49. Anino
"Anong ginagawa niyo rito, Ina?"
Bumitiw sa pagkakayakap si Ilang. "Ano pa ba? Sinusundo kita. Kailangan na nating umalis."
Hindi kaagad nakapagsalita si Sol. Nilingon niya ang datu, maski ang dayang, pati sina Laon at Linsana bago lumingon kay Malayah at bumalik ang tingin sa kanyang ina. "Hindi ako maaaring umalis. Hindi po ako sasama sa inyo."
Tinitigan lamang siya ng kanyang ina. "Bakit ba ayaw na ayaw niyong narito ako? Ano pa po bang itinatago ninyo sa akin? Bukod sa-" Napahinto si Sol nang mapagtantong hindi lamang silang dalawa ang nasa silid at nakakarinig nito.
Bumaling si Sol kay Datu Birani at Dayang Lenissa. "Mauna na po kami ni Malayah," saad niya at hinitak si Malayah paalis.
Tinangka itong habulin ni Ilang ngunit kaagad siyang pinigilan ni Datu Birani. "Huwag mo na siyang sundan, Ilang. Alam mong hindi ka pwedeng makita ng kahit sinong taga-Makitan."
Bago tuluyang makaalis ay narinig ito ni Malayah kung kaya't siya'y napalingon. Hindi na nga sila sinundan ng ginang.
Nang makalayo-layo, huminto siya sa paglalakad dahilan upang mapatigil din si Sol.
"Bakit ka huminto?"
"May problema ba? Bakit ganoon naman ang bati mo sa iyong ina?"
Napabuntong hininga lamang si Sol. "Naiinis ako sa kanya," nakasimangot niyang saad. "Hindi niya ako maintindihan, eh. Hindi siya nakikinig sa'kin. Nais ko rito sa Makitan ngunit ayaw na ayaw niya naman."
Napalingon si Malayah sa direksyong kanilang pinanggalingan. Naaalala niya pa rin ang kalungkutan sa mga mata ni Ilang noong umalis sila ni Sol. "Sa tingin ko ay dapat na makipag-usap ka sa'yong ina, Sol."
Hindi nagsalita si Sol at naglakad patungo sa isang upuang kawayan. Sumunod naman si Malayah.
"Masama pa rin ang loob ko sa kanya."
Hindi batid ni Malayah ang kwento sa suliraning iyon ng mag-ina. Ngunit batid niyang noong bumalik si Sol sa Makitan ay tumakas lamang ito. "Ano bang nangyari?"
"Maiintindihan ko naman eh. Kaya ko namang tanggapin. Ngunit sa matagal na panahon ay inilihim ni Ina sa akin. Sa ibang tao ko pa narinig."
Bahagyang naguluhan si Malayah sa mga narinig. "Ang alin?"
Nilingon siya ni Sol, nagbabadya ang mga luha sa mata. "Malayah, hindi niya ako tunay na anak."
Hindi nakakibo si Malayah.
"Sa datu ko pa narinig."
Pinagmasdan lamang ni Malayah ang kaibigan. Mula sa mga mata nito ay makikita ang hinanakit at kalungkutan. Hindi niya alam na sa kabila ng masigla at masayang mga ngiti ni Sol ay may nakatago palang ganoon.
Pinilit ngumiti ni Sol noong nilingon siya nito. "Pwede bang magkwento?" Bahagyang napatawa ang dalaga sa sarili. "Ayan, talagang alam mo na talaga ang buong buhay ko."
Nalaman ni Sol ang katotohanang hindi pala siya tunay na anak ng kinikilalang ina matapos lamang niyang makabalik mula sa unang pagbisita niya sa Makitan. Ihinatid siya ng datu sa kanilang lugar at sa isang pag-uusap ng datu at ng kanyang ina ay narinig ni Sol ang katotohanang iyon.
"Simula pa lang ay batid ko nang may hindi tama. Ang sanggol na itinuro sa atin ng araw ay hindi ang sanggol na iniluwal ko. Hindi ko anak si Sol."
Halos maguho ang mundo ng dalaga noong panahong iyon. Ngunit sa pamamagitan nito ay naintindihan niya ang kakaibang guwang na laging naroon sa kanyang puso. Kaya pala. Kaya pala parang may hinahanap siya. Kaya pala parang may kulang.
Hindi batid ninuman na alam na ni Sol ang katotohanang ito. Mahigit isang linggo matapos siyang umalis ng Makitan ay muli siyang bumalik.
"Paano kung nagkamali ka lamang ng dinig? Paano kung mali ka lamang ng intindi?"
"Malayah, malinaw na malinaw. Sinabi niyang hindi niya ako anak."
Iyon ang rason kung bakit siya bumalik ng Makitan. At sa loob ng ilang linggong pananatili ay sinikap niyang magsaliksik at magtanong-tanong upang malaman ang totoo. Wala siyang masyadong nakalap at hindi pa rin malinaw sa kanya ang lahat.
"Bakit hindi mo na lamang diretsong tanungin ang iyong ina?"
Napayuko si Sol sa tanong na iyon ng kaibigan. Ang totoo'y natatakot siya. Natatakot siyang malaman talaga ang totoo. Lalo pa kung manggaling ito mismo sa kinikilalang ina.
Nais sanang sabihin ni Malayah na katulad ng kaibigan ay natuklasan niya ring hindi siya tunay na anak ng kinikilalang ama. Upang maramdaman nito na may karamay siya. Ngunit pinigilan ni Malayah ang sarili. Natatakot na baka lalo pang maging komplikado ang lahat. Sa halip ay niyakap na lamang niya si Sol upang patahanin.
"Maraming salamat sa pakikinig, Malayah. Hindi mo alam kung paano gumaan ang loob ko."
Ngumiti si Malayah. "Kahit ano pa 'yan ay handa akong makinig." Hinimas niya ang tiyang walang laman at nagbiro, "Ngunit huwag naman sa oras ng tanghalian."
Parehas silang nagtawanan bago tumayo mula sa pinagkakaupuan. Pinunasan ni Sol ang mga luha at inaya na ang dalaga.
"Bakit ka umiiyak, Sol?" Napalingon silang dalawa sa kababa lamang ng bangka na si Luna. Kaagad na kumapit ito sa kanila. "Anong pinag-uusapan niyo?"
Bahagyang napatawa si Sol. "Ah, wala ito. Ikukwento ko sa'yo mamaya." Saad nito at kinapitan sa braso ang kaibigan.
Nang lumingon sa kanya si Luna ay bahagya itong nginitian ni Malayah. Ngunit tumalikod lamang ang dalaga at naglakad kasabay si Sol.
Tinitigan niya lamang ang dalawa bago sumunod sa paglalakad. Hindi batid ni Malayah ngunit pakiramdam niya'y may kakaiba sa pakikitungo ni Luna sa kanya. Tila ba simula nang bumalik siya ay naging malamig na ang pagtrato nito sa kanya. Parang noong bago pa sila umalis ng Makitan, mas malapit pa siya kay Luna kaysa kay Sol.
Napabuntong hininga na lamang si Malayah at iwinaksi ito sa isipan.
-
"Maaari ba kitang makausap, anak?"
Bahagyang gumilid si Malayah upang makalapit ang ginang kay Sol. Inabot nito ang mga palad ng dalaga at mahigpit na hinawakan. Tumango si Sol sa tanong nito at bahagyang lumingon kay Malayah.
Ngumiti naman ang dalaga. Kanina, noong matapos ang pagsasanay nila sa araw na iyon, napag-usapan na nila na mabuting kausapin ni Sol ang kanyang ina. Hinimok ito ni Malayah na linawin dito ang lahat at nang sa gayon ay mas maintindihan ni Sol ang kanyang suliranin.
Tumungo ang mag-ina sa kwarto ni Sol at doon ay masinsinan silang nag-usap. Pinagmasdan lamang ni Malayah ang dalawa papalayo. Nang isinarado ng mga ito ang pinto ay nilapitan siya ni Dayang Lenissa.
"Nais mo bang kumain, hija?" Tanong nito.
Nginitian lamang ito ni Malayah at sinabing hindi na at magpapahinga na lamang sa silid. Tumango naman ang dayang at hinayaan siyang lumisan.
Pagkatapos magpalit ng kasuotan ay kaagad na nahiga si Malayah sa kanyang kama. Ipinikit niya ang mga mata at kaagad na nakaramdam ng pagod. Ngunit bago tuluyang makatulog ay nag-usal siya ng isang dasal.
Na sana ay maging maayos na ang mag-inang sina Ilang at Sol.
-
Maagang nagising si Malayah noong sumunod na umaga. Marahil ay dahil maaga siyang natulog kagabi. Bumangon siya at dumiretso sa banyo upang maghilamos. Madilim pa ang langit at sa pagtatantya ay maaaring kakaalis pa lamang ng mga mangingisda patungo sa dagat.
Paglabas ng banyo ay dumiretso si Malayah sa kusina kung saan natagpuan niya si Ilang na nagsisimula nang magluto ng umagahan.
"Sinabi ko kay Lenissa na ako na muna ang magluluto ngayon," wika ng ginang nang makita ang pagdating ng dalaga.
Ngumiti si Malayah at nag-alok ng tulong dito na malugod namang tinanggap ng ginang.
"Malayah ang iyong ngalan, hindi ba?" Tanong nito at bahagyang ngumiti. "Nagkita na tayo noon."
Ngumiti si Malayah at tumango. Sa mansyon ni ginang Ayen. Ngunit bahagya ring nawala ang ngiting iyon nang maalala niya ang mga sumunod na nangyari pagkatapos ng pagkikita nila. Ang pagkamatay ng anak ni Ayen at ang panggugulo ng isang engkanto.
"Nagagalak akong makita kang muli. At nakakatuwang magkaibigan na kayo ng anak ko."
Nagpatuloy sa pagluluto si Ilang at tinulungan naman ito ni Malayah. Kumuha siya ng isang plato at biniyak dito ang limang itlog bago binati at nilagyan ng asin. Pinagmasdan ni Malayah ang ginang habang naggigisa ito ng bawang. Tila maaliwalas na ang mukha ng ginang kumpara kahapon sa pagdating nito. Marahil ay nakapag-ayos na sila ng kanyang anak. Bahagyang napangiti si Malayah.
Nakasikat na ang araw nang matapos silang magluto. Isa-isa nang tumitilaok ang mga manok. Tinulungan ni Malayah ang ginang sa pag-aayos ng mga plato sa hapagkainan.
"Tikman mo ito, Malayah." Kinuha ng ginang ang plato ng makulay na sinangag na may kung anu-anong sahog na gulay at karne. "Paborito ito ni Sol."
Nahihiya man ay hindi makatanggi si Malayah nang isubo sa kanya ang isang kutsara nito.
"Ano, masarap ba?"
Nahihiyang ngumiti ang dalaga bago tumango. Ni hindi makapagsalita dahil puno pa ang bibig.
"Sabi na at magugustuhan mo rin! Iyan ang pinakapaborito ni Sol lalo na kapag agahan. Tiyak kong paggising niya mamaya ay matutuwa siya sa pagkain."
Nahawa si Malayah sa mga ngiti ng ginang. Sa tuwing nagsasalita ito patungkol sa anak ay parang tila mayroong kinang sa mga mata nito. Ilang linggo na ring narito sa Makitan si Sol. Marahil ay dahil sa tagal na 'di nagkasama ay sabik na sabik itong makasama ang anak.
Nakaramdam si Malayah ng bahagyang kirot sa kanyang dibdib. Sa 'di malamang dahilan ay tila bahagya siyang nangulila sa sariling ina. Nasaan na kaya ito? Buhay pa kaya? Kung oo, hinahanap kaya siya nito? O marahil ay kinalimutan na.
Sabi ni Malayah ay hindi siya interesadong makilala pa ang tunay niyang mga magulang. Nais niya lamang na maiuwi mula sa Hiwaga ang Papa niya at mamuhay muli nang tahimik kasama nito sa Maynila. Na parang walang nangyari. Na parang hindi niya nabatid ang mga nabatid.
Ngunit sa ilang saglit na iyon, sa pagtitig niya sa ina ni Sol, 'di man aminin ng dalaga ay batid niya sa kanyang sarili na nangungulila rin siya sa kanyang sariling ina.
-
Masaya si Malayah na makita ang aliwalas sa mukha ng kaibigang si Sol. Sa pagtungo nila sa bahay ng punong babaylan ay ikinuwento nito ang pag-uusap nila ng kanyang ina.
"Hindi pa sana gustong aminin ni ina ang totoo sa akin kaya nagulat siya na batid ko na. Sabi niya, kaya raw pala ako umalis. Dapat daw ay lumapit ako sa kanya," may bahagyang lungkot sa boses ni Sol. "Pero alam mo 'yon, Malayah? Kahit na hindi ko talaga siya totoong ina, pakiramdam ko ay siya pa rin iyon. Sa kabila ng katotohanan ay pakiramdam ko na wala namang nagbago. Siguro ay masyado lang akong nabigla noong narinig ko iyon sa pag-uusap nila ng datu kaya umalis ako."
"Ngunit kumusta ka na ngayon?"
Ngumiti ito sa kanya. "Maayos na maayos na maayos! Kung hindi mo ako pinilit ay hindi ko talaga kakausapin si ina. Natatakot kasi ako na sa kanya manggaling ang totoo. Pero ayos naman pala. Mapagpalaya ang katotohanan."
Mapagpalaya ang katotohanan. Tila balaraw na tumarak sa puso ni Malayah ang mga salitang iyon. 'Di katulad ni Sol, hindi pa rin niya tanggap na hindi siya tunay na anak ng kanyang ama. At natatakot siya. At gusto niyang kalimutan ito.
"Ang mga totoo mong magulang? Hahanapin mo ba sila?" Tanong niya sa kaibigan.
Mariing tumango si Sol. "Oo naman. Gusto ko silang makilala. Gusto kong malaman ang kwento ko," Saad nito. "Pero hindi naman ibig sabihin noon ay iiwanan ko na si ina."
Hindi batid ni Malayah kung bakit ngunit tila ba magkaibang-magkaiba sila ni Sol. Mapagpalaya ang katotohanan. Pero hindi ba't sa mapagpalaya rin itinutulad ang kamatayan?
Sa pagdating sa tinutuluyan ng punong babaylan ay nadatnan ng dalawa ang kapwa nila mga alabay. Umupo si Sol sa tabi ni Luna at si Malayah naman sa tabi ni Sol. At bago pa man pumasok ang punong babaylan at magsimula ang klase ay nahagip ng mga mata ni Malayah ang masasamang mga tingin ni Luna sa kanya.
Hindi niya alam kung bakit.
-
Sa paglipas ng mga araw na naroon si Malayah sa pangitain ay patuloy na nadaragdagan ang takot at pangamba sa isipan ni Luna. Bawat gabi'y napapanaginipan niya ang nakita sa balon ni Dalikmata. At sa bawat gabing lumilipas ay palinaw nang palinaw ang mensahe nito sa kanya.
"Kailangang mawala ni Malayah."
Araw ng Martes noong hapong iyon. Tapos na ang klase at umuwi lang siya saglit bago bumalik muli sa Makitan.
Parati niyang minamanmanan si Malayah. Sa bawat klase ay lagi niyang maingat na pinapakinggan ang bawat salita at tanong nito. Naghahanap ng kahit anong butas na maaaring makapagsigurado sa kanya ng panganib na dala nito. Sa paglabas ay sinusundan niya ng tingin kung ano ang ginagawa nito. Natatakot na sa isang beses na siya'y mawaglit ay itatarak na nito ang patalim sa kanyang mahinang puso, isang bagay na hindi naman niya nakita sa balon ngunit tila ba nilikha na ng takot sa kanyang isipan at patuloy na napapanaginipan.
Noong araw na iyon ay sumakay siya sa isang bangka patungo sa Makitan. Alas singko na ng hapon, natatakpan ng mga ulap ang tirik na araw na malapit-lapit na sa dapithapon at lumilikha ng lilim. Itinali niya sa daungan ang dalang bangka bago magpatuloy.
Kaagad niyang naaninag si Sol mula sa malayo. Nakaupo ito sa isang bangko habang binabasahan ng isang libro ang mga maliliit na batang nakaupo't nakapalibot sa kanya. Nang makita siya nito ay kaagad siyang kinawayan.
"Bakit nagbalik ka, Luna?" Tanong nito nang makalapit siya.
Ngunit imbis na sagutan ay binato niya rin ito ng tanong. "Bakit hindi mo yata ngayon kasama si Malayah?"
Bahagya siyang tinunggo ng kaibigan. "Sus, nagseselos ka ba kasi mas madalas na kaming magkasama ni Malayah? Nako, huwag kang mag-alala kasi ikaw pa rin ang pinakamatalik kong kaibigan!"
Kaagad na napairap si Luna. "Baliw, kung anu-ano na naman ang sinasabi mo."
Tumawa lamang si Sol. "Bakit mo ba hinahanap si Ayah? May kailangan ka ba sa kanya?"
Napahalukipkip si Luna. "At aba, may palayaw pa siya ngayon."
Tumawang muli si Sol. "Ewan ko sa'yo! Kung hinahanap mo siya, baka nandoon lang siya sa kwarto niya at nagpapahinga na."
Tumayo si Luna at nagsimulang maglakad. Ngunit hindi siya tumungo sa kinaroroonan ni Malayah bagkus ay nilibot na lamang ang Makitan.
Sa iilang araw na nagsasanay si Luna bilang isang alabay, ang tanging napupuntahan niya lamang dito ay ang tinutuluyan ng punong babaylan at kung saan man siya hatakin ni Sol. Napagtanto niya na hindi niya pa rin talaga napupuntahan ang kabuuan ng Makitan.
Nagpatuloy lamang sa paglalakad si Luna hanggang sa makarating siya sa hindi pamilyar na parte ng Makitan. Napagtanto niyang mas malaki pala ang bayang nakalutang na ito sa tubig kumpara sa kanyang inaasahan.
Sa paglalakad ay nagpatuloy ang pagbaba ng araw at pagdilim. Dahil abala sa pagmamasid sa paligid ay hindi na napansin ni Luna ang isa-isang pagbubukas ng mga ilaw sa bawat bahay. Hanggang napahinto siya sa isang maliit na eskinita at naaninag ang isang pamilyar na dalaga.
Nakatalikod ito sa kanya. Ngunit sa tindig at hubog ng katawan ay sa tingin ni Luna ay kilala niya ito. Nagsimula siyang maglakad patungo rito.
Hindi madilim ang eskinita. Mula sa isang mataas na bintana ng isang bahay ay sumisilay ang ilaw na bahagyang nagpapaliwanag sa paligid. Sa muling paghakbang ay naramdaman siya ng dalaga dahilan upang mapalingon ito.
"Malayah?"
Ngunit kaagad na napaatras si Luna nang makita ang mga mata nito. Mga matang mas madilim pa sa langit. Kaagad na nakaramdam si Luna ng takot. Ito. Ito ang Malayah na kanyang nakita sa kawa ni Dalikmata. Ito ang Malayah na papatay sa kanila ni Sol.
"Luna? Ayos ka lang?"
Sa pagkurap ng mga mata ay nasilayan ni Luna kung paano bumalik sa dati ang mga mata ng dalaga. Ngunit nang humakbang ito palapit ay kaagad siyang umatras dahilan upang matumba siya sa lupa.
At sa paglapit ni Malayah upang tulungan siya ay may napansin si Luna.
Hindi nakasabit sa leeg nito ang kwintas na lagi nitong suot-suot.
***
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro