Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

26. Ang Ibon

"Bakit ka pumayag?"

Nagpatuloy lamang si Malayah sa paglalakad at huminto sa tapat ng kanyang kwarto. Binuksan niya ito at pumasok. Sumunod naman si Aran.

"At bakit naman hindi ako papayag?" Kunot-noo niyang tugon sa binata. Kinuha niya ang mga gamit upang iimpake. "Desisyon ni Lakan na manatili. Wala akong magagawa."

Hindi malinaw kay Malayah ang dahilan ng biglaang desisyon ng kasama. Ngunit hindi na niya iyon kailangang problemahin. Ang mahalaga sa kanya ngayon ay ang makaalis sa Makitan at makausad sa misyon.

"Pero, Malayah-"

Napapikit siya. Kanina pa nangungulit si Aran tungkol dito. At ngayon ay tila naririndi na siya. Humarap si Malayah rito. "Aran, tama na. Pakiusap."

Ilang sandaling natahimik si Aran kung kaya't bumalik na si Malayah sa pag-aayos ng mga gamit. Ang akala niya ay umalis na ito ngunit muli itong nagsalita.

"Pero kasi... parang may mali." Naglakad si Aran patungo sa kabilang bahagi ng kama upang makaharap ang dalaga. "Nais ni Lakan na makapunta sa kabilang mundo. Hindi siya gagawa ng ganoon kadaling desisyon. At kung may magugustuhan man siya ay tiyak akong hindi si Linsana iyon."

Huminto si Malayah sa ginagawa at tinitigan ang kasama. "Ano ngayon ang nais mong ipahiwatig."

Natulala si Aran, iniisip ang nais sabihin. Ngunit hindi niya mailapat ang mga ideya sa salita kung kaya't napakibit balikat na lamang siya. "Kilala mo si Lakan, Malayah. Alam mo kung gaano niya kanais makapunta sa mundo ng hiwaga."

Napabuntong hininga si Malayah at blankong tinitigan ang kasama. "Hindi ko siya kilala," panimula ng dalaga. "O ikaw. O si Sagani. Katulad mo ay maikling panahon ko pa lamang kayong nakakasama. Sa paningin ko, pawang mga estranghero lamang kayo. Ano naman kung hindi sasama sa atin si Lakan paalis? Mas maganda nga iyon sapagkat ngayon ay isang hiyas na lamang ang kailangan natin kuhanin at matatapos na ang lahat ng ito. Makakabalik ka na sa inyo, makukuha ni Sagani ang gantimpala niya, at ako, maililigtas ko na si Papa."

Tumango-tango si Malayah sa kanyang sarili at iniwanan si Aran na hindi nakakibo sa kanyang mga sinabi.

--

Ngayon lamang napagtanto ni Linsana kung ano ang kanyang mga pinaggagawa at kung gaano ito kapanganib.

Nang magtagumpay ang gayumang kanyang ginawa ay ninais niya ito kaagad na ipaalam sa punong babaylan. Nang sa gayon, katulad ni Maria ay maging isang ganap na alabay rin siya.

Ngunit pumasok sa eksena ang kanyang kuya Laon. Nalaman nito ang desisyong pagpapaiwan ni Lakan para sa kapatid. Kilalang kilala nito si Linsana at sandaling iyon ay napansin na agad ni Laon na may mali.

Walang nagawa si Linsana kung hindi ang sabihin ang lahat sa kanyang kuya. Ang pagiging alabay ni Maria na nagbigay pag-asa sa kanya; ang gayuma sa libro ni Malayah; ang pagtungo sa kweba ni Dalikmata; at ang paggawa ng gayuma.

Nang malaman ang mga ito ay bumugso ang galit sa dibdib ni Laon. Sapagkat ang kapatid pala ang nakipaglaro kay Dalikmata dahilan nang pagkakabuwag ng pananggalang ng Makitan na sanhi ng pagkakapasok ng halimaw sa baryo na muntik nang ikapahamak ni Sol.

Nanlumo si Linsana nang malaman ang mga ito. At napagtanto rin niya na hindi niya maaaring sabihin sa punong babaylan o kahit kanino pa ang matagumpay na gayumang kanyang ginawa sapagkat papalalain lamang nito ang lahat.

Hindi siya magiging isang alabay katulad ni Maria.

Sa paglubog ng araw ay nagkulong na lamang si Linsana sa kanyang kwarto. Patuloy ang paghikbi. Nais niyang sabunutan ang sarili dahil sa kahibangan. Ano na lamang ang mararamdaman ng kanyang mga magulang sa oras na malaman ito kapag bumalik sila? Ano na lamang ang mukhang ihaharap niya kina Malayah sa oras na malaman ng mga ito ang pagkadamay sa kanyang kalokohan.

Ipinangako ng kanyang kuya na tutulungan siya nito na ayusin ang lahat. Bawiin ang gayuma kay Lakan, humingi ng tawad sa diyosa, at humingi ng tawad sa mga bisita.

Ngunit hindi alam ni Linsana kung paano maaayos ang lahat. At tila ngayon niya lang din napagtanto kung ano ang maaaring mangyari sa kanya sa oras na magising na muli si Dalikmata mula sa kahinaan nito.

Nabulabog ang tahimik na kwarto liban na lamang sa kanyang paghikbi nang dahil sa mga katok sa pintuan sabay ng isang boses na tinatawag ang kanyang ngalan.

Iyon ay si Lakan.

"Pakiusap, ayokong makipag-usap ngayon."

Ngunit bumukas na ang pinto.

"Pasensya na, naiwan mo atang nakabukas ito. Teka, umiiyak ka ba?"

Kaagad na nagtaklob ng kumunot si Linsana habang nakaupo sa kama. "Umalis ka na."

Ngunit naglakad papalapit ang binata at umupo sa tabi niya. "Alam mo... kung may problema ay maaari kang magsabi sa akin."

Huminto na sa paghikbi si Linsana ngunit nakatalumbong pa rin sa kanya ang makapal na kumot. Ang mga tuhod yakap-yakap niya habang ang baba ay nakapatong sa ibabaw nito.

"Nais kong bumalik sa nakaraan... upang pigilan ang hibang kong sarili sa mga pinaggagagawa nito."

"Kung gayon ay mayroon kang ginawa na iyong pinagsisisihan ngayon?"

Mula sa ilalim ng kumot ay tumango si Linsana. Narinig niya ang bahagyang pagtawa ng binata.

"Sa agham, imposible ang nais mo. Sa mahika, imposible rin. Alam mo kung bakit? Dahil ang nagawa na ay hindi na mababago. Alam mo kung ano na lamang ang maaari mong gawin? Ayusin ito sa kasalukuyan. Gawin ang tama at huwag nang ulitin ang mali."

"Ayusin sa kasalukuyan?" Inalis ni Linsana ang talukbong at tinitigan si Lakan. Naalala niya ang pangako ng kanyang kuya natutulungan siyang ayusin ang gulong napasok. "Sa tingin mo ba ay kaya kong ayusin ang lahat?"

Ngumiti si Lakan at tumango.

Noong panahong iyon ay nabuhayan ng loob si Linsana. Tumayo siya mula sa pagkakalugmok at lumabas upang harapin ang lahat.

Aayusin ko ang mga ito bago pa man umuwi sina ama't ina.

--

Kahit ano pang sabihin ni Malayah ay hindi pa rin tumigil si Aran sa pangungulit. Pilit niyang ipinagdidiinan na tila may mali raw sa mga nangyayari. Ngunit hindi naman nito masabi kung ano ang maling iyon.

Nakahanda na ang kanilang mga gamit at naghihintay na lamang sa bangkang pagsasakyan upang makapunta sa tabingdagat ng bayan kung saan nila iniwan ang sasakyan ng ama ni Malayah.

"Kung gusto mo ay magpaiwan ka na rin dito kasama ni Lakan."

Iyon ang huling sinabi ni Malayah kay Aran. At ngayon, sa daungan, ay siya lamang at si Sagani ang naghihintay sa bangka. Marahil ay sineryoso nga nito ang mga tinuran ng dalaga.

Napairap si Malayah sa hangin at patuloy ang paglinga-linga sa mga eskinita ng kabahayan na tila may inaaasahang sumulpot mula roon.

"Huwag mong sabihing hinihintay mong magbago ang isip ni Lakan?" Isa itong pang-aasar ngunit dahil sa seryosong tono ni Sagani ay hindi halata rito ang pagbibiro.

"Hindi ba't ang bangka ang hinihintay natin?" Halos pasigaw na usal ni Malayah dahil sa inis.

Katahimikan muli ang bumalot sa kanila.

"Hindi ka ba naniniwala kay Aran?" Muling pagbasag ni Sagani sa katahimikan.

Napalingon dito si Malayah. Napansin niya ang madalas nitong pagsasalita 'di karaniwan sa dati. Marahil ay unti-unti na itong nasasanay sa presensya ng mga kasama. Sabagay, sa isip-isip ni Malayah, ganoon din siya noong una.

"Na ano? Na may mali? Ni hindi niya nga masabi kung ano ba ang lintik niyang nais ipahiwatig."

Bahagyang natawa si Sagani sa iritableng tono ng dalaga. Hindi nagtagal ay dumating na ang mamamangka na maghahatid sa kanila sa kabilang ibayo. Naunang sumakay si Sagani rito at inilahad ang kamay upang alalayang sumakay ang dalaga.

Saglit na napatitig sa palad nito si Malayah bago ito kuhanin at maingat na humakbang sa bangka. At sa pag-upo nila ay isang boses ang tumawag sa kanilang pangalan.

"Malayah! Sagani!"

Hingal na hingal ay huminto si Aran sa tapat ng bangkang nasa ibabaw ng tubig. "Sabi ko sa inyo, may mali rito."

Napapikit si Malayah sa inis sapagkat narito silang muli sa usapang iyon. "Aran, isa p-"

"Ngayon ay malinaw na sa akin kung ano ang mali. Malayah..." Inilahad ni Aran ang kanyang mga palad.

"Ano iyan? Isang ibon?" Kunot-noong turan ni Malayah nang makita ang isang itim na ibon. Mukha itong isang uwak ngunit kasinglaki lamang ng isang maya. Kung hindi sa mga bahid ng dugo sa palad ni Aran ay hindi mapapansin na duguan ang ibon.

"Isang tiwit-tiwit." Si Sagani ang nagturan.

Lalong kumunot ang noo ni Malayah nang makita ang hindi mawaring ekspresyon ni Sagani. "Tiwit-tiwit?"

Ibinalot ni Aran sa isang tela ang ngayon ay tuluyan nang namayapang ibon. Matapos ay siya ang tumugon. "Isa itong pangunahing sangkap sa paggawa ng gayuma, Malayah."

--

Nais itama ni Linsana ang kanyang mga mali. At handa siya sa anumang kaparusahan dahil sa mga ito.

Sa sala ay hindi mapakaling naglalakad paikot-ikot si Laon. Hindi na niya alam ang gagawin. Sa maikling panahong mawawala ang kanyang mga magulang ay ipinagkatiwala sa kanya ang buong Makitan.

Ngunit hindi lamang pala ang baryo ang kanyang kailangang alalahanin.

Sa maikling panahong nawala ang kanyang mga magulang ay tila ba nagkagulo-gulo ang lahat. Pawang isang bahay-pawid na nawalan ng pundasyon. At tila may binubulong ang hangin na pahiwatig patungkol dito: Kung hindi niya mapapanatili ang kapayapaan sa baryon ang saglit na panahon, ano pa kaya sa pagdating ng sandaling ipapasa na sa kanya ang pagiging datu?

Kung kaya't pursigido si Laon sa isang bagay. Aayusin ko ang mga ito.

Lumitaw sa sala sina Linsana at Lakan. Kaagad itong nilapitan ng binata.

"Linsana-"

Hindi pa man naturan ang sasabihin ay kaagad na tumango si Linsana. Hindi alam ng dalaga kung tapang ba o konsensya ang kanyang nadarama. Ngunit sa totoo lamang ay wala siyang maramdaman. Bahala na.

"Una muna ay kailangan nating siguraduhing hindi mamamatay ang mahiwagang ibon. Linsana, nasa'yo pa ba ito?"

Umiling-iling si Linsana sa kanyang kuya. "Buhay ito nang kuhanan ko ng parte ngunit lumipad na ito palayo at hindi ko na hinabol pa."

Madilim ang mukha ay nilingon ni Laon si Lakan na walang kaalam-alam sa kanilang pinag-uusapan dahil sa mahikang nakabalot dito. Muli itong bumaling kay Linsana.

"Linsana, sa oras na mamatay ang ibon ay mapapahamak ang biktima."

Biktima? Alam ni Linsana ang ibig sabihin nito. Biktima-ang napasailalim sa mahika ng gayuma.

Tila naestatwa siya sa kanyang kinatatayuan. Ngayon ay tila napagtanto niyang tunay kung gaano kabigat ang kanyang ginawa. Dahan-dahan niyang nilingon si Lakan ngunit sa mga sandaling iyon, ang binata ay tila nakakaramdam na ng kakaiba.

Bigla na lamang bumigat ang pakiramdam ni Lakan, hindi niya alam kung bakit. Napahawak siya sa kanyang dibdib na tila ba may taling nakapalupot at unti-unting humihigpit hanggang sa tila sasabog na ito. Nanghihina ay napaupo siya sa kanape.

Kaagad na humakbang si Linsana upang makalapit sa binata. Ngunit bago pa man niya ito magawa ay marahas na bumukas ang pinto at sa unahan nito ay kaagad na tumakbo palapit kay Lakan si Malayah.

--

Gayuma.

Naalala ni Malayah na mayroong ganitong orasyon sa libro ng kanyang lola. Ngunit hindi niya ito masyadong pinagtuunan ng pansin sapagkat alam niyang hindi niya ito magagamit sa paglalakbay.

Ngunit may isang impormasyon sa kabanatang iyon na nakapukaw sa kanyang atensyon.

Sa oras na mamatay ang mahiwagang ibon, mapapahamak ang nagayuma.

At sa pagkaalala nito ay bumaba ang kanyang paningin sa walang buhay na ibon sa palad ni Aran. "Hindi..." Kaagad siyang bumaba sa bangka at tumakbo pabalik sa kabahayan ng Makitan.

Nagtataka man ay sinundan ito ng dalawa.

***

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro