Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

9

Chapter 9

“ANO, Rufo, maglalasing ka na lang ba, ha? Wala ka bang planong kausapin man lang si Leonie?” naiinis na tanong ni Jace sa kanya habang sunod-sunod ang tungga niya sa hawak na Vodka.

Kasalukuyan silang nasa isang bar noon dahil nagyaya siyang uminom at para na rin sana alamin ang totoo.   Pero nauunahan siya ng takot sa pangambang hindi niya magustuhan ang malalaman.

“What for?” puno ng pait ang tinig na sabi niya.  “’Di ba nga sabi mo, effective and irrevocable ang resignation niya?”

Hindi sumagot si Jace.  Titig na titig lamang ito sa kanya na waring hindi makapaniwalang ganoon na siya kadaling gumive-up.

“Don’t look at me like that, Jace.   Alam mo na hindi iyon ganoon kadali.   K-Kahit na mahal ko siya, hindi puwede lalo't ang taong kinamumuhian ko ang nasa pagitan naming dalawa,” dugtong niya na tila di masabi ang totoong damdamin.

“Ilang ulit ba naming ipapaalala sa ‘yo na hindi mo ama ang Mr. Donovan na iyon?  He never was.   At lalong mas hindi mo dapat hayaan na masira ka niya ngayon!”

Marahang napapikit si Rufo.   Ilang ulit na nga bang pilit niyang kinakalimutan ang mapait na nakaraan?

“DADDY, sorry na po, ‘di na po mauulit,” umiiyak  na pilit nagsusumiksik ang limang taong gulang na batang si Rufo habang pinapalo ng amang si Juanito Donovan.

“Sinabi ko sa ‘yo na ‘wag na ‘wag kang lalabas ng bahay, hindi ba?  Pero tinakasan mo na naman ang private tutor mo!” nanggagalaiting sigaw nito sa takot na takot na bata.

Simula nang magkaisip ay hindi siya pinalalabas ng ama sa mansyon at tanging private tutor lamang ang nagtuturo sa kanya.  Ni hindi siya ipinasok sa isang eskuwelahan.  Nakapagtapos siya ng elementarya sa pamamagitan ng mga private teachers and lessons na sa loob lamang ng kanilang mansyon ginawa.

Hanggang dumating ang isang pagkakataon na siyang nagpabago ng lahat at siyang  naging daan upang matuklasan  ang misteryo ng kanyang tunay na pagkatao.

“Rufo...!”

Napalingon siya nang marinig na may tumawag sa kanyang pangalan.  Kasalukuyan silang nasa airport at naghihintay ng flight patungong France, dahil iyon ang pangako ng ama na doon siya mag-aaral ng high school.

Napalinga-linga siya hanggang mapadako ang tingin  niya sa mag-asawang tila nakakita ng multo sa pagkakatingin sa kanya.  Nagtaka siya nang lumakad ito palapit sa kanya.

“’Ma, b-baka naman kamukha lang ng anak natin,” sabi ng lalaki na humawak sa balikat ng asawang nagmamadaling lumapit sa kanya.  Tingin niya dito’y nagpipigil lamang ito mapaiyak.

“Bitawan mo ako, Raphael, I have to know!” kumawala sa pagkakayakap ang babae at laking gulat niya nang bahagyang ililis nito ang kanyang damit.  

Napatakip ng bibig ang babae na tila pinigil ang sariling mapasigaw nang tumambad dito  ang isang itim na itim na nunal sa bandang ilalim ng kanyang kanang kilikili. Nagulat pa siya nang biglang lumuhod ang ginang sa kanyang harap at bigla na lamang siyang yakapin nito.  “Anak ko…!” impit na sigaw nito.

Maluha-luha na ring niyakap siya ng lalaking kasama nito.

Halos magdilim naman ang paningin ni Mr. Donovan nang matanaw ang mag-asawang kausap ng kanyang anak.

Anong ginagawa ng mag-asawang iyon? tanong sa isip ng lalaki na pilit kinikilala ang mga ito ngunit hindi niya makita dahil nakatalikod ito sa kanya.  Hindi niya maialis ang kabang bumundol sa kanyang dibdib sa pagkakatanaw sa mga ito.

Mayamaya’y humarap na ang mga ito sa kanya.  Laking panggigipuspos niya nang mamukhaan na kung sino ang mga iyon.

“Carrie…” mahinang usal ni Mr. Donovan nang makilala ang ginang na nakayakap kay Rufo.  Nanlulumong napasandal siya sa pader upang makapagkubli.

It's been twelve years nang huli niya itong makita pero halos hindi ito nagbago. Taglay pa rin nito ang kakaibang ganda na hanggang ngayon ay kinababaliwan niya.  Dating matalik niyang kaibigan ang asawa nitong si Raphael.  Nagbago lamang iyon nang makilala nila pareho si Carrie. Pareho nila itong sinuyo at niligawan.

Hindi niya natanggap nang si Raphael ang pinili nito.  Nagkunwari siyang okey lamang ang lahat at ipinagpatuloy ang kanilang pagkakaibigang tatlo.  Nang magkaanak nga ang mga ito’y isa siya sa kinuhang ninong.

It was Rufo's 1st birthday nang mapagdesisyunan niyang dukutin ito at ilayo sa mag-asawa.  Hindi siya pinaghinalaan ng mga ito dahil lagi siyang kasama ng mag-asawa maging sa buong panahon ng paghahanap kay Rufo.

Ganoon na lamang ang lungkot ng mag-asawang Sanchez.   Lumipas man ang ilang taon ay hindi sumuko ang mga ito sa paghahanap kaya walang paglagyan ang sayang nadama ng mga ito nang muling matagpuan ang nag-iisang anak.

Magkahalong galit, lungkot at disappointment ang sumaanyo ni Mr. Donovan nang muling pukulin ng tingin ang mag-anak at nagpasya nang tumuloy ng biyahe ng France na hindi na kasama si Rufo.  Alam niyang hindi na niya ito mababawi kahit pa ipagpilitan nitong siya ang kinikilala nitong ama.

Simula nang araw na iyon ay nagbago na ang lahat.   Doon na natuklasan ni Rufo na hindi siya tunay na anak ni Mr. Donovan.   Kaya pala sa labindalawang taon na kasama niya ito ay hindi niya naramadamang minahal siya nito.  Kaya pala palagi siyang sinasaktan nito tuwing siya ay magkakamali.

Binata na siya nang tumawag ito sa kanyang tunay na mga magulang at ipinagtapat ang buong katotohanan.   Humingi din ito ng tawad sa kanila sa nagawa nito.  Pinatawad ito ng kanyang mga magulang dahil ang tanging mahalaga ay nagbalik na siya.  Pero siya ay nahirapang patawarin ito.  Hanggang ngayon ay dala niya ang sugat na dulot nito sa kanyang murang isip. At hanggang ngayo’y tila nais nitong muling sugatan ang damdamin niya sa pamamgitan ni Leonie.

Naputol ang kanyang pagbabalik-tanaw nang maramdaman ang marahang tapik ng kaibigan.  “You have to let go and bury the past, Rufo.  Iyon lang ang paraan para  tuluyang lumigaya ka.  At si Leonie, kailangan ka niya ngayon.  I know you love her, pare.”

Hindi siya nakakibo.  Tinungga niya uli ang alak sa kanyang baso.

“Ang mabuti pa tama na iyan, lasing ka na, eh,” sabi nito na kinuha ang hawak niyang bote at baso. “Hindi solusyon ang paglalasing.   Oo nga't makakalimot ka ng panandalian pero walang magbabago.   ‘Yun at yun pa rin ang problema mo—o, o…sa’n ka pupunta?” nabahalang wika ni Jace nang tumayo siya.

“Susundin ko lang payo mo,” nakangising sabi niya.  “Thanks, Jace.  You’re the best.”

“Rufo, wait!”

Hindi naman agad makasunod si Jace dahil inayos pa nito ang bill ng kanilang ininom.  Ganoon na lamang ang inis nito nang paglabas ng bar ay makitang nakaalis na siya.  Napapailing na tinungo na nito ang sariling sasakyan saka iyon pinaharurot.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro