45. Batis Ng Katotohanan
"Ayos ka lang ba, Luna?"
Tumango si Luna sa mga kasama at palihim na piniga ang kanyang dibdib dahil sa matindi nitong pagkirot.
Lumisan siya sa gitna ng pagsasanay at nagpunta sa banyo. Pinagmasdan niya ang sarili sa salamin. Huminga siya nang malalim upang pakalmahin ang sarili at pahupain ang pagkirot ng kanyang dibdib.
Habang tumatagal ay lalong lumalala ang kanyang kalagayan.
Mula pagkasilang ay isang hindi maipaliwanag na sakit na ang kanyang dala-dala. Dahil dito'y mabilis siyang mapagod at minsa'y nanghihina. Ipinasuri na siya ng kanyang mga magulang sa ilang mga babaylan ngunit walang masabi ang mga ito. Maski ang mga doctor na kanilang kinonsulta ay hindi maipaliwanag ang kakaibang sakit ng dalaga.
Sa pisikal ay malusog ang kaanyuan ni Luna. Ngunit paminsan-minsa'y dumadalaw ang kanyang sakit at sinisira ito.
Kasalukuyan siyang nag-aaral ng medisina dahil sa nais na maging isang doktor kagaya ni Sol. Matalino si Luna. Nakaaangat din siya sa mga pagsasanay kaysa sa ibang mga alabay. Halos ang lahat ng bagay ang kaya niyang gawin.
Kung hindi lamang sa hindi maipaliwanag niyang sakit ay malayo ang kanyang mararating.
Ngunit ilang araw lamang ang nakakaraan nang tuluyan niyang mabatid ang tunay na dahilan ng kanyang pagdurusa.
Sinabi sa kanya ng kanyang ina na noong isinilang siya'y may malawakang pagpatay sa mga sanggol. Sa kasamaang palad ay nakasama siya rito. Ngunit isang himala ang nangyari. Sa silid kung saan inipon ang yumaong sanggol ay natagpuan siya ng kanyang mga magulang na may buhay. At sa tabi niya'y naroon din ang isa pang sanggol. Sa katawan nito'y dumadaloy ang isang dilaw na mahika at tumutungo sa katawan ng sanggol na si Luna na naglilikha ng puting mahika.
Isang himala ang kanyang pagkabuhay. Ngunit bawat pagkakataon ay tila binabawi ito sa kanya.
Nais niyang humanap ng lunas. At alam niya kung paano ito makukuha. Sa pamamagitan ng kawa ng tadhana, yaong replica ng balon ni Tala na naroon sa Kawalhatian. Ang kawang matatagpuan sa kuweba ni Dalikmata.
Mapangahas at maingat ay tinungo ni Luna ang kuta ng diyosa. Tila ba pinagpapala siya ng langit sapagkat nang makarating siya rito ay nadatnan niyang wala si Dalikmata.
Kaagad siyang lumapit sa kawa. Upang malaman ang lunas ay kailangang alamin ang pinagmulan. Iyan ang parating turo sa kanya ng propesor sa medisina. Kung kaya't hiniling niya sa kawa na ipakita sa kanya ang nangyari dalawampu't isang taon na ang nakakaraan.
Ipinakita ng kawa ang kanyang ina habang nakangiting hinehele ang sanggol na hawak nito na tiyak ni Luna na ang sarili. Naroon din ang kanyang ama at ang kanyang lola na nakangiting nakatitig sa sanggol.
Ngunit hindi nagtagal ang kagalakan. Sapagkat ilang sandali lamang ay marahas na bumukas ang pinto ng kanilang tahanan at pumasok ang mga mandirigma ng Daluti. Nakita ni Luna ang pagkuha ng isa sa mga ito sa sanggol na hawak ng kanyang ina at napaiwas na lamang siya ng tingin nang itarak nito ang kampilan sa walang muwang na bata.
Matapos ay nagdilim ang kawa at nagpakita ng ibang imahe. Iyon ang sandaling sinilip ng kanyang mga magulang ang silid ng mga yumaong sanggol at nakita ang kanilang anak na umiiyak at buhay.
Hinawakan ni Luna ang purselas na kanyang suot at tinitigan ang maliit na bersyon nitong nakasuot sa sanggol. Iyon ang naging palatandaan ng kanyang mga magulang upang mahanap siya.
Palihim siyang iniuwi ng kanyang mga magulang.
"Ikaw ay papangalanan naming Luna. Sapagkat sa pagkawala ng buwan ngayong gabi'y ikaw ang nagsilbing liwanag sa amin."
Napangiti si Luna sa kanyang nasasaksihan. Iniaangat niya ang kanyang kamay at sinubukang hawakan ang imahe mula sa kawa. Ngunit nagulat siya nang mawala ito dahil sa kanyang paghawak.
Bumalik muli ang imahe sa silid ng mga yumaong sanggol. Doo'y mag-isa na lamang ang sanggol na naglalabas ng dilaw na mahika. Unti-unti'y humiwalay sa sanggol ang mahika at lumabas mula sa bintana.
Matapos ang ilang sandali'y bumalik ito at sa pagbalik ay may mga nilalang na nakasunod. Dalawang babae at isang lalaki. Ang isa sa mga babae ay kinuha ang sanggol. Nilingon nito ang dilaw na mahika at nagpasalamat dito.
At sa pag-uwi'y masayang hinagkan ng babae ang sanggol. "Ikaw si Sol, mahal ko. Sapagkat dala mo ang kapangyarihan ng diyos ng araw na si Apolaki."
"Si Sol?" Hindi makapaniwalang bulalas ni Luna. Inayos niya ang suot na salamin at bahagyang napangiti.
Marahil ay iyon ang dahilan kung bakit naging magkaibigan silang dalawa. Sapagkat noon pa ma'y tunay na silang magkakonekta.
Ngunit napalitaan ang ngiting iyon ng pagkunot ng noo ng muling nabago ang imahe sa kawa.
Ngayo'y lumitaw ang isang matandang babae. Sa kasuotan nito'y nababatid ni Luna na isa itong babaylan.
"May pangitain ang mga diyos. Tuluyan nang isinilang ang nilalang sa sinaunang tagna, ang bakunawa. At sa pagdating ng tamang panahon ay muling magbubukas ang portal. Ito'y sa sandaling muling angkinin ng bakunawa ang buwan maski ang araw. At sa muling pagbukas ng portal, kaguluhan at kamatayan ay matutunghayan."
Napaatras si Luna. Sa kanyang isipan ay batid niyang hindi ang literal na eklipse ang tinutukoy ng babaylan. Ang buwan ay siya at ang araw ay si Sol. Ang bakunawa ay ang nilalang sa sinaunang tagna.
Kung tunay ang kanyang mga nakikita sa kawa ay ang ibig sabihin lamang nito'y nasa panganib sila ni Sol sa kamay ng bakunawa.
Naglakas ng loob si Luna na muling humakbang palapit sa kawa upang bigkasin ang pinakahuli niyang katanungan. "S-Sino ang nilalang sa sinaunang tagna?"
Unti-unti'y naglaho ang mga imahe sa kawa. At sa pagbalik nito'y nakita ni Luna ang larawan ni Malayah.
--
"Malayah!"
Napalingon si Malayah sa kararating pa lang. Si Sol. Malawak ang ngiti nitong sinalubong ng yakap ang dalaga. Sa likuran nito'y nakasunod si Luna.
Kunot-noo lamang nitong pinagmasdan si Malayah. At nang lumingo'y napansin ito ni Sol.
"Bakit sa mukha mo'y parang hindi ka natutuwang narito si Malayah?" Biro ni Sol sa kaibigan.
Hindi ito nilingon ni Luna at mariin lamang na nakatitig kay Malayah. Malinaw pa rin sa kanya ang mga nakita sa mahiwagang kawa ni Dalikmata na matagal nang gumugulo sa kanyang isipan. At sa pagdating ni Malayah ay lalong lumubha ang kanyang pangamba.
"Ako'y nagtataka lamang kung bakit siya nagbalik dito."
Bahagyang ngumiti si Malayah. "Narito ako upang ipagpatuloy ang pagsasanay ko bilang isang alabay."
"Magandang balita 'yan!" Bulalas ni Sol at ipinalupot ang kamay sa braso ni Malayah. Wala namang nagawa ang dalaga kung hindi hayaan ito. "Halika na! Tiyak akong matutuwa ang punong babaylan kapag nakita ka."
Sa paglalakad ay magiliw ding ipinalupot ni Sol ang kabilang kamay sa braso ni Luna at sabay-sabay silang nagtungo sa tahanan ng punong babaylan.
--
Sinabihan ng punong babaylan si Malayah na magtungo sa tahanan nito sa pagpatak ng alas-singko ng hapon.
At iyon naman ang ginawa ni Malayah.
Ginugol ng dalaga ang buo niyang maghapon sa loob ng kanyang kwarto. Abala siya sa pagbabasa ng libro ng kanyang lola. Iniisip na marahil ay makakatulong ito sa kanyang unang araw ng pagsasanay.
Sa pagtungo ni Malayah sa tahanan ng punong babaylan, nagtataka niyang pinagmasdan ang mga dalagang papalabas na mula rito. Ang iba'y lulan na ng mga bangka at paalis ng baryo.
Nang makasalubong sina Sol ay kaagad niya itong nilapitan. "Tapos na ba ang klase?"
Bahagyang kumunot ang kanyang noo nang tumango si Sol. Kung gayon ay huli na pala siya. Ngunit hindi ba't sinabi ng punong babaylan na siya'y alas-singko magtungo? Marahil ay namali lamang ito ng pagbanggit dahilan upang maliban ang dalaga sa unang araw ng kanyang pagsasanay.
"Bakit nga pala ngayon ka lang nagtungo rito?" Tanong ni Sol.
"Sinabi ng punong babaylan."
Katulad ni Malayah ay napakunot din ang noo ni Sol. "Ngunit bakit ngayon lamang gayong nagtapos na ang klase?"
"Hindi siya narito para sa klase. Narito si Malayah para sa paunang pagkilatis."
Napalingon silang dalawa sa punong babaylan na kalalabas lamang ng tahanan nito. Nakasuot ito ng tradisyunal na kasuotang Ginayan. Isang damit na pamilyar kay Malayah sapagkat nasilayan na niya ito noon sa Ibalon noong siya'y nasa katauhan ni Magayon.
Ang ginayan ay isang kasuotang hanggang pulso ang mga manggas at hanggang paanan naman ang laylayan nito. May mga simbolo at disenyong nakaburda rito na may pinagsamang kulay ng pula at kayumanggi. Mayroon itong manipis na telang balabal na nakapatong sa mga balikat na simbolo ng mataas na antas sa kanilang lipunan.
Nanlaki ang mga mata ni Sol at napatango-tango. "Oo nga pala! Mayroon pa nga palang paunang pagkilatis na kailangang ipasa ni Malayah bago maging isang ganap na alabay."
"Paunang pagkilatis?"
"Tama. Isa iyong ritwal upang kilalanin ang pagkatao ng isang nilalang. Ang kakayahan nito, ang intensyon, at ang kalooban. Maski ang mga lihim." Saad naman ni Luna na kakalapit lamang sa kanila.
Kagaya ng kasuotan ni Sol at ng iba pang mga dalagang nagtungo sa tahanan ng babaylan, nakasuot si Luna ng isang puting mahabang bestida. Hanggang braso lamang ang maluwang na mga manggas nito at nababalutan ng gintong mga hibla ang dulo. Ang haba ng bestida'y halos umaabot hanggang talampakan. Sa leeg ay may nakasuot na isang kwintas na walang pamitin. Gawa ito sa telang katulad ng disenyo ng balabal na suot ng punong babaylan. Isang palatandaan ng pagiging isang ganap na alabay.
Ganoon din ang suot ni Malayah. Isang puting mahabang bestida. Ang kaibaha'y walang bahid ng ginto ang kanyang mga manggas at walang telang kwintas na nakasuot sa kanyang leeg.
Bahagyang nakunot ang noo ni Malayah habang nakatitig kay Luna. "Hindi ko maintindihan."
"Wala ka namang dapat ipag-alala kung wala ka namang lihim na itinatago," usal ni Luna dahilan upang bahagya siyang tungguin ni Sol.
"Huwag mo namang takutin si Malayah," saad nito at ngumiti sa dalaga.
"Hayaan ninyong dalawa na dalhin ko si Malayah sa gubat ng Matinaw upang mabatid niya ang tinutukoy natin," wika ng punong babaylan.
Nagsimula silang maglakad patungo sa bukana ng baryo ng Makitan. Doo'y sumakay ng bangka ang punong babaylan at sinabihan si Malayah na sumunod. Naiwan naman sina Sol at Luna sa daungan habang ihinahatid ng namamangka ang dalawa.
Narating ng punong babaylan at ni Malayah ang dalampasigan ng karatig bayan at pinasok ang masukal na gubat dito. Pinagmasdan ni Malayah ang pamilyar na paligid.
"Ito ang gubat ng Matinaw, Malayah. Ang tahanan ng diyosang si Dalikmata."
Ngayo'y naaalala na niya. Ito ang gubat na kanilang tinungo upang makapunta sa kuweba ni Dalikmata upang humingi ng tulong upang mapagaling si Lakan mula sa sumpa ng gayuma.
Huminto sila sa isang batis sa puso ng kagubatan.
"Ang anyong tubig naman na ito ay ang batis ng katotohanan."
Napalingon si Malayah sa punong babaylan. "Batis ng katotohanan?"
Tumango ang punong babaylan. "Ang batis na batid ang kasagutan sa kahit na anong katanungan. Kung ano ang tama, ano ang mali, ano ang nararapat, at ano ang hindi. Batid ng batis ang lahat ng katotohanan."
Gamit ang tungkod ay kinawkaw ng punong babaylan ang malinaw na tubig. Unti-unti ay lumitaw mula sa ibabaw ng batis ang mga asul na alitaptap at lumipad sa palibot ng tubig. Pinagmasdan ito ni Malayah.
"Ang lahat ng bagay na nilikha ni Bathala ay mayroong natatanging mahika. Ang iba'y hindi lamang napapansin ng karamihan sapagkat hindi ito ang kanilang depinisyon ng mahika. Mayroon namang mga bagay na natatabunan ang kahiwagaan dahil napapalibutan ng mga bagay na mas mahihiwaga. Mayroon namang mga nahihimbing. Kailangan lamang ng tamang nilalang upang ito'y gisingin-kagaya na lamang ng batis na ito, Malayah."
Isang asul na alitaptap ang unti-unting lumipad palapit kay Malayah. Kaagad niya itong kinulong sa kanyang mga palad at kalauna'y pinakawalan din. Nilingon niya ang punong babaylan upang muling makinig dito.
"Ang batis ay hindi bukas sa lahat. Ngunit ano sa tingin mo ang dahilan, Malayah? Kung bakit tila ipinagdadamot ng langit sa iba ang katotohanan?"
Natigilan si Malayah at napaisip sa tanong ng punong babaylan. Sa tinuran nito'y naalala niya ang kanyang ama-kung paano nito ipinagkait sa kanya ang katotohanan patungkol sa kanyang katauhan na hanggang ngayo'y hindi niya pa rin nababatid.
"Marahil ay sa kadahilanang may katotohana'y makakasakit lamang."
Ngumiti ang punong babaylan sa kanya bilang pagsang-ayon at muling humarap sa batis.
"Minsan nang naging bukas sa lahat ang hiwaga ng batis na ito. Marami ang dumarayo upang masagot lamang ang mga katanungang gumugulo sa kanilang mga isipan. Ngunit ang katotohanan, gaya ng iyong tinuran, ay nakakasakit. Isa itong patalim na kusang itinatarak ng mga nilalang na tumutungo rito sa kanilang dibdib. Napagdesisyunan ni Bathala na ipasara ito at pinabantayan sa diyosa ng Matinaw, si Dalikmata."
"Hindi ba't nakikita ng diyosa ang nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap? Kung gayon ay taglay din niya ang katotohanang dala ng batis na ito," turan ni Malayah na sinang-ayunan ng punong babaylan.
"Tama ang iyong sinabi. Ang kapangyarihan ng batis na ito ay nakakonekta sa pusod ni Dalikmata sapagkat mula sa mga mata ni Likabutan ay dito isinilang ang diyosa, sa mismong batis na ito."
Lumapit ang punong babaylan kay Malayah. "Simulan na natin ang ritwal."
"Ano po ang kailangan kong gawin, punong babaylan."
"Suungin mo ang kailaliman ng batis at doon ay ika'y sumisid. Tanungin mo ang tubig kung nararapat ka nga bang maging isang alabay at ipapakita nito sa'yo ang kasagutan."
Tumango si Malayah rito at nagsimulang humakbang papalapit sa batis. Mula sa ibabaw nito ay pinagmasdan sandali ni Malayah ang kanyang malinaw na repleksyon bago salatin ng talampakan ang malamig nitong tubig. Nagpatuloy siya sa paghakbang hanggang sa mabasa na nito ang puti niyang bestida.
Nang marating ang kalagitnaan, huminga siya nang malalim bago sumisid sa tubig. Kanyang narinig ang kakaibang tinig ng batis. Humihimig ito ng isang musikang hindi makamundo. Nakapikit ma'y nararamdaman niya ang kahiwagaang nakabalot sa tubig.
Kanyang sinunod ang panuto ng punong babaylan at siya'y nagtanong sa batis.
"Nakatadhana ba akong maging isang alabay? Isang babaylan?"
Hindi batid ni Malayah kung paano siya sasagutin ng tubig. Ngunit kalauna'y natuklasan niya ito.
Sapagkat sa nakapikit na mga mata, isang imahe ang unti-unting nabuo sa kanyang isipan. Ito'y larawan ng guhit-tagpuan kung saan nagkatagpo ang langit at ang karagatan sa oras ng dapit-hapon. Unti-unti'y lumitaw ang pigura ng isang dalaga. Nakasuot ito ng puting bistida kagaya ng sa kanya ngunit ang sa dalaga'y nababahiran ng gintong mga hibla ang manggas at nakasabit sa mga balikat ang telang simbolo ng pagiging isang alabay.
Sa dibdib ng pigura ay nasilayan ni Malayah ang isang pamilyar na kwintas, ang kwintas ng alapaap. At unti-unti'y tuluyang naging malinaw sa kanyang paningin ang mukha nito.
Ang dalagang nakita ni Malayah ay ang kanyang sarili, suot ang kasuotan ng isang alabay.
Ito na ba ang kasagutan ng batis sa aking tanong? Ako'y nakatakdang maging alabay.
Ninais ni Malayah na tuluyan nang umahon upang ihatid sa punong babaylan ang magandang mensahe sa kanya ng batis. Ngunit mayroong napansing pagbabago si Malayah sa imahe sa kanyang isipan.
Unti-unting lumubog ang araw sa kanina'y dapithapon. Dumilim ang paligid ngunit sa puting kasuotan ng kanyang wangis sa imahe ay malinaw pa ring nakita ni Malayah ang pagkakaroon nito ng mga bahid ng dugo. Ang mistikong paghimig ng batis ay napalitan ng mga hindi mawaring sigaw dahilan upang mapatakip ang dalaga sa kanyang mga tainga.
Nais nang umahon ni Malayah ngunit tila hindi maabot ng kanyang mga paa ang lupa sa ilalim ng batis. Ang kwintas ng alapaap na nagbibigay-kakayahan sa kanya na makahinga sa ilalim ng tubig ay tila nawalan ng kapangyarihan sapagkat kanyang naramdaman ang pagkakapos sa hangin.
Hindi niya pa rin idinidilat ang mga mata at ang imahe ay patuloy pa rin niyang nakikita sa isipan. Sa pagdilim ay hindi na niya makita nang malinaw ang mukha ng kanyang kawangis. Unti-unti'y ang kanya na lamang nasisilayan ay ang mga bahid ng dugo sa kanyang damit at ang hindi maipaliwanag na mga sigaw sa paligid.
Nawala lamang ang mga ito nang isang puwersa ang mag-ahon sa kanya mula sa tubig.
Pinagmasdan ni Malayah ang punong babaylan na ngayo'y nakalusong na rin sa tubig at hawak-hawak ang kanyang mga balikat.
Bakas ang kunot sa noo ng punong babaylan. Ngunit unti-unti rin itong naglaho nang madapo ang mga mata nito sa kasuotan ng dalaga.
"Ang iyong manggas ay naburdahan na ng ginintuang sinulid, Malayah." Namamangahng turan nito.
Tumingin dito si Malayah at kanya ngang nakita ang gintong sipi ng kanyang basang mga manggas. Nilingon niyang muli ang punong babaylan nang may katanungan sa mga mata.
Hindi pa man naisasalita'y sinagot na ito ng punong babaylan.
"Oo, Malayah. Naipasa mo ang ritwal ng paunang pagkilatis. Isa ka nang ganap na alabay, hija."
Sa pag-ahon ng punong babaylan mula sa batis ay naiwan siya rito. Sa mahinang pag-ihip ng hangin ay naramdaman niya ang pagkaginaw mula sa pagkabasa. Kagaya ng tubig ay malinaw pa rin kay Malayah ang mga nasaksihan.
Hindi ang pagbati ng punong babaylan ang kasagutang hinihingi niya sa tanong sa kanyang isipan.
Nakapasa ka, Malayah.
Ngunit ano ang ibig sabihin ng mga bahid ng dugo?
***
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro