Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

11. Engkanto

Napabaling silang dalawa sa gate nang marinig ang pagbukas nito. Pumasok sina Mang Roni, Lakan, at Sagani. Nang mabaling ang tingin ng mga ito sa kanilang dalawa ay kumaway si Malayah.

Unti-unting lumapit sina Sagani at Lakan sa kanya habang si Mang Roni naman ay pumasok sa bahay.

Nabaling ang tingin ni Lakan sa kasama ni Malayah. Natigilan siya nang mamukhaan ito. Nginitian ni Ilang ang dalawa.

"Sila ba ang mga kasama mo?" Tanong ng matamis nitong boses.

"Opo. Ito po si Lakan at Sagani. Ako naman si Malayah."

"Ako si Ilang."

Seryoso lamang nakatitig si Lakan dito. Kilalang-kilala niya ang pangalang iyon. Pagmamay-ari ng isang taong hinding-hindi nila dapat na makasalamuha habang nasa misyon.

"Malayah, maghanda ka na. Aalis na tayo."

Kumunot ang noo ng dalaga. "Ngayon na?"

Hindi na muling nagsalita si Lakan at naglakad na paalis. Naguguluhan man ay sumunod si Malayah.

"May nakita kaming sakayan hindi kalayuan dito. May byahe patungong Abra."

Kinuha niya ang bag at isinukbit sa balikat. Kinuha rin ni Malayah ang sa kanya. Si Sagani naman ay nakahalukipkip lamang. "Hindi ba muna tayo kakain bago umalis?" Nakanguso nitong tanong.

"Kapag may madaanan tayo," tugon ni Lakan at naglakad na papalapit ng gate.

Lumabas naman mula sa bahay si Aling Sinya. "Oh? Aalis na kayo agad? Halikayo't kumain muna! Nais din kayong makita ni Ma'am Ayen."

Lumapit muli si Lakan at tatanggi sana nang unahan na siya ni Sagani. "Sige po, bawal tumanggi sa grasya!"

Bahagya namang natawa si Ilang na kakalapit lamang sa kanila. "Halina kayo." Aya niya at hinawakan ang braso ni Malayah upang sabay na pumasok.

Sumunod naman sina Sagani at Aling Sinya. Nilingon ni Malayah si Lakan na tila may kunot sa noo. Gamit ang kanyang kaliwang kamay ay hinitak niya ito.

Pagpasok nila sa kanang pasilyo ay nakatayo ang isang ginang sa tabi ng isang mahabang lamesa na puno ng mga pagkain. Kung susuriin ni Malayah, kasing-edad lamang ng kakikilalang si Ilang ang babae. Hanggang balikat lamang ang itim nitong buhok at nakasuot ng kulay lilang roba.

"Halikayo't kumain," masigla niyang wika.

Umupo sila.

"Sige lang, kumain kayo. Huwag kayong mahiya," muling saad ni Ayen nang makitang hindi ginagalaw ng tatlo ang pagkain nila.

Nahihiyang ngumiti ang tatlo at nagsimulang kumain.

"Ang sabi ni Manang, galing raw kayo sa Subic?"

"Opo." Si Sagani ang sumagot.

"At patungo kayong Abra?"

"Opo."

"Bakit hindi nalang kayo sumabay kay Francisco bukas? Patungo siyang Ilocos Sur bukas, para makatipid kayo."

Nagkatinginan silang tatlo. Sa tingin ni Malayah ay mas maganda iyon at si Sagani naman ay ayos na ayos dito. Ngunit bago pa man sila makatugon ay nagsalita na si Lakan.

"Huwag na po."

Kunot ang noong nilingon ni Malayah ang binata. Kanina niya pa napapansin ang hindi magandang ekspresyon nito.

"Hangga't maaari po kasi ay kailangan naming makapunta sa Abra nang maaga." Wikang muli ni Lakan at nilingon si Malayah.

Napaiwas ng tingin ang dalaga. Nais ni Lakan na mapaaga ang pagkuha ng pangalawang hiyas para sa kanya, upang kaagad silang makapunta sa kabilang mundo.

"O siya, sige. Kumain lang kayo upang magkalakas kayo para sa byahe."

Nalipat ang kanilang mga usapan sa ibang bagay. Tungkol sa ganda ng Subic, sa mga kasabihan, mga idelohiya, at iba pa. Kadalasan ay si Sagani ang sumasagot sa mga tanong nina Ayen at Ilang habang si Malayah ay madalang. Si Lakan naman ay tahimik lamang.

"Dalampu't isa ka na, Malayah?" Gulat na tonong ni Ayen. "Mukha kang disi-otso pa lang."

Bahagyang natawa ang dalaga. "Hindi naman po."

"Alam mo, kaedad mo lang ang anak ko. Si Solidad. Nako, siguradong magkakasundo kayo kapag nagkita." Sambit naman ni Ilang.

"Talaga po? Sana ay makita ko rin siya."

"Hay, si Sol. Bakit nga pala hindi mo sinama ang inaanak ko?" Saad naman ni Ayen sa kaibigan.

"Abala sa pag-aaral sa maynila si Sol. Balak magtapos ng medisina."

"Nako, namana siguro ng anak mo ang pagiging babaylan mo."

Natigilan si Lakan maski si Malayah. "Isa po kayong babaylan?" Tanong ng dalaga.

Hindi kaagad nakakibo si Ilang kung kaya't si Ayen ang nagsalita. "Nako, oo, hija. Dating babaylan 'yang kaibigan ko!"

Pinagmasdan ni Malayah ang dating babaylan nang may pagkamangha.

"At alam mo bang napakaespesyal ni Sol? Mismong ang diyos ng araw ay nahawakan na siya noong sanggol pa lamang! Iyon din ang dahilan kung bakit ipinangalan siya sa araw."

Naibaba ni Lakan ang tinidor sa plato at naglikha ng tunog dahilan upang saglit na mapatingin sa kanya ang lahat.

"Inkayen," saway ni Ilang sa kaibigan. "Baka hindi naniniwala ang mga bata sa mga ganyan."

Kaagad na umiling si Malayah. "Nako, hindi po. Ang lola ko po ay dati ring babaylan. At tsaka, palagi akong kinukwentuhan ni Papa patungkol sa mga bagay na ganoon."

Napangiti si Ilang. "Talaga?" Mariing tumango si Malayah. "Anong pangalan ng papa mo?"

Sasagot sana ang dalaga nang biglang tumikhim si Lakan. Bumukas din ang pinto dahilan upang mabaling ang atensyon nilang lahat dito.

"Oh, may mga bisita pala tayo."

Kaagad na tumayo si Ayen at sinalubong ang asawa. "Nasiraan kasi sila nang sasakyan kaya pinatuloy ko muna."

"Magandang tanghali po." Bati ni Sagani.

Pinakilala ni Ayen ang tatlo nang makaupo sa hapag si Francisco. Muli silang nagkwentuhan, hindi na muling nabanggit ang mga pinag-usapan kanina.

--

Ilang sandali lamang pagkakain nila ay sinundo ng isang lalaking naka-motorsiklo ang ginang na si Ilang. Hinikayat naman ni Francisco ang tatlo na sumabay na nga lamang sa kanya bukas ng umaga ngunit mariin pa ring tumanggi si Lakan.

Nang makapaghanda sa pag-alis, nagpresinta si Sagani na siya na lamang ang magpapaalam sa mag-asawa. Pumasok siyang muli sa bahay at tiningnan sa kusina ngunit kahit si Ayen ay wala rito maski si Aling Sinya kung kaya't wala siyang nagawa kung hindi ang umaakyat patungo sa ikalawang palapag.

Sina Malayah at Lakan naman ay nakaupo sa harap ng batong mesa dala ang mga gamit.

"May problema ba?" Nagtatakang tanong ni Malayah sa kasama dahil napansin niyang kanina pa ito hindi kumikibo.

Umiling lamang ito at hindi nagsalita dahilan upang lalong kumunot ang noo ng dalaga. Ilang sandali ang lumipas ngunit hindi pa rin bumabalik si Sagani kung kaya't napagdesisyunan ni Malayah na sumunod dito at iwan muna si Lakan.

Nakasalubong ni Malayah si Aling Sinya. "Nakita niyo po si Sagani?"

"Hindi ba't nasa labas at kasama ninyo?"

Umiling siya. "Bumalik po siya rito para magpaalam kina Señor Francisco."

"Ah ganoon ba? Halika."

Nang maglakad muli ay nahagip ng tingin ni Malayah si Sagani sa ikalawang palapag at tila nakasilip sa isang kwarto.

"Sagani," tawag niya ngunit hindi ganoon kalakas sapagkat baka may maistorbo.

Hindi nito narinig ang kanyang boses. Nalingon naman si Aling Sinya kung saan nakatingin si Malayah.

"Ay diyos ko! Bakit nandyan siya," bulalas ng ale at kaagad na umakyat sa hagdanan. Nagtataka namang sumunod si Malayah rito.

"Hijo," usal ni Aling Sinya at marahas na hinatak ang braso ni Sagani mula sa nakaawang na pinto dahilan upang matunggo niya ito at lalong mabuksan.

Kaagad na napalingon ang mag-asawa dahil sa komosyon na nangyari. Tumayo si Francisco at kunot-noong pinagmasdan ang tatlong nilalang na nasa labas.

"Anong ginagawa niyo rito?" Wala na ang mabait na tono sa boses ng don.

Natigilan si Aling Sinya at inutusan si Sagani na humingi ng paumanhin. Si Malayah naman ay nagtatakang sumilip sa kwarto kung nasaan si Ayen.

"Sino po ang nakahiga sa kama?" Tanong ng dalaga dahilan upang mabaling sa kanya ang atensyon ni Francisco.

"Anak ko."

"Ano pong nangyari sa-"

Naputol ang sinasabi ng dalaga nang sumagot kaagad ang don. "Patay na siya."

"Hindi niyo 'yan anak."

Napatingin silang lahat nang magsalita si Sagani. Seryoso lamang ang mukha nito at nakatitig sa nakahigang babae sa kama. "Ubod ng saging."

Nang marinig ito ay kaagad na tumayo at lumapit si Ayen sa pinto. "Nakikita mo, hijo?" Gulat niyang tanong at bumaling sa asawa. "Francisco, sinabi ko na sa'yo. Hindi pa patay ang anak natin!" Usal niya at nilingon si Sagani. "Hindi ba?"

Tumango si Sagani at pumasok sa kwarto upang suriin ang babae sa kama. "Mayroon na akong nakitang katulad nito. Isinasama ng engkanto ang isang tao sa tahanan nito at papalitan ang katawan nito ng kahoy o ubod ng saging para palabasing patay na ito."

"Pero paano mo nakikita?" Tanong ni Ayen.

"Mula ako sa kabilang mundo. Isang... isang tagapagtanggol."

"Oh, diyos ko..."

"Ano bang kalokohan ang sinasabi ninyo?" Usal ni Francisco at kinaladkad si Sagani palabas sa kwarto ng kanyang anak.

"Umalis na kayo!" Hiyaw niya sa mga bisita.

Dahil sa narinig na sigawan ay kaagad na pumasok si Lakan. "Anong nangyayari rito?" Tanong niya nang makalapit kay Malayah.

"Umalis na kayo sa pamamahay ko. Mga baliw!"

Dahil sa muling sigaw ng don ay kaagad na hinitak ni Aling Sinya ang tatlo pababa ng hagdan. "Pakiusap, umalis na kayo rito."

"Francisco! Huwag mo silang paalisin. Baka matulungan nila tayong mabawi si Kara sa engkanto." Pakiusap ni Ayen sa asawa.

Hinarap siya nito at hinawakan sa magkabilang balikat. "Inkayen, isa akong doktor! Patay na ang anak natin. Pakiusap, ihinto mo na ang kahibangang ito at bigyan na natin siya ng maayos na libing."

Umiling-iling si Ayen, tumutulo ang mga luha sa mga pisngi. "Buhay si Kara, alam kong buhay siya." Iniwan niya ang asawa at bumaba upang habulin ang mga bisita.

"Sagani, may paraan pa ba upang mabawi ang anak ko?"

"Mayroon po. Sunugin ninyo ang huwad na bangkay at kausapin ang engkanto."

Padabog na bumaba si Francisco. "Inkayen, huwag mong sabihing gagawin mo ang sinasabi nila?"

"Francisco..."

Itinulak ng don ang tatlo palabas ng pinto at isinarado ito. "Inkayen, tama na... pakiusap. Patahimikin mo na ang anak mo."

"Hindi pa siya patay," sambit ng ginang sa pagitan ng mga hikbi.

"Isa akong doktor, Inkayen. Maniwala ka sa akin."

"Hindi ka naniniwala sa akin. Kahit noon pa man! Tapos ngayon ay nais mong maniwala ako sa'yo? Francisco, totoo ang hiwaga." Wika niya at hinawakan ang magaspang na kamay ng asawa. "Bakit? Hindi mo ba nais bumalik ang anak mo?"

--

"Tayo na."

Kunot-noong nilingon nina Sagani at Malayah si Lakan.

"Bakit?" Tanong ni Sagani.

"Aalis na tayo. Hindi ba't pinapaalis na tayo?"

"Pero... hindi ba natin tutulungan ang mag-asawa?"

"Kailangan na nating makuha ang hiyas." Saad ni Lakan at bumaling sa dalaga. "Malayah?"

Kunot-noo siyang pinagmasdan ni Malayah. Tila ba nag-iba ang ihip ng hangin. Naaalala niya, si Lakan pa mismo ang nagsabi sa kanya na hangga't maaari ay tumulong.

"Tama si Sagani."

Matapos sambitin ito ni Malayah ay biglang bumukas ang pintuan ng mansyon. Lumabas mula roon ang mag-asawa. Bumuntong hininga si Francisco bago magsalita.

"Maaari niyo ba kaming tulungang mabawi ang anak namin?"

***

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro