4. Sa Huli'y Langit
Sa Huli'y Langit
ni Christy B.
Isang malakas na kalabog ang gumising sa aking puso't diwa. Dali-dali akong bumangon at tumakbo sa may sala na tila nawiwindang. Malalakas na bulalas ang napapakinggan dulot ng ingay ng dalawang taong sa akin ay parehong mahalaga - yun ay ang aking ama't ina na walang araw na hindi nagbabangayan.
Araw-araw hanggang gabi, walang ibang maririnig kundi panunumbat sa pagitan ng aking ama't ina.
"Nay, kailan ba matatapos ang hidwaan sa pagitan niyo ni Tatay?" Mangiyak ngiyak kong sabi. Walang imik sa pagitan ni Tatay subalit patuloy pa rin sa paninigaw ang aking nanay.
"Matatapos lang ito kung 'di ko na makikita ang lalakeng ito sapagkat sawang-sawa na ako sa kanyang panloloko!" Pasigaw na sabi ng aking ina.
"Aalis ako ngunit isasama ko ang aking anak!" Pasigaw na sabi ni Tatay.
"Pumili ka sa amin. Kanino mo gustong sumama?" Tanong ni Nanay.
"Ayokong pumili sapagkat pareho kayong mahalaga sa akin." Ang tangi kong sambit habang patuloy paring humihikbi.
Patuloy pa rin sila sa paninigaw sa isa't isa hanggang sa nasambit ko ang salitang "Kay nanay ako sasama." At ang katagang iyon ang nagpatigil sa kanilang dalawa. Walang imik na umalis ang aking ama at yun na ang huli nitong paglabas sa pintuan ng aming bahay - huling araw na siya'y aking nakita.
Kinaumagahan, hinahanap ng aking tainga ang ingay na madalas gumigising sa akin ngunit ito'y wala na.
Doon ko napagtanto na "Hindi na siya bumalik. Kapiling na pala niya ang mga anghel sa langit."
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro