Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

51. Si Amihan

Mayroong bahagi sa kasaysayan ng dalawang mundo kung kailan hindi pa nakasara ang portal ng Hiwaga.

Noo'y malayang nakatatawid dito ang iba't-ibang mga nilalang. Mga engkanto, mga diwata, mga nuno, at iba pa. Malayang nakakalibot ang mga tagapagtanggol upang bantayan ang kaayusan ng dalawang mundo. Maski ang ilang mga natatanging tao na biniyayaan ng kakayahang makakita ay maaaring makatawid dito.

Isang diyosa ang isinilang ng portal upang maging kanyang tagapangalaga. Si Simnayan. Isang bathalumang iniluwa ng bunga ng isang malaking puno na matayog na nakatayo sa tabi ng portal. Siya ang nagsilbing tagabantay at tagaprotekta nito upang walang sinuman ang sumira sa balanse ng dalawang mundo.

Hindi hinahayaan ni Simnaya na makapasok sa Daigdig ang mga maaaring makapanakit dito. At hindi niya hinahayaang makapasok sa Hiwaga ang maaaring makasira rito.

Tahimik at payapang namumuhay ang mga nilalang ng Hiwaga at Daigdig sa pangangalaga ng diyosa sa tanging lagusan na nagbibigkis sa dalawang mundong ito.

Hanggang sa guluhin ni Sitan ang lahat sa pamamagitan ng pagkitil sa buhay ng diyosang tagapangalaga ng lagusan.

Hindi karaniwang namamatay ang mga diyos. Ngunit sa kaso ni Simnayan, nakagawa ng paraan si Sitan upang linlangin ito upang maging isang halimaw. At tsaka niya ito pinatay.

Nang pumanaw ang diyosa ay tuluyan nang nawalan ng proteksyon ang portal. Si Sitan, kasama ang ilang mga lahi ng mga nilalang na nakipagsabwatan sa kadiliman, ay nilusob ang Daigdig at ginulo ang mga mortal na naninirahan dito.

Nagsimula ang mga patayan sa dilim. Dumami ang mga naging biktima ng kulam at barang. Ang mga sanggol na bagong silang ay namamatay at nagiging mga tiyanak. Napuno ng takot at lagim ang Daigdig.

Nagalit si Bathala. Tumangis ang mga diyos sa pagkamatay ni Simnayan. Isinumpa ni Bathala ang mga nilalang na kumampi kay Sitan.

Ang mga ibong-diwata ay naging mga manananggal. Ang dating makukulay at maririkit na mga pakpak gaya ng sa paru-paro ay nagsimulang matupok sa apoy. Ang kulay ng mga pakpak nito ay naging itim at abo. Isinumpa silang hindi makalipad nang malayo. Upang maiwagaswas muli ang mga pakpak ay kailangan nilang iwanan ang kalahating katawan. At sa pagsikat ng araw ay babalik at babalik sa pinanggalingan.

Ang mga tikbalang na siyang isa sa apat na pinaka-dakilang lahi sa Hiwaga ay kumampi rin kay Sitan. Pinagtaksilan ang Hiwaga. Ngunit sa huli, sa takot na maparusahan, ay tinalikuran din ang diyos ng Kasanaan. Kaya't si Sitan mismo ang sumumpa sa kanila. Ipinatapon sila sa Daigdig, nakatakdang makihalubilo at magpanggap bilang mga tao. At dahil sa kawalan nila ng katapatan ay ginawaran sila ni Bathala ng ginintuang mga buhok. Na kung sino man ang makakakuha nito ay siyang susundin ng mga tikbalang na pawang mga matapat na aso.

Ang mga mambabarang. Ang mga babaylang pumanig sa diyos ng kadiliman ay isinumpa rin ni Bathala. Na kailanma'y hindi na makakahawak ng kapangyarihan ng liwanag.

Hindi lamang ang mga alagad nito ang isinumpa ni Bathala. Si Sitan mismo ay pinarusahan ng habambuhay na pagkakakulong sa kaibuturan ng Kasanaan. Ang kanyang kaharian ay naging kanyang kulungan. Sa pamamagitan nito ay hindi na siya makapanggugulo.

At dahil sa mga nangyari, napagdesisyunan ng mga diyos na isara ang lagusan ng Hiwaga. Sa pamamagitan nina Mayari at Apolaki, ang diyos ng buwan at araw, tuluyang isinara ang lagusan at hindi na muling nabuksan simula noon.

Hanggang sa dumating ang isang pangitain mula sa balon ng tahana.

Isinaad nito na sa ikapitong beses na lamunin ng bakunawa ang buwan ay idadamay nito ang araw. At sa sandaling mangyari iyon ay tatabunan ng kadiliman ang liwanag. Mawawala ang kapangyarihan ng mga diyos sa lagusan at muli itong magbubukas.

Hindi kakainin ng bukanawa mula sa langit ang araw at buwan. Papaslangin nito ang mga mortal na binhi ng dalawang diyos. Si Sol na may biyaya ni Apolaki at si Luna na handog ni Mayari.

At si Malayah na lulan ang anino ng bakunawa.

Hindi inaakala ni Lakan na ganito kadaling magbibigkis-bigkis ang hibla ng mga buhay sa nakahabing tagna. Hindi niya akalaing ang simpleng pagtulak sa dalaga upang hanapin ang mga hiyas ang tanging kailangan upang maitama ang pagkakabuhol na idinulot niya dalawampung taon ang nakakaraan.

Hindi na dapat ito ginawa ni Lakan.

Hindi na dapat siya nakialam noong una pa lamang. Ngayon ay naiipit siya sa pagitan ng parusang dala-dala ng pagbabalik ng tagna at pagpigil dito.

Ngunit malinaw na kay Lakan ang kanyang nais.

Nais niyang iligtas si Malayah sa madilim na trahedya na idudulot ng tagna.

Ngunit hindi niya alam kung paano ito gagawin. Paano niya ililigtas ang dalaga kung siya mismo ang nagtulak dito noon? Paano niya pipigilan si Malayah na tumawid ng Hiwaga kung siya mismo ang dumakip sa ama nito?

Tahimik na naglalakad si Lakan sa madilim na kalsada. Ang ilaw sa isa sa mga poste ay patay-sindi pa rin. Kagaya ng mga bagay sa kanyang isipan na hindi niya mawari ang gagawin. Naglakad siya nang naglakad hanggang sa marating ang malaking puno ng balete sa pagitan ng dalawang daan.

"Nakita mo na ba si Malayah?" Bungad ng isang malalim na boses at tumalon mula sa mataas na sanga ng puno patungo sa kanyang harapan ang isang kapre. Si Agtalu.

Tahimik na umiling lamang si Lakan. Ilang araw na ang nakakaraan noong umuwi sila mula sa Albay patungo sa Maynila. Ilang araw na ang nakakaraan simula nang makuha ng mga tikbalang ang mga hiyas na napakatagal nilang pinaghirapang hanapin. At ilang araw na ang nakaraan simula nang ihatid niya si Malayah sa tahanan nito at hindi na muling nakita.

"Nakausap mo man lang ba ang kanyang lola?" Sumunod si Agtalu sa pagpasok ni Lakan sa pintuan ng malaking puno. Umiling muli si Lakan. Napabuntong-hininga si Agtalu. "Hindi ka naman yata sumubok na lumapit upang kausapin sila."

Sinulyapan lamang ni Lakan ang kaibigang kapre at muling tumitig sa kawalan. Ilang araw na niyang sinusubukang puntahan si Malayah sa tahanan nito. Ngunit sa ilang beses na iyon ay tanging pagsulyap lamang mula sa malayo ang nagagawa niya. Ni hindi niya nga nasilayan man lamang ang dalaga mula sa kanyang mga pagtanaw.

Humiga si Lakan sa kanyang higaan at tinalikuran si Agtalu. Hindi na nito kailangang ipamukha sa kanya ang kahinaan ng kanyang loob upang harapin si Malayah. Bakit? Dahil ba sinisisi niya ang sarili sa lahat ng mga nangyayari? O dahil hindi niya maatim na aminin sa sarili na nabigo sila?

Gustong gusto niyang makita si Malayah. Kumustahin ito. Yakapin. Punasan ang mga luha at ipangakong magiging maayos ang lahat. Nais niyang hawakan ang mga kamay nito na lagi't-lagi ay kapag hawak niya'y pakiramdam niya ay kaya niyang labanan ang buong mundo. Kapag nasa tabi niya ay kaya nilang puksain ang kahit anong mga nilalang na nais silang ipahamak.

Ang ilang buwang nakasama niya ang dalaga ay isang habambuhay para kay Lakan.

Ang mga ngiti nito, ang kinang sa mga mata, at ang talas ng isipan. Parating namamangha si Lakan sa kung paano harapin ng dalaga ang mga takot at panganib na dinaraanan. Hindi dahil hindi ito takot kundi dahil nais nitong lumaban sa kabila ng takot.

Ang matapang nitong pigura at matatalim na mga tingin ay isang maskara. Tila isang harang upang walang sinuman ang sa kanyang kahinaa'y makagapi.

Naalala ni Lakan ang unang pagkakataong nilinlang siya ng dalaga. Kung paano siya nito tinakasan upang maunahan sa mapa na naroon kay Mariang Sinukuan. Kung paano nito hindi nais tulungan si Aran noong matagpuan nila sa kagubatan. Kung paano nito ninais na hayaan na lamang na mapahamak sa tiyanak ang pamilya ni Aling Rene. At kung paano nito tinangkang nakawin ang unang hiyas at muli silang linlangin. Noon ay sa tingin ni Lakan ay walang pakiaalam ang dalaga sa kung ano man ang maaaring mangyari basta makuha lamang nito ang kagustuhan. Isang katangiang kanya nang inaasahan mula sa nilalang ng sinaunang tagna.

Ngunit binago nito ang isipan niya noong pangalanan ng dalaga ang tiyanak. Noong tanggihan nito ang isang hiling na iniaalok ng engkanto. Noong ipagtanggol nito si Aran mula sa kaparusahang kamatayan na nais ipataw ni Sagani. At noong handa itong magpaiwan sa dimensyon ni Magayon para lamang makauwi sila.

Hindi lamang ang katauhan ng nilalang sa sinunang tagna ang bumubuo kay Malayah. Binubuo ang dalaga ng mga aral na natutunan sa ama nitong si Apulatu, ng mga karanasang humubog sa buhay, at ng mga taong nakilala at nakasalamuha.

Sa buong paglalakbay nila ay nakilala ni Lakan si Malayah hindi lamang bilang ang nilalang sa sinaunang tagna. Nakilala niya ang dalaga bilang si Malayah, isang anak, isang kaibigan, isang tao.

At sa mga sandaling iyon, batid niyang tunay ngang nabago na ng dalaga ang kapalarang nakaukit sa mga palad. At maaari nitong mapigilan ang lagim ng sariling hinaharap.

Kung hindi lamang dumating ang mga tikbalang. Kung hindi lamang nakuha mula sa kanila ang mga hiyas.

Paulit-ulit tumatakbo sa isipan ni Lakan ang naging huli nilang pag-uusap ng dalaga. Ang galit na namamayani sa mga mata nito. Ang kalungkutan at pagod dahil sa lahat ng mga nangyari.

"Ang mga tikbalang na iyon... inisip man lamang ba nila ang kahihinatnan natin? ...Hindi, Lakan. Iniisip lamang nila ang kanilang sarili. Kung kaya't bakit kailangan kong isipin ang mangyayari sa iba?"

"Malayah..." maski ang pagbigkas niya sa pangalan nito sa hangin ay may kaakibat na kalungkutan.

-

Kinabukasan ay muling tumungo si Lakan sa bahay nina Malayah. Ngayo'y desidido na siyang kausapin ang dalaga. Marahil ay aminin din dito na hindi totoong nasa panganib ang ama nito. Na siya lamang ang dumakip at nagdala rito sa Hiwaga.

At ang mga posibleng tanong na ibabato sa kanya ng dalaga?

Bakit niya iyon ginawa? Bakit siya nagsinungaling dito? Ano itong tagnang nais niyang pigilan? Ano ba talaga ang buong katotohanan?

Kung ano man ang sumunod na mangyari matapos ang kanyang pag-amin ng katotohanan dito, bahala na.

Kumatok si Lakan sa tarangkahan ng bakuran. Umalingawngaw sa tahimik na paligid ang tunog ng bakal sa pagkatok ng kanyang kamay.

Ilang sandali ang lumipas. Walang sumagot.

Muli siyang kumatok. "Tao po!"

Wala pa rin.

Huminto lamang siya nang maramdaman ang isang nilalang na kanina pa sa kanya nakamasid. Tahimik niyang nilingon ang sanga ng isang puno ng acacia sa gilid ng daan. Tinangay ng hangin ang mga tuyong dahon na nahuhulog mula rito.

"Magpakita ka," seryosong sabi ni Lakan. "Kanina mo pa ako pinapanuod."

Unti-unti ay sumilip mula sa sanga ang isang maliit na nilalang. Kasinlaki lamang ito ng kanyang palad. Nakasuot ng isang makulay na damit at matulis na sumbrero. "Pabalik-balik ka rito," saad ng duwende.

Tinitigan ito ni Lakan. Naikwento ni Malayah sa kanya noon ang tungkol sa kaibigan nitong duwende. "Ikaw ba si Pino?"

Halata ang pagkagulat ng nilalang nang malamang batid niya ang ngalan nito. Makapangyarihan ang makaalam ng pangalan ng isang hindi maka-Daigdig na nilalang. Kakaunti lamang ang nararapat na pagsabihan ng iyong pangalan. Sabi nila, kapag alam ng sinuman ang iyong ngalan, mahahanap at mahahanap ka kahit nasaan ka man.

"Narito ba si Malayah?"

Lalong nalamukot ang mukha ng duwende nang banggitin nito ang ngalan ng dalaga. "Bakit mo siya kilala?"

"Isa akong kaibigan," mahinahong saad ni Lakan at unti-unting humakbang palapit sa punong kinaroroonan nito. "Narito ba siya?"

"Hindi pa umuuwi si Malayah simula nang mawala ang kanyang ama."

Natigilan si Lakan sa sinabi nito. "Ngunit-" Ngunit ako ang mismong naghatid sa kanya rito.

Nilingon niyang muli ang matandang bahay. Naroon na sa bakuran nito ang sasakyang kanilang sinakyan pauwi. Nakauwi sila rito. Ihinatid niya si Malayah rito.

Ngunit bakit sinasabi ng duwende na ito na hindi pa umuuwi si Malayah?

Inalala ni Lakan ang huling sandaling nakita niya ito. Dito mismo sa harapan ng tahanan nito. Ngunit bakit-

Nanlaki ang mga mata ni Lakan nang mapagtantong hindi niya nakitang pumasok ang dalaga sa loob. Nilingon niyang muli ang nakasaradong pintuan ng bahay. Posible kayang...

"Ililigtas ko si Papa. At wala akong pakialam kung ano ang maaaring maging dulot ng gagawin ko

Napabagsak ang mga balikat ni Lakan nang mapagtanto kung nasaan tumungo ang dalaga.

Bumalik ito sa Makitan.

-

Kaagad na bumalik sa Lakan sa tinutuluyang balete upang mag-impake ng ilang mga gamit. Hindi na niya nagising si Agtalu upang magpaalam. Pupunta siya sa Makitan. Susundan niya si Malayah.

Pakiramdam niya ay sa bawat patak ng oras na lumilipas ay kanya itong nasasayang. Kailangan niyang makausap si Malayah. Kailangan niya itong mailayo mula roon. Ang pagbabalik ng dalaga sa Makitan ay tanda lamang ng isang bagay: Mangyayari na ang tagna.

At hindi iyon maaaring mangyari.

Nang makarating sa dalampasigan ay kaagad siyang humiram ng isang bangka at diretsong tumungo sa daungan ng Makitan. Ngunit sa kalagitnaan pa lamang ng kanyang pagsagwan ay nagpakita sa kanya ang diyosang si Dalikmata.

"Ano ang ginagawa mo rito, Apalaan?"

Hindi niya ito nilingon at nagpatuloy sa pagsagwan. "Batid mo kung bakit ako nandito."

Napabuntong hininga lamang si Dalikmata at naupo sa kabilang gilid ng bangka. Kagaya ng tubig na natatamaan ng sinag ng araw, kumikinang ang mga kristales sa kasuotan ng diyosa. Bawat isa sa mga ito ay sumisimbolo sa napakarami nitong mga mata. Mga matang mayroong kakayahang makasilip sa mga sandali ng nakaraan at hinaharap. Mga matang nakamasid sa bawat sulok ng kasalukuyan.

Kung si Tala ang nangangalaga sa mga bituing naghahabi ng mga kapalaran, si Dalikmata naman ang nagbaba nito sa lupa. Ang diyosa ang nagsisilbing kasangkapan upang maisakatuparan ang tadhana ng bawat nilalang.

Kung kaya't hindi ito masisisi ni Lakan kung hindi siya nito tutulungan. Ngunit hindi rin siya papayag na pigilan siya nito.

"Malalaman ni Malayah kung sino ka talaga."

Hindi pa rin nilingon ni Lakan ang diyosa..

"At kung ano ang naging papel mo sa pagkawala ng kanyang ama."

Nagpatuloy si Lakan sa pagsagwan. Kailangan niyang makarating sa Makitan.

"Kamumuhian ka ni Malayah."

Huminto si Lakan sa pagsagwan at nilingon ito. "Alam ko."

Napako sa kanyang kinauupuan ang diyosa. Hindi makapaniwala sa lahat ng ito ay kunot-noong tinitigan ni Dalikmata si Apalaan. "Kung ganoon ay ano pang silbi ng lahat ng ito?" Halos pabulong nitong sambit.

Hindi kumibo si Lakan. Hindi na niya kailangang ipaliwanag pa ang lahat sa diyosa. Nagpatuloy siya sa pagsagwan. Ang tanging nasa isip ay ang marating ang Makitan at matagpuan si Malayah.

"Hindi mo mababago ang tagna, Apalaan." Batid ni Dalikmata na hindi na niya mapipigilan ang dating diyos. Ngunit nais niyang paulit-ulit itong balaan.

Unti-unti ay nabalot ng dilim ang langit. Ni hindi pa nagagawang lumubog ng araw bago ito lamunin ng madidilim na ulap. Huminto si Lakan at nilibot ng tingin ang paligid. "Anong nangyayari? Anong ginagawa mo, Dalikmata?"

"Wala akong ginagawa," usal ng diyosa. "Sa sandaling ito ay nagaganap na ang tagnang pilit mong pinipigilan."

"Hindi..." Umiling-iling si Lakan sa kanyang sarili. Kaagad niyang ipinagpatuloy ang pagsagwan patungong Makitan. Kailangan niyang makita si Malayah. Kailangan niyang siguraduhing ligtas ito. Kailangan niyang makita na mali si Dalikmata. Hindi nagaganap ang tagna. Hindi ito gagawin ni Malayah.

Hindi magagawang paslangin ng dalaga sina Sol at Luna.

Narating ni Lakan ang daungan ng Makitan. Bago siya bumaba sa bangka ay nilingon niya ang diyosa. Ngunit wala na ito roon.

At sa kanyang pagbaba sa bangka ay kaagad niyang natanaw 'di kalayuan ang dalaga. Nakatalikod ito mula sa kanya, iwinawagaywy ng hangin sa liwanag ng isang sulo ang mahaba nitong buhok. Nagsimula siyang humakbang patungo rito. Nais niya itong yakapin.

"Malayah!"

Napahinto si Lakan nang humarap ito sa kanya.

At tila ba sa ilang sandali ay bumalik sa kanya ang sandaang taong alaala. Ang pangitaing nakita sa balon ng tadhana.

May bahid ng dugo ang mga pisngi ni Malayah. Ang puting bestida nito ay namamantyahan din ng pula. Mula sa likod nito ay nakikita ni Lakan ang anino ng bakunawa na matayog na nakatayo. Mas madilim pa sa langit.

Sa isang iglap ay nabahiran ng takot ang pag-asang nananahan sa puso ni Lakan. Tama nga si Dalikmata. Nangyayari na ang sinaunang tagna. Pinatay ni Malayah sina Sol at Luna.

Ang nilalang sa sinaunang tagna na kanyang nakita ay ang dalagang nasa harapan.

Ngunit sa mga sandaling magtagpo ang kanilang mga mata, tila isang salamin na nabasag ang imahen ng pangitain sa isipan ni Lakan. Tiyak niyang may naiiba. Hindi ito ang eksaktong Malayah na nakita niya sa tagna.

Sapagkat sa mga mata nito ngayon ay nakikita ni Lakan ang parehong takot na mayroon siya. Ang pagkalito. Ang pagkaligaw. Isang patak ng luha ang dumausdos sa pisngi ng dalaga.

Sa pagkakataong iyon ay hindi ang nilalang sa sinaunang tagna ang nakita ni Lakan. Hindi iyon ang Malayah na nasa harapan niya.

Kaagad niya itong nilapitan at mahigpit na niyakap. Ipinikit niya ang mga mata at ikinalong ang dalaga sa kanyang mga bisig.

"Hindi ko sinasadya..." wika ng dalaga sa pagitan ng mga hikbi. "Si Sol at Luna... ang mga taga-Makitan..."

Bumitiw ang dalaga sa kanyang yakap. Napansin ni Lakan ang panginginig ng mga kamay nito mula sa bahid ng dugo na nununuot sa sariling mga palad. Pinagmasdan ni Malayah ang sariling mga kamay at muli siyang nilingon.

"Hindi ko sinasadya, Lakan..."

Hinawakan ni Lakan ang mga palad ng dalaga at bahagyang tumango rito. "Naniniwala ako." Pilit siyang ngumiti rito, "Ngayon ay kailangan na nating umalis."

"Patayin ang halimaw! Patayin ang bakunawa!"

Parehas silang napalingon sa mga taong paparating. Sa gitna ng kadiliman ay lumiliyab ang liwanag na nanggagaling sa mga dala nitong sulo. At sa kabilang mga kamay ay tumatama ang liwanag sa mga dala nitong patalim.

"Patayin ang halimaw! Patayin ang bakunawa!"

Sa gitna ng mga ito ay naroon si Sagani.

"Patayin ang halimaw! Patayin ang bakunawa!"

Nilingon ni Lakan si Malayah at kaagad itong itinago sa kanyang likuran. Inilabas niya ang sariling patalim at itinutok ito sa mga tao. Masama niyang tinitigan ang mga ito isa-isa. Tila nagbabanta ng pagdanak ng dugo sa mga magtatangkang lumapit sa kanila ni Malayah.

"Talaga bang gagawin mo ito, Apalaan?" Umalingawngaw sa kanyang tainga ang boses ni Dalikmata.

Hindi ito pinansin ni Lakan at ihinarang ang kampilan mula sa unang lalaking sumugod. Sinipa niya ito sa tiyan at sinugatan ito sa balikat. Naglakad siya patungo sa mga ito upang ilayo ang mga atensyon mula kay Malayah. Hinarap niya ang mga mandirigmang sumusugod.

"Papatay ka ng mga inosenteng tao para sa babaeng iyan?"

Walang sinuman ang kailangang mamatay. Hinarap niya ang mga taga-Makitan. "Hayaan ninyo kaming makaalis at wala nang masasaktan pa!" Sigaw niya sa mga ito.

Napaatras ang ilan sa mga tao. Ang mga ina ay yakap-yakap ang kanilang mga anak. Nagtatago sa mga gilid at sulok ng mga kabahayan. Pinanunuod lamang ang kaguluhan.

"Pinatay ni Malayah ang mga taga-Makitan!" Humakbang patungo sa harapan si Sagani at itinutok sa direksyon nina Malayah at Lakan ang kambal nitong kampilan, nagpapahiwatig ng isang paghamon. "Hindi ko hahayaang makatakas siya mula sa pagpatay kina Sol at Luna."

Sumugod si Sagani. Kaagad na sinangga ni Lakan ang paggalaw ng mga kampilan nito. "Kilala mo si Malayah, Sagani. Hindi niya papatayin sina Sol at Luna!"

Sinipa ni Sagani si Lakan sa sikmura dahilan upang tumilapon ito. "Nakita mismo ng mga mata ko ang pagpatay ni Malayah!"

Tumayong muli si Lakan at hinarap ito. Nakikita niya ang pamumuo ng galit sa mga mata ng tagapagtanggol. Umaapoy ito at nagliliyab sa gitna ng madilim na langit. Muli siya nitong sinugod at sa pagkakataong iyon ay hindi niya nagawang makaiwas kaagad.

Tumama sa kanyang balikat ang isa sa mga kampilan ni Sagani at ang kamao nito sa kanyang mukha. Tumilapon siya sa kawayang sahig.

"Lakan!" Kaagad na lumapit sa kanya si Malayah. Hinarahangan siya nito mula kay Sagani. Sinubukan niyang tumayo upang hitakin ang dalaga palayo sa tagapagtanggol. Ngunit hindi siya makatayo dahil sa lakas ng pagkakabagsak.

Itinutok ni Sagani ang kampilan sa leeg ni Malayah. "Sana ay nakinig na ako kay Luna noong una pa lamang. Hindi na sana kita hinayaang makatapak muli rito sa Makitan."

Iniangat nito ang kampilan sa pagtatangkang wakasan ang lahat. Papatayin ni Sagani si Malayah. Kagaya ng pagpaslang ng dalaga kina Sol at Luna.

Ngunit bago pa man dumampi ang talim sa leeg ng dalaga ay tumilapon si Sagani palayo dahil sa isang malakas na pwersa. Nakarinig sila ng malakas na huni ng isang ibon. At ilang saglit lamang ay nakita nga nila itong palipad patungo sa kanila.

Dumapo ang malaking ibon sa daungan. Kasinglaki ito ng tatlong pinagsamang bahay. Sa bigat nito ay tila kaya nitong ilubog sa tubig ang Makitan.

Pinagmasdan ni Malayah ang nilalang na nagligtas sa kanya. Sa tingin niya ay kilala niya ito. Si Amihan. Kung hindi man ay isa sa mga kauri nito. Ang mitikong ibon na tumuka sa kawayan na lulan sina Malakas at Maganda. Ang diyosa ng hangin. Ang nilalang kung kanino nagmula ang kwintas ng alapaap.

Napatitig si Malayah sa kwintas na kanyang hawak. Ngayon ay kumikinang ang isang liwanag na nagmumula rito. Ang kwintas ba ang tumawag sa mahiwagang ibon?

Nagsiatrasan ang mga mandirigma at mga taga-Makitan. Nagpakawala ang ibon ng isang malakas na huni bago muling lumipad. At sa pagkakataong iyon ay tangay-tangay na nito sina Malayah at Lakan.

Palayo roon sa Makitan.

***

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro