Kabanata 7: Bagong Plano ni Agustus
Kabanata 7: Bagong Plano ni Agustus
"PENDEJO! Ang hirap pa ring paniwalaan na matatalo si Damulag sa taong gubat na 'yon? Bullshit!" Dismayado pa rin ang buong anyo ni Nasser.
Tahimik lang na nakikinig si Dominick sa kanilang diskusyon. Ni wala itong kaba na nararamdaman kahit alam nitong ito na ang susunod na ilalaban kay Makisig.
"That's what I'm talking about!" sagot naman ni Agustus. "Kaya nga hindi ko inilaban agad si Domdom dahil alam kong ganito ang mangyayari. But it doesn't matter anyway. Kita mo naman. My Domdom is not even threatened. Bago pa namin naisipang ilaban si Damulag, may plano na kami ng anak ko kung paano niya matatalo ang lalaking 'yon!"
"I hate to say this, but that jungle guy is indeed strong," sabad naman ni Andres Po Jr. "Most of the time, a striker can't do anything once he was taken down by a grappler. Pero iba ang nakita ko kay Makisig. His pain tolerance to chokeholds and takedowns is just insane. Dahil sa nangyari kay Damulag, kinakabahan na ako para kay Dominick. I really wanted our boy to win!"
Tumawa lang ang lalaki at humalukipkip. "Oh, coach! You don't even have to think about that. Gaya ng sinabi ni Papa, may plano na kami d'yan!"
"Ano ba kasi 'yon, Boss Dom? Bakit ayaw n'yo pang sabihin?" pangungulit ni Nasser.
"Dominick, I think it's time for you to learn how to strike too. It would be a huge advantage for you kapag natutunan mong pagsamahin ang striking at grappling. Wala nang magiging laban si Makisig sa 'yo n'on!"
Umiling lang ang lalaki rito. "I am telling you, coach, we don't even have to prepare for the fight. I can defeat that guy with no effort. I promise you!"
"E, paano nga? Ano ba kasi 'yang plano n'yo? May mga bagong techniques ba kayong natutunan na mas malupit?" tanong uli ni Nasser.
"No, Nasser! Nothing at all. In fact, My Domdom doesn't even need to practice!" may pagmamalaki namang sagot ni Agustus. "Hindi na natin kailangang sumugal. We don't need to waste our time and energy for that guy. Hindi naman natin siya kinakalaban dahil lang gusto natin siyang matalo. Hindi naman talaga 'yong career niya ang main target natin in the first place, kundi iyong lupain nila mismo! Kaya para magalaw natin ang buong tribo nila, kailangan nating pabagsakin ang taong pinakamataas sa kanila sa sarili nitong laro! That's why Domdom and I had already prepared something for that jungle guy!"
"That's right!" pasigaw namang pakli ni Dominick. "Bakit ko pa ba kailangang magsayang ng energy? Kung puwede naman nating tapusin ang laban sa pinakamabilis na paraan?" Saka nito dinukot sa bulsa ang isang injection...ang injection na naglalaman ng napakalakas na kemikal!
Pati si Andres ay nagulat nang makita iyon. "Seryoso ka ba, Dominick? Gagamit ka n'yan?!"
Humahalkhak si Agustus. "Kahit gaano pa kalakas ang isang tao, wala itong laban sa lakas na gawa ng siyensya! And that's the Devil Drug for you! The ultimate enhancement! Baka hindi n'yo naitatanong, ito rin ang sikreto ng mga undefeated fighters noon sa kasaysayan!"
Labis naman ang panlalaki ng mga mata ni Nasser. "W-w-whaaaaat?!"
ISA-ISANG sumalubong kay Makisig ang yakap at pagbati ng kanyang mga katribo. Nasa baywang muli niya ang championship belt. Tulad ng dati, hindi na naman niya alam kung sino ang unang babatiin at pasasalamatan sa dami ng mga nagkukumpulan sa kanya.
Nasa likod naman niya sina Bagwis, Adan at Diego na dala-dala ang mga handaang pinamili nila para sa magarbong salu-salo na magaganap sa gabing iyon.
Pagkatapos niyang bumati sa mga tao, nagpaalam na muna siya sa mga kaibigan at sinabing babalik na lamang mamaya. Saglit siyang umuwi sa tahanan at umakyat sa kanyang treehouse para ipahinga ang katawan.
Bagama't hindi siya nasugatan o nagalusan, ramdam naman niya ang pamimintig ng buong katawan dahil sa mga techniques na isinagawa ng kalaban sa kanya.
Huminga siya nang malalim at nilanghap ang malamig na simoy ng hangin. Saka niya nilingon ang championship belt na nakasuot pa rin sa kanyang baywang.
Doon niya naalala ang lahat kung paano siya napunta sa ganitong gawain. Bata pa siya noon nang makakita sa bayan ng isang amateur MMA match na sobrang nagpabuhay sa dugo niya. May napanood siyang fighter na sobrang galing makipaglaban.
Nilapitan pa nga niya ito pagkatapos ng kanilang laban at binati. Tila nagustuhan naman ng lalaki ang kanyang sigla at kakulitan kaya binati rin siya nito. Nagpakilala ito sa pangalang Alberto Rugon. Kung anu-anong mga papuri pa nga ang sinabi nito sa kanya na tila kumurot sa puso nito.
Mula noon, sinasama na siya ng lalaki sa mga ensayo nito tuwing dumadayo ito sa kanilang bayan. Lumalaban ito sa iba't ibang lugar at nagkataong isa ang MFC sa mga nadayuhan nito.
Natatandaan din niya na may isa itong anak na sinasama nito minsan sa kanilang ensayo. Crisanto naman ang pangalan nito, at ito ang kauna-unahang naging kaibigan niya sa labas ng kanilang lugar.
Lagi niyang nakakasabay sa pag-eensayo si Crisanto kasama ang ama nito. Kung kailan lumalalim na ang kanilang pagkakaibigan, doon naman may nangyari.
Isang araw, nabalitaan na lang niya na patay na raw si Alberto. May pumatay raw dito. Kaya pala hindi na ito nakakadayo sa lugar nila. Hindi niya alam kung ano ang dahilan at kung ano ang buong pangyayari.
Dahil din doon, naputol na pati ang komunikasyon nila ng kaibigang si Crisanto. Hindi na niya ito nakita mula nang kumalat ang balitang iyon. Wala na rin siyang ideya kung saan ito napunta.
Magmula rin noon, ibang tao na ang nilapitan niya para magturo sa kanya. Desidido talaga siyang sundan ang yapak ng idolo at maging isang fighter kaya kahit wala na ito, hindi nahinto ang kanyang pagsasanay.
At iyon ang nagtulak sa kanya para marating ang lahat ng mayroon siya ngayon. Muli niyang tinitigan ang kanyang sinturon na sumisimbolo sa pinaghirapan niyang tagumpay.
"Mahigit anim na taon na tayong magkasama, kaibigan," sabi pa niya rito habang tinatapik-tapik ang sinturon. "Dahil sa 'yo, laging malusog ang mga katribo ko. Sana, magtagal ka pa lalo sa akin. Pagsisikapan kong mapanatili ka sa tabi ko sa abot ng aking makakaya."
Mayamaya ay hinubad niya ang sinturon at isinakbit naman sa balikat niya. Doon na siya bumaba para makisali sa kanilang salu-salo.
PAGKATAPOS nilang maghatid ng mga pagkain at ayuda sa bawat kabahayan, niyaya naman niya si Luntian na magpunta sa batis. Kasama niya ang alagang si Matias habang ang maliliit na mga hayop naman na alaga ng babae ang kasama nito.
Naisipang magbanlaw ni Makisig sa malamig na tubig ng batis habang suot pa rin ang kanyang bahag. Si Luntian naman ay pumuwesto sa malaking bato habang nilalambing ang mga alagang hayop. Nasa likuran naman nito si Matias na nakapahiga ng puwesto at tila may sariling mundo.
"Medyo kinabahan ako sa 'yo kagabi. Sobrang laking bulas naman kasi ng taong iyon. Akala ko talaga matutuluyan ka niya."
"Hindi naman problema sa 'kin kahit gaano pa kalaki ang kalaban. Ang pinoproblema ko lang ay 'yung ginawa niya sa loob ng gym."
Saka niya kinuwento rito ang nangyari kung paano isa-isang binugbog at binalian ng buto ni Damulag ang ibang mga fighters doon para lang magpapansin sa kanya.
"Napakasama naman pala niya! Mabuti na lang talaga naturuan mo siya ng leksyon. Siguro naman ngayon madadala na siya. Ang sarap siguro makita ng reaksyon niya kapag nagising siyang nasa ospital na."
"Hayaan mo na 'yun! Ako gusto ko nang kalimutan ang nangyari. May iba kasi akong gustong gawin ngayon."
"Ano naman 'yun?"
"Iniisip ko kasi 'yung sinabi ni Ampo Sinag sa akin, na gusto niya akong mag-aral uli at tikman ang buhay sa labas ng baryo. Ano sa tingin mo, Luntian?" Saka niya ito nilingon para hingiin ang opinyon nito.
Napalingon din sa kanya ang babae. "Ah, kung ano sa tingin mo ang mas makabubuti sa 'yo, gawin mo. Lagi naman akong nakahanda na sumuporta sa 'yo, eh."
"Ikaw ba? Ayaw mo bang sumama sa 'kin kung sakali? Para sabay tayong mag-aaral ulit at makapagtapos. Tutal halos magkasing-edad pa lang naman tayo. Dalawang taon lang naman ang tanda ko sa 'yo. Puwedeng-puwede ka pang mag-aral ulit!"
"Gusto ko rin naman iyan. Sino ba naman ang hindi? E, iyan nga ang magandang gawin para magkaroon ka ng magandang trabaho, lalo na kung makikipagsapalaran ka sa labas. Kaso wala naman kaming pera para d'yan, eh. 'Yung kinikita namin ni Ampa sa palengke ay sakto lang para sa mga gastusin sa bahay."
"Nand'yan naman si Mayor Lena, ah? Handa naman siyang tulungan tayo. Sinabi na rin niya dati na gusto raw niya tayong bigyan n'ong ano... 'Yung, ano nga ba 'yon? Iskalar ba?"
"Ah, scholarship?"
"Oo, 'yun nga! Magsabi lang daw tayo sa kanya kung kailan natin gusto."
Napabuga ng malalim na paghinga si Luntian saka tinanaw ang malamlam na kalangitan. "Gusto ko rin sana kaso...mawawalan ng kasama si Ampa sa palengke. Alam mo namang hindi na makakalakad nang mag-isa 'yun sa malayo. Kailangan na niya ng mag-aalalay sa kanya."
"E, ano naman? Ang dami naman nating puwede pakiusapan dito. Kahit kina Bagwis, Diego at Adan makakakuha ako ng makakasama ni Ampa. Wala kang magiging problema sa mga kaibigan ko!"
Di kalaunan ay ngumiti na rin ang babae. "Sige ba. Basta kasama kita. Ayoko namang mag-aral nang ako lang mag-isa. Nahihiya ako. Gusto ko nasa iisang paaralan lang tayo. Mas maganda kung nasa iisang silid-aralan din."
Natawa naman ang lalaki. "Ano ka ba! Ako ang bahala sa 'yo siyempre! Kailan ka ba napalayo sa akin?"
Mayamaya ay umahon na siya sa tubig at lumuhod sa harap ng babae. "May ibibigay nga pala ako sa 'yo." May isang kuwintas siyang hinubad at tinanggalan ng tali. Saka niya ibinigay ang palawit nito na isa palang singsing.
"Oh! Ang ganda naman nito! At mukhang mamahalin pa! Saan mo nakuha 'to, Makisig?" Halos kumislap ang mga mata ng babae sa liwanag na ibinibigay ng singsing.
"Binili ko 'yan n'ong isang araw sa bayan. Naalala ko kasi, hindi pa kita nabibigyan ng kahit anong regalo mula pagkabata natin. Samantalang ikaw laging nagbibigay sa akin ng regalo tuwing kaarawan ko. Kaya naisipan kong bilhin 'yan, para sa 'yo."
Halos mamula sa tuwa ang babae. "Ikaw naman, oh! Bakit nag-abala ka pa? Hindi mo naman kailangang gawin ito."
"Bakit, hindi mo ba nagustuhan?"
"Siyempre naman gustong-gusto ko!" Isinuot nito iyon sa daliri nito. Lalo pa iyong nakadagdag sa kagandahan ng makinis na kamay ng babae. "Ang akin lang naman, walang kahit anong materyal na bagay ang makapagpapasaya sa akin. Presensya mo lang sapat na para mapasaya ang araw ko, araw naming lahat. Pero siyempre, iingatan ko 'tong singsing na 'to. Bigay mo ito, eh. Hindi ko na ito aalisin hanggang sa pagtanda ko." Saka ito tumawa.
Nilingon ni Makisig ang mga mata ng babae. Hindi niya namalayang umabot ng mahigit sampung segundo ang pagkakatitig niya rito. Nangunot tuloy ang noo sa kanya ng dalaga.
"O, bakit parang naestatwa ka d'yan?"
"Luntian..."
"Bakit?"
"Tutal, matagal na rin naman tayong magkaibigan... G-gusto ko sanang..."
"Ano 'yon?"
Ilang beses napalunok ng laway si Makisig. "P-puwede ba kitang mayakap? Kahit 'yung yakap na magkaibigan lang..."
Napahagikgik ang babae. "Iyon lang pala, eh!"
Nagulat siya dahil ito na mismo ang yumakap sa kanya. Kakaibang saya ang namayani kay Makisig nang maramdaman niya ang mainit nitong mga yakap. Damang-dama niya roon ang halaga niya sa babae bilang kaibigan, kababata, at parang isang tunay na kapatid.
Tulad ng babae, ulila na rin siya sa magulang. Namatay ang kanyang ina noong isang taong gulang pa lang siya. Iniwan naman sila ng kanyang ama bago pa man siya maisilang at tinalikuran ang pagiging Katawi nito.
Si Luntian naman ay parehong namatay sa sakit ang mga magulang noong bata pa lamang ito. Ngunit hindi tulad niya, nakapiling naman nito ang mga magulang kahit papaano sa maikling panahon. At higit sa lahat, hindi ito nawalan ng kasama sa buhay dahil kay Ampa Khandifa.
Mula pagkabata, si Ampa Khandifa na rin ang nakagisnan niyang magulang. Hindi nga lang siya nito naging ganap na ampon dahil pagkatuntong niya sa edad na kinse, siya na ang kusang bumukod at nagtayo ng sarili niyang bahay sa taas ng puno.
Doon na siya tumira mula noon. Hinahatiran na lang siya ng pagkain paminsan-minsan ng matanda. Dahil doon, maaga siyang namulat sa paghahanapbuhay para may maipakain sa sarili niya. Ayaw niya kasing iasa kay Ampa ang lahat.
Sinuportahan naman siya ng matanda sa desisyon niyang bumukod ng bahay dahil hindi naman iyon kalayuan sa tahanan ng mga ito. Saka suportado rin nito ang kagustuhan niyang maging independent sa murang edad pa lang.
Kahit hindi na siya nakatira sa matanda, parang apo na rin ang turin nito sa kanya. Kung tutuusin, puwede na rin niyang maging kapatid ang apo nitong si Luntian.
Ngunit sa isang malalim na dahilan, hindi nga lang niya magawa iyon. Parang ayaw niya itong iturin na kapatid.
Pagkatapos ng mahabang paglalakbay ng isip, doon lang niya naisipang gumanti sa mainit na yakap ng kaibigan. Niyakap din niya ito at hinagod pa ang makinis nitong likod.
"Maraming salamat at pinagbigyan mo 'ko."
"Siyempre naman! Para saan pa ba ang pagkakaibigan natin?"
"Ano ba ang turin mo sa akin, Luntian?" wala sa loob na naitanong niya. Doon pa lang sila bumitaw sa isa't isa.
"Siyempre, ano pa? Ikaw ang pinakamatalik kong kaibigan at kababata sa balat ng lupa!"
Napangiti siya. "Ayaw mo ba akong maging kapatid? Tutal iisang tao lang din naman ang nagpalaki sa atin, eh."
"Pero hindi ka naman ganap na nagpaampon kay Ampa. Umalis ka rin naman at bumukod. Kaya siyempre hindi kita puwede gawing kapatid!" natatawang sagot nito.
Pati siya ay natawa rin. Naramdaman kasi niya na parang ayaw rin ng babae na iturin siyang kapatid...sa isang malalim ding dahilan.
ABALA ang lahat sa paghahanapbuhay nang araw na iyon. Pagkatapos ng mga lakad at meeting ni Agustus sa Maynila, naisipan nila ni Nasser na lumuwas dito sa Magnum City para libutin ang lugar kung saan siya pinanganak.
Nais niyang masilayan muli ang bayang kinagisnan para malaman niya kung anu-anong mga proyekto ang gagawin niya rito upang makuha ang simpatya ng lahat.
Naisipan din nilang bisitahin ang Baryo Kukatawi para silipin ang pamumuhay ng mga tao roon. Halos lahat ay abala sa kani-kanilang mga gawain.
May nadaanan pa silang ale na nagtitinda ng mga mangga sa tulak-tulak nitong kariton. Napansin ng tindera ang pormang dayuhan niya kaya bigla itong bumati at inalok siya ng mga tinda nito.
"Ginoo, baka gusto n'yong tikman ang mangga namin. Sarili po naming tanim ito. Bili na kayo! Masarap po ito."
Napukaw ng mga mangga ang atensyon niya. Makinis kasi ang mga iyon at halatang magaganda ang bunga.
"Talaga bang masarap ito?" pabiro pa niyang tanong sa tinderang nakasumbrerong salakot kahit wala naman siyang balak bumili.
"Ay opo!" masiglang sagot ng ale. "Matamis po 'yung mangga namin dito dahil maganda ang lupa!"
Naengganyo siya. "Ah talaga? Sige bilhin ko na lahat."
"'Yung mangga po?"
"Hindi, 'yung lupa!"
Bigla siyang siniko ni Nasser na nasa tabi niya. "Boss, ano ka ba! Huwag ka nga magbiro ng ganyan!"
Natauhan naman siya at bumulong sa assistant. "Sorry naman! Gusto ko lang makita kung talagang maganda 'yung lupa, eh!"
"Dapat nga hindi na muna tayo pumunta rito, eh, para hindi ka nila makilala!"
"Hayaan mo na 'yon. Tara na lang ulit at gusto ko pang makita ang kabuuan ng lupa nila rito! Dahil hindi magtatagal, mapapasaatin na rin naman ito!"
Hindi na rin sila nagtagal doon at nilibot pa ang ibang bahagi ng baryo na mas matataba at malulusog ang mga lupa.
Sa di kalayuan, gulat na gulat muli si Ampo Sinang nang mamataan si Don Agustus at ang personal assistant nito. Dali-dali siyang tumakbo palayo.
TO BE CONTINUED...
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro