32. Kay Daragang Magayon
Hindi nakagalaw si Malayah sa kanyang kinatatayuan at nakatitig lamang sa dating kaibigan. Ang mga mata nitong noo'y matingkad at puno ng pag-asa ay ngayo'y mas madilim pa sa madilim na gabi. "Hindi..."
Kaagad na hinigit ni Aran si Malayah papalayo sa nagpapalit-anyong si Agua. Si Liway ay nagsimula na ring magpalit-anyo upang salubungin ang kapwa manananggal at hayaang makatakas ang mga kasama.
Sa pagtakbo ay nakassalubong nina Aran at Malayah sina Sagani at Lakan. Kaagad na nilapitan ni Lakan ang dalaga na ngayon ay tulala pa rin.
"Anong nangyayari?" Bungad naman ni Sagani.
"Isang manananggal si Agua. Nasa kanya ang hiyas," tugon naman ni Aran dito. Ipinaliwanag din niya sa dalawa ang ikinuwento ni Liway patungkol sa binhi ng kanilang lahi at kung paano makapangyarihan ang itim na hiyas.
"Kailangan nating tulungan si Liway!"
Kaagad silang bumalik sa kinaroroonan ng dalawang manananggal at nadatnan nga ang dalawang naglalaban.
Mula sa himpapawid ay hawak-hawak ni Liway ang mga balikat ni Agua at pilit na iniiwasang masunggaban siya nito. Unti-unti ay humaba ang dila ni Agua at matalim na bumulusok sa dibdib ni Liway.
Napasinghap si Malayah nang makita ito. Mabuti na lamang at kaagad na nakaiwas si Liway. Ngunit sa pagbaling ay nawalan ng balanse kungkaya't nahulog sa lupa. Kaagad siyang nilapitan ni Aran. "Anong maitutulong namin?"
"Asin! Sa kalahating katawan!"
Sa muling paglipad ni Liway ay kaagad na lumapit si Aran sa mga kasama. "May asin ba kayo dyaan?" Tanong niya na kaagad namang inabutan ni Sagani.
Ihinagis ni Aran ang mga asin sa katawang malapit sa kanya at 'di kalauna'y narinig nila ang hiyaw ni Liway. "KATAWAN KO 'YAN!"
Kaagad namang pinagpag ito ni Aran habang si Malayah ay kumuha rin ng asin at ihinagis sa kalahating katawan ni Agua. Kaagad nitong nabitawan si Liway at bumulusok pababa. Umalingawngaw ang paghiyaw nito dahil sa sakit. Parang nasusunog ay unti-unting nagtutuklap ang balat nito. Napaiwas ng tingin si Malayah.
Lumapit si Sagani sa manananggal hawak ang mahiwagang sandata mula sa Makitan. Nanghihina na si Agua. Ni hindi na ito makalipad. Sa oras na itarak ni Sagani sa puso nito ang sandata ay tiyak niyang mamamatay na ito. Ngunit nang akmang sasaksakin na niya itinulak siya ni Malayah palayo. "Huwag mo siyang sasaktan!"
Unti-unting nagbalik-anyong tao si Agua at tumayo habang hawak ang sumasakit na puson. Ang balat nito ay patuloy pa rin sa pagsusugat at makikita sa mukha nito ang sobrang sakit na dinaranas. Nilapitan ito ni Malayah upang alalayan ngunit itinulak siya nito palayo. Kaagad na lumapit si Lakn upang ilayo ang dalaga mula sa manananggal ngunit pinigilan lamang siya nito at lalong lumapit sa kaibigan.
Pinagmasdan ni Malayah ang dating sirena. Iniintindi kung paano ang dalagang kanyang nakilala sa Subic ay ang parehong dalaga na kaharap niya ngayon. Ilang linggo lang ba ang nakaraan? Ilang sandali lang ba ang lumipas matapos siyang magiliw na nagpaalam dito?
"Agua, paano napunta sa'yo ang hiyas. Paanong-"
Isang patak ng luha ang dumausdos sa kaliwang pisngi ng dalaga. Kung hindi lamang sa bawat paghakbang niya palapit ay lumalayo ito, nais niyang mahigpit na yakapin ang kaibigan. Bakit ito narito? Bakit sa dinami-rami ng nilalang, bakit si Agua pa?
"Malayah, kasalanan mo'to."
Sa kabila ng hapdi sa bawat sulok ng kanyang katawan, pinilit ni Agua na panatilihing buo ang kanyang boses. Nais niyang maramdaman ni Malayah ang talim sa bawat pantig nito. Nais niyang sisihin ito sa lahat ng nangyari. "Kasalanan mo'to!"
Pinagmasdan ni Malayah ang dating kaibigan. Malalim ang paghinga nito at duguan ang tagiliran dahil sa asin. Mula sa gulo-gulong itim na buhok ay naalala ni Malayah ang dating matingkad nitong berdeng kulay.
Kasalanan ko? At sa mga sandaling iyon, tila naunawan ni Malayah ang lahat. Kung hindi siya nagising mabusok at dinamay si Agua sa mapangahas niyang panlilinlang upang isahan ang mga kaibigan, hindi sana mangyayari kay Agua ang mga ito. Hindi sana ito napagkamalang siya. Hindi sana ito napunta rito sa Talibon. Hindi sana nito nakuha ang sumpa ng itim na hiyas.
Kasalanan ko ang lahat. Marahil ay tama ang kanyang lola. Isa nga siyang sumpa. Lahat na lamang ng nakalalapit sa kanya ay napapahamak. Kung hindi siya mismo ang sanhi, ito naman ay dahil sa kanya. Ang una niyang biktima ay ang kanyang ama.
Lumuhod si Malayah sa lupa at hindi ininda ang matatalim na batong tumutusok sa kanyang mga tuhod. Kaagad na bumaba rin si Lakan upang patayuin ito. "Huwag kang makinig sa kanya. Si Sitan at ang mga kampon niya ang may pakana nito. Wala kang kasalanan."
Tiningala ni Malayah si Agua na bahagyang nagulat sa kanyang pagluhod. "Kung alam ko lang... Agua, kung alam ko lang... Patawad... Hindi ko-"
Tuluyang napahagulhol si Malayah nang lumapit at lumuhod din sa harap niya ang kaibigan. Blanko pa rin ang ekspresyon nito ngunit wala na ang bahid ng galit. Hinawakan nito ang kanyang mga kamay at inakay patayo.
Kaagad itong niyakap ni Malayah. "Iuuwi kita sa Subic," saad niya at marahang ngumiti sa dating sirena. "Gagawa ako ng paraan upang bumalik ang mga buntot mo. Aalisin natin ang itim na hiyas sa'yo."
Maaninag sa boses ng dalaga ang pag-asa. Marahil ay pwede pa ngang maging maayos ang lahat. Marahil ay pwede pang bumalik sa dati ang lahat.
Pinagmasdan ni Agua ang kaibigan at nagsimulang humikbi. Hindi na niya inda ang lahat ng hapdi na nadarama. Sapagkat natatabunan na ito ng mahigpit na pagpiga sa kanyang puso. "Gusto ko nang umuwi," mahina niyang sambit.
Hinawakan ni Malayah ang pagkabilang pisngi ng dalaga. Tumango-tango siya. "Uuwi tayo. Uuwi tayo, Agua."
Nais tumango ni Agua. Nais niyang paniwalaan si Malayah. Ngunit sa pagbagsak niya sa kweba ng kadiliman at pag-angkin ng itim na hiyas sa kanya, batid na niya ang kahihinatnan. Bumitaw siya kay Malayah at umiling-iling. "Huli na ang lahat."
Kunot-noong pinagmasdan ni Malayah ang dating sirena. "Anong-Hindi pa huli ang lahat. Aalisin natin ang itim na hiyas sa'yo at makakauwi ka sa dagat."
Ngunit kahit anong sabihin ni Malayah ay umiling-uling lamang si Agua habang humihikbi. Pinagmasdan lamang ni Malayah ang kaibigan. Hindi niya maintindihan. Paanong huli na ang lahat? Ngunit ang katanungang iyon ay kaagad ding nasagot noong magsalita si Liway.
"Mailuluwa lamang ang itim na hiyas sa oras na pumanaw na ang kasalukuyang nagmamay-ari nito."
Nilingon ito ni Malayah at umiling-iling. "Hindi... Maaaring mayroon pang ibang paraan."
Pilit sinisipat ni Malayah ang pagsang-ayon sa mga mata ni Liway. Nilingon niya rin si Sagani, marahil ay bilang isang tagapagtanggol ay may alam ito. Bumaling siya kay Aran, baka mayroon itong natutunan sa Hiwaga. At kay Lakan, hindi ba't siya ang tagapangalaga ng mapa ng hiyas?
Ngunit sa mga mata ng bawat isa ay lungkot lamang ang nakita ni Malayah. Umiling-iling siya at hindi magawang lingunin ang kaibigang sirena. Kailangang makahanap siya ng ibang paraan. Dapat ay mayroong ibang paraan.
Hindi maaaring mamatay si Agua para lamang makuha nila ang hiyas.
Ngunit sa paglingon ni Malayah ay itinarak ni Agua ang isang balaraw sa sariling dibdib. Napako si Malayah sa kanyang kinatatayuan. Ipinihit nito ang patalim hanggang sa mahati ito sa gitna. Ipinasok ni Agua ang kanyang kamay sa kanyang dibdib dahilan upang bumulwak ang dugo mula rito at sa kanyang bibig.
Kaagad na hinitak ni Lakan si Malayah palayo ng tingin dito at niyakap nang mahigpit. Pilit sinubukang kumalas dito ng dalaga. "Hindi... Aguaaa!"
Nais itong pigilan ni Malayah. Nais niyang hugutin ang patalim mula sa dibidb ng kaibigan. At itanong kung bakit... Bakit kailangang mangyari ang mga ito?
Tuluyan nang napahagulhol si Malayah nang makawala siya sa pagkakayakap ni Lakan at nakita ang hinang-hina at nakaluhod na kaibigan. Ang damit nito'y nakababad sa sariling dugo at sa nanginginig na kamay ay inilahad nito ang hawak. Ang itim na hiyas.
Kaagad na napaupo sa lupa si Malayah at sinapo sa kanyang bisig ang hinang-hinang kaibigan. Umiling-iling si Malayah. Pilit itinatanggi sa sarili na nangyayari nga ang lahat ng ito.
Hinawakan ni Agua ang kanyang kamay at inilagay sa kanyang palad ang hiyas. Dahan-dahan ay tumingala ito sa kanya at marahang ngumiti bago unti-unting ipikit ang mga mata.
Humagulhol ng iyak si Malayah at niyakap ang bangkay ng kaibigan. Pakiramdam niya'y maging sa kanyang dibdib ay tumarak ang balaraw. Tumingala siya sa langit nang biglang tumulo ang mga patak ng ulan. Nais niyang sumigaw. Nais niyang tanungin ang langit kung bakit. Bakit? Bakit kailangang mangyari ang lahat ng ito?
Sa pagpapatuloy sa pagtangis, walang magawa ang kanyang mga kasama. Sa kanilang kinatatayuan ay pinagmasdan lamang nila ang kaibigan. Hindi rin batid ang sagot sa katanungan. Bakit? Bakit nga ba kailangang mangyari ang lahat ng ito?
Unti-unti ay naramdaman ni Malayah ang pagkaabo ng katawan ng kaibigan hanggang sa tuluyang maging pulbos ito at tanging pinaghalong tubig at putik na lamang ang hagka-hagkan niya.
Sa paglakas ng ulan ay tuluyan na nitong hinugasan palayo ang kahit na anong bahid ng dugo at abo o ng kahit ano pang bakas na naroon si Agua.
"P-Patawad, Agua. Patawad."
-
Sa loob ng sasakyan ay nakasandal si Lakan sa kanyang upuan. Nakapatong ang isang braso sa manibela habang ang isa ay hawak ang mahiwagang mapa at ang itim na hiyas.
Sa sandaling ilapat niya sa mapa ang itim na hiyas ay ipapakita na nito ang susunod na kinaroroonan ng isa pang hiyas. Ang huling hiyas, naisip ni Lakan. Ngunit imbis na ilapat sa mapa ang hiyas ay itinupi niya ito at ibinaba.
Nilingon niya ang katabi. Tahimik na nakasandal sa bintana ng sasakyan si Malayah. Tulala habang nakatitig pa rin sa makulimlim na langit.
Ilang oras pa lamang ang nakakalipas matapos mangyari ang mga nangyari. Tumila na ang ulan at halos matuyo na rin ang kanilang mga basang damit. Ngunit sa kanilang mga isipan ay patuloy pa rin ang pagkasariwa ng mga nangyari. Lalo na kay Malayah.
Simula noong lisanin nila ang gubat at tuluyang matakasan ang mga manananggal, hindi pa umiimik si Malayah. Hindi batid ni Lakan kung ano ang nasa isip nito. Blanko lamang ang mga mata at matapos ang nagyari ay hindi na muling tumangis dito.
Bumaling siya sa mga kasama sa likod ng sasakyan. Sina Liway, Sagani, at Aran. Hindi man magsabi ang mga ito ngunit kita ni Lakan ang pagod sa mga mukha nito.
"Sa tingin ko ay mas makakabuti kung hihinto muna tayo sa kabilang bayan at maghanap doon ng mapapahingahan."
Hindi naman tumanggi ang mga kasama at sinimulan na niyang paandarin ang sasakyan.
Narating nila ang kabilang bayan matapos ang isang oras na byahe. Papasikat na ang araw kung kaya't mas madali silang nakahanap ng bahay-pahingahan na mauupahan. Sa pagpasok ay kaagad silang nagtungo sa kani-kanilang mga kwarto upang magpahinga at matulog. Umaasang sa paggising ay magiging maayos pa rin ang lahat.
-
Nagising si Aran sa nakakagutom na amoy ng sinangag mula sa kusina. Bumangon siya sa mula sa kama at kinusot ang mga mata. Mula sa manipis na kurtina sa nakasarang bintana ay sumisilip na ang liwanag ng araw. Ilang oras ba siyang nakatulog? O nakatulog nga ba siya?
Naalala ni Aran ang lahat ng nangyari. Ngayon ay tila isa na lamang itong panaginip. Isang malayong kahapon.
Kagabi lamang ay nagkita silang muli ng ama.
Naalala ni Aran ang paghaharap nila. Kung paano siya nito hindi pinaslang. Kung tutuusin ay sa isang kumpas lamang ng kamay ay maaari nito itong gawin. Alam ito ni Aran. At noong isinuhestyon niya ang kanyang plano sa mga kaibigan ay nakahanda na siya rito.
Ngunit bakit? Bakit hindi siya nito pinaslang? Alam naman na ni Aran ang kasagutan ngunit pilit niyang itinatanggi. May gamit pa siya para rito. Magagamit siya ni Sitan sa kung anumang plano.
Napayukom ang mga kamay ni Aran. Kahit kailan ay hindi niya iyon hahayaang mangyari. Mamamatay muna siya bago tuluyang makuha ng ama si Malayah.
Iwinaksi ni Aran ang pagkabahala sa isipan at tuluyang lumabas ng kwarto. Napahinto siya noong madaanan ang nakasaradong pinto ng silid ni Malayah. Marahil ay hanggang ngayon ay nagluluksa pa rin ito dahil sa pagkamatay ni Agua.
Naalala niya ang blankong mga mata ng kaibigan matapos ang nangyari. Hindi nya alam kung gaaano kalaki ang epekto ng trahedyang ito kay Malayah. Ngunit nasisigurado ni Aran na ito ang gusto ni Sitan. At kahit pa nakakulong sa Kasanaan ay kaya nitong kontrolin ang lahat ayon sa sariling plano.
Napabuntong hininga si Aran. Ngunit kahit papaano, ang mahalaga ay narito sila. Hindi nakuha ni Sitan si Malayah. Hindi sila nasundan ng mga mananaggal. At kahit may malaking kapalit, nasa kanila na ang isa pang hiyas. Isa na lamang at makakarating na silang lahat sa Hiwaga. Magiging maayos din ang lahat.
Bahagyang napangiti si Aran. Sana nga. Sana.
Nang makalapit sa kusina ay nilanghap ni Aran ang nakakahalinang amoy ng mga pagkain. Naroon ay nagluluto si Liway ng piniritong itlog at tuyo habang nakahain na sa lamesa ang bagong lutong sinangag at piniritong talong.
Marahang napangiti si Aran. Pakiramdam niya'y nasa isa siyang normal na buhay na kagaya ng sa isang mortal. Iyong almusal sa umaga bago pumasok sa eskuwela. Iyong tanging ingay lamang ng mga manok at mga ibon ang nakakabulabog. Iyong kumpletong pamilya na sama-samang kumakain sa habag-kainan habang nagkukwentuhan at nagtatawanan. Yaong mga bagay na napansin niya sa loob lamang ng ilang linggong pananatili sa Daigdig.
Naalala niya ang pamilya nina Manang Rene na nagpatuloy sa kanila noon. Kung hindi lamang dahil sa nakakakilabot na tiyanak na nananahan sa kanilang lumang bahay, tiyak na napakasaya at napakaayos nito.
Ganoon din kina Ginang Ayen. Napakasarap sigurong tumira sa ganoon kalaking mansyon sa gitna ng isang hacienda. Napakaperpekto ng kanilang buhay kung hindi lamang namatay ang kanilang anak.
Minsan, iniisip ni Aran kung ano kayang buhay ang mayroon siya kung ipinanganak siyang mortal? Mayroong masipag na ama at mapagmahal na ina. May nakakatandang kapatid at makukulit na nakababata. Pumapasok sa isang ordinaryong paaralan at mayroong ordinaryong mga kaibigan.
Tiyak na perpekto marahil ang kanyang magiging buhay.
Ngunit napagtanto ni Aran na siguro ay wala naman talagang perpektong buhay. Kahit gaano pa kaayos at kaganda ang linya ng mga bituin para sa iyong kapalaran, mayroon at mayroon pa ring lilihis. Ngunit kahit ilang beses sisihin at ibato ng mga nilalang ang kanilang galit sa mga bituin, wala namang magbabago.
Marahil ay ang pinakasusi sa isang perpektong buhay ay ang pagtanggap. Tanggapin ang kawalan nito ng pagkaperpekto. Magpasalamat sa lahat ng naririto at iwaksi ang panghihinayang sa mga wala.
Sabi ng kanyang ina, ang buhay ng mga nilalang ay mabusisi nang nakahabi bago pa man sila isilang. Ang bawat pangyayari ay mayroong dahilan.
At marahil ay mapalad na rin si Aran sa kanyang natanggap na buhay.
Isang kalahating diyos at kalahating diwata. Napadpad sa Daigdig upang takbuhan ang mga kampon ng kanyang ama na nais siyang paslangin. Dahil sa pagtakas ay nakatakbo ng mga kaibigang nais makarating sa Hiwaga. At isang bagong kaibigan na kagaya niya'y nais takasan ang sariling pinagmulan.
At ngayon, narito sila't magkakasama sa isang munting paupahan.
Sa tingin ni Aran ay tama nga kanyang tinuran-na marahil ay mapalad na rin siya sa kanyang natanggap na buhay.
"Oh, Aran. Tara, kain na!"
Natauhan si Aran mula sa kanyang hiraya nang tawagin siya ni Liway. Tumango siya at kaagad na naglakad papalapit dito.
"Waw, parang masarap 'to ah!" Usal niya at maririnig ang pagkaluskos ng upuan nang hilahin niya ito upang makaupo.
Kumuha siya ng plato at nilagyan ito ng sinangag. Nakangiti lamang siyang pinagmamasdan ni Liway nang punuin niya ang kutsara ng pagkain. Akmang isusubo na niya ito nang bigla siyang huminto at lumingon kay Liway.
Bahagyang kumunot ang noo ni Liway. Nakahinto sa hangin ang hawak na kutsara ni Aran habang ang bibig ay nakabukas. Napairap si Liway rito nang maintindihan ang nais ipahiwatig ng binata. "Huwag kang mag-alala. Hindi kita lalasunin."
Biglang humalakhak si Aran at isinubo ang pagkain. "Biro lang, ito naman!" Sa pagkasabing iyon ay kaagad siyang nabulunan.
Ngayon ay si Liway naman ang tumawa nang tumawa. Pailing-iling ay iniabot niya ang isang basong tubig sa binata. "Hindi pa ba sila gising?"
Hindi nagtagal ay nagsimula na ring lumabas mula sa kanilang mga kwarto sina Sagani at Lakan. Sinaluhan nila ang dalawa sa pagkain. Ang maingay at makulit na Aran ay tila bumalik na. Sinabayan pa ito ni Liway na hindi nagpapatalo sa mga pang-aasar ng binata.
Napangiti si Lakan habang pinagmamasdan ang mga ito. Ngunit naglaho rin ito nang mapansing kulang sila. Mula sa kusina ay sinulyapan niya ang pinto ng kwarto ni Malayah. Hanggang ngayon ay hindi pa rin ito nagigising.
"Ako na ang maghahatid ng pagkain sa kwarto ni Malayah," paalam ni Liway habang inililigpit ni Lakan ang natirang pagkain. Mula naman sa lababo ay nagsisimula nang mag-urong si Sagani.
Inilagay ni Liway ang bagong saing na kanin at ulam sa plato. Kumuha rin siya ng isang basong tubig at ihinatid ang mga ito sa kwarto ni Malayah.
Sa pagbukas ng pinto ay nadatnan niya ang dalaga na nakahiga pa rin sa kama. Nakatalikod ito mula sa kanya habang nakabalot ng kumot ang buong katawan.
"Malayah, magiging maayos ang iyong pakiramdam kung magkakaroon ng laman ang tiyan mo. Heto at kumain ka na."
Inilapag niya sa lamesa ang pagkain at pinagmasdan ang dalaga. Hindi niya batid kung tulog pa ba ito o wala lamang sa wisyo na bumangon. Dahan-dahang umupo si Liway sa gilid ng kama nito.
Ilang sandali siyang tahimik na naroon bago huminga nang malalim at nagsalita. "Patawad sa nangyari sa kaibigan mo. Hindi ko-"
"Pinatay ng mga kasama mo si Agua."
Kaagad na napalingon si Liway rito. Nakatalikod pa rin ng higa ang dalaga ngunit ngayon ay batid niyang gising ito.
"Walang kasalanan si Agua," maririnig mula sa pagitan ang mahihinang paghikbi ng dalaga. "Bakit-"
"Malayah, ako na ang hihingi ng tawad para sa mga kasamahan ko." Napailing si Liway sa kanyang sinabi. "Alam kong walang kapatawaran ang nangyari ngunit-"
"Isa ka sa kanila."
Bumangon si Malayah mula sa pagkakahiga at hinarap si Liway. Ngayon ay mapapansin ang namumugtong mga mata ng dalaga mula sa pag-iyak. Ngunit bukod doon ay ang galit at hinagpis.
Napaiwas ng tingin si Malayah. Batid niyang walang kasalanan si Liway ngunit kalahi nito ang mga manananggal na nagpahirap sa kanyang kaibigan. "Umalis ka na, Liway. Nais kong mapag-isa."
"Malayah-"
"Umalis ka na."
"Pero-"
"Ang sabi ko ay umalis ka na!"
Napatayo si Liway mula sa pagkakaupo sa giling ng kama at napaatras dahil sa kanyang pagsigaw. Bumukas din ang pintuan lulan sina Aran at Lakan.
"Anong nangyayari? Ayos lang ba kayo?" Kaagad na tanong ni Lakan at nadapo ang mga tingin kay Malayah. Kaagad napaiwas ng tingin ang dalaga.
Muli itong humiga patalikod at itinalukbong ang kumot sa kanyang sarili. "Umalis na kayo rito. Nais kong mapag-isa... pakiusap."
Lumapit si Aran kay Liway at marahan niya itong inalalayan palabas. Bago tuluyang umalis ay muli niyang sinulyapan si Malayah bago tumango kay Lakan na ngayon ay nakatayo pa rin sa tapat ng pinto nito.
"Sa tingin ko ay makakabuti kung umalis na ako," wika ni Liway noong makarating sila ni Aran sa sala.
"Hindi ba't sinabi mo na sasabay ka sa amin patungo sa sakayan ng bus patungo ng maynila?"
Napabuntong-hininga si Liway at umupo sa isang sofa. "Sa tingin ko ay hindi makabubuti kay Malayah kung mananatili pa ako kasama ninyo." Nilingon niya ang kausap. "Isa pa rin akong manananggal. At namatay ang kaibigan niya nang dahil sa amin."
"Sa tingin mo ba ay sinisisi ka ni Malayah?"
Hindi kaagad nakasagot si Liway.
"Bigyan muna natin siya ng panahon. Siguro ay dahil sariwa pa sa kanya ang mga nangyari. Pero tiyak kong hindi ka niya sinisisi. Hindi mo rin naman kasalanan."
Marahang tumango rito si Liway sa sinabi ni Aran. Kahit papaano ay gumaan ang kanyang loob.
--
Natapos ang araw ngunit hindi man lang nila nakitang lumabas mula sa kwarto si Malayah. Hindi rin nito inuubos ang mga pagkaing hinahatid sa kanyang kwarto at sa tuwing sisilipin ito ay parati lamang nakahiga at nakatalukbong ng kumot. Ngunit wala naman silang magawa para sa dalaga kung hindi ang hayaan na lamang ito.
Kinagabihan ay napagpasyahan ni Lakan na puntahan ang dalaga sa kwarto nito. Napansin niya ang pagkain sa lamesa sa gilid na tila hindi nagalaw at isang basong tubig na nangalahati lamang.
Nakahiga pa rin si Malayah sa kanyang kama, nakatalikod at nakasuklob ng isang kumot. Dahan-dahang umupo si Lakan sa gilid ng kama nito at pinagmasdan lamang ang dalaga.
Batid ni Lakan kung gaano kasakit dito ang pagkamatay ni Agua. Upang makuha ang hiyas ay kailangang masaksihan ng dalaga ang kamatayan ng kaibigan. Wala itong magawa. Maski siya ay walang nagawa.
"Wala kang kasalanan sa nangyari," wika ni Lakan kahit hindi batid kung naririnig ba ito ng dalaga.
Hindi kumibo si Malayah. Marahil ay natutulog pa rin ito o pinipili lamang na huwag siyang pansinin.
"Hindi ko sinisisi ang sarili ko," tugon nito matapos ang ilang sandali. Napatitig lamang si Lakan dito.
Bumangon si Malayah at nilingon siya. Ang mga mata nito'y blanko pa rin. Na para bang naubos na ang lahat ng emosyon dahil sa pag-iyak. "Si Sitan at ang mga manananggal ang may kasalanan."
At mula sa blankong ekspresyon ay nasilayan ni Lakan ang isang kakaibang bagay sa mga mata ng dalaga. Matalim ito at nakakatupok. Galit na tila isang apoy.
"Magbabayad sila sa ginawa nila," mapait na sambit ni Malayah at tiningala ang nakatayo nang binata. "Ipaghihiganti ko si Agua, Lakan. Lilipulin ko ang mga manananggal."
Pinagmasdan lamang ni Lakan ang dalaga. Hindi niya alam kung ano ang dapat na sabihin. Kung ano ang dapat na maramdaman. Tinitigan niya lamang ito at umaasang mabasa ang laman ng mga mata nito.
Ngunit noong mabasa ay tila pinagsisihan niya rin ito. Sapagkat ang tangi niyang nakita ay ang lumang pangitain sa balon ni Tala.
Si Malayah. Sa gitna ng walang-hangang kaguluhan. Nadudumihan ang puting blusa na nababahiran ng dugo. Mga dugong mula sa mga napaslang. At ang mga mata nito- yaong mga matang hindi naiiba sa mga matang nakatitig sa kanya ngayon.
"Galit at poot. Paghihiganti. Isang apoy na tutupok sa lahat."
Kilala ni Lakan ang boses na iyon. Si Dalikmata. Mula sa gilid ng kanyang paningin ay nahagip niya ang diyosa sa ginto nitong awra. Batid niyang hindi ito nakikita ni Malayah.
"Hindi ba't pamilyar sa iyo ang mga iyon, Apalaan? Hindi ba't ikaw mismo ang nakasaksi nito sa balon ni Tala?"
Tinitigan ni Dalikmata si Lakan at kalauna'y sinundan ang mga titig nitong naka'y Malayah.
"Tila ba ang tadhana na mismo ang gumagawa ng paraan upang matupad ang sarili nitong itinakda."
Bahagyang natawa si Dalikmata at napailing. Para sa kanya'y isang kahibangan ang ginagawa ng limot na diyos.
"Matagal nang nakasulat sa mga bituin ang kapalaran ng bawat nilalang. Kailanma'y hindi ito nagbago o magbabago," muling bumaling sa kanya ang diyosa. "At kahit ang isang tulad mo ay hindi natatangi."
Hindi kinibo ng binata ang diyosa-ni hindi man lamang nilingon. Itinuon lamang ni Lakan ang buong atensyon kay Malayah. Pilit na itinatanggi sa sarili ang mga tinuran ng diyosa. Pilit na umaasa na marahil ay mali ito. Marahil ay maaari pang mabago ang lahat.
"Sa tingin mo ba... ay iyon ang nais ni Agua na gawin mo?"
Kaagad na napaiwas ng tingin si Malayah. Nagpatuloy naman sa pagsasalita si Lakan. "Ang tanging paraan upang makawala sa sumpa ng itim na hiyas ay kamatayan. At sa pagkamatay ni Agua ay nakalaya na siya, Malayah."
"Hindi-" Nais ni Malayah na hindi paniwalaan ang sinasabi ni Lakan. Namatay si Agua. Ngayon ay kahit kailan ay hindi na ito makakalaya. Hindi na nito makakasamang muli ang pamilya nito. Hindi na ito muling makakabalik sa dagat. Hindi na ito muling makakauwi sa Hiwaga.
Ngunit naalala niya ang huling mga ngiti ng kaibigan bago nito ipikit ang mga mata. Na para bang sa pagkaalis ng itim na hiyas sa puso nito ay nawala rin ang sakit. Agua, nakalaya ka na ba talaga?
"Maaari siyang magpakamatay noon pa man upang makawala sa sumpa," saad ni Lakan. "Ngunit batid ni Agua na hinahanap mo ang mga hiyas. Nais niyang siguraduhing makukuha mo ito."
Muli ay napuno ng mga luha ang mga mata ni Malayah. Kaagad niyang pinunasan ang likidong dumausdos sa sariling mga pisngi.
"Malayah, sa tingin mo ba ay talagang naniwala si Agua na sinasadya mong linlangin siya?"
Ngayon ay hindi na mapigilan ng dalaga ang pagtangis.
"Nais niya lamang na marinig ito mula sa'yo."
Nilingon ni Lakan si Dalikmata sa kanyang tabi ngunit wala na ito. Lumapit siya kay Malayah at pinunasan ang mga luha nito. Marahan siyang ngumiti at niyakap ang dalaga.
"Nakalaya na si Agua, Malayah. At nais niyang ikaw din."
Niyakap pabalik ni Malayah ang binata. At sa kanyang pagpikit ay naimahe niya si Agua. Nagbalik nang muli ang pilak nitong buntot, makinis ang porselanang balat, at kumikinang ang berdeng buhok. Nakangiti at kumakaway ito sa kanya mula sa dagat. Hindi man marinig ngunit mula sa labi nito ay mababasa ang mga katagang...
"Nakauwi na'ko."
--
"Gagawin niyo lang pala akong tagaluto rito," pabirong wika ni Liway nang ihain na niya ang almusal kinabukasan.
Bahagyang natawa ang tatlo.
"Alangan namang ako?" Hirit ni Aran. "Anong alam ko sa mga gawaing ganyan? Si Sagani naman ay pakikipaglaban lang ang alam niyan. Ni hindi nga marunong pumorma sa babae."
Kaagad na sinamaan ng tingin ni Sagani si Aran. Prente lamang na tumawa ito siguro ay dahil ilang upuan ang layo niya mula sa mandirigma at hindi siya nito mahahablot.
Bumaling si Aran kay Lakan. "Ikaw ba? Marunong ka?"
"Oo naman. Iyon ay kung kumakain kayo ng sunog."
Napuno ng tawanan ang hapag. At natigil lamang ito nang mahagip ng kanilang mga tingin si Malayah na papalabas mula sa sariling kwarto.
"Magandang umaga," sambit ng dalaga nang mapansing nakatingin sa kanya ang apat.
Kaagad na tumayo si Aran mula sa kanyang upuan at sinalubong si Malayah. "Maayos na ba ang pakiramdam mo?" Tanong nito at hinitak si Malayah papalapit sa mga kasama. "Halika't kumain tayo!"
Naupo ang dalaga sa pagitan nina Aran at Lakan. Nasa kabilang bahagi naman ng lamesa sina Liway at Sagani. Nginitian ng dalaga ang mga kasama at humingi ng paumanhin kay Liway sa inasal niya kahapon.
Matapos iyon ay walang sinuman ang nagbanggit na muli patungkol sa mga nakaraang nangyari. Magiliw lamang silang kumain nang sabay-sabay sa umagang iyon. At kahit hindi sabihin ay alam nilang lahat na tuluyan na ngang magiging maayos ang lahat.
--
"Paano ba 'yan, mauuna na ako sa inyo. Mag-iingat kayo sa paglalakbay."
Lumapit si Malayah kay Liway at niyakap ito. "Mag-iingat ka rin sa Maynila." Bumitiw siya at hinawakan ang mga kamay nito. "Nagagalak akong nakilala ka namin, Liway. Salamat sa lahat ng ginawa mo para sa amin."
Palubog na ang araw at naroon silang lima sa sakayan ng bus. Ngayon ay aalis na si Liway patungo sa Maynila. Nais nitong doon magsimulang muli. Malayo sa kanyang mga kalahi.
Lumapit din dito si Aran. "Sigurado ka bang hindi mo nais sumama sa amin?" Tanong nito.
"Baka mas lalo lang kayong mapahamak kapag sumama ako. Tiyak na hahanapin ako ng mga kalahi ko. Mabuti nang sa maynila ako magtungo upang kahit papaano ay hindi nila ako madaling mahahanap."
Niyakap ni Aran ang dalaga. "Kapag naging maayos na ang lahat ay pupuntahan kita doon, Liway."
Bahagyang natawa rito ang dalaga, "Sige ba, hihintayin kita."
Tumunog ang makinarya ng bus senyales na malapit na itong umalis. Bago pumasok sa sasakyan ay liningon ni Liway sina Sagani at Lakan bago tumango rito. Umupo siya sa tapat ng bintana at kinawayan ang mga kaibigan sa oras na nagsimula nang umandar ang bus.
--
"Nagagalak akong maayos ka na."
Marahang ngumiti si Malayah kay Lakan. Nakasandal sila sa gilid ng kotse habang pinapanuod sa kabilang bahagi ng kalsada sina Aran at Sagani na bumibili at kumakain ng mga ihaw-ihaw sa maliit na tindahan doon.
"Maraming salamat, Lakan." Tinitigan niya ang binata. Naalala niya ang una nilang pagkikita noon sa harap ng punong balete. Hindi alam ni Malayah ang gagawin dahil sa pagkawala ng kanyang ama. Ngunit natagpuan niya si Lakan at ang mga hiyas. At maikling panahon na lamang bago sila tuluyang makarating sa Hiwaga. "Salamat sa lahat."
Hindi maiwasan ni Lakan ang pagkurba ng kanyang mga labi habang nakatitig sa dalaga. Mula sa kanyang memorya ay unti-unti nang lumalabo ang pangitaing kanyang nakita. Hindi ito ang Malayah na naroon. Na puno ng galit, poot, at paghihiganti. Ang Malayah na kaharap niya ngayon ay nababalot ng liwanag at pag-asa.
Tila pinatunayan na niya na mali ang itinuran ni Dalikmata sa kanya kahapon. Matagal nang nakasulat ang tadhana at hindi ito mababago. Ngunit marahil ay sila'y maaaring maging eksepsyon dito.
Nang mapansing papabalik na ang dalawang kasama ay binuksan ni Lakan ang pintuan sa harap ng kotse at inilahad ang kamay kay Malayah. "Tara na?"
Nakangiting tumango ang dalaga at hinayaang alalayan siya ng binata papasok. Nang naroon na ang lahat sa loob ay kinuha ni Malayah ang mapa at ang itim na hiyas.
Nilingon niya si Lakan sa kanyang tabi. Dumungaw naman si Aran mula sa likuran upang makita ito nang maayos habang si Sagani naman ay prenteng nakasandal sa kanyang upuan. Tumango ang mga ito kay Malayah.
Dahan-dahang inilatag ni Malayah ang mapa. Pinagmasdan niya ang apat na ekis na nakaguhit na sa mga bahagi nito. At sa pang-apat na iyon ay inilagay ni Malayah ang itim na hiyas. Unti-unti itong lumiwanag at gumuhit ang ilang mga simbolo sa mapa patungo sa susunod nilang destinasyon.
Nang maukit ang mga letrang baybayin sa panlimang ekis ay binasa ito ni Malayah at tiningnan ang mga kasama nang may ngiti. Ito na ang huling hiyas. Malapit na kaming makarating, Papa.
"Kay daragang Magayon, sa bulkang Mayon ng Albay."
***
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro