Unang Kabanata: Tagpo
Pumaroon o pumarito
Sa t'wing iikot ang aking mundo
Muli at muling babalik sa 'yo
Ang itinadhana, ngayo'y magtatagpo
---
Maingat na bumitaw si Ariella mula sa hawakan ng malaking bangkang sinasakyan nila. Pumikit siya at nilanghap ang sariwang hangin. Malayong-malayo iyon sa nakasanayan niya sa Maynila. Nang buksan niyang muli ang kanyang mga mata ay sinalubong siya ng asul na kalangitan at ng kasing-asul nitong lantap na dagat.
"Ang ganda, 'di ba?" nakangising tanong ng kaibigan niyang si Cielo. "Sabi sa 'yo, e!"
Ngiti lamang ang iginanti niya sa kaibigan. Unang taon pa lamang niya sa kolehiyo nang maging kaklase at kaibigan niya si Cielo. Pareho sila ng hilig at nagkakasundo sila sa maraming bagay. Noon pa man ay ipinagmamalaki na ni Cielo ang probinsya nito, ang isla ng Bughawi, na sakop ng lalawigan ng Quezon.
Noong una, akala niya'y hindi pa sibilisado ang lugar—na hindi sementado ang mga daan at walang kuryente—pero nang pakitaan siya ni Cielo ng mga larawan ay namangha siya sa lugar. Kamakailan lamang daw nagkaroon ng maghapong kuryente sa isla, pero noon pa man ay sementado na ang mga daan. Iyon nga lamang, mga pedicab ang sasakyang madalas makikita sa lugar dahil ang mga jeep at tricycle pati mga motorsiklo ay ginagamit lamang kapag pumupunta sa mga linang o iyong mga lugar na malayo sa bayan.
Matagal na niyang gustong sumama kay Cielo sa Bughawi, ang kaso nga lamang ay hindi siya pinapayagan ng mga magulang. Nito lamang magbabakasyon, sa wakas ay napakiusapan na ni Cielo ang mommy at daddy niya, sa tulong na rin ng lola niya.
Bago siya umalis, may ibinigay ito sa kanyang isang lumang kwaderno. Kabilin-bilinan nitong buksan lamang niya iyon sa tamang panahon. Nang itanong niya kung kailan iyon, isang makahulugang tingin ang isinagot nito, sabay sabing, "Malalaman mo rin kapag nasa isla ka na."
---
"Malapit na ba tayo?" tanong niya sa kaibigan.
"Yep! Ililiko lang 'tong bangka kasi may parte na mababaw. Iiwasan lang natin 'yon tapos popondo na tayo."
"Mga gaano pa katagal?"
"Thirty minutes."
"Thirty minutes?" Kumunot ang noo niya. "Liliko lang, thirty minutes?" paninigurado niya.
Tumango si Cielo. "Kaya nga pumasok muna tayo sa loob. Matutusta tayo rito. Ang taas-taas pa naman ng araw!"
Pumasok ito sa ikalawang palapag ng bangka, kung nasaan ang mga gamit nila. Malaki ang bangkang de makina na sinakyan niya. Pang-mahigit isang daang tao. Masakit na rin ang puwetan niya dahil sa mahabang pag-upo kaya naisipan niyang lumabas sandali nang sabihin ni Cielo na malapit na sila. Mahigit dalawang oras na silang naglalayag. Nakatulog na siya't lahat, wala pa rin sila sa isla.
Madaling-araw sila nang umalis sa Maynila. Pagdating nila sa pantalan, pumila pa sila nang isang oras dahil maraming uuwi. Piyesta raw kasi sa isla kaya maraming dayo.
Kinalikot muna niya ang cellphone habang hinihintay na makadaong ang bangka. Makalipas ang labinlimang minuto, nagsibabaan na ang mga pasahero mula sa ikalawang palapag ng bangka. Nag-ayos na rin sila ni Cielo at saka bumaba. Nasa tigkabilang gilid ng bangka ang ilang pasahero, mga gustong mauna sa pagbaba.
Maya-maya pa ay dumaong na rin sa wakas ang bangka. Sumunod sila sa pila ng mga tao palabas. Maraming pedicab ang naghihintay sa pier. Kanya-kanyang sakay ang mga pasahero. Sumunod siya kay Cielo papunta sa isang pedicab. Inilagay nila ang mga dalang bag sa likuran at saka sila sumakay.
"Sa Riverside po, Kuya," sabi ni Cielo sa pedicab driver.
Nagsimulang tumipa ang lalaki.
---
Ilang metro pagkalabas nila ng pantalan ay sinalubong sila ng isang malaking arko na may estatwa ng isang lalaki. Nakasuot ito ng tradisyunal na kasuotan ng isang datu.
Itinuro niya iyon. "Sino 'yon?"
"A, 'yon? Si Dakila."
Kumunot ang noo niya. "Dakila? Ano s'ya rito? Bakit may estatwa s'ya?"
"Sabi kasi ng matatanda, bago pa raw sakupin ng mga Kastila ang Pilipinas, naghahari na rito si Dakila. Panahon pa ng mga datu. Pero... hindi s'ya tao."
Naguluhan siya sa sinabi nito. Pero hindi na niya ito natanong dahil biglang lumiko pakanan ang sinasakyan nilang pedicab. Umiwas ito sa kumpulan ng mga tao sa may plaza. Dahil kasalukuyang may kaganapan sa plaza, maraming tao kaya masikip sa daan.
Sa sementadong-daan sa may tabing-dagat sila dumiretso. Mula roon, kitang-kita niya ang pagkapatag ng dagat. Aakalain mong plastic cover sa sobrang pantay. Walang kaalon-alon. Ganoon daw ang dagat tuwing tag-init. Kapag naman tag-ulan, iyong tipong malapit nang mag-Disyembre, tumatapang ang dagat. Ga-bahay ang alon.
Halos wala pang sampung minuto'y nakarating na sila sa tahanan ni Cielo. Pumarada ang pedicab sa tapat ng bahay na makalampas lamang ng isang tulay. Sinalubong sina Cielo ng isang matandang lalaki. Binuksan nito ang lumang gate habang isang ginang naman ang nag-abot ng bayad sa drayber.
"Tamang-tama ang dating ninyo, Anak! Katatapos lamang magluto ng Lola Maying mo!" bungad ng ginang habang labit-labit nito ang isa niyang bag. May katulong na kumuha noon mula sa dalawang matanda.
"Ma, Lolo Pancho... si Ariella po. S'ya po 'yong sinasabi kong matalik kong kaibigan sa kolehiyo," pakilala ni Cielo sa kanya.
"Magandang tanghali po," bati niya.
Nagmano siya sa lolo ni Cielo. Nang akmang magmamano rin siya sa ina nito ay bigla siya nitong hinila at niyakap.
"Maligayang pagdating sa Isla Bughawi, hija!" Humalik ito sa pisngi niya. "Kumusta naman ang byahe ninyo?"
"Mabuti po. Wala pong kaalon-alon."
"Naku, payapa talaga rito tuwing kapistahan ni Dakila."
Muli siyang napatingin kay Cielo nang mabanggit ang pangalan ni Dakila. Pero ang kaibigan niya ay nagpang-una patungo sa hapag-kainan. Gutom na gutom na raw ito. Kumalam ang sikmura niya nang makita ang mga nakahain. Halos lahat ng nandoon, hindi pamilyar sa kanya, pero nakaka-engganyo ang amoy.
"Pinais." Itinuro ni Cielo ang isang platong may nakapatong na dahon ng saging. Nasa loob noon ang ginataang laman ng niyog na may halong hipon. Tinuto naman daw ang tawag sa laing na tuyo ang pagkakaluto. Binutno, ginataang dahon ng gabi na pinagpatong-patong at ibinuhol. Sinantol, ginataang santol. Mayroon ding sinigang at adobong baboy. Tapos ang mga panghimagas, pinaltok at sinukmani.
"Mahilig kayo sa ginataan, 'no?" puna niya.
"Specialty namin 'yan. Marami kasing mga niyog dito kaya lahat ng lutong ginagamitan ng niyog, alam naming lutuin."
"Kumain ka nang marami, hija," magiliw na sabi ng ina ni Cielo. "Pagkatapos, magpahinga muna kayo habang mainit pa sa labas. Mamayang gabi, pumunta kayo sa plaza at manuod ng dula."
Ipinagsandok pa siya ng ginang ng kanin. Ito raw si Ginang Estrella Cruz, bunsong anak nina Lolo Pancho at Lola Maying. Si Lola Maying ang namuno sa pagluluto ng mga pagkain. Maputing-maputi na ang buhok ng matanda at kubado na rin ito, pero matalas pa rin kung tumingin. Bahagya siyang nailang dahil nakatingin lamang ito sa kanya habang kumakain siya. Hindi naman siya nito kinakausap mula pa kanina.
Mabilis niyang tinapos ang pagkain kahit pa ayaw na niyang tumayo dahil masarap ang pagkakaluto. Naiilang talaga siya sa matanda.
Nang ayain siya ni Cielo para sa bakuran maghimagas ay mabilis siyang tumayo at sumunod dito. Umupo sila sa malapad na duyan na naka-suspende sa pagitan ng dalawang malaking punong mangga.
"Masungit ba si Lola Maying?" tanong niya sa kaibigan.
"Hindi naman. Gano'n lang talaga s'yang makatingin sa mga bagong dayo. Nangingilatis. Pero mabait 'yon. Binibigyan ako no'n lagi ng pera no'ng bata pa ako."
Ngumiti siya. "Ang sarap dito sa inyo. Walang polusyon. Ang sarap huminga."
Tumawa si Cielo. "Totoo! Kaya minsan, ayaw ko nang bumalik sa Maynila, e."
Pumisang siya ng sinukmani.
"Pero... curious talaga ako do'n sa estatwa kanina. Ano niyo ba 'yon? Patron saint?"
"Hindi naman santo si Dakila."
"E, ano s'ya?"
Nagkibit-balikat ito. "Hindi ko sigurado, e. Parang... bantay siguro ng buong isla? Kwento ni Lola, si Dakila raw 'yong dahilan kung bakit maraming nahuhuling isda at kung bakit maraming naaaning palay."
"So... supernatural entity s'ya?"
Tumango si Cielo. "Engkanto."
Biglang may kung anong kilabot na dumaloy sa braso ni Ariella nang banggitin iyon ni Cielo.
"Uso pala 'yong gano'n sa inyo?"
"Oo naman! Pero hindi naman masamang engkanto si Dakila. Sa katunayan nga, maganda ang buhay ng mga tagarito dahil sa kanya."
"Pero kwento lang 'yon, 'di ba?"
"Kung gusto mong malaman ang buong kwento, manuod tayo ng dula mamaya. Talambuhay ni Dakila 'yong ipalalabas."
Habang mainit pa sa labas, nagpahinga muna ang magkaibigan. Iginala si Ariella sa buong bahay ng mga Cruz. Yari sa matibay na kahoy ang buong bahay, kaya bawat hakbang at galaw ay lumalangitngit. Kwento ni Cielo, mas matanda pa raw dito ang mga kasangkapan ng mga ito sa bahay.
Matapos mahindagan ay naligo si Ariella nang mabilisan, para presko sa pakiramdam mamaya. Nang nakababa na ang araw at lumamig-lamig na ang hangin, tinungo na nilang magkaibigan ang plaza.
Marami pa ring tao nang makarating sila roon. Bumili muna sila ni Cielo ng kwek-kwek at palamig bago naghanap ng mauupuan. May isang malaking pulang kurtinang nakatakip sa entablado. Ayon kay Cielo, bubuksan lamang iyon kapag simula na ng dula. Kumain muna sila ni Cielo bago magsimula ang palabas.
---
Ang mahinang bulong-bulungan ng mga tao roon ay biglang nawala nang umakyat sa entablado ang isang lalaking nakabarong. May hawak-hawak itong cue card sa isang kamay. Inanunsyo nitong magsisimula na ang dula at saka ito nagbigay ng kaunting kasaysayan tungkol sa kwentong ipipresinta.
Nagpalakpakan ang mga tao nang bumaba ang lalaki.
Pumailanlang ang tunog ng plauta. Kasunod ang tunog ng drums, na gambal daw kung tawagin. Kasabay noon ang paghawi ng malaking kurtina.
Isang matipunong lalaki ang nakatayo sa gitna ng entablado. Nakatalikod ito sa kanila.
Habang nagsasalita ang tagapagsalaysay ay tiningnan niyang maigi ang ayos ng entablado. Sa unang tingin, aakalain mong mga kumikinang na bulaklak at dahon ang nakadikit sa pader ng entablado. Pero kung susuriing mabuti, mga hinabing pamaypay iyon na magkakaiba ng sukat, pinagdikit-dikit at pininturahan ng makinang na ginto, kahel, lila, at kalimbahin. Sa tuwing tatama ang stage light, kikinang ang mga iyon.
Bumalik ang atensyon niya sa lalaki, na dahan-dahang bumaling habang tumutunog ang gambal.
---
Ayon sa tagapagsalaysay, bago pa man sakupin ng ibang bansa ang Pilipinas, naninirahan na sa mundo ng mga tao si Dakila. Ang isla raw ng Bughawi ay sumasalamin sa sarili nitong mundo, isang kaharian na lumulutang sa ibabaw ng mismong isla.
Noong unang panahon, isa si Dakila sa mga itinuturing na diyos. Nang sakupin ng mga Kastila ang Pilipinas, ipinakilala ng mga ito ang Diyos ng mga ito sa mga Pilipino at unti-unting nakalimutan ang mga kagaya ni Dakila.
Dahil sa nabawasan ang nananalig kay Dakila, nanghina ito. Naging resulta iyon ng unti-unting pagkasira ng kaharian nito.
Pero bago pa iyon tuluyang masira, nakaisip si Dakila ng paraan para maibalik sa sarili ang pananalig ng mga tao. Kinuha ni Dakila ang anak na babae ng gobernadorcillo. Pinaibig nito iyon, isinama sa kaharian, at saka ginawang asawa. Mula noon, umunlad nang muli ang buong isla. Dumami ang ani ng palay. Dumami ang nahuling isda. Ayon sa matatanda, kapag maayos ang lagay ng kaharian ni Dakila, maayos din ang lagay ng kanilang bayan.
Sabi pa ng tagapagsalaysay, mula noon ay may narinig nang bulong ang mga taongbayan. Isang kasunduan. Kailangan daw ng mga itong mag-alay ng isang dayuhang babae kada limampung taon kapalit ng masaganang ani at maunlad na buhay sa isla. Dayuhan, dahil mahal ni Dakila ang mga taga-Bughawi.
Napapitlag si Ariella nang mapansing nakatitig sa kanya si Cielo.
Ngumisi ito. "Ano, takot ka na ba? Baka hindi ka na makauwi sa inyo."
Inismiran niya ang kaibigan. "Sus! Kwento lang naman 'yan."
"Sa pamahiin, naniniwala ka, pero sa kwentong-bayan, hindi?"
"Shh!" saway ng matandang lalaki sa harap nila. Masama ang tinging ipinukol nito sa kanila ni Cielo.
Siniko niya ang kaibigan. 'Ikaw kasi!'
Ibabalik na sana niya ang atensyon sa entablado nang may mahagip ang mata niya. Maraming taong nakatayo sa gilid ng plaza dahil kulang ang mga upuan. Isa sa mga ito ay isang matangkad na lalaki. Wala namang kakaiba sa hitsura nito pero hindi ito mukhang ordinaryo. May katangkaran ang lalaki, maganda ang tindig. Nakapamulsa ito habang nakatingin sa kanya.
Alam niyang sa kanya ito nakatingin. Ramdam na ramdam niya.
At ang nakapagtataka, hindi pa man sila nagkakakilala ay alam na niya ang pangalan nito. Para bang ibinulong ng hangin.
Isagani.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro