Kabanata Isa [3]
MAKALIPAS ANG TATLONG oras na biyahe sa humigit anim na pu't limang kilometro ay narating na rin ng grupo ang lungsod ng Sta. Maria, dumiretso naman kaagad sila sa munisipyo ng bayan at roon ay namataan kaagad nila ang punong-lungsod sa bungad ng munisipyo at inaabangan sila. Agad namang gumarahe si Lucas sa espasyong mayroon ang malaking parking lot ng munisipyo at naunang bumaba matapos patayin ang makina, sumenyas naman kaagad siya sa iba na magsibabaan din at inanyahang samahan siya sa pagharap ng mayor. Sa pag-apak niya sa tuyong lupain ng Sta. Maria ay binalot siya ng matinding galak: maghang-mangha siya mga bulubundukin na berdeng-berde na nakapaligid sa kanila na napakasarap at 'di nakakasawang tignan; ramdam niya rin ang preskong hangin na nalalanghap at ang malakas na bugso nitong tumatangay sa kanilang pagod; at kinakalma naman ang kaniyang isipan ng malamig temperatura na bumabalanse sa init ng sikat ng araw.
Pero sa kabila nitong magandang pambungad ay nakaharap na rin niya ang mayor ng lungsod sa wakas, malaki ang ngiti niya nang salubungin ito, "Mayor Racal, magandang araw po sa iyo." Bati niya sa lalakeng tinatantiyang nasa singkuwenta anyos at saka inilahad ang sariling kanang kamay, "Lucas Agoncillo po."
"Magandang araw rin sa inyo iho." Ganting pahayag nito nang tanggapin ng punong-lungsod ang kaniyang kamay saka mahigpit na nakipagkamay, "Ang aga-aga n'yo naman, kayo ang unang dumating sa mga inimbita ko."
"Mabuti na yung maaga mayor, para makapaghanda kaagad kami para bukas ng maaga. Oo nga pala, ito nga po pala ang mga kasapi ko sa grupo: si Eurie, Charice, Jimmy, Ivan, Bella, Kezel, Emily, at Wreen." Pagpapakilala niya at isa-isang itinuro ang mga kasamahang kakababa lang ng van at naglakad papalapit sa kaniyang kinatatayuan, "Kung pagsasama-samahin mo ang mga utak nila ay agad na malulutas itong malaking misteryo ng Sta. Maria."
"Maraming salamat sa inyo at tinanggap n'yo ang imbitasyon ko, ako nga pala si Rafael Racal, huwag n'yo na akong tawaging mayor." wika nito at matamis na nginitian ang grupo, "At itong guwapong katabi ko ay aking anak, si Ranie." Pakilala nito sa binatilyo na nahihiyang napangiti at sandaling kumaway sa grupo, tinanguan lang din naman ito nina Lucas bilang pagkilala at ang iilan sa babae ay kumaway.
"Hi Ranie!" masiglang bati ni Bella na kanina pa titig na titig sa binata.
"Siya ang gagabay sa inyo at siya lang din kakausapin n'yo kung sakaling may kailangan kayo, h'wag kayong mahiyang humingi ng kung ano dahil mga bisita naman kayo ng bayan. Pero pasensya na't hindi ko kayo matututukan dahil sa magiging abala ako ngayong linggo." Ani ng mayor, "Hayaan n'yo, panonoorin ko na lang ang kabuoan ng kaganapan pagkatapos nito. At saka naroon naman ako sa awarding."
"Ayos lang po yun mayor." tanging nasabi ni Lucas sa kabaitan nito, "Maraming salamat po talaga."
"Pero may pakiusap sana ako sa inyo."
"Ano po yun Mayor?"
"Gawin nating sikreto at tahimik ang imbestigasyon, hangga't makakaya ay 'di dapat kayo matutunugan ng ibang grupo dahil kasali ito sa mechanics. Malaking puntos din ito sa inyong grupo 'pag may nakilala kayong nag-iimbestiga. Ang buong lungsod ay nakakaalam sa pinapakay n'yo rito, bawat tao ay mga aktor at aktres na tutulong o kaya'y gugulo sa imbestigasyon n'yo. Kaya, pag-isipan n'yo ng mabuti ang bawat galaw."
"Wala pong problema 'yan Mayor, maasahan n'yo po kami."
"O sige na, hindi na ako magtatagal pa rito at may aasikasuhin pa ako. Si Ranie na ang bahala sa inyo." Pamamaalam ng mayor sa grupo at saka tinalikuran sila matapos magpalitan ng tango at ngiti, sinundan na lang nila ng tingin ito habang naglalakad pabalik sa loob ng munisipyo.
"Tara, sundan n'yo ako. Dadalhin ko kayo sa campsite na hinanda ni Papa." Aya ng binata nang tuluyang nakapasok ang punong-lungsod, "Ah Lucas tama 'di ba? Dalhin mo na lang ang van n'yo." Payo nito at saka nauna nang naglakad bilang gabay ng grupo.
***
MATAPOS ANG ILANG metrong paglalakad at pasikot-sikot ay narating na rin ng grupo ang pinakalikurang bahagi ng hangganan ng lupain ng munisipyo, hindi naman ito gaanong malayo at makikita pa rin ang gusali ng munisipyo na mayroong tatlong palapag na nasa gitna ng lupain; mangilan-ngilan din ang nakaunipormeng mga kawani ng gobyerno na nakasalubong nila sa daan at lahat ng mga ito ay kilala sila at halatang may ideya sa kanilang pagdating. Sa mataas na pader na kanilang narating ay roon nila natagpuan ang isang maliit na lagusan na hinaharangan ng mga rehas na kinakalawang na, sandali naman silang napatigil at hinayaan si Ranie na alisin ang pagkakakandado ng padlock nito.
Umugong ang kakaibang tunog ng kinakalawang na bakal nang ito ay magalaw at itinulak ng binata, sa pagbukas nito ay agad namang lumabas si Ranie, hindi rin naman nagtagal ang grupo ni Lucas at sumunod lang kahit na takang-taka sa kung saan ba talaga sila dadalhin nito. Hanggang sa tuluyan na ring nilang nadiskubrehan ang hinanda ng punong-lungsod para sa kanila sa likod ng makapal at mataas na bakod. Hindi maipaliwanag ng bawat isa ang emosyon na nadarama nang makita at maabutan ang sinasabing campsite; ito ang parte kung saan nagtapo ang mga nagtataasang kahoy na konektado pa rin sa paanan ng bundok at ang mataas na pader na nagsilbing hangganan ng mga gusaling pampubliko.
"Dito ba tayo maglalagay ng kagamitan?" tanong ni Eurie na manghang-mangha, "Para tayong nasa gitna ng sibilisasyon at kalikasan.
"Seryoso 'to?" Hindi makapaniwalang tanong ni Ivan.
"Parang sobra-sobra na ata 'to Ranie," komento naman ni Lucas na hindi pa rin makapaniwala sa inambag ng mayor, "Ang laki na ng kotribusyon niya sa 'min kahit 'di pa namin nasisimulan ang imbestigasyon."
"Gusto niya lang na maging maayos ang inyong laro at hindi mahihirapan, responsibilidad namin yun. Dito sa kakahuyan ang inyong headquarters at malayo rin kayo mga headquarters ng ibang grupo. Pero h'wag kayong mag-aalala dahil nasa malapit na lang din naman ang police station. Kahit na anong oras ay puwede kayong humingi ng tulong o suporta sa kanila." Sagot ni Ranie, "Sige, iiwanan ko muna kayo rito upang maghanda, babalik lang ako mamaya para sa mga kakailanganin n'yo. At huwag kayong mahiya, gamitin n'yo lahat ng narito dahil para sa inyo talaga 'yan. At saka ang lahat ng galaw n'yo ay monitored sa mga surveillance cameras, nire-record ito para sa short documentary film na ihahanda at ipipresenta bilang patunay ng imbestigasyon n'yo. Maaaring gamitin n'yo rin ito para sa laro." Huling bilin nito sa kanila at tuluyan nang namaalam at umalis.
"Salamat Ranie!" pahabol na wika ni Belle.
"Ang landi mo talaga, Belle." Komento ni Emily.
"May interes sa 'kin si Ranie at sa 'yo wala. Inggit ka lang Emily kaya huwag kang epal." Mataray na saad ng babae na hindi pa rin inaalis ang tingin sa binate ng mayor na sinasara ang kinakalawang na bakod.
Napailing na lang si Emily rito at tinapunan ng tingin si Eurie na nakikinig sa kanila, nang magtagpo ang kanilang mga mata ay kapuwa silang napangiti at tahimik na tinawanan si Belle na nagsimula ipakita ang ugali nitong pagkahilig sa mga binatang may hitsura. Pero agad naman silang sinuway ni Lucas ng matalim na titig upang putulin ito at iwasan na namang magkaroon ng kaguluhan.
Sa kabilang dako, nang mawala sa kanilang paningin ang anak ng punong-lungsod ay nabaling ang atensyon ng grupo sa kabuoang espasyo ng campsite, aliw na aliw silang lahat dito at mas lalong nag-umapaw ang kanilang sabik sa trabaho. Mayroong hinanda ang punong-lungsod na malaking tent na gawa sa trapal na kulay kahel at ito'y nakatayo at nakadikit sa mataas na pader; sa laki nito ay matatantiya nilang lahat na sapat na ang espasyo sa loob upang okupahin ng siyam na miyembro, puwede na rin itong gawing pahingahan o kaya'y pagdausan ng pag-oorganisa at pagpupulong-pulong para sa imbestigasyon. Sa labas naman, sa bahaging kanan at iilang metro ang layo mula sa tent ay naroon ang dalawang palikuran at dalawang banyo na gawa rin sa trapal at may kaniya-kaniyang sapat na distansya. At mula sa ibabaw ay naroon naman nakabitin ang mga naglalakihang bumbilya ng ilaw sa mga sanga ng kalapit na mga kahoy na paniguradong magbibigay ng sapat na liwanag para sa loob at labas ng kampo.
Ang kabuoan ng campsite ay napapaligiran ng mga linya ng bagong-bago pa na mga barbed wire na nagsilbing bakod, napakahigpit ng gawa nito at halos magkadikit-dikit na. Wala itong gaanong distansya at napakahirap ngang lusutan, maliban sa nag-iisang lagusan na nasa pagitan ng dalawang punong Molave. Habang pinapasadahan nila ng tingin ang paligid ay langhap na langhap naman nila ang amoy ng bagong-tabas na mga damo at namamasang lupa sa paligid ng kampo, halatang kakahanda pa lang nito. Banayad at presko naman ang hangin na nasasamyo nila at walang ni isang nakakaramdam ng alinsangan ng panahon dahil sa lakas ng bugso ng hangin na humahaplos sa katawan nila at sa lilim ng mga nagtataasang puno na nasa ibabaw nila at hinaharangan ang sikat ng araw.
"Jimmy, kunan mo nga 'tong campsite natin. Kailangan nating isama ito sa barkada vlog ng grupo para makilala naman ng lubusan ng ating lungsod si Mayor Reynaldo at kung gaano kayaman at kaganda ang Sta. Maria." utos ni Lucas na nag-uumapaw ang nararamdamang sabik.
"Sige Lucas, maganda rin ito para sa bahaging panimula." Pagsang-ayon ni Ivan, ang natatanging cameraman at video editor ng grupo.
Sabik na sabik si Jimmy sa kaniyang narinig at agad nitong binuhay ang bitbit na camera, itinutok kaagad niya ito sa ibabaw upang kunan ang makapal na berdeng mga dahon, "Recording in three...two...one!" hudyat nito at saka nagsimula nang kumuha.
Dahan-dahan nitong ibinaba ang camera hanggang sa tuluyang napresenta ang buong campsite, kasunod nito ay ang sunod-sunod na pagsulputan ng kaniyang mga kasamahan na nilagpasan siya at naglakad patungo sa may bungad. Siya na nahuli sa grupo ay agad namang sumunod at upang maranasan din ng mga manonood ang pakiramdam na makapasok sa loob ng tent at sa silid na magiging pugad nila. Isang hawi lang ni Eurie na nangunguna sa nakatabing na trapal ay bumulaga kaagad sa kanilang paningin ang malawak na espasyo sa loob ng tent: sa gitna ay naroon ang parihabang mesa na tamang-tama lang kung sila ay magkakaroon ng diskusyon; hindi rin sila pinagkaitan ng kagamitan at mayroon ding isang malaking bumbilya sa gitna, extension wires, water dispenser, limang double deck na higaan na sapat para sa kanilang bilang, at iba pa. Ang kabuoang laman ng tent ay kinunan ni Jimmy ng video, lalong-lalo na ang reaskyon ng mga kasamahan niya na tuwang-tuwa sa hinanda ng punong-lungsod.
"Para na rin tayong nagka-camping!" Komento ni Bella na pumapalakpak sa tuwa.
"Ang ating sariling headquarters..." usal ni Eurie nang pasadahan niya ng tingin ang paligid.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro