Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

15. Si Aran

"Hindi siya ang kilala nating Sagani."

Katahimikan ang bumalot sa malalim na gabi. Hindi maintindihan ni Lakan ang mga tinuran ni Malayah ngunit mas lalo siyang naguluhan dahil sa panibagong nilalang na dumating.

"Asan na ang higan-S-Sagani?"

Napatingin silang lahat sa isa pang Sagani na kakarating lamang at ngayon ay gulat na makita ang kanyang kawangis.

"Ikaw..." Usal ng tunay na Sagani habang nanlilisik ang mga mata sa kanyang kahuwad. "Ang magnanakaw." Hindi na niya pinansin ang kampilang nakatutok sa kanyang leeg at nilabas niya ang isa pang kampilan upang tutukan ang huwad na kawangis.

"Huwag kang gagalaw!" Usal ni Malayah na tila pinapaalala ang talim na itinututok niya rito.

Ngunit hindi nagpatinag si Sagani. Nakatutok ang kanyang kampilan sa huwad na kawangis habang ang kay Malayah naman ay nakatutok sa kanya. Naistatwa lamang si Lakan sa kinatatayuan at tila seryosong pinagmamasdan ang mga kasama.

"Bumalik ka sa tunay mong anyo, lapastangan! At ibigay mo sa akin ang kabibe ni Kaptan," mariing usal ni Sagani.

Napalingon ang huwad kina Malayah at Lakan. Napakagat siya ng labi at yumuko. Hindi niya batid na malalaman ng mga kasama ang kanyang sikreto sa ganitong sitwasyon. Sasabihin niya naman talaga sa kanila at humahanap lamang ng tiyempo.

Kinuha niya sa bulsa ang gintong kabibe at tuluyan nang nagpalit ng anyo. Isang lalaki, may kabataan mula sa kanyang dating wangis, itim ang maiksi lamang na buhok, at may pagkaputi ang balat. Nakayuko pa rin ay iniabot niya kay Sagani ang kabibe.

Ito ang nagbigay sa kanya ng kakayahang magpalit ng anyo. Ang ginintuang kabibe ng diyos na si Kaptan na iniregalo niya sa diyos ng dagat na si Magauayan. Nasa pangangalaga ito ng mga diwata sa mundo ng hiwaga bago ito nanakaw.

Gulat na pinagmasdan nina Malayah at Lakan ang dalawa. Ibinaba ni Malayah ang kanyang kampilan kasabay ng pagbaba ni Sagani ng kanya. Nakayuko lamang ang lalaki habang pinoposasan siya ni Sagani.

"Teka, hindi ba't nakuha mo na ang kailangan mo? Bakit kailangan mo pa siyang hulihin?"

Nagulat ang lahat nang magsalita si Malayah. Kunot-noo siyang nilingon ni Sagani.

"Ang lalaking ito ay tumawid sa Kawalhatian patungo rito bilang ako. At dahil doon, hindi ako muling makakatawid hangga't hindi ko siya isusuko at mabibigyan ng karampatang parusa."

"Anong parusa?"

Hinawakan ni Lakan sa balikat ang dalaga. "Malayah, kamatayan."

Pinagmasdan ni Malayah ang huwad na nagpakilala sa kanila noon na Sagani. Hindi alam ni Malayah ang dahilan ng pagpapanggap nito. Ngunit kamatayan? Sa kaunting mga araw ay napalapit na rin sa kanila si Sagani, ang huwad na Sagani.

Hindi pa rin magawang makatingin ng nagpanggap na Sagani sa mga kasama. Marahil ay iniisip niyang tama nga ang kanyang ina. Hindi maitatama ang isang pagkakamali kung tatakpan lamang ito ng isa pang pagkakamali. At ngayon, lahat ng pagkakamaling iyon ay bumabalik na sa kanya.

"Paano kung ganito nalang..." Biglang saad ni Malayah at nilagay sa sisidlan ang hawak na kampilan. "Isang hiyas. Makakabalik ka sa kabilang mundo gamit iyon."

Bahgyang tumawa si Sagani. "Ibibigay mo ang hiyas kapalit ng magnanakaw?"

Gulat na napalingon ang huwad kay Malayah ngunit ngumisi lamang ang dalaga habang nakatitig sa totoong Sagani. "Hindi. Tutulungan mo kaming hanapin ang iba pang mga hiyas."

"At paano mo naman nasisiguradong papayag ako?"

Ipinaling nang bahagya ng dalaga ang kanyang ulo at pinagmasdan ang matindig na postura ng tagapagtanggol habang hindi pa rin naaalis ang ngisi sa labi. "Alam kong hinahanap mo rin ang mga hiyas." Napailing siya. "Hindi ang mga hiyas kung hindi ang mga nilalang na nagbabantay rito."

"Sa Subic, naroon ka, hindi ba? Nagtaka ako kung bakit hindi na muling nagpakita si Mariang Karamot simula nang bumalik siya sa dagat. Pero ngayon ay napagtanto ko na." Matalim niyang tiningnan ang tagapagtanggol. "Kinuha mo ang diwa ng sirena katulad ng ginawa mo kanina kay Angalo."

Kunot-noong nilingon ni Lakan si Malayah. "Hindi ba't naglaho si Angalo dahil nawala ang hiyas sa kanya?"

"Hindi naman naglaho si Mariang Karamot noon nang mawala ang hiyas sa kanya." Tugon ng dalaga at humarap muli sa tagapagtanggol. "Matagal mo na kaming sinusundan, hindi ba?"

Hindi kumibo si Sagani sa tanong ni Malayah. Ngumiti si Malayah at nagsalitang muli.

"May ikinuwento sa akin si Papa noon patungkol sa mga nilalang na matagal na dapat na wala ngunit dahil sa mahihiwagang bato ay narito pa rin sa mundo ng mortal. Ngayon ko lang napagtanto na ang tinutukoy niya ay ang mga hiyas. At sabi ni Papa, bilang isang tagapagtanggol, malaking gantimpala ang makakamit sa oras na maibalik ang mga nilalang sa mundo ng hiwaga."

Seryoso pa rin ang mukha ni Sagani. Ngunit inalis niya ang posas mula sa huwad. Naglakad siya papalapit kay Malayah at tila nagsusukatan ng titig sa isa't-isa.

Inilahad ng tagapagtanggol ang kanyang kamay. "Pumapayag ako."

Napangiti si Malayah at kinuha ang kamay nito.

"Bukas ng umaga. Babalik ako," wika ni Sagani at naglaho sa kakahuyan.

--

Tahimik na bumalik ang tatlo sa panuluyan. Nagtataka man ang gwardya kung saan sila galing ay hindi na ito kumibo dahil ramdam din niya ang bigat ng tension sa pagitan ng mga bisita.

Nang makapasok sa loob ng kwarto ay kaagad na hinugot ni Malayah ang kampilan mula sa sisidlan sa likuran at itinutok sa tila estrangherong nasa harapan.

"Anong pakay mo? Isa ka ba sa kanila?"

"Kinuha nila siya." Napayukom ang kamao ni Malayah nang marinig ang humihikbing tinig ng kanyang lola sa kanyang isipan.

Gulat na napaatras ang estranghero at itinaas ang dalawang kamay bilang pagsuko. "Malayah, sinong sila? W-Wala akong alam. Totoo."

Sa bawat pag-atras nito ay ang paglapit naman muli ng talim na hawak ni Malayah. Tumigil lamang siya nang hawakan ni Lakan ang kanyang balikat.

"Kung ganoon ay anong pakay mo? Bakit ka sumama sa amin? Nais mo rin ba ang hiyas? Kung hindi ka ba namin nabuko ay nanakawin mo ang mga ito?" Sunod sunod na usal ng dalaga.

Umiling-iling ang dating Sagani na nakilala nila. "Hindi. Hindi ko gagawin iyon." Unti-unti siyang yumuko. "Ang nais ko lamang ay ang may makasama."

Kumunot ang noo ng dalaga habang hindi pa rin ibinababa ang kampilan ng ama.

"Mula ako sa mundo ng hiwaga at tumakas ako... noong makita niyo ako sa bundok ay iyon ang unang beses kong makarating dito. Wala akong alam kung kaya't sumama ako sa inyo... maniwala kayo. Wala akong balak na masama."

Dahan-dahang ibinaba ni Malayah ang patalim. Habang pinagmamasdan ang lalaki ay nakikita niya rito ang sinseridad sa mga mata. Biglang naalala ng dalaga ang ikinuwento nito noong nasa bahay sila ng kanyang tiya Berna.

"Ayaw din sa akin ng mga kamag-anak namin. Masama kasi ang tatay ko kaya ang akala nila ay masama rin ako. Kaya nga nais kong maging isang tagapagtanggol. Gusto kong ipakita sa kanila na mabuti ako."

Marahil ay ang mga iyon ay hindi kasama sa pagpapanggap nito.

Huminga ng malalim si Malayah at ipinasok sa sisidlan ang kampilan. "Magpakilala ka."

"Ako si Aran."

Matalim pa rin ang titig ng dalaga kay Aran habang si Lakan naman ay seryoso siyang pinagmamasdan at tila malalim ang iniisip.

"Labinwalong taong gulang."

Tahimik lamang ang dalawa, nakikinig.

"Mula ako sa kabilang mundo. Ang aking ina ay isang diwata. Ang aking ama ay... isang diyos."

"Isang diyos?"

Liningon ni Aran si Malayah at marahang tumango. Muli siyang yumuko at tila nag-aalalangang magsalita muli. Napabuga siya ng hangin at humarap muli sa mga kasama.

"Si Sitan."

Napaatras si Lakan at lalong sumeryoso ang ekspresyon. Si Malayah naman ay tila namamanghang napatango. "Isang kalahating diyos..." Pabulong niyang usal.

Yinukom ni Lakan ang mga kamao habang pinagmamasdan ang lalaking nasa harapan. Si Sitan. Ang diyos ng kadiliman na matagal nang nakakulong sa Kasanaan, sa sarili nitong tahanan. Ngunit ang pagkakakulong na iyon ay hindi naging hadlang upang maghasik pa rin ito ng kadiliman sa parehong mundo ng mortal at hiwaga.

Poot ang naramdaman ng binata sa kalahating diyos ngunit nawala ito nang napahawak siya sa ulo dahil sa biglang pagsakit nito. Isa-isang bumalik sa kanya ang mga pangitaing matagal nang nakita at ayaw na niyang masilayan muli. Ang mga imaheng sinubukan niyang burahin gamit ang kanyang mahika ay tila bumabalik. At isa rito ay nahagip niya ang pigura ni Aran.

"Lakan, ayos ka lang?" HInawakan ni Malayah ang mga balikat ng binata nang mapansin ang bigla nitong pagdaing.

Liningon niya si Malayah at dahan-dahang napaatras. Tila bumabalik sa kanya ang mga pangitaing nakita sa balon ng kanyang kapatid. Ang mukhang may pag-aalalang nakatingin sa kanya ngayon ay ang parehong mukha na nababahiran ng dugo na nakita niya sa balon ng tadhana. Ngunit ang dugong iyon ay hindi mula sa sariling sugat.

Kung hindi ay sa mga inosenteng nilalang na walang awa niyang papaslangin.

***

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro