"Sa tugot ni Angalo." Basa niya sa baybaying nakasulat.
"Tugot?" Kunot-noong tanong ni Sagani.
"Ilocano para sa yapak." Tugon naman ni Lakan.
"Parang bakas ng paa, ganoon?"
Tumango si Malayah at humikab. Humiga siya sa likurang upuan ng sasakyan. "Sa Abra, malapit sa dulo ng Ilocos Sur, tayo papunta. Mahaba-habang biyahe." Wika niya at ipinikit ang mga mata.
Naging tahimik na ang sasakyan at patuloy pa rin sa pagmamaneho si Lakan. Dalawang oras ng biyahe ay nakatulog na rin si Sagani. Sa daan lamang ang mga mata ng binata.
Kumunot ang noo ni Lakan nang biglang huminto ang sasakyan at lumilikha ng kakaibang tunog. Lumabas siya upang tingnan ang makina at napapikit na lamang siya nang usok ang bumungad sa kanya rito.
Inilibot niya ng tingin ang paligid. Nasa kalsada sila sa gitna ng malawak na mga palayan. Matindi rin ang sikat ng araw sapagkat malapit nang pumatak ang alas-dose ng tanghali.
Wala siyang nagawa kung hindi ang gisingin si Sagani.
"Bakit?"
"Nasiraan tayo?"
"Ng ano?"
"Ng sasakyan."
Napapikit si Sagani nang makalabas dahil sa matinding sinag ng araw. "Anong gagawin natin?"
"Magtutulak hanggang sa makahanap ng pagawaan."
Inilibot ng tingin ni Sagani ang paligid. Napabagsak siya ng mga balikat. Wala nga siyang matanaw na ni isang bahay sa malawak na palayan at kalsada. Isang pagawaan ng sasakyan pa kaya?
Wala siyang nagawa kung hindi ang tulungan si Lakan na itulak ang sasakyan sa kahabaan ng kalsada.
Kalahating oras ng pagtutulak ay huminto muna sila. "Lakan, mukhang wala namang kahit ano rito eh."
"Meron 'yan. Magtatanong tayo kapag may nakasalubong na ibang sasakyan o kaya naman ay nakakita ng isang bahay."
Umupo si Lakan sa ilalim ng isang puno sa gilid ng kalsada. Kumuha naman si Sagani ng tubig sa loob ng sasakyan at uminom. Matapos ay sumandal siya sa likuran nito.
Hindi niya alam ay unti-unti niyang napapausad ang sasakyan. At dahil pababa na ang kalsada ay dumiretso ito ng andar. Hinabol naman ito ni Sagani.
Kaagad na napatayo si Lakan at sumunod kay Sagani sa paghabol. "Anong ginawa mo!?"
"Sumandal lang ako, hindi ko naman alam na uusad pala nang ganito." Tugon ni Sagani habang patuloy pa rin ang pagtakbo.
"Nasa loob pa si Malayah!"
Dahil dito ay mas binilisan pa nila ang pagtakbo. Unti-unti nilang naunahan ang sasakyan at pinigilan ang pag-usad nito hanggang sa tuluyang huminto.
Kaagad na pumasok si Lakan upang tingnan ang kalagayan ni Malayah. Sumunod din si Sagani.
Napahinga sila nang maluwag nang makitang nakahiga pa rin ito sa upuan at mahimbing ang pagkakatulog.
"Hay, tulog-mantika." Usal ni Lakan at muling lumabas.
"Sagani, ayon." Tinuro niya ang isang malaking tarangkahan sa isa sa dalawang daan na nasa harap nila. "Baka matulungan nila tayo."
Itinulak nilang muli ang sasakyan, ngayon ay maingat na, hanggang sa marating nila ang malaking tarangkahan. Pumasok muli sa loob si Lakan upang gisingin si Malayah. Pumasok din si Sagani upang uminom ng tubig.
Bumangon ang dalaga at nag-inat ng braso. "Bakit parang hingal na hingal kayo?"
Nagkatinginan ang dalawa. "Nasiraan kami," tugon ni Sagani.
"Ng ulo?"
"Nako. Malapit na talaga, Malayah." Sumandal si Sagani sa upuan ng sasakyan at hinabol ang hininga.
"Nasiraan tayo ng sasakyan. Dalawang oras naming itinulak ang kotse." Kalmadong saad ni Lakan.
"Oh." Bumaba si Malayah ng sasakyan at pinagmasdan ang paligid. Nang makita ang malaking gate na nasa harap ay kinatok niya ang bintana ng sasakyan at binuksan naman ito ni Lakan.
"Nasaan tayo?"
Nagkibit-balikat ang binata, bahagyang tumawa. "Ewan ko din."
Bumalik muli ang tingin ni Malayah sa malaking tarangkahan. Masyado itong malaki para kumasya ang isang sasakyan lamang at nakukulayan ito ng matingkad na pilak. Sa gilid nito ay may mga tumpok ng halamang rosas, mga pula sa kanan at puti sa kaliwa. Ilang dipa mula rito ay umaagos ang kristal na tubig mula sa isang marmol na bukal (fountain) at natatakpan ang isang hindi kalayuang bahay.
Hindi sigurado si Malayah kung isa lamang itong bahay. Kulay puti ang mga pader at ang mga haligi ay napipinturahan ng itim. Ang bubong nito ay patag lamang at tila ba nahahati ang kabuuan sa tatlong palapag. Para bang isang modernong mansyon sa gitna ng isang hacienda.
Isang maliit na ale ang nakakita sa kanya kung kaya't ito ay lumapit. "Ano ho ang kailangan ninyo?"
Kaagad na lumabas mula sa sasakyan si Lakan nang makita ang ale at siya ang sumagot dito. "Magtatanong po sana kung may alam po kayong pagawaan ng sasakyan? Nasiraan po kasi kami sa gitna ng daan."
Binuksan ng ale ang gate. "Halikayo, tamang-tama. Ang asawa ko ay mekaniko."
Nagkatinginan silang tatlo. "Talaga po?"
"Oo, hijo. Halikayo't ipasok ninyo ang sasakyan."
Kaagad na itinulak ng dalawa ang kotse papasok. Si Malayah naman ay inilibot ng tingin ang paligid. Malawak tingnan ang lugar kumpara kanina noong nasa labas. May mga nakatayong puno ng kaimito sa paligid, mayroon ding mga saging.
"Sa inyo po ang bahay na ito?" Tanong ni Malayah sa maliit na ale.
"Hindi, kasambahay ako rito."
"Hala, baka po mapagalitan kayo dahil pinapasok ninyo kami?" Saad naman ni Sagani ngunit umiling naman ang ale.
"Nako, mababait ang mga amo ko, hija. Kaya huwag kayong mag-alala. At tsaka, hindi na bago rito ang mga hindi inaasahang bisita sapagkat ito lamang ang makikita ninyong bahay sa kalawakan ng palayan."
"Napansin din po namin. Bakit po ba?" Tanong ni Lakan.
"Pribadong pagmamay-ari rin ng mga amo ko ang palayan."
Napalunok si Malayah. Tila napakayaman ng may-ari ng lugar na kanilang tinatapakan. Makamundong kayamanan.
"Pero bakit puro palay lang po ang nakita namin? Mababa na ang presyo ng palay. Kung negosyo po ito ay paniguradong malulugi sila." Saad ni Lakan nang makalapit matapos nilang itulak ni Sagani ang sasakyan.
"Iyon nga ang dahilan, hijo. Mababa ang bili nila sa palay ngunit kay taas ng benta nila sa bigas. Hay, mga ekonomista talaga!" Usal ng ale at nilingon si Malayah. "Ang mga tanim dito, mga tauhan mismo ng mga amo ko ang umaani. At pagkatapos ay ibinebenta nila sa mga tao sa mababang presyo."
"Ang bait naman po nila," Saad ni Sagani. "May mga ganoon pa po pala."
"Hijo, kung paano hindi nauubusan ng kasamaan ang mundo, gayon din 'di mauubusan ng kabutihan."
Pinaupo muna sila ng ale na nalaman nilang nagngangalang Sinya sa isang batong lamesa sa gitna ng mga kaimito. Umalis ito upang tawagin ang kanyang asawa na sinasabing isang mekaniko.
Tirik ang araw ngunit ang mga puno ng kaimito ay binibigyan sila ng lilim. Rinig na rinig rin ang mga huni ng ibon at ang tunog ng pagbagsak ng tubig mula sa bukal. Maya-maya ay dumating ang asawa ni Aling Sinya na nagpakilalang si Mang Roni.
"Nako, mga bata. Mukhang sumobra ang pag-init ng makina ng sasakyan ninyo. Kailangang palitan ito." Wika nito nang tingnan ang sasakyan.
"Mayroon po ba kayong ibinebentang makina?" Tanong ni Lakan kay Mang Roni.
"Ha?"
"Hindi po ba't sinabi ninyo na kailangang palitan ang makina?"
"Hijo, ang ibig kong sabihin ay ang sasakyan."
"Po?"
"Lumang-luma na ang kotse mo. Palitan mo na, hijo."
Lumapit si Malayah sa kanila. "Hindi na po ba talaga magagawa ang sasakyan?"
Umiling si Mang Roni dahilan upang magkatinginan ang tatlo. Isa lamang ang tanong sa kanilang isipan. Ngayon na wala nang sasakyan, paano sila makakapunta sa pupuntahan?
--
Irinekomenda ni Aling Sinya na ibenta na lamang sa junkshop ang sirang sasakyan at gamitin ang pinagbentahan bilang pamasahe. Napagdesisyunan din ng tatlo na sundin na lamang ang payo ng ale.
Sinamahan ni Mang Roni sina Sagani at Lakan na maglakad patungo sa junkshop upang ipasundo ang sirang sasakyan. Labag man sa loob ni Lakan ay pumayag siyang ibenta ang sasakyang napakatagal na rin sa kanyang pangangalaga.
Naiwan naman si Malayah sa hacienda. Hinayaan siya ni Aling Sinya na pumasok sa mansyon kasama niya. Hindi ganoon kagarbo ang loob ng malaking bahay. Nababalot ng mga puting baldosa ang sahig at kakaunti lamang ang mga muwebles sa paligid. Malinis itong tingnan at simple ang kagandahan.
"Nasaan po ang mga amo ninyo?" Tanong ni Malayah sa ale nang matungo sila sa kusina.
"Si Don Francisco ay nasa bayan, nagtatrabaho bilang isang doktor." Dumiretso si Aling Sinya sa lababo at tinapos ang mga urungin dito. Si Malayah naman ay umupo sa isang upuan sa harap ng isang mahabang bloke na tila lamesa. "Ang narito lamang ay si Doña Ayen at-"
"At?" Tanong ng dalaga nang mapansing biglang napahinto ang ale sa pagsasalita.
"Ako at si Roni."
Napatango si Malayah. "Sa laki ng bahay, kayo lang po ang kasambahay rito?"
"Nako, hindi. Ilang araw lang noong pinagliban muna ng mag-asawa ang ibang mga nagtatrabaho. Kami lang ng asawa ko ang natira muna."
"Bakit po?"
Humarap sa kanya si Aling Sinya at pinanliitan ng mata. "Ikaw bata ka, ha? Masyado kang matanong." Pabirong saad ng ale.
Bahagyang natawa si Malayah. "Pasensya na po."
"Kayo pala, saan kayo galing at saan ang punta ninyo?"
"Galing po kaming Subic at balak sana naming magtungo sa Abra."
Napatango-tango ang ale.
"Aling Sinya, saan po pala ang banyo rito?"
Sinamahan siya ng ale at itinuro ang palikuran. Matapos umihi ay nagpaalam siya na lalabas muna. Nais ni Malayah na makalanghap ng sariwang hangin at matingnan ang mga bulaklak sa hardin ng hacienda.
Napansin ng dalaga na wala na ang sitang kotse sa dati nitong kinalalagyan. Marahil ay nakabalik na ang dalawa upang ipakuha ito.
Nabaling ang atensyon ni Malayah sa mga lilang orkidyang nakadikit sa mga puno ng kaimito. Ang karamihan nito ay namumukadkad na habang ang iba ay hindi pa.
Mula sa likod ng isang puno ay nahagip ng tingin ng dalaga ang isang babaeng nakaputing bestida na nakatalikod mula sa kanya.
Isang diwata.
Iyon ang nasa isip ni Malayah nang humarap ito sa kanya. Ang mahabang itim na buhok nito ay hinahawi ng hangin. Ang mga mata niya ay kakulay ng tsokolate at ang ngiti naman ay kasingtamis nito. Sa tantya ng dalaga, ang babae ay nasa edad apatnapu. Ngunit hindi hadlang ang edad nito upang matabunan ang taglay nitong ganda.
"May bisita pala."
Natauhan si Malayah nang magsalita ito. Naglakad ang babae palapit sa kanya. "Kayo po ba si binibining Ayen?" Magalang niyang tanong.
Ngumiti at umiling ang babae. "Kaibigan niya ako."
"Ano pong pangalan ninyo?"
Hindi alam ni Malayah kung bakit ngunit gumagaan ang kanyang loob dahil sa mga matatamis na ngiti ng babae. Marahil ay dahil sa katotohanang kaedaran lamang ito ng kanyang papa at tiyak na ganoon din ng kanyang namayapang ina.
Bahagyang tumawa ang babae at lumapit sa marmol na mesa't upuan at doon ay naupo. "Hulaan mo."
Bahagyang kumunot ang noo ni Malayah sa sinabi nito.
Bahagyang natawa muli ang babae dahil sa kanyang reaksyon. "Pinangalan ako sa pinakamabangong bulaklak sa Pilipinas."
"Sampaguita?" Iyon kaagad ang pumasok sa isipan ni Malayah. Naalala niya ang mga kwintas na sampaguitang parating binibili ng kanyang ama para sa kanya at kung gaano niya kagusto ang amoy nito.
Mahinhing natawa muli ito at umiling.
"Hindi po ba? Paborito ko kasi ang amoy ng kwintas na sampaguita."
"Hindi sa sampaguita mismo nanggagaling ang bangong iyon."
"Kung hindi ay saan po?"
"Sa bulaklak ng ilang-ilang."
"Kung gayon ay ang pangalan ninyo ay ilang-ilang."
Ngumiting muli ang babae. "Ako si Ilang."
***
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro