40. Himala
"Malayah!"
Mula sa sikmura ng mandirigmang akmang papaslang sa kanya ay tumagos ang isang patalim. Sa pagkahugot dito ay natumba ang mandirigma sa lupa. At mula sa likod nito ay nakita ni Malayah ang pigura ni Aran.
Nadapo ang tingin ng binata sa walang-malay na kaibigan. Kaagad itong lumapit sa kanila. "Anong nangyari kay Lakan?"
Hindi makatugon si Malayah. Hindi niya mapigilan ang pagdausdos ng mga luha sa kanyang pisngi. Sa kanya dapat ang palasong iyon. Nanginginig ang kanyang mga kamay na may bahid ng dugo. Maski ang kanyang damit ay namamantyahan ng pula.
Pilit niyang pinipigilan ang pagdurugo ng sugat ni Lakan. Pilit niya itong ginigising. Niyuyugyog ang magkabilang mga balikat. Pakiramdam ni Malayah ay isa lamang itong bangungot. Na baka pinaglalaruan lamang siya ng kakaibang pwersa.Ngunit hindi. Totoo ang lahat ng ito. Kagaya ng pagkawala ng kanyang ama. Kagaya ng pagkamatay ni Agua.
Marahil ay tama ang kanyang lola. Isa nga siyang itim na pusa. Sa lahat na lamang ng mga taong nalalapit sa kanya, tanging trahedya ang kanyang dala-dala.
Ngunit hindi siya papayag. Hindi siya papayag na maski si Lakan ay mawala.
Inilibot ni Malayah ng tingin ang paligid. At mula sa 'di kalayuan, sa gitna ng mga mandirigmang nagdidigmaan ay nakita niyang naglalakad palapit sa kanila ang matandang lalaki.
Umusbong ang gatiting na pag-asa sa puso ni Malayah. Tinitigan niya ang matanda nang may pagmamakaawa. "Pakiusap, tulungan mo si Lakan."
Si Pagtuga ang nag-utos sa pagpatay kay Panganoron. Alam ni Pagtuga ang lasong ihinalo sa patalim. At lalong tiyak na alam din nito kung paano ito lunasan.
Napahinto ang matanda at napatitig sa dalagang kumakatawan kay Magayon. Mula rito ay ibinaling niya ang tingin sa duguang si Panganoron. Hanggang sa madapo ang mga mata sa walang malay na sariling katawan sa likuran.
Muli siyang bumaling sa nagmamakaawang mga mata ni Malayah. Kung ang dating Pagtuga ang nakatitig sa mga ito ay tiyak na magagalak ito sa mga nangyayari. Pinagmasdan niyang muli ang duguan at walang malay na binata sa kanlungan ng dalaga.
Lubos ang galit niya kay Panganoron. Ang mortal niyang karibal. Noon ay iniisip niyang ang dahilan kung bakit hindi siya minahal ni Magayon ay ang binatang ito.
Ngunit sa tagal ng panahon na paulit-ulit ipinapakita ng pulang hiyas sakanya ang trahedya, napagtanto na niyang hindi iyon ang dahilan. Na kahit hindi pa nakilala ni Magayon si Panganoron o kahit pa mamatay man ito, hinding-hindi pa rin siya magagawang mahalin ng dalaga.
Sapagkat hindi sila ang para sa isa't-isa.
Marahil ay ang kasagutan nga sa lahat ng bagay ay ang pagtanggap. Tanggapin na hindi lahat ng kanyang nais ay kanyang makukuha. Tanggapin na hindi talaga para sa kanya ang pinakamamahal na daraga.
At ngayon ay tila maluwag na sa loob ni Pagtuga ang lahat.
Muli siyang humakbang papalapit sa mga ito at tiningnan ang kalagayan ni Lakan. Ipinatong niya ang kamay nito sa kanyang balikat at nilingon si Aran.
"Tulungan mo akong buhatin siya."
--
Tuluyan nang nabago ang mga eksena sa sinumpaang dimensyong kanilang kinaroroonan.
Tumungo sila sa tahanan ng punong babaylan upang ipagamot si Lakan at kaagad naman sila nitong tinugunan.
Sa mga sandaling iyon, nakatulala lamang si Malayah at patuloy ang pag-agos ng mga luha sa pisngi. Sa mga hibla ng kanyang kasuotan at ng kanyang balat ay bitbit-bitbit niya ang mga bahid ng dugo ni Lakan. At sa bawat mga luha'y unti-unti itong nahuhugasan.
"Masyadong malala ang natamo niyang sugat. Hindi ko masisiguro ang pagkabuhay niya mula rito-"
Isinandal ni Aran sa kanyang balikat ang ulo ni Malayah at tinakpan ang mga tainga nito. Nilingon niya ang matandang Pagtuga. "Maaari 'ho ba na gawin niyo po ang inyong makakaya? Huwag niyo naman pong pahinain ang loob namin."
Natigilan si Pagtuga at bumuntong-hininga. Tumango ito at naglakad pabalik upang tulungan ang punong babaylan sa panggagamot.
"Huwag mo siyang pakinggan, Malayah. Alam nating pareho na makakaligtas si Lakan, hindi ba?"
Tila maski sa pagtango ay naubusan na ng lakas si Malayah. Ngunit hindi niya rin naman alam ang isasagot. Hindi niya sigurado. Paano kung hindi? Ang palasong iyon ay para sa akin, paulit-ulit na tumatakbo sa kanyang isipan. Ako dapat ang nasa ganoong kalagayan.
Tila unti-unting nadudurog ang kanyang puso. Pamilyar ang pakiramdam na iyon kay Malayah. Pamilyar na pamilyar. Ganoon din ang kanyang naramdaman noong mamatay si Agua nang dahil sa kanya.
Pakiramdam ni Malayah ay tila ba pinaparusahan siya ng langit sa paraang alam nitong pinakamagdurusa siya.
"Dapat ay ako na lamang..." bulong niya sa hangin sa pagitan ng paghikbi.
"Malayah, huwag ka ngang magsabi ng ganyan. Walang may gusto ng nangyari."
Mapait niyang nilingon si Aran. "Para kay Magayon ang palasong iyon, para sa akin. Ako dapat ang naroon, Aran."
Hindi na muling kumibo si Aran at pinagmasdan lamang ang kaibigan. Kalaunan ay niyakap niya ito at sinabing, "Magiging maayos din ang lahat, Malayah."
Hinayaan ni Aran na humikbi ang kaibigan sa kanyang balikat hanggang sa tuluyan na itong huminto. Hindi na ito gumalaw na tila ba nakatulog na. Inalalayan ito ni Aran na isandal sa inuupuan.
Ngunit nagtaka siya nang maramdaman ang panlalamig ng mga palad ng dalaga at pamumutla ng balat nito.
Tinapik-tapik ni Aran ang pisngi nito. "Malayah, ayos ka lang ba?"
Hindi kumibo ang dalaga kung kaya't muli niyang tinapik. "Malayah?"
Sa sandaling iyon ay huminto siya at nagtataka itong pinagmasdan. Marahil ay nakatulog lamang ito. Ngunit nang madapo ang tingin niya sa bandang tiyan ng dalaga at sa duguang kasuotan nito ay napakunot ang kanyang noo.
Sa unang tingin ay aakalaing bahid lamang ito ng dugo mula sa sugat ni Lakan ngunit kung pagmamasdang mabuti ay masyadong madami ang dugong iyon na halos sinakop na ang buong tela ng kasuotan ng dalaga.
Kaagad na binutas ni Aran ang damit ni Malayah at sa tagiliran ng dalaga ay nakita niya ang isa ring sugat.
At doon ay napagtanto niyang umabot sa dalaga ang palasong tumama kay Lakan.
--
Hindi nakagalaw si Sagani sa kanyang kinatatayuan.
Sa kanang kamay ay mahigpit niyang hawak ang pana at sa kaliwa nama'y ramdam pa rin ang init ng pinakawalan niyang palaso.
'Di kalayuan sa kanyang kinaroroonan ay naroon ang duguang si Lakan at ang humihikbing si Malayah.
Mabilis na lumipas ang mga pangyayari. Umatras si Sagani at humakbang papalayo roon. Nang matauhan ay napahinto siya. Kaagad niyang binitawan ang hawak na pana at pinagmasdan ang mga palad.
Kunot-noo niyang nilingon ang kaninang kinaroroonan ng mga kaibigan at nakitang wala na ang mga ito.
Ngayon niya lamang napagtanto ang kanyang nagawa.
Hindi alam ni Sagani ang nangyayari. Marahil ay isa lamang itong panaginip? Ang huli niyang naaalala ay ang pagyanig ng lupa at pagkahulog sa bunganga ng bulkang Mayon.
At nang magising muli ay narito siya.
Dinala si Sagani ng kanyang mga paa sa isang tahanang gawa sa mga pawid at kawayan. Mula sa pinto ay nakita niya ang isang babaylan at matandang lalaki na gumagamot kay Lakan.
Sa bungad naman ng bahay ay naroon sina Aran at Malayah. Walang malay ang dalaga at tinatapik-tapik ng binata ang mga pisngi nito upang magising.
Unti-unting humakbang patungo rito si Sagani.
Tinapyas ni Aran ang kapiraso ng tela ng damit ni Malayah at mula roon ay nakita nila ang isang sugat na hindi magtigil sa pagdurugo.
Nanlaki ang mga mata ni Sagani at kaagad na lumapit. "Anong nangyari?"
Gulat na napatingin sa kanya si Aran. Nais matuwa ng binata nang makita ang mandirigma ngunit nasa panganib ang isa pang kaibigan.
Kaagad na binuhat ni Sagani ang walang malay na dalaga patungo sa loob ng tahanan. Napatingin ang punong babaylan at ang matandang lalaki nang ihiga niya sa kabilang kama si Malayah katabi ng kay Lakan.
"Natamaan din siya ng palaso," usal niya at napaiwas ng tingin nang maalalang mula sa kanya ang palasong iyon.
Muling lumabas sina Sagani at Aran upang hayaan ang punong babaylan na gamutin ang kanilang mga kaibigan.
"Ngayon ka lang ba nakarating dito?"
Napalingon siya kay Aran. "Anong ibig mong sabihin?"
"Ang mundong ito ay isang dimensiyon. Aksidenteng nabuksan ni Malayah ang portal sa tuktok ng bulkang Mayon dahilan upang mapunta tayo rito."
"Isang portal?"
Tumango si Aran. Ikinuwento niya ang lahat sa kaibigan. Mula sa alamat na nabubuhay rito hanggang sa kakaibang pwersa na kumokontrol sa kanila upang gumanap bilang mga tauhan.
"Nakapagtataka kung bakit ngayon ka lamang nakarating. Ano ang ginagampanan mo?"
Hindi kumibo si Sagani. At nanlaki ang mga mata ni Aran nang may mapagtanto. "Huwag mong sabihing..."
"Ako ang nagpakawala ng palaso."
--
Unti-unting iminulat ni Lakan ang mga mata at bumungad sa kanya ang kisameng gawa sa pawid at kawayan.
Kaagad siyang napabangon mula sa pagkakahiga nang maalala ang mga nangyari. Kaagad niyang tinanggal ang damit upang tignan ang natamong sugat.
Huminga siya nang malalim dahilan upang bigla itong kumirot. Tumagos sa kanyang katawan ang palaso ngunit hindi siya nagtataka sa kanyang pagkakaligtas.
Isa siyang imortal.
Ngunit napadaing si Lakan nang muli itong kumirot. Bagama't ang pagiging imortal ay hindi siya hahayaang mamatay, maipararamdam pa rin nito ang sakit ng natamong sugat.
Mabilis ang paggaling nito dahil sa kanyang 'di pangkaraniwang katauhan. At tiyak ni Lakan na ilang araw lamang ay tuluyan nang hihilom ang kanyang sugat at hindi na kailangang indahin ang sakit nito.
"Lakan? Gising ka na!"
Mula sa pinto ay naaninag niya ang imahe ni Aran. Kaagad itong tumakbo patungo sa kanya at siya'y niyakap.
Biglang napadaing si Lakan nang matunggo nito ang sugat kung kaya't kaagad na bumitaw si Aran. "Pasensya na, hehe."
Mula sa likod ng binata ay nakita niya ang punong babaylan at ang matandang Pagtuga. Sa tabi nito'y naroon si Sagani.
Napayukom ang mga kamay ni Lakan nang makita ito. Malinaw pa sa kanyang alaala ang katotohanang ang mandirigma ang nagpakawala ng palasong tumama sa kanya.
"Ikaw..."
Kaagad na pumagitna si Aran sa dalawang kaibigan. "Ang mahiwagang pwersa, Lakan. Iyon ang may kasalanan."
Tama si Aran. Nasa ilalim ng kakaibang pwersa ang kaibigan at hindi nito nais ang ginawa. Ang eksenang iyon ay matagal nang nakasulat at nagkataon lamang na naka'y Sagani ang karakter na gaganap dito.
Mula kay Sagani ay sinipat ni Lakan ang pinto at tila may hinahanap na lumitaw mula rito. Nilingon niyang muli si Aran na nakatayo sa kanyang tabi. "Nasaan si Malayah?"
Hindi kaagad tumugon si Aran at napatingin sa mga kasama. Iyon ay naging dahilan ng pagkunot ng noo ni Lakan. "Aran, nasaan si Malayah?"
Napabuga ng hangin si Aran at nakayukong nilingon ang kaibigan bago sabihin ang naging kalagayan ng dalaga.
--
Hindi nag-atubili si Lakan na tumungo sa silid na kinaroroonan ni Malayah. Hindi niya inda ang pagkirot pa rin ng kanyang sugat at kaagad na naglakad patungo sa kinahihimlayan ng walang malay na dalaga.
Umupo siya sa upuan sa tabi nito at hinawakan ang kamay ni Malayah. Huminga siya nang malalim upang pakalmahin ang mabigat na pakiramdam sa kanyang dibdib.
Pinagmasdan niya ang maputla at walang buhay na mukha ng dalaga.
"Maraming dugo ang nawala sa kanya. Lalo nitong pinalala ang lason ng palasong tumama," wika ni Pagtuga.
Napayukom ang mga kamao ni Lakan. Sinubukan niyang iligtas si Malayah sa pamamagitan ng pagsalo sa palaso ngunit kahit pa nasalo ay hindi niya napigilan ang pagkakatama nito sa dalaga.
"Isang himala ang pagkabuhay mo sa palasong iyon, Lakan..."
Napalingon siya kay Pagtuga at muli ring napaiwas. Isa siyang imortal. Hindi iyon isang himala.
"... Ngunit hindi ko batid kung ganoon din si Malayah."
***
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro