Kabanata 15
Ikaw at ang ulan
•••
"Tatlong oras na akong nagpapa-cute sa'yo, 'di mo man lang napapansin ang bagong t-shirt ko..."
Pangalawang awitin na tinanghal ng grupo nila Seb ay ang Ligaya ng Eraserheads at doon sa part na t-shirt ko, pinagyabang niya ang kaniyang suot na may print na ASCII Code sa harap;
065 076 065 071 065 068 032 078 071 032 084 069 075 078 079 076 079 072 073 089 065 [ALAGAD NG TEKNOLOHIYA]
at ang print naman nito sa likod ay,
#include <iostream>
int main() {
std::cout << "BS INFORMATION TECHNOLOGY!";
return 0;
}
Ayan ang course shirt namin mga BSIT. May labanan kasi ng pagandahan ng course shirt design tuwing foundation day at bilang mga I.T wala naman kaming pakialam sa patimpalak na 'yon dahil isa kaming mandirigma. Simple lang palagi ang design sa amin, Itim na t-shirt at font color na puti tapos parang CMD ang font design. Gano'n lang ka simple basta ba nasusuot at mura dahil kung magastos, eh, baka wala nalang kaming suotin.
"Hahaha tamang promote lang, ah?" saad ni Maki.
Iyong course shirt nila Salem ay simpleng print lang ng paborito nilang larawan...photography students naman kasi sila.
"Baka sakaling manalo hahahaha!" sambit ni Lucas.
Palagi kasing mga Business Ad 'yong nananalo. Alaws eh, mukhang malakas ang kapit tsk tsk tsk.
"Gagawin ko ang lahat pati ang thesis mo, 'wag mo lang ipagkait ang hinahanap ko..." patuloy na pagkanta pa rin ng kaibigan naming part-time bokalista sa harap.
"Puro ka gan'yan! thesis nga natin hindi mo magawa!" pabirong sigaw ni Niccolo.
"Kung narinig ka niya, panigurado akong pinakyu ka na niyan." sabi ko.
"Fuck boy kasi siya hahahaha!" sabat ni Lucas.
Lahat ng mga estudyante ay nakiki-jamming sa awitin, sumasabay sa kanta at hinihiyaw pa nga ito. Nakakatuwa lang dahil hindi na moment ng mga magsyo-syota sa oras na ito dahil ito'y vibes ng mga single at magbabarkada na minsan inaawit sa karaoke kapag nag-iinuman. Ewan ko na lang kung sino pa ang hindi nakakaalam sa mga kanta ng Eraserheads...iconic opm band sila tulad ng parokya at Rivermaya. Mga kanta nila ay ang paboritong opm songs ng masa noon at ngayon.
Nang matapos ang kanilang pagtatanghal ay nakatanggap naman sila ng malakas na palakpakan ulit mula sa mga audience at syempre malakas na sigawang papuri para kay Seb mula sa amin.
"Kingina nito instant peymus na!" sambit ni Niccolo pagbalik ni Seb sa puwesto namin.
"Gagu sarap sa feeling hahahaha!" pagmamayabang niya sa amin.
"Bagal niyo nga matapos, eh, parokya lang naman inaabangan namin!" angal ko.
Minuto rin ang tinagal ng mga MC sa harap at kung ano-ano pinagsasabi tungkol sa foundation at sa school na inihahalintulad nila sa love at life, kesyo nakakaproud daw at kamahal-mahal daw ang school.
"Ewan ko sa mga 'to napakaplastik, 'di naman kamahal mahal 'tong school...mahal kamo tuition!" reklamo ko.
"SSC 'yang mc 'di ba?" tanong ni Seb.
"Pake ko kung ssc pa 'yan."
"Wala talaga kayong mga kuwenta, noh?" sabat ni Salem.
"Nakikisali sa usapan ng may usapan?" sarkastilong bigkas ni Niccolo sa pinsan niya. "Kami lang nag-uusap dito, oh?" dagdag pa nitong pang-aasar, gumuguhit na naman ng linya.
"Hahaha akalain mo, nandiyan ka pala? Akala ko stranger hahahaha!" pang-aasar din ni Seb kay salem.
"Whatever mga panget." inirapan tuloy kami ni Salem, pati tuloy kami ni Lucas natarayan pa.
"Arte." pabulong na saad ni Seb.
Sa sobrang dami ng sinabi ng MC sa harapan, eh, akala mo state of the nations address na ang ginagawa nila. Ang dami pa nilang sinasatsat sa harapan at pinapasalamat para maging matagumay ang foundation na ito kahit na karamihan lang sa mga estudyante rito ay hinihintay ang pagtatanghal ng parokya ni edgar.
"Hoy manghiram na kayo ng palobo!" sabi ni Lucas na agad naman sinunod ng dalawa at umalis sa aming puwesto.
"Saan pupunta 'yong dalawa?" tanong ni Maki habang nakatingin sa papalayong sina Seb at Niccolo.
"May gagawing kababalaghan sa cr." seryosong pagbibiro ni Lucas.
"Hahahaha dafak, 'di nga?" ani ni Maki na natatawa pa nga.
"Oo hahahaha!"
"Taragis BL series hahahaha!" pakikisabay ni Maki sa kalokohan ni Lucas.
"What? Bobo lang si Niccolo but he's not gay or bisexual...or is he? tell me!" sambit ni Salem at naka pameywang pa.
"Wala naman masama do'n Xowie, nagmamahalan lang naman 'yong dalawa. Love has no gender, age, and identity. We are all free to love who we want to love!" banggit ni Maki sa kaibigan.
"Yes, wala naman mali sa magmahal, ang mali lang they're gonna do it sa school property. Ayokong mapahamak 'yong pinsan ko, okay? Paano kapag nahuli sila...I mean, doing something ano...like ano...you know!"
Napaka advance naman mag-isip ng babaeng 'to...anuhan agad?
"Wow! Grabe ang pag-aalala." pagkamangha namin Lucas at sabay pinalakpakan si Salem.
"Palihim na pag-aalala, ah?" sambit ko.
"Hay nako! Nevermind! Gawin nila kung anong gusto nilang gawin!" inis na sambit ni Salem.
"Bakit hindi mo sabihin 'yon sa kaniya? Baka matuwa si Niccolo. Alam mo na, 'yong pinsan niya may pake pala sa kaniya, hindi lang halata." sabi ko.
"As if! Wala kong pake sa buhay niya at sa buhay niyo!" pagtataray pa rin niya.
Pinaglihi yata ang isang ito sa kaartehan at katarayan...walang duda.
Matapos ang mala SONA na speech ng mga MC, eh, sa wakas tumungtong na rin sa entablado ang main event sa gabing ito.
"GOOD EVENING MGA STUDENTS!" Pagkarinig ng katagang 'yan lahat ng estudyante ay naghiyawan ng napakalakas para sabayan din ang energy na mayroon si chito Miranda.
"HANDA NA BA KAYO NGAYONG GABI?" dagdag pang sabi ni chito Miranda.
"OO!" Malakas na sigaw sa buong field ng mga estudyanteng audience.
"NAGHANDA KAMI NG MGA AWITIN NA SIGURADO KAMING MAGUGUSTUHAN NINYO! SABAYAN NIYO KO, AH?"
"WOOOOOHHHH!"
Una nilang kinanta ay 'Wag Mo Na Sana. Umpisa pa lang ng kanta ay ang dami na agad nakisabay na akala mo tuloy nasa isa kaming gig concert dahil sa vibes dito sa field. Halos nakikita ko rin ay mga cellphone na naka-angat para mabidyuhan ang performance ng parokya, pati na rin 'yong mga kasama ko rito binibidyuhan ang pagtatanghal.
"Heto na, heto na!" bigkas ni Seb pagkabalik nila ni Niccolo sa aming puwesto ng nagmamadali.
"Simula na ba?" tanong ko sa dalawa.
"Oo tignan mo 'yon!" turo ni Niccolo sa isang lobo na pinagpapasahan sa gitna, "Iyong mga engineer nanguna, pagkakasimula pa lang ng intro!" dugtong niya.
Ibinato ng dalawa ang dalawang lobo na binili pa nga ni Niccolo kanina sa 7-11 na pinalobohan nila sa mga com-sci dahil mayroon may dala ng pampalobo ng lobo sa mga grupo ng kalalakihan doon. Tawang-tawa ang tatlo sa nasasaksihan nilang pagpapasa ng lobo sa gitna.
"Kapag lumapit 'yan, I'll grab it!" dinig kong banggit ni Salem kay Maki habang nakaturo sa lobong pinagpapasahan sa gitna.
"Kung ako sayo, hindi ko 'yon gagawin." Medyo mahina kong sabi pero sapat lang para marinig niya.
"Why not?"
Lumapit ako ng kaunti kay Salem, lumapit sa kaniyang tainga upang bumulong.
"Hindi 'yon basta lobo lang...condom 'yon na pinalobo." napasinghap sa gulat si Salem no'ng malaman ang katotohanan.
"What the fuck! Hindi nga?" bulyaw nito.
"Oo nga." pagtango-tango ko sa kaniya habang medyo nakanguso.
"Bakit?" tanong ni Maki na may pagtataka dahil sa reaksyon ng kaniyang kaibigan.
"Eww! yuck!" pag-iinarte ni Salem habang nandidiring nakatingin sa kanyang dalawang palad.
Nagkatinginan kami ni Maki at parehas lang kami ng expression...nagtataka sa kaweirduhan ng babaeng napapagitnaan namin.
"Bakit anong meron sa palad mo?" tanong ko.
"Last year nakasalo ako ng gano'n! Kaya pala it feels so sticky and wet! I thought na nagpapawis lang 'yong palad ko! And what if...gamit na 'yon? AHH! My virgin hands!" pagdadrama niya pa rin.
"Virgin hands?"
"Oo, Virgin hands! hindi tulad ng mga kamay niyong lalaki, eww!"
"Inaarte-arte niyan d'yan?" tanong ni Lucas sa akin.
"Normal na 'yon...kasama na 'yon sa pagkatao niya, 'di ba?" saad ko.
"Sabagay." pagsang-ayon ni Lucas.
"Huwag mo na sana akong pahirapan pa, kung ayaw mo sa akin ay sabihin mo na...'wag mo na sana akong ipaasa sa wala, oo na mahal na kung mahal kita..." rinig pa rin ang pagkanta ni chito miranda sa buong venue.
Ilang lobo ng condom na iba't ibang kulay na rin ang makikita sa paligid...sigurado rin ako na iba't ibang flavor din 'yon. Halos lahat yata ng grupo ng kalalakihan sa bawat course ay nagsipag palobo ng kakaibang lobo.
Sunod naman na kinanta ng parokya ay Harana. Nasundan ng Gitara. Pagkatapos ng dalawa, sinundan pa ito ng Alumni Homecoming. Sulit nga talaga ang isang daan na binayad namin sa mala-concert ng parokya. Halos lahat pa rin ay sumasabay sa pagkanta ni Chito Miranda at ang maangas pa rito ay sa mismong harapan namin ay nagsimula ng magslamman ang mga grupo ng kalalakihan sa kurso ng engineering at I.T. sa ibang block.
"Buti na lang nakatungtong tayo rito!" saad ni Maki.
Pero dahil matigas ang bungo ni Seb nakisali siya sa slamman sa ibaba at tuwang-tuwa pang nakikipagtulakan sa hindi naman niya kilala.
"Kingina mo Lance! Hahahaha!" sigaw ni Niccolo pero isa rin sa nakisali sa slamman at sumama kay Seb sa circle of men.
"Hay nako...itsura ng mga katangahan." banggit ni Salem pero kinuhanan naman niya ng litrato ang grupo ng kalalakihan sa kaniyang harapan.
"At bakit ko ba pinabayaan, mawala ng 'di inaasahan...parang nasayang lang, nawala na, wala nang nagawa..." pagkanta pa rin ng banda sa harap pero nasa iba na ang atensyon namin.
Natatawa lang kami sa aming harapan, sa mga nag-iislamman dahil may mga nadadamay na ibang estudyante na hindi naman kasali sa kanila. Para silang tangang umiikot-ikot ng ilang beses sa circle of men nila at pagkatapos ng masayang ikutan ay sabay naman ng friendly tulakan. Kapag sumali ka at nakasama ka na sa circle of men, expect mo na ang gitgitan at tulakan pero walang personalan. Normal na sa mga ganitong event ang slamman at 'yong lobo ng condom basta lang hindi isusumbong sa college president. Ang matinding ipinagbabawal rito ay ang alak...masyado silang strict kaya sa gate palang matinding inspection sa mga bitbit na tumbler at kung ano mang tubigan na dala ng estudyante. Kapag tumbler ang dala mong tubigan ay puwedeng ipasok, kapag mineral bottle na nabibili sa labas ay ikukumpiska, pero 'di hamak na mas masakit ang tumbler kapag binato kaysa sa mineral bottle na gawa sa plastik...o baka gusto rin kumita ng school dahil mayroon silang binebenta na mineral water sa cafeteria kaso double the price kaysa sa labas, at mayroon din namang drinking fountain sa bawat building na mura lang kaso hindi mineral, ang risky nga lang at lasang hindi mineral.
"Pinapagod lang nila sarili nila..." sambit ni Lucas.
"Hahahaha hayaan mo na, mga graduating na, eh. Last time na lang 'yan, university experience sabi nga nila."
"Sabagay, pero mukha pa rin silang tanga."
"Puwes, totoo 'yon."
Ilang kanta pa ang inawit ng parokya na para bang nasa concert lang talaga nila kami tapos isang daan lang ang binayad namin sa ticket. Nakakasiyam na silang awitin at no'ng matapos ang pagkanta nila sa Your Song, eh, sinabi nila na susunod na ang huling kanta na kanilang itatanghal, ta's maya-maya ay biglang bumuhos ang malakas na ulan pero syempre walang pumayag na huminto ang pagtatanghal---"The last song must be performed!" sigaw namin mga estudyante.
"Buti na lang nasa may puno tayo banda..." sabi ni Lucas. 'yong dalawa naman bumalik na sa puwesto namin dahil ang sakit na raw ng katawan nila dahil sa pagsali sa slamman.
Si Niccolo ay pawisan na at akala mo, eh, naligo sa sariling pawis. Gano'n din si Seb kaso nakasuot na lamang siya ng sando na kaniyang panloob at nakasabit ang polo niya sa kaniyang kaliwang balikat, 'yong scarf pa nga niya ay ginawa niyang bandana. Si Niccolo pa nga ay nakisuyo kay Lucas na ilagay 'yong panyo nito sa kaniyang likuran na parang bata.
"Tangina may payong sila, oh!" sambit ni Lucas kaya napatingin ako sa dalawa na nakasilong sa payong na dala ni Niccolo.
"Taragis 'tong mga 'to, pasukob!"
"Ang liit lang nito tanga, hindi tayo karsyang apat!" angal ni Seb.
"Oh!" biglang abot ni Salem sa payong niya sa akin. "Share na lang kami ni Maki." dugtong niya.
"Napakabuti mo talagang tao Salem, pagpalain ka nawa!"
"Pagpapalain ako kung matututo kayong magdala ng sarili niyong payong!" bulalas nito pero hindi na namin pinansin at sumukob na kami ni Lucas sa payong na ipinahiram sa amin.
Nagsimula na ulit kumanta ang parokya, Sampip ang kanilang huling awitin. Wala masyadong cellphone na nakataas para bidyuhan ang huling pagtatanghal dahil sa ulan kaya kitang kita namin ang stage.
"Some people love shoes of certain kinds, some people love afternoons or the way the moon shines...and they have their own reasons to feel the way they do, that's why I ask myself, what it is with you?" malumanay na pagkanta ni chito at para bang bumagay sa pagbagsak ng ulan ang mood ng awitin.
Nakisabay na rin ako sa pagkanta dahil isa ito sa mga paborito kong kanta ng banda. Habang umaawit ay bigla kong napansin ang isang pamilyar na likod ng isang babae na hindi masyadong kalayuan sa stage, sa may bandang gitna, nakatayo, likod pa lang niya alam ko na na siya 'yon...
Si Sining.
Basang-basa na siya sa ulan, ultimo parang basang sisiw dahil dilaw pa ang kulay ng suot nitong polo na panigurado ay course shirt nila at parang tangang kinakaway ang dalawa niyang kamay sa ere pareho ng kaniyang mga kaibigan...mukha naman siyang masaya ngayong gabi.
"Some people love thunderstorms because of how the drops of rain fall down, and they have their own reasons, whatever they may be...that's why I think it's kind of funny, that you don't have one for me..."
Nakatingin pa rin ako sa gawi niya habang sumasabay sa kanta. Dapat ba hindi na lang din ako nagpayong? Gusto ko naman ang ulan, eh, pero mas masaya bang damdamin ang ulan ngayong gabi? Iba ba ang pakiramdam kapag gano'n? Sobrang masaya ba sa pakiramdam 'yon? Bakit parang ang saya-saya niya?
Pinagmamasdan ko ang bawat galaw niya...'yong pagpupumilit niya sa kaibigan niyang kumaway-kaway rin sa ere gaya ng ginagawa niya...basang-basa na siya sa ulan pero ayos lang sakanya. Living the life sa huling university experience yata ang ginagawa niya. Tutal napapaligiran naman siya ng blessings, dapat nga naman na maging masaya siya palagi.
Medyo nanlaki 'yong mata ko ng biglang lumingon sa gawi ko si Sining at bigla na lamang nagtama ang aming tingin. Ngumiti siya na para bang abot tainga at ayon na naman siya sa tingin na 'yan...
Sa aking paningin para bang nag-blur ang paligid, nagslow-mo lahat ng tao. Ang tanging naririnig ko lamang ay ang awitin at pagkanta ni chito. Hindi naman malabo ang aking mata pero ang tanging malinaw lamang sa aking paningin ay si Sining na nakangiting tumitingin din sa akin.
"Why you love to hate me..."
Iyong tingin na para bang nagsasabi talaga na, there's really something in me that's worth looking at.
•••
TBC.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro