Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Ikalawang Windang

#MMEIkalawangWindang

_________________

"180 po talaga Ma'am, fixed price," ngiting aso na sabi ni Alexa sa kuripot na customer na kanina pa tumatawad sa binebenta niyang sabon na pampaflawless ng fez.

Mula sa tunay na presyo nitong 180 pesos ay bumagsak agad ang tawad ng customer sa 80 pesos. Wagas kung makatawad si Ati!  Di pa nito hiningi! Juskohan lang talaga ang mga pipol nang sangkalupaearth! Makatawad lang talaga!

Muling nagsalita ang babae na mukhang inubos ang isang kahon ng BB Cream sa mukha dahil sa puti niyon. Sa tantya nya kahit limang tube pa ng BB Cream ang ubusin nito, di niyon matatakpan ang overly pimple populated na fez nito.

"Hmmp, ayaw mo naman sa tawad ko, wala namang tatak yang tinda mo pero ang mahal, baka galisin pa ko dyan!" anito at pagkatapos ay  inismiran siya sabay talikod.

Naku-u! kung hindi nga lang ba kailangan niyang kumita ngayon. Kanina pa nakatikim sa kanya si Miss Palitada!

Napakamot na nang ulo si Alexa, nalukot ang ilong dahil sa pagpipigil na pagbuka ng bunganga.Delikado kasi 'pag bumukas ang bunganaga niya kapag naiinis sya, malamang sa malamang, malulusaw sa kahihiyan si Ateng Kuripot/Palitada, kaya dapat tikom lang ang byutipol lips nya. Sales lady siya ngayon, dapat ang mithiin nya ay "Customers are always right."

Napaupo na siya sa stool at iginala ang paningin sa paligid. Maraming tao. Katabi kasi nang commercial complex, kung saan nakapwesto ang tindahan ng mga pampaganda ni Jenna, ay ang isang mall. Weekend kasi kaya dagsa ang mga tao.

Weekend.

Napabuntong hininga na naman siya at inilabas ang cellphone niya. Hinalungkat ang reminders, halos dalawang linggo na lang, magbabayad na naman si Renz ng tuition fee sa school. Kaya siya raket ng raket para sa pag-aaral ng bunso nilang si Renz. Third year college na ito sa kursong Business Administration sa isang pampublikong unibersidad sa Maynila

Gaya nya, hindi pinagdamutan ng talino ang kapatid niya, kung kaya't kahit na hirap na hirap siyang pagkasyahin ang sweldo niya sa regular na trabaho niya bilang isang loan officer sa isang banko ay ok lang sa kanya, basta ba makatapos ang pinakamamahal niyang kapatid. Hindi rin naman kasi niya maiaasa lamang sa nanay niya ang pagpapaaral rito dahil bukod sa paextra-extrang pananahi nito ay hindi rin kasya ang kakarampot na pensiyon mula sa benipisyo ng namayapang tatay niya.

Tatlong taon ng namayapa ang tatay nila, at dahil maagang nag-asawa at nagkapamilya ang Kuya Lui niya at paextra-extra lang, pati ang Kuya Rollie niya na sa honorarium lang sa barangay umaasa, siya na ang tumayong breadwinner ng pamilya.

Pero ok lang sa kanya iyon, masaya naman siyang pagsilbihan ang pamilya niya, kanino pa ba aasa ang mga ito kundi sa kanya lamang. Sabi nga ng mga kapitbahay nila ay swerte raw ang mapapangasawa niya dahil bukod sa maganda ay masipag pa siya.

Pasimple siyang napangiti sa isiping iyon, hinawi pa niya ang buhok at pa-cute iyong inipit sa likod ng kanyang tenga.

Feel na feel niya talaga 'pag pinupuri siya, lalo pag totoo. Pa'no naman kasi sa bahay nila puro pang-aasar at biro ang natatamasa niya sa mga nagtotoyong mga Kuya niya, dahil nag-iisa siyang babae. Kung makabakod din ang mga ito daig ang great wall of China! Kaya 'yun, NBSB pa din sya.

Tsss..

Napatingin siya sa langit, dagli niyang nahiling na sana sa haba ng paghihintay niya sa 'the one" ang ibigay ni Bro sa kanya ay yung to the highest level na mala-Adonis na. Yung tipong titig pa lang lusaw ka na; yung hininga pwedeng gawing oxygen; at lalo na ang yung katawan, kapag tinitigan mo,juskohan, maghahanap ka agad ng isang kalderong kanin!

Namula si Alexa, lumevel up ang pagiging ilusyonada, wala sa sariling napangiti-naglalaro sa kinikilg at naiihi.

Ang pagtunog ng cellphone niya ang pumutol sa pag-iilusyon niya. Madali nyang tinignan iyon at may mensahe ang ang Kuya Rollie niya.

"Wag kang mgppgbi, Ling. Kung ggbhin, tumawag ka, ako susundo sayo," yan ang txt message ni Andres Bonifacio este ng Kuya Rollie niya.

Mas istrikto ito kaysa kay Kuya Lui niya, kung si Kuya Lui pwede niyang biru-biroin, si Kuya Rollie hindi. Kung siya idol niya si Gabriela, ang Kuya Rollie niya, matindi ang pananalig kay Bonifacio, kaya nga ito nagtanod eh.

Matuling lumipas ang mga oras, isang minuto na lang magsasara na siya ng pwesto. Latag na ang dilim alas-siete na rin naman na kasi ng gabi. Mabilis syang nagligpit ng mga display, at pagkatapos i-lock ang mga eskaparate ay lumabas na sya ng commercial complex.

Halos di na niya mahintay umuwi, nagwewelga na kasi ang alaga niya sa tyan, di na rin sya kasi nakapagmerienda. Gutom-gutoman ang drama niya talaga kasi nga maraming paparating na gastos sa bahay, kaya malimit sa hindi, inuuwi niya sa bahay pati ang gutom niya.

Ano kayang ulam sa bahay nila?

Nasa ganoon siyang pagiisip ng makuha ang atensyon niya ng isang pares na nasa isang French restaurant sa tapat ng commercal complex. Naunang lumakad ang babae palabas ng kainan, habang takbo-lakad naman ang ginagawa ni lalaki. Tiyak niya may tampuhan ang mga ito.

Buti nga sa iyo!

Lihim na sabi ni Alexa para sa lalaki. Kahit kailan talaga wala nang idinulot na maganda ang mga lalaki sa buhay ng mga babae lalo na pag palikero!

Kahit na ba choice niyang maging NBSB, may konting kaalaman din naman siya sa mga lalaki dahil kay Maia- ang isa pang BFF niya na. Nakilala niya ito nang lumipat siya sa pampublikong paaralan noong nasa first yr highschool siya. Masasabi niyang may kaya ang pamilya nito dahil sa bukod sa nagiisang anak, may matatag na trabaho ang mga magulang nito bilang government employees. Ngunit kahit na papalit-palit ang nobyo ng kaibigan at palpak ang taste nito sa mga lalaki, love pa rin niya ang bff niyang iyon. Para na kasi silang magkapatid, sabi pa nga nito minsan : "You're like the sister I never had."

Napangiti siya sa naalala. Matagal na rin silang hindi nakakapag-bonding ng kaibigan dahil tulad niya busy rin ito sa trabaho. Nagtatrabaho ito bilang accountant sa dlVConstruction, isa sa pinakasikat na construction company sa bansa. Mamaya ay tatawagan niya ito upang kumustahin.

Muli ay tiningnan niya ang may LQ na pares na nasa sidewalk na, malapit sa exit ng resto. Naabutan ng lalaki ang babae at hinawakan ng una ang kamay ng huli. Sandaling nagkatitigan ang mga ito, nagkasagutan, at ipiniksi ng babae ang kamay nitong hawak ng lalaki bago tuluyang nagwalk-out. Naiwan ang lalaki na nanlulumo bago humarap sa direksyon niya.

Napakunot noo naman si Alexa. Parang nakita na niya ito ngunit hindi niya matandaan kung kailan at saan. Oh well, papel, sabi nga ni Maia, pare-parehas ang tabas ng mukha ng mga lalaking manloloko, at dahil sa nasaksihan niya, confirmed te! Isa ang lalaking iyon sa tinutukoy ng kaibigan niya.

Nang di pa rin sya nito tantanan sa kakatitig ay binelatan na niya ito. Mukhang gusto pa ata syang isunod na mga biktima ng pambobola nito! Wengya mapapa-Gabriela siya ng di oras.

Ilang sandali pang nanatili ang lalaki sa sidewalk bago pumihit patalikod at tuluyan na ring naglakad patungo sa parkng area. Susundan pa sana ng tingin ni Alexa ang papalayong bulto ng lalaki nang mag-ring ang CP niya.

"Hello, Tita Vicky, bakit po kay-" nabitin ang sana'y sasabihin ng dalaga ng histerikal na umiyak ang ina ni Maia sa kabilang linya.

Tigagal siya sa ibinalita nito.

Dali-dali siyang pumara ng taxi di na niya alintana kung mapapamahal sya ng pasahe at mababawasan ang ipon niya. Basta ang importante madaluhan niya si Maia.

_____________________


PAGOD NA inilatag ni Json ang katawan sa couch sa game room ng bahay ng mga magulang niya or technically bahay na niya. Just 4 years ago before his 20th birthday, namatay sa isang plane crash ang mga magulang niya leaving him their entire estate including the house, except full control of dlV Dev't Corporation. Kung ordinaryong araw lang iyon ay didiretso na siyang matulog sa kwarto niya sa ikatlong palapag ng bahay. Ngunit gusto niyang makapagisip ng mabuti tungkol sa relasyon nila ni Jamie.

Jamie was his girlfriend. Or should he say ex-girlfriend now?

He frustratedly sighed.

Kani-kanina lamang, for the nth time, nakipagbreak si Jamie sa kanya. Ang tanging kaibahan lang niyon sa mga naunang break up nila, Jamie did it in public.

Sa harapan ng restaurant for Pete's sake!

Muli ay mariin niyang ipinikit ang mga mata. He just can't see the logic why his Gran keeps on insisting him to marry the brat. At siya naman itong tanga na sunod lamang ng sunod sa gusto ng abuela.

Hindi sa hindi niya gusto si Jamie. Mabait naman ito at galing sa mabuting pamilya, bukod pa sa classmate niya ito ng ilang taon bago sila nag-migrate sa US ng mga magulang niya mahigit 10 taon na ang nakararaan, magkaibigang matalik din ang mga lolo nila.

For the past six months of their on and off relationship, masasabi niyang espesyal ito sa kanya, kaya lamang ay may mga issues ito na hindi niya kayang sabayan. Gaya na lamang kanina, habang kumakain sila sa isang French restaurant, hindi sinasadya ng waiter na matapunan ng gapatak na sauce ang mamahalin nitong purse. She was so outraged that she wanted the poor waiter fired from his job. Of course, he just can't sit around and let his girlfriend do what she pleases.

Kinausap niya ito ng mahinahon at sinabing ibibili na lamang ito ng bagong purse, ngunit ayaw nitong makinig, ang gusto nito ay paalisin pa rin sa trabaho ang kawawang waiter. In the end, she didn't have her way. Kung kayat iniwan siya nito at hinayaan siyang parang tangang aso na naghahabul-habol rito patungo sa labasan ng mall.

Damn! He must've looked stupid!

Tiyak na nakarating na sa lola niya ang balita at kabisado na niya ang mangyayari bukas.

Napailing siya.

Ayaw na niyang makipagbalikan pa sa dalaga. Aside from frogs and spiders, he dreaded people who looked at others like a trash just because they don't have a nice car to drive nor a mansion to live in.

Inis na napabangon siya sa couch at tinungo ang bar. Nagsalin ng premum drink sa baso at naglagay ng ice mula sa cooler.

He'd made up his mind. Tapos na ang anumang relasyon na mayroon sila ni Jamie. He has had enough!

Noon bumukas ang pinto at iniluwa niyon ang pinsan niyang si Jed. Ang VP ng dLV Construction at sister comapny ng dlV Dev't Corp kung saan siya ang CEO. Tatlong taon ang tanda nito sa kanya at tulad niya binata rin ito, at parehas silang lapitin ng mga babae. Ang kaibahan lang nila, once committed he doesn't play while Jed, always play but never commits.

"O, napasyal ka," bati niya rito na tumabi sa kanya sa bar at nagsalin rin ng inumin sa baso bago umupo sa couch at binuksan ang LED TV. Nagsimula itong magchannel surf.

"Dito muna ako kahit ngayong gabi lang, kahit dito lang ako sa couch matutulog ok lang," sagot nito habang nagsu-surf ng channel gamit ang remote.

Mukhang alam na niya ang linyang iyon ng pinsan niya. May problema na naman ito sa babae kung kayat gusto nitong matulog sa bahay niya. Hindi na niya mabilang kung ilang beses siyang naeeskandalo dahil sa kakagawan ng palikero niyang pinsan, ang address kasi niya ang binibigay nito sa mga babaeng naghahabol dito.

Minsan hindi niya maintindihan ang mga kabaro niyang nagme-maintain ng higit sa isang karelasyon. Some say its for fun, some say its nature. He had three girlfriends in the past, Jamie was the fourth, but he can proudly tell that he had been loyal to his past girlfriends. SIguro dahil lang talaga sa mga individual differences kung kayat hindi nagging successful ang mga ngaing relayon niya.

"Aalis din ako bukas ng maaga," sagot nito na hindi inaalis ang mata sa TV.

"Stay as long as long as you'd like. Sa taas ko na lang uubusin ito," aniya na ang tinutukoy ay ang bitbit na baso ng alak bago tuluyang lumabas ng silid.

_______________


"M-maia?" mahinang tawag ni Alexa sa kaibigan. Dahan-dahang bumaling sa kanya ang dalaga na nakahiga sa kama. Malamlam ang mga mata nito at may suero sa isang kama. Napakalungkot ng aura nito malayong-malayo sa masiyahing babae na mahilig magparteh-parteh.Naglakad siya palapit dito at ginagap ang kamay nito.

Ayon kay Tita Vicky, ay biglang sumakit ang tiyan ng anak at dinugo ito. Nang makarating sila sa ospital ay doon na lamang nila nalaman na nagdadalang-tao pala ito at kamuntik nang makunan dahil sa stress. Mabuti na lamang at agad itong naitakbo sa pagamutan kung hindi ay...

"Si Mama?" mahinang tanong nito.

"Magkasama sila ng Papa mo kinakausap ang doktor sa labas."

"I'm... I'm pregnant 'Lex."

Humagulgol si Maia, agad naman niya itong inalo.

""Wag ka nang umiyak, blessing ang mga babies di ba? Dapat tayong magcelebrate! Parteh-parteh ganern!" aniya na pilit ngumiti at pinasaya ang tinig.

"Ayaw ni... Tony s-sa bata.. hindi niya matatanggap ang bata," garalgal ang tinig na kwento nito.

Napangiwi siya, ramdam niya ang biglang pag-akyat ng dugo sa ulo niya! Wengya! Kailangan masampolan ng kamao nya yang Tony na yan na mukhang hobby ang magdonate ng semilya!

Nyeta lang talaga! Nagkalat ang manloloko sa sangkalupaearth! Ang masama pa, biktima ang dalawang kaibigan niya plus yung babae kanina sa harap ng resto.

Hmmp! Ano bang meron sa araw na iyon at lagi siyang saksi sa mga panlolokong dala ng mga alipores ni  Adan?

Di na niya tuloy napigilan ang maglitanya.

"Eh nakaka-gago naman pala talaga yang boyfriend mo na yan eh! Matapos kayong magchukchak chenes ganern, iiwan ka na lang sa ere! Naku ha! Masasakal ko yan pag nakita ko yan sinasabi ko sa-" nabitin sa ere ang sanay sasabihin niya nang makita ang pag-yuko ni Maia. Agad na nilukob ng awa ang dibdib niya. "Kalimutan mo na siya, hindi siya karapat-dapat sa inyo ng baby mo," aniya sa mahinahong tinig.

Kung nasa harapan lang niya si Tony ng mga oras na iyon tiyak, tatadtarin niya ito ng pinung-pino at gagawing patuka sa manok!

Sandali siyang nag-isip kung sa kanya nangyari iyon. Naku-u! tiyak na mamaga ang singit niya sa kakakurot ng nanay niya at di lang yun, magpapasiklab ng rebolusyon ang  mga kuya niya! Juskohan! Baka si Renz makisama rin sa pag-aaklas! Tama rin pala yung panata niya, dapat laging tularan si Maria Clara.

Muli ay napatingin siya sa kaibigan, marahan nitong hinahaplos ang impis pang tiyan. If only she could do something....

Napatuwid ng upo si Alexa. Nawala na sa isip niya ang pagtetext sa Kuya Rollie niya nang okupahin ng isang ideya ang kalahatan ng matitinong braincells niya. Hindi niya pwedeng hayaan na basta na lamang tumakas si Tony sa responsibilidad nito sa kaibigan niya.

Naningkit ang mga mata niya. Inimagine na nakadikit sa dartboard ang mukha ni  Tony at inaasinta niya iyon ng dart-bullseye! Hmp Wengya! Titiradurin niya talaga ang noo ng isa pang talipandas na alipores ni Adan na 'yon eh.

Kung iyon lang ang tanging paraan upang makatulong siya sa kaibigan ay gagawin niya iyon ng walang pag-aalinlangan.

###

2526words

FB: Jenny Javier

FB Group: Kaharian ni Dazzling Girl

FB Page: Dazzling Girl WP


Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro