Kabanata Apat [2]
At natulak siya sa desisyong napakadelikado man ay kailangan niyang gawin ngayong desperado na siyang makalayo, dahil sa hindi niya magawang lumingon ay laking-hirap para sa kaniya ang kilabot na wala siyang kaide-ideya kung nasaan na ang presenyang kinakatatakutan niya. Malalim siyang suminghap ng hangin bilang hudyat, sa bilang ng tatlo ay mariin siyang napapikit at napakagat upang maghanda, at hanggang sa pagsapit ng huling bilang ay puwersahan niyang hinila ang sarili paalis sa bakod na purong tinik. Isa-isang nahugot palabas ang mga mumunting patalim at naiyak na lang siya sa tindi ng hapdi na hatid nito, tuloy-tuloy ang pag-agos ng malapot na dugo at nababahiran nito ang kaniyang puting damit at maong na pantalon. Hindi siya tumigil sa pag-atras at iyak nang iyak habang dinadama ang pagbuwag ng tinik at ng kaniyang laman sa pisngi at dibdib, nalalasahan na niya ang dugong umaagos pababa mula sa noo at hilong-hilo na siya sa 'di mawaring sakit na lumulukob.
Isang malakas na daing na puno ng hinagpis ang kumawala sa kaniyang bibig nang tuluyan niyang naalis ang linya ng barbed wire na nakabaon sa kaniyang pisngi at dibdib. Kahit na gusto niyang sumigaw ay pinilit niya pa rin ang sarili na kimkimin ang lahat ng sakit at iiyak na lang ito kahit na napakahirap ng proseso. Ramdam niya rin na para siyang kinakapos ng hangin kung kaya't walang-tigil siyang humahangos, bagay na nagdulot ng galaw na nagpapalala sa kaniyang sitwasyon. Hanggang sa isang mainit na hangin ang dumampi sa kaniyang batok na nagpatindig ng kaniyang balahibo, agad siyang napatigil at mabilis na napalingon ngunit bago pa man niya makita kung anong nasa likod ay isang malamig na kamay ang sumalubong sa kaniyang mukha at buong-lakas na tinulak sa bakod.
Sa puntong ito ay hindi na niya napigilan pa ang sarili at buong-lakas na napasigaw sa sakit na nadarama nang bumaon ang isang tinik sa kaniyang kaliwang mata, kasalukuyan siyang nakaharap sa kanan gawi at ang buong kahating mukha niya ay natusok ng 'di mabilang na tinik. Lumuluha na siya ng dugo habang walang-tigil na sumisigaw ng saklolo at nagmumura sa taong tumutulak sa kaniya. Sa dilim ng paligid ay hindi niya magawang aninagin kung sino ito lalo pa't purong luha rin ang namumuo sa kaniyang mga mata at sa kadilimang binubulag pa rin siya, pero kahit hindi man niya ito makilala ay alam niyang ito rin ang estranghero na nakasalubong nila kanina—sigurado siya. Hindi niya lubos maisip na magkakatotoo ang bangungot na dinarasal niyang hindi mararanasan, hindi niya matanggap ang katotohanang hindi na pala paligsahan ang sinalihan nila. Marahas, walang-awa, at demonyo ang mga salitang umiikot sa kaniyang utak nang madarama niya ang pagbaon ng tinik nang itulak pa nito ang buong katawan niya, sa tindi ng sakit niya ay batid niyang lahat ng tinik ay nasa loob na ng kaniyang katawan. Ngunit sa kabila ng paghihirap niya, imbes na magalit at manlaban ay purong pagmamakaawa lang ang nagagawa niya, tumigil na siya sa pagmumura at pagpupumiglas nang maramdaman niyang mas lalong lumalala ang kaniyang sitwasyon.
"P-Pakiusap..." aniya at muling napasigaw sa sakit nang lumalim ang pagbaon ng metal na tinik at mistulang hinuhukay nito ang kaniyang laman, "T-Tama na!" Iyak niya na agad namang tinugon nito.
Salungat ang pahayag na 'parang nabunutan ng tinik' upang ipaliwanag ang nadarama ni Ivan nang agad siyang hinablot ng estranghero mula sa pagkakadikit, sa higpit ng kapit nito sa kaniyang baywang, sa isang kurap lang ay nawindang siya sa tindi ng sakit nang mabunot ang lahat ng tinik mula sa iba't ibang bahagi ng kaniyang katawan. Sa pagbagsak niya sa madahong lupa na may iilan pang bato ay nakaramdam na lang siya ng dagdag na kirot sa likod bago tinangay ang kaniyang wisyo at diretsong nawalan ng malay.
***
"WREEN!"
"Wreen?!"
Ang mga sigaw nila ay bumabaha sa kakahuyan ngunit purong mga ibon at mga insekto lang ang nagagambala nila, dapit-hapon na at malawak na rin ang kanilang nasuyod, pero sa nakalipas na tatlong oras ay wala talaga silang nahagilap na presensya o bakas ng nawawalang kasama. Lahat silang tatlo ay gutom, pagod, at uhaw na uhaw, dahil sa kaunti lang ang kanilang binaon na pagkain at tubig ay hindi talaga ito sapat upang tugunan ang pangangailangan nila upang magpatuloy sa paghahanap.
"Magpahinga muna tayo, limang minuto lang." sabi ni Lucas sa dalawang kasamang babae nang makakita siya ng trosong nakatumba na halatang pinaglipasan na ng panahon dahil sa mga mumunting halaman at lumot na tumutubo.
"Mabuti pa nga." Pagsang-ayon ni Charice.
Agad niyang inukupa ang troso at malakas na napabuga ng hangin sa pagod, dahan-dahan naman niyang inalis o hinubad ang sariling backpack at hinayaang lumantad ang likod niyang basang-basa ng pawis. Tumabi naman kaagad sa kaniya sina Charice at Emily na kapuwa matamlay at pawisan din; kaniya-kaniya nitong ibinaba sa lupa ang sariling backpack at ipinuwesto sa kanilang harapan bago ito ay binuksan. Nanaig ang katahimikan sa tatlo nang matuon ang kanilang atensyon sa pagpupunas ng pawis sa leeg at mukha, sandali silang natulala at nagpapahinga hanggang sa binasag ng lalake ang katahimikan.
"Charice, kumusta na ang mama mo?" tanong nito sa babae na napatigil sa pagpupunas.
"Okay lang, gano'n pa rin...tambay sa ospital." Malungkot na wika nito at napabuntong-hininga na lang, "Kahit papano ay gumagaling na rin siya."
"Sinong nagbabantay sa kaniya? Huwag mo sanang mamasamain, pero wala ka ng ama 'di ba? Tapos ikaw lang yung nag-iisang anak." Saad ni Kezel.
"Ano ba, ayos lang." aniya sa babae, "Yung kapatid na babae ni Mama ang nagpresentang mag-aalaga muna sa kaniya. Kaya nagdadalawang-isip ako kung sasama ba ako rito o hindi no'ng inimbita mo ako Lucas kasi ayokong iwan siya na mag-isa lang sa ospital, kahit na kamag-anak pa namin ang magbabantay ay hindi pa rin ako mapalagay."
"Sana sinabi mo sa 'kin 'yan, okay lang naman hindi ka sumama—."
"Kailangan ko ng pera Lucas, mahal ang dialysis ni Mama."
"A-Ah gano'n ba... Hayaan mo, 'pag nahanap natin kaagad si Wreen ay tatapusin natin itong kaso at ipapanalo, nang sa gayon ay makabalik ka kaagad sa ospital." Wika ng kanilang pinuno.
"Salamat Lucas."
"Walang anuman."
"Lucas?"
"Ano yun Emily?"
"May sasabihin sana ako...tungkol ito sa nakuha naming impormasyon kanina nang bisitahin namin ang Racal National High School."
"Bakit? Anong nakalap mo?"
"Hindi ko alam kung makakatulong ba 'to o may mahuhukay pa tayo nito, pero sabi ng isang ginang na nakausap ko ay narinig niya raw tinawagan ni Mayor Rafael si Estrella Santos bago ito nawala. Bandang alas singko ng hapon, no'ng nagsilabasan daw sila ay umalis si Estrella na kasama sina Imelda Fernandez at Lucinda Aradillos, at yun na ang huling araw na sila ay nakita. Nawala lang daw na parang bula at walang makakapagsabi kung saan sila nagpunta. Hindi niya raw sinabi ito sa mga pulis na nag-imbestiga noong nakaraang tanong dahil natatakot daw siya na baka malagay sa alanganin ang sariling buhay." Salaysay nito.
"Seryoso?"
"Oo, Lucas kung nakapanayam mo lang talaga yung babae kanina ay paniguradong makukumbinse ka talaga. Yung tono niya, ekspresyon ng mukha, kilos...parang totoo talaga."
"Teka, teka. Anong ibig mong sabihin? Na kasali si Mayor Rafael sa misteryong ito? Na bahagi siya sa 'ting iimbestigahan??"
"Oo, parang gano'n na nga Lucas. Kailangan nating kausapin at baka may alam si Mayor." Ani nito. "Pero binalaan niya rin kami na huwag ipagpatuloy itong trabaho, hangga't makaya raw ay kailangan nating umalis." Pahayag ng babae na ikinataka niya, "Hindi ko alam kung parte ba yun ng kumpetisyon o hindi na, pero sigurado akong binabalaan niya tayo."
"Baka parte pa rin 'yan ng paligsahan. S-Sige, isasali natin sa imbestigasyon si Mayor at baka may alam siya sa pagkawala ng babae." Saad niya rito.
"Mukhang kailangan nga nating seryosohin ang babala kay Emily, Lucas." Singit ni Charice, "Kanina kasi, no'ng nag-imbestiga kami ni Ivan sa magkasintahang nawawala at ikakasal na sana ay may nakasalubong kami sa daan na street sweeper. Namukhan kaagad kami nito na baguhan dito sa lungsod kaya kinausap kami ng matandang babae. Tinanong namin siya tungkol sa mga nawawalang tao sa lungsod na ito at sabi niya ay kagagawan daw ito ng 'anak ng demonyo', pero bago pa man kami makahingi ng iba pang impormasyon ay binalaan kami nito na lisanin kaagad ang Sta. Maria." Salaysay nito sa tonong nangangamba, "Ewan ko pero natatakot na ako rito."
"Hindi naman siguro 'to coincidence Lucas 'di ba?" tanong ni Emily, "Pero mukhang tinatakot nila tayo para bumabagal an gating imbestigasyon—mga aktres ni Mayor Rafael."
"Teka bakit ngayon n'yo lang ito sinabi sa 'kin?"
"Kasi masyado tayong natuon kay Wreen kanina, lubos tayong nag-aalala sa—."
At naputol ang pahayag ni Charine nang biglang tumunog ang smartphone ni Lucas, diretsong natuon ang atensyon ng dalawang babae rito nang dali-daling hinugot ng kanilang pinuno ang sariling smartphone sa bulsa ng masikip nitong pantalon. Sandaling nangibabaw ang katahimikan sa tatlo at napag-alaman kaagad nila kung sino ito nang basahin ng lalake ang pangalan na nakapaskil, wala naman siyang inaksayang oras at sinagot kaagad ni Lucas ang tawag mula sa kaibigan.
"Oh Jimmy bakit? May balita na ba kay Wreen?"
"Wala pa rin, napatawag lang ako kasi brown out. Palabas na ako ngayon para paandarin yung generator na pinahiram ni mayor." Sagot nito.
"Ah, nasabi nga 'yan ni mayor, madalas daw silang nawawalan ng kuryente rito kaya sinamahan niya ng generator yung mga suplay natin." Aniya, "Alam mo ba kung paano 'yan pagaganahin?"
"Oo, nasubukan ko na 'to noon. Pero halatang hindi n'yo pa rin siya nahahanap Lucas, nasaan na kaya yung mokong na yun?"
"Wala pa rin akong ideya—."
"Tangina!"
"Jimmy? Anong problema?" tanong niya rito nang biglang nagmura ang lalake at natahimik ang kabilang linya, "Jimmy? Jimmy?!"
"Anong nangyari Lucas?" nag-aalalang tanong ni Emily.
"Biglang naputol yung tawag. May problema ata sa kampo."
"Kailangan na nating bumalik!"
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro