Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

6. Si Agua

Iminulat niya ang mata sa gitna ng malalim na tubig. Inilabas ni Malayah mula sa damit ang kwintas na ngayon ay nagliliwanag na. Sinubukan niyang huminga sa tubig.

Dahan-dahan siyang naglakad sa ilalim. Hindi rin humahapdi ang kanyang mga mata sa maalat na tubig ng dagat. Nakikita niyang mabuti ang mga maliliit na isda. Sinubukan niyang ikampas ang mga kamay at paa upang tumaas ng kaunti.

Napangiti siya. Tila ba marunong na siyang lumangoy. Ngunit alam niya na ito lamang ay dahil kaya niyang makahinga sa tubig.

Tumingala siya at nakita ang lubid na harang sa dagat. Iyon ang tinutukoy ng lalaki kanina kay Sagani na bawal nang pumunta ang mga naliligo.

Napangisi si Malayah at lumangoy muli pausad.

Ngayon ay nasa mas malalim na siyang parte. May mga korales at mga mas malalaking isda na ang kanyang nakikita. May mga pagong, mga dikya, at iba pang uri ng hayop sa tubig.

Nang nakasiguradong malayo na sa mga taong naliligo ay iniahon ni Malayah ang kanyang ulo mula sa tubig. Hindi niya akalaing malawak pala ang dagat sa tabi ng look.

Hindi kalayuan ay may natanaw siyang isang malaking barkong pangisda. Napansin niya na ang mga mangingisda ay nagkukumpulan sa paghitak sa isang lambat na tila ba may maraming huli. Sumisid muli si Malayah at lumangoy papalapit dito.

Natanaw niya ang lambat na nasa sampung talampakan ang layo mula sa ibabaw ng tubig. Sa loob nito ay nakulong ang isang malaking isda at pilit kumakawala.

Ngunit napagtanto ni Malayah na hindi ito isang isda nang makita niya ang mga kamay nito na lumalabas sa butas ng lambat.

Nang makalapit siyang lalo, nalamam ni Malayah na isa nga itong isda. Ngunit may bahagi rin itong hindi.

"Isang sirena."

Kalahating tao, kalahating isda.

Lalong lumapit si Malayah upang makitang malinaw ang nilalang. Porselanang balat, pilak na buntot, at luntiang buhok. Kasama niya sa loob ay mga maliliit na isda at mga hipon. Unti-unti nang umaangat ang lambat. Nahagip ng tingin ng sirena si Malayah.

Hindi niya man marinig ngunit tila alam ni Malayah ang binibigkas ng mga labi nito.

"Tulong."

Patuloy pa rin sa pag-angat ang lambat. Hindi kumilos si Malayah at pinapanood lamang ang sirenang pilit kumakawala rito. "Tulong, pakiusap."

Hindi pa rin siya kumilos at pinagmasdan lamang ang kawawang sirena. Tila may isang pwersang kumikiliti sa kanyang isip na para bang pinupuno siya ng kuryosidad sa isang bagay.

"Anong mangyayari kapag nakakita ang mga mortal ng nilalang na iba sa kanila?" Bulong niya sa kanyang sarili.

Naalala niya ang kwento ng kanyang ama. Kung paano pinatay ng mga mangingisda ang sirenong anak ni Mariang Karamot dahilan ng poot nito. Tila ba nais niyang makita ito nang personal-sa personipikasyon ng sirenang nasa harapan niya.

Napailing si Malayah. Kaagad siyang lumangoy palapit sa lambat at hinitak ito upang pigilan ang pagtaas. Wala siyang dalang kampilan o patalim kung kaya't nahirapan siyang sirain ang lambat.

Lumangoy siya pailalim upang kumuha ng matulis na bato at ito ang ginamit niya upang sirain ang lambat at makawala ang sirena. Nang makawala ito ay hinatak siya nito palangoy palayo mula sa bangka.

Mabilis ang paglangoy ng sirena dahilan upang hindi mamalayan ni Malayah na nakarating na sila sa isang isla sa gitna ng dagat. Maliit lamang ito at may nakatayong isang puting estruktura na tila kastilyo.

(White Castle Island sa Subic, Olonggapo, Zambales)

Umahon si Malayah at ang sirena naman ay nakadapa sa batuhan habang ang buntot ay nasa tubig pa rin.

"Maraming salamat sa pagligtas mo sa akin, binibini."

Pinagmasdan lamang siya ni Malayah. Ang nakatirintas na berdeng buhok nito ay nakikisabay sa lumot sa mga bato ng maliit na isla at ang porselana nitong balat ay tila sa perlas.

"Isa kang sirena."

Hindi mapigilan ang pagkamangha sa boses ni Malayah. Alam niya na totoo ang mga nilalang na ito ngunit ito ang unang beses na makatagpo siya ng isa.

Natauhan ang sirena. Kaagad siyang umatras at lumangoy palayo. Tila ba naalala na ang sumagip sa kanya ay kauri rin ng nagtangkang kumuha sa kanya.

Tumalon din si Malayah sa tubig upang sundan ito. "Sandali!" Sigaw niya na umalingawngaw sa tubig.

Napahinto ang sirena at bumalik. Pinagmasdan niya si Malayah mula ulo hanggang paa.

"Hindi ako katulad ng mga taong humuli sa'yo. Huwag kang matakot."

"Hindi kita kauri." Hinawakan ng sirena ang mga labi ng dalaga. "Paano ka nakakahinga at nakakapagsalita sa tubig?"

Ngumiti si Malayah at inilabas ang kwintas mula sa ilalim ng damit. Namangha ang sirena sa liwanag na nagmumula rito.

"Isang mahika?"

"Mula sa diyosa ng hangin. Nakakahinga ako sa tubig dahil dito."

"Nakakamangha!" Usal nito at lumangoy paikot kay Malayah.

Napangiting muli si Malayah. "Ako si Malayah. Ano ang pangalan mo?"

"Agua, ako si Agua." Wika ng matamis nitong boses. "Saan ka nakatira?"

"Isa akong dayo rito sa Subic."

"Kung gayon ay ihahatid na kita!" Hinawakan nito ang kamay ni Malayah at ipinatong sa balikat. Nagsimulang lumangoy ang sirena.

Napagtanto ni Malayah na ang paglangoy nang mabilis ay isa sa mga kakayahan ng mga nilalang na tulad nito. Ilang sandali pa lamang ay natatanaw na niya ang islang pinanggalingan.

"Hanggang dito nalang ako, Malayah." Saad ni Agua nang makarating sila sa lubid na harang. "Ngunit bago ako umalis, nais kong tuparin ang isa mong kahilingan bilang kapalit ng pagligtas mo sa akin."

Isang hiling. Ang akala ni Malayah ay mga diwata lamang ang tumutupad ng mga ganitong pabor. Napaisip ang dalaga. Isang hiling. Ano ang nais niyang hilingin?

Unang pumasok sa kanyang isipan ay ang pagligtas sa kanyang ama. Ngunit ang suliraning iyon ay hindi madadala sa isang hiling mula lamang sa isang sirena.

"Talaga?"

Ngumiti si Agua at mariing tumango. Unti-unting kumurba ang isang ngisi sa mga labi ni Malayah at tila alam na ang nais niyang hilingin.

--

Nakayuko sa harap ng kawa ang manananggal na naatasang puntahan ang huling lugar na kinaroonan ng anino. Sa harap niya ay isang imahe ng lalaki ang nabuo mula sa itim na usok ng kumukulong likido sa kawa.

Ang mga kalahi ay Malaki ang distansya sa kanya, natatakot na madamay sa parusang maaaring ibigay ng kanilang panginoon sa bigo nilang misyon.

"Patawad, panginoon. Ngunit... Ngunit, nang makarating ako ay nakaalis na ang may-ari ng anino."

Tahimik. Tila ba naririnig na ng manananggal ang pagtibok ng itim nyang puso.

"M-May... May nakuha akong impormasyon. Ang binibini ay patungong Zambales. H-Hindi ko alam kung saan doon ngunit sa Zambales!"

Hindi pa rin kumibo ang lalaki sa usok. Hindi magandang senyales ang katahimikan. Nanlambot ang mga tuhod ng manananggal at napaluhod sa harap ng itim na usok.

"Panginoon, iligtas niyo ako at ipapangako kong makukuha ko siya mamaya bago sumikat ang araw."

Wala pa ring kibo ang nilalang sa itim na usok. Hindi na alam ng manananggal ang gagawin. Napadapa na siya at halos halikan na ang lupa sa pakikiusap.

"Nalaman ko ang pangalan niya. Panginoon, Malayah. Iyon ang pangalan niya."

"Bago sumikat ang araw."

Napaatras ang mga mananaggal sa likod dahil sa malalim at matalim na boses nito. Ang manananggal naman sa harap ay bumangon mula sa pagkakayuko at tila nabuhayan ng pag-asa.

"Siguraduhin ninyo."

"Masusunod, panginoon!"

Kaagad na nagsialisan muli sa kweba ang mga nilalang ng dilim. Isang ngiti naman ang kumurba sa mga labi ng lalaki sa itim na usok.

"Malayah," halos hangin nitong sambit bago maglaho mula sa kumukulong likido ng kawa.

--

Ilang oras ang nakalipas...

"Maraming salamat, Agua."

Gaya ng sinabi ng sirena, tinupad nga niya ang hiling ni Malayah.

"Nagagalak akong tumulong, Malayah. At bukod doon, may mabuti ring naidulot sa lahi naming mga sirena ang ginawa kong pagtulong sa iyo."

Madilim na ang paligid. Tila ilang oras ding nawala si Malayah. Marahil ay hinahanap na siya ng mga kasama, sa isip-isip niya.

Niyakap niya ang sirena. Magpapaalam na sana ito nang magsalita muli si Malayah.

"Agua, may isa pa sana akong nais hilingin sa iyo."

"Ano iyon?"

Kunot-noong pinagmasdan ni Agua si Malayah nang hubarin niya ang kwintas ng alapaap.

Ngumiti siya bago ipakita ito sa sirena.

--

Matapos maligo sa dagat, nagpasyang umidlip muna sina Sagani at Lakan. Ngunit tila napahimbing ang kanilang tulog. Nagising si Lakan dahil sa mga kaluskos at maingay na tunog na narinig. Iminulat niya ang mga mata at nilingon ito.

"Sagani?"

Bumaling ito sa kanya. "Ah, maingay ba? Pasensya na, may hinahanap kasi ako eh... Ito pala, nahanap ko na."

Ibinulsa ni Sagani ang tila isang bagay na gawa sag into. Hindi naman ito masyadong maaninag ni Lakan dahil sa mga muta sa mata.

"Nasaan nga pala si Malayah?"

"Baka nasa labas lang. Hindi ko pa nakikita. Kakagising ko lang din eh."

Bumangon si Lakan at nag-inat ng braso. Tiningnan niya ang relo. 6:30 pm. Tumayo siya upang lumabas ng bahay-panuluyan.

"Ate, nakita mo 'yung kasama naming babae?" Tanong niya sa babaeng nakauniporme.

"'Yung mahaba po ang buhok? Hindi po, pasensya na po."

Lumabas si Lakan at nag-ikot ikot sa pampang. Wala siyang alam na pupuntahan ng dalaga. Dayo lamang ito sa lugar at hindi nito hilig ang magpunta kung saan-saan.

"Nahanap mo na?"

Umiling si Lakan kay Sagani na kakalabas lamang. "Ipagtanung-tanong mo nga."

Napakamot sa ulo si Sagani. "Saan naman ba pupunta 'yon?"

Lumapit siya sa isa ring turista na nagbabakasyon. "Sir, may nakita po ba kayong babae? Hanggang tainga ko ang tangkad, maitim at mahaba ang buhok, balingkinitan, at katamtaman lang ang kulay ng balat. Mukhang masungit at palaging mananapak."

Bahagyang tumawa ang kausap niya at umiling. Lumapit si Sagani sa iba pang mga tao at inulit ang deskripsyon ngunit wala talagang nakakita kay Malayah.

Tuluyan nang dumilim ngunit hindi pa rin mahanap ng dalawa ang dalaga. Apat na oras ang nakaraan, nagkasalubong sina Lakan at Sagani.

"Saan ba pumunta ang babaeng 'yon?" Inis na usal ni Lakan.

"Nako, baka umuwi na sa kanila."

Umiling siya. "Nasa loob pa ang mga gamit niya. At tsaka, hindi 'yon aatras basta-basta sa pagkuha ng hiyas."

"'E nasaan na?"

Nagkibit-balikat lamang si Lakan at inilibot ng tingin ang paligid. Wala nang tao sa labas at ang malakas na musika na kanina pa pinapatugtog sa isla ay nakapatay na rin. Kaunti na lamang ang mga nakasinding ilaw.

Tinanaw niya ang bilog na buwan sa langit. "Alas-onse na. Wala tayong magagawa kung hindi ang simulan na ang plano kahit wala siya."

--

Alas-singko, papasikat na ang araw...

Umalingawngaw sa gitna ng gubat ang bungisngis ng tagumpay ng isang manananggal habang nakakulong sa kanyang braso ang leeg ng bihag.

"Bitiwan mo ako!" Sigaw ng dalaga habang pilit nagpupumiglas at hawak ang braso ng mananaggal na nasa kanyang leeg upang hindi siya tuluyang masakal.

"Malapit na tayo, binibini. Hihi."

Binitawan lamang siya ng mananaggal nang makalapag sila sa isang kweba. Inilibot niya ng tingin ang paligid. Ang mga pader ay may mga kakaibang guhit gamit ang dugo bilang tinta. Napatakip siya ng bibig nang makita ang mga kalahating katawan na nakatayo sa paligid at mga nakalitaw nitong mga lamang loob. Sa gitna ng kweba ay may isang kawa na ang ilalim ay nag-aapoy.

Lumapit ang mananaggal dito at nag-usal ng isang dasal. Kaagad namang tumayo ang dalaga at sinubukang umalis ngunit nagulat siya nang makitang napakataas pala ng kanyang kinaroroonan. Kung susubukan man niyang tumalon ay tiyak na hindi na siya mabubuhay.

Napaatras siya nang maaninag mula sa dilim ang ilan pang mga manananggal na papalapit sa kanya. Hinitak siyang muli ng manananggal na kasama at ihinarap sa kawa na ngayon ay may nabubuong usok na nahuhulma ang isang nilalang.

Nakarating na sa kweba ang iba pang mga halimaw. Napangisi ang manananggal na may hawak sa dalaga.

"Panginoon, nais kong makilala mo si Malayah."

***

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro