Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata Anim [3]


Sa pagbaha ng liwanag sa paligid ay nalaman niyang nahati sa tatlo ang lagusan, isa-isa niya itong sinubukang silipin pero purong kadiliman lang ang laman nito. Agad naman niyang naramdaman ang malamig na kamay ng lalakeng nagngangalang Clifford na tumutulak sa kaniya papasok sa gitnang lagusan, hindi naman siya umangal dito at nagpatuloy sa paglalakad habang nagsisilbing tanglaw at gabay ang sulo na bitbit ng lalake.

"Kung ako sa 'yo, huwag mong pasukin ang magkabilang lagusan, hindi mo gugustuhin ang laman no'n." babala nito.

Habang tulak-tulak siya ng lalake ay sinuot nila ang masikip na lagusan na saktong-sakto lang sa kanilang katawan, may lawak itong tinatantiyang dalawang metro at iilang pulgada na lang ay aabot na ang kanilang ulo sa mala-kisame ng lagusan na purong magagaspang na bato. Hindi man niya nakikita ang patutunguhan ng lagusan ay nagtuloy-tuloy lang sila sa paglalakad habang pinapakinggan ang yapak nilang mas umaalingawngaw dahil sa espasyong masikip. Hindi rin siya mapakali sa presensya ng lalakeng nasa likod niya na tahimik na sumusunod at nagbabantay sa kaniyang kilos, labis siyang nangangamba sa maaaring gagawin nito at sa kung saan siya dadalhin. Hindi niya alam kung paniniwalaan ba niya ang sinasabi nitong may ipapakita lang talaga sa kaniya o baka ito ay sadyang isang patibong.

Hanggang sa makalipas ang ilang minutong pagalakad ay agad siyang napatigil nang marating nila ang dulo ng lagusan, nanlaki na lang ang mga mata niya nang makita ang malawak na malabulwagang estruktura sa ilalim ng kuweba. Purong bato ang paligid na para inukit ng panahon sa loob ng iilang siglo; hanggang dito ay wala siyang nakikitang mga matutulis na hugis ng bato sa kisame at sahig; napakalawak ng paligid at parang hugis pabilog; at naroon sa baba at dulo ang ilog na napakalinaw na tuloy-tuloy lamang sa pag-agos papunta kung saan.

Sa bahaging ito ay wala ng mga apoy sa paligid, sapagkat mula sa ibabaw o sa tuktok nitong malaking espasyo ay naroon ang malaking butas na naghahatid ng sinag ng liwanag mula sa araw sa buong kapaligiran. At sa tulong ng liwanag na nagbibigay-kulay ay kitang-kita naman niya ang mga taong nakahanay at nakahilera sa baba; nakatalikod ang mga ito sa kaniyang gawi at napakarami nito dahil sa medyo mahaba rin ang hanay, kahit hindi niya ito binibilang ay tinatayang aabot sa isang daan ang mga taong diretsong nakaharap sa ilog na mapayapang umaagos.

"Bumaba ka at ipapakilala kita sa kanila."

Malalim siyang napasinghap ng hangin at saka nagsimula nang humakbang pababa, titig na titig siya sa hagdanang bato na purong itim na halatang inukit at hinugis ng maayos upang magsilbing daan. Medyo madulas ang mga bato at ramdam niyang namamasa-masa ito, nais man niyang kumapit sa batong pader upang kumuha ng suporta at balanse ay hindi niya magawa dahil sa nakatali ang magkabilang kamay niya. Kung kaya't maingat at mabibigat ang kaniyang bawat hakbang pababa upang hindi siya mawalan ng balanse habang papalapit sa mga taong hanggang ngayon ay kataka-takang hindi pa rin natutunugan ang kanilang presensya.

Nang malagpasan niya ang humigit-kumulang na limapung hakbang ng hagdanan ay narating niya rin baba kung saan ang inaapakan niya ay purong mga mga maliliit na bato na kasing-laki lang siguro ng kaniyang kamao. Ilang saglit pa ay naramdaman naman kaagad niya ang mahigpit na kapit ng lalake sa kaniyang braso at mabilis siya nitong hinila papunta sa mga taong nakahanay pa rin at hindi gumagalaw animo'y walang pakialam sa kanilang presensya. At nang iilang metro na lang ang layo niya rito ay agad siyang napatalikod kasabay ang pagkasira ng kaniyang reaksyon sa mukha nang may makasalubong na nakakasulasok na kemikal sa ere, sa lakas ng pag-atras niya ay nabitawan kaagad siya ni Clifford nang dumulas ang kamay nito, pero mabilis naman siyang binalikan at hinarap ng lalake.

"Suotin mo ito kung hindi mo kaya ang amoy." Alok nito at mabilis na hinubad paalis sa sariling ulo ang kaniyang gas mask.

"Ano ba 'tong amoy na nalalanghap ko?! Ang hapdi!" tanong niya na pinipigilan ang paghinga upang hindi makasinghot ng matapang na amoy na walang ibang idinulot kung hindi ang panhahapdi sa kaniyang mga mata, ilong at lalamunan.

"Formaldehyde," sagot nito habang sinusuot sa kaniyang ulo ang gas mask na tatakip sa kaniyang mata, ilong at bibig.

Sa narinig niyang sagot nito ay agad siyang napatigil habang mabilis na nilalamon ng kilabot, nang saktong naisuot ng maayos nito ang gas mask ay agad siyang lumingon at tinitigan ng maayos ang mga nakahilerang mga tao. At doon siya mas lalong nagimbal nang mapansin ang mga kulubot at kulay kayumangging balat ng mga tao kalakip ang kakaibang mga hugis nito; ang buong akala niya ay buhay pa ang mga ito, ngunit patay na pala sila. Sa rami nito ay hindi niya maiwasang isipin ang posibilidad na baka pinatay ni Clifford ang mga ito, at lalo rin siyang nangamba na baka rito niya mahahanap ang kaniyang mga kaibigan.

"Halika na, ipapakilala pa kita sa kanila." Aya nito at muli na naman siyang hinablot.

Ngunit hindi na siya nagpatangay pa sa lalake at agad na umatras, nanginginig niyang tinitigan si Clifford at saka patuloy na umaatras. Napabuntong-hininga lang ito na halatang nagtitimpi lang, hanggang sa bigla itong yumuko at mula sa gilid ng sapatos nitong kulay itim, makapal na kagaya sa mga sinusuot ng sundalo ay hinugot ng lalake ang patalim na sinasabi nitong may lason. At nginitian lang siya nito habang marahang winawasiwas sa ere ang kutsilyong napakatalas, kumikislap ang kulay pilak na patalim nang tamaan ng sinag ng liwanag at dahil sa takot niya ay napatitig siya rito upang bantayan ang kilos ni Clifford.

"Ayaw mo ba talagang makilala sila?" tanong nito na halatang hinahamon at binabantaan siya.

"N-Nababaliw k-ka na!" Iyak niya rito nang tumigil siya sa pag-atras.

"Eurie, hindi kita sasaktan. Ipapakilala lang kita sa kanila."

"Pakiusap, pakawalan mo na ako Clifford...Wala naman akong ginawa sa inyo 'di ba Promise hindi ako m-magsusumbong." Desperadong iyak niya.

Paulit-ulit siyang napailing at nagmamakaawa sa lalake na papakawalan, humihikbi na rin siya kasabay ang panlalabo ng paningin sa luhang namumuo at walang-tigil sa pagbagsak. Pero hindi ito umubra kay Clifford dahil tinitigan lang siya nito at muling humakpang papalapit sa kaniya, nang tuluyan itong nakalapit ay wala siyang magawa kung hindi ang hayaan itong hilain siya patungo sa mga nakahanay na mga bangkay ng taong mistulang mga munumento dahil pawang nakatindig ng direto, nang obserbahan niya ito ng maigi ay napansin naman niyang nakabaon pala ang mga paa nito sa semento na naghugis kahon na pangunahing sumusuporta sa pagtayo nito. At habang papalapit siya nang papalapit ay mas lalong tumindi ang kaniyang pagkahilo nang dahan-dahan siyang naglakad sa gilid ng mga hanay at unti-unti ring humaharap sa mga mukha nito na pilit niyang iniiwasang makita.

Hanggang sa puntong narating na rin nila ang dulo ng hanay, sa simula ay mas pinili niyang humarap sa batis at talikuran ang mga bangkay kasabay ang pakiramdam na parang nasusuka, ngunit, at laking-gimbal niya nang maaninagan sa ilalim ng tubig ang mga maliliit at maputing bungo at kalansay na natipon sa baba. Malakas siyang napasigaw rito kasabay ang marahas na kamay ng lalakeng umikot kaagad sa kaniya, at sa isang kurap lang ay tuluyan na niyang nakaharap ang mga mukha ng mga bangkay na nakatindig ng diretso at nakatingin sa kanilang gawi. Sa malapitan ay kitang-kita niya ang nakakakilabot na hitsura nito na malayong-malayo na sa totoong hulma o hugis ng tao. Ngunit may mas kagimbal-gimbal pa siyang nadiskubre rito, sa 'di inaasahang pagkakakataon ay hindi niya lubos inaakalang makakaharap ang mga mukha ng taong hinahanap nila—kaharap na niya ngayon ang sagot sa malaking misteryo.

"Maganda rito sa museo 'di ba?" tanong ng lalaking hindi maalis-alis ang ngiti sa sariling labi.

"P-Pinatay m-mo sila..." tanging nasabi niya habang isa-isang pinapasadahan ng tingin ang mga biktima nito.

"Oo naman siyempre, pero sa dalawang daang mga taong narito ay parang dalawampu't tatlo pa lang ata ng sa 'kin." Pagmamalaki nito, "Oo nga pala, heto si Melchor Avila, Lilibeth Yulas, at Ronnel Casco. Hinahanap mo sila 'di ba?" ani nito at inilapit ang naglalagablab na apoy ng hawak nitong sulo sa mukha ng tatlong bangkay magkasunod-sunod lang.

"Anong g-ginawa m-mo sa kanila?" nanginginig niyang tanong habang nakatulala pa rin at walang-tigil ang pagbagsak ng kanilang luha.

"Pinreserba, Eurie, upang hindi masayang ang katawan at kagandahan nila. Wala na nga silang buhay, pero narito silang lahat at nagbabantay sa yaman ng Sta. Maria. Taon-taon, kasabay ang pagdiriwang ay saksi silang lahat sa gaganaping seremonya rito, malaki ang papel na gagampanan nila."



Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro