Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 9: Pinakamadugong Laban sa Kasaysayan ng MFC

Kabanata 9: Pinakamadugong Laban sa Kasaysayan ng MFC

"AMPO, bakit hindi n'yo po sinabi sa akin agad?" mangiyak-ngiyak na turan ni Makisig Kay Ampo Sinag nang ipaliwanag na nito ang tunay na sitwasyon ng baryo. Silang dalawa na lang ngayon ang nag-uusap sa likod ng bahay na pawid nito.

"Patawarin mo ako, Kael! Isang malaking kasalanan ang aking nagawa. Masyado akong nagpaalipin sa takot kaya heto! Heto ang resulta ng mga ginawa kong paglilihim! Sasakupin na muli tayo pagkatapos ng napakatagal na panahon! Mauulit na naman ang nangyari sa ating kasaysayan!"

Tinulungan niyang makaupo sa isang tabi ang matanda dahil hindi na ito halos makahinga sa labis na pagtangis.

"Huminahon po kayo, Ampo. Ang dibdib n'yo po. Nauunawaan ko naman po kayo. Pero sana, inisip n'yo rin ang magiging kalagayan ng mga katutubo. Alam kong wala tayong laban sa kanilang lahat. Pero sana sinabi n'yo pa rin sa amin agad para kahit papaano nakapaghanda man lang tayo!"

"Pasensiya ka na talaga, Lakoy! Natakot lang talaga ako dahil kahit naman sabihin ko ito sa inyo, wala pa rin tayong magagawa para ipagtanggol ang mga sarili natin. Wala tayong laban sa mga armas nila! Iisa pa rin ang patutunguhan ng lahat! Saka ayoko ring sirain ang kinabukasan mo. Natatakot akong baka may mangyari ding masama sa 'yo. Kaya nga pinipilit kitang lumabas ng baryo at ituloy ang pag-aaral sa bayan para sana hindi ka madamay sa magaganap na gulo."

"Ampo, hindi naman po tama 'yon! Ako na ang bagong pinuno kaya dapat lang na alam ko ang nangyayari sa inyong lahat at magkakasama tayong lahat dito. Responsibilidad kong protektahan kayong lahat kahit magkamatayan man! Pero mas may magagawa pa rin sana tayo kung nagsabi lang kayo agad, Ampo. Mas makakagawa pa siguro tayo ng paraan kung nalaman ko lang agad ang mga sinabi sa inyo ng hayop na taong iyon!"

"Lakoy, ilang beses kong sinubukang sabihin sa 'yo pero napanghinaan lang talaga ako ng loob. Nasanay kasi ako na sa mga panahong nagdaan, nanatili tayong payapa at masaya rito. Wala tayong naging mararahas na suliranin. Ang naging malaki lang nating problema ay ang kahirapan, na di kalaunan ay nalagpasan din natin. Pero ito, iba itong mangyayari ngayon. Hindi ko kayang tanggapin na may ganito katinding problema ulit na darating. Kaya labis talaga akong napanghinaan ng loob na sabihin sa inyong lahat."

Napaluhod si Ampo Sinag sa pagkakataong iyon at mangiyak-ngiyak na lumingon sa kanya.

"Patawarin mo ako, Lakoy! Patawarin mo ako! Kasalanan ko itong lahat. Ako ang nagpahamak sa mga Katawi. Ako ang nagpahamak sa inyong lahat! Kaya kung anuman ang mangyari sa akin bukas o mamayang gabi, tatanggapin ko na iyon bilang parusa!"

Pati si Makisig ay napasandal na lang din sa isang tabi. Gusto niyang magwala pero hindi pa rin niya kayang saktan ang dati nilang pinuno. Dismayado siya sa paglilihim nito pero wala na rin siyang magagawa. Nangyari na ang mga nangyari.

Iisa na lang ang tanging pag-asa nila para mabawi pa nila ang kanilang kalayaan. Iyon ay ang talunin sa MFC ang pinuno ng Black Eagle na si Maskara. Doon na lang nakasalalay ang mga buhay nila ngayon.

"Kael, m-may pakiusap lang sana ako. Huwag mo muna sasabihin sa ating mga Katawari ang tungkol dito. Ipaalam mo na lang ito sa kanila kapag wala na ako. Upang sa ganoon, hindi ko na marinig ang mga sasabihin nila. A-alam kong mali p-pero...hayaan mong ang karma ko na ang humatol sa magiging paraan ng aking parusa at kamatayan!" humahagulgol na wika ng matanda saka lumuhod sa kanyang harapan at yumakap sa mga paa niya.

Napaiyak na lang din si Makisig. Wala na siyang maisagot pa. Hindi na niya alam kung paano lalabanan ang galit at lungkot na nagtatalo ngayon sa kanyang kalooban.


"ANG galing ng ginawa mo, Damulag! Hindi ka lang magaling na fighter. Puwede ka ring mag-artista!" bati ni Agustus dito habang nasa kalagitnaan ng pagwo-workout ang lalaki.

"Ako pa ba, Don Agustus?" Saka ito nagpitik ng dila. "Pero hindi ko nga lang maintindihan at bakit pa ako kailangang maging bihag kung puwede ko naman tulungan si Dominick na tapusin ang lalaking 'yon!" natatawang sagot ni Damulag habang nagbe-bench press sa isang tabi.

"Dahil sa ginawa mo, hindi na nila iisipin na konektado ka sa nangyari. Para kung magkaimbestigahan man, hindi na nila maisipang mag-background check sa 'yo at wala na silang masilip na mag-uugnay sa ating dalawa o sa inyo ni Domdom ko. Iisipin nila na isa ka lang ding biktima!"

"Oh? Kaya naman pala, eh. Pero sige. Na-enjoy ko naman ang eksena ko kanina. Ang gusto ko na lang gawin ay panoorin kung paano nila pababagsakin ang mga bulok na katutubong 'yon."

"Teka nga pala. Bakit ka nagbubuhat d'yan? Hindi ba dapat nagpapahinga ka na ngayon sa kuwarto mo? You have just been discharged! Baka lalo pang lumala ang mga injury mo!"

Natawa lang ang lalaki. "Lalo lang akong manghihina kung hihilata ako sa kuwarto buong maghapon. Sa ganitong paraan ko binabawi ang lakas ko!" may pagmamalaking sagot nito na sinang-ayunan na lang niya.

ISANG oras na lang bago ang laban. Habang mag-isa pa sa dressing room, inilabas na ni Dominick sa bag ang kanyang injection. Marahan niya itong itinurok sa kaliwang bahagi ng dibdib niya habang nilalasap ang sarap at sakit na idinulot niyon.

Hindi nagtagal, kakaibang init ang naramdaman niyang rumagasa sa kanyang katawan. Parang isa-isang nagsasabog ng enerhiya ang lahat ng lamang-loob niya. Hindi niya napigilang humalakhak sa kakaibang pakiramdam.

Napaharap siya sa salamin at kinausap ang sarili. "Ito na ang huling gabi ng maliligayang araw mo, Makisig... Ipapatikim ko sa 'yo kung ano ang lasa ng madugong pagkatalo!"

Sinuot na muli niya ang mala-teroristang uniporme kasama ang kanyang maskara na may mukha ng mabangis na tigre. Saka siya lumabas ng dressing room at naglakad na patungo sa backstage ng octagon.

PUNO muli ng tao ang Magnum Fight Club. Ngunit sa pagkakataong iyon, pili lang ang mga audience na nasa loob. Ang hinayaan lang na makapanood doon ay ang mga Katawi pati ang buong miyembro ng Black Eagle na nasa libo rin ang bilang.

Nagdilim na ang ilaw; hudyat na magsisimula na ang laban. Kabado ang lahat ng mga Katawi na nandoon dahil batid nilang mga terorista ang katabi nila sa mga upuan.

Umaapaw naman ang pag-aalala nina Luntian at Ampa Kandifa kay Makisig dahil hindi nila alam kung anong mga patibong ang nagtatago sa paligid. Si Ampo Sinag naman ay patago nang umiiyak sa isang tabi kahit hindi pa man nagsisimula ang laban.

"Mahabaging Bathala! Tulungan n'yo po kami! Tulungan n'yo pong manalo si Makisig upang mabawi namin ang aming kalayaan!" dasal ng Ampo habang tahimik niyang pinagmamasdan ang mga katutubo na walang alam sa kanyang nagawa.

Sina Bagwis, Adan at Diego naman ay tahimik lang sa likod at hindi na halos makapagsalita sa labis na pag-aalala sa kanilang kaibigan.

"Handa na ba ang lahat?" tanong ng battle announcer na agad sinundan ng malakas na sigaw at palakpakan mula sa mga miyembro ng Black Eagle. Ang mga Katawi naman ay pare-parehong tahimik at nanginginig.

"Alright, mga kaibigan! Dahil napaka-ispesyal ng labang magaganap ngayon, nais kong magsagawa muna ng proper introduction para sa ating mga fighters!" kabado rin ang tinig ng announcer pero kinakailangan nitong sundin ang script na ibinigay rito ng Black Eagle.

"Fighting from the blue corner, we have a Lethwei master standing 6ft 2-inch tall, weighing officially 235 pounds with a total record of 800 wins with no defeat, he is the new challenger of our champion tonight. He is also known as the Growling Tiger of Combat Sports, the one and only, Maskara!"

Nagsigawan ang mga tauhan. Habang ang mga Katawi naman ay nagulat sa narinig. "800 wins? Seryoso ba iyon?"

"And fighting from the red corner, we have a Muay Thai legend standing 6ft 4-inch tall, weighing officially 237 pounds with a total record of 105 wins with no defeat, he is the Jungle Warrior and the current MFC Heavyweight Champion, Makisig!"

Naglakas-loob ang ibang mga Katawi na pumalakpak para sa kanilang pambato. Ito ang unang pagkakataon na mas kaunti ang mga ingay para kay Makisig. Lahat ay natatakot at maingat sa pinapakawalan nilang kilos dahil hawak sila sa leeg ng mga tauhan sa paligid.

Lalong ikinatuwa ni Maskara ang mahinang sigawan mula sa kabilang kampo. "Oh yeah! Nakakabingi ang katahimikan!"

Tawang-tawa naman si Nasser sa mahinang enerhiya ng mga ito. "Sige lang! Magsigawan lang kayo kahit mahina! Dahil last n'yo na 'yan!" Saka ito humalakhak at lumingon kay Andres.

Pero si Andres ay nanatiling walang imik magmula kaninang umaga. Lagi lang itong nakatingin kay Maskara na para bang may kung anong ibinubulong ang mga mata nito.

"Ready, set, fight!" Pagkasigaw ng referee, lumapit na ang dalawa sa gitna ng ring.

Muling inilabas ni Makisig ang tradisyunal nitong Muay Thai stance habang si Maskara naman ay nakahalukipkip lang ang mga kamay.

"Galingan mo ngayong gabi, Makisig. Nanonood sa 'yo ang mga katribo mo. Lupa at tirahan n'yo ang nakataya rito!" Saka niya ikinuyom ang mga kamao sa pinakamahigpit na paraan.

Hindi naman nagpadala sa takot si Makisig. "Sinisigurado ko sa 'yo na hanggang sa huli, mananatiling sa amin ang lupa naming lahat. Wala kang makukuha rito kahit katiting na butil ng buhangin!"

Isang malutong na halakhak ang itinugon ni Maskara. "Alam mo, puwede naman nating hindi na gawin ito kung ibi—" Natigilan siya nang humagupit bigla sa kanyang mukha ang mga kamao ni Makisig.

Sobrang bilis!

Hindi na niya halos nakita ang paggalaw ng mga kamao nito. Sa loob ng mahigit tatlumpung segundo ay wala siyang nagawa para depensahan ang sarili sa mga suntok at sipa na dumapo sa kanya.

Napaatras na lang siya habang pilit humahanap ng tiyempo kung paano makakaatake. Hindi na dapat siya kinakabahan nang ganito dahil may injection naman siya. Pero masyado talagang malakas ang mga atake nito at hindi siya halos makagawa ng aksyon.

Sunod-sunod na suntok ang pinakawalan ng lalaki na sinamahan agad nito ng dalawang sipa sa magkabila niyang baywang sabay ikot at siko sa kanyang mukha na nagpaputok agad sa kanyang ilong!

Hindi akalain ni Maskara na masusugatan pa rin siya ng lalaki. Tunay nga ang sabi ng iba na pambihira ang lakas na taglay nito.

Hindi pa man siya nakakaporma, muli na naman itong nagpaulan ng atake. Ikinulong siya nito gamit ang clinch saka tinuhod ng ilang beses ang kanyang sikmura. At pagkatapos nitong magsagawa ng knee strikes, bigla naman nitong pinadapo ang kaliwang siko sa kanyang batok na bahagyang nagpadilim sa paningin niya!

Hindi niya napigilang mapaatras. Pero hindi iyon naging banta sa kanya. Sa halip na dumaing o dumipensa, ipinakita pa niya kay Makisig ang malakas niyang pagtawa.

"Ang sarap mo, Makisig!" bigla niyang sambit na ikinalukot naman ng noo nito. "Ang sarap ng mga suntok mo! Ngayon, 'yung sa akin naman ang ipapatikim ko, ah? Mas masarap ito!"

Sa isang hagupit lang ng kanyang kamao, biglang bumaligtad si Makisig sa lupa! Gulat na gulat ang mga audience. Pati siya ay nagulat sa ginawa niya. Hindi niya akalaing ganito pala kalakas ang epekto ng injection.

Sa isang iglap ay nawala ang kaba na pumipigil sa kanya. Hinintay lang niyang makatayo ang lalaki at siya naman ang nagpakitang gilas dito.

Hindi na niya ito hinayaang makabawi pa. Agad niyang tinadtad ng suntok ang lalaki na unti-unting nagpaatras dito. Saka siya nagpakawala ng isang sipa na nagpaikot sa ulo nito. Bumagsak ang lalaki malapit sa corner nito. Nakakailang atake pa lang siya pero humihingal na ito. Patunay na epektibo nga ang gamot na nagpapalakas ngayon sa kanya.

Base sa kanyang research, halos magkapareho lang ang striking moves ng Lethwei at Muay Thai. Pareho silang gumagamit ng kamao, siko, tuhod at paa. Kaya naman nanghula na lang siya ng mga galaw gamit ang mga bahaging iyon ng katawan.

Hindi nga siya sigurado kung pang-Lethwei ba talaga ang mga ginagawa niya. Ang gusto lang niyang mangyari ay patumbahin ang lalaki nang hindi ginagamit ang tunay niyang fighting style para subukan kung gaano nga ba kaepektibo ang injection na iyon. At hindi nga siya nadismaya sa resulta.

Nang makabangon muli si Makisig, mabilis siyang sumugod dito at pinalipad sa mukha nito ang kanyang paa. Napaangat ang ulo ng lalaki. Sinampal-sampal niya ito gamit ang kanyang paa habang nagtatalsikan ang mga pawis nito sa mukha. Pagkatapos ay lumukso siya at nagpakawala ng isang round kick na muling nagpaikot at nagpatumba rito.

Agad niya itong dinampot at muling isinandal sa corner nito. Doon niya inilabas ang isang technique sa Lethwei na wala sa Muay Thai—ang Headbutt.

Tumba agad ang lalaki sa isang hampas lang ng kanyang ulo. Kitang-kita niya kung paano magdugo ang ulo nito sa ginawa niya. Nagdugo rin naman ang sa kanya pero hindi niya ramdam iyon dahil sa gamot na lalo pang nagpapalakas sa kanya.

Halos mangiyak-ngiyak na ang mga Katawi. Maging si Nasser ay tila napaisip na rin. "Ugh, Sir Andres! Bakit parang iba yata ang mga galawan ni Domdom ngayon? Kailan pa siya natutong sumuntok at sumipa?"

Seryoso naman ang mukha ni Andres Po Jr. "He is using a different martial art, Nasser. Narinig ko silang nag-uusap ng papa niya kanina. Kung hindi ako nagkakamali, Lethwei ang ginagamit niya ngayon."

"Huh? Ano naman ang meron doon?" curious na tanong ni Nasser.

"Lethwei and Muay Thai are both considered as one of the most dangerous martial arts you can compete in. Halos pareho rin sila ng mga technique na ginagamit. The only difference is one thing that is more dangerous."

"Oh? Ano naman 'yon?"

"Sa Muay Thai, meron silang tinatawag na Art of Eight Limbs, kung saan ginagamit nila ang walong bahagi ng kanilang katawan bilang armas. Ito ay ang dalawang kamao, dalawang siko, dalawang tuhod at dalawang paa. Samantalang sa Lethwei, tinatawag nilang Art of Nine Limbs ang sa kanila dahil bukod sa mga nabanggit, ginagamit din nila ang kanilang ulo bilang armas. In simple terms, headbutting is part of their game, and that's what we called the art of nine limbs, which makes it more brutal than Muay Thai."

Napadilat si Nasser sa mga natuklasan. "Ooooh! So, ibig n'yo bang sabihin, mas may advantage ngayon si Domdom natin kaysa kay Makisig?"

Napalingon dito si Andres. "Sa tingin mo, Nasser?"

Hindi na nakapagsalita ang lalaki at ibinalik na lang ang paningin sa mas umaatikabong laban.

Nakahanap uli ng tiyempo si Makisig para umatake. Pero sa pagkakataong iyon, tila balewala na ito kay Maskara. Kahit anong suntok at sipa ang gawin nito sa kanya, hindi siya halos matumba-tumba. Oo, nakakaramdam pa rin siya ng bigat at sakit pero hindi iyon sapat para mapatumba siya.

Muli niyang ginulat ang mga tao. Sa isang hampas lang niya ng kanyang siko sa mukha nito, umikot-ikot ang lalaki bago tuluyang natumba. Doon nagsimulang umiyak ang ilan sa mga katutubo.

"Bloody hell! Did you just see that, Sir Andres? Nagawa lang naman niyang patumbahin si Makisig sa isang siko lang!"

"Ano ba'ng ine-expect mo, Nasser? Di hamak na mas malakas siya ngayon dahil sa injection na ginamit niya. He is unstoppable. Kahit ako, magiging delikado rin ang lagay ko kung sa akin gawin ni Dominick iyan habang under siya ng influence ng gamot na 'yon. He is really deadly right now."

"Pero kung wala naman palang masyadong alam si Domdom sa Lethwei na 'yan, bakit iyon pa ang ginamit niya?"

"Dahil alam niyang magaling na Muay Thai fighter si Makisig. Kaya naisipan niyang gumamit ng ibang martial art na mas malaki ang advantage sa Muay Thai. Ang problema, parang kahapon lang niya narinig ang tungkol sa Lethwei. Ni hindi nga yata siya nag-practice. Halatang nanghuhula lang siya ng mga galaw base sa pinaka-basic na techniques ng Lethwei. It's the injection that is giving him the advantage, not the martial art that he pretends to use."

"Kung mas napapalakas naman pala siya ng injection na 'yon, bakit hindi na lang siya nag-stick sa Brazilian Jiu-Jitsu? Baka mas maaga pang natapos ang laban na 'to kung ginamit niya mismo ang specialty niya sa grappling!"

"Sinabi ko na rin 'yan sa kanya kanina. Pero masyado nang sarado ang utak niya para makinig sa akin," anito at muling nag-obserba sa laban.

Kahit ilang beses nang bumagsak at nagsuka ng dugo, hindi pa rin sumusuko si Makisig. Patuloy itong bumabangon at ibinubuhos ang lahat ng lakas nito.

Muling inundayan ni Maskara ng kanyang mga sipa at kamao ang buong katawan ng lalaki hanggang sa mapasandal ito sa corner nito. Doon niya ito ikinulong gamit ang clinch at siya naman ang tumuhod sa sikmura nito.

"Heto na nga ba ang sinasabi ko!" panunuya niya sa lalaki. "Mukhang hindi mo ako pinaghandaan, Makisig! Akala mo siguro katulad lang ako ng mga nakalaban mo noon, ano? Mga mayayabang pero wala namang binatbat sa 'yo. Ibahin mo ako sa kanila! Dahil ako, mayabang din ako pero di hamak na mas malakas! Kaya maghanda ka sa katapusan mo! Ako ang tatapos sa kuwento ng buhay mo!"

Nilakasan pa niya ang pagsikmura sa lalaki hanggang sa muli itong mapasuka ng dugo. Binitawan niya ito at hinayaang mapaluhod sa sahig. Saka niya ito hinataw ng sunod-sunod na suntok sa mukha na di kalaunan ay tuluyang nagpabagsak dito. Hindi na halos makilala ang mukha ng lalaki sa dami ng dugo.

Bigla siyang nakaisip ng kapilyuhan. Ginawa niyang basahan ang mukha ng lalaki at ipinangpunas sa sahig ng cage. Muling nag-iyakan ang mga katutubo nang makita ang pagkalat ng dugo nito na parang pintura.

Pagkatapos niya itong paglaruan, muli niya itong itinayo at ipinatong sa kanyang balikat. Lalong nagulat ang mga katutubo nang bigla niyang ihagis ang lalaki sa kinaroroonan ng mga ito!

Napaatras tuloy ang ilang mga tauhan. Ang mga Katawi naman ay tumatangis na nilapitan ang kanilang mandirigma.

"Nawalan na 'ko ng bilib sa 'yo, Makisig. Bakit hindi mo ginalingan!" sigaw niya rito habang nakasampa sa taas ng cage. "Sige! Mag-iyakan lang kayo d'yan! Ngayon pa lang paglamayan n'yo na 'yang kampeon n'yo!"

Hindi na napigilan ang pagragasa ng luha nina Luntian at Ampa Khandifa. Pati sina Bagwis, Adan at Diego ay sobrang nanghina sa naging hitsura ng kaibigan nila. Si Ampo Sinag ay hindi kinaya ang pangyayari. Tumalikod na lang ito sa bandang sulok at doon ibinuhos ang umaapaw na luha.

KAHIT mabigat na ang buong pakiramdam, pinilit pa ring ibinangon ni Makisig ang sarili. Ilang beses siyang pinigilan ng mga katribo pero malabo nang marinig pa niya ang hinaing ng mga ito. Wala nang ibang nasa isip niya kundi ang labis na kagustuhang mabawian ang lalaki.

Ngayon lang siya nainsulto nang ganito. Hindi niya akalaing ganito pala ang pakiramdam nang nadedehado. Sa buong buhay kasi niya, nasanay siya na siya palagi ang nakakalamang sa kalaban.

"Makisig, pakiusap! Itigil mo na ito! Sumuko na tayo! Huwag mo nang ilagay ang sarili mo sa bingit ng kamatayan!" pagmamakaawa sa kanya ni Luntian na hindi na halos maiguhit ang mukha sa labis na pagtanis.

"Kael, anak! Tama na 'yan!" Nanginginig na rin sa labis na hagulgol si Ampa Khandifa. "Ibigay na lang natin ang gusto nila! Bitawan mo na itong laban!"

Parang gusto na rin niyang maiyak dahil sa maaaring kahinatnan ng kanilang tribo pero ayaw niyang magpakita ng kahinaan sa harap ng kalaban. Isa pa, wala na rin naman siyang mapagpipilian. Kahit isuko pa niya ang laban, iisa pa rin ang kalalabasan ng lahat.

Kung hindi sila palalayasin sa sarili nilang lupain, paniguradong papatayin pa rin naman sila. Kaya mabuti nang lumaban hanggang kamatayan.

Nang tuluyang makabangon ay inunat niya ang magkabilang balikat. Sinubukan uli siyang pigilan ng mga katribo pero tinalikuran lang niya ang mga ito kahit labag sa kanyang loob. Paika-ika siyang naglakad pabalik sa cage dala ang natitirang lakas at determinasyon.

"Ano? Lalaban ka pa rin?" Muli siyang tinawanan ni Maskara. "Akala ko ba naman magyayaya ka nang umuwi. Kaya mo pa bang lumaban sa lagay mong 'yan? Nakita mo na ba ang sarili mo? Para ka nang dinuguan!"

Pinilit niyang magsalita kahit hirap nang ibuka ang duguan niyang mga labi. "H-hangga't may hininga ako... H-hindi ko hahayaang... m-makuha n'yo... ang sagrado naming... t-tahanan!"

Muli na namang humalakhak ang lalaki. "Pipiliin mo pa rin talagang maghukay ng sarili mong libingan, ano? Sige, kung iyan ang gusto mo. Ako na mismo ang maglilibing sa 'yo pagkatapos nito!"

Muling ikinuyom ni Maskara ang mga kamao sa pinakamahigpit na paraan. Sa sobrang higpit ay nagsilabasan ang mga ugat nito sa kamay. Patakbo itong sumugod sa kanya habang nagsusumigaw sa pagkasabik.

Ngunit bago pa dumapo ang kamao nito, mabilis siyang gumulong sa sahig at magkasabay na pinadapo ang dalawa niyang paa sa magkaibang bahagi ng katawan nito: ang kaliwa ay sa bayag, habang ang kanan ay sa mukha!

Sa kauna-unahang pagkakataon ay napatumba niya ang lalaki! Agad siyang pumatong dito at binawian ito ng mas mabibigat na suntok. Hindi na niya ito pinakawalan sa kanyang mga kamao.

Tinangka pa niyang hubarin ang maskara nito pero hindi iyon matanggal-tanggal. Para bang may lock na nakatago sa loob niyon. Kaya naman inilipat na lang niya ang direksyon ng mga kamao sa ulo at dibdib nito!

Maging si Maskara ay nagulat sa ginawa niya. Hindi makapaniwala ang lalaki na ito naman ang nasa sahig ngayon. Sa dulo ng utak nito ay nagtataka ito kung paano niya iyon nagawa.

Sa katunayan, sinamantala niya ang pagkakataon habang malayo ang distansya nila kanina sa isa't isa. Dahil sa ginawa nitong pagtakbo, pansamantalang nabawasan ang balanse ng mga paa nito kaya madali niya itong napabagsak gamit ang rollup kick na ginawa niya.

Hindi niya tinigilan ang lalaki hangga't hindi pumutok ang ulo nito! Pinasuka na rin niya ito ng dugo na bagama't hindi kita sa mukha ay halata naman ang pagtulo sa gilid ng maskara!

Pagkatapos niya itong palamunin ng kamao, mabilis siyang gumulong patagilid at sumampa sa itaas ng cage. Lumundag siya nang pagkataas-taas sabay angat sa kanyang siko na handang humagupit na parang bulalakaw!

Tatapusin na niya ang laban gamit ang Jungle Punishment!

Ngunit nagulat ang lahat sa sumunod na nangyari!

TO BE CONTINUED...

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro