44. Ang Tagna
Muling bumalik si Lakan sa gusaling kanilang tinutuluyan. At bago tumungo sa kwartong pinaghahatian nila ni Sagani ay sumilip muna siya sa silid ni Malayah.
Hindi na siya kumatok upang hindi maabala ang sa tingin niya'y nahihimbing nang dalaga. Bahagya niyang binuksan ang pinto at sinilip ito mula sa kama. Ngunit wala ito rito.
Tuluyan nang binuksan ni Lakan ang pinto at pumasok. Inilibot niya ng tingin ang kwarto upang hanapin at nakita ang dalagang nakatayo sa balkonahe habang nakatingala sa langit.
"Malayah? Bakit gising ka pa?"
Nilingon siya nito at marahang ngumiti. "Hindi ako makatulog."
Naglakad siya patungo rito at tinabihan ang dalaga. "Iniisip mo pa rin ba ang mga hiyas?"
Hindi kaagad tumugon si Malayah. Nakatingala lamang ito at nakatitig sa malamlam na buwan.
Ilang saglit ay huminga nang malalim ang dalaga bago magsalita. "Lakan, paano kung may iba pang paraan?"
Tinitigan niya ang dalaga. Sa ilang saglit ay nakakita siya ng kakaibang kinang sa mga mata nito. Tila ba kislap ng pag-asa matapos ang mga nangyari.
"Anong paraan?"
"Ang ikapitong paglabas ng bakunawa sa dapit-hapon."
Natigilan si Lakan sa tinuran ng dalaga. "Saan mo narinig ang bagay na iyan, Malayah?"
"Binanggit ito ng manghuhula sa akin nang sabihin niya ang tungkol sa mga hiyas. Sinabi rin sa akin ni Agua noon na iyon ang hinihintay nilang muling pagbubukas ng portal patungo sa Hiwaga."
Hindi kaagad nakasagot si Lakan.
"Marahil ay batid mo rin ang bagay na iyon. Sabihin mo sa akin, paano tuluyang mabubuksan ang portal?"
Tinitigan lamang ni Lakan ang dalaga.
Malamlam na ngumiti si Malayah. "Mabubuksan at mabubuksan ang portal. Kailangan lamang na maghintay. Ngunit marahil ay may paraan upang mapabilis ito."
"Hindi mabubuksan ang portal na iyon."
Lumingon si Malayah rito. "At paano mo naman nasabi?"
Mariing tumitig si Lakan sa dalaga. "Dahil hindi natin hahayang mangyari iyon."
Kunot ng noo lamang ang ibinalik ng dalaga sa kanya.
"Malayah," mahinahon niyang turan, "Ang muling pagbubukas ng portal na tinutukoy mo ay nakapaloob sa isang tagnang nakita noong sinaunang panahon. At ang tagnang iyon ay magdudulot ng kaguluhan sa dalawang mundo."
Hindi kaagad sumagot si Malayah. Napayuko ito at nakatitig lamang sa sahig. At sa muling pag-angat ng mukha ay nakita ni Lakan sa mga mata nito ang isang pamilyar na apoy.
"Ngunit ang parehong tagnang iyon ay ang makakapagligtas sa aking ama."
Napakunot ang noo ni Lakan. "Malayah, hindi mo ba ako narinig? Panganib lamang ang dulot ng tagna."
At sa sumunod na sinabi ng dalaga ay nagitla siya.
"Ngunit ano naman? Wala akong pakialam! Ang mahalaga lamang sa akin ay ang mailigtas si Papa."
Hindi makapaniwalang tinitigan ni Lakan ang dalaga. Mula sa mga mata nito'y patuloy na nagniningas ang isang apoy. "Malayah, naririnig mo ba ang sinasabi mo?"
Napaiwas ng tingin si Malayah. "Ang mga tikbalang na iyon... inisip man lamang ba nila ang kahihinatnan natin?" Nilingon niyang muli ang binata. "Lakan, hindi. Iniisip lamang nila ang kanilang sarili. Kung kaya't bakit kailangan kong isipin ang mangyayari sa iba?"
Hindi nakapagsalitang muli si Lakan. Pamilyar ang poot na maaaninag sa mga mata ng dalaga. Pamilyar na pamilyar. Tila tuluyan na niyang nakikita ang pagkakahawig ng dalagang nasa kanyang harapan sa nilalang na nakita niya sa sinaunang tagna.
"Ililigtas ko si Papa." Mariing saad ni Malayah. "At wala akong pakialam kung ano ang maaaring maging dulot ng gagawin ko."
Kaagad na pinunasan ng dalaga ang dumausdos na luha sa kanyang pisngi. Tumalikod siya kay Lakan at tumungo sa kanyang kama. Humiga siya at nagtalukbong ng kumot.
"Umalis ka na rito. Nais ko nang magpahinga."
--
Kinabukasan ay tuluyan na nilang nilisan ang Albay.
Nagpaalam si Sagani na uuwi na muna sa Daluti at hindi na sumabay sa sasakyan ng dalawa.
Habang nasa byahe ay tahimik lamang sina Lakan at Malayah. Hindi pa rin humuhupa ang tensyong nabuo sa sagutan nila kagabi.
Napabuntong hininga si Lakan at pinagpatuloy na lamang ang pagmamaneho hanggang sa tuluyan nilang marating ang siyudad ng Maynila.
"Dito mo na lamang ihinto ang sasakyan," saad ni Malayah nang marating nila ang tapat ng tarangkahan ng kanilang bahay.
Lumabas si Lakan at binuksan ang pinto ng sasakyan para kay Malayah. Lumabas ang dalaga nang hindi sinasalubong ang tingin nito.
Napabuntong hiningang muli si Lakan. "Mauuna na ako, Malayah. Paalam." Turan niya at nang hindi kumibo ang dalaga ay bahagya lamang siyang ngumiti at tumango bago tuluyang tumalikod at umalis.
Sa pagtalikod nito'y tsaka lamang lumingon si Malayah at pinagmasdan ang paglisan ng binata.
Malinaw na sa kanya ang nais niyang gawin. Ililigtas niya ang kanyang ama kahit ano pa ang maging kapalit. Hindi niya kailangan ng pagsang-ayon at tulong ni Lakan o kung sino man. Kaya niya nang mag-isa. Noong una'y mag-isa rin naman siya sa paglalakbay, hindi ba?
Ngunit tila sa unang pagkakataon, ang pag-iisa niya'y may dulot na kakaibang kirot sa kanyang damdamin.
Huminga nang malalim si Malayah at pinagmasdan ang kanilang bahay. Gaano na ba katagal noong huli siyang makauwi?
Ngunit imbis na pumasok ay tumalikod ang dalaga at naglakad palayo. Ipinangako niya sa kanyang lola na hindi siya uuwi hangga't hindi niya kasama ang kanyang ama.
At iyon ang kanyang gagawin.
--
Sa pangalawang pagkakataon ay nagtungong muli si Malayah sa manghuhula sa likod ng simbahan.
Sa paghawi niya sa kurtina ng tolda ay sinalubong siya ng nanliit na mga mata nito. "Pamilyar ang mukha mo," saad ng manghuhula. "Ano nga ang pangalan mo, hija?"
Walang ekspresyong itong tinitigan ni Malayah, "Hulaan mo."
Napatawa ang manghuhula na tila ba isang biro ang binigkas ng dalaga. "O siya, ano ang iyong pakay? Magpapahula ka ba? Bibili ng gayuma?"
Umiling si Malayah at umupo sa isang silya. Napangisi siya, "Magpapakuwento."
Napakunot ang noo ng manghuhula. "Magpapakuwento? Aba'y kakaiba ang serbisyong hanap mo ha!" Inusog nito ang inuupuan upang makalapit sa dalaga. "O siya, ano bang nais mong marinig at malaman?"
"Tungkol sa araw, buwan, at bakunawa."
-
"Mahigit dalawang dekada na ang nakakaraan ay biglaang nagsara ang portal sa pagitan ng dalawang mundo. Ito'y naging dahilan ng pagkakakulong ng ilang mga nilalang sa ating mundo. Sa mga panahong iyon ay kumalat ang impormasyon patungkol sa mga hiyas at kung paano ang isang walang pangalang diyos na nakasilip sa hinaharap ay nilikha ang mga ito ilang siglo na ang nakakaraan. Ngunit walang nakakaalam kung nasaan ang mga ito maliban sa isang mortal na pinagkatiwalaan ng diyos na iyon.
Ngunit bukod sa mga hiyas, kumalat din ang balita patungkol sa ikapitong beses na pagpapakita ni bakunawa sa dapithapon. Ikapito. Noong ika-anim ay isang babaylan ang nakakita sa pangitaing iyon. Tuluyang lalamunin ng bakunawa ang buwan maski ang araw. Ayon sa babaylan, iyon daw ang sandaling pagbubukas muli ng portal at hindi na muling pagsasara nito."
"Kailan ang ikapitong beses na pagpapakita ni bakunawa sa dapithapon?" Tanong ni Malayah sa manghuhula.
"Walang may alam. Ngunit mayroong ibang mga babaylan na naniniwalang ang bakunawa ay ang nilalang sa sinaunang tagna."
"Nilalang sa sinaunang tagna?"
Tumango ang manghuhula. "Maski ba iyon ay hindi mo alam, hija? O siya, ikukuwento ko sa iyo."
Tumikhim ito bago magpatuloy. "Ilang siglo na ang nakakaraan noong maihayag ang isang tagna noon. Sinasabing isang nilalang na may biyaya ng liwanag at kadiliman ang isisilang sa mundong ito. Ang nilalang na iyon ay maghahasik ng lagim sa dalawang mundo. Panganib ang kanyang dala."
"Sino ang nilalang sa sinaunang tagna?"
"Walang may alam sapagkat noong sandaling isilang ito'y kinuha ito ng diyos ng araw, si Apolaki. Matapos iyon ay hindi na muling nakita pa ninuman sa kanilang baryo ang sanggol."
"Anong baryo ang iyong tinutukoy?"
"Ang Makitan."
Natigilan si Malayah. Ang Makitan?
"Ang Makitan ay matatagpuan sa-"
Hindi naituloy ng manghuhula ang pagkukuwento nang tumayo na si Malayah mula sa pagkakaupo. Inilapag ng dalaga ang dalawang pirasong ginto sa lamesa. "Maraming salamat," sambit nito at tuluyang umalis.
"Saglit lang, hija! Hindi pa tapos ang aking kwento." Wika ng manghuhula ngunit nakalabas na ng tolda ang dalaga.
Madilim na ang gabi. Huminto si Malayah sa gitna ng mga taong naglalakad palabas ng simbahan. Hindi pa gaanong rumerehistro sa kanyang isipan ang lahat ng mga nalaman. Ngunit may isang bagay na tumatak sa kanya.
Sa Makitan.
--
Hindi na nagawang umuwi ni Malayah sa kanilang bahay. Sapagkat sa sandaling lumabas siya sa tolda ng manghuhula ay dumiretso siya sa sakayan ng bus upang bumyahe patungong Makitan.
Hindi niya magagamit ang sasakyan ng kanyang ama sapagkat hindi siya marunong magmaneho. Isa pa, hindi na niya nais idamay pa si Lakan sa kanyang nais gawin at tiyak niya ring hindi ito sasang-ayon.
Dala-dala ang dating mga gamit ay muli siyang tumungo sa bayang kanyang sinilangan.
--
Kinaumagahan ay tuluyang nakarating si Malayah sa Makitan.
Ang baryong kanyang nilisan noon ay ganoon pa rin. Ang kaibahan lamang ay tila nawaglit na sa isipan ng mga mamamayan ang engkwentrong naganap sa pagitan nila at ng isang manananggal.
Masiglang naglalaro ang mga bata ng sungka at nakaupo sa kawayang sahig. Ang mga mangingisdang dumaong ng madaling araw ay nagsisimula nang bumalik.
Lulan ng isang nirentahang bangka ay narating niyang muli ang kawayang baryo na nakalutang sa gitna ng karagatan.
"Malayah?"
Mula sa 'di kalayuan ay natanaw ni Malayah si Laon. Kumaway siya rito at ngumiti.
"Nagagalak akong makita kang muli!" Bati sa kanya nito nang tuluyang makalapit.
Ngumiting muli si Malayah. "Nagagalak din akong makita ka, Laon."
"Halika sa tahanan namin. Tiyak akong matutuwa sina ama at ina sa oras na makita ka! Hindi sila nakapagpaalam sa inyo noong umalis kayo. Teka, ikaw lang ba ang narito? Nasaan sina Lakan, Sagani, at Aran?"
Umiling lamang si Malayah. "Ako lang ang narito."
Napatango-tango si Laon at hindi na muling nagtanong pa.
Nang makarating sa sentro ng Makitan ay malugod siyang tinanggap ng mga tao roon. At sa pagpasok sa tahanan nina Laon ay sumalubong mula sa sala si Linsana.
"Malayah, ikaw ba 'yan?" Usal niya nang makita ang hindi inaasahang bisita. Napaiwas siya ng tingin nang maalala ang kahihiyang kanyang ginawa noon. "Tatawagin ko sina ama at ina," saad niya't kaagad na umalis.
Pinaupo ni Laon ang dalaga upang doo'y maghintay. "Bakit ka nga pala muling nabisita rito?"
Natigilan si Malayah sa tanong nito. Ang dahilan ng kanyang muling pagbisita ay upang makahanap ng impormasyon patungkol sa nilalang sa sinaunang tagna pati na ang eklipseng magbubukas muli ng portal ng Hiwaga upang tuluyan na niyang mailigtas ang kanyang ama.
Ngunit hindi niya iyon maaaring sabihin. Sa halip ay nag-isip siya ng ibang dahilan. "Nais ko sanang ipagpatuloy ang pagsasanay ko bilang isang alabay."
Napatango si Laon. "Aba'y magandang ideya 'yan. Tiyak na matutuwa sina Sol at Luna kapag nalamang narito kang muli. Nagsasanay rin sila bilang mga alabay kung kaya't wala sila rito."
Maya-maya'y dumating sina Datu Birani at Dayang Lenissa at masayang sinalubong at binati ang dalaga.
"Oh, nasaan nga pala ang mga kaibigan mo? Ano nga pala ulit ang pangalan ng mga ginoong iyon?"
"Sina Lakan, Sagani, at Aran, ina." Tugon ni Linsana.
"Sa pagkakaalam ko ay nasa kabilang Isla po si Sagani. Si Aran ay nakauwi na sa kanila at gayundin si Lakan."
Ipinaliwanag na Malayah ang kanyang nais na manatili roon pansamantala upang ipagtuloy ang pagsasanay niya bilang isang alabay. Natuwa naman ang mag-asawa at malugod na sinabing maaaring tumuloy sa kanilang tahanan ang dalaga hangga't nais niya.
"Maraming salamat po sa pagtanggap ninyo sa akin."
Matapos mag-almusal ay lumabas si Malayah upang pagmasdan ang kabuuan ng Makitan. Huminga siya nang malalim upang langhapin ang sariwang hangin mula sa dagat.
Hindi niya alam kung bakit ngunit nais niyang malaman ang tungkol sa nilalang sa sinaunang tagna. Marahil ay dahil ito ang magiging tanging susi niya ngayon upang mailigtas ang ama.
Muli siyang huminga nang malalim upang pakalmahin ang sarili at pigilan ang mga nagbabadyang luha. Tumingala siya sa langit at ipinikit ang mga mata.
"Hintayin mo ako, Papa."
***
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro