Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Prologo

Matagal nang nakasulat sa mga bituin ang kapalaran ng bawat nilalang.

Ang tagumpay, ang pagkabigo, ang pagkamit ng kapangyarihan, ang pagkasawi, ang pagkagalak, at ang kamatayan.

Kailanma'y hindi ito nagbago.

Ngunit tila ang panahon ay may kakaibang ilalaan.

Sa yungib ng Kawalhatian kung saan namamalagi ang diyosa ng mga bituin ay matatagpuan ang balon ng tadhana. Ang tubig nito ay nagtataglay ng mga memorya ng 'di pa ganap na mga pangyayari. Mga kapalarang matagal nang nakahabi at naghihintay na lamang na maisukat sa nakatakdang magsuot nito.

Minsan, ang mga patak mula sa balon ay nalalaglag sa lupa. Binibigyang kakayahan nito ang mga piling nilalang na makasilip sa hinaharap, mga pangitain, at mga tagna.

At sa gabing iyon, isang napakahalagang patak ng tubig ng tadhana ang mahuhulog sa lupa. Maaaring makapag-uudlot ng trahedyang lulan nito o kaya naman ay lalo pang makapagpapalala.

Kung ano man sa dalawa, walang kaalam-alam si Apalaan. Nagising na lamang ang kanyang diwa nang marinig ang kapatid na tinawag ang kanyang pangalan.

"Ano ang iyong nakita, Apalaan?"

Si Tala. Ang diyosa ng mga bituin.

Ang tanong ng kapatid ang nagbalik kay Apalaan ng kanyang nasaksihan mula sa mahiwagang tubig. Isang kaguluhan. Bahid ng dugo. Mga hiyaw ng saklolo. Ang pagkalipol ng mga tagapagtanggol. Ang paglaho ng balanse sa pagitan ng dalawang mundo.

Isang trahedyang kailanma'y hindi niya inakalang mangyayari.

Nabaling ang atensyon ng magkapatid sa mga boses na nagmumula sa balon. Isang pangkat ng mga babaylan ang lumitaw mula sa repleksyon ng tubig.

"Naihayag na ang tagna! Sa ika-anim na beses na tangkaing angkinin ng bakunawa ang huling buwan, isang sanggol ang isisilang. Isang nilalang na may biyaya ng liwanag at kadiliman." Nilingon ng punong babaylan ang kanyang mga kasama nang may takot sa mga mata. "Wari'y binabalaan tayo ng diyosang si Tala sa isang delubyong parating."

Nilingon ni Apalaan si Tala at sa mga mata nito, batid ng diyos ng dapit-hapon na hindi na niya kailangang sagutin ang katanungan nito. Sapagkat alam na ng diyosa ng mga bituin ang nasaksihan ng kapatid.

Isang pangitaing hindi dapat nakita.

--

Panahon ang nakalipas...

Ilang siglo ring nalugmok sa pangamba ang mga mamamayan. Mula sa pangkat ng mga babaylang Ivatan ay kumalat na ang tagna sa iba pang mga tribu at nagpapasa-pasa sa mga henerasyon.

Matagal na panahon na ang nakalipas. Ilang dayuhan na ang sa bansa'y nanakop. Umusbong na ang modernisasyon at tila unti-unti nang nakakalimutan ang sinaunang pangitain.

Ngunit hindi hanggang ngayon.

Sapagkat sa araw na ito ang ika-anim na beses na magaganap ang eklipse sa pagitan ng dapit-hapon at takipsilim. Ang muling pagdating ng bakunawa sa pagitan ng liwanag at kadiliman.

Naniniwala ang pinuno ng Makitan, isa sa mga bilang na tribong hindi nabahiran ng dayuhan ang kultura, na trahedya ang hatid ng sanggol sa sinaunang pangitain. Kung kaya't ipinag-utos niya na patayin ang lahat ng mga batang isisilang sa pagitan ng alas-singko at alas-syete ng hapon.

Ito ang dahilan ng pangamba ni Ilang. Marahan niyang hinimas ang maumbok na tiyan habang nakahiga sa isang abakang banig. Ang oras ay ala-sais imedya, tatlumpung minuto bago makaligtas mula sa pag-uusig. Taimtim ang tahimik niyang pagdadasal sa lahat ng mga diyos at kay Bathala.

Iligtas ninyo ang anak ko.

Matagal nang namayapa ang mga magulang ni Ilang. Wala rin siyang natitirang kapatid. Ang ama ng kanyang dinadala ay wala rin sa kanyang tabi upang saluhan siya sa pangambang nadarama. Puno ng lumbay ang kaniyang puso ngunit pinilit niya pa ring ngumiti. Sapagkat hindi siya nag-iisa.

Hinimas niya muli ang kaniyang tiyan nang maramdaman ang pagsipa ng anak. "Mabubuhay tayo nang masaya, mahal ko." Mahina niyang wika.

Limang minuto ang lumipas.

Sampu.

Dalawampu't isa.

Unti-unting naramdaman ni Ilang ang pagkirot ng kanyang tiyan kasabay ng pagsabog ng kanyang panubigan.

"Hindi. Hindi maaari."

Ipinikit niya ang mga mata habang pinipigilan ang tila ba nakatakdang pagsilang.

Dalawampu't dalawang minuto ang lumipas.

Walong minuto bago matapos ang paglilitis.

Ngunit hindi na kaya ni Ilang na pigilan pa ang paghilab ng kanyang tiyan. Nararamdaman na niya ang paglabas ng bata mula sa kanyang sinapupunan.

"Tulong! Inkayen! Birani!"

Isang lalaki at Isang babae ang pumasok sa kubo. At nang makita ang kaibigan ay naalarma ang dalawa. Masisilay rin ang takot sa kanilang mga mata.

"Lalabas na ang aking anak. Tulungan niyo ako!"

"P-Pero—"

Alam ni Ilang kung ano ang nais sabihin ni Birani. Kapag isinilang niya ang anak ngayon ay maaaring hindi na niya ito muling masilayan. Naaaninag niya na rin ang mga mandirigma ng datu mula sa bintana. Ngunit ang sakit at kirot na nararamdaman ay tila hindi na niya kayang indahin.

Pumikit na lamang siya. Hinayaang sundin ang boses ni Inkayen na tinutulungan siyang manganak. Napahinga lamang siya nang maluwag nang marinig ang iyak ng bagong silang na anak.

Nilingon niya si Birani na may hawak hawak na isang relo. "A-Anong oras na?"

Sa totoo lang, hindi niya nais makarinig ng kahit ano maliban sa iyak ng kanyang anak. Ngunit kailangan niyang makasigurado na hindi ito ang huling beses na maririnig niya ito.

"Alas-syete. S-Sakto."

Tila gumuho ang mundo ni Ilang. Kaagad niyang kinuha mula kay Inkayen ang anak at ibinalot ito sa isang malambot na telang siya mismo ang naghabi.

Ang iyak ng kanyang anak ay sumabay sa malakas na pagbukas ng pinto. Ang mga mandirigma ng datu. Niyapos niya ang sanggol at umiling-iling.

"Hindi siya kasali. Pakiusap, huwag ninyo siyang isali."

Ngunit walang nakinig. Lumapit ang isa sa kanila at pilit kinuha mula kay Ilang ang anak. Wala siyang nagawa kung hindi ang umiyak sapagkat siya'y nanghihina at wala nang lakas upang lumaban pa.

Sina Inkayen at Birani ay wala ring magawa kung hindi ang yakapin na lamang ang kaibigang humihikbi. Inilapag ng mandirigma ang sanggol sa sahig at inilabas ang kampilan.

Ngunit bago pa man maiturok ang talim sa puso ng sanggol, isang nakasisilaw na liwanag ang pumasok mula sa bintana. Lalo itong lumiwanag dahilan upang mabitawan ng mandirigma ang kampilan at mapaatras ito.

Nagwangis lalaki ang liwanag. Pigura ng isang diyos. Ang araw. Ang kapatid ng diyosa ng mga bituin na nagbaba ng sinaunang pangitain. Si Apolaki.

Ang lahat ay napatigil at namangha. Isang diyos ang bumaba upang iligtas ang isang ordinaryong sanggol mula sa kamatayan. Ngunit alam ni Apulatu, isang mandirigma at tanyag na tagapagtanggol ng Makitan, na hindi ordinaryo ang sanggol.

Nasaksihan niya ang pagbaba ng diyos ng araw at ang paglisan nito kasama ang sanggol ng babaeng nagngangalang Ilang. Malinaw sa lahat ang nangyari. Natupad na nga ang tagna. Isinilang na ang batang may biyaya ng liwanag at kadiliman.

Ang lahat ay nagkakagulo. Palihim na lumabas mula sa kubo si Apulatu upang sundan ang diyos. Ngunit hindi na niya ito naaninag. Balak na sana niyang bumalik nang makasalubong niya ang isang lalaking natatakpan ang buhok at mga mata ng isang salakot.

"Hinahanap mo ba ang araw?" Wika ng seryoso nitong boses.

Hindi niya alam kung bakit ngunit siya ay mariing tumango. Itinuro ng lalaki ang dagat at sa gitna nito ay isa pang isla. Natigilan si Apulatu. Ang isla ng Daluti, ang tribu ng mga manloloob.

Kumunot ang kanyang noo. Liningon niya ang lalaki upang tanungin ngunit sa kanyang gulat ay wala na ito. Wala na siyang nagawa kung hindi ang kumuha ng bangka at suungin ang dagat patungo sa kabilang isla.

Madilim at tahimik ang isla ng Daluti. Ang mga lalaki ay nasa karatig na mga bayan upang magnakaw habang ang mga bata at mga ina naman ay tahimik na nasa loob ng kani-kanilang mga tahanan.

Sa isa sa pinakamagarbong kubo sa isla, isang ginang ang nakangiting hinehele ang sanggol na anak sa gitna ng malamlam na liwanag ng isang kandila. Kahit pa taliwas sa ibang mga pangkat ang paggawa ng kanilang tribo, naniniwala pa rin ang kanyang asawa, ang datu ng Daluti, sa sinaunang tagna. Kung kaya't laking-tuwa niya nang maisilang ang anak bago pa man magdapit-hapon.

Napahinto siya sa pagkalong sa anak nang may marinig na iyak ng sanggol. Hindi ito galing sa kanyang hawak ngunit tila malapit lamang ang pinanggagalingan nito. Dahil sa kuryosidad, ibinaba niya muna ang anak at naglakad upang buksan ang pinto.

Ngunit walang sinuman ang nasa labas o nasa malapit. Nang makarinig siya muli ng iyak ng sanggol, ito ay nagmula na sa kanyang anak kung kaya't kaagad na siyang bumalik at itinuring na lamang na guni-guni ang narinig.

Sa likod naman ng isang puno di kalayuan sa tinutuluyan ng ginang ay nakasandal si Apulatu... hawak-hawak ang isang sanggol na alam niyang ihinatid ng diyos ng araw sa kubo ng datu ng Daluti.

Palihim siyang umuwi sa kanilang kubo kung saan naghihintay ang kaniyang ina.

"Apulatu!"

Sinalubong niya si Magwen at nagmano rito. Kumunot ang noo ng kanyang ina nang makita ang sanggol na hawak. Napaatras si Magwen.

"Ang batang iyan... huwag mong sabihing—"

Kalat na sa buong Makitan ang nangyaring kaguluhan sa bahay ng isang kapapanganak na babae. At ang bali-balita ay ang sanggol daw ang nakasaad sa sinaunang tagna. Alam ni Magwen na doon galing ang anak kung kaya't may ideya na siya sa nangyayari ngayon.

Ipinaliwanag ni Apulatu sa ina ang nangyari. Ang diyos ng araw, ang isla ng mga manloloob, at ang lalaking nakasalakot.

At hindi na muling nagpakita ang buwan matapos ang eklipse sa mahabang gabing iyon.

--

Ilang araw ang lumipas. Lumisan sa tribo si Apulatu at ang kanyang ina. Hindi na nakita pa ng mga tao ang diyos ng araw at ang sanggol na iniligtas nito. Ang inang si Ilang naman ay nalugmok sa lumbay dahilan upang manghina at tuluyan nang pumanaw.

Naglakbay patungo sa sentro sina Apulatu kung saan ang mga bagay na kanilang iniwanan sa Makitan ay matagal nang tinakpan ng modernisasyon. Doon ay nais niyang magsimulang muli kasama ang kanyang inang si Magwen at ang sanggol mula sa tagna.

"Anak, hindi ka ba nangangamba?" Turan ng kanyang ina nang makapasok sila sa loob ng isang bahay na bato.

Ngumiti si Apulatu. "Ang sabi ng tagna ay isa siyang biyaya ng kadiliman. Ngunit ang sabi rin ay may biyaya rin siya ng liwanag. Naniniwala ako na ang liwanag sa loob niya ang mananaig lalo na sa paggabay ko."

Walang nagawa si Magwen kung hindi ang bumuntong hininga. Alam niya kung gaano kagusto ni Apulatu ang magkaroon ng anak. Ang kanyang asawa ay namatay kasama ng kanyang hindi pa naisisilang na sanggol sa pagkalunod sa dagat buwan lamang ang nakalipas. Mula noon ay hindi na niya nasilayan ang mga ngiting ngayon ay ibinibigay ng anak sa sanggol na nasa bisig.

Isinuot ni Apulaki ang kwintas ng alapaap sa leeg ng sanggol dahilan upang maglaho ang anino ng karimlang nakabantay rito.

"Ikaw si Malayah." Napangiti siya nang itinaas ng sanggol ang maliit nitong kamay bilang tugon.

"Kagaya ng iyong pangalan, mula ngayon ay hindi ka na matatali sa tanikala ng kapalarang nakasulat sa iyong mga palad."

***

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro