Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

30. Ama

Ano na ang susunod nilang gagawin?

Nagkatinginan ang apat nang iwanan sila ni Liway sa gitna ng mataong palengke. Hindi nila inaasahan ang tangkang pagligtas nito sa kanila ngunit nagagalak si Malayah rito. Marahil ay natanggap ng dalaga ang kanyang mensahe sa mga tinurang talinhaga noon. Marahil ay pinili na ni Liway na isalba ang sarili mula sa nabubulok na harding kinabibilangan.

"Ano nang gagawin natin?" Tanong ni Sagani, partikular ay kay Aran.

Napalingon si Aran dito at hindi kaagad tumugon. Kanina niya pa rin iniisip ang sagot sa katanungang iyon. Hindi niya akalaing ganoon kadali masisira ang plano nila. At hindi niya rin sigurado kung isa bang magandang bagay ang katotohanang isa sa mga manananggal ay nasa panig nila. Napakibit-balikat siya sa sarili. Marahil ay isa itong magandang bagay.

Hinarap niyang muli si Sagani at mariin itong tinitigan bago lingunin din ang dalawa pang mga kasama. "Susundin pa rin natin ang plano."

Tumango ang kanyang mga kasama. Upang masunod ang plano, kailangan nilang lumayo sa maraming tao taliwas sa utos ni Liway. Ngunit sa kalagitnaan ng paglalakad ay napatigil si Aran.

"May problema ba?"

Nilingon niya si Lakan at bahagyang umiling. Nagpatuloy siya sa paglalakad ngunit sa kanyang isipa'y naglalaro ang mga bagay-bagay. Isa na rito ay ang posibilidad na mas mainam at mas ligtas ang plano ni Liway upang iligtas sila--kung mayroon man.

Paano kung mas maganda na sundin nila ang sinabi ng kaibigang manananggal at manatili roon sa maraming tao kung saan sila ligtas hanggang sa magliwanag sapagkat sa umaga ay hindi na maaaring makapagpalit anyo ang mga nilalang ng dilim? Sa panahong iyon, kung makasalubong man nila ang mga ito ay mayroon silang laban.

Ngunit sa isipan ni Aran ay may kumakatok na posibilidad. Paano kung isa lamang itong patibong? Paano kung pakana ng mga manananggal ang lahat ng ito upang mapadali ang pagdakip? Napailing si Aran. Pakiramdam niya ay tunay ang intensyon ni Liway na sila'y iligtas.

Ngunit kahit totoo man ito, isa na namang katanungan ang gumulo sa kanyang isipan. Ngunit paano ang hiyas? Kaagad ding nasagot ng sarili ang tanong sa isipan. Siguro ay kapag bumalik si Liway ay maaari nila itong hingan ng tulong upang makuha ang hiyas--gaya ng tulong na nakamit ni Malayah noon kay Agua upang kuhanin ang isa pang hiyas kay Mariang Karamot.

Ngunit muli ay may mga tanong na sumulpot sa isipan ni Aran. Paano kung walang nalalaman si Liway patungkol sa kinaroroonan ng hiyas? At muli, kanya rin itong sinagot. Kung walang nalalaman si Liway, ibig sabihin ay ang pagsunod sa mas ligtas nitong plano ay pagsasayang sa pinakamabisa nilang pagkakataon upang makuha ang hiyas.

Bumalik muli ang kanyang atensyon sa original nilang plano. Napatango si Aran sa sarili. Hindi namin dapat sayangin ang pagkakataong makuha ang hiyas. Ang panahong iyon ay ngayon. At sa sandaling iyon ay sigurado na siya sa susunod nilang gagawin.

Madali silang nakaalis sa kumpulan ng mga tao sapagkat ang mga ito ay tumutungo sa direksyong kabaliktaran ng sa kanila. Sa 'di kalayuan ay may isang entabladong napalilibutan ng mga tao. Mula rito ay may musika ang nagpapaingay sa paligid. Tila nagsasaya ang mga mortal. Malayo sa panganib na tinatanak nilang apat.

"Si Agua ba iyon?"

Kaagad na napalingon ang lahat kay Aran nang ituro niya ang isang babae ilang metro lamang ang layo sa kanila. Ang mga tao ay nakikisaya sa malaking entablado sa kabilang direksyon kung kaya't kaagad na mapapansin ang balingkinitang dalaga na nakasuot ng kulay itim na bestida katulad ng buhok na nagbibigay tingkad sa porselana nitong balat.

"Si Agua?" Nagtatakang tanong ni Malayah.

Hindi na nakatugon doon si Aran sapagkat kaagad na siyang naglakad patungo rito. Sumunod naman sa kanya ang tatlo. Nang makalapit ay nakatalikod mula kay Aran ang babae. Tangkang hahawakan na niya ang balikat nito nang kaagad niya itong binawing muli. Liningon niya si Malayah na kaagad namang lumapit.

"Agua?"

Kaagad na lumingon kay Malayah ang babae at sinalubong ang nagtataka niyang tingin. "Malayah?" Pinagmasdan nito mula ulo hanggang paa ang dalaga. "Malayah, ikaw nga!" Bulalas ni Agua at niyakap ang kaibigan.

Nang makabitiw ay binato ni Aran ng mga tanong ang babae. "Hindi ba't isa kang sirena? Paano ka nagkaroon ng paa? Paano ka nakarating dito? At ang buhok mo..."

Sa halip na sagutin ay nginitian siya ni Agua bilang pagbati bago batiin din ang dalawa pang kasama. "Kayo sina Lakan at Sagani, hindi ba?" Bumaling itong muli kay Aran. "Sa pagkakatanda ko ay hindi ka nila kasama sa Subic. Ano ang iyong ngalan?"

"Ako si Aran. At hindi mo pa sinasagot ang mga tanong ko."

"Ah," bahagyang napabungisngis si Agua, "Mahabang kwento. Kung nais ninyo ay ikwento ko sa daan? Halikayo't patutuluyin ko kayo sa tinitirhan ko dito sa Talibon."

Hinigit ni Agua ang braso ni Malayah at ipinulupot ang kanyang kamay rito habang naglalakad. Nagkatinginan naman ang tatlo bago tuluyang sumunod.

Inilahad ni Agua kung paano siya nakarating sa Talibon. Saad niya ay simula nang gawin nila ni Malayah ang orasyon upang mapalitan ang kanyang buntot ng mga paa ay hindi na ito muling bumalik sa dati kahit pa akala nila'y sa pagsikat ng araw ay mawawalan na ito ng bisa.

Bumakas ang pagkagulat at pagsisisi sa mukha ni Malayah nang marinig ito ngunit kaagad naman itong iwinaksi ni Agua. "Huwag mo nga akong tingan nang ganyan," wika ng dating sirena at bahagyang tumawa. "Sa totoo lang ay nagugustuhan ko na ang mga paa ko kung kaya't wala kang dapat ikabahala."

Nakahinga ng maluwag si Malayah rito. Matagal niya nang pinagsisisihan ang kanyang ginawa noon na pagtataksil sa Subic at hindi niya mapapatawad ang sarili sa oras na malamang may iba pang nilalang ang naapektuhan ng naging mapangahas niyang kilos noon.

"Ngunit tila nakapagtatakang sa dinami-rami ng lugar ay dito ka namin muling makikita."

Napalingon si Agua kay Lakan at nagkibit-balikat. "Marahil ay nagkataon lamang--Narito na pala tayo!"

Narating nila ang isang bahay na gawa sa kawayan. Nakatayo ito sa gitna ng malawak at masukal na lote dahilan upang magmukha itong maliit at malayo sa iba pang mga kabahayan. "Ang bahay na ito'y sa isang kaibigan. Dito ako pansamantalang naninirahan. Tuloy kayo!"

Binuksan ni Agua ang pinto at bumungad sa kanila ang madilim nitong loob. May pinindot ang dating sirena sa itaas na pader dahilan upang umilaw ang isang bumbilya at lumiwanag ang malinis at maluwang na loob ng tahanan.

"Pasok kayo at ipaghahanda ko kayo ng makakain."

Kakaunti lamang ang mga kagamitan na naroon sa bukana. Isang maliit na porselanang lamesa sa harap ng mahabang sopá, mga puting kurtina na nagkukumbli sa pader na gawa sa kawayan, at isang malapad na playwud na nagsisilbing dibisyon ng bahay. Sementado ang sahig at mapapansin ang masinop na pagkakawalis dito.

"Wala ka bang inaasahang bisita ngayon? Baka makaabala kasi kami." Usal ni Aran nang ilapag ni Agua ang isang balot ng tinapay kasama ang mga basong nakapatong sa isang plato.

"Wala naman," kunot-noong saad ni Agua. "Paano mo naman nasabi?"

"Napakalinis kasi ng bahay mo. Naiisip ko lang na baka may inaasahan kang dumating."

Ilang sandaling pinagmasdan ni Agua ang mga kasama at tsaka bahagyang tumawa. "Ah, wala 'yon. Masinop lang talaga ang kaibigan kong may-ari nito," wika niya at naglakad patungo sa kusina.

"Nasaan nga pala ang kaibigan mo? Mukhang wala siya rito?" Tanong naman ni Lakan nang muling bumalik si Agua dala ang sisidlang may mainit na tubig.

"Tiyak akong pabalik na iyon mula sa trabaho. Mamaya ay ipapakilala ko kayo sa kanya."

Tahimik na kumain ang mga bisita ni Agua at matapos ang ilang minutong katahimikan ay ngumiti siya at binasag ito. "Oo nga pala, bakit kayo narito sa Talibon? Ikinuwento ko na kung paano ako nakarating dito, kayo naman ang magkwento."

Nagkatinginan ang apat at tila nag-aalangan kung sila ba'y magsasalita. Lihim ang kanilang intensyon na makuha ang hiyas sa lugar na iyon ngunit si Agua ay isang kaibigan na dati'y tinulungan na silang makuha ang isang hiyas.

"Hinahanap namin ang ikatlong hiyas."

Gulat na napalingon ang tatlo kay Aran.

"Narito ang ikatlong hiyas sa Talibon?" Hindi makapaniwalang usal ni Agua.

Tumango si Aran at hindi pinansin ang titig ng kanyang mga kasama. "Nasa kuta ito ng mga mananaggal, ayon sa mapa."

"M-Mga mananaggal?" Napalunok si Agua. "Natagpuan niyo na ba ito?"

Umiling si Aran at ngumiti. "Sa tingin namin ay mali ang mapa. Walang mga manananggal dito." Bahagyab siyang napatawa. "At sa tingin ko'y mainam na rin iyon sapagkat kung narito sila at nahanap kami ay wala kaming laban."

"Kung ganoon... ano nang susunod ninyong gagawin?"

"Aalis na kami kinabukasan."

Napatango-tango si Agua. "May matutuluyan na bakayo ngayong gabi? Kung nais ninyo ay dito na kayo tumuloy."

Mariin lamang na nakatingin ang tatlo kay Aran, naghihintay sa magiging tugon nito. Ngumiti si Aran at tumango. "Salamat, Agua."

Hindi man kumikibo ay tila sinusubukang hulaan ni Lakan ang nasa isip ni Aran at tila ganoon din sina Malayah at Sagani. Sapagkat ang manatili sa tahanan ng isang kaibigan ay hindi ang orihinal nilang plano sa gabing iyon.

Matulog nang mahimbing. Ngunit kahit na taliwas sa plano, tila nakakahalina ang ideyang iyon kumpara sa pagharap sa mga nakakatakot na nilalang ng dilim.

--

"Kung ganoon ay hindi pala tayo mananatili?"

Bahagyang natawa si Aran. Hinawi niya ang mga talahib bago lingunin si Lakan. "Kailangan nating magpatuloy. Isipin nalang natin na bukas ay matatapos na ito at kahit papaano'y makakapagpahinga tayo."

Huminto silang apat nang marating ang parte ng gubat kung saan walang mga sanga ng puno ang humaharang sa madilim na langit. Saglit niyang pinagmasdan ang mga bituin bago lingunin ang mga kasama. Tumango si Sagani at Lakan sa kanya. Nang madapo ang tingin kay Malayah ay nginitian niya ito. "Handa ka na ba, Malayah?"

Tumango lamang ito at umuwas ng tingin. Napabuntong-hininga si Aran at tumango pabalik. "Magsisimula na ang ikalawang hakbang ng plano."

Naghintay sila roon, nakatingala at hinihintay ang mga inaasahan. At nang dumating na nga ito ay laking pagtataka nila nang hindi sila nito napansin at dire-diretso lamang ang paglipad.

Halos tumaas ang kanilang mga balahibo nang ang nakakahumaling na kagandahan ng langit na puno ng mga bituin ay naharangan ng mga anino ng mga lumilipad na manananggal sa ilalim ng buwan. Hindi nila alam kung ilan ang eksaktong bilang ng mga ito ngunit higit ito sa sampu. Napalunok si Malayah.

"Saan sila pupunta? Anong--" Naputol ang sinasabi ni Aran nang sagutin ito ni Sagani.

"Kina Agua!"

"Imposible, hindi nila alam na naroon tayo." Usal ni Malayah.

Umiling-iling si Aran at nagsimulang tumakbo pabalik sa direksyong kanilang pinanggalingan. "Alam nila, alam nila! Hindi ko alam kung paano ngunit kailangan nating iligtas si Agua!"

Kaagad na sumunod sa kanya ang mga kasama at nang makabalik ay nadatnan nila ang mga nilalang ng dilim na nakapalibot sa bahay. Kung hindi lamang sila sanay sa mga ganitong kababalaghan ay tiyak na ang mga lamang-loob na nakalitaw mula sa kalahating katawan ng mga manananggal ay nakapagpatakbo na sa kanila. Ngunit hindi.

Isa sa mga manananggal ang lumipad papalabas sa pinto ng bahay. Masisilayan ang madilim na ekspresyon nito at sa kabila ng ekspresyong iyon ay nakilala ng apat ito. Si Luz. Ngunit nang madapo ang mga mata nito sa kanilang direksyon ay nagliwanag ang mukha nito.

Itinuro ng matatalim nitong kuko ang kinaroroonan nila. "Naroon si Malayah!"

Sa alingawngaw ng boses nito ay sabay-sabay na lumingon sa kanila ang mga mananaggal. Muling napalunok si Malayah. Ngayon ay nakadapo sa kanya ang matatalim na tingin ng mga halimaw na kahit kaila'y hindi na niya nais na muling makita. At ilang saglit lamang pagkatapos nito ay alam niyang may mas titindi pa sa pagharap niya sa mga manananggal.

"Malayah, takbo!" Hiyaw ni Lakan nang magsimulang lumipad ang mga nilalang ng dilim patungo sa kanila.

Kasabay ng pagtakbo ni Malayah ay ang pagtakbo rin ng kanyang mga kasama. Sumunod si Sagani sa dalaga habang sina Aran at Lakan ay nagtungo naman sa kabilang direksyon. At katulad ng kanilang inaasahan, kay Malayah at Sagani lamang sumunod ang lahat ng mga ito.

Nang masiguradong wala nang natirang manananggal sa bahay ni Agua ay kaagad na tumakbo patungo rito ang dalawa.

"Agua!" Pagtawag ni Aran sa dating sirena nang matagpuan itong nakasalampak sa sahig.

Gulat na napatingin sa kanila ang umiiyak na dalaga. "Aran? Lakan? Nasaan si Malayah? Hinahanap nila si Malayah!"

Kaagad na inalalayan ng dalawa si Agua upang makatayo. "Wala nang oras. Kailangan nating umalis dito."

Nang makalabas ay kaagad nilang sinundan ang daang tinahak kanina nina Malayah at Sagani. Katahimikan ang bumalot sa tatlo sa kanilang paglalakbay. Tila ang mga huni lamang ng mga kuliglig at tunog ng mga tuyong dahon sa kanilang bawat pagtapak ang maririnig. Ang mga kabahayan 'di kalayuan ay tila mahimbing nang natutulog.

"Sagani? Sagani!"

Sa kalagitnaan ng kanilang paglalakad ay nakasalubong nila si Sagani. Mapapansin ang paghahabol nito ng hininga habang ginagawang pangtukod ang kampilang hawak. Ang mga braso nito ay puno ng galos at mababakas ang mga bahid ng dugo sa suot nitong puting kamiso.

"Sabi nila ay kasama mo si Malayah, nasaan siya?" Kaagad na tanong ni Agua rito.

Blankong tinitigan ni Sagani ang dating sirena. "Nakuha nila si Malayah."

--

"Bitawan niyo ako!"

Paghalakhak lamang ang itinugon ng mga mananaggal kay Malayah. Mula sa himpapawid ay pilit niyang ikinampas ang kanyang mga paa sa hangin, umaasang mabibitawan ng may hawak sa kanya at makakatakas. Ngunit kahit anong gawin niya ay walang nangyayari.

Nagpatuloy lamang ito hanggang sa marating nila ang isang malaki ngunit tagong kweba sa kaibuturan ng bundok. Napasinghap si Malayah sa kakaibang amoy na nalanghap nang marahas siyang ibinaba ng mga manananggal na may hawak sa kanya.

Madilim ang kweba at sinubukan ni Malayah na maging alerto sa kanyang paligid. Kinapa niya ang mabatong sahig upang itukod ang mga kamay para makatayo.

Kaagad siyang napabalikwas ng atras nang isang maliit na liwanag ang lumitaw sa madilim na paligid. Kumalma lamang siya nang mapagtantong mula ito sa isang palito ng posporo. Unti-unting umusad ang liwanag hanggang sa huminto ito at lumiyab nang malakas.

Napagtanto ni Malayah na sinindihan ng isa sa mga manananggal ang isang sulo hanggang sa lumiyab na rin ang mga kasunod nito.

Walang dalang kahit anong armas ang dalaga kung kaya't ang kanyang mga mata ay alertong pinagmamasdan ang bawat pagkilos ng mga nilalang na dumakip sa kanya.

Mula sa liwanag ng mga sulo ay nakikita na nang malinaw ni Malayah ang mga nakakakilabot na mukha ng mga manananggal. Kaagad siyang napaatras. Ang mga tingin ng mga ito ay sapat na upang tumindig ang kanyang mga balahibo.

At nadagdagan pa ang kilabot na iyon nang dahil sa pag-atras ay may matunggo si Malayah dahilan upang mapaupo siya sa malamig na sahig.

"Anak ng kabayo! Huwag mong daganan ang kalahati kong katawan, mortal!"

Kaagad na napatayo si Malayah at gulat na pinagmasdan kunga no ang kanyang naupuan. Hindi pala ang sahig ang malamig niyang binagsakan bagkus ay isang kalahating katawan. At dahil sa pagkakatumba nito'y nagkalat ang mga lamang loob sa sahig.

Kaagad na lumipad patungo rito ang may-ari ng katawan at itinayo ito. Tulalang pinanuod ni Malayah kung paano nito muling ikinabit ang kalahating katawan at ipaglaho ang mga pakpak hanggang sa tuluyan nang bumalik sa maamong anyo.

Dahil sa pagkabigla ay hindi namalayan ng dalaga na lahat pala ng mga manananggal ay nagbalik anyo na. At napansin niya lamang ito nang dalawa sa mga ito ay hinigit ang magkabila niyang braso papasok sa bulwagan ng kweba.

Nais ni Malayah na takpan ang kanyang mga tainga dahil sa ingay ng mga nilalang sa loob na tila ba nagbubunyi. Mula sa isang malaking kawa ay naroon ang pinuno ng mga manananggal at hinahalo ang kumukulong likido rito. Kung wala siyang alam ay iisipin niyang sa susunod na mga sandali ay iluluto siya roon ng mga nilalang na ito. Ngunit alam niya kung para saan iyon.

Unti-unti, umatras ang pinuno ng mga manananggal palayo sa malaking kawa. Lumuhod siya sa harap nito at umusal ng isang orasyon.

Hindi katagalan ay ang mga usok sa kumukulong likido ay bumuo ng hugis ng isang lalaki. Ang maiingay na bungingis ng mga manananggal ay tila kaagad na naglaho sa presensya pa lamang ng nilalang sa usok.

"Panginoong Sitan," wika ng pinuno na inulit naman ng mga manananggal. "Sa kinahaba-haba ng panahon, sa wakas ay maihahandog na namin ang matagal mong hinahanap. Panginoon, narito na si Malayah."

Nais umatras ni Malayah ngunit dahil sa mga brasong mahigpit na nakahawak sa kanya at sa mga manananggal na nasa kanyang likod ay hindi niya magawa. Naiintindihan na ngayon ni Malayah kung bakit ganoon na lamang ang pagtahimik ng mga ito nang lumitaw ang nilalang sa usok.

Hindi makikita ang mukha ng lalaki mula sa itim na usok ngunit ramdam ni Malayah ang intensidad ng mga titig nito sa kanya.

"Malayah, Malayah, Malayah."

Iniyukom ni Malayah ang kanyang mga palad at pinigilan ang mga tuhod mula sa panginginig. Ang boses ng lalaki ay tila patalim na kumikiliti sa kanyang mga tainga. Ngunit hindi niya ito pinahalata.

Ngunit halos matumba siya kung hindi lamang sa mga kamay na nakahawak sa kanyang braso nang bigla siyang hitakin ng mga ito papalapit sa usok.

Napalunok si Malayah at sinubukang kumalma. Ilang sandaling katahimikan ang bumalot sa buong kweba. Sa mga panahong iyon ay mariin lamang siyang pinagmamasdan ng nilalang sa usok. Ngunit ang simpleng titig na iyon ay tila nagbibigay ng kakaibang init sa kanyang katawan na tila ba kung magpapatuloy ay susunugin siya.

Halos mapasalampak si Malayah sa sahig kung hindi lamang sa mga may hawak sa kanya nang mawala ang sensasyong iyon.

"Alisin ninyo ang kwintas ng alapaap mula sa kanya."

Sa utos na iyon ay kaagad na inilabas ni Luz mula sa ilalim ng asul na blusa ang kwintas. Hinigpitan niya ang hawak dito at nilaro-laro bago tumingin sa mga mata ng dalaga kasabay ng pagkurba ng kanyang mga labi sa isang ngisi.

Napapikit na lamang si Malayah nang humapdi ang kanyang batok dahil sa marahas na paghila ni Luz sa kwintas mula sa kanyang leeg. Ngunit ininda niya iyon at idinapo ang tingin sa pigura ng itim na usok.

Hindi man maaninag ang mukha nito ngunit dahil sa galit na pagbulalas nito ay napasinghap ang mga manananggal. Ngunit hindi nila alam kung bakit.

Hindi nila alam sapagkat hindi nila nakikita ang nakikita ng lalaki sa itim na usok.

Mali.

Ito'y sapagkat ang kanilang hindi nakikita ay hindi rin nakikita ng nilalang sa usok. Ang inaasahang anino na dapat ay lulan ni Malayah ay hindi nito makita.

"Lapastangan!"

At ang huling pagsigaw ng diyos ng Kasanaan ay hindi na nakapagpatindig sa balahibo ni Malayah. Sapagkat batid niyang nagtagumpay ang ikalawang hakbang ng kanilang plano.

--

Ikinuwento ni Sagani kung paano nadakip ng mga mananaggal si Malayah. Sinabi niyang sinubukan niya itong iligtas ngunit dahil sa dami ng mga kalaban ay hindi niya nagawa.

"Kung ganoon ay ano nang gagawin natin?" Saad ni Agua at pinagmasdan ang dalawang kasama. "Oo nga pala, nasaan si Aran?"

Hindi nagsalita sina Sagani at Lakan at tinitigan lamang siya. Ngunit hindi pala sa kanya nakatitig ang mga ito bagkus ay sa kanyang likuran. At nang mapagtanto ito ni Agua ay kaagad siyang lumingon din dito.

"Malayah?"

Sa ilalim ng malamlam na buwan ay nasilayan nila ang dalaga. Gusot-gusot ang dilaw na blusang suot nito ngunit hindi iyon alintana ng dalaga.

Gulat na napatayo si Agua. "Hindi ba't nadakip ka na nila? Paanong..."

Hindi ito pinansin ni Malayah at nakangiting tinanguan sina Sagani at Lakan. "Nagtagumpay ang ikalawang hakbang ng plano natin."

"Plano? Anong plano? Teka, hindi ko maintindihan."

Napalingong muli si Malayah kay Agua at ngumiti.

"Teka... kung narito ka, sino ang nakuha ng mga manananggal?"

Lumapit si Malayah at ipinatong ang kamay sa balikat ng dating sirena. "Agua, naaalala mo pa ba ang mahikang orasyon na ginamit natin noon?"

--

"Hindi ako si Malayah."

Humiyaw muli ang pigura sa usok nang dahil sa galit. At dahil dito ay nagkagulo ang mga manananggal. Nabitawan nila ang huwad na dalaga at kaagad na tumungo sa harap upang humingi ng tawad sa kanilang panginoon. Dahil dito ay natabunan siya ng mga ito.

"Hanapin ninyo ang tunay na Malayah!"

Sa boses na iyon ay kaagad na nagsilisan ang mga mananaggal dahilan upang maiwan ang huwad sa harap ng pigura sa usok.

"Ikaw..."

Mula sa paglisan ng mga manananggal ay nasilayan ng pigura sa usok ang tunay na anyo ng nilalang na dinala ng kanyang mga alagad sa kanya. Suot ang na asul na blusa na kanina'y suot ng wangis ni Malayah ay mariing nakatitig sa kanya si Aran.

"Kumusta, ama?"

***







Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro