7. Huwad
Dumating ang alas-dose ng gabi. Madilim na ang paligid at nakapatay na ang lahat ng ilaw. Tanging ang bilog na buwan at mga makikinang na bituin na lamang ang nagsisilbing liwanag sa malalim na gabi.
Nakatayo sa likod ng dalawang puno ng buko sina Sagani at Lakan, hinihintay ang pag-ahon ni Mariang Karamot mula sa tubig. At sa pagdating nito, iyon ang panahon kung kailan nila ito haharapin at kukuhanin ang hiyas.
Hindi mapakaling palinga-linga ng tingin si Lakan. Hangang ngayon kasi ay wala pa ring senyales ng presensya ni Malayah. Ang huling kita nila rito ay noong naliligo sila sa dagat. Mula noon ay tila ba naglaho na siya na parang bula.
"Lakan," mahinang tawag ni Sagani sa kanya mula sa kabilang puno. Nakatingin ito sa pampang kung kaya't lumingon din siya rito.
Sa liwanag ng buwan ay naaninag nila ang isang ulo na paahon mula sa dagat.
"Si Mariang Karamot. Ihanda mo na ang balaraw, Sagani."
Ngunit sa unti-unting pag-angat ng nilalang mula sa tubig ay namukhaan nila ito.
"Malayah?"
Parehas silang lumabas mula sa pinagtataguan at hinarap ang bagong dating nang may pagkalito.
"Sagani, Lakan!" Bati ni Malayah habang kumakaway at tumatakbo papalapit.
Suot pa rin ng dalaga ang damit na suot kanina. Kita sa liwanag ng buwan ang maputla na nitong balat kung kaya't kaagad na kumuha si Lakan ng isang tuwalya at ibinalot sa dalaga.
"Saan ka galing?" Kunot-noo nitong bungad.
"Sa dagat?" Umihip ang malamig na hangin dahilan upang mapayakap siya sa basang sarili.
Kita niya ang pagkalito sa mukha ng mga kasama. Ngunit hindi niya ito pinansin. "Anong ginagawa niyo rito?"
"Hinihintay ang pag-ahon ni Mariang Karamot at saka natin siya haharapin upang kuhanin ang hiyas." Saad ni Sagani at bumalik sa pagtatago sa ilalim ng puno.
Hindi kumibo si Malayah at nagtago rin sa isa pang puno.
Ngunit isang oras ang nakalipas, wala pa ring Maria ang umaahon sa dagat.
Lumabas sa pinagtataguan si Lakan, kanina pa naiinip. Kumuha siya ng isang maliit na bangka at hinila papalapit sa tubig.
"Sagani, tara."
"Sa'n?"
"Tayo na ang pupunta kay Mariang Karamot."
Walang nagawa si Sagani kung hindi ang sumakay rin. Kumuha sila ng tig-dalawang sagwan at nagsimulang ikampas ito.
"Teka, sasama ako." Wika naman ni Malayah at akmang sasakay sa bangka nang pigilan siya ni Lakan.
"Hindi ka marunong lumangoy, baka mapahamak ka lang."
Walang nagawa si Malayah kung hindi ang umatras na lamang. Inabot niya ang isang pito kay Sagani. "Dito lang ako. Patunugin mo iyan kapag nasa panganib kayo at hihingi ako ng tulong."
Tumango ito at nagsimula na silang umusad.
Nakarating sila sa dulo ng ligtas na parte ng dagat. Itinaas ni Lakan ang lubid na harang upang makaraan ang kanilang bangka. Patuloy nilang iniusad ito hanggang sa hindi na matanaw ang islang pinanggalingan.
"Mariang Karamot!"
"Lakan, anong ginagawa mo?" Kunot-noong tanong ni Sagani sabay tunggo sa kasama.
"Tinatawag ang halimaw."
"Baliw ka ba!? Wala tayong laban dito sa dagat."
"Kaya nga, magpapahabol tayo sa kanya pabalik sa isla." Turan ni Lakan at nilingon ang islang hindi na matanaw. Napabuga siya ng hangin. Alam niya na tila ba imposible ang sinabi.
Inulit-ulit niya ang pagsigaw. Gumaya rin si Sagani.
Ilang saglit lamang ay napakapit sila sa hawakan ng bangka dahil sa paggalaw nito.
"Mukhang nandito na siya," turan ni Lakan at inilabas ang kalis mula sa lalagyan.
Isang malambot na himig ang kanilang narinig, tila musika sa tainga. Ngunit sa pagtagal ay tila ito ay naging isang hiyaw na puno ng puot.
Hindi napaghandaan ng dalawa ang pagtaob ng kanilang bangka. Sa pagbagsak sa tubig, isang nilalang ang mabilis na lumalangoy papaikot sa kanila. Ang hiyaw ay rinig na rinig pa rin nila kahit nasa ilalim.
Sa paghinto ng paglangoy ng sirena ay siya ring paghinto ng paghiyaw nito. Mas mahaba ang itim na buhok ng sirena kaysa sa kanyang tangkad, ang mga mata ay namumula sa galit, at ang buntot nito ay kasing-asul ng dagat sa umaga kasama ang mga kaliskis nito na nagniningning sa ilalim ng liwanag ng bilog na buwan.
Hindi na kailangang magpakilala ng nilalang sa kanilang harap sapagkat alam na nina Sagani at Lakan na ito na nga ang maalamat na si Mariang Karamot.
Umangat ang mahabang buhok ng sirena at ipinalupot ito sa kanilang dalawa. Kaagad namang kinuha ni Sagani ang balaraw sa tagiliran at pinutol ang buhok na nakatali sa kanya.
Humiyaw si Maria at hinabol si Sagani na palangoy palayo dahilan upang mabitiwan niya si Lakan. Kaagad na lumangoy paahon si Lakan upang lumanghap ng hangin. Nakita niya ang nakataob na bangka at sumampa siya rito.
Inilibot niya ng tingin ang malawak na dagat. Ilang sandali na ang lumipas ngunit hindi pa rin umaahon sa ibabaw si Sagani.
"Maria!" Sigaw niya at tumalon muli sa tubig.
Madilim at tahimik ang dagat. Ang kanyang mga mata ay nag-uumpisa nang humapdi dahil sa tubig-alat ngunit hindi niya ito inda. Wala si Sagani.
Unti-unti niyang narinig muli ang himig ng sirena. Matamis, malambot, at nakakahalina. Wala sa sarili siyang lumangoy at hinanap ito. Napuno ng hiwaga ang ilalim ng asul dagat. Ang liwanag ng buwan ay tumatama sa mga korales at mga bula dahilan ng pagkinang ng mga ito.
Nakita niya si Maria sa dulo ng mga korales. Humihimig pa rin at tila pinapalapit siya. Ngunit biglang natauhan si Lakan nang may humila sa kanya papaibabaw.
Napaubo siya ng mga nalunok na tubig. "Malayah?" Inilibot niya ng tingin ang paligid. Walang bangka o kahit ano bukod sa dala nila. "Paano ka nakapunta rito?"
"Narinig ko ang tunog ng pito ni Sagani kung kaya't lumangoy ako patungo sa kinaroroonan niyo."
"Pero..." Pinagmasdan niya ang dalaga. "Hindi ba't hindi ka marunong lumangoy?"
Hindi ito sinagot ni Malayah. Bagkus ay inabot niya ang bangka at doon ay sumakay silang dalawa. Kinuha ni Lakan ang mga lumulutang na sagwan.
"Si Sagani?"
"Hindi ba't kasama mo?" Kunot-noong tugon ni Malayah.
"Hinabol siya ni Mariang Karamot."
Ibinaba ni Malayah ang sagwan at tumalon sa tubig. "Ililigtas ko siya."
"Baliw ka ba? Hindi ba't sinabi mo na hindi ka marunong lumangoy?"
Ngumiti lamang ito at sumisid pailalim. Nakapagtataka, iyon ang nasa isip ni Lakan. Tila ba may kakaiba sa ngiting iyon ng dalaga.
Hindi na siya nagsayang ng oras at nagsagwan na upang makabalik sa isla. Sampung minuto ang inabot bago siya makarating dito, hingal na hingal. Ang buong isla ay nasa mahimbing na tulog pa rin. Payapa, taliwas sa mabilis na pagkabog ng dibdib ni Lakan.
Ilang sandali na ang nakalipas ngunit hindi pa rin niya matanaw sa dagat ang dalawang kasama. Kinakabahan, tumayo siya mula sa buhanginan at balak na lumusong muli.
Ngunit napatigil siya nang may nakitang umaahon mula sa tubig. Ngunit hindi ito si Malayah o si Sagani. Si Mariang Karamot, suot ang isang puting bestida, ay nasa anyong tao at unti-unting naglalakad patungo sa kanya.
Tumakbo siya kaagad sa bangkang sinakyan at kinuha ang pagmamay-aring kalis. Napahinga nang maluwag si Lakan nang maaninag sina Malayah at Sagani na papaahon din.
Inilabas ni Malayah ang kampilan at kay Sagani naman ay ang kanyang balaraw. Pinalibutan nilang tatlo ang sirena.
Tila wala nang magawa ang sirena. Masama lamang sila nitong pinagmamasdan. Isang sugod lamang ng tatlo ay tiyak na talo na ito.
Ngunit parang may mali rito. Iyon ang laman ng isip ni Lakan. Hindi niya inaakalang ganito lang kadali nilang matatalo ang maalamat na sirena.
"Mga lapastangan! Ibalik ninyo sa akin ang hiyas."
Natigilan si Lakan sa tinuran ni Maria. "Ano?"
"Pero... iyon ang balak naming kuhanin sa iyo ngayon." Saad naman ni Sagani na tila naguguluhan din.
Hindi naman kumibo si Malayah at nakatutok pa rin ang kampilan sa sirena.
"Mga sinungaling! Ang akala niyo ba ay malilinlang ninyo ako?"
Umangat ang mahabang buhok nito at pinaluputan ang isa sa kanila. Nagpupumiglas si Sagani ngunit tumilapon siya sa masukal na parte ng isla.
"Sagani!"
Kaagad na lumapit si Malayah sa tabi ni Lakan habang nakatutok pa rin ang mga patalim kay Maria.
"Hindi ko maintindihan. Kung wala na sa kanya ang hiyas, ibig bang sabihin ay naunahan tayo ng iba?" Kunot-noong saad ni Lakan.
Bumaling sa kanila si Maria, puno ng poot ang mga mata. Umangat muli ang kanyang buhok at ngayon naman ay si Malayah ang iginapos nito.
Ngunit wala na sa kanya ang hiyas. Humina ang kanyang kapangyarihan sapagkat ang hiyas ang nagpapalakas nito.
Noong araw na humiling siya sa hari ng mga bangus na magkaroon ng mga paa, ang hiyas ang ibinigay nito sa kanya. Iyon ang dahilan ng matagal na kakayahang makalakad sa lupa at ang kapangyarihan ng mga alon na dahilan upang malunod niya ang kahit-sino.
Ngayon na wala na sa kanyang pangangalaga ang hiyas, ilang saglit na lamang ay maaari na siyang muling magkabuntot.
Kaagad siyang tumakbo patungo sa tubig dahilan upang makalas ang pagkapalupot ng kanyang buhok kay Malayah. Ngunit kasabay ng pagkaalis nito ay ang pagkalaglag ng kwintas ng alapaap sa leeg ng dalaga.
Tuluyan nang nawala ang sirena. Pinulot ni Lakan ang nahulog na kwintas at humarap sa dalaga. Pinagmasdan niya ito nang mabuti. Tila ba may mali. Wala ang anino sa likod ni Malayah.
Hinawakan ni Lakan ang magkabilang balikat nito at niyugyog. Napaatras naman ang dalaga nang makita ang masasamang titig ng binata.
"Sabihin mo, nasaan si Malayah?"
***
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro