47. Dalangin
"Binabati ko kayong lima sapagkat napagtagumpayan ninyo ang gawain natin ngayong araw. At bilang gantimpala ay nais kong inyong iuwi ang mga langis na inyong nilikha na napatunayan kong tunay ngang mahihiwaga."
Isa-isang binigay ng maestra ang mga langis at malugod na tinanggap ni Malayah ang sa kanya.
Isa sa mga alabay mula sa likod ang nagtaas ng kamay.
"Ano iyon, Asari?" sambit ng punong babaylan at kunot-noo namang tumayo ang alabay.
"Sinunod naman namin ang mga hakbang na inyong tinuro, guro. At pare-parehas naman kami ng napakinggan, hindi ba? Ngunit bakit ang sa kanilang lima lamang ang nagtagumpay?" Sa turan na ito ni Asari ay marami ang sumang-ayon.
Marahang ngumiti ang punong babaylan at bumaling sa limang alabay na nakaupo sa harap. "Mayroon ba sa inyong lima ang may batid ng sagot sa agam-agam ni Asari?"
Nagtaas ng kamay si Sanya. At nang tumango ang maestra ay taas-noo itong tumayo at hinarap ang mga kapwa kamag-aral. "Marahil ay may nakaligtaan kayong sangkap, isang dalangin."
Matapos iyong sambitin ay ngumiti si Sanya bago muling umupo. Iyon ang naging dahilan ng pagbubulungan ng mga alabay.
Isa sa kanila ang nagtaas ng kamay at tumayo nang sang-ayunan ng guro.
"Wala naman po sa mga itinuro ninyong hakbang ang isang iyon, punong babaylan." Reklamo ng alabay na si Amalya.
"Itinuro iyon ng punong babaylan. Ngunit hindi niya lamang partikular na tinukoy." Saad ni Luna at hinubad ang suot na salamin upang punasan.
Nanlaki ang mga mata ng alabay na si Pina at napatango-tango. "Batid ko na! Batid ko na!" Bulalas niya dahilan upang mapatingin ang lahat sa kanya. "Binanggit ng punong babaylan ang bagay na iyon noong nakaraang linggo sa unang aralin patungkol sa kaligiran at kasaysayan ng mga babaylan."
Sa kanyang sinabi'y napatango rin ang iba pa sapagkat napagtanto na rin nila at natuklasan ang nakatagong hakbang.
"Punong guro."
Napalingon ang lahat kay Sanya.
"Bakit nakapasa si Malayah gayong wala pa naman siya rito noong inyong ituro ang unang aralin?"
At ngayon nama'y kay Malayah nadapo ang lahat ng tingin.
Pinagmasdan niya ang bawat isa at bahagyang napakunot nang mapagtantong ang tono ng pagkakasabi ni Sanya ay tila inaakusahan siya ng pandaraya.
"Bakit hindi natin hayaang sabihin ni Malayah ang kasagutan sa tanong mong iyan, Sanya?" Wika ng punong babaylan at nakangiting lumingon kay Malayah.
Huminga nang malalim ang dalaga at muling pinagmasdan ang mga kasama. "Kinukuwentuhan ako ng aking ama noon patungkol sa iba't-ibang mga nilalang. At isa sa mga ito ay tungkol sa mga babaylan."
Bahagyang napangiti si Malayah ng maalala ang kanyang ama at ang mga nakamamangha nitong mga istorya. "Ang sabi ni Papa sa akin, ang mga babaylan ay pawang mga mortal lamang. Walang kapangyarihan gaya ng mga diyos o natatanging mahika na katulad ng sa kakaibang mga nilalang. Ang mga babaylan ay mga mortal na napili ni Bathala at ng mga umalagad upang mamagitan sa pisikal na mundo at sa mundo ng 'di nakikita. Kaya nilang paulanin ang langit. Kaya nilang palaguin ang mga halaman. Kaya nilang lumakad sa tubig. Kaya nilang magpagaling ng mga sakit."
Nasilayan ni Malayah ang isang ngiting nakakurba sa mga labi ng punong babaylan at ang pagtango nito. "Ngunit hindi nila nagagawa ang mga iyon dahil sa kanilang sariling kakayahan. Nagagawa nila ang mga iyon sa pamamagitan ng dalangin... Naalala ko ang kwento ng aking ama kung kaya't sinubukan ko ito sa gawain natin."
Napapalakpak ang punong babaylan dahilan upang bahagyang mahiya si Malayah at mapayuko.
"Tunay ang iyong sinambit. Hinayaan ng mga tala na hindi mo maabutan ang unang aralin sapagkat batid mo na ang mga ito noon pa man." Nakangiting sambit ng punong babaylan na tinugunan naman ni Malayah ng isa ring ngiti. "Ngunit sabihin mo, sino ang iyong kahanga-hangang ama at bakit tila marami siyang alam sa hiwaga ng daigdig?"
"Si-" Natigilan si Malayah nang mapagtantong hindi niya maaaring sabihin ang ngalan ng kanyang ama sapagkat tiyak na makikilala ito ng matandang babaylan.
Marahang ngumiti si Malayah upang ikubli ang kanyang agam-agam. "Isang manunulat ang aking ama. Nakuha niya ang mga kuwentong kanyang ihinayag sa akin sa kanyang paglalakbay at pananaliksik. Ni hindi niya nga batid na ang mga ito'y tunay. At tiyak kong sa muli naming pagkikita, sa sandaling sabihin ko sa kanya na totoo ang mga ito, tiyak kong matutuwa siya."
Napatango-tango ang babaylan. "Siya nga, siya nga. Tiyak ko rin siya'y matutuwa. Magagalak akong makilala ang iyong ama sa hinaharap, Malayah. At marahil ay pinili ka ng mga umalagad na maging alabay upang ihayag ito sa kanya."
Ngumiti si Malayah pabalik. Nakahinga siya nang maluwag nang inialis na sa kanya ng punong babaylan ang mga tingin at inanunsyo ang pagtatapos ng kanilang klase sa araw na iyon.
--
Nilisan ni Malayah ang tahanan ng punong babaylan kasabay ng mga kasamahan niyang mga alabay. Naiwan sina Sol at Luna sa silid upang tulungan ang punong babaylan sa patapos na pagliligpit. Siya naman ay naatasang ihatid ang mga kasama sa daungan upang doo'y makasakay sa kanya-kanyang mga sasakyang pantubig upang makauwi sa sariling mga banwa.
Ngunit sa pagtungo sa daungan ay hindi lamang ang mga sundo ng mga kasama niyang alabay ang kanyang nakita.
'Di kalayuan sa kinaroroonan ng mga bangka ay nahagip ng kanyang tingin si Sagani, nakatayo at sa likod nito'y nasa tubig ang sarili nitong sasakyan. Marahil ay naroon para sunduin ang kaibigang si Luna.
Nang madapo sa kanya ang tingin nito'y nginitian niya ito at kumaway. Matapos makaalis nang tuluyan ang mga kasamang alabay ay kaagad na nagtungo si Malayah rito.
"Bakit ka rito bumalik, Malayah?" Bungad nito sa kanya.
"Sa seryoso mong mukha at tono'y tila kasalanan ang pagbalik ko," pabiro niyang tugon dito.
Nag-iwas ng tingin ang tagapagtanggol at sa mahinahon nang tinig ay tinuran nito, "Kasama mo ba si Lakan?"
Nawala ang kanyang ngiti sa pagbanggit nito sa binata. Kaagad na umiling si Malayah at ibinaling ang tingin sa mga bangka ng kanyang mga kasamang alabay na tuluyan nang pumapalayo.
Napatango si Sagani. "Hindi mo sinagot ang una kong tanong, Malayah."
Muli itong nilingon ng dalaga. Hinawakan niya ang mga manggas ng kanyang bestida upang ipakita ito sa binata. "Hindi pa ba pansin?" Wika niya at binaba ang mga kamay. "Narito ako upang ipagpatuloy ang pagsasanay ko bilang isang alabay."
Hindi kumibo si Sagani at tinitigan lamang ang dalaga. Napaiwas ng tingin si Malayah rito sa takot na sa sobra nitong pagtitig ay mabasa na nito ang kanyang isipan.
"Paano ang iyong ama na naroon sa Hiwaga? Hindi ka ba hahanap ng paraan upang makuha siya mula roon?"
Nabuo ang isang seryosong ekspresyon sa mukha ng dalaga. Ngunit muli itong lumambot nang lingunin niyang muli ang tagapagtanggol. "Bakit, Sagani? Bukod sa mga hiyas, mayroon pa bang ibang paraan upang makapunta roon?"
Nasulyapan ni Sagani ang pag-usbong ng kaunting pag-asa sa mga mata ng dalaga dahilan upang mapaiwas siya ng tingin, tila nagsisising binanggit niya iyon. "Wala na."
Ibinaling ng dalaga ang tingin sa guhit-tagpuan at tumango-tango. Hindi batid ni Sagani ang patungkol sa bakunawa at sa muling pagbubukas ng portal. Nakahinga siya nang maluwag dahil dito.
"Tila wala na ngang pag-asang maibalik ko si Papa rito," sambit niya at hinawakan ang purselas na suot kung saan naroon ang isang luntiang paru-paro. "Sa ngayon ay batid kong ligtas siya dahil sa purselas na ito." Nilingon niya si Sagani. "Nais kong maging isang babaylan. Marahil ay kapag isa na akong babaylan ay makagawa ako ng paraan upang makarating sa Hiwaga. Hindi iyon imposible."
Nginitian niya ang tagapagtanggol at tumango naman ito. Sa pagkakataong iyon ay tuluyang nakahinga nang maluwag si Malayah. May posibilidad na batid niya ang sinaunang tagna sapagkat isa siyang mandirigma. At sa oras na malaman niya ang aking pakay ay kagaya ni Lakan ay pigilan niya rin ako.
Nagpaalam si Malayah sa kaibigan at naglakad palayo upang tumungo sa tahanan ng datu na kasalukuyan niyang tinutuluyan. Sa paglalakad ay nakasalubong niya si Luna.
Ngunit batid man o hindi ni Sagani ang patungkol sa bakunawa at muling pagbukas ng portal, ang mahalaga ay hindi niya dapat malaman na ito'y batid ko rin.
Huminto siya sa paglalakad at nilingon si Sagani na ngayo'y kausap na si Luna.
Sa tingin ni Malayah ay hindi naghinala sa kanya ang kaibigan. Siya'y napangiti.
--
"Hindi ko alam na isa palang manunulat ang ama ni Malayah," saad ni Sol habang winawalis ang sahig ng silid sa kubo ng punong babaylan. "Kahinaan ko ang pagsusulat," sambit niya't napatawa nang bahagya. "Tiyak na magaling din si Malayah, magpapaturo kami ni Linsana mamaya."
Ihininto ni Luna ang pagpupunas sa lamesa at napairap sa hangin. Ang punong babaylan, ang ibang mga alabay, maski si Sol ay manghang-mangha sa ipinamalas na kahusayan ni Malayah kanina.
Walang problema si Luna sa bagay na iyon. Ang kanya lamang inaalala ay ang mga nakita sa kawa ni Dalikmata.
Tila ang Malayah na kanyang nakakasalamuha ngayon ay pawang pagpapanggap, malayong-malayo sa nilalang na kanyang nasilayan.
"Huwag kang masyadong magtiwala sa ibang mga tao, Sol." Usal niya at nagpatuloy sa pagpupunas ng lamesa.
Huminto ito sa pagwawalis at kunot-noo siyang nilingon. "Ha? Anong kinalaman niyan sa aking sinasabi?"
"Ang punto ko lang ay huwag kang masyadong magtiwala. Lalo na sa mga taong hindi mo lubos na kakilala."
Hindi pa rin nawawala ang kunot sa noo ni Sol. "Ang tinutukoy mo ba ay si Malayah?"
Nang hindi kumibo si Luna ay batid na ni Sol ang kasagutan. Bahagya siyang tumawa at lumapit sa matalik na kaibigan. "Matagal na nating kakilala si Malayah, hindi ba? Sinabi mo pa sa akin noon na nais mo siyang maging kaibigan. Ngunit bakit ngayon ay tila nagbago ang iyong isip?"
"Nag-iingat lamang ako. At nais kong mag-ingat ka rin."
Muling napatawa si Sol at inakbayan ang kaibigan. "Sus, nagtatampo ka lang ata dahil hindi kita inaaya noong sinabi kong magpapaturo kami ni Linsana kay Malayah eh!"
Napairap si Luna at inalis ang kamay ng kaibigan mula sa pagkakaakbay sa kanya. "Ewan ko sa'yo, marunong din ako sa pagsusulat, ano."
Parehas silang napatawa at hinayaan na lamang ni Luna na ang pag-uusap na iyon ay maging isang biro.
Mabilis na lamang nilang nalinis ang kubo ng punong babaylan sapagkat kanina'y napagtulong-tulungan na nila ito kasama ng iba pang mga alabay. At sa paglisan ay magiliw silang nagpaalam sa punong babaylan.
Si Sol ay tuluyan nang tumungo sa tahanang kanyang tinutuluyan at si Luna nama'y tumungo na sa daungan.
Napahinto siya nang makita si Malayah 'di kalayuan habang kausap si Sagani. Hindi siya kaagad lumapit sa mga ito. Sa kanyang isipan ay hindi siya sigurado kung tama ba ang kanyang naging pasya na sabihin kay Sagani ang kanyang mga nakita sa kawa ni Dalikmata.
Noong gabing siya'y mapangahas na dumulog sa tahanan ng diyosa ay ang pag-uwi rin ni Sagani sa Daluti. Sa pagbalik sa isla'y nakasalubong ni Luna ang kaibigan. At dahil sa kalituhan sa mga nakita'y kanya itong ipinahayag kay Sagani.
At ilang araw makaraan, muling nagbalik si Malayah sa Makitan. Sa mga sandaling iyon ay mas lalong nangamba si Luna at tila lalo siyang naniwala na tunay nga ang kanyang nasaksihan.
Nabanggit niya ang muling pagbalik ni Malayah sa Makitan na marahil ay dahilan kung bakit pinuntahan ito ng tagapagtanggol.
Nang magpaalam ito kay Sagani ay kaagad na nagpatuloy sa paglalakad si Luna patungo sa kaibigan. Nginitian siya ni Malayah na kanya namang tinanguan.
At sa tuluyang paglapit kay Sagani ay masisilayan sa mga mata ni Luna ang muling pangingibabaw ng kanyang pangamba.
Ang mga mata ng kaibigan ay nakadapo pa rin sa umalis ngunit batid nito ang kanyang presensya.
"Siyang-siya ang aking nakita sa kawa ni Dalikmata." Narinig niya ang pagbuntong hininga ng kausap dahilan upang mapalingon siya rito. "Bakit? Hindi ka ba naniniwala?"
"Noon pa ma'y batid ko nang may kakaiba sa kanya." Nilingon ni Sagani si Luna. "Nabasa ko ang mga palad niya noon. Ngunit hindi siya ang bakunawa."
Ibinaling ni Sagani ang tingin sa dagat mula sa naguguluhang ekspresyon ng kaibigan. "Ngunit kung siya man ang bakunawa, natitiyak kong hindi niya magagawang saktan ka o maski si Sol."
"At paano mo naman iyan nasabi?"
Hinarap muli ni Sagani si Luna. "Basta alam ko."
Napatawa rito si Luna. "Basta alam mo? Sa tingin mo ay mapapanatag na ako dahil sa sinambit mong iyan?"
Huminga nang malalim si Luna nang mapagtantong lumkas ang kanyang boses. Inayos niya ang suot na salamin at muling nilingon si Sagani. "Sagani, buhay ko at ni Sol ang nanganganib. Hindi mo ako masisisi kung ganito na lamang ang aking pangamba."
Ilang saglit ay katahimikan ang bumalot sa kanilang dalawa. Nauunawaan ni Sagani ang kaibigan ngunit may tiwala siyang hindi ito ipapahamak ni Malayah.
"Ngunit paano kung ang huling nakita mo sa kawa ni Dalikmata ay pawang panlilinlang lamang? Isang parusa ng diyosa dahil sa walang pahintulot mong pagtungo sa kanyang tahanan?"
Napaisip si Luna sa tinuran ni Sagani. Napabagsak ang kanyang mga balikat. Paano kung iyon lamang ang kasagutan sa lahat ng ito? Takot at pangamba, tunay ngang napakagandang parusa.
Napayukom ang dalaga at tinalukuran ang tagapagtanggol. Hindi niya batid. Maaaring isa lamang itong panlilinlang o kaya nama'y isang babala.
Ngunit isang bagay lamang ang tiyak na makakapagpayapa sa kalooban ni Luna.
"Mawawala lamang ang pangamba ko kung tuluyang lilisanin ni Malayah ang Makitan." Nilingon niyang muli si Sagani. "At hindi na babalik pa."
***
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro