Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata Walo [2]


WALANG-HUMPAY ANG pagbagsak ng luha ni Eurie nang panoorin niya ang bagong ipinahayag na balita sa malaking telebisyon ng kaniyang kinalalayang silid, titig na titig ang mga mata niya rito at parang pinupunit ang kaniyang puso nang masaksihan ang rescue unit na lumalabas muna sa kuweba. Wala siyang magawa kung hindi ang humagulhol na lang at ipagdasal ang kapayapaan nila, kung nasaan man sila ngayon ay umaasa siyang masaya na ito ngayong nabigyan niya ang mga ito ng hustisya sa pamamagitan ng pagbunyag sa mga otoridad ng karumal-dumal na krimeng nagaganap sa bayan. Dalawang araw na ang lumipas nang siya ay nakabalik sa kaniyang sariling lunsod at hindi pa rin naghihilom ang kaniyang mga pasa at sugat, lalong-lalo na ang bangungot niya sa mga karumal-dumal na karanasan na kahit pipikit lang siya babalik kaagad animo'y hindi pa talaga siya nakakaalis sa kuweba.

Habang nakahilata sa hospital bed ay pinanood na lang niya kung paano ilabas ng mga otoridad ang mga naninigas at kulu-kulubot na mga bangkay ng kaniyang mga kaibigan ang iilan pang mga bangkay na natagpuan sa loob na pawang pinreserba, hindi ito lantad na ipinakita sa balita at tinakpan ang mga mukha nito, ngunit batay sa mga hugis at laki ng pangangatawan ay alam niya kung sino-sino ito. Marami-raming bangkay rin na nakuha mula sa ilog at dahil sa purong buto na lang ito ay isinilid na lang ito muna sa sako at inilabas sa kuweba. Napakabigat ng kaniyang loob nang muling masilayan ang mga kaibigan niyang purong bangkay na lang, hindi niya lubos maisip ang paghihirap na dinaranas ngayon ng mga magulang nito na tiyak doble pa sa lungkot at pighati niya.

Ilang saglit pa ay huling inilabas sa kuweba ang naiibang bangkay sa lahat, labis ang kapayatan nito at napakarumi ng damit na suot-suot pa, at mahahalata naman sa mga otoridad na nakapaligid at ng mga naglabas nito na napakabaho nito. Sa lahat ng nasawi niyang kaibigan ay sa kaniya lang siya hindi nakaramdam ng lungkot, namatay nga si Wreen sa tindi ng gutom at uhaw, pero dahil sa hindi pa rin humuhupa ang kaniyang galit dito ay hindi talaga siya nakakaramdam ng pagsisi na iwanan ito, lalong hindi rin siya inuusig ng sariling konsensya. Para sa kaniya ay karapat-dapat lang ito sa lalakeng mas masahol at walang pinagkaiba kay Clifford.

Kalaunan ay ipinakita rin sa balita ang pagkakaaresto ng alkalde at ng anak nito, nang mapanood niya ang mga mukha nito ay agad siyang nakaramdam ng kaba nang muling naalala ang kahayupang gawa nito sa kaniyang mga kaibigan, lumakas ang tibok ng kaniyang puso kasabay ng panlalamig ng mga kamay at paa. Mistulang mga sirang plaka ang mga bangungot niya nang muli niya itong naririnig at naaalala ang mga kaganapan sa loob ng gubat at kuweba, kahit na alam niyang tapos na ang lahat ay hindi niya pa rin niya naiiwasang matakot. Patuloy lang siyang nanood hanggang sa masaksihan kung paano dinumog ang dalawang salarin ng napakaraming panauhin ng media, at bago sila tuluyang nakasakay sa patrol car ay nakita pa niya ang nakakakilabot na ngiti sa mga labi ni Clifford na nakuha sa video footage.

Napabuntong-hininga na lang siya at mabilis na pinatay ang telebisyon gamit ang remote, sa pangingibabaw ng katahimikan ay dahan-dahan naman siyang napaupo sa malambot na higaan at ibinaba ang namumutla niyang mga paa na tadtad ng pasa. Sa paglapat nito sa malamig na sahig ay napangiti na lang siya at tuluyang napatayo, kasabay ng kaniyang paghakbang ay hinila naman niya ang posteng tubo na de-gulong kung saan nakabitin ang kaniyang IV fluid. Maingat niyang binaybay ang malinis at puting sahig patungo sa banyo ng kaniyang silid, ilang hakbang lang ay narating na rin niya ang pinto nito at agad naman niyang inikot ang busol sabay tulak pabukas ng pinto.

Ngunit, bago pa man siya makahakbang papasok ay laking-gimbal niya nang makita ang lalakeng nakahandusay sa sahig na napakarumi at napakabaho ng amoy, agad siyang napasigaw at mabilis na napatakip ng ilong at bibig habang nanigas na lang sa kinatatayuan. Hindi niya lubos maintindihan ang sariling nadarama nang makita si Wreen na nakatali ng kadena sa ilalim lababo at naghihingalo na sa sariling buhay, may inuusal itong mga salita na hindi niya alam kung anong nais nitong ipahayag pero ang titig nito sa kaniya ay napakatalim, bagay na nakakapanindig-balahibo. Nanginig na lang siya sa takot habang walang-tigil sa pagbagsak ang kaniyang mga luha, hindi siya mapakali at nahirapan siyang huminga.

"Eurie? Anong problema."

Agad siyang napalingon nang biglang bumukas ang pintuan ng kaniyang pribadong silid, sa bungad ay naroon ang kaniyang ina na nag-aalalang nakatingin sa kaniya at may bitbit na supot na naglalaman ng pagkaing hiningi niya. Sa tanong nito ay muli niyang binalingan ng tingin ang kinahihimlayan ng lalake, ngunit laking-gulat niya nang mawala ito sa ilalim ng lababo at purong espasyo na lang ang naroon.

"A-Ah...wala po. M-May naalala lang ako." Sagot niya habang mabilis na pinapahid ang luha sa kaniyang mga mata gamit ang palad ng malayang kamay, saka malalim siyang napasinghap ng hangin upang pakalmahin ang sarili at saka pinilit na ngumiti sa harap ng ina.

"Gano'n ba? Iihi ka ba anak? Gusto mong samahan kita?" alok nito nang makapasok ang ginang at nailagay sa maliit na bedside table ng dala nito.

"Okay lang ho ako." Tanggi niya at pumasok na sa banyo.

"Talaga?"

"Opo." Aniya at tuluyan nang sinara ang pinto.

***

TAHIMIK LANG SIYA NA nakaupo sa malambot niyang higaan at nakasandal sa malamig na dingding, nakatitig lang ang mga mata niya sa telebisyon habang dahan-dahang nginunguya ang makatas at matamis na mansanas, habang katabi ang kaniyang ina na kagaya niyang nanonood lang ng palabas mula ay nakaramdam na siya ng ginhawa at kaligtasan. Maya't maya naman siyang binabalingan ng tingin ng kaniyang ina, animo'y natatakot itong mawala ulit siya sa kaniyang tabi, kung kaya't napapangiti na lang siya rito at malaki ang kaniyang pasasalamat nang magawa niyang makatakas at makauwing ligtas, dahil hindi niya alam kung gaano kahirap ito sa kaniyang ina at ama kung isa siya sa mga bangkay na hindi sana mahahanap.

"Gusto mo pa ng mansanas, Eurie?" tanong nito nang ilapag niya sa bedside table ang natitirang bahagi ng prutas.

"Busog na po ako 'ma, mamaya na siguro." Sagot niya at dahan-dahang humiga sa kama.

"Sige, sige. Diyan ka lang muna, tawagin mo lang ako 'pag may kailangan ka." saad ng kaniyang ina nang mapatayo ito at bitbit ang isang piraso ng sanitary napkin, "Magpapalit lang ako."

"Sige po." Aniya at patuloy na itinuon ang atensyon sa palabas ng telebisyon.

Ilang minuto ang lumipas ay naputol naman ang kaniyang panonood sa magandang palabas nang marinig niya ang tatlong katok mula sa pintuan, laking-pagtataka naman niya kung sino ito kung kaya't nag-abang na lang siya kung sino ang papasok nang mapansing pinipihit ang busol ng pintuan. At sa pagbukas nito ay tuluyang bumungad sa kaniyang paningin ang doktor na nakasuot ng puti at asul na face mask, may bitbit itong clipboard na kasalukuyang binubuklat ang mga papeles na nakalakip habang lumalapit sa kaniyang kinahihigaan.

"Eurie Cervantes?" tanong nito nang mahanap ang dokumentong paniguradong tungkol sa kaniya.

"Opo."

"Kumain ka na ba?"

"T-Tapos na." sagot niya nang mapansin ang kakaibang titig nito.

"Mabuti naman...." Ani nito na may sinusulat sa clip board na labis niyang pinagtatakahan.

"Nasaan ang guardian mo?"

"Nasa CR pa po." Magalang niyang sagot dito habang pilit niyang kikilala ito dahil sa ramdam niyang pamilyar talaga ang pares ng mata at mukha nito sa likod ng face mask.

"Nainom mo na ba ang gamot mo?"

"Opo kanina pa."

"Sige mabuti naman...may isang tanong na lang ako."

"Ano po?"

"May nangyari na ba sa inyo ni Wreen?" tanong nito sabay baba ng suot-suot na face mask.

At sa isang kurap lang ay para siyang tinakasan ng kaluluwa nang sa 'di inaasahang pagkakataon ay muli niyang nasilayan ang mukha ni Clifford na may malaking ngiti, sa tindi ng kaniyang takot ay agad siyang sumigaw ng saklolo sabay atras at tumalon pababa ng kama sa kabilang bahagi. Marahas naman niyang hinablot paalis ang nakabaong IV catheter at saka binuhat ang metal at mahabang tubong posteng kinalalagyan ng kaniyang IV bag sa tabi, kahit may kabigatan ay mahigpit niya itong hinawakan at nanginginig itinutok sa gawi ni Clifford bilang sandata.

"Ma! Lumabas ka diyan 'Ma!" sigaw niya sa sariling ina na kanina pa sa loob ng banyo at hindi man lang nagambala sa kaniyang sigaw, "Ma!"

"Walang sasaklolo sa 'yo Eurie." Demonyong wika nito na ikinawindang niya.

Sa takot niya rito ay agad siyang tumalikod at dali-daling binuksan ang pinto ng banyo, ngunit imbes na ang kaniyang ina ang bubungad sa loob ay muli niyang natagpuan si Wreen na nakatali sa ilalim ng lababo at naghihingalong napatitig sa kaniya, hindi na ito makagalaw pa at walang-tigil ang pagbagsak ng luha nitong tumatangay sa dumi ng pisngi ng lalake. Sa kilabot ng kaniyang nasaksihan ay muli siyang napasigaw at agad na binalingan si Clifford na saktong sinuot pabalik ang face mask, sa pagkakataong ito, kahit na hindi pa siya gaanong malakas ay agad niyang sinugod ang lalake at pinaghahampas ito ng tubo.


Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro