Ikalawang Kabanata: Himbing
Pakinggan ang tinig na magpapahimbing
Aawitan kita nang may lambing
Sundan ang tinig patungo sa aking piling
---
Nang gabing iyon, hindi mapakali si Ariella. Bukod sa namamahay siya, hindi pa rin mawala sa isip niya iyong lalaking nakita niya kanina. Kanina, pinilit niyang ituong muli ang atensyon sa dula, pero tuwing mapapatingin siya sa gawi ng lalaki—na sa isip niya'y sinimulan na niyang tawaging Isagani—nakita niyang nakatingin pa rin ito sa kanya. Para bang siya ang pinanunuod nito.
Ngayon, tulog na tulog na si Cielo sa tabi niya pero hindi pa rin siya dinadalaw ng antok. Kanina pa siya nakatutok sa kisame. Nakapagbilang na siya ng tupa, pero dilat na dilat pa rin siya. Pumikit siyang muli at bumilang hanggang isang daan. Nang makarating ng limampu at hindi pa rin siya nakaramdam ng ni katiting na antok, bumangon siya at binutbot ang mga gamit.
Isang malaking travel bag at isang backpack ang dala niya. Isang linggo sila ni Cielo roon pero pang-dalawang linggo halos ang inimpake niyang damit dahil unang beses niyang magbakasyon sa isang lugar nang hindi kasama ang mommy niya. Katwiran niya, mas mabuti na'ng maraming sobrang damit kaysa kapusin.
Ngayon kaya niya ayusin ang mga damit niya?
Kanina pa siya sinabihan ni Cielo na ilagay sa aparador ang mga damit niya pero hindi niya ginawa. Dahilan niya, isang linggo lamang naman siya roon. Saka hindi naman gusutin ang mga dala niyang damit. Pero ngayong naghahalughog siya sa bag, saka niya napagtanto na mahirap magbulatlat ng gamit kapag magkakasama sa isang lalagyan ang iba't ibang uri ng damit niya.
Binuksan niya ang lampshade na katabi ng puwesto niya sa kama. Dinala niya roon ang travel bag. Luma na ang aparador na nasa gawing kanang ulunan ng kama. Katabi noon ay ang malaking bintana na luma na rin ang pangsara. Noong una siyang makapasok sa kwarto ni Cielo, nahintatakutan pa siya nang makita ang sariling repleksyon sa malaking salamin sa pintuan ng aparador.
Tinitigan niyang mabuti ang sarili sa salamin, pilit inaalis ang kaunting takot na natitira. Pagkasalansan ng mga damit sa kama, dahan-dahan niyang binuksan ang aparador para ilagay ang mga iyon sa loob.
Nang mailagay niya ang mga damit, dahan-dahan niyang isinara ang pintuan.
Napatalon siya sa gulat nang may makitang bulto sa likuran niya. Agad niya iyong nilingon, pero wala namang nandoon. Nilapitan pa niya para makasigurado. At nang bumaling siya sa harap ng salamin, napatalon na naman siya sa gulat nang makita naman ang sarili.
Kailangan na siguro niyang bawasan ang pagkakape.
---
Alas tres ng umaga. Sa wakas ay nakatulog na rin si Ariella. Alam niyang nananaginip na siya dahil hindi niya maramdaman ang sahig kahit alam niyang naglalakad siya palabas ng kwarto. Tinatawag niya si Cielo para samahan siya sa labas, pero hindi siya nito naririnig.
Binuksan niya ang pintuan at inilinga ang paningin sa paligid. Inisip niya kung saan siya pupunta.
"Dito," sabi ng isang malambing na tinig.
Sinundan niya iyon. Dinala siya nito sa sala. Kusang bumukas ang malaking pintuan.
"Ariella..."
Isang bulto ng lalaki ang naglahad ng kamay para tanggapin niya. Hindi niya maaninag ang mukha nito, pero may pakiramdam siyang kilala niya ang lalaki. Estranghero ito pero magaan ang loob niya rito.
"Isagani?" tanong niya.
Hindi sumagot ang lalaki. Alanganin niyang tinanggap ang kamay nito. Lumabas sila ng bakuran. Dapat ay masakit na ang mga talampakan niya dahil nakayapak siyang naglalakad, pero parang sa bulak siya tumatapak. Walang maramdaman ang mga paa niya.
Magkahawak-kamay nilang tinawid ang tulay. Dumami nang dumami ang puno sa paligid. Unti-unting naglaho ang sementadong daan. Nawala na rin ang mga bahay. Tanging ang buwan at mga bituin lamang ang nagsilbing ilaw nilang dalawa.
Tumigil ang lalaki sa harap ng isang patay na puno. Walang kadahon-dahon ang mga sanga nito.
"Bakit tayo nandito?" tanong niya sa lalaki.
"Gusto mo bang makakita ng palasyo?"
"Oo naman. Pero bakit sa gabi? Wala akong makita."
"Hindi kita maisasama sa umaga."
"Bakit?"
"Ariella!"
Boses ng babae iyon, mula sa malayo.
Nawawala na ang mga bituin. Nagkakakulay na ang paligid. Sumisikat na ang araw.
"Oras na para umuwi," sabi ng lalaki.
"Ha? Kararating pa lang natin."
"Dadalawin uli kita bukas. Pangako," malumanay nitong sabi.
"ARIELLA!"
Hinaplos ng lalaki ang pisngi niya. "Umuwi ka na."
"Hindi ko alam ang daan pabalik," may pag-aalala niyang sabi rito.
Nakarating lamang naman siya sa may patay na puno dahil hawak-hawak nito ang kamay niya.
Tumuro ang lalaki sa likuran niya.
"Sundan mo lamang ang araw."
Nilingon niyang muli ang likuran. Sumisilip na ang araw sa pagitan ng dalawang bundok sa hindi kalayuan. Naramdaman niya ang pagbitaw ng lalaki. Naisip niyang dahil lumiliwanag na ang paligid, makikita na niya ang hitsura nito. Pero paglingon niya, nilamon na ng liwanag ang buong paligid.
---
Nagmulat siya ng mata. Nakabalik na siya sa kwarto. Bukas na ang mga bintana at hawi na ang mga kurtina.
"Mabuti naman at nagising ka na! Tulog mantika ka talaga kahit kailan!" pairap na sabi ni Cielo.
"Kanina pa ba ako rito?" papikit-pikit niyang tanong.
Mukhang naguluhan si Cielo sa tanong niya. "Okay ka lang? Kagabi ka pa tulog, 'te."
"Hindi... ibig kong sabihin—"
Lumalim ang pagkakunot ng noo nito. "Bakit? Lumabas ka ba kagabi?"
"Yata? Ang layo na nga ng napuntahan ko, e."
Nanlaki ang mga mata ni Cielo. "Hala ka! Nag-sleepwalk ka?"
Hinilot niya ang ulo. Hindi naman siya naglalakad nang tulog. Kinumpas niya ang isang kamay. "Panaginip lang siguro."
"Bumangon ka na d'yan. Maaga kaming mag-almusal dito. Pagagalitan ka kapag hindi ka sumabay sa pagkain."
Pagkasabi'y lumabas na ng kwarto si Cielo. Siya naman ay inilinga ang paningin sa kabuuan ng kwarto. Nasa tapat na ng aparador ang travel bag niya. Tanda niyang doon niya iyon iniwan kagabi. Imposible nga sigurong nakalabas siya ng bahay kaninang madaling-araw. Kung totoo man iyon, sana ay may pumigil na sa kanya paglabas dahil madaling-araw na.
Bumuntong-hininga siya. Masyado lamang sigurong gumagana ang imahinasyon niya dahil nasa iba siyang lugar. Idagdag pa iyong dulang pinanuod nila kagabi. Tapos... si Isagani.
Tama.
Tinanggal niya ang kumot at ibinaba ang mga paa sa sahig. Halos mahimatay siya sa takot nang makitang may mga buhanging nakakapit sa mga paa niya. Na para bang lumabas siya ng bahay at naglakad sa labas nang nakayapak.
Dali-dali siyang tumakbo palabas ng kwarto.
---
Pagkahilamos, tinungo ni Ariella ang hapag-kainan. Halos maubos ang amoy ng sinangag sa kasisinghot niya. Gustong-gusto talaga niya ang amoy ng ginisang sibuyas at bawang sa umaga. Hinaluan pa iyon ng amoy ng kape at bagong pritong daing na bangus.
"Kain na, hija!" pag-aaya sa kanya ni Ginang Estrella.
Humila siya ng upuan at saka umupo.
"Ipinagtimpla na kita ng kape. Sabihin mo lamang kung matabang at dadagdagan natin ng asukal at gatas."
"Ay, ayos na po 'to. Salamat po."
Ipinaglagay rin siya nito ng sinangag at ulam. Bahagya siyang nahiya dahil kaya naman niyang kumuha ng pagkain nang mag-isa, pero hindi niya mahindian ang ginang dahil mas nakakahiya iyon. Ganito yata talaga kung tratuhin ng mga taga-Bughawi ang mga bisita nila.
Magana ang naging almusal nila. Kahit na hindi siya sanay kumain sa umaga, naparami ang kain niya dahil masarap ang pagkain sa probinsya nina Cielo. Idagdag pa na palaging may nakahain na sariwang mangga at dalanghita.
---
Pagkatapos nilang mag-almusal ay nagpaalam siya saglit para maligo. Tinungo niya ang kwarto at ininspeksyon ang kama na hindi niya naayos kanina dahil sa takot. Iniangat niya ang kumot mula sa kama pero wala siyang nakita ni isang butil ng buhangin. Malinis iyon.
Tiniklop niya ang kumot saka siya sumilip sa salamin. Dahan-dahan, para hindi siya matakot. Nakalimutan niyang hindi na nga pala siya dapat magkakape. Ang kaso ay nakakahiyang tanggihan ang grasya, lalo na't matanda ang nagbigay.
Binuksan niya ang aparador at kumuha ng bihisan. Papikit niya iyong isinara at iniwasang tumingin sa salamin, takot na may makita na namang kung ano.
Papalabas na siya ng kwarto nang may bigla siyang maalala. Kabilin-bilinan nga pala ng lola niya, buksan niya ang kwadernong pabaon nito kapag nakarating na siya sa isla. Ipinatong niya sa kama ang hawak na damit at saka hinalungkat ang backpack.
Kinuha niya ang lumang kwaderno sa loob noon.
Lumang-luma na iyon. Kita sa dami ng gasgas ng pabalat na katad. Kayumanggi na rin ang kulay ng mga pahina. Ingat na ingat niyang tinanggal ang buhol ng tali, saka marahang binuklat.
Propriedad de Aribella Corazon Teresa de Garcia.
Saka lamang niya napagtanto na ang kwadernong hawak niya ay isang lumang talaarawan. Maganda ang pagkakasulat noon. Cursive. Alam niyang kamag-anak niya ang may-ari ng kwaderno dahil ang pangalan daw niya ay hango sa pangalan ng lola niya sa talampakan.
Sinubukan niyang bumuklat ng isa pang pahina para basahin ang nakasulat, pero magkakadikit na ang mga sumunod na pahina. Kung ipipilit niyang buksan, alam niyang masisira iyon.
Maingat niyang ibinalik ang pagkakabuhol ng tali at saka iyon ibinalik sa backpack niya.
Tinungo niya ang banyo para maligo.
---
Nagtutuyo si Ariella ng buhok gamit ang tuwalya niya nang mapansin niyang biglang umingay sa bakuran ng mga Cruz. Kunot-noo siyang sumilip para makita kung ano ang dahilan ng komusyon.
Bigla siyang nakaramdam ng hindi maipaliawanag na kaba nang makita ang lalaking nakatingin sa kanya sa kabuuan ng dula kagabi. Kausap ito ng mga matatanda. Unang beses niyang makitang nakangiti si Lola Maying. Para tuloy itong bumata nang ilang taon.
"Hoy!"
Napatalon siya sa gulat.
"Cielo!"
"Sino'ng sinisilip mo dyan?"
Nakisilip ito. Nang tumingin uli siya sa mga sinisilip kanina, nakatingin na ang mga ito sa gawi nila. Agad siyang umurong.
"Nandyan na pala s'ya," nakangiting sabi ni Cielo.
"S'ya?"
"Si Ginoo. Halika, ipakikilala kita."
"Teka—"
Tumigil sa pag-uusap ang mga nasa labas nang dumating sila ni Cielo. Rinig na rinig niya ang pagkabog ng dibdib. Mas guwapo at matikas tingnan ang lalaki sa malapitan. Matangkad nga ito. Kung hindi lamang mas mataas ang tinatapakan nila ni Cielo ay nakatingala na sana siya sa lalaki.
Paalon-alon ang itim na itim nitong buhok. Makapal ang mga kilay. Mapupungay ang mga mata. Matangos ang ilong. Mukhang makinis ang kayumangging balat. Tipo niya iyong mapuputing lalaki, pero ewan ba niya kung bakit malakas ang dating ng lalaki para sa kanya.
"O, nakaligo na ba kayo? Aba'y masamang pinaghihintay si Ginoo!"
"Ginoo?" pabulong niyang tanong kay Cielo.
"Ginoo ang tawag namin sa kanya," pabulong din nitong paliwanag.
Hinila siya nito palapit. Medyo nahiya siya dahil hindi pa siya nagsusuklay.
"Ito 'yong sinasabi kong bisita namin, Ginoo." Kumapit sa kanya si Ginang Cruz. "Marikit, hindi ba?"
Ngumiti ang lalaki. Mas gumwapo pa ito nang sampung beses pa siguro. Pantay-pantay ang mapuputi nitong mga ngipin.
"Ginoo, ito si Ariella, kaklase at kaibigan ko," pakilala ni Cielo sa kanya. "Ariella, ito si—"
"Isagani," wala sa sarili niyang sambit.
Nagpabalik-balik ang tingin ng mga ito sa kanilang dalawa ng lalaki.
"Magkakilala na pala kayo?" tanong ni Lola Maying.
"H-Hindi po," mahina niyang sagot. Papaano ba niya ipaliliwanag na ibinulong lamang sa kanya ng hangin ang pangalan nito? "Hula ko lang po."
"Ang galing mo namang manghula!" kumento ni Cielo.
Inilahad ng lalaki ang kamay. Siniko siya ni Cielo dahil tiningnan lamang niya iyon. Wala siyang nagawa kundi tanggapin ang kamay ng lalaki kahit hindi siya mapakali kanina pa.
"Binibini..."
"G-Ginoo?"
Yumuko ito at hinalikan ang likuran ng kamay niya.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro