Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

ii. nasa rooftop lang ako palagi

genre:
angst // fantasy

note:
content and trigger warning for sensitive topics
such as suicide, religion, and family.

━━━━━━━━ * ੈ✩‧₊˚ ━━━━━━━━━

Pinaglaruan ko ang nakalambitin kong paa sa rooftop. "Tumalon kaya ako? Mamamatay na rin naman ako 'eh." Natawa ako tsaka umiling. "Ano bang mas magandang cause of death? Disease o katangahan? Parang ganito ba... Tumalon po ako sa building para ma-test kung totoo ba 'yung ressurection."

Syempre, katangahan 'yun kasi maaalala kong hindi nga pala ako banal para muling mabuhay. Kaso mas astig kasi pakinggan kung sa ganoong katangahan ako namatay, kaysa naman sa isang... sakit. Ang korni, ang common. Walang thrill.

Tumungtong ako sa pinakadulo ng rooftop, dinungaw ko kung gaano kalalim ang lalanguyin ko. Langoy pero walang tubig, dugo lang siguro kapag bumagsak na ako sa lapag. Umiling ako at muling umupo. Kumuha ako ng panibagong slice ng ipinagbabawal na pizza. Walang pakielam sa itsura ay ninamnam ko ang bawat kagat. Mamaya kasi ay aatakihin na naman ako kaya habang wala pa, magpapakasaya nalang ako.

Nang mahirinan ay tinungga ko ang paborito kong soda. "Patay talaga ako nito mamaya." Natawa ako. Paano nga kaya, 'no? Paano kung mamaya patay na ako? Ayos 'yun, thrilling na cause of death: gluttony. "Kaso awit, men. Kasama pala 'yun sa seven capital sins. Matic na 'yan. Impyerno na talaga bagsak ko." Napasampal nalang ako sa aking noo. Wala na talaga akong pag-asa.

Bigla akong dinapuan ng pagkalula. Para akong lulutang sa ere. Natawa ako. "Ito na, mga men! Malapit na!"

Ang swerte ko kasi. Oo, sa generation namin, ako ang pinakaswerte. Bakit? Talentado ang pamilya namin at sa hindi malamang dahilan, wala akong nakuha ni isa. Matatalino ang lahi namin at sa hindi malamang dahilan, bobo ako.

Ang swerte, 'di ba? Pero hindi nagtatapos diyan ang pagiging maswerte ko. Ang sakit kasing inakala ng lahat na natuldukan na sa linya ng pamilya ay buhay pa rin. Kanino nagpakita? Sa akin. Sa taong pinakaswerte sa lahat.

Matapos kong isubo ang pinakahuling slice ng pizza ay inihaga ko ang aking likod sa sahig. Sinalubong ako ng langit na pinag-aagawan ng kahel at asul. Pusta ko sa asul. Kapag asul ang nanalo, mamamatay na ako mamaya. Napangisi na naman ako.

Habang nakahiga ay nakalambitin pa rin ang paa ko. May naisip ako bigla. Walang pagdadalawang-isip ay hinubad ko ang aking sapatos gamit ang magkabilang paa. "Sana may matamaan." Nagsign of the cross pa ako para lumaki ang tsansang mangyari.

Sinalubong ng malamig na simoy ng hangin ang paa ko. Agad ko itong pinagkuskos sa lamig. Itinaas ko ang dalawang kamay ko sa ere, tila inaabot ang mga tala sa kalangitan. "Kapag kaya namatay ako, kagaya ni Little Prince, babalik din ako sa kung para saan talaga ako?" Bumangon ako. "Kaso, para saan naman kaya ako?"

Muli pa sana akong tutungga sa soda kaso wala na pala itong laman. Hinalikan ko ang boteng ito, "Please aim for someone's head." Pagkatapos bulungan ay hinulog ko na siya sa ere.

Nilibot ko ang paningin sa gilid ko, cookies at chips nalang pala ang natitira kong pagkain. Wala na akong inumin. Malas naman.

"Pero astig ding cause of death 'yung hindi makahinga dahil nabulunan. Parang 'yung sa I want to Eat Your Pancreas lang, akala ng lahat mamamatay si Sakura dahil sa sakit niya. 'Yun pala dahil masasaksak siya." Natawa ako. "Dapat ako rin may plot twist!"

Dumapa ako sa sahig. Sa ngayon ay idinungaw ko ang nakapangalumbaba kong mukha sa dulo ng rooftop. May mga mangilan-ngilang nagsisindi na ng ilaw sa mga bahay o establishments nila. Ang daming tao. Bawat isa sa kanila may mga sariling mundo, sariling isipin.

"Sana all may buhay."

'Tila isang trigger button ang apat na salitang ito at nagsunod-sunod na ang pagatak ng aking luha. "Walangya, ang korni naman, Miko." Natawa ako. Oo, puro nalang pagtawa ang ginagawa ko. Paepal lang 'tong tubig sa mata ko. Nasilaw yata sa sinag ng pag-asa sa mga taong naglalakad sa kalsada.

"Miko, mukha kang tanga."

Natawa ako. Nakakapanibago sa pandinig. Ngayon lang may nagkumento sa akin ng ganyan. Pero teka... ako lang mag-isa ang tao rito. Hindi ako naniniwala sa multo pero kung sa ganitong nasa tuktok ako ng isang tahimik na ospital, gabi-ay tangina, baka ang cause of death ko nito ay atake sa puso.

"Oh, bakit natigilan ka yata?" Bigla akong kinilabutan sa kanang bahagi ng katawan ko. Parang may kung anong malamig na presensya ang tumabi sa akin.

Hindi ako nakagalaw sa kaba... takot... mangha? "Multo ka ba?"

"Siguro. Maaga ako namatay eh," tumawa ang boses na nagsasalita sa gilid ko. Boses babae... parang anghel.

"So mamamatay na rin ako?"

"Oo, maya-maya."

"Tangina," natawa ako. "Hindi ba 'to joke time?"

"Baliw, bakit ako magbibiro sa gantong bagay?" Naramdaman ko ang hininga niya sa aking braso, bumuntong-hininga yata siya. "Tanga ka nga."

Tumayo ako sa pagkakahiga ko. Hinawi-hawi ang hangin sa paligid ko. "Nasan ka ba? Magpakita ka nga. Parang others naman 'to."

"Bobo ka ba? Mamamatay ka na maya-maya. Bakit hindi mo sabihin sa pamilya mo na mahal mo sila? Bakit hindi ka natataranta?" Huminto ito. "Tsaka kanina lang umiiyak ka, ah? Bakit hindi ka na umiiyak ngayon?"

"Syempre! Ibig sabihin may afterlife," napatalon ako sa tuwa. "Ang angas! Ito na yata 'yung plot twist na hinihiling ko."

Isang mahabang tawa ang isinukli nito sa akin. Pinikit ko nang paulit-ulit ang mata ko. Parang naaaninag ko na siya. Sandaling umikot ang paningin ko at tila nawalan ako ng hininga. Para akong lumulutang sa ere. Naikuyom ko ang kamay ko ng mahigpit. Ilang segundo lang, sa muling pagdilat ko, umayos na ulit ang aking paghinga. Pati ang paningin ay umayos. Iniling ko na lamang ito.

Ang buong atensyon ko ay lumipat sa kaniya. Sa mangha ay dahan-dahan akong lumapit sa kaniya. Nakaupo na siya sa sahig, hawak-hawak ang tiyan sa sobrang pagtawa. Nakasuot siya ng puting pantulog. Ang ganda niya...

Gamit ang hintuturo ay hinawakan ko siya sa tuktok ng kaniyang ulo. Napatalon ako nang mapatalon siya. Dahil sa gulat, mangha, o... lungkot? Hindi ko alam kung ano ang nangingibabaw sa mga mata niya.

"Nakikita mo na 'ko?" Maang na sabi niya.

"Uhm.. oo?"

"Tanga, patay ka na!"

"Oo nga 'eh. Patay tayo dyan." Lutang kong sagot. Nakatulala pa rin ako sa ganda niya.

"Baliw, ang ibig kong sabihin, patay ka na. Patay as in dead," tapos ay naghand gesture siyang patay na. "Dead. Patay ka na, Miko."

Bigla akong natauhan, napaupo. Tinignan ko ang katawan ko. Naging kulay puti na rin ang suot kong damit. Dahil hinagis ko sa baba ang sapatos ko, nakayapak lamang ako hindi katulad ng kasama ko na nakasuot ng puting tsinelas.

"Bakit puro puti? Sa langit ba ako mapupunta?" Nakakapagtaka naman. Wala akong sineryoso sa buhay ko tapos mapupunta pa rin ako sa langit? Dahil ba namatay ako sa isang sakit? Pero teka, paano ako namatay? Kailan?

"Hindi," ngumiti siya. "Hindi tayo mapupunta sa langit."

"Tayo?" Buti sana kung ako lang. "Bakit kasama kita sa disqualified sa langit?"

"Hindi tinatanggap doon ang mga nagsuicide."

Natigilan ako. Nagtagpo ang aming mga mata. Ang kanina'y puno ng mangha, napalitan ng kalungkutan. Pinutol ko ito makalipas ang ilang segundo at inilipat ang paningin sa kalangitan. Nanalo pala ako. Asul ang naghari sa buong kalawakan.

End.

━━━━━━━━ * ੈ✩‧₊˚ ━━━━━━━━━

[110121]

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro