Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata Tatlo [3]

"WREEN?!" Sigaw ni Bella at saka malakas na napabuga ng hangin nang wala pa ring sumasagot, "Ang sakit na ng lalamunan ko, gusto ko nang magpahinga!" reklamo nito na binabalewala lang nina Ivan at Eurie.

"...Sa tingin ko ay kasing-tangkad lang ni Lucas yung lalake, hindi man eksakto pero parang magkapareho rin sila ng pangangatawan." Pahayag ni Eurie kay Ivan na kasabay niyang naglalakad sa kanang bahagi ng gubat, "Base rin sa disenyo ng sapatos nito na bumakat sa lupa at bahagyang nagulo dahil sa kinakaladkad na katawan at sa distansya ng bakas ay mukhang kaparehas ito sa mga larawang kalakip sa 'ting hinahawakan na kaso. Hindi ko alam, pero mukhang tama nga kayo na yung estrangherong nakita natin sa kuha ng surveillance cameras ay ang salarin na kailangan nating dakpin. Ba't ngayon ko lang 'to naisip?! Shit!" paliwanag nito at napabuntong-hininga na lang dahil sa pagkabigo.

"Hindi pa kasi natin alam Eurie, kanina mo lang nakita yung bakas na iniwanan nito at malabo ring tignan ito sa kuha ng mga camera kaya walang nakakaalam na pareho lang sila."

"Kung pumayag lang talaga ako na sundan yun, paniguradong hawak na natin ang salarin at imbestigasyon na lang ang kulang upang patunayan nito. Nakita na natin Ivan, may kinakaladkad siyang hubo't hubad na mannequin, kung sana yun lang ang pinagtuonan din natin—."

"Eurie tama na sa kakasisi ng 'yong sarili, alam naming kaligtasan ng lahat ang iniisip mo kaya naiintindihan kita. Tsaka nasa laro tayo, huwag mong seryosohin ito masyado." Sabi ng lalake, "Hindi bale na, 'pag mahahanap na natin si Wreen ay babalikan natin yung sinundan mong bakas kanina at tuklasin kung ano ang nasa magkabilang dulo nito." ani nito na ikinatango na lang niya.

"Wreen?!" sigaw ulit ni Bella, "Puwede ba tulungan n'yo naman akong sumigaw rito? Mukhang ako lang ata 'tong mawawalan ng boses sa 'ting tatlo!"

"Magpahinga ka muna Bella, sumasakit na rin lalamunan naming kaya heto pabulong-bulong na lang muna at maya't maya namang sisigaw. Walang pumipilit sa 'yo na sumigaw ng todo-todo at sirain 'yang lalamunan mo." Suhestyong pahayag ni Ivan sa babaeng napabuntong-hininga na lang

"Sa tingin mo Bella, yung lalakeng nakita natin at ang salarin na hinahanap ng grupo ay iisa?" tanong niya rito upang tumigil muna sa kakasigaw ang babae.

"Oo diretsong nawala si Wreen, Eurie. Malaki ang tsansa na ito ang paraan ng salarin upang talunin ang ating grupo, iisa-isahin tayo at kukunan ng miyembro animo'y pinuputulan ng parte sa katawan. Siguro tama nga si Emily, ito rin yung pagsubok para sa 'tin: hindi natin makukuha si Wreen 'pag hindi natin malulutas itong kaso." Paliwanag nito, "Pero 'yan ay possible lang kung hindi tatawag o uuwi si Wreen mamayang gabi o bukas."

"Sana nga at tatawag siya..." sabi ni Eurie, "Baka napano na yun."

"Sus Eurie, protektado tayo ni Mayor. Walang masamang mangyayari sa 'tin dahil nga mga bisita niya tayo."

"Wreen?!" buong-lakas na sigaw niya habang ang magkabilang palad niya ay nakapaligid sa sariling bibig upang aalingawngaw talaga ang kaniyang boses.

"Wreen!"

"Wreen?!"

LUMIPAS ANG KALAHATING oras at nagsimula nang kumagat ang dilim, unti-unting naging malamlam ang kulay sa loob ng gubat at kahit na naaaninagan pa nila ang mga bagay na nakapaligid ay kinakailangan na talaga nila na gumamit ng flashlight upang 'di paglaruan ng kadiliman ang kanilang mga mata. Malayo-malayo na rin ang kanilang narating at malapit na sila sa paanan ng kalapit na bundok, napakalalim na nitong parte ng gubat dahil ang bawat sigaw nila ay umaalingawngaw sa paligid. Pero laking-dismaya nila nang wala pa rin silang nahahagilap na bakas ng lalake, animo'y naghahanap lang sila ng presensyang hindi napunta rito.

"Kailangan na nating bumalik, delikado na nayon." Suhestyon ni Ivan na aligagang-aligaga na napapatingin sa paligid, "Alas sais na, babalik na lang tayo bukas sa parteng hindi pa natin nasusuyod." ani nito na sumusuko na sa paghahanap at nanguna sa paglalakad pabalik ng kampo.

"Mabuti pa nga." Matamlay na pagsang-ayon ni Bella na napagod na sa kakareklamo at bagsak balikat na sinundan ang lalake.

"Paano si Wreen?" nag-aalalang tanong ni Eurie na dismayado pa rin sa nasayang nilang oras.

"Eurie, madilim na at delikado, baka mahirapan tayo sa pag-uwi at baka maligaw pa tayo. 'Tsaka pagod na rin ako." Rason ni Ivan na nagtuloy-tuloy lamang sa paglalakad kasama si Bella. "Umuwi na lang muna tayo at sabihing hindi natin natapos dito."

Dahil pagod na rin siya at gutom na, hindi na tumutol pa si Eurie at bagsak-balikat na sumunod sa dalawa, "Hanggang ngayon ay hindi pa rin tumatawag sina Lucas, ano na kayang nangyayari roon?" tanong niya na ni isa ay walang makakasagot.

"Baka naghahanap pa rin yun—."

At natigil bigla si Ivan sa nais nitong sabihin nang mapako ang kaniyang tingin sa unahan ng kanilang tinatahak na daan, sa 'di inaasahang pagkakataon ay nakuha ng isang pagsiklab ng liwanag ang kaniyang atensyon na agad din namang napansin ng dalawang babae. Lahat sila ay nanigas sa kinatatayuan at parang binuhusan ng malamig na tubig sa nasaksihan, sa takot ay napakapit sila sa isa't isa at saka dahan-dahang napaatras. Ang tatlong pares ng kani-kanilang paningin ay hindi maalis-alis sa bulto ng taong nakatindig lang sa tinatantiyang layo na limampung metro mula sa kanila, may hawak-hawak itong flare stick sa kanang na walang-tigil sa pagliliwanag at malakas na nagpapakawala ng makapal na usok sa paligid na siya ring pinaglalaruan ng hangin.

"Patayin n'yo ang flashlight bilis!" pabulong na utos ni Ivan na sumasabay pa rin sa kanilang ritmo ng paghakbang paatras.

"Bakit? Natatakot ka ba Jimmy? Aktor lang 'yan ni Mayor."

"Basta patayin mo muna hangga't hindi pa tayo nakakasiguro!" asik na bulong ni Ivan sa babae nang balutin siya ng pangamba.

Agad naman nilang pinatay ang kaniya-kaniyang flashlight at nangibabaw ang kadiliman sa kanilang bahagi, samantalang ang panauhing misteryo at estranghero sa kanila ay nanatili pa ring nakatindig animo'y estatwa lang. Sa kabila ng distansyang namamagitan sa kanila at kahit na matindi ang liwanag na mayroon sa dulo ng flare stick ay hindi pa rin ito sapat upang bigyan ng kulay ang mukha nitong nakatago, ngunit tamang-tama lang ang liwanag nito upang aninagin nila ang isang bitbit din nitong braso sa kabilang kamay. Sa paglipas ng sandali ay pakapal ng pakapal naman ang usok sa paligid, pabigat ng pabigat naman ang ere at hindi maitatangging nahihirapan silang huminga ng maayos animo'y kinakapos sila ng hangin.

"H-Hindi ba 'y-yan yung nakita natin kaninang m-madaling araw?!" nauutal-utal na tanong ni Bella na malalaki ang hakbang paatras nang mangamba na rin siya.

"O-Oo 'yan nga yun!" pagkumpirma ni Eurie na namumutla na at hindi makontrol ang panginginig, "Teka, bakit ako kinakabahan na paniguradong aktor lang ito ng Mayor at tinatakot tayo." Bulong niya sa dalawa na tuloy-tuloy pa rin ang pag-atras.

"B-Braso 'yang h-hawak niya 'di ba?" tanong ni Ivan, "Bakit parang may dugo?!"

"Tangina, braso nga... Pero sa mannequin ata 'yan, yung kinakalakad niya." Sagot niya rito habang sinasabayan ang ritmo nila sa paghakbang paatras.

"Pero bakit may dugo Eurie?! Bakit may dugo?!" nanggigigil na tanong nito.

"Prosthetics? Pekeng dugo?"

"Hindi niya tayo nakikita 'di ba? Hindi 'di ba?" tanong ni Bella.

"H-Hindi na siguro..."

"Kailangan nating tumakbo..."

"Hindi, Bella. Aktor lang 'to ni Mayor. Kailangan nating kumalma dahil paniguradong mapapahamak tayo."

"Hindi! Kailangan na nating tumakas!" pabulong na sigaw ni Ivan na lubusang nanlalamig ang katawan at ramdam nito ang gaan na walang katulad, "Sa bilang ng tatlo ay k-kumaripas kaagad kayo ng takbo. Kailangan nating makabalik sa kampo at matawagan sina Lucas." Nanginginig na utos ng lalake na nakatitig pa rin sa panauhing lubos nilang kinakatakutan, "Kailangan natin ng back up kung gusto nating madakip ito."

"Ivan napakadilim na...hindi tayo makakauwi na hindi nadarapa o naliligaw. Kailangan natin ng flashlight." Pahayag ni Eurie.

"Hindi! Hindi, dapat tayo gagawa ng bagay na ikakapansin niya. Aalis tayong hindi niya matutunugan!" tutol ng lalake at pinandilatan ang babaeng katabi kung saan naaaninag niya ang takot sa mukha nito.

"Tangina!" Mura ni Bella at hindi na nakakontrol pa at agad na kumaripas ng takbo.

Saksi rin sina Eurie at Ivan nang biglang binitawan ng estrangherong lalake ang flare stick sa lupa at mabilis at puwersahang inapakan, sa isang kurap lang ay biglang nangibabaw ang kadiliman sa buong kagubatan kung kaya't lubusan silang nagimbal. Sa bilis ng pangyayari at sa dikta ng sariling isipan ay kusang nagsitakbuhan din sina Eurie at Ivan at sinundan si Bella na nanguna sa pagtahak ng masukal na kagubatan, walang lumingon at dire-diretso lamang ang kanilang takbo at balewala kung saang direksyon ito. At sunod-sunod na lang silang napasigaw sa takot nang maisip nila na baka sinusundan o hinahabol na sila nito, at dahil sa kadiliman ng paligid ay wala silang ideya kung nasaan na ito.

Sa bilis ng takbo ni Ivan ay naunahan naman kaagad niya ang dalawang babae na panay ang pagtawag sa kaniya at gusto ring humabol, ngunit dahil sa takot na nangibabaw sa kani-kanilang isipan ay mistulang nabingi ang lalake at walang ibang inisip kung hindi ang makalayo. Sa dilim ng paligid ay kung ano-anong ugat na nakausli na lang ang nasasagi nila at panay rin silang nadudulas sa mga tuyong dahon na nagkalat, nadarapa man ay mabilis naman silang nakakabawi at nakakatayo sa takot na baka maabutan.

Balewala ang galos na natamo, mistulang namanhid ang kanilang katawan at hindi na sila nakakaramdam pa ng sakit. Muntikan na rin silang mabunggo sa mga nakaharang na mga punong-kahoy, mabuti na lang at mabilis silang nakakaiwas dito nang mapansin ito sa malapitan. Tuloy-tuloy lamang sila sa pagtakbo: tanging si Ivan ang nagdedesisyon ng direksyong tatahakin sapakat ang dalawang babae naman na iilang metro ang layo sa kaniya sunod lang ng sunod at pilit siyang hinahabol dahil kapuwa takot na takot itong maiwan na mag-isa.

"Nasaan na ang kampo?!" sigaw na tanong ni Eurie na labis na hinihingal at sumasakit na ang tagiliran.

"Huwag kayong sumigaw!"

"Ivan!" tawag ni Bella na biglang natalisod at nadapa nang hindi nito mapansin ang ugat na nakausli at nakaharang sa kaniyang tinatahak na daan.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro