Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 5: Bagong Kalaban, Bagong Panganib

Kabanata 5: Bagong Kalaban, Bagong Panganib

MAGSASARA na ng bintana si Makisig nang mahagip niyang naglalakad sa gitna ng dilim si Ampo Sinag dala ang munting lampara nito. Agad niyang tinawag ang matanda na bahagya namang nagulat sa presensya niya.

"Ampo, saan po kayo pupunta? May lakad po kayo?"

Ngumiti naman ang matanda. "Ah, oo, Kael. M-may pupuntahan lamang akong personal na bagay."

"Gusto n'yo po bang samahan ko kayo? Masyado na pong madilim, ah."

"H-hindi na kailangan, anak. Kaya ko na 'to. Sandali lang ako."

"Sigurado po ba kayo?"

"Ayos lang ako, anak. Maraming salamat!"

"S-sige po. Mag-iingat na lang po kayo."

Ngumiti muli ang matanda at dali-daling umalis. May napansin siyang kakaiba sa mga ngiti nito na hindi niya maipaliwanag.

MAINGAT sa paglalakad si Ampo Sinag habang tinatahak ang madilim na paligid. Nang malagpasan na niya ang kakahuyan, doon bumungad ang baku-bakong daan patungo sa bayan.

Sa malayo pa lang ay may natanaw na siyang sasakyan at ilang kalalakihan. Nagmadali na siya sa paglalakad. Nang makalapit na sa mga ito, may isang lalaki na bumaba sa kotse at humarap sa kanya.

"Good evening, Tandang Sinag! Very good ka, ah! Hindi ka nagsama ng katribo mo," tumatawang bati sa kanya ng lalaking naka-Americana sa ilalim ng gabi. Nakapahapay ang buhok nito, makapal ang bigote, at may hawak na tobacco.

"M-magandang gabi, Don Agustus!" bati naman niya rito at nagyuko ng ulo habang pinipigilan ang pagnginig ng katawan.

"Mabuti naman at kilala mo pa ako. Akala ko nakalimutan mo na ang pangalan ko. Hindi ka pa naman siguro nag-uulyanin, ano? Alam mo pa kaya ang lahat ng napag-usapan natin?"

"Oo naman. Alam ko pa. Maraming salamat sa palugit na iyong binigay. Humihingi na rin sana ako ng pasensya dahil—"

"Alright! Let's get back into it!" pagpuputol ng lalaki saka iniabot sa tauhan nito ang hawak na tobacco. "Dalawang buwan na ang palugit na binigay ko. It was supposed to be two weeks! Pero dahil maganda ang mood ko that time, pinagbigyan kita sa hiling mo na dalawang buwang palugit. Siguro naman ay magandang balita ang sasabihin mo sa akin, hindi ba? I am hoping na ang gusto kong marinig mula sa 'yo ang lalabas sa bibig mo."

"Iyon na nga, eh. Humihingi ako ng pasensya sa susunod na mga ituturan ko..."

Doon pa lang ay nag-iba na ang timpla ng mukha ni Agustus. Halatang dismayado na agad ito.

Hindi na napigilang manginig ni Ampo Sinag. "P-pinag-isipan ko naman nang mabuti ito. Kaya lang, hindi ko talaga...H-hindi ko talaga kayang isuko ang buong lupain namin. Alam mo naman kung gaano kahalaga sa amin ang buong baryo na ito. Itong buong lupa na ito, p-parte ito lahat ng aming makulay na tradisyon at pagkatao! Labag sa aming batas ang ipamigay ito dahil malaking kasalanan iyon sa aming bathala!"

Nagsimula na namang tumalim ang anyo ng lalaki. "Ano ba'ng pakialam ko sa batas n'yo? Hindi na naman ba tayo nagkakaintindihan, Tandang Sinag? Nakalimutan mo na ba kung gaano kalaki ang offer ko? One hundred fucking million! Alam mo ba kung gaano kalaki 'yon? Puwedeng-puwede na kayong magbagong-buhay roon at bumili ng bago n'yong pagkatao!"

"Mawalang-galang na, Don Agustus! Ngunit hindi kayang tumbasan ng kahit anong halaga ang pagkatao at kultura naming mga Katawi. Siguro nga kaunti na lang kami. Pero bahagi pa rin kami ng kasaysayan! Ang mga ganitong bagay ay hindi kailanman nabibili ng pera!"

"Bakit ba masyado kang loyal d'yan sa religion n'yo? Baka nakakalimutan mo, tatlong daan na lang kayo rito! Sa tingin mo ba, magiging kawalan pa sa Pilipinas ang pagkawala n'yo sa mundo?"

"Kahit tatlong daan na lang kami sa mundo, hindi iyon dahilan para talikuran namin ang aming pinagmulan! Kultura at kasaysayan naming mga Katawi ang pinag-uusapan dito! Ang mga ganitong bagay ay hindi dapat tinatalikuran, bagkus ay dapat pang isalba hanggang sa susunod na henerasyon. At iyan ang pinagsisikapan naming gawin. Nais kong isalba sa pagkabura ang aming lahi. Sana'y maunawaan n'yo, Don Agustus. Paumanhin!"

"Oh, oh, oh! Huwag kang magdedesisyon agad. Pag-isipan mo munang mabuti!" asik sa kanya ng lalaki saka hinaplos ang kanyang mukha sa likod ng palad nito.

"Let me say this to you. There's no reason for all of you to stay in this kind of life. Kung talagang totoo 'yang bathala na sinasamba n'yo, bakit pakonti kayo nang pakonti sa mundo? Don't you think that it's a sign for you to change your path and make a new life? Wala nang naniniwala sa bathala n'yo. At kung patuloy kayong magkukulong sa makaluma n'yong paniniwala, wala nang magandang mangyayari sa inyo. Pasalamat nga kayo at ino-offer-an ko pa kayo ng ganito! Simple lang naman ang gusto ko, tanda. Ibigay mo lang sa akin ang lupain n'yo, at ako nang bahala sa mga buhay ninyo, sa magiging bagong tirahan n'yo. Maging praktikal ka naman! Lalo mo lang kinakawawa ang mga katribo mo sa ginagawa mong 'yan, eh!"

"Ikinalulungkot kong sabihin ngunit—" Napahinto si Ampo Sinag nang marinig ang kalabit ng baril na itinutok sa likod ng kanyang ulo.

"Ano, sasagot ka pa? Simple na nga lang ang hinihingi sa 'yo ng boss namin, hindi mo pa ibigay!" bulalas sa kanya ni Nasser.

"Pakiusap, Don Agustus. Huwag mo naman gawin ito! Hindi naman namin kailangan ng pera, eh. Ang gusto lang namin ay tahimik na pamumuhay. Parang awa mo na! Kung gusto mo, magtatrabaho na lang ako sa 'yo, kahit ano! Huwag mo lang galawin ang mga katribo ko at ang lupa namin."

Humagalpak ng tawa ang lalaki. "Ano naman ang magiging silbi mo sa akin? Huwag mong ibahin ang usapan, ah! Kailangan ko na ang desisyon mo ngayon! Hindi puwedeng mamaya, hindi puwedeng bukas, o sa makalawa. Kailangan ngayon! Kung hindi mo ibibigay ang gusto ko, pasensiyahan na lang tayo pero mauubos talaga kayo!"

Napilitan nang lumuhod si Ampo Sinag at hindi na itinago ang pagpatak ng mga luha. "Parang awa n'yo na... Huwag ang lupa namin... Huwag ang mga katribo ko... K-kung gusto mo, ako na lang... Ako na lang ang patayin n'yo!"

Humalakhak na naman ang lalaki. "Do you really think may mangyayaring milagro kapag namatay ka? Hoy! Walang himala! Tao lang ang gumagawa ng himala! Kayong mga Katawi lang ang patuloy na nagkukulong sa himala! Huwag kang umasa na kapag namatay ka, may guardian angel na bababa at magpoprotekta sa mga katribo mo! Ulol mo!" Bigla siyang dinuraan ng lalaki.

Lalong napaiyak si Ampo Sinag. Wala na siyang nagawa kundi ang magmakaawala na lang.

Sa huli, napagod din ang lalaki sa pakikipag-usap sa kanya. Nanindigan talaga siya na hindi ipagbibili ang buong lupa ng kanilang baryo. Bago ito bumalik ng kotse, may iniwan pang salita si Agustus sa kanya.

"Humanda ka sa mangyayari, Tanda. Bilang na ang mga araw n'yong lahat. Inubos mo na ang pasensiya ko! At kung babalakin n'yong tumakas, sasabog lahat ang katawan n'yo bago pa man kayo makalabas ng baryong ito. Gusto mong panindigan 'yang punyetang relihiyon n'yo, ah? Sige. Tingnan natin kung maililigtas kayo n'yan sa rupture na magaganap dito!"

Dumagundong ang kanyang dibdib sa mga narinig. Napilitan siyang tumayo para habulin ang lalaki ngunit mabilis na itong nakabalik ng kotse. Hindi na rin siya hinayaan ng mga tauhan na makalapit pa rito.

At nang sinubukan niyang magpumilit, itinulak pa siya ng tauhan nitong si Nasser na nauwi sa pagkabasag ng kanyang lampara. Wala na siyang nagawa nang tuluyang lumisan ang kotse.

"Mahabaging Bathala! Patawarin n'yo po ako!" Napaiyak na lamang siya sa isang tabi habang sapo ang mukha at yumuyugyog ang mga balikat sa labis na emosyon.

KASAMA ni Makisig si Ampo Sinag sa gubat habang nagbabanlaw siya ng katawan sa batis. Nasa palengke uli sina Luntian kaya hindi na naman natuloy ang pagsama nito sa kanya roon.

Sarap na sarap siya sa malamig na tubig ng batis. Ngayon lang uli siya nakaligo rito kaya kakaibang ginhawa ang naramdaman niya. Hindi naman alintana ng matandang kasama niya ang walang saplot niyang katawan.

Patuloy lang itong nagkukuwento sa kanya habang nakaupo sa isang malaking bato. Siya naman ay walang tigil sa pagbuhos ng tubig sa kanyang maskuladong katawan gamit ang bao na nagsisilbi niyang tabo.

"Masakit din naman sa akin iyon, pero nakasanayan ko na rin sa paglipas ng panahon. Ngayon, wala nang ibang nasa isip ko kundi ang pangalagaan kayong lahat," sabi pa ng matanda habang kinukuwento ang tungkol sa dati nitong asawa na nang-iwan at tinalikuran ang kanilang tribo.

"Ang hindi ko lang matanggap sa ginawa niya ay ang pagtalikod niya sa ating angkan. Tuluyan na niyang kinalimutan ang kanyang pinagmulan, isang bagay na kasuklam-suklam sa mata ni bathala," dagdag pa nito.

Patuloy pa rin sa pagbuhos ng tubig sa katawan si Makisig. "Siya na po ang gumuhit ng sarili niyang kapalaran, Ampo. Wala na po tayong magagawa roon."

"Ikaw ba, Lakoy? Ano pa ba ang iba mong binabalak sa buhay bukod sa iyong pakikipaglaban at pagiging bagong pinuno?" bigla ay nag-iba ang paksang pinakawalan nito.

Doon siya napalingon sa matanda. Pagkuwa'y ibinalik din sa luntiang tanawin ang paningin. "Wala na po akong ibang gustong gawin kundi alagaan ang ating mga katribo. Mas lalo pa akong magpapalakas para sa kanila, para maprotektahan ko sila, kayong lahat, Ampo."

"Wala ka bang balak mag-aral muli, Lakoy?"

Doon natigilan si Makisig. "Ano po?"

"Alam mo, beinte sais ka pa lang. Masyado ka pang bata para umako nang ganito kabigat na responsibilidad. Tahimik at payapa naman ang ating bayan. Wala kang dapat ipag-alala pagdating sa kapahamakan."

"Pero, Ampo, nakita n'yo naman siguro ang nangyari kay Rajana. Kamakailan lang ay muntik na siyang magahasa. Ganoong uri ng kapahamakan ang binabantayan ko at buong sikap na pipigilan. Bilang bagong pinuno ng Katawi, hindi ko na hahayaang may mangyari pang katulad niyon."

"Alam ko naman ang tungkol doon. Pero naisip ko lang din, masyado ka pang bata para manatili na lang dito habang buhay at gampanan ang iyong tungkulin. Hindi ko naman binabawi sa iyo ang posisyong ipinasa ko. Ang sa akin lang naman, huwag mo muna iyon masyadong pagtuunan ng pansin ngayon. Lingunin mo rin muna ang sarili mo, Makisig."

Napalingon ulit siya rito. "Ano po ang ibig n'yong sabihin do'n, Ampo?" aniya saka pumahiga sa umaagos na tubig at isinandal ang ulo sa isang bato.

"Gusto ko sanang maranasan mo rin ang buhay sa labas ng baryo, Lakoy. Gusto kong makapag-aral ka uli at makapagtapos gaya ng mga tagabayan. Marami sa mga kasamahan ko noon ang hindi nakapagtapos o nagkaroon ng disenteng edukasyon dahil sa kawalan ng suporta ng gobyerno. Mabuti na lang at sa panahon natin ngayon ay may dumating na kagaya ni Mayora Lena na pinag-aral ang mga bata rito nang libre. Sila ang magiging bagong pag-asa ng Katawi, kasama ka. Ayokong matulad kayo sa amin, na buong buhay ay ginugol lang dito sa baryo. Nasasayangan ako sa iyong lakas at talino. Naiiba ka sa lahat ng ating katribo. Gusto kong mapalawak mo pa ang iyong kaisipan at karanasan sa pamamagitan ng pakikipagsapalaran sa labas. Basta't huwag mo lang lagi kalilimutan si bathala na s'yang lumikha sa 'yo."

Napangiti na lang si Makisig. "May tamang panahon din po para d'yan, Ampo. Nakausap ko na rin noon si Mayor Lena tungkol d'yan. Balak din daw niya akong tulungan kung gustuhin ko mang makipagsapalaran sa labas. Basta magsabi lang daw ako sa kanya."

"Iyon naman pala, e. Bakit hindi mo pa gawin ngayon? Gaya ng sinabi ko kanina, hindi mo pa kailangang ibuhos ang buong atensyon mo sa pagiging pinuno. Pinasa ko lang naman sa iyo ang posisyon habang may lakas pa ako, para pagdating ng panahon ay nakahanda na ang lahat sa panibagong yugto ng ating angkan mula sa iyong pamumuno. Nasa mabuting kalagayan pa naman ang lahat sa ngayon. Gusto ko sarili mo muna ang isipin mo. Pagdating mo sa tamang edad, doon mo rin magagamit ang lahat ng iyong matututunan sa labas para maging mas mahusay na pinuno."

"Bilang dati naming pinuno at dakilang tagapayo, hindi ko po susuwayin ang mungkahi n'yo, Ampo. Sige po. Mag-aaral ako ulit. Kakausapin ko na si Mayor tungkol d'yan. Pero gusto ko sana 'yong sa malapit lang. Ayoko nang sobrang layo gaya sa Maynila. Para kahit papaano, makakauwi pa rin ako rito."

"Mabuti iyan, Lakoy. Ikaw na ang bahala. Basta ang gusto ko lang, maranasan mo ang lahat-lahat ng mga hindi namin naranasan noon. Sulitin mo muna ang iyong kabataan. Dahil balang araw, malaking pagbabago ang maidudulot n'yan sa 'yo. Mas lalo ka pang lalakas at magiging epektibong pinuno sa lahat."

Sa pagkakataong iyon ay tumayo na siya at kinuha ang kanyang tuwalya na nasa tabi ng matanda. "Tapos na po ako, Ampo. Uwi na tayo. Ihahatid na muna kita sa inyo."

Inalalayan niyang makatayo ang matanda. Saka niya ito hinawakan sa kabilang kamay at nagsimulang tahakin ang baku-bakong bahagi ng gubat.

Habang sila'y naglalakad, doon pa lang inilabas ni Ampo Sinag ang kanyang panlulumo. Bumagsak na naman ang mga balat niya sa mukha. Parang nais muling pumatak ng kanyang mga luha.

Kaya nga niya sinamahan dito si Makisig para masabi sa lalaki ang dapat nitong malaman. Pero sa hindi malamang dahilan, napanghinaan na naman siya ng loob. Sobrang natakot siya. Hindi niya alam kung saan at kung paano magsisimula.

Ilang beses niyang tinangka na magsalita kanina pero sa ibang paksa pa rin napupunta ang lumalabas sa bibig niya. Talagang umuurong ang kanyang dila. Nasayang lang tuloy ang pribadong oras nilang dalawa. Hindi na naman niya nasabi ang tunay na pakay niya. Natatakot kasi siya na baka lumikha iyon ng matinding panic sa lalaki pati na rin sa buong baryo.

Napabuntong-hininga na lamang ang matanda. "Bigyan n'yo po ng lakas ng loob, Bathala! Pakiusap!" anito sa isip habang paulit-ulit na sumusulyap sa lalaki.

SA BAWAT straight punch at roundhouse kick na pinakakawalan ni Makisig, nag-iiwan iyon ng bakas sa katawan ng matabang puno. Bagong ligo pa lang siya ngunit ito na agad ang inatupag niya. Kahit wala pa siyang bagong laban, hindi nawawala ang pag-eensayo sa araw-araw niyang gawain.

Naabutan pa siya ni Bagwis doon, na sa mga sandaling iyon ay pauwi na sana sa kanilang bahay. Hindi ito nag-atubiling lapitan siya.

"Tao ka pa ba, Padi?" Sa kanilang dialekto, ang ibig sabihin niyon ay pare o kaibigang lalaki. Madi naman kung sa babae.

"Ano sa tingin mo, Pading Bagwis?" sagot niya rito habang patuloy sa pagsuntok.

"Matapos mong ubusin 'yong mga punong saging dito, iyang matatabang mga puno naman ang pinag-eensayuhan mo. Buti hindi ka pa nababalian ng buto sa ginagawa mo?"

"Mababalian?" humalakhak siya sa mahinhing paraan. "Ito nga ang nagpapatigas ng buto ko, eh!"

"Nakakatakot ka na talaga maging kalaban! Buti na lang hindi tayo magkasinglapit ng timbang kaya hindi kita makakaharap kahit kailan," natatawa namang sabi nito.

Sinabayan na lang din niya ang tawa ng kaibigan. Pagkatapos ay mga tuhod at siko naman niya ang ginamit sa pag-atake sa puno. Sa sobrang bilis at pulido ng kanyang mga galaw, hindi na halos maproseso ng utak ni Bagwis ang pinapakawalan niyang mga atake.

Lalo tuloy namangha sa kanya ang kaibigan na tulad niya'y isa ring fighter sa MFC. Nasa welterweight class nga lang ito habang siya ay nasa heavyweight class kaya medyo malayo ang agwat nila.

Bukod sa kanilang dalawa, parehong mga fighter din sina Diego at Adan na nasa bandang ilalim naman ng middleweight class dahil hindi sila ganoon kaaktibo sa pakikipaglaban.

Sa kanilang apat, siya pa lang talaga ang nangunguna pagdating sa dami ng laban at panalo. Siya rin ang may pinakamalinis na record na wala pang talo kahit isa. Kaya naman ganoon na lang din kataas ang tingin sa kanya ng tatlo sa mundo ng MFC.

Isang lalaki na nakabisikleta ang huminto sa kanila at nag-abot ng sulat sa kanya. Galing daw iyon sa pamunuan ng MFC.

Agad siyang huminto at kinuha ang sulat. Ayon sa papel, may panibago raw challenger na dumating sa venue. Nagwawala raw ito at ayaw tumigil hangga't hindi siya nakikita.

Naalarma si Makisig sa nabasa. "Kailangan kong pumunta ngayon sa MFC."

"Huh? Bakit daw?"

"Mamaya na lang ulit, Padi! Kailangan nila ako roon!"

Nagulat ito sa bigla niyang pag-akyat sa puno. Naglulundag uli siya at kumapit sa mga baging para agad makarating sa plaza ng kanilang baryo kung nasaan ang mga kalesang bumibiyahe patungo sa bayan.

HINDI makapaniwala si Makisig sa nakita niya. Nagkalat sa paligid ang mga fighters na bali-bali ang mga buto habang nagsusumigaw sa pagdaing.

"A-ano'ng nangyari dito?"

Bigla siyang nilapitan ng isa sa mga staff na babae. "I'm glad you're here, Kael! Oh, God! Kung nakita mo lang kanina kung paano magwala 'yong lalaking 'yon!"

"Sino ba siya? Asan siya ngayon?"

"Mabuti at dumating ka na, pare!"

Napatakbo ang mga staff sa boses na dumagundong.

Isang malaking bulas na lalaki ang nakita niyang lumabas sa isang pinto. Naka-itim itong sando na halos mapunit na sa laki ng mga bisig nito. May nakapatong ding itim na panyo sa ulo nito. Ang kabilang mata nito ay may suot na white out contact lens.

"Ikaw si Makisig, tama?" Ngumisi ang lalaki. "Malaking bulas ka rin naman pala, eh! Ang problema, mas malaking bulas nga lang ako. Damulag nga pala! Ikinagagalak kong makilala ka."

Lumapit ito sa kanya. Halos triple nga ang laki nito. Bukod sa mas malaki ang katawan, mas matangkad din ito sa kanya. Nasa 7'3 ang height nito habang siya ay nasa 6'4 lamang.

Pati ang mga staff sa paligid ay nagulat nang makita kung gaano kalaki ang diperensya ng tangkad at katawan nilang dalawa.

"Hindi basehan ang laki ng katawan sa lakas na taglay ng tao. Saka sino ka ba? Bakit ka nanggugulo rito?"

Humalakhak ito na parang mababaliw. "Gusto ko 'yang mindset mo, Tarzan! Maganda nga naman sa pandinig 'yong kasabihan na hindi nasusukat sa laki ng katawan ang taglay na lakas. Pero ibang usapan na 'yon sa tunay na laban. Dahil kahit kailan, walang binatbat ang maliliit kumpara sa malalaki!" Lalo pa itong lumapit at halos idikit na ang mukha sa kanya.

Naka-angat lang ang ulo niya rito at walang bakas ng kahit anong takot sa kanyang mukha. "Ano ba ang gusto mong mangyari?"

Nagkibit-balikat ang lalaki. "Well, gusto ko lang naman ng one on one match, Tarzan! Gusto kong makita ang magiging reaksyon ng mga katribo mo habang winawasak kita sa harapan nila!" Saka nito ikinuyom ang dalawang kamao na nagpalitaw sa mga ugat nito sa kamay.

"Iyon lang naman pala, e. Hindi mo na kailangang saktan ang mga tao rito. Ako lang naman pala ang pakay mo."

"Oh! Nakalimutan ko nga palang sabihin sa 'yo, ganito talaga ako tuwing may taong hinahamon. Bigla akong sumusulpot sa mga balwarte nila nang walang pasabi. Gusto ko lang kasi ipakita kung ano ang kaya kong gawin, upang sa ganoon ay makapaghanda ka at hindi naman magmukhang kawawa sa aking harapan kapag naglaban na tayo."

Sinabayan na rin niya ang ngisi nito. "Tingnan na lang natin kung sino ang magiging kawawa sa ating dalawa!"

"Iyan ang gusto ko sa kalaban ko! Lalo mo tuloy akong pinakikilig, Tarzan Boy! Mag-ingat ka. Delikado ako kapag kinikilig. Nakakapatay ako ng tao!"

"Wala akong pake kahit diyos pa ang kaya mong patayin. Tinanggap ko ang hamon mo kaya huwag ka nang manggulo rito. Ibuhos mo na lang sa laban natin ang lahat ng galit mo, at huwag na huwag ka nang mandamay ng ibang tao rito!"

"Sige ba! Deal ako d'yan. Pero gusto ko, mamayang gabi na rin maganap ang laban natin!"

Bahagyang nabigla si Makisig. "Mamayang gabi?"

"Bakit, Tarzan! Natakot ka ba? Gusto mo bang bigyan pa kita ng kaunting panahon para makapag-practice?"

"Hinde!" madiing sagot niya rito. "Mamayang gabi, sige. Maglaban na tayo. Para matapos na agad 'to at makauwi ka na sa inyo."

Muling humalakhak ang lalaki saka humalukipkip. "Iyan ang gusto ko, iyong madaling kausap!"

"Basta siguraduhin mo lang na pagtapos ng laban natin, hindi ka na babalik at manggugulo rito!"

"Ahh, depende 'yan!" Saka ito pumitik ng dila. "Depende 'yan sa kung ano ang kalalabasan ng laban. Kung mapupuruhan mo ako, hindi na talaga ako makakabalik dito. Pero kapag gumaling pa ako, babalikan kita rito hanggang isa sa atin ang ganap na mapuruhan!"

Lalo pang umiinit ang tensyon sa pagitan nilang dalawa. Napalabas na tuloy ang ibang mga staff.

"Tingnan na lang natin mamaya kung sino ang mapupuruhan!"

Lalo pa itong humalakhak sa sinabi niyang iyon. Umalingawngaw sa buong paligid ang halakhak nito. Halos magbigay iyon ng kilabot sa mga fighters na dumadaing pa rin sa paligid.

Siya naman ay nanatili lang na kalmado at hindi pa rin tinatablan ng nagbabaga nitong aura at enerhiya.

"BOSS, akala ko ba sila ni Dominick ang maglalaban? Bakit naman si Damulag ang pinapunta n'yo roon?" pangungulit uli ni Nasser sa amo.

Tamang yosi pa rin si Agustus habang minamaneho ang kanyang yate. Ito ang nagsisilbing libangan niya tuwing bakante ang kanyang oras. "It's part of the plan, Nasser!"

"What kind of plan, boss?"

"Just wait and fucking see! Kailan ka ba titigil sa pagtatanong?"

Napaatras muli ang makulit na tauhan. "Sorry naman po!"

"Ikuha mo nga ako ng tubig at nauuhaw ako!"

"Saan po ako kukuha ng tubig?"

Napalingon siya rito nang wala sa oras. "D'yan sa dagat. Salukin mo sa baso! Dalian mong tumalon at nauuhaw na 'ko!"

"Ay, may bottled water pala kayo sa bag natin, boss. Doon na lang ako kukuha ng tubig!" Dali-daling umalis ang matanda at hindi na niya namalayan ang pagkatisod nito habang nakatutok pa rin siya sa pagmamaneho.

"KUMUSTA ka naman d'yan, Damulag? Ano'ng nangyari sa paghaharap n'yo kanina?" tanong kay Damulag ni Agustus. Napahinto siya sa pag-eensayo at naupo sa isang tabi.

"Sayang, bossing, at wala ka rito. Nakita mo sana kung paano ko siya tinakot sa sarili niyang balwarte," nakangisi niyang tugon dito.

"So, what happened to that jungle boy? Natakot ba siya?"

Napahalakhak siya. "Naku! Pinakilig lang naman niya ako kanina! Hindi man lang kasi siya tinablan ng pananakot ko, eh. Bagkus, sinagot-sagot pa niya ako! Talagang matapang ang Tarzan na ito at hindi niya hahayaang tapak-tapakan ang pagkatao niya. Kaya nga kulong-kulo ang dugo ko ngayon na baliin ang mga buto niya, eh! Para makita ng lahat kung paano madurog sa kanilang harapan ang kampeon nila. Excited na 'ko sa laban namin mamaya, bossing!"

"Mamaya na agad? Ang bilis naman yata? Akala ko sa susunod na mga araw pa?"

"Paano ba naman, masyado niya talaga akong pinakilig sa katapangan niya kanina! Kaya napaaga tuloy ang magiging laban namin dahil gustong-gusto ko na siyang wasakin!"

"Aba, kung ganoon, eh, hindi ako makakapunta d'yan. May meeting ako rito kasama ang mga sponsors ko. Sa inyo ni Nasser ko na muna ipagkakatiwala ang plano natin d'yan sa Katawi. Kailangan ko nang tutukan ang nalalapit na eleksyon!"

Bigla namang nagulat si Nasser nang marinig ang pangalan nito. "Ah, w-what? Ako ba? P-paano?"

Ibinaba na ni Agustus ang tawag. "Ikaw ang ipadadala ko roon para panoorin ang laban mamaya ni Damulag. Gusto ko isama mo rin si Domdom ko. Para makita niya kung paano lalabanan ng Makisig na 'yon ang isa pa nating champion."

Tumango agad si Nasser. "Sige ba! Walang problema, boss! So, pupunta kami ni Dominick doon?"

Pumait na naman ang mukha ng amo. "Ay hindi! Ilipat n'yo rito sa Maynila 'yung mapa ng Magnum City para dito na tayo manood. Kaya mo ba?"

"Ay, sabi ko nga po kami na ang pupunta roon!" ngumiti na lang ito at lumayo na uli sa amo bago pa masabugan ng umiinit nitong ulo.

TO BE CONTINUED...

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro