Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

33. Ang Kakaibang Pwersa

Sa bawat paghakbang sa damuhan, ramdam ng dalaga sa kanyang mga talampakan ang malamig at basang tekstura ng mga damo na dulot ng hamog ng umaga. Ang malamig na simoy ng hangin ay banayad na dumadampi sa kanyang makinis na balat.

Unti-unti siyang humakbang patungo sa ilog Yawa. Ang tunog ng pag-agos sa ilog ay sinasapawan ang huni ng mga ibon. Tila nagkakantahan. Mula sa malinaw na agos ng tubig ay yumuko siya upang pagmasdan ang sariling repleksyon.

Ang mahabang itim na buhok ay kanyang inipit sa kanyang tainga upang mapagmasdan ang tsokolateng mga mata. Hinawakan niya ang sariling mga pisngi. Ngunit ilang sandali'y binitawan niya ito at inilapit ang kamay sa repleksyon ng sarili sa tubig. Sa paglubog ng kanyang kamay ay nabura ang kanyang repleksyon kasama sa patuloy na pag-agos ng ilog.

"Magayon!"

Magayon? Natigilan si Malayah. Narito si Magayon?

Liningon niya ang tinig. 'Di kalayuan ay naroon ang hapong-hapong babaeng tagapagsilbi. Nakasuot ito isang katutubong kasuotang lufid na may kulay ng pinagsama-samang itim, pula, at dilaw.

"Nyaon ka lang palan igdi!" Wika nito habang hinahabol ang hininga at lumapit sa dalaga.

Kunot-noong napatitig dito si Malayah. Hindi maintindihan ang tinuran nito. Hindi nakagalaw si Malayah nang unti-unti itong lumapit sa kanya at hinawakan siya sa braso.

Inulit nito ang sinabi. "Nyaon ka lang palan igdi!" At para bang may kung anong mahika ang nagpaunawa nito sa kanya. Narito ka lang pala!, ang ibig sabihin.

Hindi gumalaw si Malayah sa pagkakaupo at kunot-noo lamang na tinitigan ang babae. Nais niyang tanungin kung sino ito ngunit tila may pumipigil sa pagbuka ng kanyang mga labi.

"Kanina ka pa hinahanap ng iyong ama." Ngayon ay tuluyan na niyang naintindihan ang mga salita nito. Natigilan si Malayah. Ama? Si Papa ba ang tinutukoy niya? Narito na ba ako sa Hiwaga?

Ngunit gusto mang kausapin ito ay hindi makagalaw si Malayah. Anong nangyayari sa'kin? Nais niyang humiyaw. Nais niyang humingi ng tulong.

"Bakit ka ba narito nang ganito kaaga, Magayon?"

Nais ni Malayah na tanungin ito? Magayon? Siya ba ang tinutukoy nitong Magayon?

Nabigla si Malayah nang kusa siyang tumayo at hinawakan ang mga kamay nito. Anong- Magiliw siyang ngumiti. "Nais ko lamang na maglakad-lakad. Napakaganda ng umagang ito, hindi ba?"

Natigilan si Malayah dahil sa mga salitang lumabas sa kanyang bibig. Hindi ito mula sa kanya. Ni wala ngang maganda sa umaga.

Masiglang tumango ang tagapagsilbi. "Tunay nga. Ngunit kailangan mo nang umuwi sapagkat hinahanap ka na ng iyong amang datu. Hindi mo alam kung gaano ito nag-alala nang makitang wala ka sa iyong silid nang ganito kaaga."

Nais magwala ni Malayah. Hindi niya magalaw nang malaya ang kanyang katawan. Tila ba may ibang kumukokontrol sa kanya. Wala siyang nagawa kung hindi ang magiliw na tumango at sumama sa tagapagsilbi.

--

Natauhan lamang si Malayah nang makarating siya sa sinasabing silid ni Magayon. Nanginginig niyang pinagmasdan ang mga kamay at ibinukas-sara ang mga ito upang masigurong nagbalik na ang kanyang kontrol.

Anong... nangyari? Napakaraming tanong sa isipan ni Malayah. Anong ginagawa ko rito? Sina Lakan? Nasaan sila? At ang hiyas...

Bakit ako tinawag na Magayon? At bakit... Pakiramdam ni Malayah ay tila naging isa siyang manikang papel kanina. Hindi makagalaw at tila may kakaibang pwersa ang kumokontrol.

Napayakap siya sa sarili.

Anong nangyayari sa akin?

Napapikit si Malayah at naalala ang pagkahulog niya sa bulkan noong gabing iyon. Napatakip siya ng bibig nang may napagtanto. "Hindi ako namatay."

Tumayo si Malayah at sumilip sa bintana ng silid. Sinalubong siya ng asul na langit at luntiang mga puno't halaman sa paligid. May mga dalaga at mga ginang na patungo sa ilog Yawa upang maglaba. At sa tuwing may mapapalingon sa kanyang bintana ay nakangiti siyang kinakawayan ng mga ito.

Ngunit hindi ito pinapansin ni Malayah sapagkat ang kanyang atensyon ay nakatuon sa malalim na pag-iisip.

"Hindi nga ba ako namatay?" Bulong ni Malayah sa sarili.

Pinagmasdan niyang muli ang paligid. Tinatawag siya ng mga tao rito sa pangalang Magayon, ang bunsong anak ni datu Makusog. Ang parehong Magayon na pinagmulan ng bulkang Mayon.

Hindi alam ni Malayah kung ano ang nangyayari o kung anong lugar ito. Ngunit isa lamang ang malinaw. Hindi ito ang kanyang mundo. At lalo nang hindi pa ito ang Hiwaga.

--

Sa loob ng ilang araw ay sinubukan ni Malayah na lumabas ng kanyang silid at humanap ng paraan upang makatakas sa lugar na iyon at hanapin ang mga kasama.

Ngunit sa bawat pagtapak sa labas ay tila isa siyang manikang papel na kusang pumapasok muli sa silid. At sa ilang araw na ganoon ay sumuko na si Malayah at hinayaang masunod ang kakaibang pwersang kumokontrol sa kanya.

Sa loob ng ilang araw na iyon ay binibisita siya ni Datu Makusog, ang ama ni Magayon, at ng ilang mga tagapagsilbi upang maghatid ng pagkain.

"Marahil ay lubos pa ring nalulumbay si Magayon dahil sa pagkamatay ng kanyang mga kapatid, mahal na datu." Wika ng tagapagsilbi.

Hindi batid ni Malayah kung ano ang reaksyon ng datu rito sapagkat siya'y nakahiga at nakatalukbong lamang ng kumot. Nais mang alisin ito dahil sa init ay hindi magawa ng dalaga dahil sa kakaibang pwersang pumipigil sa kanya. Nakakairita.

"Tama ka. Siguro ay panahon na rin upang siya'y maghanap ng makakaisang-dibdib nang sa gayo'y hindi siya mag-iisa."

Napakunot ang noo ni Malayah. Makakaisang-dibdib?, bulalas niya sa kanyang isipan. Ni hindi nga niya maimahe na magkaroon ng kasintahan at ngayo'y ipapakasal pa siya? At wala siyang magagawa roon dahil may ibang kung anong pwersa ang kumokontrol sa kanya? Pusanggala pala...

Ngunit nanlaki ang mga mata ni Malayah nang may mapagtanto. Tila muling bumalik sa kanya ang kwento ng ama patungkol sa alamat ng Bulkang Mayon.

Maraming mga manliligaw si Magayon. Isang araw ay hiniling ng kanyang ama na pumili na siya ng mapapangasawa sapagkat siya'y nasa tamang edad na.

Napailing si Malayah. "Hindi ako si Magayon," bulong niya sa sarili.

Nang mapagtantong wala na ang kakaibang pwersa na pumipigal sa kanyang paggalaw ay napagdesisyunan ni Malayah na kausapin ang datu at tanggihan ito.

Ngunit sa pagtanggal ng nakataklob na kumot at pagtayo ay nasilaw siya sa isang liwanag dahilan upang mapapikit. At sa muling pagdilat ay natagpuan ni Malayah ang sarili sa bulwagan ng kaharian.

Nakasuot siya ng katutubong kasuotan at nababalutan ng mga palamuting ginto ang katawan. Sa kanyang harap ay nakapila ang ilang mga lalaki dala-dala ang kanilang mga handog para sa dalaga.

Nanlaki ang mga mata ni Malayah sa biglaang pagbabago ng kanyang kinaroroonan at akmang aatras nang maramdamang muli ang kakaibang pwersa na pumipigil sa kanya.

Isa-isang lumapit ang mga lalaki. Inabot sa tagapagsilbi ang mga handog bago dalhin naman ito ng tagapagsilbi sa kanya. Ilan dito ay mga ginto, mga hinabing tela, mga prutas, at iba pa.

Ngunit ang lahat ng ito'y tinanggihan ni Malayah-o sabihin nating ni Magayon.

Napakunot ang noo ni Malayah sa dami ng mga manliligaw ni Magayon. Lahat ba ng mga ito'y tunay na mahal ang dalaga? O marahil ay dahil lamang sa angking kagandahan na tiyak na maipagmamalaki ng mapapangasawa? Maaari ring dahil sa estado sa buhay bilang anak ng isang datu.

Nahawi ang pila at napaatras ang ilan sa mga manliligaw nang may isa pang lalaki ang dumating. Kita ang matipuno nitong katawan sa kasuotang suot. Sa likod ay nakabuntot ang ilan pang mga lalaki na tila mga kasamahan nito.

Taas noo itong naglakad patungo sa dalaga at maski ang tagapagsilbi sa harap ay hinawi nito. May ngisi sa mga labi ay bahagya itong yumuko, "Nagagalak akong masilayan ka, mahal kong daraga."

Napaatras si Malayah nang lalo pa itong lumapit. At tila pati ang kakaibang pwersa ay sinang-ayunan ang kilos niyang ito.

Tumalikod ang lalaki sa kanya at hinarap ang ibang mga manliligaw. "Maaari na kayong umuwi, mga kaibigan. Alam naman nating tapos na ang laban." Humarap itong muli sa dalaga at nakangising itinaas-baba ang mga kilay.

Napakunot lalo ang noo ni Malayah dahil sa inis. Kung sasabihan siyang ilarawan ang binatang nasa harapan sa isang salita, hindi matipuno o makisig ang kanyang ituturan. Mayabang.

At sa impresyong iyon ay tila nakilala na ni Malayah kung sino ang nasa kanyang harapan.

"Pagtuga," sambit ni Magayon.

"Ha!" May ngiting bulalas ni Pagtuga at nilingon ang mga natirang manliligaw ni Magayon na hindi pa rin umaalis. "Kita ninyo? Kilala na ako ni Magayon kahit hindi pa man ako nagpapakilala!"

Nakangisi nitong sinenyasan ang ibang mga manliligaw na umalis na. At nang wala na ang mga ito ay muling hinarap ni Pagtuga si Magayon.

"Mahal ko," wika nito at humawak pa sa sariling dibdib. "Ako'y lubos na nagagalak na ako'y iyong kilala. Marahil ay noon mo pa ako tinatangi at palihim na pinagmamasdan bago pa man ako pumunta rito at umakyat ng ligaw. Huwag kang mahiya. Naiintindihan ko," sambit pa at ikinurba ang labi sa isang ngiti na ikinainis ni Magayon.

"Sino ba naman ang hindi makakakilala sa'yo?" Saad ni Magayon nang may bahagyang pagtaas ng boses. "Tanyag ang kayabangan mo sa buong pulo."

Palihim na sumang-ayon si Malayah sa ipinasambit sa kanya ng kakaibang pwersa. Kung siyang tunay ang magsasalita ay iyon din ang nais niyang sabihin.

Bahagyang tumawa ang mga lalaking nakabuntot kay Pagtuga dahilan upang lingunin at samaan niya ng tingin ang mga ito. Napatikhim ang mga ito at muling sumeryoso.

Nang haraping muli ang dalaga ay pineke ni Pagtuga ang isang tawa. "Masyado ka namang mapagbiro, Magayon."

Ngayon ay si Magayon naman ang nagbigay ng pekeng pagtawa. Matapos ito ay muli niyang tinitigan nang matalim ang kaharap. "Hindi ako nagbibiro, Pagtuga."

At sa unang pagkakataon ay nagkasundo si Malayah at ang kakaibang pwersang kumokontrol sa kanya. Inirapan niya ang hambog na binata at nilisan ang bulwagan.

--

Kinabukasan ay wala nang mga binata ang dumating sa balay ni Datu Makusog upang umakyat ng ligaw kay Magayon maliban kay Pagtuga.

Napag-alaman ni Malayah mula sa mga tagapagsilbi na hinarang pala ng hambog na binata ang mga ito at tinakot upang hindi na muling bumalik. Napairap sa sarili ang dalaga. Ipinagyabang pa nga raw ito ni Pagtuga noong dumating muli sa bulwagan.

Ngayon ay naghihintay ito roon at pinuntahan siya ng mga tagapagsilbi upang ipabatid ito. Tumanggi si Malayah at sinabing masama ang kanyang pakiramdam.

Nnag makaalis ang mga tagapagsilbi ay kaagad na isinarado ni Malayah ang pinto ng silid. Tinitigan niya ang mga palad at tila ba kinakausap ang kakaibang pwersa na kumokontrol sa kanya, "Huwag na huwag mo akong papapuntahing muli sa bulwagan upang harapin ang mayabang na lalaking iyon."

Ngunit matapos lamang niya itong sambitin ay naramdaman niya ang kusang paghakbang ng kanyang mga paa palabas ng silid. Napapikit si Malayah sa inis at hinayaan na lamang na dalhin siya ng kakaibang pwersa patungo sa bulwagan.

"Magandang umaga, aking daraga."

Hindi kumibo si Magayon at umupo lamang sa harapan ng nakaupong si Pagtuga. Binigyan siya nito ng isang ngisi at pumalakpak ng tatlo. Lumabas ang kanyang mga alalay at ibinaba sa kanilang harapan ang mga handog na pagkain at mga gamit.

Walang ganang pinagmasdan ito ni Magayon.

"Nagustuhan mo ba?"

"Hindi mo kailangang magbigay ng ganito kagarbong mga bagay sa akin. Hindi ako mahilig sa ganoo-"

Hindi nito pinatapos si Magayon. "Ngayon ay masanay ka na, daragang Magayon. Sapagkat sa oras na maging mag-asawa na tayo ay tiyak na malulunod ka sa mga ginto!"

Hinawi ni Magayon ang mga handog ng binata at tumayo. "At sinong may sabing papakasalan kita?"

Napatitig si Pagtuga sa dalaga at tumayo rin. "Magayon, kung mayroon mang perpektong lalaki para sa iyo ay ako iyon! Anak ako ng isang sultan at anak ka ng isang datu. At dahil patay na ang mga kapatid mo ay tiyak na ikaw ang magmamana ng lahat ng yaman ng inyong lupain!"

Natigilan si Magayon sa huli nitong pahayag at mariing tinitigan ang binata. "Hindi kailanman naging magandang bagay ang pagkamatay ng mga kapatid ko, Pagtuga."

Tila naramdaman ni Malayah ang sakit na nararamdaman ni Magayon sa pagkawala ng mga kapatid. At dahil nasa kanya ang katauhan ni Magayon ay ramdam na ramdam niya ang pagsikip ng kanyang dibdib.

"Ano ka ba, Magayon! Alam ng lahat kung gaano pabor sa'yo ang pagkawala nina Malinao at Masaraga. Tiyak na nagdiriwang ka ngayon."

Naramdaman ni Malayah ang likidong umaagos sa kanyang pisngi. Iyon ay mga luha ni Magayon.

Ngayon ay napagtanto ni Malayah kung bakit hindi kailanman inibig ni Magayon si Pagtuga. Bukod sa angking kayabangan ay insensitibo ito. Walang pakialam sa pakiramdam ng iba. At kahit kamatayan ay mas mainam pa kaysa makasama ito habambuhay.

Naramdaman ng dalaga ang kusang pag-atras ng kanyang mga paa. Ano? Pagkausap ni Mlaayah sa kakaibang pwersang kumokontrol sa kanya. Huwag sabihing lilisanin mo ang bulwagan at iiyak sa iyong silid? Napatawa si Malayah sa kanyang isip. Tiyak na iyon ang gagawin ni Magayon, iyon ang ikinuwento kay Malayah ng kanyang ama.

Lilisanin ni Magayon ang bulwagan at iiwanan dito si Pagtuga. Iiyak sa silid dahil sa masasakit na salitang narinig at ipapangako sa sariling hindi kailanman iibigin ang lalaking ito.

Matapos ang pag-atras ay kusa siyang tumalikod. Kumunot ang kanyang noo. Ano? Ganito na lamang iyon? Matapos masaktan ay iiyak ka na lamang?

Malayong-malayo ang mahinang damdamin ni Magayon kay Malayah. Hindi niya kailanman pinagtataguan at iniiyakan lamang ang mga bagay-bagay. Parati niya itong buong tapang na hinaharap.

At hindi siya papayag na mapangibabawan ng kahit ano man ang katangian niyang ito.

Nagmatigas siya sa kakaibang pwersang inuutusan siyang maglakad paalis. Iniyukom niya ang mga kamay at pumikit. Pilit pa ring nilalabanan ang kumokontrol sa kanya. Hindi siya aalis. Hindi siya iiyak at magtatago sa silid.

At sa sandaling kanya na nga itong matalo ay hinarap niyang muli si Pagtuga at matalim na tinitigan. Malaya na siyang muli na makagalaw. Napaatras naman si Pagtuga dahil sa kakaibang kinikilos ng mahinhing daraga.

Lumaki si Malayah na walang kinikilalang mga kapatid. Ngunit alam niya ang sakit ng mamatayan ng mahal sa buhay. O mawalan ng mahal sa buhay. At kailanma'y hindi dapat ito ginagawang katatawanan, biro, o anupaman. 'Di kagaya ng ginawa ni Pagtuga.

Humakbang papalapit si Malayah rito at buong pwersang sinuntok ang binata.

--

Ramdam pa rin ni Malayah ang bahagyang pagkirot ng kanyang kamao nang matagpuan ang sarili na nakatayong muli sa gilid ng ilog Yawa. Inilipat na naman siya ng lugar ng mahiwagang pwersa.

Walang kababaihan ang naglalaba rito o naliligo. Tahimik ang mga ibon sa katanghaliang tapat at ang araw ay pansamantalang tinatakpan ng mga ulap. Tila nag-iisa si Malayah rito.

Naiimahe pa rin niya ang agarang pamumula ng pisngi ni Pagtuga nang suntukin niya ito. Nais niya sanang bigyan pa ito ng kasunod. Ngunit tila bumalik na sa kanya ang kakaibang pwersa at muli ay hindi siya nakagalaw.

Naaalala pa ni Malayah ang kanyang nakita bago silawin ng isang liwanag ang kanyang paningin at mapadpad sa kinaroroonan ngayon. Balak siyang suntukin pabalik ni Pagtuga.

Napairap si Malayah sa inis. Talaga bang sasaktan niya si Magayon? Hindi na magtataka si Malayah kung bakit mas pinili ni Magayon na mamatay kaysa mapangasawa ito. Kung siya iyon at wala talaga siyang magagawa, sasaksakin na lamang niya ang sarili kapag may pagkakataon.

At huwag mo akong hinahamon, banta niya sa kakaibang pwersa kahit hindi niya alam kung nakakarinig o nakakaintindi ba ito sa kanyang isip. Ngunit alam naman ni Malayah na hindi ito mapapangasawa ni Magayon.

Si Panganoron. Si Panganoron ang mamahalin ng dalaga. Ngayon ay tila ba napuno ng kuryosidad si Malayah kung sino ang binatang ito.

Pero hindi pa rin maalis ang inis kay Malayah. Bakit ba ako si Magayon dito? Nakakainis.

Natauhan si Malayah nang kusang humakbang ang kanyang mga paa patungo sa ilog. Umaandar na naman ang kakaibang pwersa sa kanyang sistema. Nanlaki ang kanyang mga mata nang patuloy pa rin ang paghakbang niya kahit hanggang dibdib na ang tubig.

Ikinampas-kampas ng kakaibang puwersa ang kanyang mga kamay at tila ba marahan lamang na naliligo sa ilog. Ngunit nang makaraan ang ilang sandali ay isinisid siya nito sa pinakamalalim na parte ng tubig.

Nais mo ba akong lunurin!? Asik niya sa kakaibang pwersa.

Hindi nangangamba si Malayah sapagkat suot niya pa rin ang kwintas ng alapaap na bigay ng kanyang ama. Makakahinga siya sa tubig hangga't suot niya ito.

Ngunit sa paglubog sa tubig ay kaagad siyang kinapos ng hininga. Pinagmasdan niya ang kwintas at hindi ito umiilaw na tila ba nawalan ng kapangyarihan.

Inipon ni Malayah ang natitirang hangin sa katawan habang patuloy pa rin ang paghahatid sa kanya ng kakaibang pwersa patungo sa pinakailalim.

At nang marating ang puso ng ilog ay pinakawalan siya ng kakaibang pwersa.

Ngunit hindi marunong lumangoy si Malayah.

Nagkaroon man ng kakayahang makaahon ngunit hindi siya makaahon. Patuloy lamang ang pagkampas ng kanyang mga kamay at sinusubukang lumangoy paitaas ngunit walang nangyayari.

Ito ba ang parusa mo sa akin dahil sa ginawa ko kay Pagtuga? Sambit niya sa kakaibang pwersa. Ito ba ang parusa sa hindi ko pagsunod sa'yo?

Patuloy lamang niyang sinubukang umahon. Ngunit kahit anong gawin ay hindi niya magawa.

Hindi mapapansin ngunit ang mga luha ni Malayah ay humahalo sa tubig. Hindi niya nais mamatay. Hindi sa tuktok ng bulkan o sa ilalim ng tubig. Nais pa niyang mabuhay. Nais niyang makitang muli ang ama. Pati sina Aran at Sagani. Si Lakan.

Ikinampas ni Malayah ang mga kamay sa tubig sa huling beses. Matapos iyon ay tuluyan na siyang sumuko at tahimik na humikbi sa ilalim ng tubig. Hinayaan na lamang na kontrolin siya ng agos.

Tumingala siya upang makita ang muling paglabas ng araw mula sa mga ulap. Masisilayan pa rin ang liwanag nito kahit sa malabong tubig.

At mula sa malabong pigura ng araw ay isang anino ang tila pababa patungo sa kanya. Dahil sa paglabo ng paningin ay hindi niya ito maaninag nang maayos. Ngunit naramdaman niya ang isang kamay na humawak sa kanyang baywang at mga bisig na kumalong sa kanya paahon sa tubig.

"Ayos ka lang, daraga?"

Napaubo si Magayon dahil sa mga nainom niyang tubig. Iniahon siya ng lalaki patungo sa batuhan. Pinagmasdan niya ito.

"Maraming salamat," wika ni Magayon sa kanyang tagapagligtas.

Tinitigan ni Malayah ang lalaking nasa harapan. Tanging ang mga salitang nais lamang ng kakaibang pwersa ang kaya niyang sambitin sapagkat nasa ilalim siya ng kapangyarihan nito. Ngunit alam niya, sa kanyang loob, na marami siyang nais na sabihin.

"Ako nga pala si Panganoron," sambit ng lalaki at kumurba ang isang pamilyar na ngiti sa mga labi.

Hindi na muling kumilos kay Malayah ang kakaibang pwersa at nang maramdaman niya ang paglisan sa kanya nito ay kaagad niyang hinagkan ang kaharap. Nagsimula siyang humikbi nang yakapin siya nito pabalik.

Tila naramdaman ni Malayah ang panghihina mula sa pagkalunod at ang pagod mula sa pagkakakulong sa ilalim ng kapangyarihan ng kakaibang pwersa sa ilan ding mga araw. Matagal na niyang nararamdaman ito ngunit pilit ikinukubli sapagkat kailangan niyang maging malakas.

Ngunit ngayon ay alam ni Malayah na maaari na siyang maging mahina.

"Tahan na. Narito na ako, Malayah."

Sa sandaling iyon ay alam niyang hindi na siya nag-iisa sa kaiibang lugar na ito. Sapagkat ngayon, sa kanyang tabi, ay narito na si Lakan.

"Magiging maayos na ang lahat."

***

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro