Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 6: Balian ng Buto Hanggang Dulo

Kabanata 6: Balian ng Buto Hanggang Dulo

PUNONG-PUNO muli ng tao ang loob ng Magnum Fight Club. Lahat ay nakahanda na sa pinaka-inaabangan nilang laban sa gabing iyon.

"Huwag na huwag kayong gagalaw sa inyong kinauupuan! Dahil hindi basta-basta ang challenger na nandito ngayong gabi! Ihanda ang inyong mga sarili sa pinakamalaking bulas na nilalang sa balat ng lupa! Ang nag-iisa at bukod-tanging si... Damulag!"

Kaunti tao lamang ang nagsigawan. Nasa gitna naman ng audience sina Nasser at Dominick kasama ang coach nitong si Andres Po Jr. Tahimik lang sila pero lihim silang nakangiti sa pasabog na entrance ni Damulag na tanging sila lang ang nakakaalam.

Mahigit sampung segundo na ang lumipas, hindi pa rin lumalabas si Damulag. Nagtaka na ang announcer. "Inuulit ko. Ang nag-iisa at bukod-tanging si... Damulag!"

Wala pa ring Damulag na lumabas. Kanina pa niya ito inaabangan sa corner nito pero hindi pa rin ito lumalabas doon. Parang nangangati na tuloy ang mga paa niya na puntahan ang lalaki sa backstage at baka kung ano na naman ang kalokohang ginagawa nito.

Ngunit bago pa siya makagalaw, bigla na lang may bumuga ng hininga sa batok niya. Nanlaki sa gulat ang kanyang mga mata. Hanggang sa mapasigaw na lang ang mga tao nang biglang umangat ang katawan niya at binalibag siya sa malayo ng isang kamay na nagtatago sa dilim.

Doon lumabas ang lalaking halos sing laki ng isang sumo-wrestler. Isang manipis na sando ang suot nito na halos mapunit na sa laki ng mga bisig. May nakapatong na panyo sa ulo nito at natatakpan ng white out contact lens ang kanang mata.

Lalong napadikit ang mga tao sa kanilang kinauupuan nang magpakawala ito ng isang nakaririnding ngisi. Kung takot na takot ang mga tao, tuwang-tuwa naman sina Nasser at Dominick sa ginawang iyon ni Damulag.

"Kung kay Damulag pa lang, halos bangungutin na sila, paano pa kaya kapag ako na ang nakita nilang lumaban?" natatawang komento ni Dominick.

Mangiyak-ngiyak namang tumayo ang announcer at hinagilap sa sahig ang mikropono nito. Pati ito ay kinabahan para sa sarili nitong buhay.

Bago pa man makapagsalita muli ang announcer, dali-dali nang pumasok sa octagon si Makisig. Hindi na niya narinig ang sigawan ng mga tao sa biglang entrance niya. Agad niyang kinompronta si Damulag na patuloy pa ring tinatakot ang mga audience sa nakapangingilabot nitong ngisi.

"Nagkasundo na tayo 'di ba? Sa akin mo lang ibubuhos ang galit mo! Bakit nandamay ka na naman ng ibang tao!"

Dahan-dahang lumingon sa kanya ang lalaki at sinadyang lakihan ang mga mata. "Oh? May pinag-usapan ba tayong ganoon? Parang wala akong natatandaan, ah? Teka, isipin ko nga muna..."

Lalong dumilim ang mukha ni Makisig. "Hindi ko alam kung sino ka at bakit mo ginagawa 'to. Pero ito ang tandaan mo. Hindi ko sinasanto ang mga taong katulad mo! Wala akong pakialam kahit magalit pa sa akin ang magulang mo sa mga gagawin ko sa 'yo!"

Muli na namang humalakhak ang lalaki na parang sasabog sa pagkabaliw. "Ikaw pa talaga ang nagbanta nang ganyan sa akin? Para sabihin ko sa 'yo, wala na akong magulang na mag-aalala sa akin! Hindi katulad mo, siguradong maraming iiyak kapag may nangyari sa 'yo. Kaya ingat ka sa pinagbabantaan mo, Tarzan! Baka sa 'yo bumalik 'yan!"

Imbes na ma-excite, naging kabado pa ang ilang mga katribo ni Makisig na kanyang isinama para manood sa laban niya. Pakiramdam kasi ng mga ito ay hindi basta-bastang alitan ang nagaganap sa pagitan nilang dalawa. Mukhang hindi nga pangkaraniwan ang labang magaganap. Lalo tuloy silang nag-alala para kay Kael.

Kasama sina Luntian at Ampa Khandifa sa mga tribong nanonood. Nasa likuran din nila sina Bagwis, Adan at Diego na palaging sinisigaw ang pangalan ni Makisig tuwing sasagutin nito ang mayabang na kalaban.

"Teka! Tekaaaa! Huwag n'yo 'kong kalimutan!" pag-aagaw ng announcer sa eksena. "Bakit mo pa kailangang gawin 'yon? Tingnan mo 'tong ginawa mo! Mukhang mababalian pa yata ako sa likod!" mangiyak-ngiyak nitong bulalas kay Damulag. "Kung talagang uhaw ka nang lumaban, eh 'di sige na! Magsimula na kayo!"

Sa announcer naman lumingon si Damulag. "Teka, may nakakalimutan ka pa yatang gawin?"

Napaatras sa takot ang lalaki. "A-ano na naman 'yon!"

"Bakit hindi ka pa nag-i-intro? Hindi mo man lang ba kami ipakikilala sa mga audience? Parang wala namang thrill 'yon kung basta na lang kami maglalaban dito nang hindi nila nakikilala kung sino ang dudurog sa lalaking ito!"

Nagtirik na lang ng mata ang announcer. "Eh di wow!" Umubo lang ito saglit at itinuloy na ang naputol na linya kanina. "Itong nasa harapan natin ngayon mga kababayan, ay isa ring champion sa kung saan man! Nandito siya ngayon para sungkitin ang prestihiyosong MFC Heavyweight Championship Belt mula sa ating kampeon na si Makisig. Magtagumpay kaya siya?"

Hindi naiwasang matawa ni Damulag. "Ano'ng klaseng introduction 'yon, ungas? Pero sige. Pagbibigyan na kita. Pero manalangin ka na ngayon pa lang. Dahil kapag ako ang nanalo rito, babalikan kita! At tuturuan ko 'yang dila mo kung paano magpakilala ng isang katulad ko!"

Nagsigawan ang mga tao pero hindi para dito kundi para kay Makisig pa rin. Halos lahat sila ay kay Makisig pumapanig. Ramdam din iyon ni Damulag pero balewala lang dito iyon. Ni wala itong nararamdaman na kahit katiting na inggit. Mas lalo pa nga itong natuwa dahil alam nitong nasa panig ng lalaki ang lahat.

Pagkatapos ng magarbong palakpakan, sumigaw na ang announcer. "Ready... Set... Fight!" Kasabay niyon ang pagtunog ng bell.

"Ayaw mo bang magdasal muna sa mga anito n'yo, Tarzan? Baka sakaling basbasan ka niya ng extra holy damage!" sabi nito saka tumawa nang malakas.

"Hindi na kailangan. Dahil nasa tabi ko naman lagi si bathala. Hindi tulad mo, walang kahit sinong panginoon ang lalapit sa 'yo!"

Lalong lumakas ang hagalpak nito. "Hindi mo yata naitatanong, wala akong Diyos! Hindi ko kailangan ang basbas ng kahit na sinong panginoon dahil sarili ko lang ang pinaniniwalaan ko. Ako lang ang pinakanakatataas sa lahat! Ako ang niluluhuran ng mga panginoong sinasamba n'yo!"

Lalo pang nagliyab ang tensyon sa pagitan nila at ramdam na ramdam iyon ng mga tao.

"Alam mo, Tarzan Boy, bakit hindi mo na lang subuka—" Nahinto sa kakadaldal si Damulag nang lumipad sa mukha nito ang mga kamao ni Makisig. Sobrang bilis. Hindi nito iyon inaasahan.

Nagsigawan sa tuwa ang mga tao maliban kina Nasser. Habang tutok na tutok ito pati si Coach Andres, humihikab naman si Dominick na tila nakakaramdam ng pagkainip sa nangyayaring laban.

Sunod-sunod na pag-atake ang ginawa ni Makisig. Pinatikim niya rito kung gaano kabigat ang kanyang mga tuhod at siko na mabilis niyang sinundan ng magkakasunod na suntok mula sa mukha hanggang sa dibdib nito.

Akala ni Damulag, kaya niyang saluhin ang mga iyon. Hindi siya makapaniwalang tatablan siya ng pagkahilo nang ganoon kadali. Mas mabigat pa yata ang mga siko at kamao nito kaysa sa mga barbell na binubuhat niya. Labis siyang nagulat sa punching power ng lalaki.

Sa lakas ng mga impact niyon, nagawang paatrasin at pahingalin ni Makisig ang malaking bulas na nilalang. Nagawa pa niyang paduguin agad ang ilong nito.

Muling ngumisi si Damulag at nakuha pa ring magyabang. "Nagsasayang ka lang ng lakas, ungas! Alam naman nating walang kahit anong suntok ang makapagpapatumba sa akin!"

Pero hindi niya ito pinakinggan. Muli siyang nagpakawala ng mga suntok habang patuloy lang iyong sinasalo ng lalaki. Sinubukan nitong yumuko para hablutin ang dalawang paa niya. Ngunit agad siyang nakaatras at pinalipad ang kaliwang paa niya rito.

Halos umikot ang ulo ni Damulag. Muli itong napaatras at napahawak sa pisngi kung saan tumama ang paa nito. Pulang-pula na agad iyon. Halatang nasaktan ang lalaki. Pero muli pa rin itong tumindig at ngumisi sa kanya.

"Sige lang! Isa pa! Ipakita mo kung sino ka!" bulalas nito saka humalakhak na parang wala nang bukas.

Mas malalakas na suntok pa ang pinakawalan ni Makisig. Pagkatapos niyang tadtarin ng kamao ang upper body part ng lalaki, sinasabayan niya ito ng low kick sa gilid ng mga binti nito. Mukhang walang ideya ang lalaki sa low kick na ginagawa niya kaya hindi man lang ito gumagawa ng depensa roon.

Hinataw naman niya ang lalaki sa kanyang mga tuhod. Pagkatapos niyang tuhuran nang limang beses ang sikmura nito, bahagya siyang lumundag at pinalipad ang kabilang tuhod sa dibdib nito. Napaatras muli si Damulag at halos habulin na ang hininga. Nabawasan na rin ang ngiti nito dahilan para mag-alala na rin dito sina Nasser at Coach Andres.

Nais muling paikutin ni Makisig ang ulo nito gaya ng nangyari kanina. Kaya bahagya siyang dumistansya at muling umikot sa ere saka nagpakawala ng malakas na sipa. Ngunit laking gulat niya nang bigla iyong masalo ng lalaki at sinubukan siyang itumba.

Mabilis siyang nakahanap ng balanse kaya hindi nagtagumpay si Damulag. Sa pagkakataong iyon ay ito naman ang sumipa sa kanya. Agad niya iyong sinalo sa kaliwa niyang kamay at inipit sa pagitan ng kanyang braso at tagiliran. Ngunit nagulat muli siya nang paliparin ni Damulag ang isa pa nitong paa hanggang sa makulong nito ang upper body niya. Sa pagbagsak nito, sumabay siya sa pagkakasubsob sa sahig. Doon nito sinimulan ang mga grappling techniques nito.

Ang bilis ng pangyayari. Sa isang iglap lang, bihag-bihag na siya ni Damulag sa lupa habang nakapulupot ang buong kamay nito sa leeg niya. Isang uri iyon ng submission technique na kung tawagin ay Ezekiel Choke, nagmula sa sode-guruma-jime ng Judo na in-adapt naman sa Brazilian Jiu-Jitsu ng Judo Olympian na si Ezequiel Paraguassú.

Halos lumabas ang dila niya sa higpit ng pagkakasakal nito. Parang anumang sandali ay luluwa ang mga mata niya. Sinubukan niyang sumuntok sa mukha ng lalaki pero lalo lang nitong hinihigpitan ang pagkakasakal sa kanya. Nabawasan tuloy ang puwersa ng mga kamao niya.

"Bakit naghihingalo ka na d'yan, Tarzan? 'Yan na nga ba ang sinasabi ko, eh! Sabihin mo lang kung nahihirapan ka na, para mabalian na kita sa pinakamabilis na paraan! Iyong hindi mo na mararamdaman pa! Makakatulog ka lang agad!" humahalakhak na turan nito.

Hindi kinakaya ni Makisig ang matinding pressure. Napilitan siyang ibanat ang kaliwang hita at pinadapo sa gilid ng ulo ng lalaki. Doon bahagyang lumuwag ang pagkakasakal nito at nagkaroon siya ng pagkakataon para makalaya.

Hindi na siya nag-abalang bumangon pa. Ikinulong din niya sa mga hita ang ulo ni Damulag saka ito hinataw ng kanyang mga siko.

Mabilis namang kumilos ang lalaki at buong puwersang binaligtad ang kanilang posisyon. Ito na ngayon ang nasa ilalim at siya ang nasa ibabaw. Dahil sa pagkakabaligtad nila ay nawala siya sa tamang huwisyo para makaatake.

Nagawa uli siya nitong bihagin gamit ang isa pang technique na kung tawagin ay Guillotine Choke, kung saan ikinulong nito sa mga bisig ang leeg niya habang nasa ibabaw siya nito. Binihag din nito sa pagitan ng mga binti ang lower body part niya para pigilan siyang makagalaw.

Wala siyang nagawa kundi ang magwala sa mga kamay at paa niya. Habang tumatagal ay pahigpit nang pahigpit ang pagkakasakal nito na halos magpaluwa na sa kanyang dila.

Sa halip na kumawala, niyakap ni Makisig ang lalaki sa kanyang mga kamay. Saka niya ginamit ang buong puwersa ng katawan para makatayo. Unti-unti niyang nabuhat ang lalaki habang nasa ganoong posisyon pa rin sila.

Marami ang nagulat. Pati sina Nasser at Andres Po Jr. ay nanlaki ang mga mata sa ginawa niya. Maging si Dominick ay tila hindi natuwa roon.

Buong puwersa niyang inihampas sa sahig ang lalaki hanggang sa lumuwag muli ang pagkakasakal nito. Doon niya ito muling pinalamon ng kanyang mga kamao hanggang sa pumutok na ang ilong nito.

Maging si Damulag ay hindi makapaniwalang tatablan ito nang ganoon kabilis. Sa lahat ng mga nakalaban nitong striker, si Makisig pa lang ang nakapagpadugo rito nang ganoon.

Pero imbes na kabahan, lalo pa itong natuwa. Parang mababaliw sa tuwa. "Ganyan ang gusto ko sa kalaban ko! Sawang-sawa na 'ko sa mga taong sa umpisa pa lang ay bugbog-sarado na agad. Gusto ko namang makaranas ng magandang laban. Kaya ituloy mo lang ang ginagawa mo, Tarzan. Bigyan mo 'ko ng magandang laban! At baka mamaya, magbago pa ang isip ko at hindi na kita babalian. Patutulugin na lang kita para walang sakit!" bulalas nito saka muling humalakhak.

Sinubukan nitong magpakawala ng sipa para linlangin muli siya. Agad naman siyang umilag na siyang inaasahan nito. Doon nakagulong ang lalaki at lumipat ng puwesto sa bandang likuran niya. Saka nito ginamit ang mga paa para bihagin siya sa magkabilang baywang at muling itinumba sa sahig.

Mabilis itong pumaibabaw sa kanya at itinaas ang kaliwa niyang hita. Napasigaw agad siya nang maramdaman ang matinding pressure na ibinigay nito matapos bihagin ang hita niyang iyon gamit ang mga kamay at paa nito! Para itong ahas na nakalingkis sa kanyang hita!

Halos mapunit ang boses niya sa sigaw na pinakawalan. Nakita ng mga tao kung paano magsilabasan ang mga muscles niya sa hitang iyon na parang puputok na dahil sa tindi ng pressure. Ginagamit na ngayon ng lalaki sa kanya ang finisher nito na kung tawagin ay Shake Rattle and Lock.

Isa itong uri ng grappling technique kung saan ibinubuhos ni Damulag ang lahat ng kanyang puwersa sa iisang hita ng kalaban sa pamamagitan ng paglingkis na parang ahas. Sa paraang iyon ay mas madaling kakalat ang mabigat na pressure sa bahagi ng katawang iyon at mas madali ring mauuwi sa injury gaya ng pagkabali ng buto o muscle fatigue.

Lahat ng mga napuruhan sa kanyang Shake Rattle and Lock ay umuuwing pilay o di kaya'y naka-wheelchair na lang habang buhay!

Nagsimula nang kabahan ang mga tagahanga niya nang makita kung paano siya mahirapan. Habang sina Nasser naman ay patuloy na natutuwa sa pangyayari.

"Sige lang, Damulag! Ipakita mo sa lahat kung sino ang tunay na hari!" sigaw pa ni Nasser dito.

"Kahit kailan, wala talagang nakakaligtas sa Shake Rattle and Lock ni Damulag. Ito lang naman ang pinakamabilis na paraan para bigyan ng instant injury ang isang tao sa iisang parte ng katawan nito, lalo na sa hita o sa kamay na madalas ginagamit ng isang striker. Kapag ang kamay o paa nito ang napuruhan, wala na itong maipanlalaban pa! Para itong sundalo na naputulan ng kamay at paa kaya hindi na makakabaril o makakatakbo pa," komentaryo naman ni Andres Po Jr. na lalong ikinatuwa ni Dominick.

Sa kabila ng paghihirap ay hindi pa rin nagpadaig si Makisig. Agad niyang sinipa ang ulo nito gamit ang isa pa niyang paa. Nang bahagya muling lumuwag ang pagkakabihag nito sa kanyang hita, doon pa lang siya nakahanap ng pagkakataon para makawala. Gumulong siya paatras at tumayo.

Agad ding tumayo ang lalaki at nagtangkang hablutin ang mga tuhod niya para magsagawa ng panibagong takedown. Pero hindi na niya iyon hinayaang mangyari. Dahil siya naman ang bumihag ngayon sa lalaki gamit ang clinching move, isang uri ng stand-up submission technique sa Muay Thai kung saan kinukulong nila ang upper body ng kalaban saka tatadtarin ng kanilang tuhod.

Hinataw niya nang hinataw sa kaliwang tuhod ang sikmura ng lalaki. Nang bahagya itong mapaluhod ay muli siyang nagpakawala ng magkakasunod na low kick hanggang sa mapaluhod ito. Ngunit muli na naman siyang ginulat ng lalaki nang bigla itong sumunggab na ikinatumba uli niya. Nagtangka itong isagawa muli ang Shake Rattle and Lock sa kanya.

Pero nagawa uli niyang bihagin ang leeg nito gamit ang dalawa niyang hita. Saka niya hinataw sa kanyang mga siko ang ulo nito. Hindi niya ito tinigilan hangga't hindi nakitang sumuka ng dugo ang lalaki sa dibdib niya.

Doon niya sinipa palayo ang ulo nito gamit muli ang dalawa niyang paa. Saka siya gumulong paatras at muling tumayo. Bago pa siya makagawa ng susunod na aksyon, biglang umangat ang ulo ng lalaki sa kanya at nagpakawala ng nakapangingilabot na ngisi.

Hindi siya makapaniwala nang magawa nitong makatayo muli sa mabilis na paraan. Sinubukan niyang sumugod ito para tadtarin muli ng suntok ang lalaki. Ngunit nagulat siya sa bigla nitong pagyuko at paggulong. Ginamit nito sa paggulong ang kabilang tuhod nito na tinadtad niya ng low kick kanina.

Nagawa nitong makalipat sa likuran niya. At bago pa siya makaharap dito, nagawa na nitong bihagin ang kanyang leeg. Muli na naman siyang namilipit sa sakit. Sa puntong iyon, mas mahigpit pa ang sakal na pinakawalan nito. Hindi na niya naiwasan ang pagtulo ng kanyang laway.

Gumagawa na naman ng choking technique ang lalaki upang tapusin siya. At base sa nararamdaman niya sa katawan, mukhang hindi na nga talaga siya magtatagal kung wala pa siyang maiisip na paraan kung paano makakawala sa pagsakal nito.

Ngunit bago pa siya tuluyang mapuruhan, bigla na lang napaluhod ang lalaki at ininda ang pagsakit ng kabilang tuhod. Tila ngayon lang nito nararamdaman ang matinding pinsalang idinulot ng mga low kick niya rito.

Sadyang mapanganib ang low kick. Ito ang pinakadelikadong technique sa Muay Thai na puwedeng magdulot ng matindi o permanenteng pinsala sa kung sinuman. Marami nga ang nagsasabi na mas kinatatakutan pa raw ang epekto nito kaysa sa knockout na makukuha sa Boxing.

Gaya ng nangyayari ngayon kay Damulag. Akala nito'y balewala lang ang mga low kick na natanggap kanina dahil hindi iyon nagdulot agad ng sakit. Ngunit kung kailan nagtagal na ang laban nila, doon pa lang nito naramdaman ang tunay na epekto ng low kick dito.

Sa sobrang sakit ng mga paa nito, pakiramdam nito'y naputulan ito ng buto at hindi na maitayo ang tuhod na iyon. Nasilayan din nito ang pagbaluktot nito na parang pinalo ng kung anong napakabigat na puwersa.

Hindi na nakalaban si Damulag dahil sa labis na pananakit ng tuhod. Iyon ang ginamit na pagkakataon ni Makisig para baligtarin ang sitwasyon. Umakyat siya sa cage at muling itinaas ang kabilang siko.

Napatakib ng bibig sa takot si Nasser. Habang sina Andres at Dominick ay parehong napaatras sa kanilang kinauupuan.

Sa pag-angat ni Damulag sa ulo, nasilayan niya sa nagdidilim na paningin si Makisig na parang bulalakaw na unti-unting bumabagsak sa kanya!

At sa sumunod na eksena, maraming napasigaw at napapikit nang makita kung paano pumutok ang ilong ni Damulag sa pagtama ng siko ng lalaki! Kasabay niyon ang pagbagsak nito sa sahig.

Pagkatapos gamitin ni Makisig ang Jungle Punishment sa ilong nito, pumaibabaw pa siya sa lalaki at muli itong pinalamon ng sunod-sunod na suntok. Sa bawat hagupit ng kanyang kamao, unti-unting nawala sa ayos ang mukha ni Damulag. Para itong nilapa ng kung anong mabangis na hayop.

Nang makita iyon ng announcer ay hindi na nito pinatagal ang madugong sandali. Inawat na nito si Makisig at pinahinto ang laban. Naiwang duling ang mga mata ng lalaki at dislocated na ang hugis ng mukha!

Sa pagtayo niya, itinaas agad nito ang kanyang kamay. "Here is your winner, and still, the MFC Heavyweight Champion... Makisig! And the winning move, Jungle Punishment!"

Dumagundong ang buong venue na lubhang nagpabigat sa pakiramdam nina Nasser, Dominick at Andres. Hindi nila kinaya ang matinding energy ng mga tao. Napilitan silang mag-walk out agad dahil sa sobrang pagkadismaya.

"HOW is that even possible? Paano niya napataob nang ganoon kadali si Damulag?" bulalas ni Nasser sa mga kasama.

"I hate to say this but that jungle boy was indeed impressive!" wika ni Andres Po Jr. "Ngayon lang ako nakakita ng isang fighter na may matinding pain tolerance laban sa mga chokeholds, joint lock at takedowns. It never failed before! Ang mas nakakamangha pa, hindi lang niya ito nakontra laban sa pangkaraniwang BJJ fighter. Nakontra niya ito laban sa isang malaking bulas na tao gaya ni Damulag, na tatlong beses ang laki sa kanya. Sadyang kakaiba ang lakas ng batang ito!"

Tuluyang umusok ang ulo ni Dominick sa mga narinig. "Can you please stop praising that tarzan guy, coach? Parang mas bumibilib pa kayo sa kanya, eh, kaysa kay Pareng Damulag!"

"I'm just being neutral! Bilang isang master, kailangan kong maging patas sa mga bagay na ito. Dahil dito rin ako kukuha ng ideya at paraan kung paano ko bibigyan ng effective counter ang mga technique na 'yon! Mas lalong walang mangyayari kung ide-deny ko lang ang katotohanan at patuloy kayong pupurihin kahit talo naman! Sometimes, you just have to accept your own defeat to be stronger again!"

"Whatever! Umuwi na nga tayo! You just wasted my time here! Hindi n'yo na dapat ako sinama rito!" Sa inis ay nauna nang pumasok sa loob ng sasakyan si Dominick.

Umuwing luhaan ang tatlo. Habang si Damulag ay umuwing kritikal sa ospital!

TO BE CONTINUED...

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro