The Fifth Gray
Huling Nabasang Libro: The Fifth Horseman ni James Patterson
Ako si Kamatayan, kilala't kinatatakutan-
Kinatatakutan ng karamihan at iniiwasan-
Iniiwasan mo'ko pero nahuhumaling ako sa lungkot ng iyong mga mata kaya sa akin ay sumama ka-
Sumama ka na, alam kong pagod ka na. Hinihintay mo ako 'di ba?
'Di ba ay namuhi ka noong ama mo ay aking kinuha?
Kinuha ko s'ya dahil iyon ay nakatakda at ngayon ay pinasusundo ka na n'ya. Tayo na!
Ako si Taggutom, salat sa mga mahihirap at kilala-
Kilala nila ako dahil araw-araw ko silang nakakasalamuha-
Nakakasalamuha sa kalye, sa bukid, sa labas ng simbahan, sa kulungan at sa mga parke-
Parke na paboritong pasyalan ng mga mayayaman pero darating ang panahon na kukumustahin ko sila-
Sila na walang pakialam sa pulubing humihingi ng kahit isang barya.
Ako si Pandemya, ako'y kalat na at kilala-
Kilala at laganap sa lahat ng bansa-
Bansang umaabuso sa likas na yaman ng kalikasan-
Kalikasang sinisira ng polusyon, teknolohiya, ingay ng makinarya at mga kemikal na likha ng tao-
Tao, kailan mo pagsisisihan ang pagsira mo sa mga biyayang tinatamasa mo-
Tinatamasa mo ngayon ang hagupit ng paghihigante ng mga hayop na pinagmulan ko at sa pagkakataong 'to ay hindi kayo tutulungan ng mga halamang gamot-
Halamang gamot na sinisira ninyo't inaabuso.
Ako si Digmaan, ayaw mo akong pagmasdan-
Pagmasdan mo ang balita sa telebisyon at ng iyong malaman-
Malaman ang mga dahilan ng iringan at ang pagpapakumbaba ay nakalimutan-
Nakalimutan kasi ninyo na ang isang salita ay p'wedeng maging bomba kapag ginatungan-
Ginatungan ng mga alpobrang kasinungalingan galing sa ikalimang tauhan.
Ako ay si ako at kilala mo ako bilang Tao, ngayo'y basahin mo ulit ang tulang ito.
Sino ang dapat katakutan mo?
#WattpadAThonChallenge
#AgosTula
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro