Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

i. sinampay

genre:
general fiction // thoughts

note:
tots ko lang habang nagsasampay.
you can play the media for a better reading experience.

━━━━━━━━ * ੈ✩‧₊˚ ━━━━━━━━━

Nakakainis pero dapat matuwa ako. Matarik kasi ang araw, sakto at magsasampay ako. Ang kaso ay masakit naman sa balat. Dito kasi ako sa likod ng bahay namin nagsasampay. May ilang puno naman kaya medyo presko kaso talagang mas nangingibabaw ang kainitan ng araw. Umiinit na rin tuloy ang ulo ko.

Mata. Sa tuwing nagsasampay ako, palagi akong pinaaalalahanan ng utak ko na malaki ang tsansang isa sa mga bintana sa paligid ko ay may pares ng matang nakamasid. Hindi horror ah. Magara nga ang apartment na katabi ng bahay namin. Mga yayamaning nagtitipid ang nakatira. Sa katunayan nga ay napapagitnaan ang bahay namin ng dalawang magkalabang apartment. What a place to stay at, 'no?

Matapos kong ipagpag ang damit ay isinuot ko ito sa isang hanger. Isinabit ko ito sa sampayan at nagpatuloy ulit sa pagpapagpag. Kung iisipin ko ng mabuti, para akong isang makina sa tuwing nagsasampay ako. Sa pagpapaulit-ulit ko ba naman nito kada-linggo, malamang ay nakagawa na ako ng pattern. Syempre kasama na doon ang pakikipagtalo sa sarili sa loob ng utak ko. Kumbaga, intrapersonal communication.

Sandali, pinaganda ko pa. Overthinking kasi talaga 'yun.

Biglang umihip ang hangin ng malakas. Automatiko akong napapikit at napayakap sa mga damit na nakasampay. Baka tangayin. Dahil dito ay ang buhok ko namang magulo ang tinangay. Napapilantik nalang ako sa aking dila, "Epal namang tunay, oh. Magulo na nga, lalo pang..."

Ginulo. Naalala ko na naman kung gaano kakumplikado ang buhay ko. Ang buhay sa labas ng pagsasampay ay hindi rin nakakatuwa. Parang mas pipiliin ko nalang na ilibing ang sarili ko sa mga mamasa-masang amoy downy na damit na ito kaysa makipagsapalaran sa buhay. Nakakaumay kaya.

Pinaghiwa-hiwalay ko ang mga damit na nagkadikit-dikit sa sampayan. Pagkatapos ay bumalik ako sa pagpapagpag at paglalagay sa hanger. Ang dami talagang bintana. Pakiramdam ko, ang mga bintanang 'yan ay mga mata na sa bawat kilos ko ay nakamasid. Kung iisipin kasi ay para akong nasa isang football field, natatanging player at ang mga bintana naman ang mga audiences. Saludo nga ako sa mga players ng kahit na anong sports. I mean, paano nila kinakaya ang sandamakmak na matang nakamasid sa kanila? Mamamatay nalang siguro ako kaysa gustuhin kong mapunta sa ganong sitwasyon. Teka sandali, para palang sinabi ko na rin na mamatay nalang ako ngayon.

Ano kaya ang tingin sa akin ng mga posibleng mata sa likod ng mga bintanang 'yan? Maarte? Tamad? Weirdo? Cute? Natawa nalang ako sa layo ng narating ng "intrapersonal communication" ko.

Sobrang tirik talaga ng araw. Kanina pa rin nagtatalo ang kaartehan at katamaran sa utak ko: magpalit ng long sleeves at mapawisan o matutong nalang sa init dahil nakakatamad pumasok sa loob ng bahay? Syempre nanalo ang katamaran. Nagsisipag na nga ako sa pagsasampay, magsisipag pa ako para sa balat ko?

"Walang gano'n, mars." Muli akong napangisi.

Kumot nalang ang isasampay ko at tapos na. Napasayaw ako sa tuwa. Sinabayan ito ng malamyos na ihip ng hangin kaya lalong tumigkad ang ngiti ko.

Sa pagsasampay ng kumot, pinapagpag ko muna ito ng dalawa hanggang tatlong beses bago isabit sa sampayan. Mabuti nalang at good mood ako ngayong gagawin ko ito dahil kapag hindi, madalas ay bara-bara nalang kung ibilad ko ito sa araw.

Kaya pala. Ngayon ko lang naalala. Wala pala akong tugtog habang nagsasampay. Kadalasan ay Prep at Dansu ang pinapakinggan ko sa mga gan'tong oras. Sunday morning vibes ba. Maswerte ako at nasa bulsa ko lang ang phone ko. Nang umere ang unang ritmo ng Who's Got You Singing Again ng Prep ay napa-headbang nalang ako. Ito pala ang kulang.

Gamit ang technique na ako lamang ang nakadiskubre, isang hagis lamang sa ere ng unang blanket ay perpekto itong sinalo ng sampayan. Napatapik nalang ako sa aking dibdib ng dalawang beses, idinikit ang kamao sa labi, sabay turo sa taas---isang hand gesture na nagsasabing: "All thanks to God." Nailing nalang ako sa aking kaastigan.

Kaso. Kaso nawala rin ito bigla nang mapalitan ito ng isang maliit na pagtalon. Mayroon kasing biglang kumalabog sa may itaas na parte ng pinagsasampayan ko. Tangina. Agad akong umiwas ng tingin. May lalake. Nasubsob siya sa terrace. Tangina.

Mikha, bawal tumawa. Mikha, ayusin mo lang, ah. Nilunok ko lahat ng tawa ko sa isang pekeng ubo... na nagtunog utot. Tangina.

Tanging tugtog lamang ng Dansu na Don't You Give Up ang nagpapaingay sa awkward na katahimikan sa pagitan ko, ng sampayan, ng bintana, at ng lalakeng bumalentong sa terrace. Ang sarap magheadbang nalang sa kanta para itago ang kahihiyan. Bumuntong-hininga ako, pikit mata, at umambang lunukin muli ang tawa. Mabuti't successful na ngayon.

Ngunit sa biglaang kamalasan ng panahon, pumalpak ang pagkakasampay ko sa pangalawang blanket na inihagis ko sa ere. Nanginginig kasi ako kamay ko sa pagpipigil ng tawa. Sa gulat ko ay agad akong tumakbo sa kahuhulugan nito, sumalapak sa sahig para masalo ng katawan ko. Dahil dito ay natabunan ako ng kumot. Nakarinig ako ng magkasabay na tawa at palakpak mula sa... bintanang nagluwa ng bumabalentong na lalake.

Nakaramdam ako ng pag-iinit ng aking pisngi... at ulo. Agad akong tumayo at inalis ang kumot sa aking ulo. Hindi na ako nag-aksaya ng oras na tignan ang lalake at binilisan ko nalang ang pagsasampay. Sinabayan ng malamig na ihip ng hangin ang paghagis ko sa ere ng panghuling blanket kaya't dumali ang trabaho ko. Napahinga ako ng malalim.

Pinagpatong-patong ko na ang mga basket at inilagay ang mga natirang hanger. Pagkatapos ay nagmamadali na akong naglakad papasok ng bahay. Pero sino ba naman ako para makaranas ng katahimikan 'di ba? Saktong pagbukas ko pa lang ng pintuan, biglang gumuhit ang isang matulis na kidlat. Walang isang segundo ay sinundan ito ng tila nagbabardagulang kulog.

At syempre, mawawala ba ang "Mi-kha-e-lla!! Ang mga sinampay!!!" ng Lola ko? Syempre hindi rin mabubuo yan kung walang kasunod na "Mga magsisilaba kasi kung kailan uulan!!!"

Sabay sa pagkalukot ng mukha ko ang aking pag-irap. Mas lalo pang bumusangot ang mukha ko nang sa pagpihit ko pabalik sa sampayan ay binungaran ako ng nakapangalumbabang lalake sa terrace niya. Nakangisi ako nitong pinapanood habang labag sa loob akong nagmamartsa para sayangin ang effort ko sa pagsasampay at kuhanin ito isa-isa.

"Ate, nakatingin sa'yo 'yung lalake," bulong sa akin ni Rio, kapatid ko. Kumpara sa akin ay mas mabilis ang paglalagay nito ng mga damit sa basket. Palibhasa ay hindi nanghihinayang dahil hindi naman siya ang isa-isang nagsampay.

"Tangina niya," bulong ko pabalik.

Tumawa ito. "Ate, pinakyu ko."

Napabuga ako ng tawa ng wala sa oras. Imposible kong tinignan ang aking kapatid at sinunod ang lalake sa taas namin. Nakakunot man ang noo ay makikitaan ito ng mangha. Iniwas ko ang tingin ko nang magtagpo ang aming mga mata.

"Gago ka, Rio." Sabay kaming natawa. Ilang saglit at pumasok na kami sa loob ng bahay, dala-dala ang mga basang sinampay. Akala ko nasa akin na ang huling halakhak.

Malakas na umere ang tawa ng walangyang lalake kasabay ng unti-unting pagsilip ng araw sa gitna ng makukulimlim na ulap. Ayos. Mukhang bagong tenant siya. Ayos, sa lahat ng bintanang pwede niyang mapwestuhan, sa parte pa kung saan pinakamalapit sa sampayan area ko.

Ayos. Linggo-linggong ganito. Mula sa kailalimlaliman ng pagkadismaya ko, muli kong tinapik ng dalawang beses ang aking dibdib, idinikit ang kamao sa labi, at itinuro ang taas... "All thanks to You." Nakita kong mas lalong natawa ang lalake sa ginawa ko. Bumusangot lalo ang mukha ko.

Napansin ko ang pagpapabalik-balik ng tingin ni Rio sa akin at sa lalake. "Ate, mukhang sisipagin kang magsampay ah?"

Siguro nga.

End.

━━━━━━━━ * ੈ✩‧₊˚ ━━━━━━━━━

[110121]

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro