Kabanata 2: Magarbong Pagdiriwang
Kabanata 2: Magarbong Pagdiriwang
SA MALAYO pa lang ay sinalubong na agad si Makisig ng mga katribo niya. Umaapaw ang kaligayahan ng lahat habang yumayakap at bumabati sa kanya. Sa sobrang dami nila, hindi na niya alam kung sino ang unang pasasalamatan.
Isang malaking pagdiriwang ang nagaganap tuwing uuwi siyang panalo. Gaya sa gabing iyon, muli siyang nagpakain sa buong tribo gamit ang perang napalanunan kaya maingay na naman ang lugar nila. Sinisigurado niya na laging busog ang mga katutubo sa bawat tagumpay niya.
Isang matanda ang lumapit sa kanya at humawak sa kanyang balikat. Saglit niyang tinalikuran ang mga tao sa paligid niya para kausapin ito.
"O, Ampa! Kanina ko pa po kayo hinihintay. Saan ba kayo nagpunta?" masaya niyang bati kay Ampa Khandifa at kinuha ang mga kamay nito saka siya nagmano nang payuko rito.
"Galing kasi kami sa kabilang bayan at may pinamili lang. Hindi ko akalaing may malaki na palang handaan dito. Siguro panalo ka na naman, ano?" Tumatawa nitong nilingon ang kasamang dalaga na si Luntian, ang matalik niyang kaibigan at kababata.
Ngumiti rin ang dalaga sa kanya.
"Ano pa po'ng hinihintay n'yo? Makisalo na rin po kayo sa kanila, Ampa!" sagot niya rito, ang ampa sa kanilang dialekto ay nangangahulugang lola.
"Sige, sige! Kakain na rin ako!"
Inalalayan niya sa paglalakad ang matanda hanggang sa makarating ito sa pinakamalapit na lamesa. Binalikan naman niya si Luntian na nakangiti pa rin sa kanya. Inayos niya ang nakataling mga halaman at bulaklak sa ulo nito saka ito ginantihan ng ngiti.
"O, Luntian, hindi ka ba sasabay kay Ampa?"
"Pagbati ulit sa 'yo, Makisig! Sayang at hindi ako nakapanood ng laban mo kanina. Kailangan kasi ni Ampa ng kasama dahil hindi na niya kayang bumiyahe mag-isa."
"Ano ka ba, walang problema do'n! Sige na, kumain ka na rin. Siguradong pagod n'yan kayo sa biyahe."
"Ikaw, kumusta ka naman? Halika! Gamutin muna kita sa loob?" Nagtangkang humawak ang dalaga sa mukha niya pero kinuha agad niya ang kamay nito.
"Hindi na kailangan 'yun. Kita mong wala naman akong sugat, oh. Hindi naman kasi ako nahirapan sa nakalaban ko kanina. Madali ko lang siyang napatumba."
"Gano'n ba? Sige. Sabi mo, eh." Ngumiti muli ang babae at pumuwesto na rin sa tabi ng Ampa nito.
May mga katribo pa siyang dumating at sinalubong sa daan. Hinatid niya ang mga ito sa bakanteng mga puwesto at isa-isang inasikaso. Sinigurado niya na kumpleto na ang lahat bago siya nagbalik kina Luntian para makisabay.
ISANG leon ang umuungol habang kinakalampag ang malaking puno. Ang ingay na nililikha nito ang nagpagising kay Makisig. Nakatagilid pa siya nang paghiga sa mga oras na iyon. Pagmulat niya ng mata, ang MFC Championship Belt na nakasabit sa gilid niya ang agad na bumungad sa kanya.
Medyo mababaw pa ang umaga nang bumangon siya at humarap sa salamin. Pinagmasdan niya ang sarili at buong siglang inunat ang maskuladong katawan.
Tulad ng tradisyunal na kasuotan ng mga kalalakihan doon, isang maikling bahag lang din ang kanyang suot na yari sa manipis na tela. Kulay-kape iyon na umaabot lamang ng limang pulgada sa harap at mas pinaikli ang likod.
Kinuha niya ang kanyang mga alahas at isa-isang isinuot sa katawan, kabilang na rito ang kuwintas na may palawit ng pangil ng buwaya, ang bakal niyang pulseras na kasing kulay ng kanyang bahag, at ang pares ng hikaw na hugis balang yari sa kahoy.
Sinuklay din niya sa kamay ang kanyang buhok na umaabot hanggang braso. Makintab ito, maalon-alon at may patulis na teksturang nagbibigay ng mas kakaibang dating dito.
Itinaas na niya ang kawayang bintana. Bumungad sa kanya ang ilang mga katribo na naghahanda nang pumunta sa bayan para maghanapbuhay. Bumati pa ang mga ito sa kanya nang makita siya. Isang matamis na pagbati rin ang itinugon niya sa mga ito.
"Magandang umaga sa lahat!" masiglang bati ni Makisig sa lahat ng nagdaraan. "Nawa'y maging masagana ang araw na ito sa inyong lahat! Sa awa ni bathala!" Nakasanayan na niyang gawin ito tuwing magigising sa umaga.
Nagsisilbi na nga ring alarm clock ang pagbati niya sa ibang mga tao. Tuwing sasapit ang ganitong oras, alam na ng lahat na magbubukas na siya ng bintana para sumigaw ng pagbati sa lahat.
Mayamaya ay lumabas na siya ng kanyang kubo at tumalon patungo sa baba. Nasa itaas ng isang malaking puno ang munting kubo niya. Sakto lang ang laki niyon para sa isang tao. Karamihan naman ng mga gamit niya kabilang na sa pagluluto ay nasa baba na lang.
Sinalubong niya ang alagang hayop na kanina pa kumakalampag sa kanyang puno. Isa itong dambuhalang leon na limang talampakan ang laki at walong talampakan ang haba. Ito ang kanina pa lumilikha ng ingay para lang gisingin siya.
Umatungal agad ito nang masilayan siya. Tuwang-tuwa naman si Makisig nang lundagan siya nito hanggang sa bumagsak siya sa lupa. Saka siya dinila-dilaan nito at iginuyod pa ang ulo sa kanyang dibdib.
"Bakit ngayon ka lang bumalik, Matias? Dalawang araw kang nawala, ah. May nililigawan ka na ba?" biro pa niya rito habang hinahagod-hagod ang mabalahibo nitong ulo.
Lalo pang pumatong ang leon at patuloy na naglambing. Palibhasa wala itong kaalam-alam kung gaano ito kabigat kaya ganoon na lang kung patungan nito ang tao.
Balewala naman iyon kay Makisig. Sanay na siya sa bigat ng sariling alaga. Marami na siyang nahawakan at nakalaban na mas mabigat pa rito. Natutuwa lang talaga siya sa leon na ito dahil sa kabila ng pagiging dambuhala ay hindi niya akalaing mapapaamo pa niya ito.
Nagsimula ang kanilang kuwento noong matagpuan niya itong sugatan sa gubat. Hindi siya nag-atubiling tulungan ito at kupkupin. Ilang araw din siyang hindi natulog noon sa kanyang kubo para lang tabihan ang leon sa ilalim ng kanyang puno.
At hanggang sa paggaling nito, patuloy itong nanirahan sa kanya at hindi na umalis. Ilang beses na rin niya itong hinatid sa gubat kung saan niya ito nakita. Ngunit patuloy pa ring bumabalik sa bahay niya ang leon.
Doon niya ito naisipang alagaan at bigyan ng pangalan.
Isang tunay na kaibigan ang turin niya kay Matias. Kinakausap din niya ito na parang tao. At kahit hindi nakapagsasalita ang leon, tila nauunawaan din nito ang bawat emosyon na pinakakawalan niya.
Nagagamit pa nga niya minsan si Matias sa paglalakbay at nakakaintindi rin ito sa mga sign language at kakaibang huni na nililikha niya. Tila pareho silang nagkakaintindihan sa damdamin ng isa't isa kahit magkaibang uri sila ng nilalang.
Nahinto lang ang kanilang lambingan nang marinig ang boses ni Luntian. Agad niya itong nilingon habang kapatong pa rin ang dambuhalang leon.
"O, Luntian! Buti at hindi mo kinalimutang magising nang maaga?" Nakita niyang may hawak na dalawang nakatuping sako ang babae.
"Pupuwede ba naman 'yon? E, lagi nating ginagawa ito kada mananalo ka. Kaya halika na habang maaga pa! Mamaya marami nang tao sa palengke n'yan."
"Sige. Lapit ka muna rito."
"Ayoko nga! Ikaw na lang ang lumapit dito. Hihintayin kita."
Natawa si Makisig. "Bakit? Hanggang ngayon ba natatakot ka pa rin kay Matias? Ito naman, parang hindi mo rin siya kalambingan noong maliit pa. Halika na kasi!"
"Huwag mo akong pilitin, Makisig. Ayoko nga! Ikaw na lang ang pumunta rito bago pa 'ko magtampo sa 'yo," seryoso ngunit nakangiting sagot ng babae.
Humagalpak siya at inutusan na ang alaga na umalis sa harapan niya. Tumayo agad siya at hinagod-hagod muli ang ulo ni Matias bago ito iniwan doon.
Kinuha niya saglit ang malalaking basket na nakasabit sa isang sanga ng kanyang puno at nilapitan si Luntian. "Handa ka na ba?"
"Kanina pa!"
"Si Ampa?"
"Tulog pa siya. Napuyat kagabi sa pagdiriwang, eh."
"Sige, tara na!"
Sabay na silang naglakad ng babae. Sunod-sunod naman ang pagbati sa kanila ng mga taong nakakasalubong nila sa daan.
Patungo sila sa palengke sa bayan para mamili ng mga bigas, pagkain, groceries, at iba pang pangangailangan ng kanilang mga katribo sa pang araw-araw.
Bukod sa malalaking handaan, sa ganito rin niya ibinubuhos ang napapalanunang premyo para makapagbigay ng tulong sa lahat ng katribo niya.
Si Luntian ang lagi niyang kasama sa pamamalengke pati sa paghahatid ng mga ayuda sa bawat kabahayan. Mahigit tatlong daan na lamang silang mga Katawi roon. Ganoon karami ang inaambunan niya ng tulong kada mananalo sa bawat laban niya.
Dahil dito, halos wala nang natitira lagi sa kanya. Pero wala siyang panghihinayang sa loob dahil simula pa man, ang pagtulong na talaga sa kanyang tribo ang isa sa mga dahilan kaya niya ito ginagawa, bukod sa hilig talaga niya ang martial arts at combat sports. Wala siyang ibang pangarap kundi maiparanas sa mga kauri ang makabagong pagkain at pamumuhay sa bayan.
Sa kalagitnaan ng paglalakad, nasalubong ni Makisig ang kakilalang matanda na si Ampa Andora na nag-iigib ng mga tubig. Nakita niya ang dalawang malalaking balde na pinupuno nito sa isang poso.
"Ampa! Sa inyo po ba itong mga balde?"
Nagulat naman sa tuwa ang matanda nang masilayan siya. "Oh, Kael! Nariyan ka pala! Oo, sa akin ito. Gagamitin ko sa pagligo mamaya at paghugas ng mga pinggan."
"Mukhang ang dami po n'yan, ah. Paano n'yo po madadala 'yan?"
"Ah, manghihingi na lang ako ng tulong sa mga dadaan mamaya."
"Naku, sige po. Ako na'ng bahala sa inyo." Siya na ang nag-igib sa huling balde nito at siya na rin ang nagbuhat sa mga iyon.
Hindi tuloy naiwasang mag-alala ng matanda sa kanya. "Hindi ka ba nahihirapan d'yan, Lakoy?" Sa kanilang dialekto, ang ibig sabihin ng lakoy ay hijo.
"Ayos lang po ako, Ampa. Dalawa lang naman ito, eh."
"Ampa, sisiw lang po kay Makisig 'yan. Hindi nga marunong mabigatan 'yan, eh," tumatawa namang singit ni Luntian.
Pagkatapos nilang maihatid sa bahay ng matanda ang mga balde nito, dumukot pa si Ampa Andora ng barya sa kanyang bulsa pero hindi na iyon tinanggap ni Makisig.
"Ano ba kayo, Ampa. Hindi na ho kailangan 'yan. Maliit na bagay lang po ito."
"Pero, Kael, masyadong mabibigat 'yong mga binuhat mo. Naabala pa tuloy kita sa lakad n'yo ni Luntian."
"Hindi po abala iyon, Ampa. Kaya sige na po, itago n'yo na 'yan. Mamaya pagbalik ko, maghahatid uli kami ng ayuda sa inyong lahat."
"Talaga ba? Naku, maraming salamat talaga, Kael! Oo nga pala. Kapapanalo mo lang ulit kagabi kaya may paayuda ka na naman. Salamat at hindi mo pa rin ako nakakalimutang hatiran, Lakoy!"
"Paano ko naman po kayo makakalimutan? E, kayo lang naman ang tumatawag sa akin dito ng totoong pangalan ko," biro pa niya na ikinatawa naman ng matanda.
Lumapit na rin si Luntian dito. "Sige po, Ampa. Aalis na muna kami. Babalik kami mamaya dala ang mga ayuda ninyo."
"Maraming salamat sa inyo! Pagpalain pa nawa kayo ni bathala!"
Tatlong oras ang inabot nina Makisig at Luntian sa bayan. Doon na rin kasi nila binalot ang kanilang mga pinamili para mamaya ay ipamimigay na lang.
Pagbalik sa baryo, magkasama silang naghatid ng mga ayuda sa bawat kabahayan. Tatlong malalaking plastic bag na punong-puno ng pagkain at mahahalagang kagamitan ang laman niyon. Inabot pa sila ng takipsilim sa daan bago natapos sa pamamahagi.
"Ugh, nakakapagod ang araw na ito, ah? Pero masaya naman dahil nakatulong uli tayo," sabi niya habang tinatahak na nila ang madamong lupa patungo sa tirahan nina Luntian.
"Kailan naman ang susunod na laban mo n'yan?" pag-iiba sa kanya ng babae habang inaayos ang mga halaman at bulaklak na nakasabit sa ulo nito.
"Depende kung kailan uli magkakaroon ng bagong challenger."
"Hindi ka ba natatakot minsan na matalo?"
Nag-iba ang ngiti ni Makisig sa narinig. "Bakit naman ako matatakot?"
"Halos lahat kasi ng mga tao rito, lalong-lalo na sa bayan ay masyado nang mataas ang tingin sa 'yo. Ang layo na rin ng narating mo. Paano kung isang araw, bigla kang matalo? Hindi ka ba natatakot sa sasabihin ng iba? Na baka mabawasan ang bilib nila sa 'yo?"
Natawa lang doon si Makisig. "Hindi ko naman iniisip 'yon. Ang lagi lang nasa isip ko ay 'yung karangalang madadala ko rito pati 'yung premyong makukuha ko. Hindi lang naman kasi para sa 'kin 'yun, eh, kundi para din sa mga katutubo. Para may pagkain ang lahat at walang magugutom."
"Pero hindi ba masakit sa pakiramdam 'yon? 'Yung ilang taon mong pinaghirapan ang lahat ng panalo mo, tapos isang araw bigla ka na lang matatalo?"
Natawa na naman si Makisig. "Alam mo, hindi pa ipinapanganak sa mundo ang taong makakatalo sa akin. At kung ipanganak man siya, siguradong matanda na 'ko no'n kaya hindi ko na siya makakalaban.
Sabay pa silang natawa roon.
"Ikaw talaga! Alam mo minsan, parang ako na ang natatakot para sa 'yo, eh," anito at bahagyang iniangat ang ulo para pagmasdan ang makulimlim na kalangitan.
"Bakit naman? Dahil baka mabawasan ang paghanga sa 'kin ng mga tao? Mag-iba ang tingin nila? Alam mo, kahit matalo pa 'ko balang araw, hindi iyon ang katapusan ng mundo. Wala akong pake sa magiging opinyon ng iba. Mas mahalaga sa akin 'yong dahilan kung bakit ko ginagawa 'to. Hindi ko isusuko ang lahat nang dahil lang sa isang pagkatalo."
Napangiti na rin si Luntian. Naisipan nitong huwag nang magtanong nang ganoon dahil may tiwala naman ito sa kaibigan. Batid nitong malakas si Makisig at walang makakatalo rito.
PAGKATAPOS nilang magpaikot-ikot habang naka-grappling stance, agad nakahanap ng tiyempo si Dominick Valentino para lundagan ang kalaban at mabilis na ikinulong sa kanyang mga paa ang leeg nito.
Pagkatapos nilang matumba sa sahig, agad siyang nagsagawa ng arm triangle choke dito kung saan ibinalot niya sa leeg ng kalaban ang kanyang braso kasama ang sarili nitong braso habang naka-mount position.
Ilang segundo lang, nag-tap out agad sa asul na sahig ang kalaban. Mabilis niya itong pinakawalan saka tumayo at nilasap ang malakas na palakpakan ng mga kapwa practitioner.
Tuwang-tuwa sa kanya si Agustus. "Good job, Domdom! You're just getting better and better. Soon, you're going to hold a black belt in no time!"
"Thank you, Dad!" sagot niya sabay pagpag sa kanyang Gi uniform na binubuo ng heavy cotton jacket at reinforced drawstring pants na may kasamang brown belt.
"So, what do you think, Andres? Ready na ba ang anak ko para kalabanin ang champion ng Kukatawi?"
Tumango naman dito ang coach ni Dominick na si Andres Po Jr. "Certainly! With that powerful takedowns and reflexes, Dominick can definitely dominate that jungle guy. I already taught him a lot of advanced grappling techniques that he can utilize against a powerful striker."
"Wow! I cannot wait!" biglang singit ni Nasser na nasa likuran nila. "Kailan naman ang laban nila, boss?"
Nilingon ito ni Agustus. "Very soon, Nasser. Very soon!"
"Just remember, Dominick. Put your enemies on the ground as fast as you can. That's the only way you can finish a fight in a matter of seconds. Alam kong gasgas na ito pero paulit-ulit kong ipapaalala sa 'yo," ani Andres sa kanya.
"Don't worry, coach! I know what to do. Napanood na namin ni Papa kung paano lumaban ang taong 'yon. I can already sense his weakness! His striking powers are maybe unbeatable, but it will be a different story when it comes to ground fighting!" confident na turan ng lalaki.
"Pero hindi pa rin natin alam kung anong klaseng martial art ang ginagamit niya!" pakli ulit ni Nasser. "Ang taas kaya ng mga talon niya! Parang taong gubat talaga. Tapos kaya rin niyang magpatulog gamit lang ang siko niya! Ano kaya 'yon?"
"Nah! He's just basically using Muay Thai!" sambit agad ni Dominick. "Ikaw na lang yata ang hindi nakakaalam doon, Nasser. Ang dami ko nang tinalo na mga boxers at muay thai fighters na naka-specialized sa striking. He's no different to them at all. Kahit gaano pa siya kalakas sumuntok o sumipa, hindi na siya makakalaban oras na makulong ko siya sa lupa. It's either magta-tap out siya o mababalian siya ng buto. Right, Dad?"
"I couldn't agree more!" sagot naman ni Agustus. "Brazilian Jiu-Jitsu is the perfect counter against a striker. And my Domdom is the perfect candidate for that! Boxing? Muay Thai? Karate? All of them has the weakest defense on the ground. So, this would be a sure win for my Domdom!"
Muling nagpalakpakan ang mga kapwa practitioner na nakikinuod sa kanyang ensayo. Siya ang kasalukuyang kampeon ngayon sa lahat ng Judo at BJJ tournament sa bansa. Lahat ay mataas ang tingin sa kanya.
Noong nakaraang taon lang, pinasok na rin niya ang mundo ng MMA kung saan marami siyang napataob na mga boxers at strikers gamit lang ang mga grappling techniques niya. Wala nang ibang puwedeng humigit sa kanya pagdating sa ground fighting.
Lalo na't ang Judo at Brazilian Jiu-Jitsu pa naman ang isa pinakamabisang pantapat sa mga martial arts na naka-focus sa striking. "Prepare to lose, jungle boy! I am about to destroy you!"
HABANG abala ang lahat sa kani-kanilang mga gawain, walang kamalay-malay ang mga Katawi sa pagdating ng isang truck sa gubat ng kanilang baryo. Limang mga armadong lalaki ang bumaba roon at tila ininspeksyon ang paligid.
"Nandito na kami, boss."
"Ano'ng lagay n'yo d'yan?" tanong ng lalaki sa kabilang linya na nakasuot ng pormal na uniporme.
"Kapag ganitong oras, halos nasa bayan lahat ang mga Katawi kaya tahimk na tahimik dito. Walang makakakita," sabi ng tauhan sa kausap nito sa cellphone.
"Good. Time to do your job and make it quick!"
"Yes, boss. Magiging madali lang ito." Ibinaba na ng tauhan ang tawag pagkatapos niyon. Saka nila patagong itinanim ang mga dala nilang bomba sa iba't ibang panig ng paligid!
Habang patago na nagtatrabaho ang mga armadong lalaki roon, isang matanda naman ang nakatanaw sa kanila sa di kalayuan. Sindak na sindak ang matandang si Ampo Sinag habang pinagmamasdan ang mga bombang itinatanim ng mga ito.
"Mahabaging Bathala! Tulungan n'yo po kami. Huwag n'yo sana hayaang mangyari ulit ang nangyari noon sa aming tribo. Ayoko nang malagas pa kaming muli!" Agad din siyang tumakas at patagong tumakbo bago pa may makakita sa kanya roon.
HINGAL na hingal na pumasok si Nasser sa opisina. "Boss, andito na sila! Ang dami nila! Diyos ko!" Napahagod pa ito sa dibdib at naupo sa isang sofa.
"Alright! Tell them to wait in the lobby. I am coming!"
Maging si Agustus ay nagulat nang makita na sa labas ang mga reporter na naghihintay sa kanya. Pagkalabas pa lang niya sa pinto, dinumog na agad siya ng mga tao. Nahirapan pa ang dalawang security na kasama niya sa pag-awat sa mga ito.
Medyo kumalma lang sila nang itaas niya ang mga kamay at sumenyas na lumayo nang kaunti sa kanya. Pero sa dami ng tanong nila, hindi na niya alam kung ano ang uunahing sagutin.
"Sir Agustus, kailan pa po kayo nakabalik sa Pinas?"
Humarap siya sa reporter na iyon. "Actually, I've been here for more than three months now. I'm just taking a rest and preserving my privacy. But now, I am ready for all of you!"
"Ano po ang nararamdaman n'yo ngayon?" tanong naman ng isa.
"I'm good! I feel better! I feel wonderful!" ganadong sagot niya.
"Ano po ang masasabi n'yo sa mga ipinatong na kaso sa inyo no'ng nakaraang administrasyon?" biglang singit ng isa.
"Totoo po ba na kaya kayo nagtago ng ilang dekada sa ibang bansa ay para takasan ang mga kaso n'yo rito?" singit naman ng isa pa.
Ngumiti lang siya sa propesyunal na paraan. "Well, kung talagang totoo ang mga paratang nila sa akin, matagal na sana akong napakulong. Besides, kaya kami pumunta sa America para protektahan ang anak ko. Siya na lang ang natitira kong pamilya. Kaming dalawa na lang ang magkasama. I will do everything to protect him. Dahil sa mga paratang na binabato nila sa akin, hindi mabilang na death threats ang natatanggap ko at ng anak ko. Ayokong madamay siya rito."
"Sir, ano naman ang plano n'yo ngayong nakabalik na kayo ng Pinas?"
"Well, malinis ang kunsensya ko. Wala akong ginagawang masama. There's no reason for me to hide anymore. That's why I'm here to run again. This time, nais ko munang paglingkuran ang bayan kung saan ako nagmula. I will be running for Mayor in Magnum City!"
Mas lalong umingay ang paligid sa sinabi niyang iyon. Hindi maiwasang malukot ng mukha ni Nasser sa naging sagot ng amo roon. Habang si Agustus naman ay patuloy lang na nakangiti habang palipat-lipat nang tingin sa mga tao.
Mabilis ding kumalat sa headline ang naturang interview. Maraming natuwa. May ilan din namang hindi. Kabilang na rito ang kasalukuyang Mayor ng Magnum City na si Lena Robedino.
Halos hindi maipinta ang mukha nito sa balitang iyon. Pati ang assistant nitong si Shirlie ay hindi makapaniwala sa biglaang pagbabalik ng taong matagal nang kinasusuklaman sa bansa.
Ang tanging natutuwa lang sa balitang iyon ay ang panatiko ng mga Valentino na handang ipagtanggol ang sinasamba nilang pulitiko kahit anong sakuna pa ang mangyari.
"What? Nakabalik na pala sila rito? Ang kapal naman ng mukha nila! At ang lakas ng loob, huh?" komento ni Shirlie habang nakatayo ito sa likuran ng amo.
Hindi naman maiwasang mag-alala ni Lena. "Ano na naman kaya ang balak ng taong ito? Bakit siya nagbalik dito?"
TO BE CONTINUED...
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro