Ikatlong Kabanata: Hiwaga
Saan ba nasusukat ang hiwaga:
sa presensya ba ng mahika
o sa kawalan ng lohika?
---
"Isagani na lamang ang itawag mo sa 'kin, Ariella."
Malambing ang baritonong boses ng lalaki nang sabihin nito iyon kanina sa bakuran ng mga Cruz. Kagaya iyon ng boses ng lalaking nasa panaginip ni Ariella. Matapos ang makapigil-hininga nilang pagtititigan, sa wakas ay binitawan na rin nito ang kamay niya.
Naiintriga siya sa lalaki. May kakaiba itong awra. Kaya naman, mula nang umalis sila ng bahay ay hindi na niya ito nilubayan ng tingin, kahit na ba likuran lamang nito ang nakikita niya.
Una itong naglalakad. Kasunod lamang sila ni Cielo. Nakakapit siya sa braso ng kaibigan.
Lahat ng nakasalubong nila sa daan ay bumati sa lalaki. Mukhang kilalang-kilala ito sa buong bayan. Kahit ang mga mas nakatatanda rito ay magalang makipag-usap dito.
"Sikat s'ya rito?" pabulong niyang tanong kay Cielo.
"Oo. Kilalang-kilala dito 'yang si Ginoo."
"Bakit Ginoo ang tawag ninyo sa kanya?"
Nagkibit-balikat si Cielo. "Sanay na kami, e."
"Pero Isagani ang pangalan n'ya?"
Tumango ito at inilapit nang maigi ang mukha sa mukha niya. "Nga pala, bakit alam mo na ang pangalan n'ya?"
"Hinulaan ko nga."
Ngumuso ito, mukhang hindi naniwala sa sagot niya. "Sigurado kang hinulaan mo lang?"
"Oo nga." Dumiin ang hawak niya sa braso ng kaibigan nang maalala ang panaginip. "Pero, alam mo... parang napanaginipan ko s'ya kaninang madaling-araw."
Pinandilatan siya ni Cielo. "Totoo ba?! Ano'ng nangyari? Nag-date kayo?"
"Gaga. Hindi." Bumuntong-hininga siya. Hininaan ang boses pagkikwento, sa takot na marinig siya ni Isagani. Ikinwento niya sa kaibigan ang nangyari sa panaginip niya. Detalyado ang pagkakakwento dahil hanggang sa oras na iyon, hindi pa rin nawawala sa isip niya ang mga nangyari sa panaginip. Kahit ang pakiramdam niya habang nanaginip, iyong pagtataka, iyong kilabot... damang-dama pa rin niya.
Dahil na rin sa pagkikwentuhan ng dalawa, hindi kaagad nila napansin na tumigil sa isang tindahan si Isagani. Naputol ang pagkikwento ni Ariella nang sa wakas ay mapansin niyang wala na silang sinusundan. Nagpalinga-linga siya, hinahanap ang lalaki. Nakita niya itong nakatigil sa isang tindahan, kausap ang isang matanda. Binibigyan ito ng matanda ng buhay na manok na nakabitin patiwarik. May tali ang mga paa nito.
Pagkakuha ng manok ay nagpaalam na ang binata sa matanda. Hindi niya mawari kung si Isagani ba ang kinawayan nito o siya. Sa kanya nakatingin ang matanda.
---
Sa manggahan ni Isagani sila pupunta. Ipapasyal daw sila ng lalaki. Iyon ang dahilan kung bakit nasa kina Cielo ito kanina. Sina Cielo at Isagani ang magkausap. Pinagigitnaan nila ng binata ang kaibigan niya. Magalang si Cielo sa binata. Kung tutuusin, kakaiba ang pakikitungo nito sa lalaki. Imbes na turingan ng isang dalaga at isang binata, mas bagay sabihing parang boss at empleyado ang turingan ng dalawa. Si Isagani ang boss at si Cielo naman ang empleyado.
"Ikaw, Ariella?"
Napatunghay siya sa binata. "Ha?"
"Ano kako ang gusto mong luto sa manok," nakangiti nitong pag-uulit.
Hindi siya nakasagot kaagad. Natitigilan siya tuwing ngingitian siya ng binata. Iba ang epekto nito sa kanya, na nakapagtataka dahil marami namang guwapo sa Maynila pero hindi siya ganito kaapektado.
"T-Tinola," mahina niyang sagot. Iyon ang unang pumasok sa utak niya. Mukhang naumay siya sa ginataang ulam dahil puro ginataan ang kinain nila kahapon.
Ngumiti lamang si Isagani bilang tugon.
Napansin niyang hindi na sementado ang daan na nilalakaran nila. May malawak na palayan sa kaliwa nila. Sa kanan naman ay hilera ng mga puno. Maya-maya ay kumanan sina Cielo sa isang makipot na daan.
Isang matandang lalaki nakasuot ng malapad na sombrero, puting kamiseta, at pantalon na nakalilis hanggang tuhod. May labakarang puti ito sa leeg. Iniabot ni Isagani ang manok sa matanda at sinabing magluto ng tinola para sa pananghalian nila.
"Gusto ba ninyong makita ang manggahan?" tanong nito sa kanila.
Hindi pa man sila nakakasagot ay iginiya na sila nito pakanan. Sa likuran daw ng malaking bahay nakatayo ang manggahan. Kagaya ng bahay nina Cielo, at ng halos lahat ng bahay sa Bughawi, makaluma rin ang estilo ng bahay ni Isagani.
May ilang trabahador itong ipinakilala sa kanya. Nawiwirduhan siya sa mga ito. Iba kung makangiti. Hindi niya maipaliwanag kung bakit hindi siya mapakali.
Dinala sila ni Isagani sa isang maliit na kubo. Napapaligiran iyon ng mga naglalakihang puno ng mangga. Hitik na hitik sa bunga ang mga iyon.
"Dito muna kayo. May aasikasuhin lang ako sandali," paalam nito.
Nang maiwan ay agad niyang inatake ng tanong ang kaibigan.
"Napansin mo ba 'yon?" tanong niya kay Cielo.
"Ang alin?"
"'Yong mga trabahador, ibang makatingin. Para bang... parang sa horror movies."
Bumulanghit ng tawa si Cielo. "Alam mo, ikaw, kanina ka pa, e. Siguro dahil 'yan sa kwento ni Dakila kaya ka aligaga."
Hindi niya iyon itinanggi. Mukhang iyon naman talaga ang dahilan. Kung ikaw ba naman ang dayo sa isang lugar, tapos ay nalaman mong may ganoong klase ng kwentong bayan, at kakaibang makatingin sa 'yo ang mga naninirahan sa lugar, hindi ka kaya mapaisip kung kwento lamang ba talaga ang sinasabi ng mga itong kwentong bayan?
"Alam mo, respetado rito sa Bughawi 'yang si Ginoo. Kahit mga kadalagahan dito sa amin, hindi makalapit nang basta-basta sa kanya. Pihikan kasi sa babae. Hanggang ngayon, wala pa rin nagiging nobya."
"Baka naman... alam mo na. Bakla."
Hindi maipinta ang mukha ni Cielo dahil sa paratang niya. Pero nang makabawi, tumawa ito nang malakas.
"Gaga ka talaga!"
"Bakit? Posible naman 'yon."
"Hindi bakla si Ginoo. Mataas lang ang standards," paliwanag nito. "Saka makaluma 'yon. Marunong maghintay ng tamang panahon. Marunong maghintay para sa tamang tao."
Makahulugan ang tinging ipinukol nito sa kanya.
"Pero seryoso ba 'yong wala talaga s'yang matipuhan?"
Nagkibit-balikat ito. "Malay ko ba. Hindi naman kami close."
"Kung hindi kayo close, bakit n'ya tayo inimbita rito? Ano 'yon, trabaho n'yang maging tour guide?"
Nagpangalumbaba ito. "Bakit nga kaya tayo inimbita rito kahit hindi naman kami close, ano? Sino pa kaya ang pwedeng maging dahilan?"
Nang-init ang mukha niya dahil sa tanong. Masarap pakinggan. Masarap kiligin, pero hindi naman yata kapani-paniwala iyon. Kagabi lamang sila nagkita ng binata. Kanina lamang sila nagkakilala.
Bago pa man niya maitanggi ang palagay ng kaibigan ay dumating na si Isagani. May kasunod itong matandang babae, may dalang maiinom.
"Baka nauuhaw kayo."
Inabutan sila nito ng tig-isang baso ng dalandan juice.
"Salamat."
---
Pagkainom ay nagyaya na si Isagani na maglakad-lakad. May ilang puno ng mangga ang sapat lamang ang taas, kayang-kayang akyatin. Hinimok siya ng mga itong sumubok na umakyat ng puno.
"Lahat ng mapitas mong mangga, sa 'yo na," sabi pa ng binata.
Dahil sabik sa prutas na karaniwang ginto ang presyo sa Maynila, tinanggap niya ang hamon. Madali niyang naakyat ang kalahati ng puno dahil sa malalapad nitong sanga. Napansin niyang sumunod sa pag-akyat ang binata habang si Cielo ay naiwan sa ibaba.
"Ikaw, d'yan ka lang?" tanong niya sa kaibigan.
Ngumiwi ito. Umiling. "Nabalian na ako ng buto dati. Ayaw ko nang maulit."
Nagkibit-balikat siya. "Ikaw ang bahala."
Sa bandang itaas ay nakakita siya ng magkakadikit na bunga. Mukhang malapit nang mahinog ang mga iyon. Nagpalipat-lipat siya ng kapit sa mga kalapit na sanga. Hindi niya kaagad napansin ang isang ahas na nakapulupot sa isang sangang kakulay nito.
Nang mapansin niya iyon, halos ilang talampakan na lamang ang layo niya rito. Gumalaw ang ahas. Dahan-dahang lumapit ang ulo nito sa mukha niya. Para siyang tinakasan ng hininga nang mapagtantong tutuklawin siya nito.
Alam niyang mabilis kumilos ang ahas. Dapat ay kumakaripas na siya ng takbo, pero napako ang mga paa niya sa tinatapakang sanga. Hindi siya makagalaw.
Mabilis ang mga sumunod na pangyayari, pero tila biglang bumagal ang takbo ng oras. Kitang-kita niya ang dahan-dahang pagbuka ng bibig ng ahas. Papalapit ang ulo nito sa kanya. Mula sa kawalan, isang kamay ang biglang sumulpot at hinuli ang ulo ng ahas. Habang nagpupumiglas ang ahas ay unti-unting bumalik sa normal na pagtakbo ang oras.
Kasabay noon ang pagbalik ng hininga niya.
Lumingkis ang katawan ng ahas sa braso ni Isagani, pero hindi sa paraang nakakasakal. Para bang... yumayakap ito.
Bumaling si Isagani sa kanya. "Ayos ka lang ba?"
Imbes na makasagot ay nahintatakutan siya sa mga mata nito. Si Isagani... matang-ahas.
Nawalan siya ng ulirat.
---
Naroon na naman ang bulto ng lalaki. Tinatawag si Ariella.
"Halika. Dadalhin kita sa 'king palasyo."
Bigla siyang napatawa. "Kanta ba 'yan?"
Kahit hindi niya kita ang mukha nito, ramdam niya ang pagkurba ng mga labi nito.
"Gusto mo bang kantahan kita?"
"Gusto kong makita ang mukha mo," sagot niya.
---
Hindi pamilyar ang kwarto kay Ariella. Napakalambot ng kama. Malamig kahit walang bintelador dahil sa pagkakabukas ng malaking bintana. May maninipis na mga puting kurtinang nakakabit sa apat na poste ng kama. Canopy bed. Alam niyang wala siya sa kwarto ni Cielo.
"Ayos ka lang?"
Nasapo niya ang dibdib nang may biglang magsalita. Hindi niya napansing nakaupo sa gilid ng kama si Cielo.
"Mabuti na lang, nando'n si Ginoo. Kung hindi, baka kung napaano ka na."
Saka lamang niya naalala ang nangyari kanina. "Kumusta s'ya? Hindi ba s'ya natuklaw?"
Umiling ang kaibigan niya. "Hindi naman."
"Ano'ng nangyari sa ahas?"
"Pinakawalan na nila."
"Ha?!" Pinangilabutan siya nang malamang nakawala pa ang ahas. Paano na lamang kung bigla itong sumulpot kung saan at tuklawin siya? "Bakit hindi na lang pinatay?"
"Hindi ugali ni Ginoo ang pumatay ng hayop kung hindi kailangan. Bad timing lang 'yong kanina. Nagpapahinga 'yong ahas tapos bigla kang umakyat ng puno. Wrong place, wrong time."
Ibig sabihin, kasalanan pa niya?
"Nga pala, ngayong okay ka na, puntahan na natin sina Ginoo sa likod-bahay. Naghahanda na sila ng pananghalian."
Humalukipkip siya. "Ayaw ko nga. Mamaya balikan ako ng ahas."
"Hindi na babalik 'yon."
"Paano mo nasabi?"
"Basta."
Nangunot ang noo niya. May laman ang sinabi ni Cielo, alam niya.
"Oo nga pala, napansin mo ba 'yong mga mata ni Ginoo?" tanong niya rito.
"Ha?"
"'Yong mga mata n'ya. Doon ako natakot kaya nawalan ako ng malay."
"Hindi mo kinayang makipagtitigan?"
Hinampas niya ito sa braso.
"Seryoso kasi!"
Tumawa si Cielo. "Seryoso nga!"
Bumuga siya ng hangin. "Siguro guni-guni ko lang 'yon."
Imposible namang hindi niya mapapansin kaagad kung iba ang mga mata nito. Saka sa dami ng taong bumati kay Isagani kanina, imposibleng wala ni isang nahintatakutan kung matang-ahas ang mga mata nito.
Pero... posible rin kayang may nakikita siyang hindi nakikita ng ibang tao?
"Baka gutom ka lang." Tumayo si Cielo. "Tara na. Hinihintay na nila tayo."
---
Sumunod siya sa kaibigan patungo sa malawak na balkonahe. Kagaya ng sinabi ni Cielo, naghahanda na ng pananghalian ang mga trabahador. Agad na lumapit si Isagani nang makita siya.
"Mabuti na ba ang pakiramdam mo?"
Tiningnan niyang maigi ang mga mata nito. Kulay tsokolate. Guni-guni nga lamang siguro niya iyong kanina.
Tumango siya.
Umaliwalas ang mukha nito sa sagot niya. "Mabuti naman. Halina kayo. Kakain na tayo."
Lumapit ito sa hapag at humila ng isang upuan, sa kanan ng kabisera. Hinintay niyang umupo roon si Cielo, pero pumwesto ito sa katabi noon. Saka ito tumingin sa kanya.
"O, bakit nakatayo ka pa?"
Sinenyasan siya nitong maupo. Sumunod na lamang siya. Pagkaupo niya ay sumunod ang mga naghain. Isa lamang ang ipinahiwatig ng ganap na iyon sa kanya. Mabait ang binata sa mga trabahador nito. Mukhang sanay ang mga itong magkakasalo sa pagkain.
Tinolang manok ang ulam. Bukod doon at sa kanin, may nakahain ding isang malaking plato na puro prutas; hiwa-hiwang hinog na mangga, papaya, at pinya.
Kinuha niya ang lalagyanan ng kanin nang matunugang balak siyang ipagsandok ni Isagani.
"Ako na. Salamat."
Ipinasa niya sa kaibigan ang lalagyanan nang makakuha ng sapat na kanin. Saka siya sumandok ng ulam.
"Hindi ba sasabay ang parents mo?" tanong niya kay Isagani. Hindi niya alam kung nasaan ang pamilya nito. Hindi naman siya umasang sasalubungin sila ng mga ito kanina, pero wala siyang nakikitang kapamilya ni Isagani mula pa kanina. Ni isang litrato sa loob ng bahay, wala siyang napansin.
"Wala akong mga magulang."
"Oh... Sorry."
Bumawi ito ng ngiti. "Ayos lang. Kumain ka na."
---
Pagkatapos nilang mananghalian, inilibot naman siya ni Isagani sa loob ng malaking bahay habang si Cielo ay pumunta sa bayan, may bibilhin daw. Maganda ang loob ng bahay. Luma ang mga gamit pero mukhang matibay at alagang-alaga. May piano sa isang sulok ng sala. Naninilaw na ang teklado noon.
"Tumutugtog ka?" tanong ni Isagani sa kanya.
"Kaunti lang ang alam ko."
Pinaupo siya nito at saka tinabihan. Banayad nitong inilapat ang mga daliri sa teklado, nagpalipat-lipat sa iba't ibang keys hanggang sa makabuo ng magandang tunog. Sinaliwan niya iyon ng sariling pagtipa.
Parang nagkaroon ng sariling buhay ang mga kamay niya, biglang sumaliw sa isang hindi pamilyar na musika.
"Magaling ka palang tumugtog," kumento niya nang matapos nito ang piyesa.
Ganoon na pala ito kalapit sa kanya. Parang nanghihipnotismo ang mga mata nito, nag-uutos na lumapit pa siya nang kaunti.
Kung hindi dahil sa pamilyar na puno sa labas ng bintana, baka kung ano na ang nangyari. Umurong siya mula sa binata at sumilip sa likuran nito. Tama. Pamilyar nga ang punong nahagip ng mata niya. Lumapit siya sa bintana para matingnan iyon nang mabuti.
Hindi siya pwedeng magkamali. Iyon ang puno sapanaginip niya.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro