Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

48. Ina

Nagpatuloy si Malayah sa kanyang pagsasanay bilang isang alabay. Hindi ito naging mahirap sapagkat tila ba sumasang-ayon sa kanya ang kapaligiran. Madali niyang natututunan ang lahat ng itinuturo ng punong babaylan.

Kung hindi nga lamang sa pangitaing nakita sa batis ng katotohanan ay aakalain niyang tunay ngang nakatakda siyang maging babaylan.

Ngunit hindi.

Klarong-klaro na tila isang tubig ang mga dugong nagsitalsikan sa kanyang puting-puting damit. Ang gitnong burda sa kanyang mga manggas ay unti-unting umiitim. Kasing-itim ng langit sa pangitaing iyon.

Nagising si Malayah dahil sa isang bangungot. Hindi niya alam kung bakit ngunit paulit-ulit niyang napapanaginipan ang imaheng nakita niya sa ilog. Isa ba itong babala?

At paulit-ulit din ay iwinawaksi niya ito sa kanyang isipan sa oras na siya ay bumangon.

Maaliwalas ang langit na tila maganda ang gising ng araw. Sa pagsilip sa kanyang bintana ay naaninag ni Malayah ang mga mangingisdang nakabalik na mula sa tubig. Isa rito si Laon at binati niya ito nang may ngiti. "Magandang umaga."

Sa gilid naman ng mga kawayang daan ay makikita ang mga batang nagsisimula nang magtipon-tipon upang maglaro. Walang pasok ang mga ito mula sa kanilang mga aralin. Gayundin si Malayah bilang isang alabay.

Sa pananatili ng ilang araw sa Makitan, sinikap ni Malayah na palihim na kumalap ng mga impormasyon patungkol sa sinaunang tagna. Yaong sinabi ng manghuhula sa Quiapo na makapagbubukas muli ng pinto ng Hiwaga. At sa bawat salita na kanyang nakalap, iisa ang itinuturo ng mga ito.

Isang magulong kaganapan dalawampu't isang taon na ang nakakalipas.

Sa sinaunang panahon ay may sinasabing isang pangitain na ibinaba ang mga tala. Mula pa ito sa tribu ng Ivatan na kumalat sa buong isla ng Pilipinas. Isang pangitain para sa hinaharap. Isang tagna. Sa ika-anim na beses na tangkaing angkinin ng bakunawa ang huling buwan, isang sanggol ang isisilang. Isang nilalang na may biyaya ng liwanag at kadiliman.

Sa loob ng mahabang panahon, nagpapasa-pasa ang pangitaing iyon sa bawat sulok ng lupain at nanatili hanggang sa unti-unting naglaho at nakalimutan. Ngunit dalawampu't-isang taon ang nakalipas ngayon, naganap nga ang ika-anim na eklipse sa pagitan ng dapit-hapon at takipsilim. Yaong pag-angkin ng bakunawa sa huling buwan sa pagitan ng liwanag at dilim.

Sa bayan ng Makitan at sa mga kalapit nitong tribo, ipinag-utos ang pagpatay sa mga sanggol na isisilang sa panahong sinabi sa pangitain. Marami ang hindi sumang-ayon dito. Marami ang sumalungat. Bakit kailangang kitilin ang buhay ng mga inosenteng sanggol para lamang sa isang napakalumang tagna? Na naipasa-pasa sa nagdaang panahon at ni hindi sigurado kung tunay nga bang talaga?

Ngunit ang malupit na datu noon ng Makitan ay hindi nagpadaig sa mga nasasakupan. Natuloy ang mga pagpaslang.

Ayon sa mga nakatatandang napagtanungan ni Malayah ukol dito, sariwa pa raw din ang kanilang alaala ng panahong iyon. Nagkagulo ang bayan ng Makitan. Ang mga huling iyak ng mga sanggol, ang pagtangis ng mga ina, at ang amoy ng kamatayan na tinatangay ng malamig na hangin.

Pakiramdam nila'y katapusan na ng mundo-o ng kanilang tribo. Gayunpaman, sa mga taong nakalipas ay napagtanto nila na ang gabing iyon ay naging katapusan ng isang panahon. Namatay ang malupit na datu sa kanyang pagtulog at napalitan ng mahusay nitong anak na hangad ay kaayusan.

Bukod doon, isa pang kagila-gilalas na pangyayari ang nasaksihan ng ilan noong gabing iyon. Bumaba ang diyos ng araw sa tahanan ng isang ina. Iniligtas nito ang isang sanggol mula sa mandirigmang dapat kikitil sa buhay nito at tinangay kung saan man ang bata.

Matapos iyon ay hindi na muli itong nakita.

Hindi batid ng mga mamamayan kung saan dinala ni Apolaki ang sanggol o kung buhay pa ba ito. Ngunit sa pakikialam ng isang diyos, natitiyak nila na marahil ay iyon na nga ang sanggol sa sinaunang tagna.

"Ano pong nangyari sa ina ng bata?"

Iyon ang unang tanong ni Malayah matapos marinig ang kwento. Sa hindi malamang dahil ay tila sumikip ang kanyang dibdib. Para bang ibinubuhol at sinisiksik ang kanyang puso. Naiimahe niya ang naramdaman ng ina ng sanggol sa panahong iyon.

"Namatay ang babae," usal ng kanyang nakausap. "Marahil ay sa lungkot din at pighati."

Nais ni Malayah na bumulong ng isang dasal para rito. Oh, anong dahilan upang ibasbas ang isang ganoong trahedya sa kahit na sinong nilalang?

Hindi nakilala ni Malayah ang kanyang ina. Ngayon ay iniisip niya kung katulad ba ng dalamhati ng ina ng sanggol ang naramdaman ng kanyang sariling ina sa loob ng maraming taong hindi siya nakasama?

Ngayon ay tila ba naramdaman niya ang pangungulila sa isang ina.

Iwinaksi ito ni Malayah sa kanyang isipan. Umagang-umaga ay kung saan-saan na naman lumilipad ang kanyang isipan.

Sa paglabas ni Malayah sa kanyang kwarto ay kaagad siyang binati ni Sol ng isang magandang umaga. Ngumiti siya at binati rin ang kaibigan. Mula sa kusina ay naaamoy na nila ang sinangag na niluluto ni Dayang Lenissa at sa pagpasok nga ni Laon sa kanilang bahay ay kaagad nitong nilapitan ang ina.

"Tamang-tama pala ang pagbalik namin galing laot! Mukhang masarap iyan, ina."

Kaagad na sinaway ng dayang ang anak nang sinubukan nitong kumurot sa nakalutong itlog. "Haynaku! Maglinis ka nga muna ng katawan at ang lansa-lansa mo!"

Napakamot naman sa ulo si Laon at dumiretso sa banyo. Bahagya namang napatawa ang dalawang dalaga bago tumungo sa kusina upang tulungan ang dayang.

Ganoon parati ang nadaratnan ni Malayah sa bawat paggising sa umaga. Tila ba napakasigla ng tahanan ng pamilya ng datu. Puno ng pagmamahalan at asaran. Simple lamang at payapa.

Mapait na napangiti si Malayah sa kanyang sarili. Bakit ba hindi ako pinagkalooban ng Bathala ng ganitong buhay? Kung hindi siya nalayo sa kanyang tunay na mga magulang ay baka dito rin siya lumaki sa Makitan. Marahil ay naging magkababata pa sila ni Laon at naging magkaibigan sila ni Linsana. Marahil ay naging alabay rin siya katulad ngayon at kung hindi ma'y naging isang ordinaryong mamamayan.

Ngunit hindi naman nagsisisi si Malayah na mapalaki ng kinilalang ama. Ito at ito ang kanyang buhay. Na ni kailanma'y hindi niya naisip na hindi siya nito totoong anak. Kung hindi lamang siya pumunta rito noon at nalaman ang katotohanan. Kung hindi lamang ito nawala noong gabing iyon.

"Umagang-umaga, ang lalim ng iniisip mo." Hirit sa kanya ni Sol nang maghain na sila sa hapagkainan.

Napangiti't umiling naman si Malayah. "Hindi naman."

Ilang sandali pa'y lumabas na ang bagong ligong si Laon mula sa banyo. Sumunod naman ang datu mula sa bulwagan. At ilang saglit pa'y lumabas na rin si Linsana sa kanyang kwarto at tumungo sa hapagkainan. Nginitian nito si Malayah at binati ng magandang umaga.

At magkakasama ay pinagsaluhan nila ang umagahan na parang isang pamilya.

-

Sa buong araw na iyon ay nanatili lamang si Malayah sa kanyang silid. Minsan-minsan ay tumutulong sa dayang sa paglilinis. Ngunit ang halos lahat ng kanyang oras ay itinuon niya sa pagbabasa ng libro ng kanyang lola.

Noong hapong iyon, bago magdilim, napagpasyahan ni Malayah na lumabas at magpahangin. Pakiramdam niya'y punong-puno na naman ng maraming bagay ang kanyang isipan at hindi alam kung saan ba ito itutuon.

Tumungo siya malapit sa daungan upang panoorin ang paglubog ng araw. Malamlam na ang mga sinag nito na hindi na nakakapaso sa balat. Mula rito'y kinukulayan ng kahel hindi lang ang langit pati ang kahit anong madampian ng liwanag nito. Banayad ang hanging nagmumula sa dagat. Ang alat ng tubig ay tila nalalasahan ng kanyang pang-amoy. Mahinhin at kalmado maski ang ulap sa hapong iyon.

Sa paglalakad ay nakasalubong ni Malayah si Sagani na galing sa kabahayan ng Makitan. "Bakit narito ka sa Makitan?"

"Ipinapanday ko lamang ang mga kampilan ko sa datu," sagot ng binata.

Napatango si Malayah. Naisip niya na baka aalis na ito at ipagpapatuloy ang tungkulin bilang isang tagapagtanggol. "Hindi ba't kayong mga tagapagtanggol ay nakakatawid sa Hiwaga? Ngayong nabawi mo na ang kabibe ni Kaptan, makakatawid ka na ba?"

Umiling si Sagani. "Itinataboy pa rin ako ng lagusan."

Marahang napatango ang dalaga. Naalala niya na ipinangako niya kay Sagani ang isang hiyas kapalit ni Aran noon. "Paumanhin kung hindi ka pa rin makabalik," wika ng dalaga. "Sana ay binigay ko na sa iyo ang isang hiyas noon pa man. Kung alam ko lang na--"

"Walang may kasalanan sa mga nangyari." Hindi na niya pinatapos sa pagsasalita ang dalaga sapagkat batid na niyang sisisihin na naman nito ang sarili sa nangyari. "Isa pa, matagal-tagal na rin mula noong nakauwi ako rito sa Daigdig. Binabalak ko rin na manatili pa nang mas matagal."

Tumango si Malayah. Naalala niya ang naging usapan nilang dalawa noon patungkol sa pagiging tagapagtanggol nito. At ang sinabi sa kanya ni Luna noon kung paano ayaw na ayaw ni Sagani na manatili sa Daluti.

Naalala ni Malayah ang kwento ni Linsana. Kung paano nagiging maayos na ang samahan ng Makitan at Daluti. Isa ba ito sa dahilan ng pananatili pa ni Sagani sa kanyang bayan? Marahil ay tunay na ngang tinatalikuran ng mga manloloob ang kanilang masamang gawi.

At kung magkataon, bilang nag-iisang anak ng datu, si Sagani ang mamumuno sa Daluti sa susunod na panahon. Bahagyang napangiti si Malayah, sigurado siyang magiging isa itong mahusay na pinuno.

"Kumusta kaya si Aran sa Hiwaga?"

Napalingon si Malayah rito. Nakatitig pa rin si Sagani sa guhit-tagpuan. "Sana ay nakauwi na siya sa kanyang inang diwata." Bahagyag napangiti si Malayah. "Minsan ay hinahanap ko rin ang kaingayan niya."

Napatawa rin si Sagani at napailing-iling. "Iba rin ang isang 'yon. Nakakapanibago rin na walang masyadong bumubulabog sa buhay natin."

Liningon ni Malayah ang kausap. "Naalala ko, halos mapatay mo siya noon sa Kabayuran," wika nito na tila ba isa iyong biro.

Napailing-iling muli si Sagani. "Ikaw ba naman ang nakawan ng identidad at guluhin ang buhay mo dahil sa isang kabibe."

Napangiti si Malayah. Ang ginintuang kabibe ni Kaptan, kung bakit nakapag-anyong Sagani si Aran. "Ngunit tingnan mo, noon ay sobra ang pagkamuhi mo sa kanya ngunit ngayon ay hinahanap-hanap mo ang kanyang presensya."

"Huwag lang talaga 'yang makarating sa kanya," saad ni Sagani na ikinatawa ng dalaga. Naiimahe na nila agad kung anong magiging reaksyon ni Aran at kung paano nito aasar-asarin si Sagani kapag nagkataon.

Nagpatuloy sila sa pagkakatuwaan tungkol sa kaibigan at sa mga nabuo nilang mga alaala kasama ito pati si Lakan. At sa matagal na panahon, ngayon nalang muli naramdaman ni Malayah ang paggaan ng kanyang loob.

-

Kinabukasan ay maagang naghanda si Malayah para sa pagsasanay sa araw na iyon. Inilagay niya sa sisidlan ang mga gamit at ang panghuli ay ang libro ng kanyang lola.

Mayroong kumatok sa kanyang pintuan. "Malayah, nakagayak ka na?" Si Sol.

Kaagad na kinuha ni Malayah ang kanyang sisidlan at pinagbuksan ng pinto si Sol. Nakangiti siyang tumango at sabay silang lumabas ng bahay upang magtungo sa tahanan ng punong babaylan.

"Ang ganda ng umaga ngayon, hindi ba?" Sinalubong ni Sol ang malamyang hangin ng umaga. Kasisikat pa lamang ng araw at bahagyang malamlam pa rin ang liwanag.

"Ano na naman ang naganap at maganda na naman ang umaga mo?" Saad ni Malayah.

Liningon siya ni Sol na ngiting-ngiti. Itinaas niya ang kaliwang braso at ipinakita sa kanya ang isang purselas. "Bigay ni Laon," saad nito nang pabulong.

Binigyan ni Malayah ng isang makahulugang ngiti ang kaibigan at humalukipkip. "Akala ko ba'y isang mababaw na paghanga lamang ang nararamdaman po para kay Laon?"

Napakibit-balikat si Sol. "Ako iyon. Ngunit hindi ko batid kung ganoon lamang din si Laon." Saad nito at sabay ngiti.

Napangiti na lamang si Malayah at napailing-iling. Noong unang ikinuwento ni Sol sa kanya ang paghangang iyon kay Laon, kaagad na nagulat si Malayah sapagkat ang pagpapakilala sa kanila ng datu kay Sol ay bilang isang malayong pamangkin. Ngunit nilinaw naman ito ng dalaga na hindi ito totoo at matalik na magkaibigan ang datu at ang kanyang ina. Sinaad lamang ito upang maiwasan ang pagtataka.

Ngunit hindi na nagtaka si Malayah sa paghangang iyon. Sapagkat kahit noong una silang bumisita rito, ramdam na niya ang tinginan ng dalawa. Ngunit sinabi naman ni Sol na hanggang mababaw na paghanga lamang at hinding-hindi siya aamin. Ngunit batid ni Malayah na kahit papaano, isa ang binata sa mga dahilan kung bakit din nagbalik si Sol sa Makitan isang linggo lamang bago naman siya ang makabalik.

"Umamin na ba siya sa'yo?" Tanong ni Malayah rito.

Kaagad na umiling si Sol. "Ewan ko sa lalaking 'yon. Puro pagpaparamdam. Pero hangga't hindi siya nauunang umamin ay hindi ako aamin. At kahit umamin pa siya, hindi pa rin ako aamin."

Napailing na lamang si Malayah. "Ngunit mag-iingat ka kay Laon, Sol. Ang bali-balita ay marami na raw nasaktang puso iyan dito sa Makitan."

Tinapik ni Sol ang kaibigan. "Malayah, baka oras na para siya naman ang masaktan, hindi ba?" Biro nito at pareho silang nagtawanan.

"Pero ikaw ba?"

Napahinto si Malayah at napalingon kay Sol. "Anong ako ba?"

"Wala ka bang naiibigan dito sa Makitan?" Wika nito at tinunggo ang kaibigan.

Napatawa lamang si Malayah at napailing-iling. "Wala sa isipan ko ngayon ang mga ganyan."

"Sus," tinunggong muli ni Sol ang kaibigan. "Ang sabihin mo ay mayroon nang nagmamay-ari sa puso mo kaya ganoon."

"Baliw."

Huminto si Sol at hinarap ang kaibigan. "Sabihin mo, sino?" Nagningning ang mga mata ni Sol dahil sa kuryosidad. "Si Sagani ba?" Tanong nito. Nang hindi sumagot si Malayah ay nagsalita siyang muli. "Nakita ko kayong nagtatawanan kahapon sa daungan. Ano, siya ba?"

Sinimangutan ni Malayah si Sol. "Kaibigan ko lang iyon."

"Eh, sino nga?" Napadapo ang mga mata ni Sol sa purselas din ng dalaga. Batid niya kung sino ang nagbigay nito. "Alam ko na! Si Lakan?"

Napatawa lamang si Malayah at hinimas ang suot na purselas. Naalala niya ang pag-amin nito sa kanya noon sa dimensyon ni Magayon. At ang lahat ng kanilang pinagsamahan mula pa noong natagpuan niya ang baleteng tinutuluyan nito. Si Lakan lamang ang nakatiis sa kanya nang ganoon katagal. Pakiramdam nga niya'y sa loob ng mahabang panahon ay isa lang siyang sakit ng ulo rito. Tinakasan niya ito at inunahan sa mapa sa bundok Arayat. Nilinlang niya ito noong pinagpanggap niya si Agua bilang siya. Tinangka niyang nakawin ang unang hiyas na natagpuan nila. Tinangka niya itong saktan. Lagi't-lagi ay purong kasamaan ang kanyang naipapakita. Ngunit lagi't-lagi rin ay hinahanap nito kahit pa sa kasuluksulukan ng kanyang pagkatao ang kabutihan.

Ngunit sa kabila ng lahat, ano ang kanyang ipinalit? Itinaboy niya ito at mag-isang ipinagpatuloy ang paglalakbay.

Noong umamin sa kanya ito sa dimensyon ni Magayon, sinuklian niya ang pag-aming iyon. Ngunit ano bang alam ni Malayah sa pag-ibig? Hindi niya batid. Kaya maaaring ang nabuong bagay na iyon sa kanilang mga puso ay hindi pag-ibig at bagkus ay walang kahulugan.

Ngunit kahit ganoon, hindi pa rin mawala sa isip ni Malayah si Lakan. Kumusta na kaya ito? Ano nang pinagkakaabalahan nito ngayon? Bumalik na ba ito sa balete kasama ang kapreng si Agtalu? At iniisip din kaya siya nito?

"Sa pananahimik mong iyan, batid ko na ang sagot."

Nilingon ni Malayah ang kaibigan at binigyan ito ng malungkot na ngiti. At kahit pa hindi batid nito ang buong nangyari, tinapik siya sa likod ng kaibigan at nagpatuloy sila sa paglalakad patungo sa tahanan ng punong babaylan.

-

Nagsimula ang pagsasanay ng mga alabay sa pagpatak ng alas-syete ng umaga. Kung noong isang linggo ay nakatuon ang kanilang aralin sa panggagamot at noong unang linggo ay sa kaligiran ng mga babaylan, ngayon ay dadako na sila sa pag-aaral ng ilang mga orasyon at mga bulong.

Noong sinabi iyon ng punong babaylan, batid na niyang makakatulong nang malaki sa kanya ang libro ng kanyang lola.

Nagsimula ang pagtuturo ng punong babaylan. Ilan sa mga nababanggit nito ay pawang mga nabasa na ni Malayah sa libro ng kanyang lola. Ngunit marami rin ang mga bago niyang natutunan.

Nang matapos ang kalahating araw ng pagsasanay, muling bumalik sina Malayah at Sol sa tahanan nina Dayang Lenissa upang magtanghalian. Si Luna naman ay nagpaalam na babalik sandali sa Daluti upang may kuhanin.

Sa paglalakad ay nagsalita si Sol. "Kwentuhan mo naman ako, Malayah. Ako nalang lagi ang nagkukwento, alam mo na yata ang buong buhay ko."

Napatawa si Malayah. "Ano bang gusto mong ikwento ko?"

"Ewan, kahit ano." Tugon ni Sol. "Siguro, tungkol sa pamilya mo. Hindi ba't manunulat ang iyong ama? Ibig sabihin ba ay isa ka ring manunulat?"

Nabigla siya sa sinabi nito ngunit kaagad ding napatango nang maalalang iyon ang pakilala niya sa kanyang ama. "Mahilig magsulat si Papa pero hindi ko iyon namana," blanko niyang saad.

"Ang iyong ina? Napansin ko na hindi ka nagbabanggit patungkol sa kanya."

Napahinto si Malayah at liningon si Sol, "Hindi ko nakilala ang aking ina."

Bahagyang nahiya si Sol at nais bawiin ang tanong. Ngayon tuloy ay nalungkot na naman ang kaibigan sa pag-alala sa ina nito. Hindi na muling nagsalita si Sol at nagpatuloy sila sa paglalakad.

Nang makarating sa tahanan ng datu at dayang, kaagad na tumungo ang dalawa sa hapagkainan upang silipin kung kumakain na ba ang mga ito.

Ngunit pareho silang napahinto nang makitang may bisita pala.

Nakaupo sa isa sa mga silya ang isang babae. Katabi ito ng dayang habang nag-uusap. Sa ilan pang upuan ay naroon sina Laon, Linsana, at ang datu. Nang maramdaman ang kanilang pagdating, lumingon sa kanila ang babae.

Nakikilala ito ni Malayah.

Tila napuno ng kagalakan ang mga mata ng ginang. "Narito ka nga..." Tumayo ito at unti-unting lumapit sa kanya. "Anak ko..."

Napakurap si Malayah. Pakiramdam niya'y mayroong pumipiga sa kanyang puso. Kaagad na sinunggaban ng yakap ng ginang ang anak.

"Sol, anak ko..."

Pinagmasdan lamang ni Malayah ang pagyayakapan ng mag-ina. Kung paano hawiin ng ginang ang mga hibla ng buhok na tumatakip sa maaliwalas na mukha ni Sol at kung paano ito tumangis dahil sa tuwa sa pagkikita nila ng anak.

Nakikilala ito ni Malayah.

Si Ilang. Ang ginang na minsan nilang nakasalamuha sa gitna ng paglalakbay.

***

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro