Ano nga ba ang wangis ng Hiwaga?
Ang buong buhay ni Malayah ay hinahabi ng daan-daang mga kwento at tula patungkol sa mga nilalang ng Hiwaga. Mula sa maliliit na mga duwende hanggang sa matataas na mga higante. Mula sa sibilisasyong nag-ugat sa alamat nina Malakas at Maganda hanggang sa mga makapangyarihang diyos at diyosa. Sa mahiwagang mga batis hanggang sa mga naglalakad na mga bundok.
Sa isipan ni Malayah ay buhay na buhay ang mga ito.
Hanggang sa siya na mismo ang makakilala sa mga mahihiwagang nilalang. Hanggang sa siya na mismo ang makaranas ng mahihiwagang mga pangyayari.
At ngayon, siya mismo ang makakarating sa mahiwagang mundong ito.
Ano nga ba ang wangis ng Hiwaga?
Mahigpit na napakapit si Malayah sa malambot na balahibo ng amihan. Tinatangay ng malakas na hangin ang kanyang buhok. Napapikit si Malayah sa liwanag na dala ng mahiwagang portal. At sa sandali ng kanyang pagdilat, batid ni Malayah na wala na siya sa Daigdig.
Ibinaba sila ng amihan sa gitna ng isang madilim na kagubatan. Nagliwanag ang kwintas ng alapaap sa kanyang dibdib at sa muli nitong paghina ay lumipad palayo ang amihan. Hinawakan ni Malayah ang kwintas at mahinang nagpasalamat sa papalayong ibon.
Nilingon ni Malayah si Lakan. Mula sa malamlam na liwanag ng langit ay naaaninag niya ang pigura ng binata. Hinawakan nito ang kanyang kamay at marahang ngumiti. At tila ba kahit hindi pa siya magtanong ay may sagot na sa mga mata nito. Oo, Malayah. Narito na tayo sa Hiwaga.
Unti-unti ay lumabas mula sa mga puno ang mga alitaptap. Napalingon si Malayah sa mga ito at tahimik na namangha. Para itong mga bituin na bumaba sa lupa. Hindi maiwasan ni Malayah ang mapangiti. Sa ilang saglit ay nawala ang lahat ng bigat na kanyang dinadala.
"Tila lumilikha sila ng daan para sa'yo."
Napalingon si Malayah kay Lakan sa kanyang tabi at tsaka muling bumaling sa mga alitaptap na lumilinya sa dilim. Nagliliwanag at lumilikha ng daan sa gitna ng kagubatan.
Nagsimulang maglakad si Malayah patungo rito. Sa bawat paghakbang ay pinagmamasdan ang mga alitaptap sa kanyang harapan.
Hindi makapaniwala si Malayah nang mapagtantong hindi mga ordinaryong mga alitaptap ang mga naroon. Naririnig niya ang mahihinang pagbungisngis ng mga ito. Ang mga matitinis na mga bulungan.
Ang bawat isa sa mga alitaptap ay nakatingin sa kanya. At nakangiti.
Masaya siyang sinalubong ng Hiwaga.
Nagpatuloy sa paglalakad si Malayah hanggang sa marating niya ang isang hangganan. Sa paanan ng kanyang kinatatayuan ay makikita 'di kalayuan ang isang malaking hardin.
Mula sa kanyang kinaroroonan, mapapansing hindi pangkaraniwan ang laki ng mga bulaklak na nasa ibaba. Maski ang mga kabute at mga halaman. Pinagmasdan itong mabuti ni Malayah at napagtanto na hindi ito isang simpleng hardin. Isa itong pamayanan.
Mula sa malaking kabute ay bumukas ang isang pinto at lumabas mula roon ang isang batang babae. Matingkad na rosas ang kulay ng pagkahaba nitong damit. At sa paglalakad nito sa mumunting daan ay nagkukulay rosas din ang liwanag ng mga lamparang kanyang nadaraanan.
Isang lalaki ang lumabas sa kabilang bulaklak at kagaya ng sa batang babae, hinahawa ng kulay ng suot nito ang liwanag ng mga lampara. Ilang sandali lamang ay unti-unti nang nagsilabasan ang mga iba pang nilalang sa mga halaman nitong tahanan. At sa sandaling iyon, nagsisayawan ang ilaw ng mga lampara sa bawat pagdaan ng mga ito.
Mula sa kinatatayuan ni Malayah, tila nagsasayawan ang mga liwanag sa ibaba.
"Isa itong pamayanan ng mga diwata," saad ni Lakan dahilan upang mapalingon si Malayah. "At sa kakayahan nilang mamanipula ang liwanag ng mga apoy, sa tingin ko'y sila ang mga Ningas– kalahi ni Santelmo, ang mga diwata ng apoy."
Muling napalingon si Malayah sa mga Ningas. Napasinghap siya sa gulat nang makitang ang ilan sa mga diwata ay nag-anyong apoy. Natutuwa niya iyong itinuro kay Lakan, hindi makapaniwala sa mga nasaksihan.
Nilingon niya ang binata at muling inilibot ng tingin ang kabuuan ng kakaibang mundong kanyang kinaroroonan. "Narito na nga talaga tayo sa Hiwaga," mahina niyang bulong sa sarili.
–
Mataas ang bundok na kanilang kinaroroonan. Malaki ang pamayanang nasa ibaba. Hindi sigurado ni Malayah kung napapansin ba sila ng mga ito habang pinapanuod mula sa itaas. Ni walang tumitingala sa kanilang direksyon. Ni walang nakakapansin sa kanilang presensya.
Ganito ba ang pakiramdam ni Bathala mula sa Kawalhatian habang pinapanuod ang Kanyang mga nilikha? Ganito ba ang pakiramdam ng nasa itaas? Namamangha rin kaya si Bathala sa tuwing pinapanuod niya ang kanyang mga nilikha?
Umupo sa tabi ni Malayah si Lakan.
Naglatag lamang sila ng isang manipis na tela sa tuyong lupa. Napagdesisyunan nilang magpahinga muna bago bumaba sa bundok na kanilang kinaroroonan.
Tahimik lamang na pinagmasdan ni Lakan si Malayah habang pinapanuod nito ang pamayanan ng Ningas sa ibaba. Nararamdaman niya ang kahit papaanong pag-gaan ng pakiramdam ng dalaga. Na tila ba ang pagkamangha sa bagong mundong nakikita ay saglit na natatabunan ang malagim na mundong kanilang iniwan.
Kung maaari lamang na manatiling ganoon ang lahat.
Ngunit kailangan nilang magpatuloy.
"Tara na?" Tanong niya rito.
Lumingon sa kanya si Malayah. Bahagya itong ngumiti at tumango. Mababakas pa rin ni Lakan ang lamlam sa mga mata ng dalaga.
Malungkot na napangiti si Lakan. Kung mayroon lamang paraan upang kuhanin at angkinin niya ang mabibigat na bagaheng dala ng dalaga ay kukuhanin niya ito. Ngunit wala siyang magawa kung hindi ang magmasid lamang.
Muling bumalik ang tingin ng dalaga sa pamayanan sa ibaba. Isinandal nito ang ulo sa kanyang balikat. "Kung isa itong pamayanan ng mga diwata, marahil ay malapit lamang ang kinaroroonan ni Aran?" Tanong nito. "Nakauwi na kaya siya sa kanyang ina? Sana ay hindi siya naabutan ng mga tikbalang na nakagamit ng mga natitirang hiyas."
Napatango si Lakan. Halos isang buwan na rin ang lumipas matapos makatawid sa Hiwaga ang kanilang kaibigan. "Tiyak kong maayos si Aran ngayon. Kung naabutan man siya ng mga tikbalang noon, tiyak kong kaagad siyang nakapagtago at nakatakas. Marahil nga ay nakauwi na rin ito."
"Gaano ba kalaki ang Hiwaga?" Tanong ng dalaga. "May paraan ba upang malaman niya na narito na rin tayo? Makikita pa kaya natin siya?"
"Hahanapin natin siya," tugon ni Lakan at itinuro ang maliit na pigura ng isang kastilyo sa malayong guhit-tagpuan. "Iyon ang kaharian ng mga diwata. Makikita natin doon si Aran kung naroon man siya. At marahil ay makakahingi tayo roon ng tulong upang marating ang kinaroroonan ng iyong ama."
Tumango si Malayah. Marahan siyang napangiti. Malapit na ako, Papa. Malapit na malapit na.
–
Maingat na inalalayan ni Lakan si Malayah sa pagbagtas sa matatarik na bahagi ng bundok hanggang sa tuluyan na silang nakababa rito. Pinagmasdan ni Malayah ang paligid at napansing tila lumiliwanag na. Tumingala siya, inaasahang maaninag ang papasikat na araw. Ngunit ang bumungad sa kanya sa kalangitan ay limang maliwanag na mga buwan.
Nilingon niya si Lakan nang may pagtataka.
"Ang sabi ay hindi sumisikat ang araw dito sa Hiwaga. Ngunit ipinagliliwanag ito ng anim na mga buwan." Tumingala si Lakan at binilang ang mga buwan sa langit. "Ngayon ay umaga. Ang pagdating ng ika-anim na buwan ay katumbas ng tanghali sa Daigdig kung saan tirik ang araw."
Napakurap lamang si Malayah at muling tumingala. "Narinig ko na noon ang kwento patungkol sa mga buwan. Ngunit sa kwentong iyon ay pito ito at–"
"Ninakaw ni Bakunawa ang anim at isa lamang ang natira," pagtuloy ni Lakan sa kanyang sinasabi. Tumango si Malayah rito. Muling bumaling si Lakan sa langit. "Tila ngayon ay batid na natin kung saan dinala ni Bakunawa ang ninakaw niyang mga buwan."
Pinagmasdang muli ni Malayah ang mga buwan. "Kamangha-mangha..." Iniangat niya ang kanyang kamay at inabot ang mga ito sa hangin. "Iilan lamang ang mga taong nakarating na ng Hiwaga. At napakabihira lamang ang mga nakababalik." Nilingon niya si Lakan, "Anong mga hiwaga pa ba ang naririto na hindi pa naikukwento ng mga tao?"
"Hindi ko rin batid." Humakbang si Lakan at hinawakan ang mga kamay ni Malayah, "Ngunit kung ano man ang mga iyon, sabay natin silang tutuklasin."
-
Nagpatuloy silang muli sa paglalakad hanggang sa marating nila ang paanan ng bundok. 'Di kalayuan ay nakita nila ang isa pang pamayanan. Ngunit kaiba sa bayan ng Ningas, gawa sa pawid at kawayan ang mga kabahayan dito.
Nagkatinginan sina Lakan at Malayah, parehong walang ideya kung anong klaseng nilalang naman ang mga naninirahan dito.
Kailangan nilang mag-ingat. Makapangyarihan ang mga nilalang ng Hiwaga. At kaakibat ng kapangyarihan ang panganib. At sa sandaling mabatid ninuman na mula sila sa Daigdig, tiyak na mas lalo silang mapapahamak.
Nagtago sila sa isang malaking puno at sa sandaling masiguradong walang sino man ang nasa paligid, maingat silang lumabas.
Nagtungo sila sa bakuran ng isa sa mga kubo kung saan mayroong mga damit na nakasampay. Kung nais nilang hindi paghinalaan, kailangan nilang makihalo.
Ngunit wala namang gaanong pagkakaiba ang mga kasuotang iyon sa kasuotan ng mga taga-Daigdig. Pinagmasdan ni Malayah ang mga ito. Nakita na niya ang mga ito sa mga palabas. Mga mahahabang bestida na nagniningning sa palamuti. Kagaya ng mga diwata sa mga pelikula.
Siguro ay nakarating na sa Hiwaga ang unang taong gumawa ng mga pelikulang iyon, sa isip ni Malayah. O kaya ay ang nagdisenyo ng mga kasuotan nito. Marahil ay mas marami pa ang nalalaman ng mga tao sa Daigdig patungkol sa Hiwaga bukod sa kanilang inaakala.
Nabasag ang pag-iisip ni Malayah nang lumapit sa kanya si Lakan. Suot na nito ang isang pulang kamiso. Nakangiti ito at nakalahad sa kanyang harap ang hawak nitong kahel na bestida. Kinuha ito ni Malayah at pinagmasdan.
"Sa tingin ko'y bagay iyan sa'yo," wika ni Lakan. "Ka-kulay ng dapit-hapon."
Simple lamang ang bestida. Walang kahit anong palamuti bukod sa disensyo ng pagkakatahi ng tela nito. Ngunit sa sandaling maisuot ito ni Malayah, nagustuhan niya ang kariktan ng kasimplehan nito.
Umaabot sa kanyang siko ang maluwag nitong manggas na kapag itinataas niya ang kanyang mga kamay ay nagmimistulang mga pakpak. Dumadaloy ang tela nito hanggang sa kanyang mga binti.
Lumapit sa kanya si Lakan at ikinabit sa bestida niya ang isang kahel na balabal. "Ngayo'y isa ka nang diwata," bulong nito.
Bahagyang napatawa rito si Malayah at napailing, "Ewan ko sa'yo, halika na't baka makita pa tayo ng ninakawan natin ng kasuotan."
Nagpatuloy sila sa paglalakad hanggang sa marating nila ang sentro ng bayan. Mula sa mga abalang nilalang sa pamilihan ay maingat silang nakihalo.
Palihim na pinagmasdan ni Malayah ang kanyang mga nakakasalubong. Bukod sa matutulis nitong mga tainga ay mapapansin ang tila lumot na bumabalot sa iilang parte ng kanilang balat.
Hinawakan ni Malayah ang balabal na suot upang ikubli ang sariling mga braso. Upang itago ang katotohanang isa siyang dayo.
"Mga Patag."
Huminto sila matapos nilang makalayo mula sa pamilihan. "Patag?"
Tumango si Lakan. "Ang tawag sa kanila ay mga Patag, ang mga diwata ng lupa."
Muling napalingon si Malayah sa kanilang dinaanan. Ngayon ay batid na niya kung bakit may tila mga lumot ang balat ng mga diwatang ito--kagaya ng lupa.
"Ningas... Patag..." Nilingon niya si Lakan, "Batid kong may mga elemental na mga diwata ngunit hindi ko batid ang kanilang mga ngalan." Napangiti si Malayah, tila hindi niya ka batid ang kanyang mga mitolohiya kagaya ng kanyang inaakala. "Ano naman ang ngalan ng mga diwata ng tubig at hangin?"
"Ang mga diwata ng tubig ay tinatawag na Agos at ang mga diwata ng hangin ay Samyo naman."
Napatango si Malayah rito. Nagpatuloy sila sa paglalakad hanggang sa maaninag na nila ang dulo ng mga kabahayan. "Paano mo nalaman ang mga ito?" Tanong niya kay Lakan. "Maski ako ay hindi ito batid."
Napahinto si Lakan at nilingon ang dalaga. Sa ilang saglit ay muntik niyang masabi na kilala niya ang mga ito. Sapagkat bilang isang dating diyos ay napagmamasdan niya ang mga ito noon mula sa Kawalhatian.
"Mula sa aking mga ninuno," simple niyang tugon at bahagyang ngumiti sa dalaga.
Napatango naman dito si Malayah. Sa gitna ng paglalakad ay nakapako lamang ang tingin ni Lakan kay Malayah. Nais niyang aminin na rito ang totoo. Nais niyang malaman nito na halos kabisado niya ang Hiwaga at kung maaari lamang ay kaya niyang ipakita sa dalaga ang lahat ng magagandang bagay rito.
Nais niyang ikwento rito ang kapatid niyang si Tala. Ang kanyang mga tungkulin noon bilang diyos ng dapit-hapon. Kung paano niya nakikita ang pagkamangha ng mga tao sa tuwing papalubog ang araw.
Ngunit kung kanyang aaminin, kaakibat din nito ang pag-amin sa lahat ng kasalanang kanyang nagawa. Ang pagiging dahilan ng pagkagulo ng tagna. Ang pagkalikha ng mga hiyas. At higit sa lahat, ang pagkawala ni Apulatu.
Ipinangako ni Lakan sa kanyang sarili na aaminin niya ang lahat ng ito at tatanggapin niya maski ang pagkamuhi sa kanya ni Malayah.
Ngunit hindi pa ngayon. Kailangan niya pa ng panahon.
Kailangan niya pang dalhin ang dalaga sa kinaroroonan ng ama ito. Kailangan niya pang itama ang lahat at ilayo si Malayah sa gulong paparating.
Huminto si Malayah sa paglalakad dahilan upang huminto rin si Lakan. "Bakit? May problema ba?"
Kunot-noong inilibot ng dalaga ang tingin. Matapos ang ilang saglit ay napabuntong hininga at napailing lamang ito. "Wala, bigla lamang bumigat ang pakiramdam ko."
"Marahil ay pagod ka lang." Saad ni Lakan. "Kung nais mo ay huminto muna tayo at magpahinga."
Nag-aalangan man ay tumango si Malayah.
Sumilong sila sa lilim ng isang malaking puno at doon ay naupo. Sumandal rito si Malayah at ipinikit ang mga mata. Ilang sandali rin ay muli siyang nagmulat at tinitigan ang kalangitan. Papalubog na ang pangatlong buwan, malapit nang magdilim.
At sa unti-unting paglisan ng liwanag sa paligid ay ang muling pagbalik ng bangungot sa isipan ni Malayah.
Mapalitan man ang suot niyang damit ay nararamdaman niya pa rin ang init ng mga dugong dumikit sa kanyang balat. Ang takot sa mga mata ng mga taga-Makitan. Ang galit nilang mga sigaw.
Pilit mang itanggi ni Malayah sa kanyang isipan ngunit ramdam niya pa rin ang mahigpit niyang pagkakahawak sa patalim na pumaslang kina Sol at Luna. At tila ang anino ng malagim na pangyayaring iyon ay habambuhay siyang susundan.
Hindi pa rin nauunawaan ni Malayah ang lahat ng nangyayari. Marami pa ring katanungan sa kanyang isip. Ngunit hindi niya batid kung ano ang uunahing hanapan ng sagot. O kung handa ba siyang malaman ang mga sagot dito.
Ngunit sa ngayon, isa lamang ang nasa kanyang isip. Kailangan na niyang makita ang kanyang ama.
Ang pagkawala nito ang puno't-dulo ng maraming bagay. Kung bakit nangyari ang lahat at kung bakit siya napunta rito. At marahil, sa sandaling makausap niya ang kanyang ama ay kahit papaano'y makakuha siya ng sagot.
Sa tuluyang paglubog ng pangatlong buwan ay nagpatuloy sila sa paglalakbay. Umakyat si Lakan sa isa sa mga puno upang makita kung hanggang saan ang hangganan ng masukal na gubat na kinaroroonan nila.
"Naaaninag ko na mula rito ang kaharian ng mga diwata," sabi nito mula sa itaas.
"Talaga?" Nagtanggal ng sapin sa paa si Malayah at sinubukan ding umakyat.
"Huwag ka nang umakyat," saad ni Lakan ngunit hindi nakinig ang dalaga.
Mula sa katawan ng puno ay sumampa si Malayah sa isang sanga hanggang sa makarating siya sa bahaging kinaroroonan ni Lakan.
"Napakalayo pa," bagsak-balikat niyang saad.
"Ang mahalaga ay alam nating nasa tama tayong direksyon," tugon naman ni Lakan.
Bumaba si Lakan mula sa puno at inalalayan naman ang dalaga. "May mga kabahayan akong nakita 'di kalayuan mula rito. Baka makahanap tayo ng pansamantalang tutuluyan doon."
Tumango lamang si Malayah.
–
Ang gubat ay tila humihinga.
Nagpatuloy sa pagbagtas sa kagubatan sina Lakan at Malayah. Humahaplos ang hangin sa bawat sangang nadaraanan nito. Malapit nang lumubog ang pang-apat na buwan.
Tahimik na naglakad sina Malayah at Lakan. Pinapakiramdaman ang paligid. At sa bawat yabag ng kanilang mga paa ay tila may mahihinang pagaspas ang sumasabay.
"Malayah..."
Hindi nilingon ng dalaga ang mahinang pagtawag sa kanya ni Lakan. "Alam ko," simple niyang tugon.
Mula sa likuran ay dahan-dahang kinapa ni Lakan ang kanyang kampilan. Mahigpit naman ang paghawak ni Malayah sa kanyang suot na balabal. Patuloy lamang sila sa paglalakad, diretso ang tingin sa dinaraanan.
Palakas nang palakas ang pagaspas sa hangin. Hanggang sa mas malakas na ito sa yabag ng kanilang mga paa. Ngunit hindi kailanman lumingon ang dalawa sa kanilang likuran.
At sa paglisan ng ulap sa huling dalawang buwan ay naaninag nila ang anino ng mga manananggal sa kanilang mga paanan.
Isang matinis na sigaw ang sumira sa katahimikan. Sa isang iglap, bumagsak ang isa sa mga manananggal sa kanilang harapan. Bumaluktot ang mga pakpak nitong parang paniki at nahulog sa lupa. Sa leeg nito ay nakatarak ang ihinagis na kampilan ni Lakan.
"Takbo, Malayah!" sigaw ni Lakan at binawi sa bangkay ng manananggal ang kanyang kampilan.
Ngunit hindi na sila nakatakas.
Isang manananggal ang humarang sa kanilang daraanan. At nang bumaling sa likuran upang tumakbo ay may nakabantay na ring isa pa.
"Huwag kang bibitaw sa akin," sabi ni Lakan, hinila si Malayah sa kanyang tabi at itinutok sa mga manananggal ang kanyang patalim.
Walang magawa si Malayah kung hindi ang sumunod. Naiwan niya sa Makitan ang kampilan ng kanyang ama. Wala siyang kahit anong sandata o patalim na maaaring ipanglaban. At sa sandaling umalis siya sa tabi ni Lakan, madali siyang mahuhuli ng mga manananggal.
Lumipad ang dalawang manananggal patungo kay Lakan, nakaakma ang matatalim na mga kuko. Itinulak ni Lakan palayo si Malayah. Iwinasiwas niya ang kanyang sandata sa hangin, dumaplis lamang sa mga nilalang. Nanlilisik ang mga mata, muling sumugod ang mga ito.
Bumagsak si Lakan sa lupa nang itulak siya ng isa sa mga manananggal. Sinipa niya ito at gumulong sa lupa upang iwasan ang pag-atake ng isa pa. Ngunit nagalusan siya ng mga kuko nito sa braso. Pilit sinubukang kuhanin ni Lakan ang kanyang kampilan sa lupa ngunit inagaw ito ng manananggal at tumilapon sa malayo.
Kaagad na nakita ni Malayah ang pagkakataon. Dali-dali siyang tumakbo upang kuhanin ang kampilan. At sa sandaling mahawakan niya ito ay nakangisi siyang bumaling sa mga manananggal. "Sinasabi ko sa inyo, hindi niyo dapat ako hinayaang makahawak ng patalim."
Lumipad ang isa sa mga manananggal patungo kay Malayah, nagngingitngit ang matatalas nitong mga pangil. Pero mabilis siyang nakahanda, ang mga paa'y mariin ang tapak sa lupa at mahigpit ang hawak sa kampilan.
Pagdating ng manananggal sa kanyang harapan, umikot si Malayah at buong lakas na isinabay ang talim ng kampilan. Napunit ang pakpak ng halimaw at isang malalim na hiwa ang nagmarka sa dibdib nito.
Humiyaw ang manananggal sa sakit at bumagsak sa lupa, ngunit hindi pa rin umaatras.
"Malayah, sa likod mo!" sigaw ni Lakan habang pilit ibinabangon ang sarili.
Sa isang iglap, sumugod ang pangatlong manananggal mula sa likuran ni Malayah. Tumakbo si Lakan at sumangga gamit ang kanyang bisig, sa kabila ng kanyang dumurugong sugat at ang matatalas nitong kuko sa kanyang balat. Napangiwi siya sa hapdi ngunit hindi niya pinaglagpas ang pagkakataon. Sinunggaban niya sa leeg ang halimaw at buong lakas na isinubsob sa lupa.
Akmang tatakbo si Malayah upang tulungan siya ngunit pinigilan niya ito. "Ako nang bahala sa isang 'to. Sa likod mo, Malayah!" Sigaw ni Lakan habang nakikipagbuno sa manananggal. Pilit iniiwas ang nagngangalit nitong mukha na nais siyang kagatin.
Sa likuran, humarap si Malayah sa pangalawang manananggal na ngayo'y muling bumangon, duguan ngunit nag-aapoy sa galit. Lumipad ito at ihinampas sa kanya ang mga pakpak dahilan upang mapaatras siya. Tila nagpantig ang kanyang tainga sa alingawngaw ng sigaw ng manananggal.
Ngunit sa halip na matakot, ngumiti si Malayah.
"Halika, subukan mo."
Sumugod ang manananggal, nakaakma ang matatalim na kuko. Ngunit bago pa ito makatama ay nakailag si Malayah at mabilis na hinati ng kampilan ang manananggal sa dalawa. Punit ang laman at sumabog ang itim na dugo nito sa lupa.
"Isa nalang," bulong ni Malayah at liningon ang natitirang mananaggal na nakikipagbuno kay Lakan.
Napaatras si Lakan, hawak ang sugatang bisig habang pilit na iniiwasan ang walang habas na pag-atake ng nilalang.
Hindi na nag-aksaya ng oras si Malayah. Tumakbo siya patungo rito, ang kampilang hawak ay kumikinang sa ilalim ng mga buwan. Sa isang mabilis na galaw, sumunggab siya mula sa gilid at buong pwersang itinarak ang kampilan sa dibdib ng manananggal.
Napasinghap ang nilalang. Dahan-dahang lumingon ito kay Malayah, ang mga mata'y puno ng pagkabigla at galit, bago tuluyang bumagsak sa lupa at 'di na gumalaw.
Hinugot ni Malayah ang kampilan, hinahabol ang kanyang hininga.
Kaagad siyang nagtungo kay Lakan, inalalayan itong tumayo. "Ayos ka lang?" Nag-aalala niyang tanong habang sinusuri ang mga sugat nito.
Ngumiti si Lakan kahit dumadaloy pa ang dugo sa kanyang braso. "Ayos lang ako. Ikaw, nasaktan ka ba?"
Mariing umiling si Malayah at pinagpag ang kanyang bestida.
Tumingin sila sa paligid. Tatlong manananggal ang nakahandusay sa lupa, duguan at hindi na gumagalaw. Ilang sandali pa ay tuluyan nang naging abo ang mga ito at tinangay ng hangin.
Bumalik nang muli ang kagubatan sa dati nitong anyo, maliban sa nagkalat na mga dugong nagsilbing bakas ng labanang naganap.
–
Habang binabaybay ang makipot na landas sa loob ng gubat, ramdam ni Malayah ang panghihina ni Lakan. Bawat hakbang nito ay mabigat, hindi pa rin tumitigil ang pagdurugo ng balikat.
"Lakan, kailangan nating huminto," bulong ni Malayah at itinukod ang kampilan sa lupa.
Tumango si Lakan, nanghihina ngunit pilit pa ring nilalabanan ang pagod at sakit. Inalalayan siya ni Malayah na umupo sa ilalim ng isang malaking puno habang ang dalaga ay nanatiling nakatayo, pinagmamasdan ang madilim na paligid.
Nakarinig silang muli ng mga pagaspas sa hangin. At mula sa kalayuan, dahan-dahang lumitaw ang mga anino. Lima– hindi, anim na manananggal ang paparating, bumabagtas sa hangin at mabilis na papalapit sa kanilang kinaroroonan.
Napayukom si Malayah sa hawakan ng kampilan. Batid niyang sa lagay ng sugat ni Lakan at sa pagod na kanyang nararamdaman ay hindi na nila kakayaning labanan pa ang mga ito.
"Lakan," turan niya nang hindi lumilingon. "Dito ka lang, ah?"
"Anong–" Napabangon si Lakan, pilit sinubukang tumayo. "Malayah, anong balak mong gawin?"
Inilipat ni Malayah ang kampilan sa kabila niyang kamay. "Ililigaw ko sila. Ilalayo ko sila rito."
Hinawakan ni Lakan ang kamay ni Malayah, mahigpit at hinding-hindi bibitawan. "Hindi kita hahayang ipamahak mo ang sarili mo–"
"Lakan," mariin ang boses ni Malayah. "Hindi ako mapapahamak. Nasa akin ang kampilan," hinarap niya ang binata at hinawakan ang kamay nitong nasa kanyang palad. "Sa sandaling mailigaw ko sila ay babalik ako. Kung kaya't dito ka lamang."
Binigyan niya ng isang ngiti si Lakan. Hindi ito muling nakaimik. Unti-unti ay lumuwag ang pagkakahawak nito sa kanyang mga kamay.
"Ipangako mo na babalik ka."
Marahang ngumiti si Malayah at tumango. Lumapit siya at hinalikan ang binata sa pisngi. "Babalik ako."
At sa isang iglap, tumalikod si Malayah at humarap sa direksyon ng mga manananggal.
Mabilis siyang tumakbo.
"Narito ako, mga lapastangan!"
Narinig ng mga manananggal ang kanyang boses at kaagad na lumingon. Agad sumunod ang mga ito, bumaba ang tatlo sa mga sanga at ang tatlo pa'y lumipad sa kanyang ulunan.
"Pinaslang ko ang mga kasama ninyo! Nais niyo bang sumunod sa kanila?"
Humiyaw ang mga manananggal sa galit. Kaagad na tumakbo si Malayah sa gitna ng kagubatan, sinuong ang mga talahib at masisikip na daan upang pahirapan ang mga manananggal.
Nagpatuloy siya sa pagtagpo, inilalatag ng dalawang buwan ang anino ng mga manananggal na lumilipad sa kanyang likuran.
Dumadagundong ang kanyang puso, ngunit hindi niya sinubukang huminto.
Ilang saglit pa ay narating ni Malayah ang hangganan ng kanyang dinaraanan. Humampas ang malamig na hangin sa kanyang mukha nang lumitaw ang isang matarik na bangin sa kanyang harapan.
Huminto siya sa gilid. Sa ibaba ay nakita niya ang isang dumadaloy na ilog, kumikinang sa ilalim ng buwan.
Sa kanyang likuran, dahan-dahang bumaba ang lipad ng mga manananggal na humahabol sa kanya. Nakangisi na tila mga tigreng nag-aabang sa kanilang biktima. Hinarap ito ni Malayah, mahigpit ang hawak sa kanyang sandata.
Kaagad siyang sumugod at itinarak ang kampilan sa dibdib ng isa sa mga manananggal. Ngunit mabilis itong nakaiwas at ang isa pa'y sumugod sa kanya upang agawin ang sandata.
Nagpumiglas si Malayah at nagawang sugatan ito sa dibdib. Ngunit sumugod ang isa pa dahilan upang makalmot ang kanyang binti. Paika-ika siyang lumayo, naghahabol ng hininga ay itinutok niya pa rin ang kampilan sa mga ito.
Ngunit anim ang kaharap niyang mga manananggal. At kung patuloy pa siyang lalaban ay tiyak niyang matatalo siya ng mga ito.
Sa paglapit ng mga manananggal ay humakbang paatras si Malayah. Dumausdos sa mataas na bangin ang ilang tipak ng lupang kanyang tinatapakan. Muling humampas ang malamig na hangin sa kanyang mukha. Napalingon si Malayah sa rumaragasang tubig sa ibaba.
Muli niyang hinarap ang mga manananggal. Nakahanda na ang mga ito na lumipad patungo sa kanya.
Ngunit sa isang mabilis na galaw, humakbang paatras si Malayah at tumalon sa bangin.
Sumasayaw sa hangin ang anino ni Malayah habang bumubulusok siya pababa. Sa itaas ay nakikita niyang nakatingin ang mga manananggal, ang mga pulang mata'y nag-aapoy sa dilim.
Hanggang sa yakapin siya ng tubig.
At sa pagbagsak ni Malayah sa tubig ay dahan-dahan ding bumagsak ang katahimikan. Nanatili ang mga manananggal sa itaas, nagmamasid. Nakasilip sa ibaba at nag-aabang.
Ngunit walang lumutang mula sa tubig.
Lumipas ang mga sandali, dahan-dahang lumubog ang ikalimang buwan. Isa-isang nagsi-alis ang mga manananggal, naglaho sa ulap ng gabi. Hanggang sa ang gubat ay muling napayapa, na para bang walang nangyari.
Sa ilalim ng ilog, patuloy ang pagtangay ng tubig sa katawan ni Malayah. Inabot niya ang kwintas sa kanyang dibdib at mahigpit itong hinawakan. Ngunit ang kanyang mga mata ay nakapikit na, at ang kanyang hininga ay pilit na inaagaw ng malamig na tubig na nakapaligid sa kanya.
At sa gabing iyon, tahimik siyang ikinubli ng gubat at inangkin ng ilog. Nilimot siya ng huling dalawang buwan at tinalikuran ng mga ibon. Bumalik sa dati ang lahat...
... na para bang hindi siya kailanman nakilala ng Hiwaga.
***
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro