Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 25: Ang Panibagong Hari ng SFC

Kababata 25: Ang Panibagong Hari ng SFC

NAPATAKIP ng tainga ang tatlo sa biglang pagsigaw ni Stephany. Napalingon tuloy ang ibang estudyante sa kanila.

"Ano ka ba! Huwag ka ngang O.A! Baka masita pa tayo ng guard dito! May mga nag-aaral sa paligid, oh!" sita ni Medwin dito sabay tapik sa braso ng babae.

"Sorry naman! H-hindi lang kasi ako makapaniwala, eh! Seriously? Totoo ba 'yang sinabi n'yo? Natalo ni Kael si Carlo Harres ng USI? Oh my! Kael! The best ka talaga!" anito at biglang yumakap sa kanya.

Natawa siya. Ginantihan lang niya ng yakap ang babae at agad ding kumalas. "Salamat, Steph! Bukas pala, may title defense ako. Baka gusto mo ring sumama."

Muling sumigaw ang babae pero sa mahinang paraan na. "Oh my! Of course, my baby! Hindi ko palalampasin 'yan! This will be my first time to see you in action! I will cancel all my appointment for this!"

Nagtaas naman ng kabilang kilay si Jordz. "Appointment, appointment? Feeling CEO ang peg!"

May mga dumaang estudyante sa puwesto nila at bumati muli sa kanya. Sa totoo lang, kanina pa naiilang si Kael sa mga taong bigla na lang lumalapit sa kanya para bumati. Hindi niya akalaing ganoon pala ka-big deal sa mga ito ang pagkapanalo niya sa SFC.

Hindi na rin siya dapat nagtataka rito dahil ang SFC ay isa ring uri ng annihilation tournament, gaya ng MFC sa Magnum City. Ang pinagkaiba lang, puro mga estudyante ang naglalaban-laban dito.

Sa mga ganitong uri ng torneo, uso ang mga personalang laban kung saan puwedeng malagay sa alanganin ang buhay. Literal na buhay nila ang nakataya oras na tumapak sila sa loob ng ring. Dahil anumang araw o sandali, maaaring may masawi depende sa tindi ng labang magaganap.

PUMUTOK sa headline ang balita tungkol sa medical records ni President Benjamin. Nakasaad dito na dati siyang gumagamit ng droga ngunit pilit lang itong itinago ng pamilya niya. Maging si Benjamin mismo ay nagulat at nagtataka kung paano ito lumabas gayong naitago na nila ito nang mabuti sa loob ng ilang dekada.

Dahil dito, muli na namang pinagpiyestahan ang pangalan niya. Marami ang dismayado sa kanya. May mga rally pang nabuo sa EDSA kung saan pinapa-resign na siya sa kanyang posisyon.

Isang lalaki ang pinakitang nagsasalita sa harap ng rally. "Papayag ba kayo na magkaroon tayo ng adik na presidente! Bawal 'yan! Isang impeachable offense 'yan! Kaya nananawagan kami sa lahat ng ating kababayan! Gamitin natin ang ating kapangyarihan at karapatan! Patalsikin sa puwesto si Benjamin at ipalit sa kanya ang ating VP Daniella Corpuz! Hindi dapat tayo pumayag na pamunuan tayo ng isang drug user na presidente!"

Labis ang panlulumo ni Benjamin sa kanyang napanood. Hindi dahil sa sinabi nito sa kanya. Kundi dahil alam niya na ang lalaking iyon ay isa rin sa mga tagahanga ni Agustus Valentino. Kilala niya ito dahil ito ang sikat na vlogger na laging nagtatanggol kay Agustus tuwing may mga issues ito.

Kung dati, suportado rin ito sa kanya. Pero ngayon, tila nagpakilala na rin ito ng tunay na kulay.

Hindi niya alam kung makakalabas pa ba siya ng kanyang opisina sa mga oras na iyon. Sa labis na takot ay umurong na ang dila niya. Wala na siyang magawa kundi ang sumiksik sa kanyang upuan. Mukhang nag-umpisa na ngang magsabwatan sina Agustus at VP Daniella para pabagsakin siya.

Mga bandang hapon na iyon nang magdesisyon si Pangulong Benjamin na lumabas ng opisina. At sa harap mismo ng Malacanang, hinarap niya ang mga nagkakagulong reporter. Mayamaya lang, siya na ang mapapanood sa balita.

"Labis po akong humihingi ng tawad sa nangyari. Nandito po ako para sagutin ang lahat ng ibinabato sa akin ngayon. Hindi na po ako magpapaliguy-ligoy pa. Lahat po ng inyong napanood ay totoo. Dati po akong nakagamit ng ipinagbabawal na gamot. Inaamin ko po iyon. Pero may isang bagay na hindi sinabi ang mga balita sa inyo. Matagal na panahon na pong nangyari ito. Wala pa ako sa mundo ng politika noon. Isa pa lamang akong normal na mamamayan kagaya n'yo. At ang pagkakagamit ko noon ng bawal na gamot ay isa sa mga labis kong pinagsisisihan sa buong buhay ko. Alam kong mali ang nagawa ko. Kaya nga noong ipasok ako ng aking pamilya sa rehab, talagang sinikap kong mabago ang sarili ko. Mula nang makalabas ako, pinangako ko sa sarili ko na aayusin ko ang buhay ko at hindi na uulit kailanman sa mga pagkakamaling nagawa ko. Kaya sa lahat ng aking mga kababayan, lubos akong humihingi ng kapatawaran sa aking nagawa. Sana'y hindi ito maging daan para masira ang inyong tiwala sa akin, dahil ang isang nakaraan ay hindi na dapat binabalikan pa. Nandito ako para magsilbi sa inyong lahat, at wala akong ibang hangad kundi ang maganda at ligtas na buhay para sa lahat."

Hindi maawat ang halakhak nina Agustus at Nasser habang pinapanood iyon. "Kahit kailan talaga, masyadong paawa itong kaibigan ko, oh! Ayan kase! Polvoron pa!"

"Ang polvoron, kinakain! Hindi sinisinghot!" natatawa ring komento ni Nasser.

Patuloy nilang pinagtawanan ang pangulo habang lukot ang mukha nito sa harap ng camera.

Sa harap naman ng opisina, tahimik na nanonood si VP Daniella. Parang gusto na niyang matawa pero pinipigilan lang niya. Sa loob-loob niya, umaasa siya na sana mapatalsik na sa puwesto ang pangulo, dahil nagustuhan niya ang ideya ng mga tagahanga na siya ang dapat pumalit dito.

Pareho ring hindi nakaimik sina Senator Raiza at Lena habang sabay na pinapanood ang live na interview kay President Benjamin. Hindi nila alam kung ano ang mararamdaman para dito. Pareho nilang hindi kasundo ang lalaki dahil sa history ng pamilya nito. Pero hindi rin nila maiwasang maawa rito dahil batid nilang pinagkakaisahan na ito ng dati nitong mga kakampi, na walang iba kundi sina Agustus at VP Daniella.

MULING dinumog ng mga tao ang venue ng Star Fighters Club. Lahat ay nag-aabang sa pagdating ng bagong kampeon, hindi para suportahan, kundi para makita itong bumagsak. Hindi pa rin kasi tanggap ng karamihan ang pagkatalo ni Carlo Harres na naging kampeon nila sa loob ng dalawang taon.

Paglabas ng unang challenger, sinalubong ito ng magarbong sigawan mula sa iba't ibang universities na pumapanig sa USI.

Sadyang malaki ang impluwensya ng USI sa lahat. Sila lang naman kasi ang palaging nangunguna sa Men's Basketball at Women's Volleyball ng NAAP, pati na rin sa Heavyweight Division ng SFC. Kaya naman labis na naninibago ngayon ang mga tao sa katotohanang iba na ang kampeon sa SFC at isa pa itong baguhan sa komunidad.

Marami ang nabuhayan ng pag-asa nang makitang si Spencer Montalba ang lalaban sa bagong kampeon. Ito ang Taekwondo fighter ng USI na pumapangalawa kay Carlo Harres pagdating sa popularidad at dami ng panalo.

Kilala si Spencer sa napakapulidong mga sipa na kanyang pinakakawalan. Marami nga ang nangangarap na magkaroon ng mga hita na katulad niya dahil lubhang napakalakas niyon. Hindi ganoon ka-brutal ang Taekwondo kung ikukumpara sa mas delikadong martial arts gaya ng Boxing, Judo at Wrestling. Pero iba ang Taekwondo skills ni Spencer. Kaya nitong magpatumba ng kahit sinong boksingero at mambubuno gamit lang ang mga paa nito.

Lumundag-lundag ang lalaki habang nasa kabilang corner nito. Pagkatapos ay nagpakawala muli ito ng mga high kick at side kick na muling tinilian ng mga audience.

Sunod namang lumabas sa entrance ang defending champion na si Kael dala ang SFC Belt sa kanyang balikat. Gaya ng inaasahan, humina ang ingay ng mga tao, at ang natira lang na sumisigaw para sa kanya ay ang sarili niyang campus—mga taga-NSU.

Sa kanyang pag-akyat, kinuha na ng battle announcer ang belt sa kanya. Saka sila nagharap ni Spencer sa gitna ng ring. Ang matalim na titigan nilang dalawa ay muling lumikha ng magarbong ingay. Karamihan ay para kay Spencer.

"Alright people! Prepare yourself for this ultimate showdown! Kael Tarik of NSU versus Spencer Montalba of USI! Fight!"

Biglang lumipad ang paa ni Spencer at paikot na sumipa sa kanya. Sa sobrang bilis, nahagip nito ang kanyang mukha kahit nakayuko siya sa tamang oras. Sunod-sunod na sipa na ang pinakawalan nito pagkatapos niyon.

Sa sobrang bilis gumalaw ng mga paa nito, wala siyang nagawa kundi ang umatras. Sunod-sunod ang pagbitaw nito ng side kick sa bawat tagiliran niya. Ginamit niyang panangga ang kanyang mga siko habang patuloy sa pag-atras.

Nagsimula nang isigaw ng mga tao ang pangalan ni Spencer nang makitang medyo nahihirapan siyang sumabay rito. Iniisip ng mga ito na wala na siyang laban.

Oo, medyo nanibago siya noong una. Pero hindi iyon nagtagal. Dahil bago pa siya tuluyang lamunin ng lalaki, nagsimula na rin siyang magpakitang gilas ng kanyang mga opensa.

Hinintay niya ang muling paglipad ng mga paa ng lalaki, at nang dumating ang inaasahan niya, mabilis niya itong ikinulong sa kanyang tagiliran gamit ang kanyang braso. Saka niya ito buong lakas na binaluktot. Bahagyang napaigik doon ang lalaki.

Sumipa siya sa likod ng hita nito, pagkatapos ay buong lakas iyong hinila hanggang sa dumulas ang katawan nito patungo sa kanya. At nang maglapit ang kanilang distansya, pinalipad niya ang kamao sa mukha nito na tuluyang nagpatumba sa lalaki.

Kung gaano ito kabilis natumba, ganoon din kabilis huminto ang mga sigawan. Muling kinabahan ang lahat para dito. Habang ang mga taga-NSU ay nagsimula muling sumigaw para sa kanya. Kasama sa nanonood si Stephany na nakagitna muli sa mga barkada nitong lalaki.

"Go Kael! Paiyakin mo silang lahat ditooooo!"

Sa sobrang inis, hindi na napigilan ni Medwin na batukan ang babae. "Manahimik ka na nga lang!"

Lalo pang nagliyab ang tensyon sa pagitan ng dalawa. Mabilis na tumayo si Spencer at nagsagawa ng mga Taekwondo stance. Pagkatapos ay muli itong sumugod gamit ang ilan sa mga powerful kicks nito.

Umikot-ikot ang lalaki hanggang sa lumipad sa ere at nagsagawa ng 720 Kick. Mabilis na nakailag si Kael sa pamamagitan ng pag-bend sa kanyang likuran. Muli namang tumalon ang kalaban at sa pagkakataong ito, isang Whirl Kick ang pinakawalan nito patungo sa mukha niya.

Muli siyang yumuko at nakailag, pagkatapos ay mabilis siyang umikot palapit sa lalaki, saka niya pinagdikit ang dalawang kamao at sabay na pinadapo sa dibdib nito. Napaigik si Spencer at muling natumba. Napahagod pa ito sa dibdib habang habol ang hininga.

Siya naman ang humakbang-hakbang at naglabas ng iba't ibang stance. Hinintay lang niyang makatayo muli ang lalaki, pagkatapos ay siya naman ang sumugod dito gamit ang kombinasyon ng kanyang mga siko, tuhod, at kamao.

Hindi man ganoon kataas ang mga sipang pinakawalan niya, sobrang bigat naman ng mga impact na dinala niyon sa kalaban. Hindi na nakagawa ng kahit anong depensa si Spencer. Nilamon lahat nito ang mga atake niya na nagdala muli rito sa sahig.

Ngunit sa muli nitong pagbagsak, mabilis na gumalaw ang mga paa ng lalaki patungo sa kinatatayuan niya. Nagbabakasakali itong matatalisod siya at mawawalan ng balanse.

Mabuti na lang ay mabilis siyang nakatalon kaya hindi nito nasagi ang mga paa niya. At paglapag niya sa sahig, awtomatikong nag-split ang kanyang mga hita saka siya umikot ng isang beses. Kasabay ng kanyang pag-ikot ang paghagupit ng mga paa niya sa ulo at leeg ni Spencer.

Dumikit ang mukha nito sa sahig. Isang bagay na hindi nito matanggap. Kaya sa muli nilang pagtayo, umaapaw na ang matinding poot sa anyo ng lalaki. Parang nainsulto ang buong pagkatao nito.

Mas lalo pang naging agresibo si Spencer. Nagpakawala ito ng sunod-sunod na high kick, dalawang spinning back kick, sabay sipa sa tagiliran, front kick sa kaliwang paa, flying kick sa kanan, sabay talon at isang axe kick patungo sa ulo niya.

Lahat ng ito ay kanyang nailagan at sinalo gamit ang kanyang mga braso at siko. Nang maubusan na ito ng atake, siya naman ang nagpakitang gilas dito. Mabilis siyang tumalon at nilagpasan ang tangkad nito, saka niya pinadapo ang siko sa ulo nito.

Mabilis niyang sinundan iyon ng paikot na sipa sa sikmura nito, at nang mapayuko ang lalaki, muli siyang tumalon at pinadapo rito ang kabila niyang tuhod. Napaatras si Spencer hanggang sa mapasandal sa corner nito.

Ngunit mabilis din itong naka-recover at sumugod pang muli sa kanya.

Sinangga niya uli sa kanyang mga siko at braso ang bawat sip anito. At nang makahanap ng tiyempo, umikot siya paibaba hanggang sa makapasok sa distansya nito, saka siya nagsagawa ng uppercut punch patungo sa bibig nito.

Pagkaangat ng ulo ng lalaki, siya naman ang nagpakawala ng front kick na humagupit nang direkta sa mukha nito. Tuluyang nagdilim ang paningin ni Spencer. Lumagabag ang sahig sa tindi ng pagbagsak nito.

Ilang segundo lang, nawalan na ng ulirat ang lalaki. Hindi na ito nakabangon pa.

Masakit muli ang loob ng announcer na isinigaw ang pangalan niya. "The winner, Kael Tarik of NSU!"

Sinikap ng mga taga-NSU na basagin ang venue sa lakas ng sigaw nila. Natahimik naman ang mga nasa panig ni Spencer.

Ngunit hindi nagtagal, lumabas agad sa entrance ang susunod na challenger. Galing naman ito sa DMU (Don Michael University) na pumapangatlo sa pinakamalakas na unibersidad sa NAAP.

Kasing tangkad at kasing laki niya ang katawan ng lalaki. Malamig ang mga mata nito at halatang walang sinasanto. Muling nagsigawan ang mga estudyanteng hindi taga-NSU.

"The next fight, Kael Tarik of NSU versus Johnson Fury of DMU!"

Pagkaakyat ni Johnson Fury sa ring, agad itong nagsagawa ng Lethwei stance. Mas matalim ang mga titig na pinakawalan nito sa kanya.

Naging alerto agad si Kael. Alam niyang mas delikado ang kanyang kalaban dahil sa martial art na gamit nito. Hindi birong kalaban ang isang Lethwei fighter, lalo't ito lang din ang isa sa mga martial art na mabisang pangontra sa Muay Thai.

"Fight!"
Sa hudyat ng announcer, muli nang nagsimula ang laban. Agad nagpalitan ng opensa sina Kael at Johnson. Tuwing magkakabanggaan ang kanilang mga siko at kamao, lumilikha iyon ng mabibigat na tunog sa paligid. Hindi maiwasang mapapikit at mapangiwi ng mga tao. Pati sila ay tila ramdam ang sakit.

Ang palitan nila ng mga suntok ay nauwi sa clinch. Habang bihag nila ang katawan ng isa't isa, mabilis na tinadtad ni Kael ang sikmura ng lalaki sa kanyang tuhod. Iniyuko naman ng lalaki ang katawan para bawasan ang impact niyon. Pagkatapos ay bahagya itong tumulak at buong lakas na ibinangga ang ulo sa kanyang mukha.

Napaatras siya at muntik nang matumba. Dahil dito, hindi na niya nailagan ang mga sumunod na atake ng lalaki. Sunod-sunod ang pagdapo ng mga kamao nito hanggang sa mapasandal siya sa kanyang corner. At mula roon, mabilis siyang nilundagan ng lalaki. Sumampa ito sa mga lubid ng ring at muling inihampas ang ulo sa kanyang mukha!

Sa unang pagkakataon ay siya ang natumba. Halos umikot ang kanyang paningin sa lakas ng headbutt na ginawa nito. Pakiramdam niya'y naalog ang kanyang utak at kaluluwa.

Wala itong pinalagpas na pagkakataon. Binihag agad nito sa mga braso ang kanyang leeg hanggang sa puwersahan siyang mabuhat patayo. Ngunit bago pa nito magawa ang binabalak, tumalon siya nang pabaligtad hanggang sa mauwi sa suplex ang kanyang ginawa.

Sabay silang napaigik sa kanilang pagbagsak.

Sa muli nilang pagtayo, nagpalakasan naman sila ng sipa sa isa't isa. Ilang beses pa silang natumba sa ginawa niyang iyon. Napuruhan niya ang gilid ng binti, baywang at leeg nito. Ngunit di kalaunan, nabihag naman nito ang kanyang hita sa kabilang braso nito. Pagkatapos ay buong puwersa siya nitong itinumba sa sahig.

Subalit hindi siya nagpatinag. Agad niyang pinalipad ang kabilang hita sa ulo nito, saka siya pumatong sa katawan nito at pinaulanan ng kamao ang lalaki. Mabilis ding nakawala ang lalaki matapos siyang itulak sa mga paa nito.

Sa muli nilang pagtatagpo, mas bumigat pa ang mga opensa nila sa isa't isa. Napadugo nito ang kanyang bibig at ilong gamit ang mga siko at hampas ng ulo nito. Napatunog naman niya ang mga buto nito gamit ang kanyang mga tuhod at kamao.

Mabilis niyang pinalipad ang kamao sa bandang tagiliran nito. Agad nakaiwas ang lalaki sa pamamagitan ng pag-urong, saka muling ibinangga ang ulo nitong sing tigas ng martilyo sa kanyang sikmura.

Napabuga siyang muli ng dugo. Pero hindi siya agad sumuko. Habang nakayuko ang katawan ng lalaki sa kanya, mabilis niyang siniko ang likod nito na lumika ng matinding lagutok. Si Johnson Fury naman ang napadura ng dugo at unti-unting napaluhod.

Doon siya humakbang paatras at nagbalik sa kanyang puwesto. Pagkatapos ay mabilis siyang sumugod dito at tumalon sa padapang paraan. Itinaas niya ang dalawang siko at sabay na pinatama sa nakayuko nitong ulo.

Pumailalim ito sa kanya. Sa pagtayo niya, hindi na gumagalaw ang lalaki, nakaluhod lang ito pero ang ulo ay nakabagsak na sa sahig. Tila nawalan na rin ito ng malay.

Nang hindi pa rin ito gumalaw sa loob ng limang segundo, doon na tinapos ng announcer ang laban. "The winner, Kael Tarik of NSU!"

Mas lumakas pa ang sigaw ng mga ka-schoolmate niya. Habang ang kabilang panig naman ay muling natahimik.

"Man! Our champion is so unstoppable! Who wants to be next!" anunsyo ng announcer habang naghahanap ng panibagong challenger para sa kanya.

Ilang sandali pa, may umakyat muli sa ring. Ngunit hindi isa, hindi dalawa, kundi tatlong lalaki! Pati ang announcer ay nagulat. Nagsimula namang kabahan sina Dave para sa kanya. Agad siyang pinalibutan ng tatlong lalaki na nagmula sa iba't ibang unibersidad. Ang isa ay taga-USI, ang isa'y taga-DMU, habang ang isa ay taga-UN (University of the North).

Pero hindi pa rin siya nagpakita ng kahinaan.

Muli siyang naglabas ng iba't ibang Muay Thai stance saka isa-isang inilipat ang tingin sa mga ito.

Hindi na nila hinintay na magsalita ang announcer. Sabay na sumugod ang tatlo at walang awa siyang pinagtulungan. Walang nagawa si Kael kundi ang umilag at sanggain ang sunod-sunod na atake ng mga ito.

Nang makahanap ng tiyempo, umikot siya patungo sa likod ng unang lalaki at buong lakas itong sinipa hanggang sa matilapon palayo. Saka niya ikinulong sa braso ang kamao ng pangalawang lalaki at nagpakawala naman ng jab sa mukha ng pangatlong lalaki.

Bago pa makalapit muli ang unang lalaki sa kanya, nagsagawa na siya ng spinning back heel kick na muling nagpatilapon dito. Saka niya hinila palapit sa kanya ang pangalawang lalaki habang bihag pa rin ang kamay nito. Itinaas niya ang siko at parang martilyo na ipinukpok sa ulo nito!

Nang mapaluhod ito sa sahig, mabilis namang sumugod ang pangatlong lalaki at nagawang patamaan ng high kick ang kanyang mukha. Bigla namang sumipa ng napakalakas sa kanyang likod ang unang lalaki na nagpaluhod sa kanya sa sahig. Agad itong sumakal sa kanya at buong puwersang hinigpitan ang mga braso nito!

Habang sakal-sakal siya nito, ginamit niya ang buong puwersa ng katawan para ibalibag ito pabaligtad. Gulat na gulat ang unang lalaki sa ginawa niyang iyon. Napayuko na lang ito sa sahig habang iniinda ang paglagutok ng likod.

Muli namang sumugod ang pangatlong lalaki at nagtangka siyang sunggaban. Ngunit mabilis niyang napalipad ang kaliwang paa saka pinatama sa mukha nito. Pagkatapos ay tumalon siya at humakbang sa likod ng lalaking nakayuko sa sahig, saka niya pinadapo ang siko sa ulo ng pangatlong lalaki na iyon!

Lumagabag muli ang sahig sa tindi ng pagbagsak nito!

Mabilis na umikot ang paa ng pangalawang lalaki at sumipa sa kanyang likuran. Napaigik siya pero hindi nagpatinag. Nang maka-recover naman ang pangatlong lalaki, tumalon ito at minartilyo ang kanyang ulo gamit ang axe kick nito.

Doon siya muling napaluhod hanggang sa mapagtulungan sa ikalawang pagkakataon. Hindi na niya napigilan ang paghagupit ng kanilang opensa sa iba't ibang bahagi ng kanyang katawan. Sa bawat pagdapo ng kanilang kamao, nagtatalsikan sa ere ang maliliit na butil ng kanyang dugo!

Muli namang naka-recover ang unang lalaki at mabilis na sumugod sa kanya. Nagsagawa ito ng striking spear kung saan ibinunggo nito ang mga braso sa kanyang midsection hanggang sa mapatumba siya sa sahig.

Doon nito binihag ang kanan niyang hita at buong lakas na binaluktot. Pumuwesto naman ang pangalawang lalaki sa kanyang leeg at sinakal siya gamit ang mga kamay at paa nito. Habang ang pangatlong lalaki ay binihag ang kanan niyang braso at buong puwersa ring binaluktot.

Hindi na napigilang mapapikit nina Stephany at Jordz. Sina Medwin at Dave naman ay nagsusumikap pa ring isigaw ang kanyang pangalan para bigyan siya ng lakas ng loob.

Habang namimilipit sa sakit, bigla niyang pinatama ang kabila niyang hita sa ulo ng pangatlong lalaki. Nang mabitawan siya nito, doon lang niya sinipa ang dalawa pang lalaki hanggang sa lumuwag ang pagkakasakal sa leeg at braso niya.

Mabilis siyang nakatayo matapos makawala sa tatlo. Ngunit agad ding nakabangon ang mga ito at muli siyang pinalibutan. Sa pagkakataong ito, mas naging alerto na siya sa bawat galaw ng mga kaharap.

Suntok, ilag, sipa, yuko, tuhod, at ilag muli ang paulit-ulit niyang ginawa. Sinikap niyang ipadapo ang kanyang mga siko at kamao sa iba't ibang bahagi ng katawan ng tatlo habang patuloy pa rin sa pag-atake ang mga ito.

Nagsimula nang mag-iba ang tingin ng marami sa kanya. Kahit hindi siya gusto ng mga ito noong una, hindi nila maiwasang mamangha sa ginagawa niya. Ngayon lang sila nakakita ng kampeon na tatlong katao ang kinakalaban sa isang title defense match.

Mas binilisan pa ni Kael ang pagbalasa sa mga siko at kamao. Sa sobrang bilis niya, hindi na halos mapatama ng tatlo ang kanilang mga opensa sa kanya. Sinuntok niya ang isa, siniko niya ang pangalawa, at tinuhod naman ang pangatlo.

Nang mapaatras ang mga ito, doon siya lumukso at nag-split sa ere. Humagupit sa mukha ng dalawa ang magkabilang paa niya. Lumipad naman ang dalawa niyang kamao sa magkabilang pisngi ng natitirang lalaki.

Pagbagsak ng tatlo, umikot-ikot siya sa direksyon ng mga ito habang naglalabas ng iba't ibang stance. Inaabangan niya kung sino pa ang tatayo sa kanila para lumaban.

Nang wala nang gustong tumayo, doon na itinaas ng announcer ang kanyang kamay. "The winner, Kael Tarik of NSU! He successfully defended his title against five men today! What a f*cking man!"

Sa pagkakataong iyon, hindi na mga taga-NSU ang sumigaw para sa kanya, pati na rin ang iba pang mga universities na nag-aalangan sa kanya kanina. Sa wakas, nakuha rin niya ang tiwala ng marami.

Halos maglulundag sa tuwa sina Medwin at Jordz. Nahimatay naman sa sobrang saya si Stephany kaya binuhat na lang ng mga lalaki sa paligid. Si Dave naman ay muling lumapit sa kanya sa ring para yakapin at batiin siya.

Muli nang isinakbit ng announcer ang SFC Belt sa kanyang balikat. Saka nito ibinigay ang premyo niyang pera at isang malaking barya na may mukha ng dragon.

Hanggang sa kanilang paglabas, patuloy na pinagmamasdan ni Kael ang baryang iyon. "Para saan ba 'to?" mayamaya'y tanong niya kay Dave.

"Ang suwerte mo, pare! Nakuha mo agad ang Dragon Token sa unang defense mo!" sagot naman ni Dave sa kanya.

"Bakit, para saan ba ito?"

"Iyan ang pinakamataas na award sa SFC. Puwede mong gamitin iyan para mapasunod lahat ng universities."

"Ano?" naguguluhang sambit niya.

"Kung gusto mong gamitin ito, i-surrender mo lang ulit sa management ng SFC. Tapos bibigyan ka nila ng isang pagkakataon para pagharian lahat ng universities sa loob ng isang araw. Puwede mong gawin ang lahat ng gusto mo sa kanila. Lahat din ng iutos o hilingin mo, susundin nila!"

Larawan ng pagkamangha si Kael. "Talaga ba?"

"Oo naman! No'ng si Carlo Harres nga, ginamit niya ang Dragon Token para pasunurin lahat ng universities na mag-rally noon sa government. Kinalampag nila ang Malacanang! Kahit ang gobyerno walang nagawa sa puwersa nila. Sinasabi ko sa 'yo. Hindi biro iyang Dragon Token, p're."

"Wow, huh? Ang lupit naman pala nito! Tamang-tama! Ganito talaga ang premyong hinahanap ko!"

"Sinabi mo pa! Pero isang beses mo lang puwede gamitin 'yan. Kung gusto mo ulit makakuha ng Dragon Token, kailangan mong depensahan ng 20 na beses ang title mo. Dapat hindi ka matalo sa susunod na twenty fights mo."

Hindi na siya sumagot sa pagkakataong iyon. Dahil may naisip na naman siyang plano para sa Dragon Token na ito. Ano na naman kaya ang tumatakbo sa utak niya?

TO BE CONTINUED...

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro