Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 24

Patawad, paalam.

•••

Chinat ko si Sining na magkita kaming dalawa sa parke kung saan madalas kaming nagkikita dati bago pa 'yong nangyari kay Jorge.

Pagkadating ko sa parke, nandoon na siya. Nakaupo sa may upuan at hindi niya dala ang motor niya dahil hindi ko ito nakikita sa paligid na malapit sa kaniya.

"Pasensya na, nahuli ako." Bungad kong bati.

Tumayo siya sa pagkakaupo niya at ngumiti sa akin.

"Ayos ka na ba? Hindi ka na nagpaparamdam sa'kin! Nag-alala tuloy ako sa'yo baka ano na nangyari sa'yo!"

"Ano naman mangyayari sa akin? Sabi ko naman sa'yo 'di ba, hindi ako magpapakamatay kasi sabi mo masama 'yon."

"Masama talaga 'yon...dahil madaming rason para mabuhay pa!"

"Sining, salamat nga pala, ah?" seryoso kong sambit sa kaniya.

"Salamat? Para saan?"

"Sa lahat." Napabuntong-hininga ako at nakatayo lamang sa harapan niya, "Naalala mo ba 'yong shinare mo sa'kin kagabi na nabasa mo?"

Hindi siya umimik at nakikinig lang sa akin na kagaya nga ng palagi niyang ginagawa.

"Free yourself from toxic people, they aren't good for your soul. Sining, dapat mong palayain 'yong sarili mo sa'kin kasi isa akong toxic na tao." pagkasabi ko no'n ay lumapit ako sa kaniya at hinawakan ko ang isa niyang kamay.

Pagkabasa ko no'n kaninang umaga, doon na lang ako natauhan. Isa ako sa mga toxic na tao na dapat nilalayuan. Worth it nga si Sining pero worth it ba ako para sa kaniya?

Hindi.

"Ako 'yong problema Sining...at may isang tao na nagsabi sa akin na people are not rehabilitation center and you're not a therapist. It's not your job to fix damaged people, Sining."

Hindi pa rin siya kumikibo, nakatingin lang siya sa akin...nakikinig.

"Hayaan mong ayusin ko ang sarili ko. You're a keeper, Sining. Walang labis, walang duda. You're worth it. You deserve better. You deserve happiness at karapat-dapat ka sa isang tao na magbibigay sa'yo ng parehong pagmamahal na ibinibigay mo...at ang isang taong 'yon ay hindi ako. Sorry. Sorry talaga, kung totoo man ang nararamdaman mo para sa'kin, sorry talaga."

At sa wakas, nakangiti na siya. 'yong ngiti na palagi niyang pinapakita sa akin na kinaiinisan ko.

"Don't decide things on your own, Jaq. Don't suffer by yourself." sambit niya.

She took a deep sigh and looked at me straight in the eye. The usual stares that says, there's something in me that is worth looking at.

Napabuntong hininga ako. Ipinasok ang dalawa kong kamay sa bulsa ng suot kong cargo short.

"Alam mo kasi sining...ikaw 'yong tipo ng babae na walang problema. Ikaw 'yong tipo ng babae na palaging masaya at hinahangaan at alam mo 'yon...ikaw 'yong tipo ng babae na maaaring mapangiti ang sinuman. May kakayahan kang gano'n, kahit hindi mo pa labis na kakilala, mabilis mapalagay 'yong loob mo, eh." sabi ko

Lumapit naman siya sa akin at tinapik-tapik ang kaliwa kong balikat. Nakangiti pa rin siya...'yong ayokong ngiti na madalas niyang ipakita sa akin.

"I was so focused on making you happy, that I forgot that I'm supposed to be happy too." mahina niyang sabi habang nakangiti pa rin.

Unti-unting bumababa ang kaniyang tingin sa kaniyang suot na sandals. Rinig ko rin ang malakas nitong buntong-hininga. Ilang minuto siya naging tahimik bago muling ibalik ang tingin sa akin na may ngiti pa rin. Tinapik tapik na ulit ang aking balikat at pagkatapos ay nagsimula na siyang maglakad palayo nang hindi lumilingon sa akin.

Hindi siya nagdalawang-isip pa na lingunan ako...na para bang hindi ako kalingon-lingon. Para bang hindi ako worth it lingunan at bigyan ng pagkakataon. Kung lumingon lang siya...baka magbago pa ang desisyon ko. Baka gustuhin ko siyang bumalik at hayaan siyang ayusin ako.

Naghintay pa ako ngunit hindi sumagi sa kaniya ang lingunan ako. Matapang nga talaga siya.

•••

Kinabukasan, dahil mahaba ang vacant time namin ay tinungo namin ang roofdeck. Nakadungaw lang kami sa labas ng school. Patuloy ko pa rin tinatago ang mga peklat sa palapulsuhan ko gamit ang jacket.

"Narinig mo na ba 'yong balita?" sambit ni Niccolo, pamatay katahimikan namin.

"Anong balita?" tanong ni Lucas.

"Tangina, chismoso ka talaga, eh, noh!" ani ni Seb.

"May isang BSBA student na nagpakamatay raw, kaklase ni Sining? Kaibigan din niya yata? Ewan ko...narinig ko lang kay Maki." Pagkukwento ni Niccolo.

Hindi ko alam kung anong mararamdaman ko...para bang pinaglalaruan talaga ng mundo ang buhay ko. Nangyari lang sa kaniya 'yong nangyari sa akin. Ngayon malalaman niya na 'yong sakit na tinago ko...'yong kalungkutan na nagpapalamon sa demonyo ko. Fair na ba 'to? Nakakainis! Bakit ganito? Hindi naman gano'n ang gusto kong mangyari...hindi niya deserve 'yong gano'ng klase ng kalungkutan! Ayoko masira 'yong ngiti niya...

Pero nakita ko siya kanina sa hallway, taas ang noo at nakangiti na para bang hindi siya naaapektuhan sa mga nangyari. Gano'n ba ako kahina? Bakit ako, halos nanlumo ako? Gano'n ba ako nagpaapekto? Bakit hindi ako naging malakas kagaya niya? Bakit napakahina ko naman?

Isang buntong hininga ang aking ibinuga. Kasi heto na naman 'yong isipan ko, pinaglalaruan na naman ako. Lalamunin na naman ako ng buhay...ipaparamdam sa akin ang emosyon na ayokong maramdaman.

"Kaya ko pa. Kaya ko pa." sabi ko sa aking isipan.

Isang buntong hininga na naman para sa mga luhang pinigilan kong kumawala para lang masabing kaya ko pa...kahit ang totoo no'n ay hindi na. Sukong-suko na ako.

"Okay lang kaya siya?" pag-aalala ni Niccolo.

"Okay lang 'yon, strong naman siya. Makakayanan niya 'yon." sambit ko para maiba ang usapan.

Tinakpan ko ang aking mukha ng dalawa kong palad at para bang naghihilamos ngunit agresibo. Inaatake na naman ako ng mga demonyo ko. Wala na naman akong kontrol sa sarili ko.

"Ayos ka lang, Jaq?" pag-aalala ni Niccolo.

Tinapik-tapik niya ang likuran ko.

"Ayos lang ako. Wala 'kong problema."

Marami, 'yong isipan ko sumisigaw nang tulong habang tumutulo ng tahimik ang aking mga luha sa aking pisngi. Pinipilit ko itong itago sa kanila gamit ang pagtakip sa aking mukha.

"Sigurado ka bang okay ka lang?" pag-aalala ni Seb.

At silang tatlo ay tinatapik-tapik na ang likod at balikat ko. Siguro halata na 'yong pag-iyak ko?

"Maniwala kayo sa'kin, wala lang 'to. Pagod lang ako." ngunit patuloy pa rin ako sa pagsisinungaling.

Dahil sa paghahaplos nila sa aking likuran ay pinipigilan ko ang malakas na paghikbi ngunit rinig pa rin yata ng tatlo.

"Pare, anong problema? Sabi naman namin sa'yo 'di ba na nandito lang kami para tulungan ka?" ani ni Niccolo, nasa tono na niya ang pag-aalala ng sobra.

"Sige lang, Jaq. Iiyak mo lang 'yan, sige lang. Kung ayaw mo i-share sa amin ayos lang, naiintindihan namin. Ilabas mo muna 'yan." sambit ni Lucas.

Hindi ko alam kung paano ko i-de-describe 'yong nararamdaman ko. Hindi ko nga rin alam kung ano at saan ba talaga ang pinanggagalingan nito. Basta alam ko lang, hindi ako okay. Hindi ako masaya at pagod na pagod na ako...mismong kaluluwa ko pagod na rin. Pagod ako sa bagay na hindi ko rin alam. Tangina. Masyado na akong blurry! Gulong gulo na 'ko!

Bigla ko naman kinagulat ang pagyakap sa akin ni Niccolo,

"Ayos lang 'yan, iiyak mo lang," aniya.

Patuloy pa rin ako sa pagpigil sa aking mahinang paghikbi.

"Huwag ka mag-alala, Jaq. Hindi ka nag-iisa. Lahat naman tayo may halaga. Not now pero soon mararamdaman natin 'yan sa tamang panahon, sa tamang pagkakataon at sa tamang tao." sambit ni Lucas.

"Tama tama, may halaga ka! Sa'min pa lang meron na, eh?" ani ni Niccolo na nakayakap pa rin sa akin.

"Tangina bakit kayo may halaga, tapos ako wala?" sambit ni Seb na tinawanan naman namin bigla.

"Ayan mas gusto ko! Tumatawa tayong apat!" masayang bigkas ni Seb.

Pinunasan ko na ang aking mga luha, nakatalikod pa rin sa kanila...ayoko lang makita nila akong magulo't mahina. Habang lumalapit ako sa isang upuan na hindi kalayuan sa aming pwesto at doon naupo. Gumaya rin naman ang tatlo at tinitignan lang nila ako. Bakas pa rin ang pag-aalala.

Siguro oras na para sabihin ko naman ang problema ko. Alam kong hindi naman sila makakatulong pero baka sakaling mabawasan ang kalungkutan na nararamdaman ko ngayon.

"May aaminin ako sa inyo," seryoso kong bigkas sa kanila.

Halata naman sa kanila ang pagkainteresado sa aking sasabihin. Tumingin-tingin ako sa paligid baka sakaling hindi lang kami ang tao rito pero buti na lang kaming apat lang ang tao rito ngayon. Wala kasing tumatambay rito kapag tanghaling tapat dahil sa sobrang init.

Dahan-dahan kong itinupi hanggang siko ang manggas ng aking jacket sa magkabilang kamay. Pinakita ko sa kanila ang mga peklat at hiwa sa aking palapulsuhan na kanila namang ikinabigla.

"Anong pumapasok sa isip mo? Ha? Bakit hindi mo sa amin sinabi ang tungkol dito?" pag-aalala ni Niccolo.

"Kasi ayokong malaman ninyo..."

"Bakit naman? Kaibigan mo kami Jaq!" sumbat ni Seb.

"Ayon na nga...kaibigan ko kayo pero kaibigan ko pa rin ba kayo kapag sinabi ko sa inyo ang tungkol dito? Baka isipin niyo nagdadrama lang ako, baka mag-iba ang tingin ninyo sa akin."

"Jaq! Hindi kami gano'n! Ilang taon na rin tayong magkakaibigan. Solid ang samahan natin, 'di ba? Bakit ka namin huhusgahan kung seryoso ang usapan? Siraulo lang tayo minsan pero hindi palagi!" ani ni Niccolo.

"Hindi na namin tatanungin kung anong nangyari d'yan, past is past. Basta sa susunod na may problema ka at hindi mo na kaya, huwag kang magdalawang isip na lumapit sa amin. Please lumapit ka sa amin, tutulungan ka namin. Hindi ka namin huhusgahan. Okay?" sambit ni Lucas.

"Oo nga! Pag-uusapan natin 'yan na may empi sa gitna!" sambit ni Seb na hindi ko alam kung nagbibiro o seryoso rin.

Dahan-dahan na ibinaba ni Seb ang manggas ng aking jacket upang itago ito. Pagkatapos ng pangyayaring iyon bumalik na kami sa pagbibiro at pagtawa.

Tama, nasa tamang mga tao na nga ako.

•••

Pagkasapit ng gabi, nakadungaw ako sa may bintana ng tinutuluyan kong kwarto. Dinial ko ang isang pamilyar na numero sa aking contacts. Napagdesisyunan ko na rin na magsimula ng bagong yugto sa aking buhay at sisimulan ko ito sa paglimot sa nakaraan.

Ilang ring ang lumipas at sinagot na rin niya ang tawag ko.

"Hello?" bungad ko sa kabilang linya.

[Jaq, napatawag ka? Ayos ka lang ba? May kailangan ka?]

"Ayos lang naman po...kayo?"

[Ayos lang din.]

Nakita ko si mama na naghihirap pero kahit kailan hindi ko siya nakitang sumuko. Ayon na yata ang isa sa pinakamalaking pagkakamali ko sa nakaraan na puwede ko pang maitama sa kasalukuyan.

"Ma..."

[Bakit?]

"Sorry. Sorry, sorry, sorry, sorry po talaga, Ma. Patawarin mo po ako." mahina kong sambit.

[Bakit ka nagsosorry? May nagawa ka bang masama?] Pag-aalala niya.

"Sorry...dahil sa akin nawala 'yong pamilyang matagal mong sinusubukan na hindi mawala. 'yong pamilyang iniingatan mo. Dahil sa akin nawalan ka ng isang asawa. No'ng nandoon ako sa burol ni Jorge, naramdaman ko kung gaano rin kasakit 'yong sinapit mo no'n tapos wala man lang akong nagawa para sa'yo...para damayan ka sa dalamhati mo. Wala ako sa tabi mo para palakasin ka. Naiintindihan ko kung bakit ka galit sa akin...kaya patawad. Sorry talaga, ma."

[Hmmm Jaq, huwag na huwag mong iisipin na kasalanan mo lahat at mas lalong huwag mong isipin na galit sa'yo ang magulang mo...na galit ako sa'yo dahil hindi...walang magulang ang kayang magalit sa sarili nilang anak. Hindi kita sinisisi, bakit ko naman gagawin 'yon? Hindi ko lang alam kung paano sasabihin sa'yo...sorry rin sa'yo, Jaq. Nagkulang din ako bilang isang magulang.]

Nagsimula na naman pumatak ang mga luha ko. Dahan-dahan pero hindi ko pinupunasan, hinahayaan ko lang ang pagbuhos nito sa aking mukha.

[Bago mamatay ang papa mo, humingi siya sa akin ng sorry. Tapos hinahanap ka niya. Pinagsisisihan niya ang lahat at inako niya na kasalanan niya ang lahat kung bakit mo nasabi 'yon. Hindi mo siya pinatay Jaq...ginising mo siya sa katotohanan at nagpapasalamat siya sa'yo. Sana mapatawad mo rin siya, kagaya ng ginawa ko.]

"Opo..." mahinang pahikbi kong bigkas.

"Pinapatawad ko na siya." matapang kong sambit.

At huli man ay napagtanto ko na ang pinakamahusay na paraan upang labanan ang ating mga laban sa buhay ay tanggapin ang katotohanan na hindi tayo okay. Mas mainam nga na palabasin ang lahat ng ating hinanakit at makipag-usap sa taong pinagkakatiwalaan natin, humingi ng tulong sa taong 'yon na talagang makikinig at gagabayan tayo upang mapabuti. Hindi man nila tayo matulungan ng buo, pero kahit papaano may parte roon na unti-unti nilang tinatagpi...at marahil ang pagtatagping iyon ay tatapusin ng ating sarili, At sa gano'n ang ating sarili ay mauunawaan na ang pagkakamali ay puwede pa rin palang ayusin.

•••

END OF PART 1

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro