sa kaliwang tainga niya.
"Eurie gumising ka na!"
At sa pagdilat ng kaniyang luhaang mga mata ay muling tumambad sa kaniyang paningin ang maalikabok at maruming lupa na nagkulay kahel dahil sa mga apoy ng mga nakahilerang sulo. Natagpuan niya kaagad ang sarili na nakahandusay sa lupa at napakadungis ng katawan, hanggang sa mapako ang kaniyang tingin sa lalakeng umiiyak at nakasandal lang sa batong pader ng mahabang lagusan.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro