Kabanata Pito [1]
Hindi mapirmi sa kinatatayuan si Eurie nang parang normal na tao lang na kinakausap ni Clifford ang mga bangkay na purong kulubot ang balat at nakakatakot ang mga hitsura; hindi normal na laki at lapad ng katawan; kasulasulasok na amoy; dilat na dilat ang mga mata nito at ang mga labi ay pilit na nakangiti, bagay na taliwas sa karumal-dumal na sinapit nito. Malakipas ang ilang minutong pahirapang pagtitig niya sa mga mukha nito ay mangilan-ngilang tao rin ang nakilala niya base sa mga files na ibinigay sa kanila ni Mayor, dahil dito ay nalaman niyang isang malaking patibong lang pala ang lahat; magmula sa imbitasyon, sa pagdiriwang, at sa larong kanilang tinangkilik dahil sa perang alok. Ayaw man niyang isipin, pero batid niyang masasama rin siya sa koleksyong ito kung hindi siya gagawa ng paraan.
"Tara na, hindi tayo puwedeng magtagal dito dahil magagambala natin sila." aya ng lalake.
Dahil sa ayaw niya ring magtagal dito ay agad siyang sumunod sa utos ng lalake, muli siyang nanguna sa paglalakad habang nakatulala at may malalim na iniisip. Ilang saglit pa ay namalayan rin niyang humahakbang na sila hagdanan, ngayon ay medyo kampante na rin siya sa paglalakad paakyat at nawaglit sa sariling isipan ang pag-aalala na baka madulas. Nagbilang siya ng tatlo isipan bilang paghahanda ng kaniyang naisip na gagawin, at sa pagsapit ng tatlo ay agad siyang lumingon at hinarap ang lalakeng nabigla na lang, wala siyang inaksayang sandali at buong-lakas na hinampas sa mukha nito ang matigas niyang suot-suot na gas mask.
Sa bilis ng pangyayari ay hindi ito napaghandaan ni Clifford kung kaya't hilong-hilo itong napaatras habang sapo-sapo ang bibig at ilong nitong tinamaan, dahil sa hindi pantay ang inaapakan nito ay agad na nawalan ng balanse ang lalake at diretsong bumagsak sa matigas at magaspang na hagdang bato at gumulong kalaunan. Nang makita ang paggulong ni Clifford ay sinulit naman kaagad ni Eurie ang pagkakataon at mabilis na kumaripas ng takbo paakyat, patungo sa lagusan, at sa laki at bilis ng kaniyang hakbang ay agad niya itong narating. Kahit nakakabulag ang dilim sa masikip na lagusan ay hindi siya nagdalawang pumasok, dire-diretso lamang siya sa paghakbang at maingat na tinatakbo ito. Balewala para sa kaniya ang nabubunggong mga bato na nakaharang, dumadaing lang siya at sandaling namimilipit sa sakit at galos na hatid nito saka nagpapatuloy na sa pagtakbo.
Hanggang sa hindi nagtagal ay nakita niya rin sa dulo ang kaunting liwanag ng nag-aabang na sulo, mas binilisan pa ang takbo at hinayaan lang na magtamo ng gasgas ang kaniyang braso; ang paningin naman niya ay nakapako lang sa liwanag na palaki nang palaki na nagsisilbing pag-asa niya sa panahong ito. Sa pursige niya't walang-tigil na pagtakbo ay tuluyan na rin siyang nakalabas at narating ang puntong nahati sa tatlo ang daan, at imbes na tahakin niya ang daan kanina pabalik sa kinalalagyan nila ni Wreen ay mas pinili niyang pasukin ang daan sa kanang bahagi, umaasang may daan palabas dito. Maingat niyang tinahak ang lagusan nito at naghahanap ng liwanag na masusundan niya, ngunit, laking-gulat na lang niya nang bigla siyang natapilok at diretsong gumulong nang malamang hindi pala pantay ang inaapakan niya.
Sa hirap ng sitwasyon niyang nakaposas ay tuloy-tuloy lang ang paggulong niya sa padausdos na estruktura ng kuweba, sa bilis ng kaniyang paggulong ay ramdam niya ang kirot sa magkabilang braso na parang nadurog, kalakip na rin dito ang likurang bahagi ng ulo niya na nababatbat sa matutulis na bato. Pero sa kabila ng paghihirap niya ay agad naman siyang nabuhayan ng loob nang mapansing maliwanag ang paligid, nang tumigil na siya sa paggulong ay dali-dali siyang bumangon at dinadaing ang sakit ng kaniyang brasong nakaposas pa rin sa likod, una niyang itinukod ang kaliwang tuhod niya na nakalatandad na dahil sa napunit na pantalon, saka agad na tumayo sa suporta ng kaniyang kanang paa.
Pasuray-suray man at hinihingal, kahit hirap pa siya sa pagbalanse at pag-inda ng kirot ng katawan ay iginala niya ang paningin sa paligid upang tignan kung nakalabas na ba siya o may lagusan pa siyang susuongin. Nang humupa ang kaniyang pagkahilo at nagawang balewalain ng paningin ang basag na salamin ng gas mask ay napag-alaman niya na ang kaniyang napasok pala ay isang malaking espasyo na naman; pero purong bato pa rin at walang ibang lagusan; napakadilim at tanging mga apoy lang ng sulo sa paligid ang nagbibigay liwanag sa kapaligiran. Dahil sa hindi gaanong naliliwanagan ang lahat ng sulok ng kuweba ay masusi niyang inobserbahan ang paligid sa pag-asang may maliit siyang lagusan na madaraanan.
At sa paglingon niya ay saktong bumulaga sa kaniyang paningin ang mga hubo't hubad na katawan ng mga kaibigan niya, pawang nakasabit ito sa pader gamit ang hook na nakabaon sa mga balikat nito. Bunsod ng matinding takot at kilabot na gumapang sa katawan niya ay hindi niya mapigilang ang sarili sa pagsigaw at paghagulhol, nakakakilabot para sa kaniya na makita ang walang kabuhay-buhay, at namumutlang mga katawan ng mga kaibigan niyang parang naubusan ng dugo. Hindi siya mapakali at balisang-balisa nang makita ang nabiyak na mukha ni Jimmy; ginilitang leeg ni Kezel; ang mga butas na tadtad sa katawan nina Charice at Emily, sina Lucas at Bella na punong-puno ng pasa, at si Ivan na maraming mumunting linya ng sugat.
Titig na titig sa kawalan ang mga mata nitong walang kabuhay-buhay na naghatid sa kaniyang kilabot, labis na lumbay, at galit, dahil dito ay tuluyan siyang nilagasan ng lakas at diretsong napaluhod habang walang tigil sa paghagulhol. Pilit niyang tinatawag ang mga pangalan nito habang taimtim na nananalangin na sanay diringgin siya, paulit-ulit niyang sinisigaw ang mga pangalan nito sa emoson niyang naghahalo-halo at dahan-dahan siyang pinapatay. Mistulang sinasaksak ang kaniyang dibdib sa sakit at ramdam niyang sumisikip ito sa paglipas ng sandali, hirap na siya sa paghinga nang humihikbi siya habang dinarasal na sana'y panaginip lang ang lahat ng 'to at buhay pa talaga sila.
"Alam mo ba kung anong nakakaaliw sa mga patay?"
At mula sa ibabaw, kung saan siya pumasok kanina ay biglang lumitaw si Clifford na may dala-dalang sulo, dahan-dahan itong humahakbang pababa sa batong padausdos ang anggulo kung saan siya gumulong kanina. Nang muli niyang nakaharap ito ay napatigil siya sa pag-iyak at seryosong tinitigan ang lalake, tiim-bagang at hinihingal siyang tumayo habang hindi pa rin humuhupa ang panginginig ng kaniyang mga kamay. Sa kalapastangang ginawa nito sa kaniyang mga kaibigan ay biglang nanigas ang kaniyang loob nang walang ibang nangibabaw sa kaniyang katawan kung hindi ang matinding galit.
"Yung mga bangkay, wala na silang kakayahan pang kumilos, mag-isip, at hindi na sila nakakaramdam pa ng emosyon, sila'y mga sisidlan na lang. Kaya ang sarap nilang paglaruan: nagagawa ko ang aking gusto sa kanila, nakokontrol ko na parang mga laruan. Sa mga patay ko lang din nararanasan ang tunay na kasiyahan, nalulugod ako sa tuwing nasasagot nila ang pangangailangan ko...alam mo na kung ano yun." Pahayag nito.
"Demonyo ka... Isasama mo rin ba sila sa koleksyon mong demonyo ka?"
"Oo! Paano mo nalaman yun?" namamanghang pahayag nito na halatang pinipeke ang reaksyon, "Tignan mo, ang dali mo lang matuto. Hindi nga ako nagkakamali sa pagpili sa 'yo." Ani nito habang patuloy pa rin sa pagbaba, "Si Kezel sana yung pipiliin namin pero tumanggi siya, mabuti na lang at nandiyan ka pa."
"Hayop ka, ang baboy mo!" asik niya rito at saka dahan-dahang humakbang paatras nang mapansin niyang napakalapit na nito.
"Wala ka nang mapupuntahan pa Eurie, imbes na tumakas ay mas maiging sumunod ka na lang sa 'kin. May alok sana ako sa 'yo kapalit ng 'yong kalayaan."
"A-Anong pinagsasabi mo?" tanong niya rito nang mapatigil siya sa pag-atras at napatitig na lang sa lalakeng iilang metro na lang ang layo mula sa kaniya.
"Alam kong mahirap na para sa 'yo ang magtiwala sa taong katulad ko, pero pinapangako kong papakawalan kita kapalit ng isang kondisyon." Ani nito na nakangiti at nakatitig lang din sa kaniya.
"Ano yun?" tanong niya ulit na umaasa habang dahan-dahang inaalis ni Clifford ang gas mask na suot-suot niya.
"Tara, do'n natin pag-usapan sa taas." Aya nito at muli siyang nagpatangay sa hila.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro