Kabanata 8: Pagsakop sa Lupain ng mga Tribo
Kabanata 8: Pagsakop sa Lupain ng mga Tribo
PARANG sasabog na sa init ang buong katawan ni Agustus. Hindi na siya nakapagpigil pa. Naghubad na siya ng pantalon habang nakaupo sa lamesa niya. Patuloy naman sa paghaplos ang kasama niyang babae na ipinakilala lang sa kanya ng isang kaibigan.
Matagal na panahon na rin mula nang pumanaw ang kanyang asawa. Ilang dekada rin niya itong pinagluksaan. Kaya ngayon, oras na siguro para talikuran na niya ang mapait na nakaraan at buksan muli ang puso sa panibagong tao.
Wala na rin naman siyang nararamdamang lungkot o pangungulila sa dating asawa kaya napilitan na siyang tanggapin ang alok na babae ng kanyang kaibigan.
"Hurry. Get naked now!" makapangyarihan niyang utos dito.
Bigla namang sumabay ang babae sa maharot na tugtugin habang unti-unting itinataas ang pang-ibabaw nito. Humithit siya ng yosi habang pinapanood ang paghuhubad nito sa harapan niya.
Maayos nang tumatakbo ang lahat nang biglang bumukas ang pinto. Mabilis na nag-ayos ng damit ang babae. Siya naman ay hindi na nakapagtaas pa ng pantalon. Mabuti na lang at nakaupo siya sa lamesa kaya hindi iyon nakikita.
"Tarantado ka talaga! Hindi ka man lang marunong kumatok?" sita niya kay Nasser na agad nawala ang ngiti matapos marinig ang mura niya.
"Boss naman! Kapapasok ko lang para maghatid ng magandang balita tapos ganyan pa ang matatanggap ko?"
"Akala ko ba may lakad ka ngayon? Kaya nga maaga kitang pinayagan umalis, ah? Tapos ngayon babalik-balik ka?"
"E, kasi naman! Dumating na ang Black Eagle at hinihintay ka na nila sa labas!"
"Oh, talaga? Bakit hindi man lang sila nagsabi?" Agad nagbago ang mood niya. Sinenyasan niya ang babae na mamaya na lang ituloy ang kanilang ginagawa.
"Okay, okay, I'm coming!" Pinalabas na niya ang makulit na tauhan at sinabihan ang babae na maghintay na lamang dito sa office.
Nakapila na ang buong puwersa ng Black Eagle nang maabutan niya ang mga ito sa likod ng building.
Halos magtalsikan ang mga laway niya sa pinakawalang halakhak. "I'm so happy to meet you all again!"
Sabay-sabay na sumaludo sa kanya ang lahat. Doon naman nagmartsa ang pinuno ng mga ito at lumapit sa kanya.
Inabot nito ang kamay na agad din niyang tinanggap. "I'm glad to work with you again, Mr. Agustus. Pasensiya ka na kung hindi na ako nagsabi. Nais ko kasing surpresahin ka."
Isang malutong na tawa ang itinugon niya. "Ikaw naman, oh! You don't have to surprise me but thank you, Captain! Salamat nga pala at nasimulan mo na ang unang step ng ating plano. Now it's time to do the step two!"
Napangiti naman ang pinuno na kilala sa alyas na Kapitan Berdugo. Ito ang leader ng pinakakinatatakutang sindikato sa bansa na kung tawagin ay Black Eagle. Hindi lang sila basta sindikato. May kapangyarihan din sila na kayang higitan ang kapangyarihan ng gobyerno sa bansa!
"I want to congratulate you in advance, Mr. Agustus! Matutupad na rin sa wakas ang matagal na nating pinaplano. Masisilayan na ng lahat ang Valentino Land na babago sa landscape ng buong Magnum City, at ng Pilipinas!"
"Oh yes, you're right! At bukod nga rin pala sa Valentino Land, marami pa akong mga ipapatayo at ipapatupad na magbubuhat sa ekonomiya, hindi lang ng Magnum City, kundi ng mas marami pang lugar sa Mindanao. Tayo na ang mas kikilalanin at mas dadayuhin, hindi lang ng mga turista pati na rin mga investors! And when that happens, mas magiging mayaman na ang Mindanao kaysa sa Luzon! Mas marami pang tao ang susuporta at maniniwala muli sa akin. Kaya hindi na tayo mahihirapang ihiwalay ang Mindanao sa Pilipinas. Ang pangarap kong makabuo ng sariling bansa ay matutupad na! In God's Will!"
Bahagyang nangunot ang noo ni Kapitan Berdugo sa bahaging iyon. "Ano'ng ibig mong sabihin sa 'In God's Will' Mr. Agustus?"
"Eh di sarili ko!" Saka sila nagtawanang dalawa.
Pagkatapos nilang mapag-usapan ni Kapitan Berdugo ang buong plano, saka naman pumasok sa opisina si Damulag na kalalabas lang ng ospital. Bagama't naka-recover agad ito sa mga injury na tinamo, balot na balot naman ng benda ang mukha at kalahati ng katawan nito.
"Are you ready to do this mission, Damulag?" tanong agad niya rito.
"Handang-handa na ako, bossing! Kahit sa ganitong paraan man lang makaganti ako sa walang hiyang Tarzan na 'yon!" masiglang sagot ni Damulag bagama't bakas sa boses nito na medyo nahihirapan pa ito.
Kasalukuyan pa talaga itong nagpapagaling sa ospital pero pinilit lang itong ipalabas ni Agustus dahil tamang-tama lang daw ang kalagayan nito para maging parte ng kanilang misyon.
Sumabay sa kanyang pagtawa sina Dominick at Nasser na parehong nasa likuran niya. Tahimik namang nakikinig si Andres Po Jr. sa isang tabi habang pinaglalaruan ang mahaba nitong balbas.
"This is the perfect moment to do this. Palalabasin natin na terrorist attack ang nangyari. Para walang mag-isip na may kinalaman iyon sa politika! Are you really sure that you are all ready, team? Sa susunod na araw na magsisimula ang operasyon. Make sure that you are all physically and mentally ready for this!"
Sabay-sabay namang sumagot sa kanya ang ilang miyembro ng Black Eagle na isinama ni Kapitan Berdugo sa kanyang opisina. "Yes, Sir!"
TAIMTIM na dumadalangin si Ampo Sinag habang nakaluhod sa harap ng isang anito. Hindi na niya ramdam ang pangangawit ng mga tuhod kahit ilang oras na siyang nakaluhod doon.
"Mahal na Bathala, tulungan n'yo ako! Tulungan n'yo po ako! Bigyan n'yo ako ng lakas ng loob para sabihin kay Makisig ang tunay na sitwasyon ngayon ng aming baryo. Muli na namang magaganap ang kinatatakutan ko. Sasakupin na naman kami ng masasamang dayo! Gaya ng kung paano kami sinakop noong kapanahunan ko. Maraming namatay, Mahal na Bathala! Ilang libong Katawi ang nalagas! Hindi rin mabilang ang mga tumalikod sa aming lahi dahil sa paglason ng mga dayo sa kanilang utak. Ayoko nang maulit iyon, Mahal na Bathala! Wala kaming laban sa kahit na sinong dayo. Ang tanging pag-asa lang namin ngayon ay ang isa naming miyembro na si Kael Tarik. Ngunit natatakot akong sabihin sa kanya ito dahil mag-isa lang siya. Ano naman ang magiging laban niya sa libu-libong hukbo ng masasamang dayo na nagbabalak pasukin ang aming lugar? Ayokong masira ang buhay at pangarap ni Makisig kapag isinabak ko siya sa isang laban na hindi niya maipapanalo. At ayoko ring masira ang buhay ng natitirang mga Katawari sa aming baryo kapag napasok kaming muli. Pero ano naman ang gagawin ko? Kahit sabihin ko pa sa kanilang lahat ito, wala ring mangyayari. Kahit ano pa ang gawin namin, iisa pa rin ang patutunguhan ng lahat. Kaya sana, tulungan n'yo kami, Bathala! Tulungan n'yo po kami!"
Marami pa sanang nais sabihin si Ampo Sinag sa kanyang panalangin pero bigla na lang siyang nahinto sa mga pagsabog na narinig sa labas! Dumagundong ang dibdib niya. Mukhang magaganap na nga ang labis na kinatatakutan niya!
Dali-dali siyang tumayo at mangiyak-ngiyak na dumungaw sa bintana. Ganoon na lamang ang kanyang panlulumo nang makita ang naglalakihang truck ng masasamang dayo na nagpapasabog sa paligid. Halos malula rin siya sa dami ng mga sindikatong nagmamartsa at lumilikha ng ingay sa daan.
"Mahabaging Bathala!" Tuluyan na siyang napaiyak. Kahit alam niyang delikado ay napilitan na siyang lumabas para puntahan si Makisig. Sasabihin na niya rito ang dapat nitong malaman, kahit alam niyang huli na.
BIGLA na lang nagising si Makisig sa mga sigawang narinig sa labas. Taranta siyang bumangon at sumilip sa kawayang bintana. Nakita pa niya roon si Ampo Sinag na tila kabilang din sa mga tumatakbo.
"Makisig, tulungan mo kame! May mga teroristang umaatake!"
"Ano!" Gulat na gulat siya.
Agad siyang lumundag palabas ng bahay at nakisabay sa pagtakbo ng ilang katutubo. Nagkalat ang mga armadong lalaki sa Plaza ng kanilang baryo. Tatlong malalaking sasakyan naman ang nakaharang sa likod ng mga ito.
Agad nagsitago sa likuran ni Makisig ang mga katutubong nagsisitangis. Buong tapang naman niyang hinarap ang grupo kahit malalaki ang hawak na baril ng mga ito at nakatutok pa sa kanya.
"Ano'ng kailangan n'yo rito? Bakit kayo nanggugulo?" mahinahong tanong niya habang matalim ang titig sa mga armado.
Isang lalaki ang bumaba ng sasakyan at lumapit sa kanya. Kasing tangkad din niya ito at halatang malaki rin ang pangangatawan. Balot na balot ito ng makapal na uniporme at natatakpan ng itim na maskarang may mukha ng tigre.
"Ikaw ang kailangan namin, Makisig," sagot nito sa malalim na tinig. Halatang may ibang lahi ito dahil sa kakaibang accent sa pagsasalita ng Tagalog.
Halatang nagulat din ang mga tao sa likod niya nang banggitin nito ang pangalang ibinabansag ng lahat sa kanya.
"Bakit mo 'ko kilala? Sino ka ba?"
"Kung ikaw si Makisig, ako si Maskara, ang pinuno ng Black Eagle Organization."
"Binigyan mo pa talaga ng pangalan ang grupo n'yo?"
"Para sa kaalaman mo, Black Eagle is the top terrorist group in Asia that was formed here in our home country. Pero hindi lang kami basta-basta terorista. Sa mundo namin, may sarili rin kaming martial arts tournament kung saan mga kapwa kong terorista at serial killers ang naglalaban-laban. Sa amin, hindi uso ang knockout. Patayan ang ginagawa namin! Sa sobrang brutal ng mga nagaganap na laban doon, nagiging pambata na lang sa paningin namin ang mga digmaang kinatatakutan ng lahat. Sa mundo namin, ang mga kamay namin mismo ang aming armas. Kahit ang mga pulis at gobyerno ay takot sa amin! Mahigit tatlong dekada na nila kaming sinusubukang itumba pero lagi silang bigo. Kaya huwag na kayong umasa na may tutulong pa sa inyo. Baka nga kapag nalaman nila na kami ang sumugod dito, baka sila pa mismo ang umatras!"
"At sa tingin mo, masisindak mo na ako roon? Hindi ko kailangang tumawag ng pulis para lang patumbahin ka. Dahil kilala mo na rin naman ako, siguradong alam mo na rin na hindi kita sa kulungan ibabagsak kapag may ginawa kang hindi maganda rito!"
"At sa tingin mo rin ay mapapahanga mo na ako sa sinabi mong iyon? Kung iniisip mong naging matapang ka na sa paningin ko dahil sa sinabi mo, nagkakamali ka. Sa sobrang gasgas na ng ganyang mga linyahan sa mundo namin, iniisip ko nga ngayon na isa kang dakilang duwag dahil iyan ang sinabi mo! Pero huwag kang mag-alala. Hindi naman talaga ganoon kaliit ang tingin ko sa 'yo. Hindi rin naman ako magsasayang ng oras dito kung hindi ka ispesyal sa paningin ko. Ang gusto ko lang naman sabihin magmula kanina...may isang bagay akong hihilingin sa 'yo kung gusto mong mabuhay pa kayong lahat dito."
May lumapit na dalawang tauhan dito dala ang isang bihag na lalaking malaki rin ang katawan. Nandilat siya nang tanggalin ang sako sa ulo nito.
"D-Damulag?"
Tumawa ang lalaking nakamaskara. "Hindi ba't siya ang huli mong nakalaban? Ang taong nagtangka kang ipahiya sa sarili mong balwarte pero nabigo at umuwing luhaan. Ang totoo n'yan, pagkatapos niyang gumaling, hinamon ko rin siya sa isang laban dahil nagustuhan ko kung paano siya makipaglaban sa 'yo. Pero sa kasamaang palad, natalo rin siya sa akin. Kaya ngayon, heto ang kinahinatnan niya. Isa na lang din siya sa mga bihag namin! Gusto mo bang sumunod?"
"Tulong! Tulungan n'yo ako! Ayoko pang mamatay!" sigaw pa ni Damulag na bakas din ang takot sa tinig.
Matagal na pinagmasdan ni Makisig si Damulag na sa pagkakataong iyon ay nawala ang lahat ng tapang sa mukha. Labis siyang nanibago rito. Parang hindi ito ang Damulag na nakilala niya.
Muli niyang ibinaling kay Maskara ang paningin. "Ano'ng gusto mong palabasin?"
"Hindi mo pa ba nakukuha? Gusto kitang makalaban, Makisig!"
Nagulat ang mga katutubo sa likuran niya.
"Tama ang narinig n'yo!" malakas na wika ni Maskara sa mga ito. "Ako ang magiging bagong challenger mo, Makisig. Gusto kong magtuos tayo sa MFC mamayang gabi."
Napilitan nang lumapit sa kanya si Ampa Khandifa at Luntian. Parehong kumapit ang mga ito sa magkabilang braso niya. Ramdam pa niya ang panginginig ng mga kamay ng matanda.
"Kael, huwag mong tatanggapin ang hamon niya!" umiiyak na pakiusap sa kanya ni Ampa Khandifa.
"Alam kong matapang ka, Makisig. Pero huwag mo sanang isugal ang buhay mo sa mga armadong grupo na ito! Hindi namin kakayanin 'pag may nangyaring masama sa 'yo!" pakiusap naman sa kanya ni Luntian na nanginginig din sa takot.
Napalunok siya ng laway saka sinagot ang terorista. "Bakit naman kita pag-aaksayahan ng oras? Ano ba ang mapapala ko kapag kinalaban kita?"
Isang malutong na halakhak ang pinakawalan ni Maskara. "Nakalimutan ko palang sabihin na hawak namin ngayon ang buong teritoryo n'yo. Napalilibutan na rin kayo ng aming mga bomba. Sinuman ang magbalak na tumakas, sasabog nang hindi oras! Pero huwag kang mag-alala. Kapag natalo mo 'ko sa laban, pakakawalan ko kayong lahat at kami na mismo ang lilisan sa lugar na 'to. Pero kapag natalo kita, huwag kang mag-alala dahil hindi pa rin namin kayo papatayin. Kukunin lang namin ang buong lupain n'yo rito kaya wala kayong ibang gagawin kundi ang lumayas at maghanap ng bago n'yong matitirhan. Ganoon lang naman kasimple, Makisig. Kahit sino pa ang manalo sa ating dalawa, walang mamamatay!"
Matagal muli bago siya nakapagsalita. Pilit niyang inintindi ang bawat iyak at hinaing ng mga katribo niya. "Bigyan mo 'ko ng kaunting palugid, kahit mga ilang araw lang, para makapagdesisyon."
"Ano ba ang pinagkaiba ng susunod na araw sa mamayang gabi? Masyado akong mainipin, Makisig! Ayoko ng pinaghihintay ako! Kung hindi mo tatanggapin ang hamon ko ngayon, mamamatay na kayong lahat dito ora mismo!"
Lalong nag-iyakan ang mga Katawi. Lalo ring humigpit ang kapit nina Luntian at Ampa Khandifa sa mga braso niya.
Matagal bago muling nakapagsalita si Makisig. Napayuko siya at nag-isip. Saka siya matagal na tumitig sa mga katutubong nag-iiyakan sa kanyang likuran. Pagkuwa'y muli siyang lumingon sa kausap. "Sige, tinatanggap ko ang hamon mo."
Doon humagulgol nang iyak sina Luntian at Ampa Khandifa. Lalo namang nagsitangis ang iba pang mga katutubo.
Pumalakpak si Maskara at inutusan ang mga tauhan na ibaba ang kanilang mga armas. "Tama lang ang pinili mo, Makisig. Goodluck mamayang gabi sa MFC. Sige, aalis na muna ako. Sasabihan ko rin ang mga tauhan ko na walang gagalawin sa inyo hanggang mamayang gabi. Bibigyan na rin kita ng oras para mag-ensayo!"
Pagkatapos niyon ay tinalikuran na sila ng lalaki at muling sumakay sa sasakyan nito. Nagsialisan na rin ang buong grupo pero hindi tuluyang lumabas ang mga ito sa kanilang baryo.
"NILIBOT ko na ang buong gubat. Mukhang mahihirapan nga tayong makatakas. Ang dami nilang nakapalibot sa buong lugar natin!" pahayag sa kanya ni Bagwis na naliligo pa sa sariling pawis habang nagsasalita.
"Pinuntahan ko rin 'yong iba pang mga daan sa pinakadulo ng gubat. Pero sa kasamaang palad, may mga bantay na rin lahat doon. Lahat ng puwede nating labasan, pinalibutan nila!" malungkot naman ang tinig na saad ni Diego.
"Paano na 'yan? Mukhang wala na tayong ibang mapupuntahan. Sinadya talaga nilang gawin 'to para hindi tayo makahingi ng tulong sa bayan!" histerikal namang wika ni Adan.
Napayuko na lang sa panlulumo si Makisig. Kaharap niya sa mahabang lamesa ang apat na barkada at ibang mga kalalakihan sa lugar nila. Lihim silang nagpupulong sa bahay na pawid ng isa sa mga katribo nila.
Hindi na niya napigilan ang pagkuyom ng mga kamao. Hindi nga sila ginagalaw ng mga tauhang nakabantay sa paligid, hindi rin naman sila makagawa ng paraan para makatakas doon dahil lahat ng puwede nilang lusutan ay napalilibutan na ng mga terorista.
"Ano na ang gagawin natin?" sabi ng isa sa mga Katawi na may hawak pang sibat na balak nitong gamitin kung may mangyaring gulo anumang sandali.
Matagal bago nakapagsalita si Makisig. Napabuntong-hininga siya at matamlay ang mga matang hinarap ang katribo. "Wala na tayong magagawa kundi gawin ang napagkasunduan. Lalabanan ko ang pinuno nila para mabawi natin ang ating tahanan."
"Pero, Padi, paano ka nakasisigurong gagawin nga nila 'yon? Mga terorista sila! Paniguradong walang puso ang mga 'yan! Mga walang isang salita!"
"Tama si Bagwis, Padi! Hindi dapat tayo magtiwala sa mga salita ng pinuno nila! Paano kung sa kalagitnaan ng laban n'yo, bigla ka na lang pinagbabaril ng mga nagtatago niyang kasama? Sa tingin mo ba, may pag-asa kang manalo sa puwersa nila? Ni hindi nga natin alam kung ano ang tumatakbo sa utak nila ngayon, eh!" asik naman ni Adan.
Muling nagkuyom ng mga kamao si Makisig. "Wala tayong ibang magagawa ngayon kundi ang magtiwala sa mga sinabi niya. Mas lalo tayong mapapahamak lahat kung patuloy tayong magmamatigas!"
"Bakit hindi na lang tayo lumaban? Ito na siguro ang oras para magkaisa tayong lahat na mga lalaking Katawi. Ipaglaban natin ang ating tahanan!" suhestiyon naman ng isa.
"Paumanhin ngunit hindi ko kayo kayang isabak sa laban. Nakakalimutan n'yo na ba ang kuwento ni Ampo Sinag? Hindi ito ang unang beses na sinakop tayo ng masasamang dayuhan. Noong kapanauhan nila kung saan mas marami pa ang bilang nila, wala rin silang kalaban-laban sa mga dayuhang sumakop sa kanila. Maging si Ampo Sinag ay hindi naipagtanggol ang lahat ng katutubo. Ang daming nasawi, na naging dahilan kung bakit kumonti na lamang ang bilang natin ngayon. Lumaban sila kahit wala silang armas at kaalaman sa pakikipagdigmaan, pero iyon pa ang naging sanhi ng matinding pagkalagas ng ating lahi. Kaya ayokong maulit ang pangyayaring iyon. Hinding-hindi ko isusugal ang inyong mga buhay lalo na't tatlong daan na lamang tayo sa mundong ito!" mahabang paliwanag ni Makisig dito.
"Kung ganoon, sino na lang ang lalaban sa kanila?"
"Ako!" sagot agad niya rito. "Ako naman ang gustong kalabanin ng pinuno nila, hindi ba? Kaya pagbibigyan ko na sila."
"Pero paano si Damulag? Nakita mo ba ang nangyari sa kanya kanina? Isa na rin siya sa mga bihag nila ngayon! Biruin mo, kung iyon ngang malaking bulas na nagbanta at kumalaban sa 'yo ay natalo lang sa kanila, paano na lang kaya ikaw?" sabat naman ni Diego sa kanya.
Tumabi pa ito sa kinauupuan niya at mahigpit na humawak sa kanyang kamao. "Padi, hindi naman sa kinokontra namin ang desisyon mo bilang bagong pinuno. Ayaw ka lang talaga naming mapahamak! Hindi biro ang taong babanggain mo!"
Hinarap din niya ang kaibigan. "Diego, bilang bagong pinuno n'yo, gusto kong magtiwala kayo sa akin. Iyon na lang ang tanging pag-asa natin para mabawi pa itong kalayaan natin. Bilang bago ninyong pinuno, tungkulin kong protektahan kayong lahat sa kahit na anong kapahamakan. Kahit buhay ko pa ang maging kapalit!"
"Pero, Padi... A-ayaw naming mangyari 'yon!" Bigla na lang humagulgol si Bagwis sa harap niya. "Baka naman may iba pang paraan nang hindi kasama ang pagbubuwis mo ng buhay!"
Pati ang ilang kalalakihan sa loob ay napaluha na rin. Si Ampo Sinag na nasa bandang dulo ay hindi na nakapagsalita sa tindi ng mga luha. Naubusan na ito ng lakas para sabihin pa ang itinatago sa bibig.
"Kayo na mismo ang nagsabi, hindi biro ang mga taong babanggain natin. Kahit sa anong paraan pa tayo lumaban, hindi puwedeng walang buhay na magsakripisyo! Kaya bilang bagong pinuno n'yong lahat, gusto kong ibigay n'yo sa akin ang buong tiwala at suporta n'yo. Ipinapangako ko, hinding-hindi ko kayo bibiguin mga mahal kong Katawari."
Sa kanilang dialekto, ang Katawari ay nangangahulugang 'kapamilya'.
Biglang humawak sa kaliwa niyang kamay ang lalaking may dalang sibat. "Makisig, may tiwala ako sa 'yo. Alam kong kayang-kaya mong talunin ang lalaking iyon." Punong-puno ng determinasyon ang tinig nito.
Nagsalita na rin ang isa pang lalaki sa bandang likuran niya. "Tama si Ka Empong! Bakit ba natin kailangang kontrahin ang desisyon ng bago nating pinuno? Baka nakakalimutan n'yo, isang kampeon ang pinunong nasa harap n'yo ngayon! Hindi natin dapat pagdudahan ang kanyang kakayahan!"
Sumang-ayon na rin doon ang iba pang kalalakihan. Pawang nabuhayan ng mga loob. Hanggang sa magkasundo na rin ang lahat na ibigay ang buo nilang tiwala at suporta sa kanya.
Muli siyang kinausap ni Ka Empong. "Malakas ka, Makisig. Ikaw ang itinakda ni bathala para maging mahusay na mandirigma sa ating panahon ngayon. Kahit na kailan, hinding-hindi ko pagdududahan ang iyong lakas at kakayahan." Lalo pa nitong hinigpitan ang pagpisil sa kanyang kamay. "Ipinanganak ka para maging kampeon. Walang kahit sinong alagad ng dilim ang makadadaig sa iyo!"
Sa pagkakataong iyon ay lumuwag ang kanyang pagkakangiti. "Maraming salamat, mga mahal kong Katawari!"
"MALAPIT na ba tayo, Raymond?" tanong ni Mayor Lena sa kanyang personal driver habang tinatahak ang matinding traffic sa EDSA.
"Medyo malapit-lapit na po, Ma'am. Traffic lang po talaga," sagot naman nito sa kanya.
"Naku!" Napahagod siya ng ulo. "Mukhang mali-late yata tayo sa program ni Senator Raiza! I need to inform her dahil baka tayo na lang ang hinihintay roon!"
Dali-dali niyang kinuha ang cellphone nang bigla siyang lingunin ng personal assistant na katabi ng driver. "Ma'am, may natanggap po akong balita sa Baryo Kukatawi ngayon lang."
Natigilan siya sa ginagawa. "O, what is it, Shirlie?"
"May nakita raw pong mga armadong lalaki na nagbabantay roon ngayon. Wala raw hong makapasok na kahit sino."
"What?" Nangunot ang kanyang noo. "W-what do you mean by that?"
"Hindi ko rin po alam, eh. Basta iyon lang po ang sinabi sa akin."
"A-anong klaseng armado? Mga pulis ba sila? Sundalo o ano?"
"Iyon nga rin po ang pinagtataka ko, eh. Hindi raw sila mga pulis or sundalo base sa suot nila. Pero marami rin daw po silang mga armas at sasakyan!"
Hindi alam ni Lena kung bakit siya kinutuban nang ganoon. Ang bilis kumabog ng dibdib niya. "P-paano 'yan? Mukhang gabi pa tayo makakauwi! W-wala ba tayong puwedeng utusan doon para magpunta ngayon sa Kukatawi?"
"Sasabihan ko po ang mga tauhan natin, Ma'am."
"Please do, Shirlie! I wanna know what is happening!" Pabagsak niyang isinandal ang sarili sa kinauupuan. Bigla na lang siyang kinutuban sa hindi malamang dahilan.
TUWANG-TUWA si Dominick pagkahubad sa kanyang maskara. Agad siyang nagpunas ng pawis sa buong mukha. Kasama niya ngayon si Nasser at kabilang ang sasakyan nila sa mga nakaharang sa paligid.
"Grabe, Boss! Effective 'yung ginawa n'yo! Napaniwala natin silang lahat na ikaw si Maskara!" pagbati ni Nasser sa kanya.
"Dapat lang, ano! Nag-effort pa akong mag-tagalog nang malalim para lang doon! Well, kailangan kong panindigan ito hanggang mamayang gabi. Nakatulong din talaga itong voice changing mic na pinahiram ni Captain Berdugo kaya lalong naging effective ang acting ko!" natatawang sagot nito. Kahit wala pa ang laban, sinasanay na niya ang sarili sa malalalim na Tagalog para hindi na sumablay pa mamaya.
Isa sa mga plano nila ay ang pagpapanggap niya bilang pinuno ng Black Eagle. Nag-imbento na rin siya ng panibagong alyas at mukha. Ito ang gagamitin niyang karakter sa magaganap na laban nila ni Makisig.
"So, ano na'ng next move mo n'yan, Boss Dominick? Este, Maskara?"
"I am planning something interesting! Wait, Tagalog nga pala dapat, ano? What I mean is... May binabalak akong kakaiba na siguradong ikagugulat n'yo mamaya!" aniya saka muling tumawa.
TO BE CONTINUED...
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro