43. Portal
Kaagad na hinitak ni Lakan si Malayah patungo sa kanyang likuran at hinugot mula sa sisidlan ang kanyang patalim. Inilabas ni Sagani ang kambal niyang kampilan. Si Aran naman ay kinuha mula sa kanyang bulsa ang balaraw.
Ibinulsa ni Malayah ang sisidlan ng mga hiyas at kinuha rin mula sa kanyang likuran ang kampilan ng kanyang ama. Humakbang siya upang makapantay ang mga kasama at hinarap ang mga tikbalang.
"Hindi namin nais ng gulo. Ang pakay lamang namin ay ang mga hiyas."
"Hindi ninyo maaaring kuhanin ang mga hiyas sapagkat kami ang unang nakakuha rito," mariing saad ni Sagani.
Tumalon ang mga tikbalang patungo sa bunganga ng bulkan. Nakangising inilibot ng pinuno ng mga ito ang mga mata sa kulob na espasyong kinaroroonan nila. "Kung hindi niyo nais masaktan ay kusa ninyong ibigay sa amin ang mga hiyas."
Hinigpitan ni Malayah ang hawak sa kampilan. "Hindi kailanman," turan niya at sumugod sa mga ito.
Sumunod sa kanya ang mga kasama at sa loob ng bunganga ng bulkan ay nagharap sila at ang mga tikbalang.
Ngunit madilim. Maliit ang espasyong kanilang kinaroroonan. At masyadong marami ang mga tikbalang na naroroon.
"Hindi natin sila kakayanin!" Hiyaw ni Aran.
Nilingon ni Lakan si Sagani at tumango naman ito sa kanya. Pinuntahan niya si Malayah at Aran habang si Sagani ay mag-isang hinaharap ang mga kalaban.
Itinuro ni Lakan ang isang bahagi ng pader ng bulkan na may pagkalubak at maaaring akyatan. "Lilibangin namin ni Sagani ang mga tikbalang upang makatakas kayo."
Napakunot ang noo ni Malayah. "Ano?"
Hinitak niya ang dalawa patungo rito. "Susunod kami. Ang mahalaga ay mailayo ninyo ang mga hiyas sa kanila."
Tumango si Aran kay Lakan at hinila si Malayah paakyat na kunot-noong nakatitig pa rin sa dalawang kasama na nakikipaglaban sa mga tikbalang.
Napabuga ng hangin ang dalaga at tuluyang umakyat. Unang nakarating sa itaas si Aran at inalalayan niya si Malayah na makaangat.
Ngunit sa pagtayo at paglingon nilang muli sa ibaba ay nanlaki ang kanilang mga mata nang makita ang isang liwanag ng kumukulong putik sa biyak ng lupa rito. At sa dulo nito'y nakita nila ang dalawang pares ng mga kamay na mahigpit na nakakapit sa dulo ng lupa.
"Paano ba 'yan? Ipagpapalit niyo ba ang buhay ng mga kaibigan ninyo para sa mga hiyas?"
Napatulala si Malayah rito. Muli niyang hinigpitan ang hawak sa sisidlan ng mga hiyas na nasa kanyang bulsa. Kung ibibigay niya ang mga hiyas ay hindi siya makakarating sa Hiwaga. Ngunit paano naman sina Sagani at Lakan?
Huminga siya nang malalim upang pakalmahin ang sarili. Kinuha niya mula sa bulsa ang sisidlan at inilabas sa palad ang apat na hiyas.
"Mayroon lamang limang hiyas at nagamit na ng kumuha kay Papa ang isa. Ang apat na hawak ko ngayon ay ang pinakahuli sa mundong ito." Iniyukom niya ang kamay na may hawak dito. "Tatlo lamang ang maaaring mangyari sa mga ito. Maaaring magamit namin, magamit ninyo, o kaya naman ay walang makikinabang nito."
Binasag ni Malayah ang mga hiyas sa kanyang palad at ihinagis sa pinakamalayong kanyang makakaya. Sa pinagbagsakan ng mga ito ay lumitaw ang apat na portal na kasya lamang ang apat na mga nilalang.
Nilingon niya si Aran. "Takbo!" Hiyaw niya na ginawa naman ng binata.
At kagaya ng kanyang inaasahan, tumakbo ang lahat ng mga tikbalang paakyat at patungo sa mga portal dahilan upang makababa siya nang ligtas at malapitan ang dalawang kasama.
Kaagad niyang hinitak ang mga ito palayo sa kumukulong putik. "Tayo na!" Saad niya at tumakbo sa pag-asang mas mauunahan nila ang mga tikbalang patungo sa portal.
Sa pag-akyat ay nasaksihan nila ang isang marahas na pangyayari. Ang lahi ng mga tikbalang ay nagpapatayan upang pigilan ang isa't-isa na makarating sa kinaroroonan ng aapat na portal.
Nang tuluyang makaakyat ay nakita ni Malayah si Aran na naroon na sa tapat ng isa sa mga portal ngunit hindi pa rin pumapasok. Nang makita siya nito ay kaagad siyang kinawayan. "Malayah, Sagani, Lakan! Hali na kayo!"
"Pumasok ka na, Aran. Susunod kami!" Hiyaw niya ngunit napakunot lamang ang noo nito.
Nakatitig lamang si Aran sa mga kasama dahilan upang 'di mapansin ang sugatang tikbalang na halos gumagapang na lamang ang humitak sa paa ng binata dahilan upang siya'y matumba.
"Aran!" Hiyaw ni Malayah.
Kaagad silang nakipag-unahan sa mga tikbalang at nakisali sa laban ng mga ito. Nang makaalis si Aran sa pagkakahawak ng isa sa mga tikbalang ay wala siyang nagawa kung hindi ang sundin ang sinabi ni Malayah.
Tumawid si Aran sa isa sa mga portal at nang maglaho'y naglaho rin ang portal dahilan upang matira na lamang ay tatlo.
Ngayo'y ang nakatayo na lamang sa tuktok ng bundok ay sina Malayah, Lakan, Sagani, at ang tatlong natitirang tikbalang habang ang iba'y tuluyan nang nakahandusay sa sahig.
Hindi na nila sinayang ang oras sa pakikipaglaban sa isa't-isa at kaagad na nagsitakbo patungo sa portal. Mabilis ang pagtakbo ng mga tikbalang ngunit hindi sila nagpatalo. Sa abot ng kanilang makakaya ay pilit nilang marating ang mga portal.
Sa mga sandaling iyon ay nangunguna ang dalawang tikbalang at si Malayah. Tuluyang nakalusot sa portal ang dalawa habang patuloy pa rin sa pagtakbo si Malayah patungo sa huling portal.
Ngunit sa sandaling kanya nang maaabot ang portal ay isang malakas na puwersa ang nagpatilapon sa kanya patagilid.
Napadaing si Malayah nang tumama ang kanyang kaliwang braso sa mabatong sahig. At sa huling portal ay nakita niya ang pinuno ng mga tikbalang na naroon. Ngumisi ito sa kanya bago tuluyang tumawid at tuluyang maglaho ang pinakahuling portal patungo sa Hiwaga.
--
Nakatulala lamang si Malayah na nakaupo sa balkonahe ng tinutuluyan nilang gusali habang ginagamot ni Lakan ang mga galos niya sa braso.
Tila kay bilis ng mga pangyayari. Ilang sandali'y abot-kamay na niya ang Hiwaga ngunit saglit lamang ay naglaho ito kaagad.
"Lakan, nananaginip ba ako?" Turan niya habang nakatulala sa karimlan ng gabi. Hinayaan niya ang mga luha na dumausdos sa pisngi. "O pinaglalaruan ako ng langit?"
Nilingon niya si Lakan at tuluyang humikbi. "Ang mga hiyas na pinaghirapan nating kuhanin ay wala na."
Pinagmasdan lamang at niyakap ni Lakan ang dalaga. Hindi niya batid ang dapat niyang sabihin upang pagaanin ang loob nito. Alam niya ang kahalagahan ng mga ito kay Malayah. Kung wala ang mga ito'y hindi na makakapunta ang dalaga sa Hiwaga upang sunduin ang ama.
Ngunit natigilan si Lakan nang may maalala. Mayroon pang ibang paraan, turan ng isang boses sa kanyang isipan.
Mayroon pang huling paraan upang makarating ang dalaga sa Hiwaga. At iyon ay ang tuparin nito ang sariling tagna upang mabuksang muli ang harang sa pagitan ng dalawang mundo.
Napayukom si Lakan at hinigpitan ang pagyakap sa dalaga. Matalim niyang tinitigan ang madilim na langit, umaasang makakarating ito sa mga diyos at diyosang tiyak niyang pinagmamasdan sila mula sa Kawalhatian.
Noon pa ma'y ganito na ang kanilang gawi. Sinisira nila ang lahat ng paraan upang ang tanging matitira na lamang ay ang daang nais nilang ipatahak.
Ngunit hindi papayag si Lakan.
Sapagkat kahit anong gawin ng kahit sino, hinding-hindi niya hahayaang matupad ang tagnang nakaukit sa mga palad ni Malayah.
At kung kakailanganin, siya mismo ang gagawa ng panibagong daan.
--
Noong gabi ring iyon, nang tuluyan nang makatulog si Malayah mula sa paghikbi, ay lumabas si Lakan sa gusaling kanilang tinutuluyan. Nagtungo siya sa kakahuyan at doo'y nakita niya ang isang gamu-gamo na sumusunod sa kanya.
"Alam kong ikaw 'yan, Dalikmata." Seryoso niyang usal.
Unti-unti ay nagwangis isang babae ang gamu-gamo. Sa ilalim ng buwan ay kumikinang ang kasuotan nitong yari sa pilak na tela. Maski ang ginto nitong awra ay nagpapaliwanag sa madilim na paligid.
"Sinabi ko sa'yong huwag kang mangialam, hindi ba!?" Turan ni Lakan na umalingawngaw sa kakahuyan.
Napakunot ang noo ng diyosang si Dalikmata at lumapit dito. Sa paghakbang ay kumakalansing ang mga diyamanteng nakasuot sa kanyang ulo. "Pinagtataasan mo ba ako ng boses, Apalaan?"
Napaiwas ng tingin si Lakan nang mapagtanto ang kanyang ginawa. Isa pa ring diyosa ang kanyang kaharap at siya'y hamak na immortal lamang.
Napabuntong hininga si Dalikmata at taas noong pinagmasdan ang kausap. "Kung ang tinutukoy mo ay ang mga tikbalang, sinasabi ko iyo, wala akong kinalaman sa kahit ano. Hindi ako o ang iba pang mga diyos."
Napalingon dito si Lakan. Kung hindi ang mga diyos ay sino?
"Apalaan, ang langit na mismo ang gumagawa ng paraan."
Pinagmasdan ni Lakan ang diyosa at siniyasat kung nagsasabi ba ito ng totoo. Kalauna'y umiwas siya ng tingin at bumuntong hininga upang pakalmahin ang sarili.
"Kung tunay ngang wala kang kinalaman ay tulungan mo ako, Dalikmata."
Napataas ang kilay ng diyosa. "Isang tulong?"
Tumango si Lakan. "Sunduin mo si Apulatu mula sa Hiwaga at ibalik dito."
Tinitigan lamang siya ng diyosa.
"Iyon naman ang puno't-dulo ng lahat ng ito. Kung hindi ko dinala roon si Apulatu ay hindi aabot sa ganito ang lahat."
Napatulala lamang si Dalikmata sa kanyang kausap, tila hindi makapaniwala sa narinig. Huminga siya nang malalim at tumango-tango. "Kung ganoon ay tuluyan mo na talagang isinusuko ang pagiging isang diyos para sa babaeng iyon?"
"Pakiusap, Dalikmata. Hindi ko hahayaang ipahamak ng tagna si Malayah-"
"Ngunit sa ginagawa mong iyan ay ikaw ang mapapahamak!"
Muling huminga nang malalim si Dalikmata upang pakalmahin ang sarili. Ang diyosa'y umiling. "Hindi kita tutulungan, Apalaan."
Hindi kumibo si Lakan.
"Ang pagtanggi kong ito ay para sa iyo rin. Matinding kalaban ang tadhana, Apalaan."
Tumalikod ang diyosa ngunit bago maglaho'y muling nagsalita. "Ngunit kung magising ka sa iyong kahibangan at tuluyang magbago ang pasya, tawagin mo lamang ako. At doo'y tutulungan kitang makabalik sa Kawalhatian."
Pinagmasdan ni Lakan na tuluyang maglaho ang diyosa. Nakatitig sa kawalan ay siya'y umiling-iling.
"Hindi kailanman magbabago ang aking pasya. Ililigtas ko mula sa tagna si Malayah."
***
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro