✧ SIMULA ✧
┍━━━━☽【❖】☾━━━━┑
Ang Pagkawala ni Apulatu
┕━━━━☽【❖】☾━━━━┙
"Totoo sila."
Ngunit kahit ilang beses pang sabihin ito ni Malayah, pagtawa lamang ang gagawin ng kanyang mga kaklase.
"Kung totoo nga sila, siguro ay isa ka sa kanila!" Wika ng isang babae at nagtawanan muli sila ng mga kasama niya.
Hinawi ni Malayah ang librong ihinagis sa kanya ng kaklase. Isa itong aklat patungkol sa mga aswang, kapre, tikbalang, at iba pang mga nilalang. Binili nila ito para lamang tuksuhin ang dalaga sapagkat alam nila na naniniwala si Malayah sa ganitong uri ng mga mito.
"Maaari kayong huwag maniwala. Ngunit ang pagtanggi sa kanilang buhay ay hindi nangangahulugang hindi na sila totoo."
Tumunog ang kampana simbolo na tapos na ang klase. Kaagad tumayo si Malayah at kinuha ang mga gamit upang lumisan na. Huminga siya nang malalim at iniyukom ang mga kamao. Simula pagkabata ay pinaniwala na siya ng kanyang ama na ang mga nilalang ng dilim ay tunay maski ang mga nilalang ng liwanag.
Ngunit lumaki siya sa lugar na baon na sa limot ang mga paniniwalang ito. Iyon ang dahilan ng pagkakaiba niya. At alam niyang hindi siya nababagay sa lugar kung nasaan siya.
Kinuha ni Malayah mula sa mga gamit ang isang pakete ng tinapay at pumitas ng dahon sa mababang sanga ng puno. Lumuhod siya sa harap ng isang punso at inilagay ang tinapay sa dahon. Tumayo siya at naglakad palayo.
Ilang minuto ang hinintay ni Malayah bago bumalik sa punso. Napangiti siya nang makitang butil na lamang ng tinapay ang naroon sa dahon. At sa gilid nito ay may isang piraso ng ginto na nakausli mula sa lupa.
Ang nunong naninirahan sa punsong iyon ay malupit kung magparusa ngunit galante rin kung manggantimpala. Ayaw nga lamang nitong magpakita sa kahit na sino kung kaya't kailangan pang umalis ni Malayah upang tanggapin ng nilalang ang kanyang handog.
Pero hindi na iyon problema ni Malayah. Hindi rin naman siya interisadong makita ang kakaibang nilalang na nagbibigay sa kaniya ng ginto. Tumayo na siya at naglakad nang muli.
Nakasalubong niya ang dalawa niyang kaklase na nagtatawanan sa daan. Napayuko si Malayah. Minsan ay iniisip niya kung ano ang pakiramdam ng magkaroon ng matalik na kaibigan. Ang magkaroon ng kakampi sa lahat ng bagay, ang tumawa na para bang wala nang pakialam sa ibang mga taong nasa paligid.
"Loko ka, pre! Nabiyak ang lupa dahil sa bigat mo. Hahaha!"
Napalingon si Malayah nang marinig muli ang tawanan ng dalawang lalaki. At doon, nakita niya ang pinagtatawanan nila. Ang isa sa mga kaklase niya ay nakasampa sa punso.
Tumayo lamang siya sa kinaroroonan at pinagmasdan kung paano tapak-tapakan pa ng dalawa ang punso. Nagtatawanan silang lumisan at nagpatuloy sa paglalakad habang nakatitig pa rin si Malayah.
"Malayah."
Napalingon si Malayah sa isang sanga ng puno kung saan nakatayo ang isang maliit na nilalang na may matutulis na mga tainga.
"Pino," bati niya sa kaibigang duwende.
Hindi ito nagsalita at nakatitig lamang sa kanya. Alam na ni Malayah ang nais nitong iparating kung kaya't siya na ang unang umiwas nang tingin.
"Huwag mo akong tingnan nang ganyan, Pino. Wala akong kasalanan."
"Alam mo ang mangyayari sa mga tao na iyon dahil sa ginawa nila pero hindi mo man lang sila binalaan o sinaway!"
Napabuga ng hangin si Malayah at liningon ang maliit na kaibigan. "Kung ginawa ko man iyon, hindi rin naman sila makikinig. Bibigyan ko lamang sila ng panibagong pagtatawanan."
Nagsimula na siyang maglakad nang tawagin siyang muli ng duwende.
"Hindi mo man lang ba pupuntahan ang punso at manghihingi ng tawad sa nuno dahil sa ginawa ng mga kaklase mo?"
Bahagyang tumawa si Malayah. "Bakit ko naman gagawin iyon?"
"Dahil may kakayahan ka."
Sumeryoso muli ang kanyang mukha. Kinuha niya ang duwende mula sa puno at inilagay sa kanyang balikat.
"Hayaan mong tanggapin nila ang parusang dapat naman talaga sa kanila. Hayaan mong malaman nila kung ano ang mga totoo sa mga akala nilang hindi."
Hindi na muling nagsalita si Pino. Nagpatuloy sa paglalakad si Malayah hanggang sa huminto siya sa harap ng bakal na tarangkahan ng kanilang bahay.
"Alam mong hindi magugustuhan ng papa mo na wala kang ginawa, Malayah."
Ngumisi si Malayah at kinuha ang isa pang pakete ng tinapay sa bag. "Wala namang makakaalam. Hindi ba, Pino?"
Napabuntong-hininga ang duwende at kinuha ang tinapay. "Ngayon lamang kita pagtatakpan." Wika nito at tsaka naglaho. Napatawa naman si Malayah at napailing.
Naglikha ng pagkaluskos ng nangangalawang na mga bakal ang pagbukas ni Malayah sa tarangkahan at sa pagsarado niyang muli nito. Sinubukan niyang tanawin ang guhit-tagpuan mula sa mga nagtataasang mga gusali. Kahit na hindi niya man ito matanaw, alam niyang ngayon ay dapit-hapon.
Tahimik ang bahay nang makapasok siya. Marahil ay hindi pa umuuwi ang kanyang papa at ang kanyang lola naman ay tulog na. Dumiretso sa kwarto si Malayah upang makapagpalit ng damit.
Ngunit may kakaiba siyang naririnig. Tila ba mga hikbi. Kaagad na lumabas ng kwarto ang dalaga upang sundan kung saan ito nanggagaling. Inihatid siya nito sa hardin.
"Lola? Bakit po kayo umiiyak?"
Hindi kumibo ang kanyang lola kung kaya't lumapit siya. Napansin niya ang hawak nitong kampilan. Ang kampilan ng kanyang ama.
Pangamba kaagad ang naramdaman ni Malayah. "Lola, nasaan po si Papa?"
Hindi pa rin sumagot ang matanda at patuloy pa rin sa paghikbi. Dahil dito ay nagsimula na ring tumulo ang mga luha ni Malayah.
"Lola?"
Sa pagkakataong ito ay lumingon na si Magwen. Hindi na luha ang nasa kanyang mga mata kun'di poot. "Ikaw. Kasalanan mo ang lahat!"
Sinunggaban niya ang walang malay na dalaga at piniga ang magkabilang balikat. "L-Lola, nasasaktan po ako."
"Wala na ang anak ko. Kinuha nila. Dahil iyon sa'yo! Simula pa lang ay malas ka na!"
Walang maintindihan si Malayah sa sinasabi ng kanyang lola. Ngunit isa lamang ang malinaw sa kanya. Ang boses nito ay puno ng poot. Poot para sa kaniya.
--
Nawawala ang kanyang ama. Ngunit hindi alam ni Malayah kung bakit o sino ang kumuha rito. Ang tanging sinasambit lamang ng kanyang lola ay kinuha siya nila. At sa tuwing tatanungin niya kung sino sila, sinasabi lamang ng matanda na kasalanan ni Malayah ang nangyari.
Paulit-ulit.
Nais ni Malayah na umiyak na lamang. Ngunit hindi nito maibabalik ang kanyang ama. Kailangan niyang kumilos. Kailangang mayroon siyang gawin.
Tumayo siya at naglakad patungo sa kanyang kwarto. Kinuha ang sisidlan at naglagay ng mga damit dito. Dinala niya rin ang mga bagay na alam niyang maaari niyang magamit. Nais niyang sundan ang kanyang ama... kahit nasaan pa man ito.
Nang lumabas siya ay nakita niyang tumigil na sa pag-iyak ang kanyang lola. Nakasandal ito sa upuan at nakatulog. Lumapit si Malayah at hinalikan ang noo nito.
Bata pa lamang siya ay ramdam na niya ang malamig na pagtrato ng kanyang lola sa kaniya. Noon ay hindi niya maintindihan ang dahilan. At kahit ngayon ay hindi pa rin.
"Pangako, ililigtas ko si papa."
Hindi niya alam kung anong nilalang ang makakalaban niya upang makuha ang kanyang ama. Ngunit ang katotohanan pa lamang na nabihag nito ang isa sa pinakamalakas na mandirigma noon ng Makitan, alam ni Malayah na hindi ito basta-basta.
Hindi man masabi sa kanya ng kanyang lola ang totoong nangyari, mayroong batid na paraan si Malayah upang malaman ito. Bumyahe siya patungong Quiapo at nagtungo sa isang manghuhula roon sa likod ng simbahan.
"Magpapahula ka ba, Ineng?" Masigla nitong saad nang hawiin ni Malayah ang kurtinang nagsisilbing pinto ng tent.
"May pangyayari akong gustong makita."
Tumayo ang manghuhula mula sa pagkakaupo at may kinuha mula sa ilalim ng lamesa. Inilabas niya ang bolang kristal at inilapag sa ibabaw.
"Akin na ang palad mo."
Akmang hahawakan ng manghuhula ang kamay ni Malayah nang kaagad niya itong inilayo. "Hindi ang hinaharap ang nais kong masilip."
Pinanliitan siya ng mata ng manghuhula na tila ba hindi mahulaan ang tumatakbo sa isip ng dalaga.
"Nawawala ang papa ko. Nais kong malaman kung sino ang kumuha sa kanya at kung saan siya dinala."
Napataas ang kilay ng manghuhula at inilahad ang kamay. "Dalawang libo para sa dalawang kasagutan."
Tinitigan siya ni Malayah dahilan upang bahagya siyang mapaatras. "Hoy, alam mo bang dati akong babaylan? Legit ako kaya malaki ang singil ko."
Walang nagawa si Malayah kung hindi ang magbaba ng dalawang libo sa mesa.
"May dala ka bang isang bagay na pagmamay-ari ng papa mo?"
Tumango si Malayah at inilapag ang kampilan sa lamesa. Napalunok naman ang manghuhula. Kailangan niyang ayusin ang gagawin, sa isip-isip niya. Dahil baka kapag hindi nagustuhan ng dalaga ang trabaho niya ay mahulaan niya ang sariling kamatayan.
Hinawakan niya ang kampilan at nagturan ng isang orasyon. Dahan-dahan niyang inilapag ito sa lamesa at hinawakan ang bolang-kristal. Nakapikit siya ngunit alam niyang unti-unti nang may lumalabas na mga imahe sa bola.
Lumapit nang kaunti si Malayah nang maaninag ang imahe ng kanyang ama mula sa kristal. Sa harap nito ay may nakatayong isang lalaki. May puting tela ang kanyang bibig at nakasuot ng isang sumbrerong buri dahilan upang ang mga mata lamang nito ang makita ni Malayah.
"Kailangan mong sumama sa akin." Wika ng isang seryosong boses.
Itinaas ni Apulatu ang hawak na kampilan at sinugod ang kalaban. Ngunit mabilis na naiwasan ito ng lalaki. Hinawakan niya ang balikat ni Apulatu at isang kahel na liwanag ang bumalot sa katawan nito.
Napayukom ang mga kamao ni Malayah nang makitang hindi na makagalaw ang ama dahil sa kahel na liwanag na bumabalot sa kanya. May kinuha ang lalaki sa kaniyang bulsa at ihinagis sa inaapakan ni Apulatu.
Unti-unting nagkaroon ng puting usok ang paligid dahilan upang hindi na maaninag ni Malayah mula sa bolang-kristal ang kaniyang ama.
"Ano iyon? Anong ibig sabihin n'on? Nasaan na ang papa ko?"
"Kalhamahan mo lang, binibini. Isang libo bawat tanong."
May ngisi sa labing sinambit ito ng manghuhula at hindi iyon nagustuhan ni Malayah. Kinuha niya ang kampilan ng ama at itinutok sa leeg ng manghuhula
"Sagutin mo ako!"
Napaatras ang manghuhula at tila bumilis ang kabog ng dibdib dahil sa takot. "Oo na, oo na. Huminahon ka, pakiusap."
Huminga nang malalim si Malayah upang pakalmahin ang sarili at ibinaba ang kampilan. Napabuga naman ng hangin ang dating babaylan at napahawak sa puso. Nilunok niya ang sariling laway.
"Nasa kabilang mundo."
Kabilang mundo? Nagbalik kay Malayah ang mga kwento ng kanyang ama patungkol dito. Mga kagila-gilalas na mga nilalang na naninirahan dito, mga bagay na puno ng hiwaga, at mga misteryo na kaunti lamang ang nakaaalam.
Bumalik sa kanya ang pagkamangha ngunit kasabay nito ay ang takot. Kung naroon nga ang kanyang ama ay kailangan niyang suungin ang isang hindi pamilyar na mundo na lulan ang mga mapapanganib na mga nilalang.
Ngunit walang kahit ano pa ang makakapanaig sa kagustuhan niyang mailigtas ang kanyang ama.
"Ituro mo sa akin ang portal patungo sa kabilang mundo."
Bahagyang tumawa ang manghuhula. "Binibini, patawarin mo ako ngunit matagal nang nakasarado ang lahat ng portal patungo sa kabilang mundo. Ang sabi nila ay simula nang maganap ang sinaunang tagna. Alam mo ba ang tagna? Hay! Paniguradong hindi! Halika't ikukwento ko say-"
"Kung matagal nang sarado ang portal, paano napunta roon si Papa?"
Matalim na tinitigan ni Malayah ang manghuhula. Ang mga sinasabi niya ay tila walang katuturan. Hindi ito nagtutugma.
"Ah, nakita mo ang puting usok kanina? Mula ito sa isang hiyas. Ang isang hiyas ay sapat na upang madala ang isang nilalang sa kabila."
Nabuhayan ng loob si Malayah. Ihinagis niya ang dalawang piraso ng ginto sa lamesa dahilan upang magliwanag ang mga mata ng manghuhula.
"Sabihin mo sa akin kung paano at saan ako makakakuha ng hiyas."
Naglaho ang ningning ng mga mata ng manghuhula at sumeryoso ang ekspresyon nito. "Patawad, binibini. Ngunit ang mga hiyas ay sagrado. Maraming mga nilalang ang nais makapunta o makauwi sa kabilang mundo. Lahat ay gagawin upang mapasakamay ang mga hiyas na ito. Hindi sapat ang dalawang pirasong ginto mo, Ineng."
Hindi kumibo si Malayah. Tila ba nauubos na ang kanyang pasensya sa matandang babae na nasa harap. Napaatras naman ang manghuhula nang makita ang paghigpit ng hawak ng dalaga sa kampilan.
"M-Mali ang iniisip mo, binibini. Hindi iyon ang nais kong iparating. Hindi ako nanghihingi ng higit pa sa inaalok mo. Sa totoo nga niyan ay hindi ko alam kung nasaan ang kahit na isa sa mga hiyas."
Ibinabang muli ni Malayah ang kampilan. Ang pagdaloy ng mga salita mula sa bibig ng manghuhula ay tila nagpapahiwatig ng katototohanan at ang mga mata nito'y inihahayag kay Malayah ang sinseridad.
"Kung ganoon, sino ang may alam?"
"Ang alam ko ay mayroong mapa. Isang walang pangalang diyos ang nakasilip sa balon ng tadhana. Nakita na niya ang pagsara ng mga portal kung kaya't ginawa niya ang limang hiyas at itinago sa iba't-ibang parte ng Pilipinas. Isang tao lamang ang pinagkatiwalaan niyang magtago ng mapa. Ah! Ang lalaki sa balete! Ang alam ko ay kalolo-lolohan niya ang taong pinagkatiwalaan ng diyos. Marahil ay alam niya."
"Ano ang pangalan ng lalaki sa balete?"
"Lakan."
Nakuha na ni Malayah ang lahat ng impormasyong kailangan niya. Sinukbit niya sa kanyang balikat ang sisidlan ng mga gamit at hinawakang muli ang kampilan ng ama. Hinayaan niya na lamang ang dalawang pirasong ginto sa lamesa at naglakad paalis.
Natuwa naman ang manghuhula dahilan upang maghandog pa siya ng ibang impormasyon sa dalaga.
"Ah, may isa pa nga palang paraan. Hintayin mo ang ikapitong paglabas ng bakunawa sa dapit-hapon. Ayon sa ilang mga babaylan, iyon ang muling pagbubukas ng portal. Ngunit ang sabi-sabi ng ilan, panganib ang dala ng ikapito. Alam mo ba ang tungkol sa araw, buwan, at bakunawa? Halika-"
"Hindi ako interisado."
Hindi na nagsalitang muli ang manghuhula at si Malayah naman ay tuluyan nang umalis.
Malalim na ang gabi. Madilim na ang paligid. Nguniy walang kahit anong bahid ng takot ang nadarama niya sa kanyang sistema. Tanging galit lamang ang nananahan ngayon sa puso ni Malayah.
Tinuruan siya ng kanyang ama kung paano kontrolin ang kanyang galit.
"Ang galit ay pawang apoy, Malayah. Sa oras na ito'y lumiyab, hindi mo na mababawi ang mga natupok nito."
Ang mga salitang ito ay naririnig niya pa rin sa kanyang isipan. Ngunit tila hangin na lamang itong pumapasok at lumalabas sa kanyang tainga.
"Sa tuwing nais mong magalit, apulahin mo ito kaagad ng tubig ng pagmamahal at huwag hayaang lumiyab pa ang apoy. Isipin mo ang mga nagmamahal sa iyo, ang mga mahal mo. Sa oras na tumindi ang liyab ng iyong galit, maski ikaw na gumawa ng apoy ay maaaring matupok."
Pinahid ni Malayah ang kanyang mga luha. Tila ba wala nang talab ang mga bilin sa kanya ng kanyang ama. Ang sabi nito ay isipin ang mga mahal niya. Ngunit paano kung ang pagkapahamak ng mahal niya ang dahilan ng kanyang galit sa iba?
Ngayon ay tila wala siyang pakialam kung matupok siya ng sariling apoy. Ang nais niya lamang ay mailigtas ang ama at maparusahan ang salarin ng pagkawala nito.
***
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro