Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

38. Ang Kasal

"Lakan, saan ka pupunta?"

Nilingon siya nito. "Susundan ko si Malayah."

"Ano? Pero..."

Nagpatuloy sa paglalakad si Lakan na sinundan naman ni Aran. "Hindi ako kampante sa plano ni Malayah. Kailangan kong masigurado na makukuha niya talaga ang huling hiyas."

Walang nagawa si Aran kung hindi ang sumunod. May punto si Lakan. Kagaya nito ay nais niya ring masigurado na makukuha ng kaibigan ang huling hiyas. Na pare-pareho ay makakarating sila sa Hiwaga.

"Lakan, alam mo ba kung saan pupunta si Malayah?"

Hindi na batid ni Aran kung nasaang parte na sila ng masukal na gubat.

Umiling si Lakan at nilibot ng tingin ang paligin upang humanap ng kahit anong bakas na magtuturo sa kanila sa kinaroroonan ni Malayah.

"Kung ganoon ay lilibutin natin ito?" Bulalas ni Aran. Halos mapabagsak ang mga balikat niya dahil sa ideyang iyon. Nilingon siya ni Lakan.

"Kung nais mo ay huwag ka nang sumama, ang ingay-ingay mo."

Napakamot na lamang ng ulo si Aran at tahimik na sinundan si Lakan. Bakit pakiramdam niya ay nahahawa na ito sa salitaan ni Malayah.

'Di nagtagal ay narating nila ang isang kweba sa gitna ng masukal na gubat.

Nang maaninag ang pigura ni Malayah mula sa loob ay kaagad na pumasok ang dalawa. Ngunit napahinto sila nang mapagtantong may kaharap ito. Isang matandang lalaki. Yaong nakita nila noon sa piging ni Datu Makusog.

"Malayah?"

Nanlaki ang mga mata ni Malayah nang lingunin ang dalawa. "Anong ginagawa niyo rito?"

Bumaling muli ang dalaga sa matanda bago lumapit sa mga kasama at hitakin ang mga ito papalabas ng kuweba. "Tayo na, gamitin niyo na ang mga hiyas."

Hindi kumibo si Lakan at nabaling ang tingin sa mga kamay ni Malayah. "Wala pa sa'yo ang huling hiyas."

Hindi ito pinansin ni Malayah at lumingon kay Aran. "Aran, gamitin mo na ang hiyas."

Ngunit hindi tuminag si Aran at tulala lamang na nakatitig sa dalaga. Ngayon ay tila napagtanto na ng dalawa ang tunay na balak ng dalaga.

Katahimikan ang bumalot sa kanila.

Humakbang si Lakan papalapit sa dalaga. "Sabihin mo, hindi mo talaga alam kung nasaan ang huling hiyas, hindi ba?"

Hindi kumibo si Malayah at tinitigan lamang ito.

"Hindi natin gagamitin ang hiyas sapagkat kulang ang mga ito. Sabay-sabay tayong aalis dito." Wika ni Lakan.

Mariing umiling si Malayah. "Hindi tayo makakaalis lahat dito. Kailangang may maiwan na isa."

Humakbang papalapit si Lakan at iniabot sa kamay ng dalaga ang hawak na hiyas. "Kung gayon ay ako ang maiiwan."

Umiling si Malayah at isinauli sa binata ang hiyas. "Ako ang dahilan kung bakit tayo narito. Ako dapat ang maiwan."

Kaagad na umiling si Lakan. "Hindi ka maaaring maiwan. Paano ang Papa mo?"

"Ngunit-"

"Kung ganon ay wala nang aalis."

Napalingon silang dalawa kay Aran.

"Sabay-sabay tayong pumunta rito kung kaya't sabay-sabay rin tayong aalis. At kung hindi man tayo makaalis, e'di sabay sabay tayong manatili rito."

Umiling-iling si Malayah sa mga kaibigan. "Hindi maaari." Pinagmasdan niya ang dalawang kasama. "Mamamatay tayong lahat dito! Hindi niyo ba ako naiintindihan?"

Ngunit tumango lamang sina Aran at Lakan. Batid nila ang mga mangyayari. Ngunit hindi nila maaaring iwanan si Malayah. At kung wala na ngang ibang paraan upang makaalis, payapa nilang tatanggapin ang kahihinatnan.

Napatitig lamang si Malayah kay Aran bago bumaling kay Lakan. Humakbang ang binata palapit sa kanya at pinunasan ang mga luhang hindi niya napansin na dumadausdos na sa kanyang mga pisngi. Lumapit si Lakan upang yakapin siya. Ganoon din si Aran. Pumikit siya upang damhin ang presensya ng mga kaibigan.

"Ang senyales ng pagsibol ng isang sibilisasyon ay ang malamang hindi ka nag-iisa."

Sa unti-unting pagkawala ng init ng mga presensya nito ay batid ni Malayah na unti-unti nang naglalaho ang lahat. At sa muling pagmulat ng kanyang mga mata ay napagtanto niyang iba na ang kanyang kinaroroonan. Wala na roon ang mga kaibigan.

Naramdaman na lamang ni Malayah ang mga binting naglalakad sa malawak na kapatagan ng bayan patungo sa hindi pamilyar na lupain.

Patuloy na naglakad si Magayon patungo sa kinaroroonan ni Pagtuga. Isusuko ang sarili upang iligtas ang mahal niyang ama.

--

"Alam kong darating ka, daragang Magayon."

Napayukom ang mga palad ni Magayon at matalim na tinitigan si Pagtuga. "Nasaan ang aking ama?"

"Huwag kang mag-alala. Siya'y ligtas at buhay."

Napaiwas ng tingin si Magayon nang isang ngisi ang kumurba sa mga labi ni Pagtuga. Naiinis siya rito. Kung hindi lamang dahil sa kanyang ama ay hindi siya pupunta at makikipagkita sa lalaking iyon.

Nang ihinatid siya sa kwartong pinagkulungan ni Datu Makusog ay kaagad na pumasok si Magayon at niyakap ang ama.

"Ayos lang po ba kayo? Sinaktan ka po ba nila?"

Umiling ang datu at hinaplos ang buhok ng anak. "Ayos lang ako, Magayon. Ngunit anong ginagawa mo rito? Dapat ay tumakas ka na kasama si Panganoron."

Umiling si Magayon. "Hindi ko kayo iiwan dito, ama. Parehas tayong tatakas."

Napalingon ang mag-ama nang bumukas ang pinto at mula roon ay nakita si Pagtuga at ang mga kawal niya.

Kinuha ng mga lalaki si Magayon at inilayo sa kanyang ama. "Bitawan ninyo ako!" Humarap siya kay Pagtuga at binato ito ng masamang tingin. "Ano bang kailangan mo sa akin at sa aking ama?"

Sandaling tinitigan ni Pagtuga ang dalaga at sumandal sa kawayang pader. "Simple lang naman, Magayon." Isang ngisi ang kumurba sa mga labi ng binata. "Pakasalan mo ako."

Napatawa si Magayon. "Nahihibang ka na ba, Pagtuga? Hinding-hindi kita pakakasalan!"

Tumawa pabalik si Pagtuga. "Talaga?" Hinugot nito ang isang kampilan mula sa sisidlan sa tagiliran at itinutok sa leeg ng datu. "Kahit pa mamatay ang iyong ama?"

Pilit kumawala si Magayon sa mga kawal na may hawak sa kanyang mga braso. "Lapastangan! Ibaba mo ang kampilan mula sa leeg ng datu!"

"Ibababa ko lamang ito kung susundin mo ang aking nais."

Huminto sa pagpupumiglas ang dalaga at napayuko.

"Magayon, huwag mo siyang pakinggan." Malumanay na turan ng kanyang ama.

Isang patak ng luha ang dumausdos sa pisngi ni Magayon. Itinaas niya ang ulo at pinagmasdan nang may pagkamuhi si Pagtuga. "Kailan ang kasal?"

"Magayon!"

Hindi pinansin ng dalaga ang pagtawag ng kanyang ama. Pinagmasdan niya lamang ang lalong paglawak ng ngiti ng kaharap.

"Mamayang gabi."

Nanlaki ang mga mata ni Magayon. "Mamayang gabi?"

Prenteng tumango si Pagtuga. "Tama, mamayang gabi."

Napabagsak ang mga balikat ni Magayon.

Bumaling si Pagtuga sa kanyang mga kawal. "Kung kaya't ihatid niyo na ang aking mapapangasawa sa kanyang silid upang bago ang kasal ay makapagpahinga siya."

--

Sa buong magdamag na iyon ay walang ginawa si Magayon kung hindi ang humikbi hanggang sa siya ay makatulog.

At nagising lamang nang isang tagapagsilbi ang pumasok sa kanyang silid.

"Oras na po upang maghanda sa inyong kasal."

Naalimpungatan si Magayon. Akala niya'y isang panaginip lamang ang lahat. Ngunit sa pagmulat niya ng mga mata at masilayan ang hindi pamilyar na paligid ay napagtanto niyang totoo ang lahat. Ikakasal sila ni Pagtuga ngayong gabi.

Sa buong sandali ng paghahanda ay tahimik lamang ang dalaga at hinayaang asikasuhin siya ng mga tagapagsilbi.

At nang matapos ay humarap siya sa salamin. Magarbo ang kasuotang kanyang suot. May bahid ng ginto ang bawat hibla ng tela. Sa kanyang ulo ay suot niya ang tradisyunal na putong ng kanyang mga ninuno.

Napalingon si Magayon sa pinto nang bumukas ito. Doon ay pumasok si Datu Makusog at binigyan ng isang malungkot na ngiti ang anak.

"Iwanan ninyo muna kami ng aking anak kahit ilang saglit lamang."

Nakayukong tumango ang mga tagapagsilbi at kaagad na nagsialisan.

Umupo ang datu sa tabi ni Magayon at hinawakan ang kanyang mga palad. "Kay ganda mo, mahal ko. Ngunit alam kong hindi mo ito nais gawin."

Umiling si Magayon. "Ito ay aking nais. Nais kong pakawalan ka ni Pagtuga, ama. Magiging maayos ang lahat. At... ikumusta mo na lamang po ako kay Panganoron."

Napayuko si Datu Makusog. Masakit sa kanyang loob ang makita ang anak sa ganoong kalagayan. Ngunit kahit bilang isang datu ay wala siyang magawa. Makapangyarihan ang mga magulang ni Pagtuga at kung gagawa siya ng kakaibang hakbang ay maski ang kanyang iniingatang bayan ay madadamay.

Ngunit para sa bayan ay nanaisin niya bang isaalang-alang ang kaligayahan ng anak?

Kinuha ng datu ang mga palad ni Magayon at inilagay rito ang isang pulang hiyas.

"Iyan ay pagmamay-ari ng iyong ina, Magayon. Itabi mo ito sa'yo parati at hindi ka niya pababayaan."

Sa pagtitig ni Magayon sa kakaibang bagay na nasa kanyang palad ay napatulala naman dito si Malayah. Nais niya itong pagmasdan nang mabuti ngunit dahil sa kakaibang pwersa ay hindi niya magawa.

Ngunit sa kabila ng pagkontrol ng kakaibang pwersa ay hindi siya makapaniwala. Sapagkat sa mga kamay ni Magayon-sa mga kamay niya, ay narito na ang huling hiyas.

--

Matagal nang iniimahe ni Magayon ang kanyang magiging pinakamasayang araw, ang pagpapakasal.

Ngunit hindi sa ganitong paraan. Hindi sa taong kinamumuhian niya. Hindi nang may mga luha sa mga mata.

Masakit man ngunit ito na yata ang kanyang kapalaran.

Dahan-dahan siyang naglakad patungo sa dulo ng silid kung saan naroon si Pagtuga at ang punong babaylan na magkakasal sa kanila. Sa kanyang tabi ay naroon ang kanyang ama at inaakay siya patungo roon.

Walang ibang panauhin kung hindi ang mga kawal at mga tagapagsilbi ni Pagtuga. Sinisiguradong aayon ang lahat sa kanyang nais.

Nang makarating dito ay hinaplos ng datu ang mga kamay ng anak bago hayaan si Pagtuga na kuhanin ito.

Kaagad na umiwas ng tingin si Magayon nang magtama ang mga mata nila ni Pagtuga.

Sinimulan ng punong babaylan ang seremonya. Habang nagaganap ito ay tahimik lamang na nakayuko si Magayon, nangangamba sa mga nangyayari.

Ngunit kasalungat ni Magayon ay kampante sa mga sandaling iyon ang diwa ni Malayah. Kung maaari lamang ay nais niyang sabihan si Magayon na huwag mangamba sapagkat bago mahuli ang lahat ay darating si Panganoron upang siya'y iligtas.

Ang tanging ikinababahala ni Malayah ay ang mga susunod na mangyayari matapos iyon. Ang digmaan at ang nakasulat nang pagkamatay nina Magayon at Panganoron.

Inaalala niya si Lakan. Ang trahedyang sasaluhin nito dahil sa karakter ni Panganoron. Maski ang mangyayari kay Aran sa oras na matapos ang kwento. Hindi niya maatim na isiping ang lahat ng ito ay kanyang kasalanan.

At ang naging huli niyang pag-asa ay ang taong hindi niya kailanman inisip na kanyang aasahan.

"Itigil ang kasal!"

Ang lahat ay napalingon dito maliban kay Magayon.

Hindi ito si Panganoron. Alam ni Malayah na hindi iyon si Lakan. Sapagkat masyado pang maaga para sa pagdating nito.

Natauhan siya nang hatakin siya ng matandang lalaki pababa sa entablado.

"Hoy, tanda! Anong ginagawa mo sa asawa ko!?"

"Hindi mo pa siya asawa, Pagtuga. At kailanma'y hindi siya sa'yo ibibigay ng tadhana."

Napatulala si Malayah nang makitang magkaharap ang dalawang Pagtuga. Ang karakter at ang orihinal.

Natauhan si Malayah nang utusan ni Pagtuga ang mga kawal upang sila'y hulihin. Sa katandaan ay hindi na makakalaban ang matandang Pagtuga kung kaya't kaagad na hinarang ni Malayah ang mga kawal at siya ang lumaban dito.

Doon niya napagtanto na tuluyan nang nawala ang kakaibang pwersa at malaya na siyang nakakagalaw ayon sa nais.

Sinipa niya sa simura ang unang kawal na lumapit sa kanila at kinuha ang hawak nitong kampilan. Itinutok niya ito sa mga natitirang kawal na nais sumubok na lumapit sa kanila.

"Anong ginagawa ninyo? Isa lamang iyang babae! Mga duwag!" Hiyaw ni Pagtuga dahilan upang mapalingon dito si Malayah.

Itinaas niya ang isang kilay at bahagyang tumawa. "Isang babae, huh?"

Kaagad na sinugod ni Malayah ang mga tauhan ni Pagtuga at isa-isa itong pinatumba. At matapos ay pinatong niya sa balikat ang kampilang hawak at sinandal ang batok dito.

Nakangisi siyang humarap kay Pagtuga na gulat sa mga nasaksihan. Nagsimula siyang humakbang patungo rito. Nais niyang sindakin si Pagtuga. Nais niyang matakot ito sa kanya.

Ngunit pinigilan siya ng matandang lalaki. "Umalis na tayo rito."

Napatigil si Malayah at wala namang magawa kung hindi ang sumunod. Ngunit bago tuluyang umalis ay binato niya ng masasamang tingin ang naiwang Pagtuga

***

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro