36. Umiibig
Abala si Malayah sa pagbabasa ng isang librong pagmamay-ari ni Magayon. Isa itong epiko. Naglalaman ng isang mahabang paglalakbay ng isang bayani. Mga suliraning napagtagumpayan at mga kasamaang napuksa.
Kanina lamang ay naghahalungkat si Malayah sa mga kagamitan sa kwarto ni Magayon. Kinuha niya ang mga libro, umaasa na baka mayroon siyang mahanap na kasagutan sa kanilang sitwasyon sa loob ng dimensyong ito. Ngunit wala siyang nakita. At sa katagalan ng pagbabasa ay nawili na lamang siya rito.
Naroon siya sa sala ng tahanan, nakaupo sa kawayang sahig habang ang mga braso at ang libro ay nakapatong sa isang lamesang nasasapinan ng kulay pulang tela at nabuburdahan ng mga itim na sinulid.
Sa ibabaw nito ay may nakalagay na dalawang plorera. Isa'y mayroong mga pulang rosas at ang isa'y nakalagay ang kumpol ng lilang orkidya.
Maya-maya'y pumasok sa sala si Aran at dumungaw sa binabasa ni Malayah. "Ano 'yan?"
"Isang libro," saad ng dalaga na tila ba hindi na dapat iyon itinanong ng kaibigan.
"Tingiiin!" Hinablot ni Aran mula sa kanyang kamay ang libro.
Napairap na lamang si Malayah at hinayaang umupo sa tabi niya ang kaibigan. Binuklat nito at inilipat-lipat ang mga pahina na tila hindi naman binabasa at tanging ang mga larawang nakaguhit lamang ang tinitingnan.
"Nabasa ko na ito dati," wika ni Aran nang mahinto sa isang pahina. "Mula ito sa Hiwaga."
Napalingon si Malayah rito. "Talaga?"
"Paano naman nagkaroon ng ganitong libro rito?" Tanong ni Aran.
"Marahil ay galing sa ina ni Magayon." Naalala ni Malayah ang kwento ni datu Makusog. "Isa sa mga anak ng reyna ng mga diwata noon."
Napalingon si Aran kay Malayah. "Talaga?" Hindi nito makapaniwalang saad. "Kung tunay nga ang sinasabi mo ay maaaring magkamag-anak kami!"
Naalala ni Malayah na isa nga palang kalahating diwata si Aran mula sa dugo ng ina nito habang kalahating diyos naman dahil sa ama nitong si Sitan.
"Anong pangalan ng ina ni Magayon?"
"Diwani."
Nanlaki ang mga mata ni Aran. "Si Dayang Diwani?"
Napalingon dito si Malayah. Nagtataka sa reaksyon nito. "Kaano-ano mo siya?"
Napaisip si Aran. "Lola ng lola ng lola ko? Parang ganoon. Kapatid niya ang lola ng lola ng lola ko, si Diwaii, isa sa maraming naging reyna ng mga diwata bago ang aking ina."
Napuno ng kuryosidad ang mga mata ni Malayah. "Reyna ng mga diwata ang iyong ina?" Bahagya niyang tinunggo ang balikat ng kaibigan. "Kung ganoon ay isa kang prinsipe."
Mapait lamang na ngumiti si Aran at umiling. "Hindi rin," wika nito at ibinaba sa lamesa ang libro. "Ayon sa batas ng mga diwata ay hindi maaaring kilalanin bilang isang dugong bughaw ang isang diwata na may bahid ng ibang lahi. Lalo na't ang lahing nabahid sa akin ay sa diyos na kalaban ng mga diwata."
Bahagyang nailang si Aran sa mga titig ni Malayah na tila ba naaawa sa kanya. Kaagad niya iyong iwinaksi at kinuhang muli ang libro. "Ano nga ba ulit ang kwento nito? Matagal na rin simula nang huli ko itong mabasa."
Hindi nakapagsalita si Malayah at pinagmasdan lamang ang kaibigan. Noong sinabi ni Aran na parehas pala sila, ito ba ang tinutukoy nito? Napailing si Malayah. Hindi kami magkapareho. Mas matindi ang pagdurusa na naranasan ni Aran kumpara sa kanya.
Hindi alam ni Malayah kung bakit ngunit tila nakikita niya ito. Kung paano itaboy ng mga kalahi si Aran. Kung paano ito pagtawanan at kamuhian ng ibang mga diwata. Kung paano nito tiniis ang lahat ng mga ito.
Napalingon si Aran sa kanya at bahagyang kumunot ang noo. "Bakit naman ganyan ka makatingin?"
Ang tapang tapang mo, nais sabihin ni Malayah. Nais niya itong yakapin. Nais niyang sabihin na hindi na nito kailanman mararamdaman ang ganoong pakiramdam. Ang pakiramdam na hindi nabibilang, ang pakiramdam na nag-iisa.
Ngunit ang nagawa lamang ni Malayah ay titigan ito. Marahil ay hindi pa tuluyang natutunaw ang yelo sa puso ng dalaga. Marahil ay naroon pa rin talaga ang pader na buong buhay niyang itinayo upang walang makasakit sa kanya. At ang kapalit noon ay ang tuluyang pagkawalan ng pakiramdam.
Napabuntong-hininga si Malayah. Hindi niya alam kung paano iyon sabihin sa kaibigan. Hindi niya alam kung paano iyon iparamdam sa kaibigan. Ngunit sana, bukas makalawa, maging malaya na ang puso niya sa lahat ng nais na sabihin.
-
Ilang araw pa ang nagdaan sa dimensyong iyon. Napadalas ang pagbisita ng kakaibang pwersa kay Malayah ngunit tila hindi na niya iyon napapansin sapagkat tila ba umaayon sa kanya ang mga kilos ni Magayon-na tila ba sila'y tuluyan nang nagiging isa.
Sa pagtagal ng kanyang pananatili, napagtanto ni Malayah na ang dimensyong kanilang kinaroroonan ay tila isang paraiso. Walang mga panganib. Walang mga kagila-gilalas na nilalang na dapat harapin. Walang mga hiyas na dapat hanapin. Walang mga suliranin.
Nararamdaman ni Malayah rito ang pagmamahal ng isang ama sa katauhan ni Datu Makusog. Narito rin ang kanyang mga kaibigan. At kung iisipin, wala naman talaga siyang babalikan sa totoong mundo sa oras na makabalik siya roon.
Makasarili ba kung nanaisin niyang manatili?
Dito sa dimensyong ito, dito sa katauhan ni Magayon, kahit papaano ay mayroon siyang pinanghahawakan.
Isang beses ay dinala sina Malayah at Lakan ng kanilang mga karakter na ginagampanan sa tuktok ng isang burol. Umupo sila sa damuhan at hinayaang yapusin ng malamlam na sinag ng araw sa dapithapon ang kanilang mga balat. Isinasayaw ng hangin ang kanilang mga buhok.
Nang maramdaman ang paglisan ng kakaibang pwersa ay nahiga si Malayah sa damuhan habang nakaupo lamang si Lakan at pinagmamasdan siya.
"Malayah?"
Napalingon ang dalaga kay Lakan. "Bakit?"
"May naalala ako. May nais akong itanong sa iyo."
"Ano iyon?"
Dahan-dahang nahiga rin si Lakan sa damuhan. "Noong nasa Magsaysay tayo, paano mo nalamang hinahanap ka ng mga kampon ni Sitan? At sinabi mo ring ang kwintas ang pumipigil upang mahanap ka nila."
Napatango si Malayah nang maalala iyon. Sa sobrang bilis ng mga pangyayari sa Magsaysay ay hindi na niya naipaliwanag sa mga kasama ang lahat.
"Natatandaan mo ba, ilang beses akong nakatagpo ng mga manananggal bago pa man tayo makapunta sa kuta nila? At sa bawat sandali na iyon ay matapos kong alisin ang kwintas na bigay ni Papa sa akin." Huminto siya at bahagyang napatawa. "Hindi ako sigurado sa hinala na iyon. Ang lahat ng nangyari sa lugar na iyon ay isang sugal para sa akin."
Nilingon ni Lakan ang dalaga. Unti-unti ay natutuklasan na ni Malayah ang sariling katauhan. Kahit anong gawin niya, inilalapit pa rin ng tadhana ang dalaga sa kapalaran nito. At nangangamba si Lakan. Sapagkat kung gaano palapit si Malayah sa katotohanan ay ganoon din palapit ang dalaga sa masalimuot nitong tadhana.
Kung si Lakan ang magpapasya ay nais niyang hindi na malaman ni Malayah ang lahat ng ito. Nais niyang manatili na lamang ang lahat na ganito. Na sila'y mga ordinaryong manlalakbay lamang na nais makapunta sa kabilang mundo. Hindi isang limot na diyos o isang nilalang sa sinaunang tagna.
"Sa tingin mo," ibinaling ni Lakan ang tingin sa langit, "bakit ka nila hinahanap?"
Hindi nais ni Lakan na marinig ang kasagutan sa tanong niyang iyon. Hindi niya nais marinig na batid na ni Malayah ang tungkol sa sariling kapalaran.
"Ewan ko," sambit ng dalaga at sinundan ang tingin ni Lakan sa langit. "Marahil ay katulad ng napapanuod ko sa mga pelikula?" Bahagyang napatawa si Malayah sa kanyang sinabi. "Marahil ay nakatadhana akong iligtas ang mundo. Kaya ako hinahanap ng mga kampon ni Sitan ay upang pigilan ang pagtalo ko sa kanila." Nakangiti siyang napailing sa sarili dahil sa mga sinambit at muling bumaling sa binata. "Sa tingin mo?"
Ilang sandali'y hindi kumibo si Lakan at pinagmasdan lamang ang dalaga. Ngayon ay tila naiintindihan na niya ang pakiramdam ng kapatid niyang si Tala, kung gaano kabigat ang kamalayan ng hinaharap. Tila tumutusok sa puso ni Lakan ang ningning sa mga mata ni Malayah. Hindi niya nais na mawala ang mga ito.
Mahinang-mahina ay bumulong siya sa langit. Hiniling niya na sana'y ang sinambit na lamang ng dalaga ang nakita niya sa balon ng tadhana. Sana ay ganoon nga ang lahat. Katulad ng mga nasa pelikula. Katulad ng mga nasa nobela.
Ngunit hindi. Nakatadhana si Malayah hindi upang iligtas ang mundo kundi ay sirain ito.
Tumango si Lakan sa dalaga, "Marahil ay tama ka."
Napatawa si Malayah sa tugon ng binata. Ang kanyang mga sinabi ay isang biro lamang at hindi niya inakalang seseryosohin ito ni Lakan.
Bumangon mula sa pagkakahiga si Malayah at nag-inat inat. Nang lingunin niyang muli si Lakan ay nakatayo na ito at nakalahad ang kanang kamay sa kanyang harap.
"Uwi na tayo?"
Napatitig dito si Malayah. Alam niyang ang tinutukoy nitong uuwian nila ay ang bayan sa ibaba ng burol. Ngunit tila ang kanyang iniisip sa kahulugan nito ay iba. Iyong pag-uwi sa kanilang mundo. Uuwi na tayo.
Nakangiting tumango ang dalaga at tinanggap ang kamay nito.
--
Dumating ang araw bago ang gabi ng piging. Mas lalong naging abala ang mga tagapagsilbi sa paghahanda. Ngayon ang kaarawan ni Datu Makusog.
Sa loob ng kanyang silid ay maingat na ibinabalot ni Magayon ang hinabing tela bilang regalo sa kanyang ama.
Tumulong din ang dalaga sa pag-aasikaso ng mga dumarating na mga bisitang mula pa sa malalayong mga lugar.
At nang dumating ang dapithapon ay lumisan si Magayon sa kanilang tahanan upang makipagkita kay Panganoron sa parati nilang tagpuan, sa tuktok ng burol.
Napangiti si Magayon nang makita ang binata na naroon 'di kalayuan. Nakangiti siya nitong sinalubong.
"Tila masyado kang abala ngayong araw. Ngayon na lamang kita nasilayan sa buong maghapon."
Bahagyang napatawa si Magayon. "Isang napakahalagang araw ito para sa aking ama. Nais kong siguraduhing ito'y magiging maayos."
Ngunit nawala ang kanyang ngiti nang maalalang ito rin ang huling araw ng pananatili ni Pangaronon sa kanilang bayan. Nilingon niya ito, "Bukas ay lilisan ka na nga pala."
Napayuko si Pangaronon at tumango. Isang ngiti ang kumurba sa mga labi ng binata, "Bakit? Nais mo ba akong manatili?"
Napaiwas ng tingin si Magayon nang maramdaman ang pag-init ng kanyang mga pisngi. At lalo pa itong nag-init nang maramdaman niya ang paghawak ng mga kamay nito sa kanyang mga palad.
"Nagagalak akong makilala ka, daragang Magayon."
Nakatitig lamang si Magayon sa binata. Hindi niya alam kung naririnig din ba ni Panganoron ang pagtibok ng kanyang puso ngunit pakiramdam niya'y sasabog ito. Ang magkahawak nilang mga kamay ay tila ba nagbibigay sa kanya ng kakaibang kuryente.
Napatingin siya sa kanilang mga kamay nang higpitan ni Panganoron ang pagkakahawak dito.
"Nais kong malaman mo na..."
Hindi niya masalubong ng tingin ang mga mata ng binata at nakatitig lamang sa mga kamay nilang magkahawak. Hindi niya alam kung bakit ngunit nagwawala ang mga paru-paro sa kanyang sikmura.
"gusto kita..."
Tila nagpaulit-ulit ang mga salitang iyon sa kanyang tainga. Tama ba ang kanyang narinig?
"...Malayah."
Mula sa pagtitig sa magkahawak nilang mga kamay ay gulat na napalingon si Malayah kay Lakan. Hindi niya napansin na lumisan na pala ang kakaibang pwersa mula sa pagkontrol sa kanya.
Napatulala lamang siya kay Lakan. Ang eksenang ito ay ang sandaling pag-amin nina Magayon at Panganoron ng nararamdaman sa isa't-isa. Hindi batid ni Malayah kung bakit bigla na lamang nawala ang kakaibang pwersa.
"Ang ngalan ni Magayon ang dapat mong sambitin at hindi ang akin."
Ngunit marahan lamang na ngumiti si Lakan at hinigpitang lalo ang paghawak sa mga kamay ng dalaga. "Ang mga katagang iyon ay para sa iyo talaga, Malayah. Gusto kita."
Unti-unti nitong iniangat ang kamay ng dalaga at hinalikan ito.
Nakatulala lamang na pinagmasdan ni Malayah si Lakan. Hindi niya alam ang dapat sabihin o ang dapat na maging reaksyon. Ngunit ang damdamin niya'y tila gustong kumawala sa kanyang dibdib.
Kailanma'y hindi pa minsan umibig si Malayah. Hindi niya minsan itinanong sa sarili kung ano ba ang pakiramdam nito. Hindi niya kailanman napagtuunan ng pansin ang bagay na ito.
Marahil ay iyon ang dahilan kung bakit hindi niya kaagad napansin.
Ang hindi maipaliwanag na pakiramdam na noon niya pa nararamdaman ay tila ba naiintindihan na niya ngayon.
Dahan-dahang hinawakan ni Lakan ang kanan niyang pisngi at kanya namang hinawakan ang kamay na iyon. Isang ngiti ang kanyang ibinigay sa binata. At sa unti-unting pagdampi ng mga labi nito sa kanya'y malugod niya itong sinalubong.
Kailanma'y hindi pa minsan umibig si Malayah. Hindi niya alam kung ano ang pakiramdam nito. Hindi niya kailanman napagtuunan ng pansin ang bagay na ito.
Ngunit sa sandaling iyon, sigurado si Malayah. Marahil ay ito na iyon. Marahil ay tunay ngang siya'y umiibig.
***
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro