Midnight Train: Teaser
"Mang Romeo, may problema ho ba?"
Pinagpapawisang mukha ng drayber ang humarap sa nagtanong na si Francine. Lumagok muna ito bago nagsalita. "Ma'am, ilang beses na po nating nadaanan ang lugar na ito."
"Po? Paano po mangyayari iyon e hindi pa naman ho kayo lumiliko?"
"Iyon na nga ho ang ipinagtataka ko. Hindi ko rin po alam kung paano nangyari iyon."
Napakagat-labi ang dalaga. Tumanaw ito sa labas ng bintana. Nakita niya ang ilang kabahayan na pawang bukas pa ang mga ilaw sa loob. "Itigil n'yo po muna ang bus."
May halo mang kaba ay sumunod pa rin si Mang Romeo. Inapakan niya ang preno na siyang nagpasagitsit ng gulong sa kalsada.
Hindi pa man nakapagpapasyang bumaba si Francine ay natanawan niya ang isang grupo na tila ba ay may dala-dalang sulo. Papunta ito sa kanilang kinaroroonan.
Nagsimulang umingay sa loob ng bus. Bawat isa ay kinakabahan sa paglapit ng pangkat. Si Francine naman ay lihim na inihanda ang rebolber na itinatago sa suot na backpack.
Nang makarating ang grupo sa may pinto ay sunod-sunod na pagkatok ang iginawad ng mga ito. Tila ba nagmamadali.
Nang mabuksan ang pinto ay hindi na nabigyan ng pagkakataon si Francine na magsalita.
"Miss, kailangan ninyong magsibaba ngayon din! Wala nang oras!" saad ng lalaking sa tingin nila ay lider ng grupo.
"P-Po?"
"Wala nang oras, miss. Saka na kami magpapaliwanag kapag nasiguro na naming ligtas na kayong lahat!" nasa tinig na nito ang pagmamadali.
"L-Ligtas?"
Hindi na nakasagot pa ang leader dahil isang tunog ang umalingawngaw sa kadiliman ng gabi.
"Ang tren. . ." tila bulong lang iyon pero dinig pa rin iyon ni Francine. "Wala nang oras. Magmadali na kayo!"
Sa himig ng boses ng lalaki ay nagmadaling kumilos ang lahat ng pasahero sa bus. Hindi maitatago ang pagkataranta sa bawat isa na sinamahan ng takot na hindi nila alam kung para saan.
Lakad-takbo ang ginawa ng lahat patungo sa kabahayan. Wala ni isa ang nagtangkang lumingon. Nang masigurong nasa loob na ang lahat ay dali-daling ini-lock ng mga residente ang pinto. Sinabayan iyon ng pagpatay ng ilaw sa lahat ng kabahayan.
"A-Anong?"
Isang kamay ang nagtakip sa bibig ni Vanessa. "Huwag kang maingay."
Kasabay ng paglakas ng tunog ng tren ay ang paglakas ng kabog ng puso ng mga walang kamalay-malay na pasahero ng bus. Wala pa man silang ideya kung ano ang kanilang pinagtataguan ay halos lumabas na ang puso nila sa sobrang kaba!
Sa wari nila ay tumigil ang tren sa di kalayuan. Panaka-naka pa rin ang pagbusina nito. Mas mahina kumpara kanina pero hindi nabawasan ang hindik na dulot nito sa mga bagong dating.
Mayamaya'y isang palahaw ng babae ang umalingawngaw sa paligid. "Julius! Ibalik n'yo ang asawa ko!"
Kyuryosidad ang bumangon sa dibdib ni Francine kaya tumungo siya sa bintana para sumilip. Nanlaki ang mga mata niya nang makita ang hindi mabilang na mga tao na naka-cloak na kulay puti. Ang bandang mukha ng mga ito ay hindi maaninag sa sobrang dilim.
Marahas na paghila ang nagpaalis kay Francine sa bintana. Pero bago iyon ay nakita pa niya ang paglingon ng isa sa mga nakabalabal na tila ba nakatingin sa kaniya!
"Wag mo silang tingnan dahil ikaw naman ang isusunod nila!"
Halos lumabas ang puso ni Francine sa kaniyang dibdib. Nandoon ang pag-aalala na baka siya naman ang sunod na kuhanin tulad ng lalaking ang pangalan ay Julius.
Ngunit napahinga nang maluwag si Francine nang isang mahabang busina ang tumunog. Tila ba hudyat iyon ng pagpapapasok muli sa tren sa mga nakaroba.
Itutuloy...
------
Author's notes:
This concept was inspired from my dream and mystery-thriller movies/books na mga pinapanood at binabasa ko. Haha.
Credits din pala kay Taylor Swift kasi nakikinig ako ng Midnight Rain habang nag-iisip ng puwedeng title sa story na 'to. 😂
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro